Sabado, Disyembre 13, 2008

Halina't Makiduyog Para sa Kapayapaan

HALINA’T MAKIDUYOG PARA SA KAPAYAPAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Paunang salita ng may-akda sa kanyang aklat na pinamagatang "Bigas, Hindi Bala, 56 Tula, Alay Para sa Kapayapaan sa Mindanao" na inilathala ng Aklatang Obrero noong 2008)

Isa ako sa mga mapalad na nakasama sa People’s Caravan for Peace and Solidarity na inilunsad ng Duyog Mindanao noong Nobyembre 21-28, 2008 mula sa lungsod ng Baguio hanggang sa lungsod ng Cotabato. Mayamang karanasan ang idinulot nito sa akin. Magandang pakiramdam dahil alam mong kabahagi ka ng isang marangal na layunin - ang layuning iparating sa mas maraming mamamayan na kinakailangan nang matigil ang digmaan sa Mindanao, at magkaroon na rito ng ganap na kapayapaan upang ang mga sibilyan, o mga bakwit, na naapektuhan ng digmaan, ay makapamuhay na ng normal at maayos. Ang “duyog” ay salitang Bisaya na ang ibig sabihin ay “pagkakaisa” o “solidarity” sa ingles.

Ibig sabihin, nakikiisa tayo sa mga taong naghahangad ng kapayapaan. Gayunman,ang kapayapaang ating inaasam ay hindi dahil hindi na natin naririnig ang putok ng mga baril, hindi na naaamoy ang samyo ng pulbura, hindi na nakikita ang mga tinamaan ng bala at mga nasunog na bahay ng mga sibilyan dahil sa bomba.

Tahimik man sa isang lugar, ngunit hangga’t hindi natutugunan ang mga batayang pangangailangan ng tao para mabuhay ng marangal, magkakamitsa pa rin para magkadigmaan. Ang katahimikan ay hindi kapayapaan.

Ang katahimikan ay sa tainga lamang, habang ang kapayapaan ay sa puso at diwa ng bawat tao. Tahimik man ang isang lugar, hindi pa rin sila payapa kung kumakalam pa rin ang sikmura, walang sapat na tirahan, walang maayos na serbisyong panlipunan, di abot kaya ang mga presyo ng pangunahing pangangailangan, may presyo’t mahal ang mga karapatan sa edukasyon, may bayad at mahal ang presyo ng kalusugan, lalo na sa ospital na bago ka magamot, kahit mamamatay ka na, ay dapat ka munang maglagak ng halagang kinakailangan, mahal din kahit ang mga gamot sa Pilipinas kung ikukumpara sa ibang bansa, isa sa pinakamahal ang kuryente sa Pilipinas, ang serbisyong pabahay sa mga relokasyon ay hindi na serbisyo kundi negosyo, at marami pa kung talagang iisa-isahin natin.

Maraming kababayan natin ang sadyang napakasisipag magsunog ng balat sa sakahan ngunit nananatiling mahirap habang ang ibang nagpapalaki ng tiyan sa de-erkong silid ay lalong yumayaman.

Kung pag-aaralan natin ang mga digmaang naganap sa kasaysayan, ito’y labanan upang mabuhay. Digmaan sa pag-aagawan ng teritoryo, digmaan upang makontrol ang pinagkukunan ng langis, digmaan upang lumaki ang sakop na lupain, digmaan para sa karangalan, digmaan laban sa mananakop, digmaan para sa layuning lumaya ang isang lugar o isang bansa, digmaan dahil kailangang labanan ang mga mapaniil at mapang-api sa lipunan, at iba pa. Nang dahil sa digmaan, marami ang nagbuwis ng buhay. Nang dahil sa digmaan, maraming hindi naman kasali sa digmaan ang nangamatay. Nang dahil sa digmaan, yumayaman ang ilang bansang nagbebenta ng kanilang armas pandigma. Nang dahil sa digmaan, ang mga pondong dapat para sa edukasyon at kalusugan ay napupunta sa bala at kanyon. Nang dahil sa digmaan, maraming nagmamahalan ang nagkahiwalay. Nang dahil sa digmaan, maraming mahal natin ang namatay. Nang dahil sa digmaan... ahhh, nang dahil sa digmaan...

Maraming dapat baguhin pati ang ating pagtingin kung bakit may digmaan. Bakit nga ba kailangang magdigmaan? Ito ba ang katugunan para maresolba ang mga problema? Maaari bang mag-usap muna, o mag-usap muli, para wala nang madamay na sibilyan at wala nang magbuwis ng buhay? Maari bang magrespetuhan ng kani-kanilang paniniwala’t prinsipyo? Nang makasama ako sa karabana mula Baguio hanggang Cotabato, naging malaking katanungan sa akin ang mga ito. Alam ko, kung hindi ako nagdesisyong sumama sa lakbayang iyon, marahil ay malaking bahagi ng buhay ko ang nawala. Sayang ang pagkakataon. Pagkakataong marami akong matututuhan. Kaya talagang nagpursigi akong makasama. Ang orihinal, dapat mula Baguio hanggang Maynila lamang kami ng aking mga kasama, at yaong iba ang magpapatuloy hanggang Cotabato. Ngunit malaking kakulangan sa akin kung di ako makakasama sa karabana hanggang Cotabato, kaya’t nagpursigi akong makasama.

Ang mga tulang naririto ay bahagi ng karabanang iyon. Ito ang produkto ng mga pagninilay ko sa bawat tinigilan naming lugar. Mas dumami ang aking tula nang makita ko mismo ang lugar na pinaglabanan ng magkabilang panig, ng pamahalaan ng Pilipinas at mga rebelde, at nang makita ko ang kalagayan ng mga bakwit. Ang katipunang ito ay taos-puso kong inihahandog sa kanila. Nawa’y makamit na nila ang kapayapaang kanilang matagal nang inaadhika.

Taos-pusong pasasalamat ang aking ipinaaabot sa lahat ng mga nakasama ko sa karabanang iyon. Hindi ko makakalimutan habang ako’y nabubuhay ang ating pinagsamahan. Maraming maraming salamat.

Dahil dito, patuloy akong makikipagduyog sa mga taong naghahangad ng kapayapaan, sa anupamang paraan ito makakamit. At nawa, ang kapayapaang iyon ay hindi lamang simpleng katahimikan, kundi kapayapaang may hustisyang panlipunan, at makatarungan sa bawat isa.

Halina’t samahan n’yo kami. Makipagduyog tayo para sa kapayapaan ng Mindanao.

Sampaloc, Maynila, Disyembre 10, 2008

Huwebes, Disyembre 11, 2008

Salin ng UDHR sa Tagalog

PANDAIGDIGANG PAHAYAG NG KARAPATANG PANTAO
salin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pinagtibay at prinoklama ng Resolusyon 217 A (III) ng Pangkalahatang Kapulungan noong ika-10 ng Disyembre, 1948.

Noong Disyembre 10, 1948, pinagtibay at prinoklama ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa ang Pandaigdigang Pahayag ng Karapatang Pantao na ang buong tala ay nasa mga sumusunod na pahina. Kasunod nitong makasaysayang kaganapan, nanawagan ang kapulungan sa lahat ng kasaping bansa na ilathala ang nasasaad sa Pahayag at "maging dahilan ito upang maipamahagi, maipakita, maipabasa at maipaliwanag lalo na sa mga paaralan at iba pang institusyong edukasyonal batay sa kalagayang pulitikal ng mga bansa o teritoryo.

