Sabado, Oktubre 4, 2008

Kung Bakit Wala Akong Ninong?

KUNG BAKIT WALA AKONG NINONG?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa maniwala kayo't sa hindi, wala akong nakagisnang ninong na laging napapamaskuhan mula pa noong bata pa ako. Meron akong ninang na minsan ko lang na-meet, dahil kapatid siya ng nanay ko - si Auntie Diday. Pero ninong, wala. Kaya bilang inaanak ay wala akong regalong natatanggap sa kung sino mang ninong ko. Kaya lumaki akong hindi ko sila hinahanap, di tulad ng mga inaanak ng aking tatay, pumupunta pa sila mismo sa bahay namin para lang magmano sa aking ama at mabigyan ng kaunting regalo. Marahil dahil hindi naging kalakaran sa aming pamilya na dumalaw sa mga kumpare at kumare nina tatay at nanay para mamasko kaming magkakapatid sa aming mga ninong at ninang. Kumbaga, parang bahala na ang ninong at ninang naming magkakapatid kung nais nilang dalawin kaming mga inaanak nila.

Minsan, may kumpare ang tatay ko na malapit sa bahay namin sa Sampaloc nakatira, may sasakyang owner-type jeep, at inakala ko iyon ang ninong ko. Binigyan kasi ako ng sampung pisong pamasko. Sabi ng tatay ko sa kumpare niya, pagpasensyahan na lang daw ako, iyon pala di ko siya ninong.

Nasa kolehiyo na ako nang minsang may kakwentuhang kumpare ang tatay ko sa opisina niya nang ipinakilala ako ng aking ama sa aking umano'y ninong. Nagkakwentuhan naman kami ng "ninong", at nais niyang kung pupunta raw ako ng Canada ay doon ako pumunta sa kanya at tutulungan daw niya ako. Canadian citizen na pala ang Pinoy kong "ninong". Ganuon lang ang usapan, at wala siyang ibinigay kahit ano sa kanyang inaanak. Di ko na matandaan ang pangalan niya dahil isang beses ko lang siyang nakasalamuha. Di ko rin alam kung sa binyag o sa kumpil ko ba siya naging ninong. Kung sakaling magkita kaming muli ng kung sinong "ninong" ko, magmamano lang ako bilang pagbibigay-galang at ngingiti, ngunit di ko sila kinasasabikan.

Kaya lumaki akong naging walang pakialam sa kung sino ba ang ninong ko. At lumaki rin akong wala ring pakialam sa Pasko, maliban sa pangangaroling kasama ang mga kabarkada ko.

Kaya nang kunin akong ninong sa anak ng aking ate, anak ng aking mga pinsan, katrabaho dati, at mga kasama sa organisasyon, natuwa naman ako. Pero hindi ko naman nagagampanan ang tungkulin ng isang ninong, ang maging pangalawang magulang o gabay sa kanilang inaanak. Bihira kasi kaming magkita ng aking mga inaanak, at di naman sila pumupunta sa akin.

Pero bilang ninong ng aking mga inaanak, ang ilan sa kanila'y nabigyan ko ng mga librong gawa ko, at minsan, kaunting salapi bilang regalo sa araw ng kapaskuhan. Iyon ay kung kami'y nagkikita.

Nakakatuwa palang maging ninong, katuwaang hindi ko naramdaman bilang inaanak.

Biyernes, Oktubre 3, 2008

Ang Dalawang Beses Kong Pagkabundol sa Sasakyan

ANG DALAWANG BESES KONG PAGKABUNDOL SA SASAKYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong bata pa ako, mahilig akong tumakbo, lalo na kung pauwi na ako ng bahay. Mahilig akong makipag-patintero sa mga sasakyan, lalo na sa hiway ng Nagtahan. Ang laro namin ng aming mga kaklase ruwing recess namin sa Nazareth School ay touching rubber, na kilala ring block one-two-three. Ang kaliksihang kong ito sa pagtakbo, na dire-diretso minsan, ang nagmuntikanan nang maging dahilan ng aking muntik-muntikang kamatayan. Dalawang beses akong nabundol ng sasakyan. Mabuti na lamang at di matitindi ang aking mga tama noon, pawang pilay lamang, pagkat kumpleto pa rin ang aking katawan hanggang ngayon.

Masakit mabundol ng sasakyan. Masakit dahil ako mismo ang nabundol, at masakit din para sa aking mga magulang at kapatid, dahil ramdam nila kung paano ako nasaktan. Nabundol ako ng dalawang sasakyan sa isang magkahiwalay na insidente. Ang isa'y dyip at ang isa nama'y bisikleta.

Nasa kinder ako ako noon sa Geronimo Kindergarten. Wala na ito ngayon, at ang nakatayo dito ngayon ay ang Ospital ng Sampaloc. Mga limang taong gulang pa lamang ako noon at panghapon naman ang aking klase. Kadalasang ako at ang aking pinsang nag-aalaga sa akin ang natitira sa bahay, dahil pumapasok naman sa kani-kanilang opisina ang aking ama't ina habang si Ate Bheng naman ay pumasok din sa eskwelahan. Si Jojo naman ay maliit pa.

Isang araw, sumama ako kay Ate Yolly, pinsan ko, sa pagpunta sa talipapa. Ang talipapa ay nasa kalsadang nasa likod ng aming bahay, at daanan ng mga dyip na Balic-Balic, Quiapo. Nakarating na kami ng talipapa, ngunit ako'y nakawala sa pagkakakapit ng aking pinsan dahil magbabayad siya sa tindera ng isda. Ako'y nakatakbo, tuloy-tuloy sa labasan ng talipapa, at marahil sa bilis ko ng takbo, ay di ko na nakita ang sasakyang paparating. Nagising na lang akong nasa isang ospital. Naroon din ang driver ng sasakyan at ang aking Ate Yolly.

