Biyernes, Nobyembre 29, 2019

Kwento - Halos pitong buwan ding naging pangulo ng bansa ang Supremo


HALOS PITONG BUWAN DING NAGING PANGULO NG BANSA ANG SUPREMO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tila tambayan na pag patay na oras ang karinderya ni Aling Tess kaya nag-uumpukan doon ang mga tulad nina Tino, Tano, at Trining, na pawang lider ng samahang magkakapitbahay sa kanilang lugar.

“Napanood ko sa sinehan noon ang pelikulang Bonifacio, Unang Pangulo. Totoo kaya iyon?” Bungad ni Trining.

Tumugon si Tino, “Ayon sa nabasa ko sa kasaysayan, naging Unang Pangulo ng bansa si Gat Andres Bonifacio noong matransporma na ang samahang Katipunan na rebolusyonaryong pamahalaan nang punitin ng mga Katipunero ang kanilang sedula hudyat ng himagsikan at paglaya ng bayan mula sa mga mananakop na Kastila. Naging pangulo siya mula Agosto 24, 1896, hanggang sa mapatalsik siya sa pwesto noong Kumbensyon sa Tejeros noong Marso 22, 1897.  Kaya bale pitong buwan ding naging pangulo ng bansa si Bonifacio.”

“Sino naman ang nagsabi niyan? May batas na ba ng pagkilala sa kanya bilang unang pangulo?” Tanong ni Trining. “Baka lumalabas ay propaganda lang iyan sa pelikula.”

“Sige, Tino, nais ka naming pakinggan. Baka may mapulot kami sa sasabihin mo.” Ani Tano.

“Ayon sa natatandaan ko, sa dinaluhan kong pulong noon nang magsalita ang historyador na si Dr. Milagros Guerrero, sinabi niyang mula sa pagiging lihim na samahan, ang Katipunan ay naging pambansang pamahalaan noong sumiklab ang Himagsikang 1896. Si Bonifacio ang epektibong kumilos bilang pinuno ng hukbo, naglabas ng mga atas, namamahala sa mga estratehiyang militar, at nag-oorganisa ng rebolusyonaryong istruktura. At kinilala rin siya ng ibang bansa bilang Presidente, tulad sa nalathala sa peryodikong Espanyol na La Ilustración Española y Américana, kung saan tinawag si Bonifacio bilang "Titulado (Presidente) de la República Tagala". Kaya ang pelikulang pinanood ni Trining na Bonifacio: Unang Pangulo, kung tutuusin ay batay sa mga saliksik ng mga historyador. Kaya parang isang kampanya talaga iyon upang kilalanin talaga si Bonifacio bilang unang pangulo.” Ang mahaba-habang pagtalakay ni Tino.

Patango-tango naman si Tano. Nakakunot noo naman si Trining habang natanaw niya ang anak na kabababa lang sa sinakyang traysikel.

“Teka, Trining. Kailan mo nga pala napanood ang Bonifacio: Unang Pangulo? Kailan ba iyan ipinalabas? Anong taon?” Tanong ni Tino.

Tinawag ni Trining ang kanyang anak na kadaraan lamang upang umuwi ng bahay. “Sandali, Tinay, kailan nga ba natin napanood ang Bonifacio: Unang Pangulo?”

Agad namang sumagot si Tinay, “Ang tanda ko, ‘Nay, pinalabas iyon sa Metro Manila Film Festival noong 2014. Pasko pa natin iyon napanood. Tanda ko pa dahil ga-gradweyt na ako niyan sa high school.”

“Salamat, anak. Limang taon na pala ang nakararaan.” Ani Trining.

Sumagot si Tino. “Naitanong ko lang dahil di ko pa iyon napanood. Nais kong malaman kung anu-anong eksena ang naroon. Dineklara ba siyang pangulo sa palabas?”

Si Trining, “Ang mas mabuti yata’y panoorin mo rin iyon upang masagot ang iba mong katanungan. Hindi ko na tanda ang mga detalye.”

“Sige, maraming salamat.”  Ani Tino.

Sumabat si Tano, “Ang mabuti pa yata’y mag-arkila tayo ng VHS o Betamax niyan upang sabay-sabay nating mapanood.”

“Hindi na uso ang VHS at Betamax ngayon, Tano.” Sabi ni Tino. “Baka sa Youtube, meron. Sige, panoorin natin, subalit sa ngayon, mas interesado akong malaman kung ano nang nangyari sa mga kampanya upang kilalaning unang pangulo ng bansa si Gat Andres Bonifacio. May panukalang batas na kaya sa Kongreso at Senado? Alamin pa natin.”