PREAMBULO

Yayamang ang pagkilala sa likas na dangal at sa pantay at di-maikakait na karapatan ng lahat ng kasapi ng pamilya ng tao ang siyang saligan ng kalayaan, katarungan at kaganapan sa daigdig,

Yayamang ang pagwawalang-bahala at pag-alipusta para sa karapatang pantao ay nagbunga ng mga gawaing malupit na lumapastangan sa budhi ng sangkatauhan, at ang pagsapit ng daigdig na ang sangkatauhan ay nagtatamasa ng kalayaan sa pagpapahayag at paniniwala at kalayaan mula sa pangamba at pagnanasa ay ipinahayag na bilang pinakamatayog na hangarin ng karaniwang tao,

Yayamang lubhang kailangan, kung ang tao'y hindi mapipilitang humingi ng tulong, bilang huling takbuhan, ang paghihimagsik laban sa paniniil at pang-aapi, upang ang karapatang pantao ay maipagsanggalang ng patakaran ng batas,

Yayamang kinakailangang maitaguyod ang pagsulong ng ugnayang pakikipagkaibigan sa pagitan ng mga bansa,

Yayamang ang mga mamamayan ng Nagkakaisang Bansa ay sa kasunduan muling pinagtibay ang kanilang pagsampalataya sa batayang karapatang pantao, sa dangal at halaga ng isang tao at sa pantay na karapatan ng kalalakihan at kababaihan at nagpasyang itaguyod ang panlipunang pag-unlad at mas magandang pamantayan ng buhay na mas malaya,

Yayamang nangako ang mga Kasaping Estado na magawa, sa pakikipagtulungan ng Nagkakaisang Bansa, ang pagtataguyod ng pandaigdigang paggalang sa at pagtalima sa karapatang pantao at batayang kalayaan.

Yayamang ang pagkaunawa ng lahat sa mga karapatan at kalayaang ito ay may napakalaking kahalagahan para sa ganap na pagsasakatuparan ng pangakong ito,

Ngayon, samakatwid, ipinahahayag ng PANGKALAHATANG KAPULUNGAN itong PANDAIGDIGANG PAHAYAG NG KARAPATANG PANTAO bilang pamantayan ng lahat ng kahanga-hangang bagay para sa lahat ng tao at lahat ng bansa, na sa huli, bawat tao at bawat lipunan, na pinanatili lagi sa kaisipan ang Pahayag na ito, ay mgsumikap sa pagtuturo at pag-aaral upang maitaguyod ang paggalang sa mga karapatan at kalayaang ito at sa pamamagitan ng maunlad na hakbang, pambansa at pandaigdig, na matiyak ang kanilang pandaigdigan at mabisang pagkilala at pagtalima, kapwa ng mga mamamayan ng kasaping Estado at kapwa ng mga mamamayan ng teritoryong nasa ilalim ng kanilang nasasakupan.

ARTIKULO 1
Ang lahat ng tao'y isinilang ng malaya at may pantay na karangalan at karapatan. Sila'y pinagkalooban ng katwiran at budhi at dapat makitungo sa bawat isa sa diwa ng pagkakapatiran.

ARTIKULO 2
Ang lahat ng naaangkop sa lahat ng karapatan at kalayaang nasasaad sa Pahayag na ito, ng walang ikinaiiba sa anumang tipo, tulad ng lahi, kulay ng balat, kasarian, wika, relihiyon, pulitikal o ibang palagay, pambansa o panlipunang pinagmulan, pag-aari, pagsilang o anumang kalagayan. Dagdag pa rito, walang anumang pagkakaiba ang dapat likhain sa batayang pulitikal, nasasakupan o pandaigdigang kalagayan ng bansa o teritoryong kinabibilangan ng isang tao, ito man ay independyente, pinagtitiwalaan, di-makapamahala-ng-sarili o sa ilalim ng anumang takda ng pagsasarili.

ARTIKULO 3
Ang lahat ay may karapatan sa buhay, kalayaan at kaligtasan ng tao.

ARTIKULO 4
Walang sinumang dapat ipailalim sa pang-aalipin o pambubusabos; ang pang-aalipin at pangangalakal ng alipin ay dapat ipagbawal sa lahat ng anyo nito.

ARTIKULO 5
Walang sinumang dapat dumanas ng pahirap o ng malupit, di makatao o mapang-aglahing pagtrato o pagpaparusa.

ARTIKULO 6
Ang lahat ay may karapatang kilalanin saanman bilang tao sa harap ng batas.

ARTIKULO 7
Ang lahat ay pantay-pantay sa harap ng batas at may karapatan ng walang anumang diskriminasyon sa pantay na proteksyon ng batas. Ang lahat ay may karapatan sa pantay na proteksyon laban sa anumang diskriminasyon na lumabag sa Pahayag na ito at laban sa anumang pang-uudyok sa gayong diskriminasyon.

ARTIKULO 8
Ang lahat ay may karapatan sa mabisang pagtulong ng mga may-kakayahang pambansang hukuman para sa mga kilos na lumalabag sa mga batayang karapatang ipinagkaloob sa kanya ng konstitusyon o ng batas.

ARTIKULO 9
Walang sinumang dapat ipailalim sa di-makatwirang pagdakip, pagkapiit o pagkakakulong.

ARTIKULO 10
Ang lahat ay may karapatan sa ganap na pagkakapantay sa isang patas at hayagang pagdinig ng isang independyente at walang kinikilingang hukuman, sa pagpapasiya ng kanyang mga karapatan at tungkulin at ng anumang kasong kriminal laban sa kanya.

ARTIKULO 11
(1) Sinumang pinaratangan ng pagkakasalang mapaparusahan ay may karapatang ituring na walang kasalanan hangga’t di napatunayang nagkasala ayon sa batas sa isang hayagang paglilitis kung saan nasa kanya ang lahat ng garantiyang kinakailangan para sa depensa.
(2) Walang sinumang dapat ituring na may kasalanan sa anumang pagkakasalang mapaparusahan dahil sa mga gawa o pagkaligta na hindi isang pagkakasalang mapaparusahan, sa ilalim ng pambansa o pandaigdigang batas, sa panahong iyon ay naisagawa, o kaya'y ipatupad ang mas mabigat na parusa kaysa sa pinaiiral noong panahong naisagawa ang may-parusang pagkakasala.

ARTIKULO 12
Walang sinumang dapat ipailalim sa di-makatwirang pakikialam sa kanyang pribadong buhay, pamilya, tahanan o pakikipaglihaman, maging sa pagbatikos sa kanyang karangalan at pangalan. Ang lahat ay may karapatan sa proteksyon ng batas laban sa mga ganitong pakikialam o pagbatikos.

ARTIKULO 13
(1) Ang lahat ay may karapatan sa malayang pagkilos at pananahan sa loob ng hangganan ng bawat bansa.
(2) Ang lahat ay may karapatang umalis ng anumang bansa, maging ng sariling bansa, at bumalik sa kanyang bansa.

ARTIKULO 14
(1) Ang lahat ay may karapatang maghanap at matamasa sa ibang mga bansa ang pagpapaampon mula sa pag-uusig.
(2) Ang karapatang ito'y di maipapakiusap sa mga kaso ng pag-uusig na totoong nagmumula sa mga krimeng di-pulitikal o sa mga gawaing salungat sa hangarin at simulain ng Nagkakaisang Bansa.

ARTIKULO 15
(1) Ang lahat ay may karapatan sa nasyonalidad.
(2) Walang sinumang di-makatarungang aalisan ng kanyang nasyonalidad o pagkaitan ng karapatang palitan ang kanyang nasyonalidad.

ARTIKULO 16
(1) Ang mga lalaki at babaeng may sapat na gulang, nang walang paghadlang dahil sa lahi, nasyonalidad o relihiyon, ay may karapatang makapag-asawa at magkaroon ng pamilya. Sila'y naaangkop sa pantay na karapatan sa pag-aasawa, habang may-asawa at sa pagkabuwag nito.
(2) Ang pag-aasawa'y dapat lamang pasukin kung may malaya't ganap na pagsang-ayon ng mga mapapangasawa.
(3) Ang pamilya ang likas at batayang pangkat ng lipunan at may karapatang maproteksyunan ng lipunan at ng Estado.

ARTIKULO 17
(1) Ang lahat ay may karapatang magkaroon ng pag-aaring kanya lamang at maging kasama ang iba.
(2) Walang sinuman ang di-makatarungang aalisan ng kanyang pag-aari.

ARTIKULO 18
Ang lahat ay may karapatan sa kalayaang mag-isip, budhi at relihiyon; kasama sa karapatang ito ang pagpapalit ng relihiyon o paniniwala, at kalayaang, maging sa sarili lamang o kasama ang iba pa sa pampubliko man o pribado, maipahayag ang kanyang relihiyon o paniniwala sa pagtuturo, pagsasabuhay, pagsamba at pagdiriwang.

