Lunes, Oktubre 29, 2018

Kwento - Pagbabalik ng Taliba, pagbabalik sa Taliba


PAGBABALIK NG TALIBA, PAGBABALIK SA TALIBA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Higit isang dekada na rin nang mawala ako bilang staff ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong Marso 2008, at nakabalik lamang sa KPML nang mahalal na sekretaryo heneral nito noong Setyembre 16, 2018.

Kaya nang mahalal ako’y agad kong sinabi kay Ka Pedring Fadrigon, ang pambansang pangulo ng KPML, na muli kaming maglabas ng dyaryo ng KPML, ang Taliba ng Maralita.

“Sige, Greg, ilathala muli natin ang Taliba ng Maralita,” ani Ka Pedring, “ikaw naman ang dating gumagawa niyan. Ikaw na humawak diyan.”

“Okay po, mas maganda po kung may kolum kayo, Ka Pedring.” Sabi ko, na sinang-ayunan naman niya.

Kaya isinama na namin sa plano ang paglalathala ng Taliba. Kung noon ay isang beses kada tatlong buwan, o apat na isyu ng Taliba kada taon, ang balak ko ay isang beses sa isang buwan upang labingdalawang isyu ng Taliba sa loob ng isang taon. Palagay ko’y kaya naman dahil sa dami ng paksang matatalakay at dami ng laban at isyung kinakaharap ang maralita.

Ang kasanayan ko bilang manunulat mula sa kampus o sa kolehiyo bilang editor ng pahayagan ng mag-aaral, hanggang sa paglalabas ng dalawang isyu ng magasing Maypagasa ng Sanlakas, hanggang sa pagsusulat at pagle-layout ng pahayagang Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), hanggang sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM), marami na rin akong karanasan bilang isang dyarista. Bukod pa ang hilig sa pagkatha ng maikling kwento at tula, alamat at pabula, at marahil sa mga susunod na panahon ay maging isang ganap na nobelista. Nais kong kumatha ng nobelang ang bida ay ang uring manggagawa. O mas pinatatampok ay ang kolektibong pagkilos ng sambayanan.

Isang maramdaming tagpo para sa akin ang ipahawak sa akin muli ang pagsusulat at paglalathala ng Taliba ng Maralita, dahil natigil na ang paglalathala ng Maypagasa, Obrero at Ang Masa, at tanging ang Taliba ng Maralita na lamang ang aking pinagsusulatan sa ngayon kaya sabi ko sa sarili ko, paghuhusayin ko ang pagsusulat dito.

Isa sa mga maikling kwentong nalathala ko sa Taliba ay ilang ulit nang nilathala sa dyaryo. Pinamagatan iyong “Ang Ugat ng Kahirapan”. Una iyong nalathala sa nalathala sa Taliba ng Maralita sa isyu ng Hulyo-Setyembre 2003, na higit labinglimang taon na rin ang nakararaan. Nalathala rin iyon sa pahayagang Obrero ng BMP, bandang 2007 o 2008 (wala na akong sipi niyon), sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM) noong Oktubre 2011, at sa muling paglathala ng Taliba nitong Setyembre 2018, sa nakaraang isyu lang.

Ang una ngang Taliba ng Maralita na ginawa ko ay ang isyung Abril-Hunyo 2001, ilang buwan matapos paslangin si Ka Popoy Lagman, na dating pangulo ng BMP. Ang pagtalakay sa kanya ng isang tagasugid na tagahanga ay nalathala sa Philippine Daily Inquirer noong Pebrero  14, 2001, na isinalin ko sa wikang Filipino, at siyang tampok na balita sa isyung iyon. Sa pahina 4 din ng isyung iyon ay isinulat ko naman ang talambuhay ni Ka Popoy Lagman.

Malaking bagay na nakabalik ako sa Taliba ng Maralita, dahil nga wala na akong pinagsusulatang pahayagan sa kasalukuyan, dahil hindi na rin sila nagtuloy. At dito sa Taliba, bilang bagong sekretaryo heneral ng KPML, ay pag-iigihan ko na ang bawat pagsusulat ng sanaysay, pahayag ng KPML, pananaliksik ng mga balita’t batas hinggil sa isyu ng maralita, maikling kwento at tula. Kaya asahan ninyo ang aking pagsisikap upang mapabuti ang ating munting pahayagan ng maralita.

Baka rito sa Taliba ng Maralita ko masulat ang pangarap kong nobelang naiisip kong sulatin, isang nobelang hinggil sa maralita, manggagawa, mga api, at pinagsasamantalahan sa lipunan. Nobelang kakampi ng masa para sa karapatang pantao at panlipunang hustisya.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre 2018, pahina 18-19.

Lunes, Marso 19, 2018

Ang kahalagahan ng Jr sa aming pangalan

ANG KAHALAGAHAN NG JR SA AMING PANGALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang mahahalagang sertipiko buhat sa magkaibang aktibidad ang aking natanggap kung saan may kulang sa aking pangalan. Pakiramdam ko, hindi para sa akin ang mga sertipikong iyon kundi para sa aking ama, papa, o tatay. Dahil pangalan niya ang naroroon, at hindi pangalan ko. Gayong ako ang dumalo at hindi siya.

Wala kasing Jr sa dulo ng pangalan.

