Linggo, Marso 29, 2009

Ang Pakikiisa sa Earth Hour ay Pakikipagkapwa-Tao

Ang Pakikiisa sa Earth Hour ay Pakikipagkapwa-tao
ni Gregorio V. Bituin Jr

Mamayang gabi, papatayin ng marami ang ilaw sa ganap na ika-8:30 hanggang ika-9:30 ng gabi bilang pakikiisa sa Earth Hour. Napakahalaga ng pakikiisang ito para sa pangangalaga sa kalikasan.

Kahit na paborito man natin ang mga palabas sa GMA7 na Bitoy's Funniest Videos sa ika-8 ng gabi, at Kapuso Mo, Jessica Soho, sa ika-9 hanggang 9:45 ng gabi; pati ang palabas sa ABS-CBN na Maalaala Mo Kaya na magsisimula ng ika-8:15 pm hanggang 9:30 pm, ito'y okey lang. Pagkat ang isang oras mong pagpatay ng ilaw, at pagkawala ng kuryente ay pagpapakita mo ng malasakit sa iyong kapwa tao, na tinatamaan ng pagkasira ng kalikasan.

Patay man ang ilaw sa mga oras na ito, sana'y piliin nating huwag manood ng telebisyon. Dahil pwede naman talagang manood ng TV kahit patay ang ilaw.

Nawa'y gawin nating pagkakataon ang pagpatay natin ng ilaw bilang paggunita sa ating Inang Kalikasan. Alalahanin natin ang pagkamatay at pagkakasakit ng maraming tao, kababayan man natin at hindi, dahil sa pagkasira ng kalikasan.

Ang mga namatay sa malaking baha sa Ormoc, Leyte, ilang taon na ang nakararaan.

Ang pagguho ng mabahong basura sa Payatas sa Quezon City na ikinamatay ng maraming maralita.

Ang mga tinamaan ng nuclear radiation dahil sa aksidente sa Three Miles Island sa US, at sa Chernobyl sa Russia.

Ang pagkakasakit ng marami dahi sa mabahong basura, mabahong usok sa Edsa, pagbara ng mga kanal kaya nagbabaha, pagdumi ng ilog at dagat, pag-iinit ng mundo o global warming, pagkakaroon ng tambak na basurang plastik, at marami pang iba.

Patay na ang Ilog Pasig at kailan pa maghihilom ang sugat na iginawad dito ng tao?

Panahon na para magmalasakit tayo sa kalikasan. Wala nang iba pang mundo tayong titirahan maliban sa mundong ating ginagalawan.

Sa bawat pagkasira ng kalikasan, ang tinatamaan ay tao. Kung mahal mo ang kapwa mo, ang pamilya mo, ang mga kamag-anak, kaibigan, at kakilala mo, gagawa ka ng paraan para mapangalagaan sila mula sa sakit at sakunang dulot ng pagkasira ng kalikasan. Kaya ang pakikiisa sa Earth Hour ay pakikipagkapwa-tao at pagpapakatao. Dahil mahal mo ang kapwa mo, pangalagaan mo ang kalikasang tahanan ng bawat isa.

Ang pakikiisa sa Earth Hour ay di lang boto para sa kalikasan, kundi pakikipagkapwa-tao.

Bilang pagpapakita ng pagmamahal sa ating kapwa, halina't makiisa sa panawagang ito. Tutal isang oras lang naman ito. Pakisabi na rin sa mga kapitbahay nyo ang panawagang ito:

Mamayang ika-8:30 hanggang ika-9:30 ng gabi, Marso 28, 2009, halina't patayin natin ang ilaw sa ating mga tahanan, gumamit ng flash light, at kung kandila man ay tiyaking ito'y nababantayan upang hindi magkasunog.

Pag nagawa nyo ito, saludo kaming lahat sa inyo!

Maraming salamat.

- mula kay Goriong Putik




P.S. Sa isang blog ay ito ang nakasulat na paliwanag:

This year, Earth Hour has been transformed into the world’s first global election, between Earth and global warming.

For the first time in history, people of all ages, nationalities, race and background have the opportunity to use their light switch as their vote – Switching off your lights is a vote for Earth, or leaving them on is a vote for global warming. WWF are urging the world to VOTE EARTH and reach the target of 1 billion votes, which will be presented to world leaders at the Global Climate Change Conference in Copenhagen 2009.

This meeting will determine official government policies to take action against global warming, which will replace the Kyoto Protocol. It is the chance for the people of the world to make their voice heard.

Earth Hour began in Sydney in 2007, when 2.2 million homes and businesses switched off their lights for one hour. In 2008 the message had grown into a global sustainability movement, with 50 million people switching off their lights. Global landmarks such as the Golden Gate Bridge in San Francisco, Rome’s Colosseum, the Sydney Opera House and the Coca Cola billboard in Times Square all stood in darkness.

In 2009, Earth Hour is being taken to the next level, with the goal of 1 billion people switching off their lights as part of a global vote. Unlike any election in history, it is not about what country you’re from, but instead, what planet you’re from. VOTE EARTH is a global call to action for every individual, every business, and every community. A call to stand up and take control over the future of our planet. Over 74 countries and territories have pledged their support to VOTE EARTH during Earth Hour 2009, and this number is growing everyday.

We all have a vote, and every single vote counts. Together we can take control of the future of our planet, for future generations.

VOTE EARTH by simply switching off your lights for one hour, and join the world for Earth Hour.

Saturday, March 28, 8:30-9:30pm.

