Lunes, Disyembre 1, 2008

Siyampituhan at ang mga Sugat sa Bagong Panahon

Siyampituhan at ang mga Sugat sa Bagong Panahon

(Paunang Salita sa aklat na pinamagatang "Mga Sugat sa Kalamnan: Katipunan ng 150 Tulang Siyampituhan" ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Patuloy na nagnanaknak ang mga sugat sa kalamnan ng ating lipunan, ng ating bayan, ng ating mamamayan, at maging ng ating pagkatao. Nagnanaknak sa gutom, dusa, kahirapan, di-mabuting sistema’t kaugalian. Tila hindi maaari ang patapal-tapal na gamutan lamang. Kailangan nito ng isang matinding lunas o kaya’y pagtitistis, o marahil ay nararapat nang palitan na ang anumang dapat palitan. Marami nang bayani ng lahi, maging ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan, kabataan, guro, at karaniwang tao, ang nagtangkang gamutin ang mga sugat na ito.

Ngunit paano nga ba malulunasan ang nasabing mga sugat? Kung sakaling magamot man ito’y hanggang kailan ito maghihilom? Malunasan man ang mga sugat na ito at gumaling sa pagdatal ng mapait at mahabang panahon, mag-iiwan pa rin ito ng pilat na magpapaalala sa mga sugat ng nakaraan.

Ang mga kathang nakapaloob sa katipunang ito’y paglalarawan at paghagilap ng ilang mga sagot sa napakaraming katanungan. Nawa’y kahit papaano’y may maiambag ang mga ito sa paglunas sa nagnanaknak na sugat ng lipunan.

Ang siyampituhan bilang bagong anyo ng tula

Ang Mga Sugat sa Kalamnan: Katipunan ng 150 Tulang Siyampituhan ay pawang eksperimentasyon sa isang anyo ng tulang ambag ng inyong lingkod sa panitikang Pilipino.

Para makagawa ng sarili kong estilo, pumokus ako sa istraktura ng tula. Kung ang tanaga ay naglalaman ng pitong pantig bawat taludtod sa isang saknong na may apat na taludtod, ang haiku naman ay tatlong taludtod na may pantigang 5-7-5, ang siyampituhan naman ay isang anyo ng tulang pito ang taludtod, na may siyam na pantig bawat taludtod (siyam-pito). Hinati ko ito sa dalawang bahagi. Ang unang bahagi na binubuo ng unang apat na taludtod ang siyang problema o tesis, at ang ikalawang bahagi naman na binubuo ng huling tatlong taludtod ang siyang tugon, kongklusyon o panawagan. Hindi lamang iyon, ang isa pang ginawa kong panuntunan dito ay ang pag-uulit ng isang salita, bahagi, o buong taludtod ng una at huling taludtod, at sa pag-uulit ay iniiba ang paggamit o nagbabago na ng kahulugan bagamat naroroon pa rin ang isang salita o bahagi ng unang taludtod sa huling taludtod. Tinawag ko itong siyampituhan, kahit pansamantala, bilang paglalarawan sa anyong ito.

Ngunit inaamin kong ang dahilan kung bakit naisipan kong gumawa ng sariling estilo (hindi mag-imbento, dahil baka may ilan ding nakagawa na ng estilong ito bagamat di palagian) ay ang pangangailangang tiyakin kong laging may lamang 20 tula o higit pa bawat buwan ang aking blog ng tula sa internet (http://matangapoy.blogspot.com), dahil ito na ang nasimulan ko mula nang malikha ko ang blog na ito noong Marso 2008.

Nagbunga naman ang aking mga ginawa. Sinimulan ko ang paglikha ng siyampituhan nito lamang Oktubre 2008. Dito’y mas pinokusan ko ang mga paksang tumatalakay sa nagnanaknak na mga sugat sa kalamnan ng ating lipunan, ng ating bayan, ng ating mamamayan, at maging ng ating pagkatao. Nagnanaknak sa gutom, dusa, kahirapan, at di-mabuting kaugalian. Makapag-ambag nawa ang mumunting siyampituhang naririto sa pagbabaka-sakaling may lunas pa ang mga sugat na ito.

Ang katipunang ito ay mga tulang siyampituhan na ginawa ko mula Oktubre hanggang Nobyembre 2008. Ito ang una kong koleksyon ng siyampituhan.

Hindi ko aasahang magustuhan ninyo ang nilalaman ng mga tulang naririto. Ngunit natitiyak kong inyong malalasahan ang tamis ng pag-asa at pait ng dusang nakaukit sa bawat tula.

Maraming salamat sa pagtangkilik.

Gregorio V. Bituin Jr.
Sampaloc, Maynila
Nobyembre 30, 2008

Walang komento: