Sabado, Disyembre 14, 2019

Ang awiting "Isang Kahig, Isang Tuka"

ANG AWITING "ISANG KAHIG, ISANG TUKA"
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Inilarawan ng awiting "Isang Kahig, Isang Tuka" ni Freddie Aguilar ang buhay ng isang dukha. Halina't tunghayan natin ang awit:

Ako ay isang anak mahirap
Lagi na lang akong nagsusumikap
Ang buhay ko'y walang sigla
Puro na lang dusa
Paano na ngayon ang buhay ko

Sa akin ay walang tumatanggap
Mababa raw ang aking pinag-aralan
Grade one lang ang inabot ko
No read, no write pa ko
Paano na ngayon ang buhay ko

Koro:
Isang kahig, isang tuka
Ganyan kaming mga dukha
Isang kahig, isang tuka
Ganyan kaming mga dukha

Itinulad sa manok na isang kahig, isang tuka, ang buhay ng maralita. Gayuman, maganda ang liriko ng awit pagkat naglalarawan ng buhay. Siya'y anak-mahirap na laging nagsusumikap, subalit pulos dusa ang kanyang nararanasan. Walang tumanggap sa trabaho, dahil mababa ang pinag-aralan. Grade one lang ang inabot, gayong lagi siyang nagsusumikap. Tila patama naman ang liriko ng awiting "Doon Lang" ni Nonoy Zuñiga, nang simulan niya ang awitin sa:
"Kung natapos ko ang aking pag-aaral
Disin sana'y mayron na akong dangal..."

Siyang tunay. Sa panahong ito'y mas pinakikinggan ka pag ikaw ay may pinag-aralan, at mas pinahahalagahan ang pagkatao mo. Subalit kinikilala lang ba ang dangal kung ikaw ay may pinag-aralan? Igagalang ka lang ba dahil nakasuot ka ng barong o necktie?

Sabi nga ng isang tatay, hindi mo kasalanan ang ikaw ay maging mahirap. Kasalanan mo pag namatay kang mahirap. Kaya ang iba ay nagsusumikap makaahon sa kahirapan. Subalit hindi lahat ng mahirap ay nagnanais magbago ang buhay, tamad, palainom.

Sa totoo lang, ang kahirapan ay di lang dahil ipinanganak kang mahirap, kundi may mga nagpapahirap, may nag-aangkin ng yaman ng lipunan na dapat ay para sa lahat. Kailangan nating baguhin ang bulok na sistema ng lipunan. Maging aktibo tayo sa pagbabago ng ating kalagayan, at pagpawi ng pribadong pag-aaring dahilan ng kahirapan sa lipunan.

* Ang sanaysay na ito'y nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2019, p. 15.

Huwebes, Setyembre 12, 2019

Ang dalawang makatang nagngangalang Emily

ANG DALAWANG MAKATANG NAGNGANGALANG EMILY
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nakabili ako ng aklat ng koleksyon ng mga tula ni Emily Bronte nitong Hunyo 7, 2019 sa Full Booked sa Cubao, sa halagang P80.00 lang, sa pag-aakalang ang nabili kong aklat ay ang sikat na si Emily Dickinson. Hindi pala siya iyon, kundi si Emily Bronte.

Kaya natuwa ako nang makita ko sa Book Sale sa panulukan ng Pedro Gil St., at Leon Guinto st. sa Malate, Maynila, ang aklat ng koleksyon ng mga tula ni Emily Dickinson noong Setyembre 8, 2019 sa halagang P85.00 lamang.

Dalawang Emily. Dalawang babae. Dalawang makata. Kapwa may koleksyon ng kani-kanyang mga tula. Ang isa ay mula sa Inglatera at ang isa naman ay mula sa Amerika. Punumpuno ng emosyon ang karamihan sa kanilang mga tula. Matalinghaga.

Si Emily Bronte ay makata at nobelistang nagsulat ng natatangi niyang nobelang Wuthering Heights. Ang kanyang kapatid na si Charlotte Bronte naman ang nagsulat ng nobelang Jane Eyre, at ang isa pa niyang kapatid, si Anne, ang nagsulat naman ng nobelang Agnes Grey.

Nalathala naman ang mga aklat ng tula ni Emily Dickinson mula nang siya'y mamatay. Ayon sa mga tala, nalathala ang wala pang dalawampung tula niya noong nabubuhay pa siya. At nang mamatay siya ay saka natagpuan ng kanyang kapatid na si Lavinia ang kanyang mga nakatagong maraming bulto ng tula.

Inilathala ng Penguin Classics ang koleksyon ng mga tula ni Emily Bronte sa aklat na The Night is Darkening Round Me, subalit walang pagtalakay sa buhay ng makata. Kaya kinailangan ko pang magsaliksik sa internet hinggil sa kanyang talambuhay

Inilathala naman ng Orion Publishing Group sa seryeng Everyman's Poetry ang koleksyon ng mga tula ni Emily Dickinson na ang kanyang pangalan ang mismong pamagat ng aklat. Umabot ng 20 pahina ang pagtalakay sa kanyang buhay, na tinilad sa apat na paksa: (a) Note on the Author and Editor; (b) Chronology of Dickinson's Life and Times; (c) Introduction; at (d) A Note on this Text.

Klasiko nang maituturing ang kanilang mga tula, at marahil ay matatagpuan na ang mga ito sa mga aklatan sa iba't ibang panig ng daigdig.

Sa panig ko naman, naging ugali ko nang mangolekta ng mga aklat ng mga tula ng iba't ibang makata, Filipino man o tagaibang bayan. Ito'y bilang pagsuporta sa kanilang mga tula at pagbibigay-pugay sa mga kapwa makata. 

Kaya bagamat di sapat ang salapi sa bulsa ay ibinili ko ng aklat, pagkat bihira nang matagpuan ang kanilang mga aklat sa ating bansa. Collectors' item ang mga ito, ika nga. Marahil sa internet na lang makikita ang mga likha nila, subalit ang magkaroon ka ng nalathalang aklat nila ay talaga namang kakaiba ang pakiramdam. Naamoy mo ang papel, at nadarama mo ang kanilang mga pangungusap, wala mang kuryente o internet. Kaya tiniyak kong madagdag sa aking lagakang aklat o munting aklatan ang mga hiyas ng diwa ng dalawang Emily.

Isinilang si Emily Bronte noong Hulyo 30, 1818 at namatay sa edad na 30 taon noong Disyembre 19, 1848. Isinilang naman si Emily Dickinson noong Disyembre 10, 1830 at namatay sa edad na 55 noong Mayo 15, 1886.

Sanggunian
aklat na Emily Dickinson, serye 38 ng Everynan's Poetry
https://www.poetryfoundation.org/poets/emily-bronte
https://www.poetryfoundation.org/poets/emily-dickinson
https://en.wikipedia.org/wiki/Emily_Bront%C3%AB
https://en.wikipedia.org/wiki/Emily_Dickinson





Biyernes, Mayo 3, 2019

Kwentong cabbage at ang wikang Filipino

KWENTONG CABBAGE AT ANG WIKANG FILIPINO
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Inaamin ko, hindi ko kabisado ang ilang katawagan sa wkang Ingles. Ito marahil ay dahil wala ako sa Britanya o sa Amerika. Nasa Pilipinas ako na gamit ang sariling wika. Wikang tila binabalewala ng iba dahil mas nais pa nilang gamitin ang wikang Ingles, o wikang dayuhan, kahit may katumbas naman sa sariling wika.