Sabado, Marso 28, 2009

Ang Metapora ng Putik sa mga Pelikula at Nobela

ANG METAPORA NG PUTIK SA MGA PELIKULA AT NOBELA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang putik ay kasama na natin sa pang-araw-araw na buhay. Anupa't bahagi na ito ng ating paglaki. Nariyan ang matalsikan tayo ng putik ng rumaragasang sasakyan, ang lumubog ang ating sapatos sa putikan. Ngunit isa ring mahalagang paglalarawan ang putik sa hindi karaniwan.

Tila isang napakahalagang metapora ang putik sa panitikan o literaturang pambansa. Lagi itong ginagamit sa mga argumento, debate, talakayan o pangkaraniwang usapan upang ilarawan ang maraming bagay, tulad ng budhi, kaugalian, at maging pagkatao.

Karaniwan ay maririnig nating sinasabi ng matatanda, "Nagpupukulan na naman ng putik iyang mga tradisyunal na pulitiko para siraan ang kanilang mga katunggali." Ayaw nating "mabahiran ng putik" ang ating karangalan o puri bilang tao. At pag nasabihan pang ang ugnayan ng isang magkaibigan ay tulad sa putik, ito'y nangangahulugang may pagtataksil.

Sa pagsasaliksik ko ay di ko sinasadyang makita ang mga pamagat ng pelikulang may kaugnayan sa putik. Labing-isa ang nakita ko, at marahil mas marami pa rito. Sa pamagat pa lamang ay kapansin-pansing napakalalim ng kahulugan ng salitang 'putik'. Halina't tunghayan ang ilan sa mga ito:
(a) Magkumpareng Putik (1950 - starring Roberto Rosales)
(b) Taong Putik (1956 - starring Alicia Vergel, Amado Cortez)
(c) Kadenang Putik (1960 - Efren Reyes)
(d) Nardong Putik (1972 - starring Ramon Revilla)
(e) Putik Ka Man... Sa Alabok Magbabalik (1976 - starring Gloria Diaz)
(f) Mga Rosas sa Putikan (1976 - starring Vilma Santos)
(g) Ginto sa Putikan (1990s - starring Estella Estrada II)
(h) Bato, Lupa, Putik (1990 - starring Liz Alindogan, Rachel Lobangco)
(i) Dinampot Ka Lang sa Putik (1991 - starring Christopher de Leon, Maricel Soriano)
(j) Ang Babaing Putik (2000 - starring Klaudia Koronel)
(k) Bertud ng Putik (2003 - starring Bong Revilla)

Marahil, lahat ng pelikulang ito ay pumatok sa takilya, lalo na't pawang mga bigating artista ang siyang bida sa mga ito. Kung susuriin natin ang mga pamagat pa lamang, kapansin-pansin ang iba't ibang kahulugan ng putik. Tayo ay nagmula sa putik dahil nilalang tayo mula sa putik, kung papansinin ang pelikulang "Putik Ka Man... Sa Alabok Magbabalik", habang sa "Magkumpareng Putik", marahil ito'y tungkol sa paglalabanan ng dalawang magkumpareng kinulapulan ng putik ang bawat isa. Ibig sabihin, dinungisan ang pangalan at binalewala ang pinagsamahan bilang magkaibigan.

Ang mga pelikulang "Mga Rosas sa Putikan", "Ginto sa Putikan", at "Dinampot Ka Lang sa Putik" ay marahil tumutukoy sa mga babaeng mahihirap na natagpuan ng mayaman at naging asawa.

Si "Nardong Putik' naman ay isang kilalang kilabot ng Cavite, na ang anting-anting ay mula sa putik, tulad din ng "Bertud ng Putik". Pinagbidahan ang bawat isa nito ng mag-amang Revilla.

Marahil, ang "Kadenang Putik" ay tungkol sa mabuway na pagkakakulong ng isang tao sa isang lugar, marahil ay sa bilangguan o sa lupang minana pa niya sa kanyang ninuno, na imbes na bakal ang kadena, ito'y putik na tanikalang nagtali sa kanila o sa kanya sa maruming piitan o sa lupa.

Ang "Taong Putik" ay maaaring isang halimaw, habang "Ang Babaeng Putik" ay isang mananayaw.

Gayunman, ito'y pawang mga palagay lamang, bagamat inaamin kong hindi ko pa napanood ang lahat ng ito, maliban sa ilan, tulad ng "Nardong Putik" at "Bertud ng Putik". Kailangan ko pa ng sapat na panahon para panoorin ko ang lahat ng ito. Ngunit may makikita pa kaya tayong pelikula ng ilan dito, na marahil sa tagal ng panahon ay talagang hindi na natin mapanood ng malinaw. Gayunman, mahalagang nahalungkat din natin ito sa kasaysayan.

Narito naman ang mga nobelang may kaugnayan sa putik:
(a) Mga Bathalang Putik ni Liwayway A. Arceo
(b) Moog sa Putikan ni Agapito M Joaquin

Hindi ko pa rin nahahawakan ang mismong mga aklat na ito, ngunit nais ko rin itong mabasa, upang mas maipaliwanag ko ng husto ang kaugnayan ng putik sa ating buhay, sa ating kapaligiran, sa ating kultura, at marahil, sa ating pagkatao. Marahil kahit sa mga maikling kwento at mga tula ay marami pa tayong matatagpuang iba pang kahulugan o metapora ng putik. Gayunman, matagalan pang pananaliksik ito.

Ang mga pelikula't nobelang nabanggit ko ay ilan lamang sa mga nasaliksik ng inyong abang lingkod habang nagtatanggal ng putik sa aking tsinelas, at minamasdan ang ilang nagkalat na librong itinapon ng may-ari dahil luma na at naputikan.

Lunas ang Pag-asa

LUNAS ANG PAG-ASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming tao ang kadalasang nawawalan ng pag-asa.

Maraming nagpapatiwakal dahil tingin nila'y wala nang pag-asa ang kanilang kasalukuyang hirap na kalagayan. Akala nila'y pulos dusa na lang ang mundong ito, pulos hinanakit, at pwang kahirapan na lamang. Makakaahon pa kaya tayo, ang nasasa isip ng iba, sa aba nating kalagayan?

Marami ang nakakagawa ng krimen dahil wala silang maasahang matinong kalagayan. Nakakulong dahil nagnakaw ng sampung pisong pandesal, habang ang mga nagnakaw ng milyun-milyon sa kaban ng bayan ay hindi maipakulong.

Marami ang namatay dahil sa simpleng sakit dahil hindi ginamot ng mga doktor sa ospital. Inaasahan nilang ang karapatan nila sa kalusugan ay paiiralin ng ospital. Ngunit ang kalusugan pala, imbes na serbisyo, ay negosyo na.Paano gagamutin ang maysakit na maralita kung wala siyang pang-down payment sa ospital? Paano gagaling ang maralitang maysakit kung napakamamahal ng gamot na kinakailangang bilhin? Paano giginhawa ang maralita kung sa mismong bayan niya, siya'y lalong ibinababa?

Marami ang hindi nakapag-aral dahil sa hirap ng buhay, at dahil sa mahal ng matrikula, na bawat taon ay tumataas. Marami ang umasang makapag-aaral dahil karapatan nilang mag-aral, ngunit ang karapatang ito sa edukasyon ay negosyo na pala. Paano nila pag-aaralan ang nais nilang kurso kung napakamahal ng bayad sa edukasyon? Paano magiging doktor o abugado ang mga maralitang nangangarap na makatulong sa kanilang mga aping kababayan sa nayon at liblib na pook sa mga lalawigan kung di pa sapat ang pagbebenta ng kalabaw at kapirasong lupang minana pa nila, kung ang gastos naman sa pag-aaral ay napakamahal?

Mga maralita'y hampaslupa, mga mababaho, mga walang silbi sa mundong ito. Ganito kadalasang inilalarawan ang mga mahihirap.

Ngunit ang mga maralita, nagtitiis tumira sa ilalim ng tulay upang mabuhay. Kumakain ng mga itinapong tira-tirahang karne mula sa Jollibee at McDo upang lutuing muli, para lang may maipakain sa kanilang mga gutom na pamilya. Nasisikmura ang gayong abang kalagayan para sa kanilang mga anak para lang mabuhay. Makatao ba ang ganito? Hindi!

May maaasahan pa ba tayo sa ganitong klase ng gobyerno, pabaya sa mga maliliit? May maaasahan pa ba tayo sa kapitalistang sistemang umiiral ngayon, na ang serbisyo't karapatan ay ginagawang negosyo?

May pag-asa pa habang tayo'y nabubuhay. Ito ang laging bukambibig ng matatanda, ng pamahalaan, maging ng simbahan. Ngunit maaasahan ba natin sila sa pag-asang ating inaasam? Walang mawawala sa atin kung umasa tayo, at mas malaking kawalan kung ang pananaw natin sa buhay ay pawang kawalang pag-asa.

Pag umasa ka, lahat ay maaaring mangyari. Ang pag-asa ay tulad ng iniinom na spinach ni Popeye na sa panghihina niya'y bigla siyang lalakas.

Kahit alam nating ang inaasahan natin ay bihirang mangyari, at ang di natin inaasahan ang nangyayari, may pag-asa pa rin tayo. Kailangan lang nating kumilos at maging positibo sa pananaw. Malay mo, tumama ka sa lotto. Ngunit kung di ka tumaya, huwag mong asahang tatama ka sa lotto.

Ang pag-asa ay gamot sa nahihirapan. Ang pag-asa ay lunas sa nagsisikip mong dibdib. Ang pag-asa ang siyang gamot sa pagdududa, gamot sa mga sugat na nalikha ng mga pangyayari. Ang pag-asa ay paghilom.

Gayundin naman, ang pag-asa ay pagkilos, at hindi lamang pagsasabi ng "Sana, sana", kundi "Dapat, dapat". Hindi tayo dapat tumunganga na lang sa isang tabi, at gayahin si Juan Tamad sa kanyang pagkakahiga sa pag-asang bumagsak ang bayabas sa kanyang bunganga. Kailangang kumilos ng mga mahihirap upang baligtarin ang tatsulok na kalagayan ng lipunan.

Oo, may pag-asa pa. May pag-asa pa. Dahil kung walang pag-asa, walang kahulugan ang buhay. Minsan lang tayong mabuhay sa mundong ito. Bigyang kahulugan natin ang buhay. Halina't tayo'y kumilos upang ang pangarap na inaasam ay magkaroon ng katuparan.

O, Pag-asa, halina't haplusin mo ang mga isipang nadirimlan at mga pusong nasasaktan. Halina't kami'y tulungan upang maibsan ang nararamdaman naming kahungkagan. Naririto kami, umaasa.