Isang linggo akong di nakapasok sa eskwela. Ang aking noo at ang pagitan ng aking bibig at ilong ay may plaster.

Ang ikalawa kong pagkabundol ay gabi at bisperas ng Bagong Taon. Nasa Grade 5 na ako noon. Halos walang tao sa kalsada maliban sa ilang nangangaroling. Panahon marahil iyon ng pagluluto para sa noche buena kaya karamihan ng tao ay nasa loob ng bahay. Habang kami naman ng kapatid kong si Jojo ay nasa labas pa ng bahay.

Dahil sa aking kalikutan, hinamon ko ng pabilisan ng pagtakbo ang aking kapatid, mga alas-otso iyon ng gabi. Tumakbo kaming magkapatid papunta sa kabilang bangketa, ngunit sawimpalad. Hindi ko nakita ang rumaragasang bisikleta.

Nagising na lamang akong buhat na ng aking ama, at marami na ring mga tao. Naglabasan na rin ang aming mga kapitbahay, pati na ang mga barangay tanod. Ang nakabundol naman sa akin ay inakbayan na ng mga barangay tanod, at dinala pati na ang bisikletang umano'y kanyang hiniram lamang. Di ko na nalaman ang iba pang pangyayari tungkol sa nakabundol sa akin dahil bata pa nga ako noon, at ang pinagkaabalahan ko'y paano ako gagaling.

Nagbagong-taon akong may pilay at galos sa mukha't katawan. Ilang araw lang ay nagpunta kami ng tatay ko sa probinsya upang magpahilot sa Mamay Cleto, isang kilalang manghihilot at sadyang dinadayo ng mga tao upang magpahilot lamang. (Ang salitang "Mamay" ay salitang Batangas sa Lolo.)

Ang mga karanasang ito'y nagsilbing paalala sa akin ng aking kalikutan nuong bata pa. At nagsilbing aral din na dapat akong mag-ingat sa pagtawid. Buti't hindi ako namatay sa mga insidenteng iyon. At hindi ako na-hit-and-run.

Nawa'y hindi na muli mangyari ang ganito, dahil baka hindi ko na ito muling malusutan.

Miyerkules, Oktubre 1, 2008

Sunog sa Likod-Bahay

SUNOG SA LIKOD BAHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa kinder o kaya'y Grade 1 ako noon nang magkasunog sa aming likod-bahay sa Honradez. Nasunog ang mahabang apartment na nasa kanto ng Loreto at G. Tuazon, katapat ng Funeraria Gloria. Mga walo o siyam na bahay ng mahabang apartment ang tuluyang naabo sa sunog na iyon. Di na rin ako nakapasok sa school.

Natatandaan ko pa noon, inilabas namin ng nanay at mga kapatid ko ang mga gamit namin. Buti na lang at umaga nang magkasunog. Barado ang buong kalsada, puno ng mga gamit, tulad ng ref, tv, aparador, at mga damit. Dumating ang mga bumbero. Mga ilang oras din ang sunog na iyon at naapula rin agad ang apoy. Ang bilis ng paghahakot ng gamit palabas, pero kayhirap nang ibalik na namin ito sa loob ng bahay. Sa mura kong edad noon, parang naramdaman ko na rin ang katotohanan sa likod ng kasabihang "Mas mabuti pang manakawan, huwag lang masunugan."

Kinabukasan, nang pumasok na ako ng school, tinanong ako ng titser ko kung bakit di ako pumasok nung nakaraang araw. Sa pagkakatanda ko, sinermunan ako ni Titser na hindi ako dapat nag-aabsent dahil sayang ang panahon, dapat daw akong mag-aral ng mabuti at tutukan ang mga lessons ko, at huwag maglalakwatsa. Parang ganito ang sinabi, basta't ang natatandaan ko, sinermunan ako.

Hanggang sa sabihin ko kay Titser, nasunugan po kami kaya di ako nakapasok. Nagulat si Titser, akala niya bahay namin ang nasunog, pero sinabi ko, muntik na yung bahay namin, at yung apartment sa likod-bahay namin ang natupok ng apoy.

Matagal bago nagawa muli ang mga nasunog na bahay. Mga ilang buwan pa ang nakalipas, o marahil isa o dalawang taon. Dahil tandang-tanda ko pa, ginawa naming palaruan ang nasunugang bahay. Inaakyat namin iyon. Doon nagtataguan, doon naghahabulan. Kaya pag-uwi ng bahay, galit si nanay, napakarungis ko raw at pulos uling. Tiyak daw na doon na naman ako naglaro sa nasunugan sa likod-bahay.

Natigil kami sa paglalaro doon dahil na rin sa pagrereklamo ng ilang kapitbahay, maiingay daw kami. Kaya sinabihan kami ng ilang tagaroon na huwag nang maglaro sa sunog na bahay, at huwag nang umakyat sa 2nd floor duon dahil baka mapagbintangan pa kaming kumukuha ng sinampay, o kaya'y madisgrasya lalo na pag bumagsak ang mga nasunugang sahig. Mula noon, di na kami naglaro doon.

Nagkaroon ng malaking impresyon sa akin ang karanasang iyon. Nang muling magkasunog sa lugar namin, kahit malayo sa amin, parang gusto kong tumulong. Gayunman, mabibilis ang mga bumbero kaya agad naaapula ang apoy. Sa bawat pagkakaroon ng sakuna tulad ng sunog, makikita mo ang pagtutulungan ng mga tao, na minsan, naaapula agad ang apoy kahit wala pa ang bumbero.