Matagal nang nangyari ang kwentong ito, na nais kong balikan ngayon. Minsan, sa isang pulong, pinabili ako ng isang kasama, na mula sa ibang lalawigan, dahil kulang ng sahog ang kanyang iluluto. Nagpabili siya ng cabbage, akala ko imported na gulay. Para bang Baguio beans na nagmula sa Baguio o French beans na galing sa France o tanim ng mga Pranses, kaya ganoon ang tawag. Cabbage. Kasintunog ng pangalan ng matematikong si Charles Babbage.

Kaya sa palengke ay nagtanung-tanong ako ng cabbage. Kahit kaharap ko na ang iba pang gulay tulad ng okra, talong, talbos ng kamote, repolyo, kamatis, bawang, puso ng saging, at marami pang iba. Paikot-ikot ako sa palengke. Hanggang sa tanungin ako ng isang tindera. "Ano pong hanap nyo?" Sagot ko, "Cabbage po." Tanong niya, "Ilan po bang cabbage?" habang hawak ang repolyo.

Tangna! Repolyo lang pala iyon! Nakita ko na kanina pa ang repolyo, kasama ng singkamas, talong, sigarilyas at mani, sitaw, bataw, patani. Kaya nang bumalik ako sa pulong, sinabihan ko yung nagpabili, "Repolyo lang pala ang pinabibili mo, pinahirapan mo pa ako. Pa-cabbage-cabbage ka pa! Sana, sinabi mong repolyo ang pinabibili mo." Pilipino naman ang kausap ko, na pinagbigyan ko sa hiling niyang pakibili.

Isa pang kwento, na malaki ang agwat ng panahon sa unang kwento. Pinabili ako ng squash. Hindi ko rin alam kung ano iyon. Baka mapahiya muli ako sa aking sarili. Kaya dali-dali kong tiningnan sa diksyunaryo. Tangna muli! Kalabasa lang pala. Ang problema, ini-Ingles pa kasi.

Naalala ko lang uli ang kwentong itong nangyari mahigit dalawang dekada na ang nakararaan. Dahil paalis si Misis pauwi sa kanila upang doon bumoto. Ibinilin niya sa akin ang laman ng ref, na mga gulay na pwede kong kainin habang nasa lalawigan siya. Ayon sa kanya, "Mayroong cucumber, egg plant, at french beans sa ref". Yaong dalawa, mukhang imported na gulay dahil Ingles, habang ang egg plant, na talong, ay madali kong naunawaan. Iyon pala, pipino ang cucumber at yung french beans ay kibal o malinggit na sitaw. Yaong sitaw naman ay string beans sa Ingles.

Bakit hindi natin salitain ang sarili nating salita, hindi yung pa-Ingles-Ingles pa. Talong lang, sasabihin pang eggplant. Nasa ibang bansa ba tayo? Pipino lang, sasabihin pang cucumber. Repolyo, sasabihin pang cabbage! Mababang uri na ba ng tao ang nagsasalita ng wikang Filipino? Wikang bakya ba ang wikang Filipino? Wikang pangkatulong lang ba o wikang alipin ang wikang Filipino?

Ang problema sa ating bansa, dahil sa impluwensya ng mga Kano, mahilig inglesin ang mga katawagan, habang hindi ginagamit ang ating mga taal na salita. Kaya nagkakaroon ng kalituhan. Kailangan ko yatang bumalik sa Grade 4 upang matuto muling mag-Ingles, at maulit ang karanasan ko noong Grade 4 kami. Bawal magsalita sa wikang Filipino, dahil pagbabayarin ka ng guro mo. May multa, ika nga. Noong panahong iyon ay malaki pa ang halaga ng piso. Pag pinabili nga ako ng dalawang pisong pandesal, dalawampu at malalaki ang laman.

Gaano nga ba natin pinahahalagahan ang ating sariling wika? Mismong sarili nating wika ay hindi natin alam. O ayaw nating alamin at gamitin. Malala na, grabe na itong nangyayari sa atin. Na-impluwensyahan ng mga konyo, na akala'y Ingles ang wika ng mayaman, ng sosyal, ng mga sikat na personalidad sa lipunan. At pag nagsalita ka ng wikang Filipino sa bansang Pilipinas ay mababa na ang uri mo.

Hindi mababa ang uri ng nagsasalita ng wikang Filipino. Ito ay wika natin sa ating bansa. Kaya sana ay pahalagahan natin. Huwag sana tayong mahirati sa wika ng dayuhan.

Lunes, Abril 29, 2019

Kwento - Mungkahi sa mga SK bilang mga susunod na lider ng bansa


MUNGKAHI SA MGA SK BILANG MGA SUSUNOD NA LIDER NG BANSA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Tila natatandaan kong sinabi noon ni Guingona na dapat mawala ang Sangguniang Kabataan o SK, kung hindi ako nagkakamali. Sinabi nga niya noon na ang mga kabataang tinedyer pa lamang ay hindi pa angkop upang maghawak ng mga responsibilidad sa pananalapi, lalo na’t may badyet na ibinibigay sa kanila.” Ani Igme sa isang huntahan dahil ang kanyang anak na si Isidro ay nais tumakbo sa SK bilang opisyal.

Dagdag naman ni Inggo, na kanyang kumpare, “Aba’y may balita nga noong nais hilingin ni Elections Commissioner Lucenito Tagle sa Kongreso na i-abolish ang SK dahil ito ay naging lunsaran ng mga political dynasty  at katiwalian.”

“Alam n’yo po ba na noong Agosto 2016 ay naisabatas na po ang bagong batas hinggil sa SK, ang Republic Act 10472, hinggil sa reporma sa SK, tulad ng hindi dapat galing sa pamilya ng pulitiko ang mga tumatakbo sa SK. Nangyayari po kasi noon, pag tatay ay meyor, ang nanay ay kongresista, ang anak naman po ay nasa SK. Binasa ko po ang batas na iyon dahil tatakbo ako sa SK.” Sabat ni Isidro na katabi ng ama.

Sumabat si Iska, na siyang natitinda sa karinderyang kinauupuan ng mga nag-uusap. “Palagay ko, hindi kasi alam ng mga senador at kongresista noon anong tamang gawin sa mga batang nais maglingkod sa bayan. Tingin nila’y mga batang pulitiko ang mga SK.”

Si Igor naman na kanina pa nakikinig ay nagsalita rin. “Ayaw kasi ng mga pulitikong iyan na matuto ang mga batang pulitiko na maging matino. Dapat binibigyan sila ng mga pag-aaral sa batang edad pa lang nila, pag naging SK na sila, hinggil sa papel ng mga kabataan sa mga nangyayari sa ating paligid. Pag naupo na sila sa SK, dapat bigyan agad sila ng mga pag-aaral, tulad ng Basic First Aid training upang makatulong na agad sila sa pamayanan, ipaunawa sa kanila ano ba ang karapatang pantao, pagsasanay hinggil sa disaster risk reduction, kung sakaling may pandemya muli o mga sakuna, tulad ng lindol at baha. Ano ang climate crisis, climate emergency, at anong dapat nating gawin? Higit sa lahat ay ang kolektibong pamumuno, iba ang lider sa boss, at ang code of conduct of public officials, upang hindi sila maging corrupt, lalo na’t may badyet ang mga kabataan para sa iba’t ibang aktibidad.”

“Iyan pa ang sinasabi ko,” ani Ines, “pulos basketball at paliga lang ang alam namin sa SK. Aba’y dapat talagang matuto sila sa isyu ng karapatang pantao sa maagang edad pa lang, upang di sila nambu-bully ng ibang kabataan. Para kasing breeding ground ng korapsyon ang SK.”

Sumagot si Igor, “Kaya nga marapat lang na mabigyan sila ng matitinong kasanayan bilang mga batang lider sa komunidad. Nang hindi sila maging korap. Sa maagang edad ay maging huwaran na sila bilang mga batang nagsisilbi ng tapat sa bayan. Di lang iyan simpleng training kundi ilalagay sa batas bilang rekisitos sa unang linggo ng pag-upo ng mga bagong SK.”