ARTIKULO 19
Ang lahat ay may karapatan sa malayang pananaw at pagpapahayag; kasama sa karapatang ito ang malayang pananaw ng walang pakikialam at ang maghanap, tumanggap at magbahagi ng impormasyon at kaisipan sa pamamagitan ng anumang media at ng walang pagsasaalang-alang sa mga hangganan.

ARTIKULO 20
(1) Ang lahat ay may karapatan sa kalayaan sa mapayapang asambliya at samahan.
(2) Walang sinumang dapat piliting maging kabilang sa isang samahan.

ARTIKULO 21
(1) Ang lahat ay may karapatang maging bahagi sa pamahalaan ng bawat bansa, direkta man o sa pamamagitan ng malayang pagpili ng kinatawan.
(2) Ang lahat ay may karapatan sa pantay na pagkamtan ng pampublikong serbisyo sa kanyang bansa.
(3) Ang kalooban ng mga tao ang dapat maging batayan ng kapangyarihan ng pamahalaan; ang kaloobang ito ang dapat maipahayag sa pana-panahon at tunay na halalan na dapat ay sa pamamagitan ng daigdigan at pantay na karapatang maghalal at dapat isagawa sa pamamagitan ng lihim na pagboto o ng kaparehong malayang patakaran ng pagboto.

ARTIKULO 22
Ang lahat, bilang kasapi ng lipunan, ay may karapatan sa panlipunang seguridad at naaangkop na pagsasakatuparan, sa pamamagitan ng pambansang pagsisikap at pandaigdigang ugnayan at alinsunod at alinsunod sa mga organisasyon at rekurso ng bawat Estado, ng karapatang pang-ekonomya, panlipunan at pangkalinangan, kailangang-kailangan oara sa kanyang dangal at sa malayang pag-unlad ng kanyang pagkatao.

ARTIKULO 23
(1) Ang lahat ay may karapatan sa pagtatrabaho, sa malayang pagpili ng pagtatrabahuhan, sa makatarungan at mainam na kalagayan sa pagtatrabaho at sa proteksyon laban sa kawalan ng trabaho.
(2) Ang lahat, ng walang diskriminasyon, ay may karapatan sa pantay na sahod para sa kasukat na trabaho.
(3) Ang sinumang nagtatrabaho ay may karapatan sa makatarungan at mainam na kabayaran na magtitiyak sa kanyang sarili at sa kanyang pamilya ng pamumuhay na nararapat sa dangal ng tao, at may dagdag, kung kinakailangan, ng iba pang paraan ng panlipunang proteksyon.
(4) Ang lahat ay may karapatang magbuo ng at sumapi sa mga unyon para sa proteksyon ng kanyang interes.

ARTIKULO 24
Ang lahat ay may karapatan sa pahinga at malayang oras, kasama ang makatwirang pagtatakda ng oras-paggawa at pana-panahong bakasyon ng may bayad.

ARTIKULO 25
(1) Ang lahat ay may karapatan sa isang pamantayan ng pamumuhay na sapat para sa kalusugan at kagalingan niya at ng kanyang pamilya, kasama ang pagkain, pananamit, paninirahan at pangangalagang pangkalusugan at kinakailangang panlipunang serbisyo, at ang karapatan sa seguridad sa kanilang nawalan ng trabaho, pagkakasakit, pagkakaroon ng kapansanan, pagkabalo, pagtanda o pagkukulang sa kabuhayan sa mga kalagayang di niya hawak.
(2) Ang pagiging ina at ang kamusmusan ay may karapatan sa di-pangkaraniwang pangangalaga at pagtangkilik. Lahat ng bata, ito ma'y isinilang sa loob o sa labas ng kasal, ay dapat magtamasa ng kaparehong panlipunang proteksyon.

ARTIKULO 26
(1) Ang lahat ay may karapatan sa edukasyon. Ang edukasyon ay nararapat na walang bayad, kahit man lang sa antas ng elementarya at sekundarya. Ang edukasyon sa elementarya ay dapat kunin ng lahat. Ang edukasyong teknikal at prupesyunal ay nararapat na nakukuha ng pangkalahatan at ang mas mataas na edukasyon ay dapat na pantay na nakakamtan ng lahat sa batayan ng merito.
(2) Ang edukasyon ay dapat umaakay tungo sa ganap na pag-unlad ng pagkatao ng tao at sa pagpapatibay ng paggalang sa karapatang pantao at batayang kalayaan. Dapat nating itaguyod ang pagkakaunawaan, pagpapaubaya at pagkakaibigan ng lahat ng bansa, mga lipi o relihiyosong pangkat, at itaguyod ang mga gawain ng Nagkakaisang Bansa para sa pagpapanatili ng kapayapaan.
(3) Ang mga magulang ang may pangunahing karapatang pumili kung anong uri ng edukasyon ang nararapat ibigay sa kanilang mga anak.

ARTIKULO 27
(1) Ang lahat ay may karapatan sa malayang paglahok sa buhay pangkalinangan ng pamayanan, matamasa ang mga sining at makapagbahagi sa pagsulong ng agham at ng mga kapakinabangan ng mga tao.
(2) Ang lahat ay may karapatan sa proteksyon ng kapakanang moral at materyal na ibinunga mula sa anumang akdang pang-agham, pampanitikan o pansining kung saan siya ang may-akda.

ARTIKULO 28
Ang lahat ay may karapatan sa isang panlipunan at pandaigdigang kaayusan kung saan ang mga karapatan at kalayaang nakasaad sa Pahayag na ito ay ganap na naisasakatuparan.

ARTIKULO 29
(1) Ang lahat ay mga tungkulin sa pamayanan kung saan lamang malaya at ganap na pag-unlad ng kanyang pagkatao ang maaaring maganap.
(2) Sa paggamit sa kanyang mga karapatan at kalayaan, ang lahat ay nasasakop lamang ng ilang limitasyon na tinukoy ng batas para sa layunin lamang ng pagtitiyak ng nararapat na pagkilala at paggalang para sa mga karapatan at kalayaan ng iba at ang pagkakamit ng nararapat na rekisitos ng moralidad, pampublikong kaayusan at pangkalahatang kagalingan sa isang lipunang demokratiko.
(3) Ang mga karapatan at kalayaang ito ay di dapat gamitin ng salungat sa layunin at prinsipyo ng Nagkakaisang Bansa.

ARTIKULO 30
Walang anuman sa Pahayag na ito ang dapat ipakahulugan na nagpapahiwatig para sa anumang Estado, pangkat o tao ng anumang karapatang kumilos sa anumang aktibidad o magsagawa ng anumang aksyong may layuning magwasak sa alinmang karapatan at kalayaang nakasaad dito.

Lunes, Disyembre 1, 2008

56 Tula sa Peace Caravan

56 TULA SA PEACE CARAVAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mapalad na nakasama sa Peace Caravan mula Baguio City patungong Cotabato City mula Nobyembre 21 hanggang 28, 2008, kung saan nananawagan ito na magkaroon ng tunay na kapayapaan sa Mindanao. Ito’y pinangunahan ng Duyog Mindanao.

Ang mga sumusunod na tula ang aking mga nalikha at produkto ng paglalakbay ng Peace Caravan hanggang sa aking pag-alis sa Davao noong Nobyembre 30. Ang mga tulang narito ay makikita sa isyung Nobyembre ng blog na: http://matangapoy.blogspot.com.

May idadagdag pa akong dalawa pang tula para maging 50 na isasama ko naman ang ilang gawa ko pagdating dito sa Maynila. Di pa ito natatapos. Ang lahat ng tula ay balak kong isalibro na pamamagatan kong “Bigas, Hindi Bala: 50 Tula para sa Kapayapaan ng Mindanao” na batay naman sa islogang nakasulat sa streamer na isinabit sa mga sasakyang sumama sa Peace Caravan mula Baguio City hanggang Cotabato City.

Upang marami pa kayong malaman hinggil sa Duyog Mindanao, mangyaring paki-klik ang http://www.duyogmindanao.org/.