Biyernes, Marso 27, 2009

Kaugnayan ng Paglaya sa Buhay

Kaugnayan ng Paglaya sa Buhay
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ang paglaya ay may dalawang kahahantungan
- buhay o kamatayan

ngunit ano ang kaugnayan ng paglaya sa buhay
- ang dahon pag tinanggal ba sa sanga ng puno, iyon ay paglaya o iyon ay kamatayan
- ang isda pag tinanggal ba sa ilog o dagat, iyon ba ay paglaya o iyon ay kamatayan

ang paglaya ay dapat na may kaugnayan sa iyong buhay upang magpatuloy ang buhay
tulad ng paglaya ng bilanggong walang kasalanan at paglaya ng ibon mula sa hawla

ang paglaya sa di mo mundo ay nagdudulot ng kamatayan
- ang dahong napigtas sa puno
- ang isdang natanggal sa tubig
- ang lobong natanggal sa tangkay at pumailanlang sa himpapawid na di niya mundo

ang paglaya pabalik sa mundo mo ay buhay
- ang paglaya ng ibong di dapat nasa hawla
- ang paglaya ng bilanggo dahil sa parole at nakabalik sa pamilya

ang paglaya ay dapat may kaugnayan sa lalaya

Biyernes, Marso 20, 2009

Anti-Porno Campaign: Peke

ANTI-PORNO CAMPAIGN: PEKE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(mula sa magasing The Fourth Estate, Setyembre-Oktubre 1998, pp. 8-11)

Kung iisipin, maganda ngunit nakakatakot ang inilunsad na kampanya ng pamahalaan at ng iba't ibang samahan laban sa mga maliliit na dyaryong binansagang "pornograpyang babasahin". Maganda 'yung layunin, ngunit nakakatakot dahil hindi nito tinutumbok ang tunay na problema at maaaring maging daan pa ito para sa mas matitinding censorship ng iba pang uri ng dyaryo, lalo na 'yung kritikal sa gobyerno. Naririyang sunugin ng mga anti-porno campaigners sa harapan ng Mendiola ang mga dyaryong tabloid upang ipakita ang kanilang protesta. Tingin nila, nakakasama sa kabataan ang paglalantad ng mga hubad na larawan ng mga kababaihan. Mabuti naman at may ginagawa sila, pero hindi sapat. Kulang-kulang. Dahil hindi sinasagot ng anti-porno o anti-smut campaign ang tunay na dahilan ng pagdami ng mga dyaryong ito. Hindi rin isinasama 'yung mga commercial ads sa TV at mga kalendaryong may larawan ng babaing hubad.

Maganda ang simulain ng anti-porno campaign, ngunit hindi nito nasasapul ang tunay na problema. Kahit papaano, mababawasan ang mga krimeng rape. (Nababawasang nga ba?) Ngunit sa isang banda, totoo bang nang dahil lang sa pagbabasa ng mga dyaryong tabloid na may litrato ng babaing modelo, ay nagawa na niyang mang-rape? May isa pang salik na dapat nating tingnan kung bakit nagaganap ang rape at ito'y hindi lang dahil sa mga tabloid na babasahin. Ito'y kung kargado ng droga ang suspek o di kaya'y nababaliw. Nang dahil sa droga ngunit napapagbuntunan ng sisi ang mga dyaryong tabloid. Kung tutuusin, sinong tao ang nasa katinuan ang mangre-rape ng kanyang anak, kapatid o kakilala? Sa ulat ng People's Journal, ang 143 sa 423 (o 33.8%) convicted rapists ay mga amang nanggahasa ng kanila mismong sariling mga anak. Isang nakahihindik na balita. Ito ba'y dahil simpleng nakapagbasa lamang sila ng dyaryo o may karga silang droga nang gawin nila iyon? Paano nila nasikmurang gawin ito sa kanilang mga anak? Baka naman ang paglaganap ng ganitong mga babasahin ay kagustuhan din ng mga nasa gobyerno, kaya walang ngipin ang batas na nakasaad sa Artikulo V, Seksyon 9 ng RA 7160, na nagsasabing dapat makulong ang mga publisher ng smut, pati na rin ang Presidential Decree 969 (Anti-Pornography Law)? Masalimuot ang isyung ito kaya't dapat nating suriing mabuti.

Analisahin natin ang ibig sabihin ng pornograpya sa punto de bista ng The Philippine Alliance Against Pornography, Inc. (PAAP), isa sa mga pinakamasugid na kampanyador ng anti-porno. Ayon sa kanilang leaflet, "Pornography comes from the Greek words 'porno' and 'graphos' meaning the writing of prostitutes. It is defined as written, graphic or other forms of communication intended to incite lasciviousness or lustful feelings. It is a $20 Billion international enterprise with outlets in print and broadcast media, in magazines, comics, tabloids, on film and television, on radio, on telephone, computers and even live on stage. It is produced, sold and distributed by evil men and women purely for monetary gain, in utter disregard of the common good. It is purchased because of a selfish obsession with sex and instant gratification."

Ating suriin ang unang pangungusap. Tanong: Tanggap ba ng mga babaing may hubad na larawan, tulad nina Ara Mina, Sunshine Cruz, Miss Asia Pacific Michelle Aldana at Miss World (2nd Princess) Ruffa Gutierrez, na sila ay prostitute? Ang mga larawan nila'y naipa-front page sa mga dyaryo. Kaya ba nilang simurain na tawagin silang prosti? Ang ibig bang sabihin ng 'writing of prostitues' ay ang mga prosti ang sumulat ng artikulo o 'yung prosti mismo ang ikinukwento? Paano kung hindi tungkol sa isang prosti 'yung kwento kundi isang magkasintahang naglalampungan? Matatawag ba silang prosti? Bakit may tinatawag na prostitute? Kagustuhan ba nila ito o sila'y biktima rin ng mapang-aping sistemang nagsadlak sa kanila sa kahirapan, kaya sila napunta sa ganitong trabaho?