Natuwa naman si Isidro, “Tama si Tito Igor. Kung ako nga lang ay senador, isa iyan sa agad kong ipapasang batas para sa SK. Kaya lang bata pa ako. Sa SK muna ako tatakbo.”

“Dagdag ko pa,” ani Igor, “Kung sakaling makatapos ng Basic First Aid training ang isang SK, at makapasa, dapat bigyan sila ng ID ng DOH bilang first aider. Dagdag ko rin ‘yung paano ang iskedyuling ng training upang ang iba’t ibang SK sa iba’t ibang barangay ay sabay-sabay na makakuha ng pagsasanay.” At sinulat niya sa manila paper kung paano.

“Maganda iyang panukala mo, Igor,” ani Igme, “subalit paano natin matitiyak kung gagawin iyan ng pamahalaan kung nandito lang tayo sa ating barangay. Dapat maikampanya natin iyan upang maging batas.”

“Dapat po siguro ay lumapit tayo sa isang senador o kongresista ng ating bayan upang isabatas ang ganyang panukala.” Sabi ni Isidro.

“Bata ka pa, Isidro, subalit matalino ka na.” Ani Ines, “Sana nga’y manalo ka bilang SK sa susunod na SK election.”

“Salamat po. Paano po tayo magsisimula upang ‘yung mungkahi ni Tito Igor ay matupad?” Si Isidro muli.

Sumabat si Igme, “Mas maganda’y isulat mo, Igor, ang iyong mungkahi. At kausapin din natin ang ating kapitan. Matapos iyon ay lumiham tayo sa isang Senador. Ano sa tingin ninyo?”

“Sang-ayon kami.” Sabi ng mga naroroon.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 16-30, 2019, pahina 18-19.

Linggo, Abril 14, 2019

Ang papel ng papeles

ANG PAPEL NG PAPELES
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa isang hearing na aking nadaluhan minsan hinggil sa kaso ng isang lider-maralita, dumating ang mga arresting officers at may dalang warrant of arrest laban sa lider-maralitang napagbintangan. Ipinakita ng mga arresting officers ang warrant sa clerk of court bilang patunay na may arrest warrant ang nasabing lider-maralita. Sinuri ng clerk of court ang warrant, ngunit hindi inaresto ang akusado. Bakit? Nakita ng clerk of court na kumpleto ang detalye ng search warrant – nakalagay ang pangalan ng akusado, ang kaso, ang judge na pumirma, atbp. Ngunit xerox lamang ang arrest warrant, kaya sinabihan niya ang mga arresting officers na dapat ay certified true copy ang arrest warrant bago hulihin ang tao. Dahil dito, ang nasabing lider maralita ay hindi dinakip.

Sa kalakaran ng ating mundo ngayon, malaking bahagi ay papeles. Ang papeles ay anumang uri ng dokumento na nagpapatunay sa isa o maraming transaksyon o usapan. Ang mga halimbawa nito’y resibo, subpoena, sedula, lisensya, sertipiko, atbp.

Pagkapanganak pa lang, nariyan na ang birth certificate, isang papeles na nagpapatunay kung ano ang pangalan ng bata, kung saan at kelan siya ipinanganak, at sino ang tunay niyang mga magulang.

Meron ding certificate para sa binyag, kumpil, pagtatapos ng bata sa kinder, diploma, Nariyan din ang death certificate para sa mga namatay. Sa pangingibang-bansa ay naririyan ang visa at passport. Anupa’t umiinog ang ating mundo sa tambak na papeles. Sa madaling salita, dapat na may katunayan tayo ng anumang pagkakakilanlan o transaksyon upang hindi tayo maagrabyado sa anumang labanan.

Malaking bahagi ng laban ng maralita ay nakasalalay sa papeles. Sa usapin ng paninirahan, nariyan ang titulo ng lupa, resibo ng bilihan, notice for demolition, entry pass sa relocation site, atbp. Marami ang natatakot, napapalayas, o kung minsan ay namamatay, dahil sa kawalan ng papeles, at kung meron man ay pagmamaniobra naman ng malakas sa mahihina pagdating sa papeles. Halimbawa, sa Barrio Kangkong, marami ang natakot nang nakarinig na may dumating na sulat na nag-aatas umano ng demolisyon sa isang takdang panahon, gayong hindi muna ito nabasa at nasuri. Gayong ang nakasulat ay hindi demolisyon, kundi humihingi muna ng negosasyon ang may-ari, o kaya’y imbes na Barrio Kangkong ang idedemolis ay Barrio Kalabasa pala ang nakasulat, nagkamali lang ng pinadalhan. Noong 1997 sa Sitio Mendez, may demolition order na galing umano kay Mayor Mathay, pero nang suriin ang papeles, hindi iyon pirma ni Mathay at wala siyang inorder na demolisyon

Huwag tayong matakot magsuri ng papeles, dahil kadalasan buhay at kamatayan ang dulot nito ay di pa natin alam. Totoo ba ang Transfer Certificate of Title (TCT) na nasa kamay ng nagpapalayas sa inyo? Nasaliksik at nasuri nyo bang ang papeles ng nagpapalayas sa inyo ay mula sa Original Certificate of Title (OCT) hanggang sa nagpalipat-lipat na TCT? Dapat mabasa muna at masuri ng maigi ang buong papeles bago mag-panic. Para sigurado, puntahan at magsaliksik sa mga opisinang sangkot.

Hindi dapat matakot, malito, o magpanic ang sinuman, kapag nakatanggap ng anumang papeles. Ang dapat nating gawin ay suriin ito, pag-usapan ng nasasangkot, at iberipika sa kinauukulang ahensya kung gaano ito katotoo. Dahil kung hindi, baka mga manlolokong sindikato sa palupa ang magpalayas sa inyo, o kaya’y magbenta sa inyo ng lupa. Kaya ingat.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 1-15, 2019, p.8-9

Kwento - Si Balagtas, ang Wikang Filipino at ang Buwan ng Panitikan

SI BALAGTAS, ANG WIKANG FILIPINO AT ANG BUWAN NG PANITIKAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagsidalo ang ilang lider-maralita nang maimbitahan sila sa isang talakayan sa mismong araw ng kapanganakan ng Sisne ng Panginay na si Francisco Balagtas, may-akda ng walang kamatayang Florante at Laura, at ng Orozman at Zafira. Ang tema ng talakayan ay “Bakya Ba ang Wika ni Balagtas?” na pambungad sa pagbubukas ng Buwan ng Panitikan.

Tinalakay muna ng tagapagpadaloy na si Isko kung bakit ang Abril ay naging Buwan ng Panitikan. Ani Isko, “Ang Buwan ng Panitikan ay itinapat sa buwan ng kaarawan ni Balagtas at isinabatas noong 2015 ang  Proklamasyon Bilang 968. Ngayong taon naman, isinasagawa ang Buwan ng Panitikan 2019 sa temang Buklugan Panitikan, halaw mula sa buklog, isang ritwal ng pagbubuklod at pasasalamat ng mga Subanen. Ang buklog din ay isang estrukturang kawayan, malimit na umaabot ng 20 talampakan ang taas, may sahig na parang entablado, at ginagamit na sayawan at lundagan ng mga tao kapag may pagdiriwang.”

“Ah, kaya pala ganyan ang entablado, isa pala iyang buklog.” Ani Isay sa kasama niyang si Ingrid.

Si Isko uli, “Simulan natin ang ating palatuntunan sa katanungang Bakya Ba ang Wika ni Balagtas?”