Halina't basahin ang naritong mga akda. Maraming salamat sa inyong pagtangkilik.

HALIKA RITO, KAPAYAPAAN
10 pantig, soneto

Nais namin ng kapayapaan
Doon sa lupang ka-Mindanawan
Pagkat iyon ang makatarungan
Sa lahat doong naninirahan.

Hustisya’y nais ng mamamayan
At pagkain sa hapag-kainan
Kapayapaan, hindi digmaan,
Ang sagot at hindi karahasan.

O, nasaan ka, kapayapaan
Tila kay-ilap mo’t di abutan
O ikaw ba’y naririyan lamang
At abot-kamay ng mamamayan.

Halika rito, kapayapaan
At yakapin mo ang sambayanan.

- Baguio City, Nobyembre 20, 2008


KAPAYAPAAN SA BAKWIT
tulang siyampituhan

Ang kapayapaan sa bakwit
Ay kailan kaya sasapit
Ang buhay nila’y nasa bingit
Dahil sa digmaang kaylupit.
O, aming mahabaging langit
Hiling naming nawa’y sumapit
Ang kapayapaan sa bakwit.

- San Fernando, Pampanga
Nobyembre 21, 2008


HINDI DUGO ANG DAPAT BUMAHA
10 pantig, soneto

Hindi dugo ang dapat bumaha
Kundi itong ating pagkalinga
Hindi punglo sa parang ng digma
Kundi kapayapaan sa madla.

Hindi digmaan at pagbabanta
Kundi payapang puso at diwa
Hindi pagdaloy ng mga luha
Kundi pag-agos ng pang-unawa.

Hindi bala ang dapat tumagos
Sa katawan ng mga hikahos
Hindi dugo ang dapat umagos
Kundi pag-ibig sa pusong kapos.

Di ba’t mundo’y kay-ganda’t kay-ayos
Kung kapayapaa’y malulubos.

- Calumpit, Bulacan
Nobyembre 21, 2008


BIGAS, HINDI BALA
6 pantig

Bigas, hindi bala
Pagkain, di gyera
Mundong mapayapa
Hindi pandirigma.

Trabaho at lupa
Di dusa at luha
Kalinga’t unawa
Di banta ng digma.

- Malolos, Bulacan
Nobyembre 21, 2008


DI NORMAL ANG DIGMAAN
14 pantig

Wala silang pakialam magkadigmaan man
Ang mga rebelde at itong pamahalaan
Dahil ito’y normal naman daw na kalagayan
Kahit ang nagbabalita’y pinagsasawaan.

Di normal ang digmaang laging nauulinig
Mortar, baril at bomba sa magkabilang panig
Kung sa gabi't araw ito'y laging naririnig
Apektado ang mga sibilyang nanginginig.

Nanginginig pagkat baka tamaan ng bomba
Ang kanilang bahay, kabuhayan at pamilya
Kaya bago mamatay ay nagsisilikas na
Pagkat naiipit na ng magkalabang pwersa.

Hindi normal ang digmaan pagkat nagugulo
Ang buhay ng sibilyan, ng karaniwang tao
Edukasyon at kabuhayan ay apektado
Napupunta sa bala ang pondo ng gobyerno.

Gyera’y normal ba dahil laging napapakinggan
Sa araw at gabi ang bombahan at ratratan?
Hindi maaaring maging normal ang digmaan
Dahil ang nakataya’y buhay ng mamamayan.

- Quezon Memorial Circle
Nobyembre 22, 2008


BAKIT MAGDIDIGMAAN TAYO, KAPATID?
13 pantig, soneto

Bakit ba tayo magdidigmaan, kapatid
Kung buhay naman natin itong mapapatid
Pag-usapan natin ang problema’t balakid
Upang kapayapaan itong maihatid.

Bakit magdidigmaan kung mareresolba
Sa pag-uusap anumang ating problema
Sa kulay ma’t relihiyon ay magkaiba
Magkakapatid tayong di dapat magdusa.

Di ba’t kaysakit kung kapatid ay mapatay
Kaya buong panahon tayong malulumbay
Ang digmaan ba ang sukatan ng tagumpay
O sa digmaan pala’y pawang paglalamay.

Kapatid ko, halina’t pag-usapan natin
Anumang mga susulpot na suliranin.

- Maharlika Village, Taguig, Metro Manila
Nobyembre 22, 2008


SA DIGMAAN, SIBILYAN ANG KAWAWA
12 pantig

Nagulo na naman ang lupang pangako
At muling pumatak ang kayraming dugo
Marami na namang buhay na naglaho
Bilang ng namatay ay hindi na biro.

Di ba’t may usapang pangkapayapaan?
Sinong nagsimula at may kagagawan
Nitong nagaganap na bagong digmaan
Mga rebelde ba o pamahalaan?

Ang mga sibilyan ang siyang kawawa
Pag nagpatuloy pa itong mga digma
Nagulo ang buhay nitong matatanda
Pati pag-aaral nitong mga bata.

Kayrami na ngayon ng naghihikahos
At kanilang buhay ay kalunos-lunos.
Ang digmaang ito’y kaylan matatapos
Upang buhay nila’y kanilang maayos?

- sinimulan sa Batangas pier at tinapos sa barko patungong Calapan, Oriental Mindoro,
Nobyembre 22, 2008


SA BAWAT DIGMAAN
10 pantig

Pinupulbos ng digmaang ito
Ang ating buhay at pagkatao
Na parang nagngingitngit na bagyo
At sibilyan ang dinidelubyo.

Ang digmaa’y simbigat ng bundok
Na di lahat ay kayang lumunok
Marami na ang dito’y nalugmok
Tila dumapo’y sanlibong dagok.

Ang bawat digmaan ay kay-alat
Para kang nilulunod sa dagat
Tila ka rin isdang ginagayat
Buhay natin ay puno ng sugat.

Dagat ng dugo ang sinisisid
Nitong digmaang sadyang balakid
Sa ating kapwa magkakapatid.
Digmaa’y paano mapapatid?

Bawat panig ay magtalakayan
At tiyaking magtigil-putukan
Na ang kanilang pag-uusapan
Ay usaping pangkapayapaan.

Pigilan ang anumang pagsiil
Nang mawala ang mga hilahil
Ang digmaan ay dapat matigil
Upang tagas ng dugo’y mapigil.

- Calapan, Oriental Mindoro
Nobyembre 23, 2008


KALAPATI’Y KAILAN DADAPO?
10 pantig, soneto

Kalapati’y kailan dadapo
Sa sanga ng ating diwa’t puso?
Kailan pa kaya maglalaho
Ang digmaang nakakatuliro?

Kung may di pagkakaunawaan
Ay mag-usap muna ng harapan
Ayusin ang problemang anuman
At huwag daanin sa patayan.

Kalapati’y dapat makiniig
Sa pagtatagpo ng bawat panig
At ang huning sa kanya’y marinig
Ay kapayapaan sa daigdig.

Kalapati’y dapat nang dumapo
Sa sanga ng bawat diwa’t puso.

- Iloilo, Nobyembre 24, 2008


KAYGANDA NG KAPAYAPAAN
9 pantig, soneto

Kayganda ng kapayapaan
Habang kita’y tinititigan
Ngiti mo’y isang kasiyahan
Sa aking puso at isipan.

Ngunit kung dahil na sa digma
Magandang ngiti mo’y mawala
Puso ko’y tiyak na luluha
At isip ko’y di na payapa.

Kapayapaan ay kayganda
Pag ang problema’y naresolba
Ngiti mo’y muling makikita
At mundong ito’y liligaya.

Ngayon, ako ay nalalango
Sa ngiting tumagos sa puso.

- Iloilo City, Nobyembre 24, 2008


MINAHAL NA KITA, KAPAYAPAAN
11 pantig

Minahal na kita, kapayapaan
Tulad ng kapatid mong kalayaan
Nawa ikaw ay agad matagpuan
Ng nalulumbay kong puso’t isipan.

Nang makita kita’y tila nanginig
Ang puso kong itong nangangaligkig
O, ikaw ang nais kong makaniig
Pagkat kapayapaan ay pag-ibig.