Sa gayon nagtapos ang kanilang huntahan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 16-30, 2019, pahina 18-19.

Linggo, Nobyembre 24, 2019

Environmental Planning Day of the Philippines tuwing Nobyembre 8, imbes Yolanda, ibang bansa ang pinagbatayan

PROKLAMASYON BLG. 847 (nilagdaan Nobyembre 15, 2019)
DEKLARASYON NG NOBYEMBRE 8 BILANG
“ENVIRONMENTAL PLANNING DAY OF THE PHILIPPINES”

Opisyal na idineklara ng pamahalaan ang Proklamasyon 847 na ang Nobyembre 8 ay "Environmental Planning Day of the Philippines"

Subalit bakit Nobyembre 8? Ayon sa batas, ito’y isinabay nila sa "World Town Planning Day”, subalit mas maganda sana, mula sa sariling karanasan ng bansa ang dahilan ng kanilang pagsasabatas nito. Dahil ang petsang ito’y paalala sa atin sa naganap na bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013 kung saan mahigir animnalibong katao ang sinasabing namatay sa Tacloban at mga karatig-pook. Di ba’t dapat talagang may “environmental planning” bilang paghahanda sa anumang kalamidad na mangyari, tulad ng lindol, baha, bagyo, at iba pa. Bakit hindi naisip ng mga mambabatas na sa naganap na Yolanda ang dahilan ng petsang Nobyembre 8? Wala ba silang malay sa ating kasaysayan? O wala silang pakialam? Dapat may pagpaplano talaga sa pangkapaligiran upang maiwasan ang ganitong nasabing trahedya. Sumapit man ang kaparehong lakas ng Yolanda o mas matindi pa, may kahandaan ang bansa upang di gayon karami ang mamatay.

‎Layunin ng nasabing batas na kilalanin ang mahalagang papel ng mga environmental planner sa paghubog ng ligtas, maayos, at napapanatiling komunidad. Itinataguyod din nito ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pagpaplano sa kapaligiran upang maiwasan ang mga sakuna at mapabuti ang pamumuhay sa bansa. ‎Ilan sa nilalaman nito ay isinalin natin sa wikang Filipino upang mabasa ng ating mga kapatid na maralita:

SAPAGKAT, ginagarantiyahan ng Artikulo II, Seksyon 16 ng Konstitusyon ang karapatan ng mga tao sa isang balanse at malusog na ekolohiya alinsunod sa ritmo at pagkakaisa ng kalikasan;

SAPAGKAT, ang Artikulo XIII, Seksyon 9 ng Konstitusyon ay nag-uutos na ang Estado, sa pamamagitan ng batas at para sa kabutihang panlahat, ay dapat magsagawa, sa pakikipagtulungan sa sektor ng publiko, ng isang patuloy na programa ng reporma sa lupang urbano at pabahay, na magbibigay ng abot-kayang disenteng pabahay at mga pangunahing serbisyo sa mga mamamayang kapus-palad at walang tirahan sa mga sentrong urbano at mga lugar ng resettlement;

SAPAGKAT, kinikilala ng Republic Act No. 10587 o ang "Environmental Planning Act of 2013," ang kahalagahan ng pagpaplanong pangkapaligiran sa pagbuo ng bansa at pag-unlad ng ekonomiya;

SAPAGKAT, ang Nobyembre 8 ay ipinagdiriwang sa buong mundo bilang "World Town Planning Day," upang isulong ang kamalayan ng publiko at propesyonal sa lokal at internasyonal na pagpaplano, at upang mapataas ang kamalayan sa mga epekto sa kapaligiran na nagreresulta mula sa pag-unlad ng mga lungsod at teritoryo…

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 16-30, 2019, pahina 2.

Sabado, Nobyembre 9, 2019

Kwento - Sana'y sa Lungsod ng Tacloban ganapin ang COP 25


SANA’Y SA LUNGSOD NG TACLOBAN GANAPIN ANG COP 25
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Matindi pala ang nangyari kung saan gaganapin ang COP 25 o ‘yun bang Conference of Parties. Ito ‘yung pulong taon-taon na ginaganap ang daigdigang pulong hinggil sa klima. Sana’y sa Lungsod ng Tacloban ganapin ang COP 25 dahil biglang umatras ang bansang Chile.” Ani Teng.