Ito ang isa sa mga nakita kong solusyon sa problema, ang pagtutulungan ng mga tao sa panahon ng sakuna. Sana, sa anumang problemang tulad nito, magtulungan muli ang mga tao, huwag tingnan ang kanilang pagkakaiba, kundi ang pagkakaisa, lalo na sa panahon ng kalamidad. At sana, magtulungan sila, kahit walang kalamidad na dumating.

Martes, Setyembre 30, 2008

Patakbu-Takbo

PATAKBU-TAKBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Di ito hinggil sa pagtakbo sa away, kundi sa isport. Bata pa ako'y kasa-kasama na ni Erpat and his gang sa pagdidyaging mula sa Sampaloc hanggang sa Folk Arts. Syempre, malayong takbuhin iyon. Tatahakin namin ang Nagtahan at ang kahabaan ng Quirino Avenue hanggang sa makarating ng Roxas Boulevard. Sabado at Linggo ito, pero mas madalas ang Linggo, hanggang sa masanay na rin ako sa pagdidyaging kahit di na sila kasama.

Minsan, pag di kasama ni Erpat mga kaibigan niya, dumadaan pa kami ni Erpat sa mga Kuya Delfin, sa may Anakbayan St., sakop na ito ng Paco. Mga pinsanin ito ni Erpat.

Lumaki akong isa ang dyaging sa aking pinagkaabalahan. Kaya nung nasa high school na ako, isa ako sa nakuha para maging kinatawan ng aming eskwelahan sa larong track and field, na ang kalaban ay mga track and field players ng iba pang school.

Nasa fourth year ako noon sa high school nang maging track and field player ako, kasabay ng pagiging opisyal ko ng CAT. Kung di sa Letran ay sa ground ng UST kami nagpa-praktis. Noong panahong ito ko nakita ng personal ang artistang si Eula Valdez, na nakakasabay namin sa pagdidyaging. Magmula noon, imbes na sa Roxas Blvd. ako magtungo para magdyaging ay sa UST oval na lang ako nagpupunta, malapit pa sa bahay namin.

Kahit papaano'y naging tahanan ko na rin ang Rizal Memorial Coliseum sa may Vito Cruz sa Malate dahil dito idinaraos ang karamihan ng mga laro. Bago ang track and field, nirepresenta ko na ang Letran nuong 2nd year high school ako sa 4th National Tae Kwon Do Championship na ginanap din sa Rizal Memorial Coliseum pero sa basketball court. Kalaban ng grupo ng Letran noon ay ang grupo ng Virra Mall. Tiglilima bawat grupo. Lima kami sa Letran habang lima rin ang mga taga-Virra Mall. Green belter na ako noon, pangatlong belt mula sa white na para sa baguhan.

Sa oval ng Rizal Memorial Coliseum ginaganap ang track and field. Lumaban ako sa 400 meter relay, at 1,000 meter dash. Ang paikot ng oval ay 400 meters, kaya ang dalawa't kalahating ikot sa oval ang 1,000 meter dash. Di man ako nanalo, di man ako nagkamedalya, pero binigyan ko naman ang aking mga katunggali ng magandang laban. Kaya minsan man sa buhay ko'y naging atleta ako at naging bahagi ng National Collegiate Athletic Association (NCAA), ang karibal na grupo ng manlalaro ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP).

Pero di lang sa tatay ko ako nagmana ng pagka-interesante sa pagtakbo, o sa pagdi-dyaging. Dahil ang nanay ko mismo ay naging track and field player sa mismong kanilang opisina. Aba'y mas sa kanya yata ako nagmana sa takbuhan.

Tumatakbo pa rin naman ako, nagdi-dyaging paminsan-minsan, at masasabi kong malaki ang naitulong nito sa akin para mas maging disiplinado ako sa aking mga ginagawa. Dahil bilang dating atleta, ang disiplinang itinuro at naranasan ko rito ay malaking aral at gabay sa pagsalubong ko sa maraming hamon sa buhay. At alam kong magagamit ko pa rin ito sa mga taon pang darating.

Linggo, Setyembre 14, 2008

Sa Alaala ng Isang Dakilang Rebolusyonaryo

Sa Alaala ng Isang Dakilang Rebolusyonaryo
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Pambungad sa aklat na Macario Sakay, Bayani!, pahina 6-9, at inilathala ng Kamalaysayan history group noong Setyembre 2007.)

Ang kadakilaan ni Macario Sakay at ng kanyang mga kasama ay dapat lamang gunitain, lalo na ngayong darating na Setyembre 13, 2007, ang sentenaryo ng kanyang kamatayan.

Una kong nakilala si Sakay, hindi sa mga librong pangkasaysayan kundi sa pelikula ni Raymond Red na pinamagatang Sakay, na ipinalabas sa mga sinehan noong 1993. Ang unang pelikulang Sakay ay isinapelikula noong 1939 sa direksyon ni Lam-berto V. Avellana. Meron pa umanong pelikulang pinagbidahan ni Mario Montenegro nang bandang dekada ng 1960s na pinamagatang Alias Sakay.

Itinuturing na tulisan si Sakay at ang kanyang mga kasama kung ang babashin ay mga panulat ng mga historyador na Amerikano, kasama ang mga kakutsabang Pilipino. Ito ang isinisiksik nilang propaganda kahit sa mga aklat ng kasaysayan na ginagamit sa mga paaralan.

Dapat maisulat at malaman ng taumbayan ang kabayanihan ni Sakay at ang pagpapatuloy niya ng adhikain ng Katipunan sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano.