Kapayapaan, ikaw na’y maglambing
Halika na rito sa aking piling
Pag nadama na kita ng taimtim
Ang pagtulog ko’y tiyak na mahimbing.

Ipagtatanggol kita kahit saan
Buhay ko’y alay hanggang kamatayan
Hiling ko lamang ako’y iyong hagkan
Pagkat mahal kita, kapayapaan.

- Bacolod City
Nobyembre 25, 2008


KAPAYAPAAN, IPAGLABAN
10 pantig

Maraming kay-agang namayapa
Di nakilala ang mga mukha
Pagkat naging biktima ng digma
Habang naiwan ay lumuluha.

Paano kung ang luha’y maubos
At mapalitan ito ng poot
Tiyak digmaa’y di matatapos
Pagkat gantihan itong susulpot.

Ilan sa naiwan ay kakasa
At hahawak na rin ng sandata
Nang maipaghiganti ang ama
Ang ina at ang buong pamilya.

Ngunit kung gantihan ang maganap
Ang kapayapaan na’y kay-ilap
Marami ang lalong maghihirap
Kaya nararapat nang mag-usap.

Gyerang ito’y anong pinagmulan
Digmaan ba yaong kasagutan?
O gawin dapat ay pag-usapan
Yaong sa problema’y kalutasan?

Kaytindi man yaong sakripisyo
Basta’t kapayapaan ay matamo
Sadyang napakahalaga nito
Sa ating buhay at pagkatao.

Nasa’y di simpleng katahimikan
Kundi kamtin ang kapayapaan
Sa ating buhay, puso’t isipan
Kaya atin itong ipaglaban!

- sinimulan sa Bacolod City, tinapos sa barko ng Negros Navigation papuntang Cagayan de Oro City, Nobyembre 25-26, 2008


HILING NI MUCHTAR

11 pantig

(Si Muchtar ay 13-anyos na batang lalaki at isang bakwit, taga-Pagangan, Maguindanao. Kasama siya sa Peace Caravan mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)

Sa lugar nila nang magkadigmaan
Pati mga bata'y naapektuhan
Marami ang nawalan ng tahanan
At nakaranas din ng kagutuman.

Kabilang dito ang batang si Muchtar
Na napaalis sa kanilang lugar
Natigil na siya sa pag-aaral
Pamilya pa niya'y gutom at pagal.

Kaya si Muchtar nang kanyang malaman
Na may ilulunsad na Peace Caravan
Siya'y sumama upang manawagan
Na wakasan ang nangyaring digmaan.

At mula doon sa lugar ng digma
Sumama sa karabanang mahaba
At naging isang tagapagsalita
Na kapayapaan ang winiwika.

Ang Peace Caravan saanman magpunta
Hinihiling niyang matigil sana
Yaong digmaang nagbigay ng dusa
Nang pag-aaral ay matapos niya.

Simpleng kahilingan ng isang bata
Nais niyang matigil na ang digma
Tulad din ng hiling ng matatanda
Upang bayan nila'y maging payapa.

Hiling ni Muchtar ay ating pakinggan
Nang makapag-aral siyang tuluyan
Kasama ang iba pang kabataan
Pagkat sila itong bukas ng bayan.

- sinulat sa barko ng Negros Navigation at tinapos sa Cagayan de Oro, Nobyembre 26, 2008.


DILI MI PESTE
11 pantig, soneto

Mula sa barko sa aming pagdating
Agad naglakbay hanggang sa mapansin
Rali sa korte sa ami'y gumising
Ang sigaw nila, "Hindi kami saging."

"Di kami pesteng dapat maispreyan
Pagkat kami'y taong may karangalan
Na dapat lang naman nilang igalang
Kami'y di mga peste sa sagingan."

Ang karabana'y agad sumuporta
Sa panawagan nila ng hustisya
Para sa mga nagkakasakit na
At sa patuloy nilang pagdurusa.

Ang mga tao'y dapat nang pakinggan
At hustisya'y igawad ng hukuman.

- sinulat ng makata sa harap ng gusali ng korte ng Cagayan de Oro habang nagrarali ang mga lumalaban sa aerial spraying sa Davao, habang ang mga ito'y nakasuot ng pulang tela sa ulo na nakasulat "Dili mi peste" na may bungo sa gitna, Nobyembre 26, 2008.


DAPAT BUHAY AY PAYAPA
11 pantig, soneto

Dapat sa buhay nati'y walang banta
Walang anumang alitan at digma
Dapat tamasa rin natin ang laya
Mula sa krimen, alitan at luha.

Kung anuman ang dumating na sigwa
Ay patuloy tayong magpakumbaba
Ito'y napakatamis na adhika
Upang mamuhay tayo ng payapa.

Pangarapin nating wala nang digma
Na gugulo sa ating puso't diwa
Pangarapin nating wala nang luha
Na dadaloy dahil di umunawa.

Kung kapayapaan lagi ang wika
Tao sa mundong ito'y mapayapa.

- Iligan City
Nobyembre 26, 2008


ALITAN AY WAKASAN
11 pantig, soneto

Kung sa ating puso't kaibuturan
Nagmumula yaong kapayapaan
Dapat palang masimulang linisan
Ang ating diwa, pati kalooban.

Kung malinis ang ating kalooban
Haharapin nati'y kapayapaan
Kaya kung may namumuong alitan
Gagawan ng paraang pag-usapan.

Ang isang daan sa kapayapaan
Ay paggamit ng payapang paraan
Ang anumang alitan ay wakasan
Pag-usapan ang mapagkasunduan.

Kaya't lagi nating pagsisikapan
Na bawat isa'y magkaunawaan.

- sinulat sa isang open awditoryum kasama ang mga estudyante at kabataan sa Kolambugan, Lanao del Norte, Nobyembre 26, 2008


LUMULUHA ANG MARAMING INA
10 pantig, soneto

Lumuluha ang maraming ina
Pagkat pati mga anak nila
Ay nadamay at naging biktima
At sa gyerang ito'y nagdurusa.

Nasira ang maraming taniman
Nasunog ang kanilang tahanan
Nawala pati ang kabuhayan
At pati pamilya'y namatayan.

Ang digmaan ay tila berdugo
Na sumira sa kayraming tao
Lumaganap ang maraming gulo
Gyera'y sadyang nakatutuliro.

Mga ina'y patuloy ang luha
Hibik nila'y wakasan ang digma.

- Kauswagan, Lanao del Norte
Nobyembre 26, 2008


MEKANISMO NG USAPAN
14 pantig, soneto

Ang sabi ng gobernador, sa aking hinagap
Upang makamit ang kapayapaang pangarap
Dapat may bagong mekanismo sa pag-uusap
Ito ang dapat ayusin at mangyaring ganap.

Kung ang mga rebelde'y agad na papayagang
Bumalik na sa usapang pangkapayapaan
At magpalakas sila habang tigil-putukan
Ito'y pagbalewala sa mga namatayan.

Katarungan ang hanap ng mga apektado
Sino ang dapat sisihin sa digmaang ito
Ito ang dapat sagutin sa maraming tao
Pagkat nawasak na ang buhay nila sa gulo.

Pag-uusap dapat ay may bagong mekanismo
Pagkat ang dati raw ay di na uubra rito.

- Provincial Capitol, Lanao del Norte
Nobyembre 26, 2008


KAPAYAPAAN AY SUMAINYO
10 pantig

Kapayapaan ay sumainyo
Sapagkat magkakapatid tayo
Alitan ay pag-usapan ninyo
Huwag sa gulo't init ng ulo
Daanin ang pagresolba nito
Ito ang aming pagsusumamo
Na tayo'y dapat magpakatao
At laging makipagkapwa-tao
Upang payapang diwa sa mundo
Ay lumaganap na ngang totoo.

- Dimaporo Gym, Mindanao State University, Marawi City
Nobyembre 27, 2008


PAG BAYAN NA ANG NANGINIG
tulang dalit

Pag bayan na ang nanginig
Halina't buhusan ng tubig
Itong magkabilang panig
Upang init ay lumamig.

- habang sumasamang bumili ng gamot sa botikang Alamina Pharmacy sa Marawi City
Nobyembre 27, 2008


KAYRAMING TAO SA EVACUATION CENTER
9 pantig

Sadyang tadhana ba'y kaylupit
Pagkat napakaraming bakwit
Na doon ay namilipit
Pagkat sa bayan sila'y gipit.

Doon sila nagsisiksikan
Silang umiwas sa digmaan
Pami-pamilya ang nawalan
Ng kani-kanilang tahanan.

Ang bahay nila'y nasunog na
Pagkat tinamaan ng bomba
Kaya't ito'y iniwanan na
Nang makaiwas sa disgrasya.

Mga bakwit ay nangangarap
Magwawakas pa ba ang hirap
Kailan daw mahahagilap
Ang kapayapaan ng ganap.

- sa isang Madrasa na ginawang evacuation center papuntang Piagapo, Lanao del Sur
Nobyembre 27, 2008


TAYO'Y MGA TAGAAKAY SA KAPAYAPAAN
8 pantig

Tayo'y mga tagaakay
Tungo sa kapayapaan
Upang lahat ay mabuhay
Ng nagkakaunawaan.

Di tayo basta hihimlay
Sa harapan ng digmaan
Pagkat ating iaalay
Pagkalinga't unawaan.

Ang tangan nating prinsipyo:
Bawat isa'y nangangarap
Kapayapaan sa mundo
Sa buhay natin ay maganap

Pati karaniwang tao
Na ito rin ang malasap
Mga tagaakay tayo
Tungo sa bayang pangarap.

- Mindanao State University, Marawi City
Nobyembre 27, 2008


KAPAYAPAAN AY BATAY SA HUSTISYA
11 pantig

Ang kahulugan ng kapayapaan
Ay di lang pagkawala ng digmaan
Kundi pagkakaroon ng katarungan
Sa puso at diwa ng sambayanan

Karapatang kumain at mabuhay
Edukasyon, trabaho at pabahay
Kalusugan, paniwala, magnilay
Ay dapat matamasa nilang tunay

Pag ang mga putok ba'y nawala na
Pag di narinig ang mga bomba
Pag nawala na ang banta ng gyera
Mga ito ba'y kapayapaan na?

May kapayapaan kung may hustisya
Sa bawat komunidad at sa kapwa.

- College of Education Mini-Theater, MSU-IIT,
Tibanga, Iligan City, Nobyembre 27, 2008


PAGPAPAHALAGA SA SALITA
11 pantig, soneto

Kung nais mo ng buhay na payapa
Tuparin mo ang pangako't salita
Pagkat salita mo ang iyong mukha
At ang pangako mo ang iyong sumpa.

Kaya dapat lamang pahalagahan
Yaong may mabubuting kalooban.
Sapagkat sila'y tapat sa usapan
Salita'y binibigyang katuparan.

Kung minamahalaga ang salita
Ikaw ay tiyak na kahanga-hanga
Ang dumaan man ay anumang sigwa
Tiyak na tulad mo'y di magigiba.

Payapang mundo'y ating makakamtan
Kung salita'y pinahahalagahan.

- Iligan City
Nobyembre 27, 2008
(ang tulang ito'y nilikha ng makata habang nakikibahagi sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao mula Baguio City hanggang Cotabato City, Nobyembre 21-28, 2008)


PAGSUMIKAPANG MAISANDIG
11 pantig

Kung sa ating puso'y walang pag-ibig
Kapayapaan ay di mananaig
Pagsumikapan nating maisandig
Kapayapaan sa buong daigdig.

- maraming nagraraling Muslim ang sumalubong sa amin sa Brgy. Matampay, Balabagan, Lanao del Sur, Nobyembre 28, 2008


PAG NAPLAT ANG GULONG NG KAPAYAPAAN
12 pantig

Pag naplat ang gulong ng kapayapaan
Ititigil na ba ang mga usapan
Ang magreresolba ba nito'y digmaan
O baka pwede nang magtigil-putukan?

- naplatan ng gulong ang sinasakyan namin sa Km1611, C12, sa Lanao del Sur
Nobyembre 28, 2008


ANG LAWA NG LANAO
12 pantig

Kaylinaw ng tubig sa Lawa ng Lanao
Na sa aking uhaw ay makatitighaw
Ito'y lawang nais kong makaulayaw
Na sa puso't diwa'y sadyang nakapukaw.

Payapang payapa ang Lawa ng Lanao
Marahil sapagkat siya'y humihiyaw:
"Sa kapayapaan, ako'y nauuhaw
Tanging sa uhaw ko'y ito ang titighaw."

Kung adhika nati'y ganito kalinaw
Maaakay natin ang sinumang uhaw
Sa kapayapaang sa puso'y durungaw
Lalo't tapat tayo't hindi paimbabaw.

Tila ang mensahe ng Lawa ng Lanao
Ito ma'y kaylalim ay sadyang kaylinaw:
"Ang buhay sa mundo'y hindi na papanglaw
Kung kapayapaan ang dito'y tatanglaw."

- habang tumatahak sa hiway papuntang Cotabato City mula Marawi
Nobyembre 28, 2008


TAMBOL ANG SINALUBONG
tulang siyampituhan

Mga tambol ang sinalubong
Sa aming dinaanan doon
Na kapayapaan ang layon
Sa mahabang lakbay na iyon.
Kahit noon ay umaambon
Kita sa plakard ang pag-ayon
Kaya tambol ang sinalubong

- Brgy.Daguan, Kapatagan, Lanao del Sur
Nobyembre 28, 2008


KAYRAMING TSEKPOINT
10 pantig

Kayraming teskpoint itong nadaanan
Habang patungo sa paroroonan
Sa bawat sulok, bawat lansangan
Tila patuloy ang sagupaan
At di pa nagtitigil-putukan.

- habang dumaraan sa hiway, Lanao del Sur
Nobyembre 28, 2008


PAANO MATUTUGUNAN
tulang siyampituhan

Paano ba matutugunan
Ng dalawang naglalabanan
Ang kanilang mga alitan
At di pagkakaunawaan.
Ah, dapat nilang pag-usapan
Ang problema nila't alitan
Nang ito'y agad matugunan.

- Matanog, Maguindanao, malapit sa Matanog National High School
Nobyembre 28, 2008


NAWA'Y DI HANGGANG LAWAY
tulang siyampituhan

Nawa'y di lamang hanggang laway
Ang panawagan nating tunay
Matagal man ang paghihintay
Dapat handa tayong maglamay.
Patuloy pa tayong magsikhay
Nang makamit ang ating pakay
Pagkat ito'y di hanggang laway.

- Parang, Maguindanao
Nobyembre 28, 2008


PARANG GINTONG DI MAHANAP
tulang siyampituhan

Kapayapaan ay kay-ilap
Parang gintong hindi mahanap
Parang pagkaing di malasap
Parang batang di nililingap.
Ngunit ito'y pinapangarap
Ng marami nang naghihirap
Gaano man ito kailap.

- Trading Post, Sultan Kudarat, Maguindanao
Nobyembre 28, 2008
(Dito nagkita ang mga karabanang nanggaling sa Davao at sa Iligan)


PAGRESPETO SA KAPWA
tulang siyampituhan

Huwag gawin sa iyong kapwa
Ang sa sarili ay masama
Upang pamilya'y di lumuha
Kundi'y mapuno ng kalinga.
Huwag mong daanin sa digma
Ang pwedeng pag-usapang pawa
Bilang pagrespeto sa kapwa.

- Brgy. Salimba, Sultan Kudarat, Maguindanao
Nobyembre 28, 2008


NANG IGALANG ANG KARAPATAN
tulang siyampituhan

Ipaglaban ang karapatan
Ng karaniwang mamamayan
Edukasyon, paninirahan
Relihiyon, pangkabuhayan
At iba pa'y dapat tutukan
At patuloy na ipaglaban
Nang igalang ang karapatan.