Isa sa mga tagapagsalita ay si Mang Igme, na isang lider-maralita sa Pandacan. Ayon sa kanya, “Hindi bakya ang ating wika. Hindi porke mga inglesero ang nasa pamahalaan, eh, hindi na sila gumagamit ng ating wikang pambansa. Minamaliit ba ng mga ingleserong Pinoy na ito ang wika natin at tinatawag na bakya? Aba’y hindi na sila Pinoy kundi mga banyaga na. Aba’y umalis na sila sa pamahalaan! Hindi naman natin sila kailangan kung ganyan sila at minamaliit nila ang sarili nating wika!”

Sumabat si Igor, isang lider-maralita sa Sampaloc, Maynila, “Nilait na ng matagal na panahon ang ating wika kaya sinasabi nila itong bakya. Gamit lang daw ito ng mga katulong sa mansyon ng mga mayayaman, na pawang Ingles, kundi man Espanyol, ang sinasalita. Ako nga noon, sa elementarya, may parusa ka pag nag-Tagalog ka sa klase. Hindi lang parusa, kundi magbabayad ka ng piso. Aba’y malaking halaga na iyan noon. Nangyayari pa ba ito ngayon?”

Nagtaas ng kamay si Iska, “Danas ko rin iyan noon. Pagmumultahin ka ng guro pag nagsalita ka ng Tagalog sa iskul. Hay, naku!”

Si Igme muli, “Subalit karamihan sa atin dito ay maralita. Maralitang tinuturing na bakya ng mga nasa poder. Dukhang ang tanging alam lang ay sariling wika. Dapat makakumbinsi tayo ng mga mayaman o maykaya sa lipunan na nagsasalita ng wika ng madla, o kaya’y kongresista o senador na magpapasa ng batas na igalang ang ating wika.”

Sumabat si Ines, isang lider-kababaihan sa Quiapo, “Tandaan natin ang isang nakasaad sa Kartilya ng Katipunan, na natatandaan ko pa:  Sabi roon, ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika.”

Napatango naman ang ilan sa sinabi ni Ines.

Nagtaas ng kamay si Inggo, mula sa isang maralitang pamayanan sa Tondo. Tinawag naman siya ni Isko. Ani Inggo, “Huwag nating sisihin ang mga inglesero dahil ipinakita lang nila ang asal nilang tunay sa atin. Huwag natin silang pag-aksayahan ng panahon. Ang mahalaga ngayon ay kung paano pa natin lilinangin at pauunlarin ang ating wikang pambansa. Ang mungkahi ko nga ay bigyang parangal natin ang mga tagapagtanggol ng ating wika, bukod kay dating Pangulong Manuel Quezon. Nariyan ang dating gurong si Teodoro Asedillo, at ang makatang si Jose Corazon de Jesus, na nakipaglaban sa mga Amerikano sa usapin ng wikang pambansa. Sila’y mga bayani ng ating wika.”

“Kayganda ng sinabi ni Inggo. Subalit paano iyan gagawin?” Ani Isko. “Ang mabuti pa’y lumiham tayo sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na dapat ay may mga bayani tayo sa sariling wika na titingalain natin, na ipinagtanggol nila noon ang ating wikang pambansa sa harap ng mga dayuhan. Kumausap na rin tayo ng mga kongresista at senador na maaaring magpasa ng batas hinggil dito.”

“Sinong magsusulat at lalagda.” Tanong ni Ines.

“Gagawin natin ang burador at lahat tayong narito ang pipirma.” Ani Isko. “Ayos ba sa inyo?” Nagtanguan naman ang mga lider-maralita.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 1-15, 2019, pahina 18-19.

Linggo, Abril 7, 2019

Paano ba lulutasin ang problema sa nagkalat na upos ng sigarilyo?

PAANO BA LULUTASIN ANG PROBLEMA SA NAGKALAT NA UPOS NG SIGARILYO?
Sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ilang taon na ang nakararaan nang gumawa ako ng mga ash tray mula sa lata ng sardinas. At nilagyan ko pa iyon ng mga paalala, tulad ng "Dito po ilagay ang upos ng yosi". At ikinalat ko sa facebook.
Mga litratong kuha noong Pebrero 5, 2014
Patuloy pa rin akong gumagawa ng mga ash tray na lata ng sardinas at nilalagyan ko ng paalala, at ipinamamahagi ko sa mga kilala kong opisina upang doon ilagay ang kanilang upos, at kung may panahon ako ay balikan iyon upang kunin at ilagay sa bote ang mga natipong upos.
Master, dito po ang lagayan ng upos at abo. Kuha noong Enero 20, 2016
555, dito po ang lagayan ng upos at abo. Century ashtray po ako. Kuha noong Enero 20, 2016
May mga nagawa rin akong tula hinggil sa mga upos ng sigarilyo. Halimbawa na lamang ang isang litratong kuha ko na ginawang lagayan ng upos ang paso ng halaman, at sa mismong litrato ay doon ko inilagay ang tula.
litrato't tulang nilikha noong 2/26/2016
Nang inilagay ko sa facebook ang litrato ng mga delatang walang laman at ginawa kong ash tray na may nakasulat na "Dito po ilagay ang upos ng yosi", may nagkomento agad na "Don't smoke" o "No to smoking", di ko matandaan ang eksakto, pero ganyan ang mensahe. Sa palagay ko'y di nakuha ng nakabasa noon na hindi naman agad tungkol sa paninigarilyo ang paalalang iyon, kundi saan dapat itapon ang upos.
Tulang kinatha noong Mayo 31, 2014
Naisip kong magtipon ng maraming delatang walang laman at lagyan iyon ng paalalang gawin iyong ash tray, habang gagawin ko naman ay titipunin iyon upang ilagay ang mga upos sa mga lalagyang bote. Ito'y paraan upang hindi madagdagan ang mga upos na nagkalat sa kapaligiran. Habang maraming naninigarilyo, maraming upos ang itinatapon. Habang maraming upos, kung saan-saan naman ito itinatapon. Ang nakababahala ay ang balitang isa sa napakaraming basura sa dagat, bukod sa mga plastik, ay ang upos ng sigarilyo.

May mga nagsasabi nga sa akin na mas tamang kampanya ay ang "Bawal Manigarilyo" o kaya ay "Huwag Manigarilyo Dahil Masama Ito sa Kalusugan", tulad ng inilalagay ngayong larawan ng mga sakit na epekto ng paninigarilyo sa mga kaha ng sigarilyo.

Ngunit sa ganang akin, nakababahala ang mga ulat na ang upos ng sigarilyo ang isa sa pinakamaraming basurang nagkalat sa karagatan. Ayon sa ulat, ang upos ng sigarilyo ang ikatlo sa mga klase ng basurang palutang-lutang sa dagat. Nangunguna ang single-used plastic, o yaong mga plastik na isang beses lang gamitin ay itinatapon na. Ikatlo ang upos. Kinakain ng mga isda ang mga basurang nagkalat sa dagat, at kinakain naman natin ang mga nahuhuling isda. Wala ba tayong budhi na pinababayaan nating maglipana sa karagatan ang mga upos ng sigarilyo? Hindi ba natin naiisip ang ating kalusugan, ang kalusugan ng ating mga mahal sa buhay, ang kalusugan ng ating kapwa, ang kalusugan ng mga susunod pang henerasyon?
tulang nilikha noong Abril 4, 2019
Hindi pa ito usapin ng paninigarilyo, ha? Usapin ito ng naglipanang upos ng sigarilyo, mga basura, sa iba't ibang dumpsite at sa karagatan. Kaya anong dapat nating gawin? Hindi na sapat ang mangampanya tayong huwag manigarilyo. Dahil kahit anong kampanya natin, marami pa rin ang patuloy na naninigarilyo. Ang usapin ngayon, naglipana ang tambak-tambak na upos ng sigarilyo sa ating kapaligiran. Hahayaan na lang ba natin ito?