Tingnan ang apat na sertipikong inilakip ko rito. Ang dalawa ay walang Jr habang ang dalawa naman ay kumpleto ang pangalan, pagkat may Jr. Iyung walang Jr ay para sa aking ama, at hindi sa akin. Kung para sa akin iyon ay bakit walang Jr sa dulo, gayong may Jr naman nang isinulat ko sa attendance sheet ang aking pangalan, at ipinangrehistro ko sa email. Iyong isa ay may middle initial na iba sa aking ama, kaya tiyak hindi siya iyon, at hindi rin ako iyon, dahil walang Jr. Sino iyon?

Ipinagmamalaki kong Junior ako ng tatay ko. Gayunman, ang ibang taong nangangasiwa ng mga plake o sertipiko ay kinaliligtaan na lang ang Jr pagkat marahil ay naaasiwa silang makitang may karugtong pa ang aming pangalan, at nagkakasya na lang sa given name at given family name. Kaya nga, paano ko ngayon ipagmamalaki na kumuha ako ng ganito't ganuong seminar, kung hindi mapapagkamalang ama ko ang kumuha niyon?

Nuong una'y nakalimutan ding itipa ang Jr sa aking marriage contract. Buti na lamang at nahabol ko sa panahon ng wedding seminar pitong araw bago ang kasal. 

Tiyak na magkakaproblema tayo sa mga dokumento kung makakaligtaan ng mga gumagawa ng sertipiko ang buo nating pangalan, at sa kaso ko'y babalewalain lamang ang Jr sa pangalan. Halimbawa, kukuha ako ng dokumento sa isang ahensya ng gobyerno, halimbawa sa usapin ng palupa. Pag walang nakitang Jr, aakalain na ng kausap ko na hindi ako iyon kundi ang aking ama. Tatanungin ng mga mabubusisi, "Bakit walang Jr ito? Tatay mo yata ito. Papirmahan mo sa tatay mo." Gayong wala namang kinalaman ang tatay ko sa transaksyon ko.

Sa paggawa ko nga ng aking biodata, resume, o CV (curriculum vitae), inilalagay ko ang buo kong pangalan. Paano kaya kung nakapasa ako sa bar exam, tapos, nakalagay ay Gregorio Bituin lamang at walang Jr. Ang tanong ko, may iba pa bang Gregorio Bituin na nag-eksam o ako lamang? Paano kung igiit kong nakapasa ako, tapos may biglang dumating na Gregorio Bituin din, at siya ang nakapasa sa bar at hindi ako? Marami akong kilalang kapangalan ng tatay ko, kahit na kakaunti lamang sa tingin ko ang may apelyidong Bituin sa buong bansa. Kapangalan ng tatay ko ang kababata ko sa Sariaya, Quezon, ang tiyuhin kong engineer sa Tuy, Batangas, ang lolo kong pinsan ni Tatang, ang dalawang binata sa facebook, gayon din sa kamag-anak sa Pampanga at Mindoro, Davao at Zamboanga, at marahil ay may iba pa sa probinsya. Mayroon din sa facebook na kapangalan ko at may Jr sa dulo. May nag-upload nga ng tula ko sa Bicol dahil akala nila, ako ay alumni ng kanilang pamantasan.

Para bagang balewala sa iba at palamuti lamang ang Jr sa pangalan, at maaari na lamang tanggalin ng basta-basta. Wala sanang problema kung hindi nakakaapekto sa mga dokumento.

Iyan din ang dahilan nang isulat ko ang artikulong "Ang Makaluma Kong Pangalan" ilang taon na ang nakararaan, kung saan sinabi kong ayaw kong magkaroon ng "Gregorio III" para sa aking anak, kundi may unique siyang pangalan. Baka makalimutan din ang "III" at magkalituhan. Sa artikulong iyon, sinalaysay kong nawalan na ako ng isang magandang oportunidad nang tumawag ang isang kaibigang babae sa bahay, at sinagot ng aking nakababatang kapatid ng "Sinong Greg?" kaya ibinaba na ng aking kaibigan ang telepono sa pag-aakalang wrong number. Ang kapatid ko namang nakasagot, si Greg Vergel, ay nagtanong lang kung sino sa aming tatlong Greg ang kakausapin: ang tatay ko, ako, o siya. Kaya ilang araw makalipas ay nagkita kami ng aking kaibigang babae, ang akala niya ay na-wrong number siya. Kaya nagpaliwanag pa ako sa kanya.

Kaya ang Jr ay di dapat kalimutang ikabit sa aming mga pangalan, dahil iyon ang buo naming pangalan. Iyon kami. Iyon ang aming identidad. Huwag ding kalimutan yaong may "III", "IV", "V", atbp. Sa babae naman, mayroong may "Ma." sa unahang pangalan nila. Identidad namin ang nawawala pag tinanggal ang mga iyon sa aming pangalan.

Sa mga hindi nakalimot ilagay ng tama ang aming buong pangalan sa mga sertipiko, marami pong salamat. Mabuhay kayo!

Nawa'y hindi na maulit ang ganitong karanasan, at tiyakin ng mga gumagawa ng plake o sertipiko na kumpleto ang aming mga pangalang ilalagay doon, at hindi na makakaligtaan pang ilagay ang Jr.