- Poblacion I, Cotabato City
Nobyembre 28, 2008


BAYANG LASOG
tulang siyampituhan

Pangarap natin ay kaytayog
Ngunit marapat lang iluhog
Sa bayang nagkalasog-lasog
Dahil digmaan ang dumurog.
Pangarap nati'y idudulog
Nang buong bayan ang dumumog
Sa kapayapaang kaytayog.

- Notre Dame University
Cotabato City
Nobyembre 28, 2008


BAWAT SIGALOT AY MAY TUGON
10 pantig

Gyera ba'y dahil sa relihiyon?
Mangwasak ba ang kanilang misyon?
Manggulo ba ang kanilang layon?
O dahil kulang sa nilalamon?

Pakiusap sa magkakalaban
Itigil na ang mga patayan
Sigalot ay dapat pag-usapan
At linangin na ang unawaan.

Ang bawat sigalot ay may tugon
Kapayapaan nawa'y magbangon
At huwag sana itong ibaon
Ng napakatagal na panahon.

Kapayapaan nawa'y mahanap
At siya'y atin nang maapuhap
Upang siya na ang lumaganap
Dito sa mundong dapat ilingap.

Kapayapaan nawa'y maglambing
Sa mamamayang himbing at gising
At sa ilulunsad niyang piging
Ay ipahayag ang kanyang sining.

O, nasaan ka, kapayapaan?
Nawa'y magpakita ka sa bayan
Dalawin mo ang sangkatauhan
At yakapin mo kaming tuluyan!

- Kadtuntaya Foundation Inc. (KFI)
Cotabato City
Nobyembre 28, 2008


KAPAYAPAAN ANG ISALUBONG
tulang siyampituhan

Kung anumang gulo't alitan
Ay sa digmaan na humantong
Dapat bang makipagpatayan?
Karuwagan ba ang pag-urong?
Dalhin natin sa magkalaban
Kapayapaa'y isalubong
Sa kanilang gulo't alitan!

- Datu Omar Sinsuat, Cotabato City
Nobyembre 28, 2008


KAPWA'Y HUWAG TALIKDAN
9 pantig

Kapwa'y huwag nating talikdan
Sila'y anumang pinagmulan
Ilunsad nati'y kapatiran
Sa ating kapwa at sa bayan.

Huwag nating lagyan ng bakod
Ang ating kapwa't tumalikod
Ang bintana'y lagyan ng tukod
Nang dumungaw ang bawat lingkod.

Sa kapwa'y huwag magkukubli
At isipin lang ay sarili.
Kapwa natin ay ikandili
Na kapayapaan ang saksi.

Kapwa natin ay huwag talikdan
At ihatid ang kapayapaan!

- St. Joseph Retreat House, Cotabato City
Nobyembre 28, 2008


ANG KAHALAGAHAN NG BAWAT ISA
10 pantig

kapayapaan ay mahalaga
kung ang bawat tao’y nakilala
itong ugnayan sa isa’t isa

naunawaan ang kaisahan
nila sa lahat ng mamamayan
sa mga bayan at katarungan

at kung nadama ng bawat isa
sa buod ng puso’t kaluluwa
na mahalaga ang bawat kapwa

sila’y makikitungong tuluyan
ng may respeto sa katauhan
sa kakayahan at karangalan

- Midsayap, North Cotabato
Nobyembre 29, 2008


ISANG SALITA LAMANG
11 pantig

Mas mabuti’y isang salita lamang
Na panawagan ay kapayapaan
Kaysa napakarami ng salita
Na kaguluhan itong winiwika.

- Pikit, North Cotabato
Nobyembre 29, 2008


ALAM BA NATIN?
10 pantig

Alam natin at ng karamihan
Paano ilunsad ang digmaan
Ngunit atin na bang nalalaman
Kung paano ilulunsad naman
Itong sigaw ng kapayapaan?

- naisulat sa isang stop-over malapit sa simbahan ng Ladtingan, Pikit, North Cotabato
Nobyembre 29, 2008


NAKABIBINGING KATAHIMIKAN
11 pantig

Kung kahulugan ng kapayapaan
Ay ang kawalan lamang ng digmaan
Ito’y walang anumang kahulugan
Sa mga gutom at may karamdaman.

Kung kahulugan ng kapayapaan
Ay pagkaroon ng katahimikan
Dahil armas ay di na nagputukan
Ito’y sadyang nakabibingi lamang.

Magkakaroon ng kapayapaan
Di dahil tahimik na ang digmaan
Kahit kumukulo ang kalooban
Kung makakamtan na ang katarungan.

Ang nakabibinging katahimikan
Ay di pa talaga kapayapaan.

- habang tumatahak sa Buliok Rd., Pikit, North Cotabato
Nobyembre 29, 2008


MAKIPAG-USAP SA KAAWAY
9 pantig, soneto

Kung nais ng kapayapaan
Huwag lang ating kaibigan
Ang dapat nating pakikinggan
Kundi pati na ang kalaban.

Tayo’y makipagtalakayan
Kung anong pinaglalabanan
Kung bakit may mga alitan
Upang agad maresolbahan.

Kaya naman nag-aawayan
Dahil di nagkaintindihan
Ngunit kung mag-uusap lamang
May magandang patutunguhan.

Ito’y dapat maunawaan
Kung nais ng kapayapaan.

- Pagalungan, Maguindanao
Nobyembre 29, 2008


DI SAPILITAN
11 pantig

Kapayapaan ay di sapilitan
Makakamit ito sa unawaan
Ito’y dapat nating mapag-alaman
At ibahagi sa pangkalahatan.

- Poblacion, Makilala, Cotabato
Nobyembre 29, 2008


MASAMA’T MABUTI
10 pantig

O, dapat nating pakatandaan
Walang masamang kapayapaan
At wala ring mabuting digmaan
Para sa ating bansa’t lipunan.

- Bansalan, Davao del Sur
Nobyembre 29, 2008


DAPAT MAGSIMULA SA ATIN
9 pantig

Dapat magsimula sa atin
Ang kapayapaang diringgin
Ng kapwa mamamayan natin.
Ito ang unang dapat gawin
At mahalaga ring tungkulin
Na nararapat nating tupdin.

- Brgy. Cogon, Digos City, Davao del Sur
Nobyembre 29, 2008


KAPAYAPAAN AY DI DAPAT HUMIMLAY
13 pantig

Ang kapayapaan ay di dapat humimlay
At di rin ito dapat magmistulang bangkay
Sa mga aklatan at kasunduang gabay
Kundi ito'y dapat nating mabigyang-buhay.

- Dolly's House of Seafoods
Talisay, Davao del Sur
Nobyembre 29, 2008


PAGMAMAHAL AT HUSTISYA
9 pantig

Kung mapapalaganap natin
Ang pagmamahalan sa atin
At hustisya'y paiiralin
Kapayapaan ay kakamtin

- Toril, Davao City
Nobyembre 29, 2008


SA PAGSILANG NG KAPAYAPAAN
11 pantig

Ipinagbubuntis ng Peace Caravan
At ipinaglilihi ng buong bayan
Ang isinisigaw na kapayapaan
Isang araw nawa'y ating masilayan
Ang kapayapaan sa kanyang pagsilang.

- McArthur Highway, Matina, Davao City
Nobyembre 29, 2008


KAPAYAPAAN AY MUSIKA
tulang siyampituhan

Ang dapat tumugtog sa masa
Ay di lang pagtigil ng gyera
Kundi kapayapaang nasa
Na may halina ng musika.
Mga nota nito'y kayganda
At sadyang nakahahalina
Ng musikang ito sa masa.

- Ecoland, Davao City
Nobyembre 29, 2008


KAYSARAP NG KAPAYAPAAN
10 pantig

O, kaysarap ng kapayapaan
Kung ito'y ating malalasahan
Kaytamis nitong parang pukyutan
Habang parang apdo ang digmaan.

Kung diwa nati'y mababahiran
Ng kapayapaang kaylinamnam
Ang puso nati'y masasarapan
Parang langit na ang napuntahan.

Isabay pa'y alak at pulutan
Habang tayo pa'y nagtatagayan
Atin talagang mararanasang
Nabusog itong puso't isipan.

Kaya magkaisa't ating tikman
Ang tamis nitong kapayapaan.