Ginawa kong personal na kampanya ang paglalagay ng upos sa mga bote, upang mapagtanto ng mga nagyoyosi na marami silang basurang upos na ikinakalat sa dagat, kahit hindi nila direktang itinatapon ito sa dagat.
tulang nilkha noong Abril 2, 2019
Marami nang gumagawa ng ecobrick, at patuloy pa rin kaming mag-asawa sa paggawa ng ecobrick at pagtuturo nito sa iba upang mas marami pa ang magtulong-tulong masolusyunan ang problema sa plastik. Bagamat pansamantalang solusyon lamang sa naglipanang plastik ang paggawa ng ekobrik.

Mas nais kong pagtuunan bilang ekstrang gawain ang paglalagay ng mga natipon kong upos sa mga bote, at gawin itong ekobrik din. Di nga lang plastik ang nakalagay kundi upos ng sigarilyo na yari naman sa papel at hibla ng kung anong uri ng materyal. Sa ganitong paraan, sa aking personal na pakiramdam, ay nakatulong din kahit bahagya upang hindi mapunta sa karagatan ang mga upos, at maikulong ang mga ito sa bote na maaaring gawing ekobrik.
Kuha nitong Enero 24, 2019
Ang mailalaman sa isang bote, halimbawa sa bote ng mineral water na 1000 ml o isang litro marahil ay apat na raan o limang daang upos. Malaking bagay na ito upang hindi mapunta sa dumpsite o sa dagat ang mga upos na iyon, at maikulong natin sa bote. Malaking tulong upang mas mapaliit natin ang tsansang lumutang-lutang sa dagat ang mga basurang upos at kainin ito ng mga isda.

Kung may nagsasabing "Ayoko ng plastik", ano namang gagawin sa mga kasalukuyang naglipanang plastik? Pababayaan na lang ba dahil ayaw natin sa plastik? O baka ilan lang ang ayaw, at yung may ayaw pa ay hindi kumikilos upang masolusyunan ang problema sa plastik.

Kaya ang mabuti pa, tumulong ka na lang sa munting kampanyang ito. Bakasakaling sa paisa-isa ay makabawas tayo ng kalat na upos sa ating kapaligiran.

May mga sinulat akong mga puna rin sa mga nagyoyosi, mga sanaysay hinggil sa paninigarilyo. Iyong iba ay tungkol sa kalusugan, tungkol sa panindi ng yosi, habang ang iba'y hinggil sa nagkalat na upos sa lansangan. Marami rin akong nilikhang tula hinggil sa mga nasabing paksa. Ang mahalaga'y mapuna sila, bakasakaling makinig at hindi na sila magyosi, at wala nang magkalat ng upos sa kung saan-saan.
Nilikha noong Agosto 17, 2017
Narito ang ilang tulang ginawa ko para sa kampanyang ito:

PAHIRAM NG PANINDI NG YOSI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Ilan sa mga nakilala ko
Ay kayhilig na manigarilyo
Ngunit ugali ng mga ito
Ay ang panghihiram ng posporo

O anumang pwedeng ipansindi
Sa yosi nilang nasa daliri
Tila sila hindi mapakali
Pag hindi nakahitit ang labi.

Bahagi ba ng pakikisama
Kung sakaling pahiramin siya?
O ito’y isang pang-aabala
Doon sa mga katabi niya.

Nakakabili ng sigarilyo
Ngunit walang panindi sa bisyo
Wala ba siyang dalawang piso
Para makabili ng posporo?

Sundalong kanin ang tulad niya
May baril nga, ngunit walang bala.
At kung manunulat ang kapara
May bolpen nga, ngunit walang tinta.

O kaya’y tsuper na papasada
May dyip ngunit walang gasolina
Kung mahilig kang maghitit-buga
Aba, panindi mo’y bumili ka.

Sa buhay, dapat lagi kang handa
Kung nais mong ikaw’y may mapala
Magsusunog na nga lang ng baga
Sarili namang panindi’y wala.

Magkaminsan, ako’y nagtataka
Pagbibisyo nama’y kayang-kaya
O baka ang sigarilyo nila
Ang tawag ay “tatak-hingi” pala.

- 08/02/2008 

AANHIN PA ANG YOSI KUNG MAYROON KANG TIBI?

aanhin pa ang yosi
kung mayroon kang tibi?

di ka ba mapakali
sa iyong pagka-busy?

di ka kaya magsisi
at baga’y winawaksi?

ano bang aking paki
sa mga nagyoyosi?

aba’y sige lang, sige
pagsisisi’y sa huli

- gregbituinjr.
2/29/16

TIGILAN NA ANG YOSI

aanhin pa ba iyang yosi
kung panindi'y di makabili
lagi nang yosi'y tatak-HINGI
hinirama'y di makahindi

tigil na't nakasusulasok
ano pa ba ang sinusubok
ang baga mo na'y binubukbok
ng di na masawatang usok

- gregbituinjr.
2/29/16

BINIBILI KO ANG USOK NA PARANG GINTO

binibili ko ang usok na parang ginto
habang habol ang hininga kong napapaso
ang nadarama'y lalamunang tuyong-tuyo
na yosi pala iyang sa akin tatanso

sayang ang pera ko sa pagbili ng usok
gayong libre lang ang sakit.kong maglulugmok
bisyong iyan ay paano ko nalulunok
habang binubuga ang nakasusulasok

tila sa baga ko ako na'y nagtataksil
pati lalamunan ko'y aking sinisiil
katawan ko'y unti-unti kong kinikitil
ang mabaho kong bisyo'y may dalang hilahil

isang tasang kanin o tatlong sigarilyo
hihithitin ko o isang ulam na prito
sa yosi'y ayokong sayangin ang pera ko
ibibili na lang ng sangkaterbang libro

- gregbituinjr.
11/8/18

AKO'Y NAUUPOS

ako'y nauupos sa dami ng upos ng yosi
naglalakad ako'y nagkalat sa daan, kayrami
tapon doon, tapon dito, sila na'y nahirati
ang ating pamahalaan ba'y anong masasabi?

ako'y nauupos sa laksang nagkalat na upos
wala bang lagakan ng abo, sa ash tray ba'y kapos?
latang walang laman, bakit di gamitin nang lubos?
nang mga upos na ito'y ating maisaayos

nakakaupos ang naglipanang upos sa dagat
pagkat kayraming isda ang sa upos nabubundat
ikatlo raw na basura ang upos na nagkalat
paanong sa pagtapon nito tao'y maaawat?

sa nagkalat na upos, anong dapat nating gawin?
ito bang kalikasan ay paano sasagipin?
huwag hayaang upos ay lulutang-lutang pa rin
sa dagat nang kalikasa't isda'y masagip natin

- gregbituinjr.
4/4/19

KINALABOSONG UPOS

Kita nyo bang sa dagat, mga upos na'y nagkalat?
Ikatlo raw ito sa laksang basura sa dagat
Naisip nyo bang sa upos, mga isda'y bubundat?
At pagkamatay nila sa upos sa budhi'y sumbat

Lagi nating isipin ang buti nitong daigdig
Ang dagat na'y nasaktan, pati pusong pumipintig
Basurang nagkalat sa kalamnan niya'y yumanig
O, dapat itong wakasan, tayo'y magkapitbisig

Simulan nating sagipin ang ating karagatan
O kaya'y mag-umpisa sa ating mga tahanan
Naglipanang upos ay gawan natin ng paraan
Gumising na't magsikilos para sa kalikasan

Upos ay kinulong ko sa bote bilang simula
Pag dagat ay pulos upos, mga isda'y kawawa
Oo, ito'y pagkain, aakalain ng isda
Sumpa iyang upos sa dagat, problemang kaylubha

-gregbituinjr.
4/7/19

HALINA'T MAG-YOSIBRIK

di ka pa ba naiinis sa naglipanang upos
sa basurahan, daan, dagat, di maubos-ubos
tila ba sa ating likuran, ito'y umuulos
upos sa kapaligiran, animo'y umaagos

sa nangyayari'y dapat may gawin, tayo'y umimik
tipunin ang mga upos, gawing parang ECOBRICK
sa boteng plastik ay ipasok at ating isiksik
ang boteng siksik sa upos ay tawaging YOSIBRIK

kailangang may gawin sa upos na naglipana
sa dagat kasi'y upos na ang pangatlong basura
di ba't dahil sa upos, may namatay na balyena
imakalang pagkain ang itinapong basura

madawag na ang lungsod, sa upos ay nabubundat
naninigarilyo kasi'y walang kaingat-ingat
pansamantalang tugon sa upos na walang puknat
ay gawing yosibrik ang mga upos na nagkalat

- gregbituinjr.