Pangalawang pangungusap: Totoo bang ito'y "intended to incite lasciviousness or lustful feelings" o ito'y simpleng ekspresyon lamang ng manunulat ng kanyang nararamdaman? Iba 'yung ipinahayag niya 'yung kanyang nararamdaman, dahil ito'y kalayaan sa pamamahayag. Kung ikaw ang sumulat ng artikulo, may intensyon ka ba na i-arouse 'yung damdamin ng mambabasa mo? Kung wala ka namang intensyon, inisip mo ba ang implikasyon o kahihinatnan ng gagawin o ginawa mo? Iba pa rin kung may intensyon kang sumulat ng kalibugan para magkapera, gaya ng kwento ni Lyka.

Sa pangatlo at pang-apat na pangungusap, ang tinutukoy dito'y ang batas ng kapitalismo, ang umiiral na sistemang panlipunang ang hangarin ay magkamal ng magkamal ng tubo, nang di iniisip ang kapakanan ng marami, basta sila lamang ay kumita. Natural lang na yumaman ang mga may-ari ng dyaryong ito, kung multi-million business nga ito at kinakapital ang sex bilang kalakal. Ang tinutukoy ditong "evil men and women" ay ang mga kapitalista' ang "fior purely monetary gain," ito mismo ang batas ng kapital; at ang "utter disregard of the common good," ito mismo ang kapitalistang pagsasamantala.

Ang panlima ay simpleng ekspresyon ng human nature, pero hindi sa lahat ng panahon ay tama. Maaring kaya mo nabili iyan dahil sa art o sining, hindi dahil malibog ang magbabasa nito. Maaaring ito rin ang paraan ng nagbibinata o bagong kasal upang matuto, hindi ng sex, kundi ng responsibilidad niya sa sex o sa asawa nito. Ito'y isa ring paraan ng sex education para maiwasan ang sakit, lalo na ang AIDS. Maaaring may mga nakasulat doong mga artikulo o balitang kailangan mo. Halimbawa ng artikulo ay: "Paano maiiwasan ang siphilis, tulo at AIDS?"

TANONG: Sa ganitong depinisyon at paliwanag, nakahanay ba rito ang mga dyaryong pinupuntirya ng anti-smut campaign na ito? Basta ba may nakitang larawan ng babaing hubad, pornograpya na? Bakit hindi pagbuntunan din ng sisi 'yung mga kalendaryong may larawan ng babaing hubad at 'yung mga ads sa telebisyon na nagpapakita ng babaeng hubad, pati na ang mga pelikulang may hubaran? Pati na ang mga ads ng produktong pambabae, gaya ng bra at panty na ibinebenta ng Avon, dahil mga babaing naka-two-piece ang mga modelo nito? Anong kaibahan ng mga ito sa mga dyaryong tabloid? O baka naman peke ang mga panawagan ng mga kampanyador na ito? Nag-aastang moralista, pero hindi mapuntirya lahat? O baka naman hindi kinikilala ng karamihan ang pantay na karapatan ng babae at lalaki, kaya't nagagamit ang babae bilang produkto ng komersyalisasyon? Biktima ng kapitalistang pagsasamantala? O baka naman gustong monopolyohin ng mga malalaking dyaryo ang pamilihan at i-etsa-pwera ang mga maliliit na dyaryo? Anong klaseng kampanya ito? Gayunpaman, hindi tayo dapat magpatali sa depinisyong ito. Ang dapat nating tingnan ay kung bakit sumulpot ang ganitong problema.

Analisahin natin ang lipunan. Sumulpot ang patriyarkal na sistema (ang pagkilala sa mga kalalakihan bilang mga pinuno sa tahanan at komunidad, dahil na rin sa kanilang lakas ng pangangatawan, at pagiging natural na mandirigma) alinsabay ng lipunang pyudalismo. At ngayon, patuloy itong umiiral sa kasalukuyang sistemang kapitalismo. Nakabalangkas sa mga sistemang ito (ayon sa prosesong dinaanan ng lipunan) na ang babae ay mahina, matatakutin at palaasa, gaya nina Cinderela, Ines Kannoyan at Maria Clara, at ang tangi nilang tagapagligtas ay isang lalaki, gaya nina Hercules, Lam-ang, Crisostomo Ibarra, Superman, Batman o FPJ. Kahit magbasa ka pa ng mga fairy tales, mitolohiya, Noli Me Tangere o manood ka pa ng sine. Ayon sa batas ng pribadong pag-aari (kapitalismo), pag-aari ng lalaki ang babae. Kaya't nangyayari'y tinitingnan ang babae bilang sex object lamang. Libangan.

Ang balangkas ang kapitalismo ay kumpetisyon. Magkamal ng tubo, tubo, tubo. Ang sistemang ito ang dahilan kung bakit may mga ganid at makasariling mga indibidwal. Ang sistema ring ito ang sumisirang parang anay sa pag-iisip ng ating mga kabataan, dahil itinuturo nito ang palsipikadong moralidad, ang baluktot na paniniwala at pag-uugali ng mamamayan. Dahil dito, kinikilala ng mamamayan, mapalalaki man o mapababae, na ang mga kababaihan ay mahina o inferior sa mga kalalakihan. Para sa mga moralista, ang kababaihan ay dapat na tulad nina Maria Clara, Cinderela, Snow White at mga mongha, hindi mga kababaihang gaya nina Gabriela Silang, Lorena Barros, at Helen ng Troy. Dito pa lang ay makikita na natin kung anong klaseng baluktot na moralidad ang itinuturo sa mga paaralan. Dahil mismong paaralan ay kasabwat ng mga kapitalista sa pagtuturo na ang mga kababaihan ay mas inferior kaysa kalalakihan.

Nitong huling bahagi ng dekada 80, sumulpot ang mga babasahing binansagang 'smut'. Nagsimula ang paglalabas ng hubad na larawan ng mga babae sa front page ng mga dyaryong tabloid. Pinangunahan ito ng Abante. Dito rin nagsimula ang malayang imahinasyon ni Xerex Xaviera sa kanyang kolum. Sumunod na rin ang ibang tabloid. Naging popular sina Totoy Mola at Lyka (Ang babaing dalawa ang kuntil).

Pero kung babasahin at aanalisahin natin ang mga nilalaman ng mga tabloid na ito, gaya ng Abante, Remate, Bandera, Saksi Ngayon, atbp., makikita nating hindi pulos sex ang tinatalakay. Mayroon din silang mga balitang hindi lumalabas sa mga dyaryong malalaki. Halimbawa na lang ay ang mga balita tungkol sa pagsasara ng Philippine Airlines. Hindi gaanong binibigyan ng espasyo ng malalaking dyaryo ang punto de bista ng mga manggagawa o mga unyon, kundi kung ano lang ang sinasabi ng naghaharing uri, gaya ni Erap at ni Lucio Tan. Buti pa ang mga tabloid, kahit papaano, inilalabas ang hinaing ng mga maliliit, ng mga karaniwang tao, ng masang api. Lumalabas tuloy na ang mga tabloid na ito ang nagiging kakampi ng mga manggagawa at masang api sa kanilang pakikipagtunggali laban sa mga mapang-api at mga naghaharing uri dahil hindi nila maaasahan ang mga malalaking dyaryo. Dahil ang mismong malalaking dyaryo ay kontrolado ng kapital.

Isa pa, kung pag-aaralan natin ang sikolohiya, mas mahirap naman kung hindi ilalabas ng isang tao ang kanyang nararamdaman dahil maaari itong maging dahilan para masiraan siya ng ulo o manakit ng kapwa. At karamihan sa kanila, nailalabas lang nila ito sa pormang sulatin dahil karamihan ay nahihiyang ipagtapat sa iba ang anumang nasasaisip at nararamdaman nila, dahil baka hindi sila maintindihan o kaya'y pagtawanan lang sila. Kaya't sinusulatan nila sina Xerex at Andromeda. Ramdam ng karamihan na may sukatan ang pagkatao ng isang indibidwal sa sistemang pyudal at kapital. At ito ang totoo. Pag mayaman, in na in. Pag mahirap, etsa-pwera. Kaya tuloy marami ang may inferiority complex. Iba ang istandard ng sistemang kapital. Istandard na para lang sa may pera, para sa palakihan ng tubo, para sa kumpetisyon, para sa mga may 'dugong asul'. Kaya masisisi ba natin ang iba na sumulat ng sex stories? Kung ito lang ang daluyan ng kanilang nararamdaman, sila ba ay matatawag na imoral? O ang mas imoral ay ang mapang-aping sistema ng kapital? Sa kapitalismo, ang moralidad ay hindi ang pakikipagkapwa-tao, hindi ang pagmamahal sa kapwa, hindi ang pagkilala sa karapatang pantao ng bawat isa, hindi ang paggalang sa maliliit. Para sa kapitalistang sistema, ang moralidad ay ang pagsunod sa batas ng kumpetisyon, pagsunod sa batas ng mga naghaharing uri sa lipunan, pagsunod sa batas ng kapital, sa pagpapalago ng tubo.

Kung susuriin naman natin ang mga katulad na kaso ng 'paglabag' daw ng mga manunulat, makakahalaw tayo ng ideya sa mga nangyari sa publikasyong Chi Rho ng Miriam College at ng magasing Hustler ni Larry Flint. Noong 1994, sinusupinde ang mga manunulat ng Chi Rho ng administrador ng Miriam College dahil sa kanilang paglalathala ng isinaaklat na koleksyon ng mga tula, ang "Libog at Iba Pang Tula". Pero para sa mga estudyanteng ito, ito'y kalayaan sa pamamahayag. Sa pelikulang 'true-to-life' naman tungkol kay Larry Flint ng Amerika, may-ari ng Hustler at iba pang babasahing nagalabas ng mga larawang hubad ng mga kababaihan, ipinakita rito na nanalo siya sa korte laban sa mga moralistang gaya ng isang kilalang pinuno ng isang relihiyosong organisasyon. Pinaboran ng Supreme Court ng US si Larry Flint batay sa First Amendment na nakasaad sa Konstitusyon ng Amerika, na nagsasabing: "Congress shall make no law ... abridging the freedom of speech or of the press ..."