Ayon nga kay Pio del Pilar, sa kanyang liham kay Jose P. Santos noong 1930s, “Si Macario Sakay, sa aking pagkakakilala sa kanya, ay isang tunay na makabayan. Sa panahon ng rebolusyon habang kami’y nakikidigma, siya naman ay patuloy sa pagpapalaganap ng mga adhikain ng Katipunan, na ang pinakalayunin ay ipagtagumpay ang kasarinlan ng Pilipinas. Isa siya sa may malaking naitulong sa pagpunta sa bayan-bayan upang itatag ang mga konseho ng Katipunan. Napakatindi ng pagkahu-maling niya sa adhikaing yaon na kahit nahuli siya ng mga Amerikano, ipinagpatuloy niyang tuparin ang di-natapos na hangarin ng Katipunan na gawing malaya at makatayo sa sariling paa ng bansang Pilipinas, sa pamamagitan ng pagtataguyod ng bagong rebolusyon.

Si Sakay ay maaaring tulisan sa mata ng mga Amerikano, kaya nga siya binitay. Ngunit sa harap ng Diyos, Bayan at Katotohanan, siya’y tunay na makabayan na nararapat lamang mabuhay sa isipan ng lahat nating kababayan sa lahat ng panahon.” (di orihinal na tagalog, ito’y salin mula sa pinagsaliksikang aklat na nakasulat sa Ingles.)

Ayon naman sa awtor na si Orlino A. Ochosa, “Sina Bonifacio, Jacinto at Sakay ang bumubuo ng dakilang triad na namuno sa Katipunan at sa mga naghihimagsik na masa: “ang mga anak ng bayan”. Sila’y mga tunay na proletaryo, anak ng Tondo, kinatawan ng mga walang pag-aaring indios bravos. Dahil sa kanilang rebolusyonaryong paninindigan, nabuhay sila sa kabayanihan at kadalamhatian. Sa pagtatatag ng Katipunan, sinimulan ni Bonifacio ang Rebolusyon na inayawan siya’t pinaslang. Sa pagpapalaganap ng mga gawain ng Supremo, binalewala si jacinto at naiwang mag-isang namatay ng Republika. Ganito rin ba ang kapalaran ni Sakay sa pagmana sa liderato ng Katipunan?” (mula sa aklat na Bandoleros, di orihinal na tagalog, ito’y salin mula sa pinagsaliksikang aklat na nakasulat sa Ingles.)

Wala pang ganap na pagkilala sa kanya, maging ito ma’y proklamasyon ng pangulo ng bansa, pagkakaroon ng bantayog sa isang mayor na lokasyon sa lunsod, o kaya’y ipangalan sa kanya ang isang mayor na kalsada. Kahit sa Tondo, wala man lamang pangalan ng kalsada para kina Sakay at sa kanyang mga kasama.

Nawa’y makatulong sa mga mambabasa ang munting aklat na ito sa pag-unawa sa kabayanihan ni Macario Sakay pagkat siya’y bahagi ng kasaysayan ng himagsikang Pilipino para lumaya ang bayan sa kamay ng dayuhan. Nawa’y makatulong din ito sa pagpapalaganap ng kampanya upang magkaroon ng rebulto si Sakay sa isang pangunahing lansangan sa bansa, ipangalan sa kanya ang isang pangunahing lansangan, at ituring siyang isang bayani sa mga aklat pangkasaysayan na binabasa at pinag-aaralan ng mga mag-aaral.

Sa alaala ng isang dakilang rebolusyonaryo at sa dakilang ambag niya sa himagsikan, nararapat lamang ibigay kay Sakay ang ganap na pagkilala sa kanya – si Macario Sakay ay isang tunay na bayani ng lahing Pilipino.

Sampaloc, Maynila
Agosto 21, 2007

Ang Pasiya ni Sakay: Kabayanihan o Pagkakamali

Ang Pasiya ni Sakay: Kabayanihan o Pagkakamali
ni Gregorio V. Bituin Jr.

- nalathala sa librong "Macario Sakay: Bayani" ng may-akda, at inilunsad noong Setyembre 13, 2007 sa UP Manila, sa ika-100 anibersaryo ng pagbitay kay Macario Sakay ng mga tropang Amerikano

Tunay ngang bawat pasiya ng isang tao ay may malaking kaugnayan sa kanyang kinabukasan o hinaharap. Tulad na rin ng desisyong mag-asawa ng maaga, ito’y pinag-aaralan at pinagpapasiyahan dahil ito’y panghabambuhay, maliban na lamang kung magpasiyang maghiwalay ang mag-asawa.

Tulad din ng desisyong kukuning kurso sa kolehiyo, ito’y pinag-aaralan at pinagpapasiyahan dahil nakasalalay dito ang kanyang kinabukasan.

Tulad din ng desisyong maghimagsik laban sa mga mananakop. Tulad din ng pasiyang sumuko, hindi dahil naduwag, kundi dahil may isinasaalang-alang na bukas.

Gayunman, ang pasiya ba ni Sakay na sumuko ay isang kabayanihan o pagkakamali?

Noong kalagitnaan ng 1905, nakipag-ne-gosasyon si Dr. Dominador Gomez, lider ng Union Obrera Democratica de Filipinas, kina Sakay para sa pagsuko nito, ng kanyang mga opisyal at mga tauhan. Kumbinsido si Gomez na tanging ang pagmamatigas ni Sakay ang bumabalam sa pagtatatag ng isang pambansang asamblea. Napapayag niya si Sakay na wakasan ang kanyang paglaban sa kondisyon na isang pangkalahatang amnestiya ang ipagkaloob sa kanyang mga tauhan, payagan silang makapagdala ng baril at pahintulutan siya at ang kanyang mga tauhan na makalabas ng bansa nang tiyak ang personal na kaligtasan.