Sumagot si Myra, “Ngunit mabagal ang Pilipinas sa ganyan, lalo na’t malaking gastos na naman iyan at wala sa nilagdaang taunang badyet kaya mahirap ang iniisip mo.”

“Sabagay, tama ka, Myra,” pagpapatuloy ni Teng, “Mukhang suntok sa buwan ang naiisip ko. Tingin ko nga, wala pang bansa mula sa ASEAN ang nag-host ng COP. Kung meron man, di ko pa nasaliksik.”

“Saan pala gaganapin ang COP 25 kung hindi na sa Chile? At saka bakit umatras ang Chile sa pag-host?” Agad na tanong ni Myra.

Sumagot si Teng na animo’y reporter, “Ayon sa mga ulat, opisyal na napili ang Chile na mag-host ng COP 25 noong Disyembre 2018 sa pagtatapos ng COP 24 sa Katowice, Poland. Ito’y matapos bawiin ng Brazil ang alok nitong mag-host, at napili ang Chile upang pumalit sa pagkapangulo para sa kumperensya ng 2019. Ang kumperensya ay orihinal na nakatakdang maganap sa Santiago, Chile, mula Disyembre 2–13, 2019. Dahil sa malawakang kaguluhan sa bansang Chile at mga protesta sibil, inanunsyo ng Pangulo ng Chile na si Sebastián Piñera nitong Oktubre 30 lang na hindi na magho-host ang Chile ng summit.”

“Ganoon ba? E, di saan na ang COP 25?” Muling tanong ni Myra.

Si Teng, “Ayon sa nabasa ko, agad na nag-alok ang Spain nitong Nobyembre 1 na mag-host ng kumperensya sa Madrid sa itinakdang petsa, bagamat pinanatili ng Chile ang pagkapangulo ng COP 25, na pinalitan ng pangalang Chile-Madrid COP25. Magaganap ang COP 25 sa Feria de Madrid (IFEMA) sa Espanya sa darating na Disyembre 2-13.”

Narinig pala sila ni Mulong na kumakain ng pansit sa kabilang mesa, at sumabat ito. “Palagay ko, tama si Myra. Mabagal talaga ang Pilipinas sa ganyan. Ngunit maganda sana kung sa Tacloban ganapin ang COP 25 dahil isa iyan sa dahilan ng pag-iyak ni Yeb Saño sa United Nations sa kasagsagan ng Yolanda, kung saan siya ang kinatawan ng Pilipinas sa mga pandaigdigang usapan hinggil sa klima. Isa pa, commissioner siya dati ng Climate Change Commission. Na-Yolanda kasi ang kapatid niya.”

“Ganyan pala ang halaga ng Tacloban kung magiging venue siya ng COP. Lalo na’t higit limang libo, kung di man sampung libo, ang opisyal  na bilang ng namatay dahil sa pananalasa ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013. Mas mararamdaman ng mga delegado ng COP 25 kung bakit dapat talagang lutasin ang isyu ng klima, lalo na kung paano hindi umabot ng 1.5 degri ang pag-iinit pa ng mundo.” Sabi ni Myra.

“Siyang tunay, Myra,” ani Mulong. “Bagamat hindi pa marahil iyan mangyayari sa ating panahon. Maliban kung igigiit ng ating mga lider na dumadalo sa taunang COP na dalhin sa Pilipinas ang pulong, halimbawa, ipanawagan ni dating Commissioner Yeb Saño na sa Ground Zero ng Yolanda naman ganapin ang COP, baka may mangyari.”

“May mungkahi ako,” ani Teng. “Ano kaya kung kausapin natin si Sir Yeb? O kaya sina Sir Ian ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) at baka may mangyari sa ating naiisip.”

“Subalit sila’y nasa non-government organization o NGO,” sagot ni Myra. “Baka sa mismong Climate Change Commission tayo mag-lobby.”

“Asa ka pa? Sabagay, noong si Sir Yeb ang naroon at nang manalasa ang Yolanda, malaki ang posibilidad na mangyari iyan,” ani Mulong.

“Ganito na lang,” ani Teng, “Gagawa ako ng petisyon na nakasaad ang ating kahilingan, at papirmahan natin sa mga tao. Kung makalikom tayo kahit isang milyong pirma, aba’y baka matupad ang ating naiisip.”

“Sige, sulatin mo, at magpulong agad tayo para sa petisyon at pagpapapirma,” ani Myra. Sumang-ayon naman ang mga kausap.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 1-15, 2019, pahina 18-19.