Ang kalayaan sa pamamahayag ay karapatan ng bawat mamamayan, hindi lang ng mga mamamahayag. Kaakibat ng kalayaang ito ang dignidad ng tao. Dahil kung hindi ka malayang ipahayag ang iyong saloobin at dinudusta ang iyong kalayaan sa pagsasalita, ito'y higit pa sa pagpapaalipin, dahil mistula kang robot na kung ano lang ang dinidikta ng iba ay tango ka lang ng tango. Para ka lang hunyangong nakauniporme na 'yes-sir' lang ang alam sabihin. At mabilis pa sa alas-kwatrong kakawag-kawag ang buntot pag nasabihan ng "That's an order!" Ito 'yung tinatawag na 'obedience syndrome' na pinaiiral ng kapitalismo. Isa pa, masyadong matindi kung mag-censor ang naghaharing uri, dahil tinitingnan nila ito sa punto de bista ng kapital, ng mga naghahari-harian at ng mga pekeng moralista. Walang sinuman, kahit ang gobyerno, ang dapat magmonopolyo sa ideya at makatotohanang pag-uulat dahil magiging labag ito sa prinsipyo ng kalayaan sa pamamahayag. Magkaiba man tayo ng paniniwala, magkaiba man tayo ng pananaw, anumang klase ng sulatin (sex man 'yan, relihiyon, o rebolusyon), walang sinuman ang dapat sumikil sa kalayaan sa pamamahayag. Dahil ang pagpatay sa kalayaan sa pamamahayag ay direktang pagpatay na rin sa iyong dignidad at pagkatao. Gayunman, hindi dapat abusuhin ang kalayaang ito. Dapat nating alalahanin na dapat totoo at kaya nating panindigan kung ano man ang ating iuulat at isusulat dahil responsable tayo dito. Pag kinasuhan ka ng libelo, kailangang kaya mong depensahan ang iyong sarili at patunayan ang lahat ng iyong naiulat at naisulat.

Suriin naman natin kung ano ang pagkakatulad at pagkakaiba ng kalayaan sa pamamahayag ng mga dyaryong tabloid at ang dyaryong Kalayaan nina Jacinto't Bonifacio, Iskra nina Lenin at mga progresibong publikasyon noong panahon ng martial law. Una, ang mga dyaryong tabloid ngayon ay malayang naibebenta sa mga pamilihan, samantalang ang mga dyaryong nananawagan ng pagbabago sa lipunan ay patago kung ibenta o ipalaganap. Pangalawa, magkaiba sila ng nilalaman, ngunit pareho silang nag-uulat at nagpapahayag ng pananaw, at ito'y kalayaan sa pamamahayag. Pangatlo, pareho itong ginigipit ng mga naghahari-harian sa lipunan at mga nagkukunwaring moralista. Pang-apat, parehong dapat ilagay sa tamang lugar ang mga babasahing ito. Marapat lamang na maiwasan ng mga kabataan ang sex bilang laruan o gamit lamang, habang iniiwasan namang magkaroon ng mga anarkistang susulpot sa hanay ng mga rebolusyonaryo. Panglima, paano na kung manawagan ng pagbabago sa lipunan ang mga dyaryong ito? Tiyak na papatayin at ise-censor ito ng mga naghaharing uri o di kaya'y lapastanganin ang kalayaan natin sa pamamahayag.

Bakit pinag-iinitan ng ibang establisadong dyaryo itong mga tabloid na ito. Simple, dahil sa kumpetisyon. Nakahanap ng butas ang mga establisado nang dyaryo laban sa mga bagong dyaryong tabloid na naglalabasan. Pinapatay nila ang mga maliliit na dyaryo para sila lang ang bilhin, dahil alam ng mga malalaking may-ari ng dyaryo na kailangan ng mamamayan ang mga balita. Para sa kanila, "news is a commodity", hindi "journalism as a service to the people". Kaya't kung aayusin lang ng pamahalaan ang kanilang balangkas ng pag-iisip at magsusuri lang silang mabuti, makikita nilang hindi lang simpleng moralidad ang tunay na isyu dito, kundi ito'y simpleng labanan ng malalaking kapitalistang dyaryo laban sa mga maliliit na dyaryo. At kung magtutukoy tayo ng mga dyaryong may kinalaman dito, ito ay labanan ng Journal Group of Publications (pag-aari ng gobyerno) laban sa mga naglalathala ng Remate, Abante, Init, at iba pang maliliit na dyaryo. Sa totoo lang, hindi aktibo sa anti-smut campaign ang mga malalaking dyaryo, gaya ng Inquirer, Today at Manila Times. Kaya't lumalabas na ang pagbulwak ng malayang palitan ng ideya at kalayaan sa pamamahayag ay pinapatay ng ibang establisadong dyaryo magkamal lang ng tubo at mamonopolyo ang pamilihan.

Kaya nga hindi dapat patayin ang mga dyaryong binansagang 'smut', dahil ito'y labag sa kalayaan sa pamamahayag. Ang maaari marahil nilang gawin ay gaya rin ng ginagawa sa mga pelikula na may For General Patronage, may Parental Guidance under 18 years old (PG-18) o may For Adults Only. Ilagay lang sa tamang lugar ng pamilihan na hindi mabibili ng kabataan ang ganitong babasahin kung hindi pa sila nakakasapit sa tamang edad. Pero ano naman ang garantiyang mabibili ito kapag ganito naman ang ginawa? E, di pinatay naman natin ang pinagkakakitaan ng mga dyaryong ito. Kaya't dapat lang bumalangkas ng tamang batas para dito, sa punto de bista, hindi ng naghaharing uri at kapitalista, kundi sa punto de bista ng mga mamamayang kumikilala sa kalayaan sa pamamahayag at pantay na karapatan ng lalaki at babae.