Isang buwan pagkabitay kay Sakay, agad itinayo ang Pambansang Asamblea noong Oktubre 16, 1907 na ginanap sa Manila Grand Opera House. Ang Partido Nacionalista na kasama si Sakay sa nagtayo, at Partido Nacional Progresista, ang dalawang pinakamalaking grupo sa asemblea. At isa sa mga naging delegado nito ay si Dr. Dominador Gomez.

Maaari bang maitayo ang Pambansang Asamblea kahit hindi sumuko si Sakay kung may mga taong gagampan naman sa gawaing ito? O may basbas ng mga Amerikano ang pagtatatag ng Pambansang Asamblea?

Ang pasiyang sumuko ni Sakay upang maitatag ang Pambansang Asamblea ang maaaring sabihing katiyakan ng kanyang adhikaing kasarinlan ng bayan. Kung sinasabi ni Gomez na siya at ang kanyang pangkat lamang ang dahilan kaya naaantala ang pagtatayo ng Pambansang Asamblea, may umagos na dugo ng sakripisyo sa mga ugat ni Sakay upang isuko ang pakikipaglaban para lamang matuloy ang makasaysayang pagtitipong ito para sa ganap na kasarinlan.

Ngunit maraming nagsasabing ang kalayaan ng bayan ay hindi nahihingi kundi ipinaglalaban. Sa kasong ito, isinakripisyo ni Sakay ang sarili. Nagbakasakali siya na maganap nga ang Pambansang Asamblea, bagamat hindi niya inaasahang ang pasiya niyang iyon ang magdudulot ng maaga niyang kamatayan.

Hindi niya hiningi ang kalayaang iyon, pagkat siya mismo ay binitay ng mga Amerikano. Kung sakaling hindi sumuko si Sakay, matutuloy pa rin ba ang Pambansang Asamblea? Marahil.

Naganap na ang kasaysayan ni Sakay. Kung nagkamali man siya sa kanyang pasiya, hayaan natin sa mambabasa ang pasiya. Gayunpaman, ang naging pasiya ni Sakay ay hindi dapat ituring na karuwagan o pagkapagod na sa pakikidigma, kundi pagbabakasakali.

Pagbabakasakaling maganap nga ang pagtatayo ng isang nagsasariling bansa. At dahil naganap ang Pambansang Asamblea isang buwan matapos siyang bitayin, ito ang masasabi nating nagbunga ang kanyang sakripisyo.

Lunes, Agosto 25, 2008

Alamat ng isang makata

ALAMAT NG ISANG MAKATA
katha ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Nalathala bilang paunang salita sa librong "Pag-ibig at Pakikibaka" noong Pebrero 2007, iyon ang unang aklat na ibinigay ng makata kay Ms. M.)

Mula sa sinapupunan ng kanyang mahal na ina’y iniluwal sa sangmaliwanag ang isang sanggol na lalaki. Siya’y hinulaan ng ina na magiging isang makisig na mandirigma, o kawal, o inhinyero, o piloto, o kaya’y pangulo ng bansa. Natutuwa ang ina pagkat ang bata’y nagpumilit matutong bumasa, nagpilit matutunan ang iba’t ibang sangay ng karunungan, naging makulit sa pagtatanong ng bakit ganito, bakit ganoon ang mga bagay-bagay sa mundo. Ngunit ang paglaki ng bata’y nagmistulang kabaligtaran sa naisin ng ina. Pagkat ang lalaki, na hindi naman gaanong kakisigan, ay nagpumilit sumulat, at nangarap na maging sikat na manunulat balang araw.

Pagkamanunulat? Ano nga namang kikitain ng kanyang bunso sa pagsusulat, ang siyang naiisip ng ina. Gayunpaman, ang dating sanggol na bunga ng pag-ibig ng dalawang magsing-irog, ay lumaking nagmamahal din. Nagmamahal sa mga salita’t kataga, nagmamakata. Sinasabi’t binibigkas hindi lamang ang kung ano man ang kanyang naisin, kundi ang pagbigkas din sa mga hindi rin agad malirip na kahulugan at mga simbolismo ng mga bagay-bagay.

Naging idolo ng bata ang mga makatang Pranses na nagpasimula ng vers libre o malayang taludturan, tulad nina Charles Baudelaire, Arthur Rimbaud, at marami pang iba. Nabasa rin niya ang mga katha ng mga makatang Tagalog na nagpasimula ng modernismo sa pagtula, tulad nina Alejandro Abadilla at Virgilio Almario, na sa kalauna’y kanyang naging guro sa pagtula. Binabasa ng batang makata ang iba’t ibang tulang nahihingil sa buhay, sa pakikipagsapalaran, sa materyal na daigdig, sa pagsusuri sa mga akda ng mga rebeldeng makata, tulad ng mga tula nina Eman Lacaba at Lorena Barros. Nabasa rin niya ang mga hinabing tula nina Jose Corazon de Jesus, Ildefonso Santos, Florentino Collantes, Amado V. Hernandez, Pablo Neruda ng Chile, William Shakespeare ng England, at iba pang makata.

Hanggang isang araw, sa kanyang ikalawang taon sa mataas na paaralan ay napadako ang kanyang paningin sa isang saknong sa Florante at Laura, na nagsasabing:

O, pagsintang labis ang kapangyarihan
Sampung mag-aama’y iyong nasasaklaw
Pag ikaw ang nasok sa puso ninuman
Hahamakin lahat, masunod ka lamang.

Napakagandang saknong, kanyang naisaloob. Iyon na ang simula. Kinagiliwan na ng batang lalaki ang pagbabasa ng mga tula ng pag-ibig. Dumating ang panahong kahit mga kaibigan niya’t kabarkada ay nahalina sa mga nililikha niyang mga saknong at taludtod, na bawat hiling nilang magpagawa sa kanya ng mga tula ng pag-ibig ay kanyang pinagbibigyan, upang sagutin lamang ng kanilang mga nililigawan.

Ngunit ang makata, napamahal na sa kanya ang paglikha, ang pagtula, na kahit na sa pamamahayag ay natutong sumulat ng iba pang sulatin, tulad ng balita, maikling kwento, mga artikulo, ngunit hindi niya maiwan ang pagtahak sa landas ng mga dakilang makata.

Paggawa ng mga tula ng pag-ibig? Ngunit hindi lahat ng kanyang handugan ng tula ay naaakit sa mga salitang kanyang pinagtahi-tahi. Napagbintangan pa siyang dakilang mambobola, nababaliw, dahil hindi nila masakyan ang landasin ng makata.

Ilang ulit na ba akong nabigo? Ang naiisip ng makata. Nang dahil sa pag-ibig, ilan ulit na siyang nagparaya. Nang dahil sa pag-ibig, natuto siyang magbisyo, at siya’y napariwara. Ngunit nang dahil din sa pag-ibig, hinangad niyang magbago kaya siya’y nagsikap. Nang dahil sa pag-ibig, siya’y lumayo nang ang damdami’y masaktan. At nang mabigo sa pag-ibig, muntik na siyang magpatiwakal. Ilang beses na bang dumugo ang puso ng abang makata. Lumuluha, tumatangis, ngunit nananatiling matatag. Laging naiisip na pasasaan di’t darating ang tunay na magmamahal sa kanya.

May magmamahal pa nga ba sa abang makata? Ang nasasaloob niya. Ngunit naiisip din ng makata na kung natuloy noon ang kanyang pagtungo sa landas ng kawalan, disin sana’y hindi rin siya nagmamahal ngayon. Disin sana’y inuuod na sa lupa ang kakanyahan niyang magtahi ng salita, magmahal ng wika, lumikha ng tula, at ang di gaanong kakisigang katawan. Disin sana’y wala siyang maiaalay na bagong tula sa … Ah, mabuti na lamang. May pag-asa pa.

Kaya’t nang bumalik ang makata sa kanyang katinuan mula sa pagkakabigo sa pag-ibig, ibinuhos niya ang panahon sa pagsusulat. Nagpatuloy siya sa pagsusulat ng mga balita, maikling kwento, sanaysay... ah, hindi pa niya nasubukang gumawa ng nobela, bagamat may ilang kakilalang nagsasabing kaya niyang maging isang dakilang nobelista. Ngunit ang tula, ang tula, maiiwan ba niya? Patuloy pa rin siyang mag-aalay ng tula, ito ang panata niya sa sarili, ito ang panata niyang sana’y ikatuwa ng taong minamahal niya’t mamahalin siya.

Ngayon nga’y isa na siyang ganap na makatang aktibista. Naghahabi ng mga salita bilang kanyang dakilang ambag sa himagsikan ng uring manggagawa. Mga tula para sa dakilang layuning mapalaya ang mga gumagawa ng yaman ng mundo mula sa kuko ng mga mapang-alipin at mapagsamantala. Pakiramdam niya’y hindi siya bigo sa pag-aalay ng mga saknong at taludtod sa iba’t ibang aping sektor ng lipunan, lalo na sa manggagawa’t maralita, kababaihan at kabataan. Nakapaglathala na nga siya ng mga aklat hinggil sa mga ito.

Ngunit sa larangan ng pagsinta? Ah, sana’y hindi na siya mabigo sa pagkakataong ito. Hindi na. Baka sa kagulumihanan niya’y tumungo siya sa pagtahak sa landas ng kawalan. Huwag naman sana. Matatag ang makata. Matatag siya sa anumang daluyong na dumarating sa kanyang buhay. Matatag siya ngunit hindi kapag nabibigo sa pag-ibig. Ang pag-ibig niya’y dalisay, tapat, ngunit natutuliro sa pagkalayo ng inaasam na pagsinta.

Ngunit nagsisikap ang makata. Iniisip niya, kaya niya, kaya niya. Dahil kung hindi niya kakayanin, ang mga tula niya’y unti-unti ring maluluray. Unti-unting mawawalan ng gana ang babasa kung malalaman nilang ang hinahangaan nilang makata ay marupok. Ah, dapat ngang ingatan pa rin ng makata ang kanyang dignidad, ang tanging yaman niya sa mundo, ang tanging yaman na kanyang iaalay sa kanyang sinisinta.

Hindi niya maipapangako ang mga bituin sa langit, ni araw o ang buwan. Ang maipapangako niya sa kanyang nililiyag ay ang kanyang pagsisikap upang sila’y mabuo at maging isa. At bilang magkabiyak ay magsisikap upang ang mga magiging bunga ng pagmamahalan ay lumaking maayos, malulusog, matatalino at may mabubuting asal.

Sa ngayo’y nagsisimula muling umibig ang makata matapos ang tila ilang taon ng pagkalugmok. Nag-uumalpas ang kanyang pusong nakadarama ng pagsinta. Kailangang lumabas na ang makata sa kanyang kahon ng kabiguan. Kailangan niyang lumaya at makadamang muli ng pagmamahal. Tunay nga ba kung umibig ang mga makata? Dapat niya iyong patunayan sa kanyang sinisinta. Minsan sa kanyang mga pagmumuni’y pumapasok sa kanyang balintataw ang hinaing ng mga dukha, ng mga manggagawang siyang gumagawa ng yaman ng bansa. Sa kanyang pag-iisa’y pinakikinggan niya ang himig ng kalikasan. Ang mga saluysoy ng batis, ang mga huni ng ibon, ang mga lagaslas ng dahon ay tila musika sa kanyang pandinig. Naririnig din niya ang himig ng buhay. Ang mga pagpako ng martilyo, ang andar ng mga makina, ay nagpapusyaw naman sa kanyang diwang naghahanap ng kanlong. Pati na ang tunggalian ng uri sa lipunang binusabos ng puhunan.