- Liza's Carinderia at Ihaw-Ihaw
Davao City
Nobyembre 29, 2008


KAHIT MAPAGOD SA KAPAYAPAAN
12 pantig

Kahit mapagod pa sa pangangampanya
Ng kapayapaan sa maraming erya
Ay okey lang basta’t maraming sumaya
Dahil payapa na at wala nang gyera.

- sa bahay ng nag-organisa ng Duyog Mindanao habang umiinom ng kape
Davao City
Nobyembre 29, 2008


KAPAYAPAAN AT SI JOHN LENNON
12 pantig

Ayon sa awit ng dakilang John Lennon
Bigyan ng tsansa, kapayapaan ngayon
"Give peace a chance" itong sigaw niya't misyon
Na sadyang kayganda ng taglay na layon.

- SM Davao City
Nobyembre 29, 2008


SA KASAMANG NAGKASAKIT
10 pantig

Sa kapatid naming nagkasakit
Na naglakbay ding kasama namin
Nawa ikaw agad ay gumaling
At marami pa tayong gagawin
Upang atin pang palaganapin
Ang kapayapaang mensahe rin
Ng nangyaring Peace Caravan natin
Sakit mo nawa'y di na maulit.

- Ecoland, Davao City
Nobyembre 29, 2008
(Ito'y tula para sa isang kasamang naospital dahil marahil sa pagod sa Peace Caravan)


KAPAYAPAAN AY GINAGAWA
9 pantig

Ang salitang "kapayapaan"
Ay sadyang napakasimple lang
Kayganda kung ito'y pakinggan
Ngunit sadyang kay-ilap naman.

Nawa'y hindi hanggang salita
Itong kapayapaang pita
Nawa'y maisulong sa gawa
At hindi lamang winiwika.

- Ecoland, Davao City
Nobyembre 30, 2008


MARAMING SALAMAT, DUYOG MINDANAO
12 pantig

Maraming salamat sa Duyog Mindanao
Pagkat nakasama ako't nakadalaw
Sa maraming lugar na isinisigaw
Ay kapayapaan sa buong Mindanao.

Maraming salamat, ako'y nakasama
Sa lakbayang itong layon ay kayganda
Nawa'y magpatuloy ang mga sumama
Sa tungkuling itong hatid ay ligaya.

Ligaya sa puso ng mga kaduyog
Saya sa damdamin ang umiindayog
Ang pangarap natin bagamat matayog
Ito'y isang misyong dapat mailuhog.

O, maraming salamat, Duyog Mindanao
Lilisan man ako sa iyong ibabaw
Pakatandaan pong isip ko'y napukaw
Sa Mindanao nawa'y muling makadalaw.

Ako'y babalik na doon sa Maynila
Taglay ang pag-asang may luha at tuwa
Nawa'y maihatid ang diwang payapa
At mensaheng ito sa mga dalita.

Napakarami pa ng mga digmaan
Na dulot ng bulok na pamahalaan
Nawa'y baguhin na pati ang lipunan
Upang magkaroon ng kapayapaan.

Kailangang sadya nitong pagbabago
At tiyakin nating magamit ang pondo
Di sa bala't kanyon, gyerang agresibo
Kundi sa pagbuti ng lagay ng tao.

Nagpapatuloy pa ang mga digmaan
Sa iba pang panig ng sandaigdigan
Ihatid din natin ang mensaheng iyan
Sa kanilang nais ng kapayapaan.

- sinimulan sa Davao International Airport, tinapos sa eroplano ng Cebu Pacific
Nobyembre 30, 2008

Siyampituhan at ang mga Sugat sa Bagong Panahon

Siyampituhan at ang mga Sugat sa Bagong Panahon

(Paunang Salita sa aklat na pinamagatang "Mga Sugat sa Kalamnan: Katipunan ng 150 Tulang Siyampituhan" ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Patuloy na nagnanaknak ang mga sugat sa kalamnan ng ating lipunan, ng ating bayan, ng ating mamamayan, at maging ng ating pagkatao. Nagnanaknak sa gutom, dusa, kahirapan, di-mabuting sistema’t kaugalian. Tila hindi maaari ang patapal-tapal na gamutan lamang. Kailangan nito ng isang matinding lunas o kaya’y pagtitistis, o marahil ay nararapat nang palitan na ang anumang dapat palitan. Marami nang bayani ng lahi, maging ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan, kabataan, guro, at karaniwang tao, ang nagtangkang gamutin ang mga sugat na ito.

Ngunit paano nga ba malulunasan ang nasabing mga sugat? Kung sakaling magamot man ito’y hanggang kailan ito maghihilom? Malunasan man ang mga sugat na ito at gumaling sa pagdatal ng mapait at mahabang panahon, mag-iiwan pa rin ito ng pilat na magpapaalala sa mga sugat ng nakaraan.

Ang mga kathang nakapaloob sa katipunang ito’y paglalarawan at paghagilap ng ilang mga sagot sa napakaraming katanungan. Nawa’y kahit papaano’y may maiambag ang mga ito sa paglunas sa nagnanaknak na sugat ng lipunan.

Ang siyampituhan bilang bagong anyo ng tula

Ang Mga Sugat sa Kalamnan: Katipunan ng 150 Tulang Siyampituhan ay pawang eksperimentasyon sa isang anyo ng tulang ambag ng inyong lingkod sa panitikang Pilipino.

Para makagawa ng sarili kong estilo, pumokus ako sa istraktura ng tula. Kung ang tanaga ay naglalaman ng pitong pantig bawat taludtod sa isang saknong na may apat na taludtod, ang haiku naman ay tatlong taludtod na may pantigang 5-7-5, ang siyampituhan naman ay isang anyo ng tulang pito ang taludtod, na may siyam na pantig bawat taludtod (siyam-pito). Hinati ko ito sa dalawang bahagi. Ang unang bahagi na binubuo ng unang apat na taludtod ang siyang problema o tesis, at ang ikalawang bahagi naman na binubuo ng huling tatlong taludtod ang siyang tugon, kongklusyon o panawagan. Hindi lamang iyon, ang isa pang ginawa kong panuntunan dito ay ang pag-uulit ng isang salita, bahagi, o buong taludtod ng una at huling taludtod, at sa pag-uulit ay iniiba ang paggamit o nagbabago na ng kahulugan bagamat naroroon pa rin ang isang salita o bahagi ng unang taludtod sa huling taludtod. Tinawag ko itong siyampituhan, kahit pansamantala, bilang paglalarawan sa anyong ito.

Ngunit inaamin kong ang dahilan kung bakit naisipan kong gumawa ng sariling estilo (hindi mag-imbento, dahil baka may ilan ding nakagawa na ng estilong ito bagamat di palagian) ay ang pangangailangang tiyakin kong laging may lamang 20 tula o higit pa bawat buwan ang aking blog ng tula sa internet (http://matangapoy.blogspot.com), dahil ito na ang nasimulan ko mula nang malikha ko ang blog na ito noong Marso 2008.

Nagbunga naman ang aking mga ginawa. Sinimulan ko ang paglikha ng siyampituhan nito lamang Oktubre 2008. Dito’y mas pinokusan ko ang mga paksang tumatalakay sa nagnanaknak na mga sugat sa kalamnan ng ating lipunan, ng ating bayan, ng ating mamamayan, at maging ng ating pagkatao. Nagnanaknak sa gutom, dusa, kahirapan, at di-mabuting kaugalian. Makapag-ambag nawa ang mumunting siyampituhang naririto sa pagbabaka-sakaling may lunas pa ang mga sugat na ito.

Ang katipunang ito ay mga tulang siyampituhan na ginawa ko mula Oktubre hanggang Nobyembre 2008. Ito ang una kong koleksyon ng siyampituhan.

Hindi ko aasahang magustuhan ninyo ang nilalaman ng mga tulang naririto. Ngunit natitiyak kong inyong malalasahan ang tamis ng pag-asa at pait ng dusang nakaukit sa bawat tula.

Maraming salamat sa pagtangkilik.

Gregorio V. Bituin Jr.
Sampaloc, Maynila
Nobyembre 30, 2008