Kinikilala ng sistemang kapitalismo na mahina ang babae at palamuti lamang, kaya't hindi tayo dapat magtaka kung patuloy na maglalabas ang mga dyaryong maliliit na ito ng mga litrato ng mga babaeng hubad, dahil ito mismo ang kanilang kapital upang makipagkumpetensya a mga dambuhalang dyaryo na nagmistulang makinarya ng estado. Hindi kayang makipagsabayan ng mga maliliit na dyaryong ito sa mga establisado na at malalaking dyaryo, kaya't nagagamit tuloy nila ang mga hubad na larawan ng mga babae bilang atraksyon upang mabili ang kanilang dyaryo. Hangga't patuloy na umiiral ang kapitalistang sistema ng lipunan, hindi kikilalanin ang pantay na karapatan ng lalaki at babae. Ang mga babae'y patuloy na aapihin at yuyurakan ang kanilang dignidad. Pero kung ako ang tatanungin mo, simpleng tingnan ko na lang ang mga nagawang paghihirap, sakripisyo, pag-aalala at pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak, at pagkakaroon ng mga kapatid na babae, ay sapat nang dahilan para kilalanin ko ang pantay na karapatan ng babae at lalaki, at igalang ang mga kababaihan.

Kaya anumang gawing kampanya ng gobyerno at ng iba't ibang moralistang (?) organisasyon, patuloy pa ring maglalabasan ang mga pornograpyang babasahin, kahit underground selling, basta sila lamang ay kumita. Hangga't ang iniisip ng mga kapitalista ay ang tutubuin ng kanilang mga dyaryo (ito lang naman talaga ang iisipin nila kaya nga sila kapitalista), at hindi ang paglilingkod sa tao, patuloy pa ring maglalabasan ang mga pornograpyang babasahin. Hindi sapat ang simpleng kampanyang anti-porno o anti-smut. Hindi sapat ang paghuli, pag-aakusa at pagkulong sa mga publisher ng mga dyaryong ito. Ang dapat nating gawin ay baguhin ang balangkas ng lipunan, ang ating balangkas ng pag-iisip. Basagin ang pagtinging mahina ang babae. Kilalanin ang pantay na karapatan ng babae at lalaki sa ating lipunan. Durugin ang paghahari ng mapang-aping sistemang kapital. Isang sosyalistang rebolusyon!

Martes, Marso 17, 2009

Alaala ng ika-25 anibersaryo ng kasal nina Itay at Inay

ALAALA NG IKA-25 ANIBERSARYO NG KASAL NINA ITAY AT INAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Enero 1, 1991 ang ika-25 anibersaryo ng kasal ng aking ama't ina. Muli silang magpapakasal. At ito'y gagawin nila sa sa Our Lady of Loreto Parish, na isa sa dalawang magkatabing simbahan sa Bustillos, sa Sampaloc, Maynila. Hindi ko alam ang planong iyon, hanggang mangyari ang hindi inaasahan.

Nagtrabaho ako sa kumpanya mula Pebrero 1989 hanggang Pebrero 1992. Noong una'y umuuwi pa ako mula Alabang sa Muntinlupa tungong bahay sa Sampaloc, Maynila, at gigising ng madaling araw at aalis ng bahay ng 6:30 am upang makarating ng pinapasukang pabrika sa Alabang bago mag-alas-otso ng umaga.

Sapagkat bisperas niyon ay naroon ako sa Alabang. Bilang manggagawang regular sa kumpanya, ako'y nangupahan ng maliit na kwarto sa aking tinutuluyan. Malapit iyon sa mismong riles ng tren, at malapit din sa ilog.

Imbes na Junjun o Junior na madalas itawag sa akin ng aking ama't ina, at mga kapatid, o Greg naman para sa mga kaklase, iniba ko ang aking pangalan doon. Subalit paglalaro pa rin sa pangalang Gregorio. Sa pamayanang iyon, ako si Regie.

Kaya raw nang pinahanap ako sa aking mga katrabaho ay hindi nila natukoy ang aking kinaroroonan sapagkat nag-iba nga ako ng pangalan. Subalit naganap ang dapat maganap.

Matapos makasama ang mga kapitbahay ko roon sa pagsapit ng Bagong Taon, ako muna'y natulog ng madaling araw, tulad din ng pagpapahinga ng mga tao sa Bagong Taon.

Bandang bago magtanghali ay nagising ako't naisipang lumabas. Mula Alabang ay nagtungo ako sa pamilyar na lugar, sa Bustillos. Saan pa ba ako pupunta kundi roon, bukod sa Quiapo, sa Sta. Cruz, Recto, Divisoria, gaya ng nakasanayan ko. Nagtungo muna ako sa Bustillos at papasok na sana ng VOT o yung mas maliit na simbahan sa dalawa, na kilala ring St. Anthony Shrine. Tanda ko pa ang nakasulat sa loob ng simbahang iyon: Devs Mevs Et Omnia.

Sa madaling sabi, nakita ako sa Bustillos, sa labas ng dalawang simbahan, ng isang kasama ni Itay sa Holy Name Society ng Loreto, at agad na sinabi sa akin, bakit ka nandito? Hindi ka ba dadalo sa kasal ng magulang mo?

Nagulat ako. Kaya agad akong nagtungo sa simbahan ng Loreto nang sinabing sa ganoong oras ay ikakasal na sila. Isang oras na lang. Ikalawa ng hapon ang kasal.

Nang makita ako nina Itay, agad na nagpakuha ng polo shirt sa bahay, pantalon at sapatos. Ang sinuot ko kaya't hiniram sa kaibigan ni Itay.

Natuloy ang kasal at pagdiriwang nila ng ikadalawampu't limang anibersaryo ng kasal nang nakadalo ako. Tsambahan. 

Kumpleto kaming magkakapatid. Kung hindi pa ako umalis ng aking tinutuluyan ay hindi ko pa mababatid na ikakasal pala sila.