Hanggang sa kanyang mapagtanto, ang uring manggagawa, sila ang magdadala ng tunay na pag-ibig sa sangkatauhan.

Sa pamamagitan ng kanilang sama-sama at nagkakaisang pagkilos upang baguhin ang lipunan, upang wasakin ang sistemang nagdulot ng kahirapan sa nakararami, ay tunay na umiibig sa sangkatauhan.

At ang tinipong akda ng makata ay kanyang iniaalay, hindi lamang sa isang magandang dilag na nangangarap din ng paglaya. Ang aklat na ito’y handog sa mapagmahal sa sangkatauhan, ang tinaguriang hukbong mapagpalaya – ang uring manggagawa.

Gayunpaman, nais niyang makasama hanggang sa huling yugto ng kanyang hininga ang isang dilag, si Ms. M, na isang magandang kasamang aktibista, na nagbigay inspirasyong muli sa kanya upang hangarin pa niyang patuloy na mabuhay, at patuloy na kumatha ng mga tula.

Miyerkules, Hulyo 30, 2008

Namulat laban kay Marcos dahil kina Voltes V at Mazinger Z






NAMULAT LABAN KAY MARCOS DAHIL KINA VOLTES V AT MAZINGER Z
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang aktibista ako ngayon. Aktibistang manunulat. Aktibistang makata. Nagsusulat sa mga publikasyon ng manggagawa’t maralita. Ngunit paano ba ako namulat bilang aktibista? Dahil ba ako’y nayaya, o dahil may mga pangyayari sa buhay ko na nagmulat sa akin?

Isa sa mga nagmulat sa akin nuong aking kabataan upang maging aktibista sa kasalukuyan ay ang ginawang pagtanggal ng palabas na cartoons na Mazinger Z at Voltes V sa telebisyon. Ang dalawang ito ang pinakapopular na palabas para sa mga kabataan nuong aking kapanahunan. Panahon iyon ni Marcos. At isa ako sa mga nagalit sa pagtanggal niya ng mga palabas na iyon.

Tuwang tuwa kaming mga bata sa kalyeng iyon sa Balic-Balic sa lugar ng Sampaloc sa Maynila, at nagkakakwentuhan lagi kung paano ba dinurog nina Mazinger Z at Voltes V ang kani-kanilang kalaban. Uso pa nga noon ang text (di yung text ngayon sa cellphone) na pulos cards na nakadrowing sina Voltes V at Mazinger Z.

Basta't tuwing Miyerkules ng hapon, inaabangan na namin ang Mazinger Z, habang tuwing Biyernes naman ang Voltes V. Kahit ang awitin ng Voltes V ay kabisado namin noon, bagamat di naman patok ang theme song ng Mazinger Z. Parehong robot na bakal ang bidang sina Mazinger Z at Voltes V. Ang layunin nila'y depensahan ang sangkatauhan laban sa mga pwersa ng mga masasamang nilalang.

Ang nagpapagalaw sa Mazinger Z ay si Koji Kabuto. Ang Voltes V naman na pinamumunuan ni Steve Armstrong, ay pinagdugtong-dugtong na sasakyang panghimpapawid ng limang katao, na pag nag-volt-in ay nagiging malaking robot, si Voltes V. Ang lima ay sina Steve Armstrong, Big Bert, Little John, Mark, at ang nag-iisang babae ay si Jamie.

Ang panlaban ni Mazinger Z ay ang mata nitong pantunaw ng kalaban (o laser beam), at ang rocket punch nito, na natatanggal ang kamay bilang rocket, at ang dibdib nito'y ginagawang laser sa kalaban (melting rays). Kasama ni Mazinger Z si Aphrodite A sa ilang yugto ng palabas.

Ang panlaban naman ni Voltes V ay Bazooka, mga shuriken, at ang pantapos niya ng kalaban ay ang laser sword, na hinihiwa ang katawan ng mga kalabang robot o halimaw sa pormang V. Ang pangunahin nilang kalaban ay si Prince Zardos.

Ilang linggo na ang nakalilipas nang biglang ito'y mawala sa ere at di na namin napanood. Ang sabi sa balita, tinanggal daw ito ni Marcos na ang idinadahilan ay tinuturuan daw ang mga tao, lalo na ang mga kabataan, upang magrebelde. Bata pa ako noon, at nagtataka ako kung bakit ganito ang dahilan nila. Gayong para sa amin, magaganda silang panoorin. Syempre, cartoons eh At tagapangtanggol pa ng mga inaapi.

May galit na namuo sa akin nung panahong iyon. Tinanggal ang kinagigiliwan naming cartoons. Mula noon, galit na ako sa namumunong nagtanggal ng palabas na iyon - kay Marcos. Di lang ako, kundi marami pang kabataan ang may ganitong pakiramdam, nagalit sa pamahalaan, at naging aktibista. Marami kaming kabataan ang namulat sa kalagayan ng bayan dahil sa pagkakatanggal ng mga palabas na iyon. Isa nga ako doon.

Bahagi na ng aking kabataan at pagkamulat bilang tibak sina Mazinger Z at Voltes V. Huli nang ipinalabas sina Daimos (at ang pag-ibig niya kay Erica), Mekanda Robot, Voltron, atbp.

Anim o pitong taon makalipas, nakasama ako ng aking ama, kasama ang kanyang grupong Holy Name Society, sa pamimigay ng pagkain sa mga taong nagtipon sa Edsa. Ilang araw lamang, lumayas na si Marcos sa Pilipinas.

