YUYENG BITUIN KEN BULAN
Sa isang aklat ng awit mula sa Kayan, Tadian, Mountain Province, ay natunghayan ko sa isang awiting Ilokano ang isang taludtod na animo'y paramdam sa akin. Ito'y nasa Awit blg. 239, pahina 99, sa ikalawang taludtod ng ikalawang saknong, na ang nakasulat:
Yuyeng bituin ken bulan
(Sa di maarok na bituin at buwan) - salin ko
Inawit iyon ng mga matatanda habang nakaburol si misis, habang ako'y nakikinig nang mataman. Pamagat ng awit ay "Inggat Tungpal Tanem (Hanggang sa dulo ng libingan)". Isa lang iyon sa halos limampu o animnapung kantang kanilang inawit sa burol mula sa songbook na may 286 na awitin.
Ang nabanggit na taludtod ay malapit sa akin. Pagkat Yuyeng ang palayaw ng aking ama noong kabataan niya sa Batangas. Gregorio o Yuyeng siya. Gregorio Bituin o Yuyeng Bituin, kaya pag nagbabakasyon ako sa nayon ni ama, ang tawag sa akin ng mga pinsan at kababata ay Junior Yuyeng, pagkat junior niya ako. Kaya nang makita ko ang "Yuyeng bituin ken bulan" ay naalala ko ang namayapa kong ama.
Ang yuyeng ay salitang Ilokano sa abyss, chasm, gulf (kalaliman, bangin, look).
Nagkataon lang bang nakita ko ang taludtod na "Yuyeng bituin ken bulan" sa panahon ng pagdadalamhati?
Marahil tinapik ako ni Dad na para bang sinasabing magkikita na sila ng manugang niyang si Libay. Mahal ko po kayo!
- gregoriovbituinjr.
06.20.2025
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento