PUTIK SA PANAHON NG UNOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Napakatitinding unos ang dumatal sa bansa nitong nakaraang dalawang taon lamang. Nariyan ang lupit nina Ondoy, Pepeng, Pedring, Quiel, at ang huli ay si Sendong. Pawang matitinding unos na dumatal sa ating bansa, sa Kalakhang Maynila, Gitnang Luson at Hilagang Luson, Hilagang Mindanao. Kinitil ng mga bagyong ito'y libu-libong katao na, at ang kapaligiran ay nagmistulang dagat ng putik. Kay Sendong ay higit isanglibo na ang namatay. Lubog sa putik ang mga subdibisyon, mga iskwater, at mga pananim sa mga probinsya. Nakakalungkot, dahil bukod sa mga namatay ay marami pa ang nawalan ng tahanan. Dinelubyo ng mga bagyong ito ang kabahayan at kabuhayan ng ating mga kababayan. Hanggang ngayon, marami pa ring kabahayan ang lubog sa putik at baha.
Sinong dapat sisihin sa nangyari? Ngunit may dapat nga bang sisihin sa mga nangyari, gayong ito'y ngitngit ng kalikasan? O ang dapat nating sisihin ay ang sistemang panlipunang sumira sa kalikasan, na siyang dahilan upang gantihan ng kalikasan ang tao?
Muling nasilayan ng marami ang muling pagbabayanihan ng mga Pilipino at pagmamalasakit nila sa ating kapwa. Agad silang sumaklolo sa mga natamaan ng baha at nalubog sa putikan, ngunit ang marami, bagamat nais sumaklolo ay walang magawa dahil sa kawalan ng kagamitan. O kung may gamit man ay di bihasa sa paggamit nito.
Gayunman, kapansin-pansin ang kawalang-handa ng pamahalaan sa ganitong mga sitwasyon. Doon nga sa may Brgy. Bagong Silangan sa Lunsod Quezon, umabot na sa 42 katao ang namatay. Sa Provident Village sa Marikina, na karamihan ay mga sikat ang nakatira, ay hindi rin pinatawad ni Ondoy. Sa Muntinlupa’y walang madaluyan ang tubig baha kaya lubog pa rin ang maraming bahay sa putik. Ang lalawigan ng Pangasinan ay nagmistulang karagatan. Nagka-landslide sa Baguio City at sa La Trinidad, Benguet, kung saan kayraming namatay. Nasa 648 na ang natalang namatay. Sa Cagayan de Oro naman at Lungsod ng Iligan, madaling araw dumating si Sendong kung saan natutulog pa ang mga tao, na mahigit 1,000 ang namatay.
Hindi maaaring sabihin ng pamahalaan na di sila handa sa ganitong pangyayari, pagkat lagi namang tinatamaan ng bagyo ang ating bansa. Noong 2007 nga ay nanalasa na ang kaytinding bagyong Milenyo na kumitil din ng maraming buhay. Dapat ay naghanda na sila kung sakaling mangyari muli ang panibagong unos tulad ni Milenyo o ni Ondoy. O ang dapat nating sisihin o punahin ay ang nagaganap na climate change na nagdulot ng ganitong katinding unos?
Ano nga ba ang tinatawag na climate change? Ito ang pagbabago-bago ng klima ng mundo, dahil sa mga greenhouse gases (GHG) na bumubutas sa atmospera ng ating daigdig. Tulad dito sa Pilipinas, nagkaroon ng tag-ulan sa panahon ng tag-araw. Ngayon ngang 2009 ay naranasan nating umulan ng malakas at nagbaha nitong Mayo na dapat ay tag-araw. Ang greenhouses gases na sumira sa kalikasan ay dulot ng pagsusunog ng mga fossil fuels para sa langis ng mga sasakyan. Dulot din ito ng mga coal-fired power plants na nagsusunog din ng mga uling para magpaandar ng kuryente.
Ngunit sa ngayon, sinisisi ng gobyerno, lalo na ng mga trapo, ang mga maralita dahil sa pagbaha. Ang mga iskwater daw ang dahilan kaya di raw madaanan ng tubig ang mga estero, kaya nais ng mga pulitiko na pabantayan ang mga lugar na binaha sa mga militar upang di na roon makabalik ang mga iskwater. Ngunit sino ba ang dahilan kung bakit may iskwater? Hindi ba’t itong gobyerno, mga elitista, mga mayayaman, mga kapitalista, na di isinasama sa pag-unlad ang mga dukha at laging inietsapwera ang mga mahihirap sa mga planong kaunlaran ng bansa? Hindi ba’t ang laging solusyon nila sa maralita ay itaboy ito sa mga lunsod at itapong parang mga basura sa mga bundok at malalayong lugar?
Maraming salamat sa mga noodles at sardinas na ipinamigay upang kahit pansamantala ay may pang-agdong-buhay ang mga nasalanta. Ngunit alam nating hindi ito sapat upang makabalik ang mga nasalanta sa dati nilang pamumuhay. Kaya imbes na pawang noodles at sardinas ang ibigay bilang relief sa mga apektado, bakit hindi na lang ibigay ay mga bahay na sapat para sa kanila. Karapatan nila ang magkaroon ng bahay, ngunit pinabayaan sila ng gobyernong tumira sa mga mapanganib na lugar, tulad ng riles at estero.
Anong dapat gawin? Dapat na ilaan ang countryside development fund o pork barrel ng mga mambabatas, calamity fund ng gobyerno para sa pagbili ng lupa sa mga maralitang biktima ng mga bagyo. Tiyaking sa relokasyon nilang ito ay may sapat na pabahay, hanapbuhay at serbisyo. Dahil isa man sa tatlong ito ang mawala ay tiyak na delubyo sa mga nasalanta.
Dapat magkaroon ng moratorium sa demolisyon at pagpapaalis sa evacuation center hangga’t walang maayos, abot-kaya at ligtas na relokasyon. Hindi dapat na itataboy na lamang na parang mga daga ang mga maralita at basta na lamang paaalisin nang walang kasiguraduhan sa paglilipatan.
Ngunit mananatili ang katotohanan: Sa nangyaring pagkamatay ng daan-daang tao, at kawalan ng matitirhan ng mga nasalanta, ang tanging ginagawa ng gobyerno ay mamigay ng noodles at sardinas, imbes na tiyaking ayusin at ilagay sa mas maayos na lugar ang mga nasalanta. Kung ipagpapatuloy ng gobyerno ang basta na lamang pagpapaalis sa mga maralita sa dating kinatirikan ng kanilang bahay nang walang maayos na plano, sadyang inutil ang gobyerno. Dagdag pa rito ang patuloy na operasyon ng mga minahan at iba pang kumpanya na sumira ng mga kabundukan at kagubatan. Huwag na nating hayaang dahil sa mga kapabayaang ito'y marami pa muling mga kababayan natin ang malibing sa putik pag may dumating muling matitinding unos. Paghandaan na natin ito bago pa tayo mismo ang matamaan nito.