4.3.19

Biyernes, Marso 29, 2019

Kwento - Mga Pagpaslang at Tokhang

MGA PAGPASLANG AT TOKHANG
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Halos libo-libo na ang napatay sa Gera Kontra Droga na inilunsad ni PRRD mula pa noong 2016, ayon sa tantya ng ilang grupo sa karapatang pantao. Napag-usapan na rin ito sa komunidad ng mag-asawang Igme at Isay. Kaya ang anak nilang sina Ingrid at Isko ay ayaw na nilang nagpapabot ng gabi sa lansangan.

Naalala pa nila ang isang taludtod sa awiting Tatsulok ng Buklod. “Totoy, makinig ka, wag kang magpagabi. Baka mapagkamalan ka't humandusay diyan sa tabi". Ito pa: “Totoy, tumalon ka, dumapa kung kailangan, at baka tamaan ka ng mga balang ligaw". At ang matindi: “Hangga't marami ang lugmok sa kahirapan, at ang hustisya ay para lang sa mayaman".

“Napakarami ring namatay na batang wala pang muwang sa Gera Kontra Droga.” Ani Igme, “Nariyan ang mga batang sina Danica Mae Garcia, 5 taong gulang, at Althea Berbon, 4 na taong gulang, ay napatay. Makatwiran ba iyan, na pati mga bata’y napapatay. At ang katwiran pa nila, collateral damage lang sila.?” 

Bandang dapithapon na iyon. Hanggang maya-maya pa ay dumating na ang kanilang dalawang anak bago magdilim.

Nakilala ko rin ang isa sa mga nanay ng biktima ng EJK o extra-judicial killings. Ayon sa kanya, mabait ang kanyang anak na pinaslang ng umano’y kapulisan sa hinalang ito’y nagdodroga.

Ayon kay Aling Ines, ang kanyang anak na si Isidro ay trese anyos pa lang at masipag mag-aral. Subalit nagulat na lang siyang binaril ng mga pulis ang kanyang anak nang lumabas ito ng bahay upang bumili ng mantika sa kalapit na tindahan. Hanggang ngayon ay naghihimagsik ang kanyang kalooban sa sinapit ng anak.

Anang barangay tanod na si Mang Isko sa akin nang siya’y aking makapanayam, “Dahil iyan sa Oplan Tokhang, na umano’y pangunahing programa ng pangulo sa kanyang gera kontra droga, kung saan ang  oplan ay “plano”, tokhang ay salitang Bisaya sa pagkatok sa pinto, at ang hangyo na ibig sabihin ay pakiusap. Subalit madalas ang nangyayari ay tokbang, o toktok, bangbang. Kakatok muna saka binabaril ang kanilang puntiryang durugista.”

Ani Igme, “Kaya ang gerang iyan, sa katunayan, ay War on the Poor din talaga, dahil wala namang napapatay na malalaking isda, kundi pulos maralita. Nakagagalit talaga. Tunay nga ang sinabi roon sa awiting Tatsulok, at ang hustisya ay para lang sa mayayaman. Para lang silang pumapatay ng mga daga o manok. Tsk. Tsk.”

Sumabat si Isay, “Kaya tama lamang na lumahok kami sa malaking rali noong Pebrero 20, na ginugunita ang World Social Justice Day o Pandaigdigang Araw ng Katarungang Panlipunan, upang manawagan ng hustisya sa mga pinaslang ng walang awa, at pinagbintangan pang mga nanlaban umano kaya pinaslang. Gayong ayon sa kanilang nanay ay wala namang baril ang kanilang anak kaya paano manlalaban.”

“Magkakaroon po muli ng pagkilos laban sa tokhang at panawagang hustisya para sa mga biktima ng palpak na Gera Kontra Droga. Sa totoo lang, ang isyu ng droga ay isyu ng kalusugan, na dapat tugunan ng pamahalaan, hindi sa pamamagitan ng pagpaslang sa pasyente, kundi sa paggamot sa kanila.” Ito naman ang sabi ni Igor na kasapi ng isang grupo hinggil sa karapatang pantao. “Sa Biyernes po ng hapon ang pagkilos, Black Friday Protest po ito, na panawagan natin ay hustisya at managot ang mga berdugo. Bukod pa sa di dumaan sa due process ang kanilang ginawa.”

“Sasama muli kami, kahit di kami namatayan ng anak, ay kakilala namin ang mga namatayan naming kapitbahay.” Ani Igme.

“Sasama rin kami riyan,” ani Ines. “Katarungan sa lahat ng mga namatay at namatayan.”

Sumapit ang araw ng Biyernes, nagtalumpati si Igor, “Ang pagkilos na ito’y tuloy-tuloy na pagkondena natin sa walang awang pagpaslang sa mga walang kalaban-labang maralita. Kung may ginawa silang masama, dpaat ay ibatay sa wastong proseso. Hulihin, litisin, at ikulong. Hindi ang basta na lang patayin ng mga berdugong kapulisan dahil sa utos ng diyos nilang pangulo. Sa ngayon, tinatawagan ko si Aling Ines, na isa sa mga namatayan ng anak.”

Tumayo sa harap at nanginginig na hinawakan ni Aling Ines ang megaphone. “Katarungan sa anak kong si Isidro. Napakabata pa niya at may mga pangarap sa buhay, subalit pinatay siya ng walang awa. Sana’y managot ang mga pumaslang sa kanya, pati na ang berdugong pangulong nag-utos ng pagpaslang!” Nanggagalaiting sigaw ni Aling Ines.

Si Aling Iska naman ang tinawag, “Si Iking, na bunso kong anak ay napatay rin habang naglalaro sa labas ng aming bahay. Wala naman siyang kinalaman sa droga. Sampung taon lang siya.”

Bago matapos ang rali, luyom ang kamaong sabay-sabay silang sumigaw ng “HUSTISYA!” “Parusahan at ikulong ang mga berdugo!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Marso 16-31, 2019, pahina 14-15.

Huwebes, Marso 14, 2019

Kwento - Ang 105-Day Expanded Maternity Leave


ANG 105-DAY EXPANDED MATERNITY LEAVE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naikwento ni Isay na naisabatas na rin sa wakas ang 105-Day Expanded Maternity Leave Law o Batas Republika Blg. 11210 na nilagdaan ng pangulo nitong Pebrero 20. Napag-usapan nila ito nina Ingrid, Ines, at Iska sa karinderya ni Aling Inday isang Sabado ng hapon.

“Alam n'yo ba,” sabi ni Isay, “mula animnapung araw ay sandaan at limang araw na ang maternity leave nating manggagawang kababaihan.”

“Totoo ba 'yan?” Tanong agad ni Ingrid.

“Eto, o, basahin n'yo sa dyaryo. Pirmado na ang Republic Act 12210 na nagpalaki ng araw ng maternity leave.”

“Aba, ayos iyan, ah. Apatnapu't limang araw ang nadagdag.” Sambit naman ni Iska.

“Ano pang laman niyan. Pabasa nga.” Si Ines.

“Ito, basahin mo nang malakas, ha? Para dinig namin.” Iniabot ni Isay kay Ines ang pahayagan.

“Sige, basahin ko ng malakas.” Ani Ines. “Sinasaklaw ng batas na ito ang mga babaeng manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor, kabilang ang mga nasa impormal na ekonomiya, at binibigyan sila ng karapatan sa 105 araw na maternity leave na babayaran batay sa 100 porsiyento ng kanilang arawang kita. Ang batas ay nagbibigay din ng karagdagang 15 araw na may bayad na bakasyon kung ang babaeng manggagawa ay kuwalipikado bilang solo parent sa ilalim ng Solo Parent Welfare Act of 2000, na may opsyong palawigin ng karagdagang 30 araw na walang bayad. Ayos pala ito sa tulad kong solo parent.""

“Ano pa?” Tanong ni Ingrid.

“Ito. Tinataasan ng batas ang benepisyo sa araw-araw na maternity leave mula sa unang 60 araw para sa normal na panganganak, o 72 araw para sa caesarian delivery, sa 105 araw, anuman ang uri ng panganganak. Pag nakunan naman, ang karapatan ay 60 araw ng bayad na maternity leave. Ang batas ay higit pang nagpapalawak ng maternity leave sa bawat pagkakataon ng pagbubuntis, anuman ang dalas, mula sa nakaraang limitasyon ng unang apat na panganganak o nakunan.”

Napasimangot si Inday sa pinag-uusapan at siya’y sumabat. “Ang batas palang iyan ay para sa lang sa mga sumasahod. Paano naman kaming mga maralitang hindi nakaempleyo kundi kumikita lang sa sariling kayod, tulad nitong karinderya ko. Wala naman kaming leave.”

“Iyan, Inday, ang hindi nakalagay dito,” ani Isay. “Baka may ibang batas talaga para sa maralita kaugnay nito. Iyan po ang saliksikin natin.”

“Sabagay, Inday” ani Iska, “pag nanganak naman ang tulad nating maralita, may maternity leave din tayo, hindi nga lang tulad nila, magli-leave sila sa pinapasukang trabaho nang may bayad kasi nga empleyado sila. ‘Yung atin naman bilang vendor o simpleng dumidiskarte, tulad nitong karinderya mo, anumang oras, maaari tayong mag-leave sa pagtitinda. Wala lang bayad tulad nila.” 

“At wala ring batas tulad niyan,” ani Isay.

“Teka, naiiba na ang usapan.” Ani Ingrid, “buntis ako, nais kong malaman paano ba ako makikinabang diyan sa aming kumpanya.”

“Meron dito,” ani Ines, “Eto. Basahin ko. Upang maging karapat-dapat sa nabanggit na mga benepisyo sa maternity leave, ang isang buntis na babaeng manggagawa sa pribadong sektor ay dapat na (i) magbayad ng hindi bababa sa 3 buwang kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang  panganganak, o kung nakunan, o natapos na ang pagbubuntis; at (ii) abisuhan ang kanyang employer tungkol sa kanyang pagbubuntis at ang posibleng petsa ng kanyang panganganak. Ito pa ang malupit. Ang mga employer na hindi susunod sa mga probisyon ng batas ay magmumulta nang hindi bababa sa 20,000 piso o higit sa 200,000 piso at/o pagkakulong ng hindi bababa sa 6 na taon at 1 araw o higit sa 12 taon, gayundin ang hindi pag-renew ng mga business permit.”

Napabuntong-hininga si Ingrid sabay hipo sa tiyan. “Mabuti na rin iyan, kahit paano mula animnapung araw ay nadagdagan ng apatnapu’t limang araw. Kahit paano, mabuti upang makabalik ang katawan ko sa dati, at mas malusog. At makapagtrabaho muli”

“Ito pa,” ani Ines, “Iba pa ang solo parent sa may-asawa, kasi nakalagay dito, ang isang babaeng manggagawa na may karapatan sa maternity leave ay maaaring maglaan ng hanggang pitong araw ng bayad na bakasyon sa ama ng bata, bilang karagdagan sa mga benepisyong ipinagkaloob sa kanya sa ilalim ng Paternity Leave Act of 1996, kung naaangkop, kasal man siya o hindi sa babaeng manggagawa.”

“Aplikable pala iyan sa amin ng asawa ko,” Ani Ingrid, “di tulad mo na solo parent. May ibang batas pa para sa iyo.”

“Oo nga, eh. Buti nga, may Solo Parent Act na.” Ani Ines.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Marso 1-15, 2019, pahina 14-15.

Miyerkules, Pebrero 27, 2019

Kwento - Ang mga marginalized o sagigilid

ANG MGA MARGINALIZED O SAGIGILID
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasaliksik ni Ipe, na kasama ni Inggo sa samahang maralita, na may salitang sagigilid nang nabasa niyang muli ang kasaysayan ng ating bansa noong bago dumating ang mga Kastila. Mayroon palang dalawang uri ng alipin - ang aliping namamahay at ang aliping sagigilid.

“Alam mo, Inggo, may katumbas na pala noon pa ang salitang marginalized, tulad sa marginalized sector, sa ating sariling wika. Ito ang sagigilid. Mula sa margin o gilid, ang marginalized ay sagigilid.” Ani Ipe.

“Aba’y ganoon ba, Ipe,” ani Inggo, “ayos iyan upang magamit muli, lalo na’t nakikita nating tila nababoy na ang partylist system. Pinasok na ng mga hindi naman galing sa marginalized sector ang partylist system. Tulad ni Miko Arro na first nominee ng Guardia partylist ngunit hindi naman gwardya, kundi artista. May isa pang mayaman na first nominee ng party list ng Magbabalut. Aba’y talagang nawala na sa tunay na diwa ang party list system, na imbes mula sa hanay talaga ng mga mahihirap at maliliit  ay mula pa  sa mga trapong pulitiko.”

“Ibig sabhin niyan, Inggo” ani Ipe, “halos nawala na talaga ang esensya ng labindalawang saray o sektor ng sagigilid sa partylist. Buti na lang may partylist pa na kumakatawan sa mga magsasaka,  kabataan, manggagawa, kababaihan, at iba pang aping saray ng lipunan. Ang tanong na lang, maipapanalo ba sila?”

Malayo-layo roon si Igme habang nakaupo sa karinderya ni Aling Isay, subalit dinig niya ang pinag-uusapan. Maya-maya’y sumabat siya, “Iyung tinatawag n’yong sagigilid ay marginalized pala. Alam n’yo ba, na inaral ko rin iyan noon, kaya lang mga alipin sila. May tinatawag ngang aliping namamahay at aliping sagigilid.”

“Kung natatandaan mo,” ani Inggo, “pakipaliwanag muli.”

Kaya agad nagpaliwanag si Igme, “Ayon sa pagkakatanda ko, ang aliping namamahay ay yaong karaniwang taong nakatira sa kanilang sariling bahay, na maaaring magkaroon ng ari-arian ngunit hindi lupa, at may karapatang magpakasal at magpamana ng mga ari-arian sa kanilang mga anak. Kabaligtaran naman nito ang aliping sagigilid sapagkat sila ang pinakamababang uri ng aliping nakatira sa bahay ng amo, walang ari-arian o kalayaan, maaaring ipagbili, at hindi makakapag-asawa nang walang pahintulot, di gaya ng isang modernong alipin o kasambahay.”

“Salamat sa paliwanag mo,” ani Ipe, “Ganyan din naman ang mga modernong sagigilid. Walang ari-arian, kundi lakas-paggawa, na kanilang ibinebenta kapalit ng sahod. Sila ang nagbebenta ngunit ang bumibili pa ang nagtatakda ng presyo. Di ito gaya sa palengke na ang nagbebenta ang nagtatakda ng presyo, hindi ang bumibili.”

Nagpatuloy si Igme, “Kahit nga iyong salitang timawa, ngayon ay kawawa. Subalit noon, ang timawa ay yaong mga hindi alipin, kundi mga taong malaya. Ibig sabihin lang, umuunlad at nag-iiba-iba ang mga salita. Tulad ng margin sa papel, iyon ang gilid. Kaya ang marginalized na mula sa margin, iyon ang sagigilid na salitang mula sa gilid. Kaya nga, dapat na ating gamitin ang salitang sagigilid bilang katumbas ng marginalized, at hindi mardyinalisado, na parang itlog na malasado. Para rin iyang salitang iskwater na ngayon ay ginawang ISF o informal settler families.”

Sumagot si Inggo, “Maganda ang paliwanag mo. Subalit paano natin iyan maipapalaganap, lalo na’t pinag-uusapan natin iyang partylist system? Ang mungkahi ko, gamitin natin ang ating panulat. Maglabas tayo ng aklat ng mga sanaysay, puna, kwento at tula, na maaari nating pamagatang ‘Ang mga kasalukuyang sagigilid: Ang partylist system sa ating panahon.’ Ano sa palagay n’yo?”

“Ayos ka ring mag-isip, ah. Bagamat may katagalan iyan, aba’y atin nang simulan. Ang kakayahan ko’y magsulat ng polyeto, kaya isusulat ko na iyan.” Ani Ipe, “Ikaw naman, magaling kang tumula. Itula mo na. Si Igme naman ang pag-upak sa binaboy na partylist system, na maaari niyang isulat sa mga letter-to-the-editor. Subukan din nating sumulat sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) upang magamit din nila ang luma ngunit taal na salita natin sa marginalized.”

“Okay,” sabi ni Igme, “Sisimulan ko na ang ating paninindigan laban sa pagbaboy ng burgesya sa partylist at paggamit natin ng sagigilid bilang tiyak na salin ng marginalized. Gumagabi na. Maraming salamat.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Pebrero 16-28, 2019, pahina 14-15.

Huwebes, Pebrero 14, 2019

Kwento - Apat na obligasyon ng bawat pamahalaan sa karapatan sa paninirahan


APAT NA OBLIGASYON NG BAWAT PAMAHALAAN SA KARAPATAN SA PANINIRAHAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ano nga ba ang karapatan sa paninirahan? Isa ito sa mga isyung nakaharap ko nang maging staff ako ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong 2001. At ngayong nahalal na ako bilang sekretaryo heneral ng KPML nitong Setyembre 2018, mas lumaki ang responsabilidad ko upang ituro sa mga kapwa maralita kung ano nga ba ang karapatan sa paninirahan.

Napakahalaga para sa bawat tao o bawat pamilya na magkaroon ng sapat na paninirahan. Paninirahang hindi siya maiirita, kundi tahanang siya o sila'y masaya. Ngunit sa maralita, lalo na sa mga lugar ng iskwater, maraming demolisyon ang nagaganap; maraming maralita ang nawawalan ng tahanan. Ngunit kasalanan ba ng mga maralita na tumira sila sa barung-barong, gayong dahil sa kahirapan ay yaon lamang ang kanilang kaya? Katunayan, ilan sa mga labanang nasaksihan ko ay ang demolisyon sa Sitio Mendez, North Triangle at sa Brgy. Mariana, na pawang nasa Lungsod Quezon. Taon 2013, ayon sa pagkakatanda ko, nang mademolis sina Ka Sandy sa kanilang lugar sa Mariana. Subalit nalipat na sila sa kung saan may kapayapaan ang kanilang isip. Taon 1997 nang sina Ka Linda ng Sitio Mendez ay nademolis at muling nakabalik sa kanilang lugar matapos ang higit isang buwan sa Quezon City Hall matapos idemolis.

May mga ilan akong natutunan na nais kong ibahagi, di lang sa kanila o sa kapwa dukha, kundi sa malawak na mamamayan. Ayon sa aking mga pananaliksik, sa ilalim ng International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR) ng United Nations, may APAT NA OBLIGASYON ang bawat gobyerno hinggil sa karapatan para sa sapat na pabahay:

1.To recognize - PAGKILALA - obligasyon ng Estado na kilalanin ang karapatan sa pabahay ng sinuman at tiyaking walang anumang batas o patakarang sasagka sa karapatang ito;

2. To respect - PAGGALANG - tungkulin ng Estado na igalang ang karapatan sa sapat na pabahay, kaya dapat nitong iwasan ang pagsasagawa o pananawagan ng sapilitang pagpapaalis o pagtanggal ng mga tao sa kanilang mga tinitirhan;

3. To protect - PAGPROTEKTA - tungkulin ng Estado na protektahan ang karapatan sa pabahay ng buong populasyon, kaya dapat nitong tiyakin na anumang posibleng paglabag sa mga karapatang ito na gagawin ng ikatlong partido (third party) tulad ng mga landlord at developer ay maiiwasan;

4. To fulfill - PAGGAMPAN - ang obligasyon ng Estado na magampanan ang tungkulin sa karapatan sa pabahay ay positibo at may pakikialam, kaya pumapasok dito ang tungkulin ng Estado hinggil sa isyu ng pampublikong gastusin (public expenditure), regulasyon ng gobyerno sa ekonomya at pamilihan sa lupa (land market), mga probisyon sa pampublikong serbisyo at kaugnay na imprastruktura, paggamit ng lahat ng available resources, at iba pang positibong obligasyong lilitaw para positibong magampanan ang tungkulin sa karapatan sa pabahay ng lahat.

Kailangang kabisado natin ang mga ito lalo na sa pagtalakay nito sa mga taga-gobyerno at sa mga samahang maralita. Lalo na’t marami sa maralitang dinemolis at dinala sa relokasyon ang hindi naman talaga nabibigyan ng sapat na pabahay, ayon sa negosasyon sa kanila bago sila idemolis, bagamat marami talaga sa kanila ang sapilitang tinanggalan ng bahay. Bahala na ang maralita sa erya ng relokasyon pagdating sa pabahay. Ang matindi pa ay ang pagiging negosyo ng pabahay, imbes na serbisyo. Patunay dito ang tinatawag na escalating scheme of payment na kasunduan para sa pabahay, na hindi naman kaya ng mga maralita. Madalas batay sa market value ang presyo ng pabahay, habang hindi pinag-uusapan ang capacity to pay ng maralita.

Sinabihan nga ako ni Ka Pedring, “Ipalaganap natin ang karapatan sa paninirahan at ipamahagi natin ito sa mga erya ng KPML at sa labas ng ating pinamumunuan. Hindi man naipapabatid sa atin ng pamahalaan ang ating mga karapatan sa paninirahan, tayo ang magbabahagi nito sa pamahalaan at sa ating kapwa maralita.”

Sumang-ayon naman kami sa National Executive Committee (NEC) na mahalagang maipalaganap ang karapatan sa paninirahan. Ah, dadagdagan ko pa ang pananaliksik hinggil dito lalo na’t marami palang pandagdigang kasunduan hinggil sa ating karapatan sa pabahay.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Pebrero 1-15, 2019, pahina 14-15.