Ilang taon na rin akong kumikilos bilang aktibista. Halos magdadalawang dekada na. At natutuwa akong gunitain na hindi pa dahil sa martial law, kundi dahil tinanggal ni Marcos ang mga paborito naming cartoons, kaya namulat ako sa kalagayan ng bansa.

Martes, Hulyo 29, 2008

Tangina, Di Puta si Ina!

TANGINA, DI PUTA SI INA!
ni Greg Bituin Jr.

"Putang ina mo!" Malutong itong sinabi sa akin ng isang siga sa aming lugar sa Balic-Balic, nang magkabalyahan kami sa aming laro ng basketball. Agad nagpanting ang tainga ko sa sinabi niya at muntik na kaming mag-upakan. Buti na lang at kami'y inawat. Biro mo, sasabihin niyang puta ang ina ko, gayong hindi naman nagputa si ina para buhayin kaming anim na magkakapatid. "Tangna. Di puta si ina!" Halos ganito ang pagkakasabi ko sa kanya sapul nang mangyari ito ilang taon na ang nakararaan (nasa high school pa ako noon).

Nagmumura ang isang tao sa maraming kadahilanan: May kagalit o kaaway, nagagalit sa nangyayari sa kanya, sa kanyang kapaligiran o sa lipunang ginagalawan, naiinis siya sa sarili o kaya'y nabuburyong. Pero bakit idinadamay ang ating ina sa pagmumura? Di ba pwedeng dehins kasama si ermat? Di ba pwedeng "gago" o "tarantado" na lamang? O kaya'y "salot"? O "hayop"?

Sa malalimang pagsusuri, kung isinasama sa pagmumura ang ating ina, ito'y dahil ipinapakita lamang na sadyang malaki ang impluwensya ng ina sa pagpapalaki ng anak, dahil ang ina ang siyang tagapag-alaga, tagapagpakain, tagahubog ng ugali at unang guro ng bata. At karaniwang pananaw na kung ano ang ugali ng anak, ito'y dahil sa ina. Dahil kung masama o bastos ang ugali ng anak, ito'y dahil "puta" ang ina, o kaya'y masamang babae.

Saan ba nagmula ang "putang ina"? May isang teorya ang mga matatanda. Noong bago mag-WWII, hindi pa uso ang "putang ina". Mas uso pa raw noon ang "imbi", "sukab", "lilo", o "tampalasan". At karaniwan, nakapatungkol lamang ito sa indibidwal na tao na kagalit ng nagmura. Nagmula lang daw ang "putang ina" noong may base militar pa ng mga Kano sa Subic at Clark.

At dahil umano karamihan ng mga batang iniwan ng kanilang amang Kano ay naging marahas (dahil broken family) o nakagawa ng krimen, ang bintang agad ng iba'y dahil "puta" ang ina, kaya't walang naiturong magaling sa anak. Dito umano nag-umpisa ang pagmumura ng "putang ina" (sa Ingles, ito'y "mother fucker"; ang "anak ng puta" naman ay "son of a bitch").

Mula "putang ina" ay napaikli pa ito sa "tangina". Sa ngayon, maaari itong ihilera ng mga linggwista bilang bahagi ng salitang kanto (pabalbal o slang), tulad ng bog-tsi, semplang, ermat, utol, syota, nenok, boga, timbog, hoyo, dedo, at yosi.

Palasak na ang pagmumurang ito sa kulturang Pilipino na kahit sa sine ay mapapakinggan mo, at mababasa sa ilang mga nobela, sanaysay at maikling kwento. Minsan, naging pagbati na rin ito. "Tangina, pare, ang ganda ng tsiks." Ang "putang ina" ay naging pampalit sa "wow". Naging tatak na rin ito ng kamachohan.

Si ina. Babae. Doon tayo sa kanya nanggaling. Nagtataka nga ako kung bakit wala pa akong narinig na lider-kababaihan na nagpo-protesta hinggil sa pagmumurang ito, gayong babae ang pinatutungkulan nito.

Sa kasalukuyan, ang "putang ina" ay pumaimbulog na rin mula personal patungong pulitikal. "Putang inang VAT 'yan. Putang ina, pataas ng pataas ang presyo ng mga bilihin, pero kami, limang kahig, isang tuka pa rin. Putang inang gobyerno ni Arroyo!"

Tangina, mawawala lang siguro ang pagmumurang ito pag nabago ang lipunan. Pag nabago na ang kultura ng pagtingin sa ating mga ina. Pag nagbago na ang pagtingin sa kababaihan. Pag wala nang kapitalistang mang-aapi ng manggagawa. Pag wala nang teroristang mandedemolis ng bahay ng maralita at paninda ng vendors. Pag hindi na nagtatayugan ang presyo ng pangunahing mga bilihin.

Pero habang kapitalismo pa ang sistema ng lipunan, palagay ko, patuloy pa ring may magmumura ng "putang ina".

Pero kung ako ang tatanungin, hindi ko na idadamay si ina, o sinumang ina, sa pagmumura.

Dahil ang pwede kong sabihin, lalo na sa mga kapitalista at gobyernong pahirap sa masa, sila'y mga "imbi", "sukab", "lilo", o "tampalasan".

- Unang nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 21, Mayo 2005, p.11 

Linggo, Hunyo 29, 2008

Istorya ng Pagkawala ng Ilan Kong Tula

ISTORYA NG PAGKAWALA NG ILAN KONG TULA
ni Greg Bituin Jr.

Nakapaghihinayang na mawala at hindi na makita pa ang marami-rami rin naman sa aking mga inipong tula dahil sa kagagawan ng virus. Mabuti na lamang at karamihan dito ay nalathala sa publikasyong The Featinean noong nasa kolehiyo pa ako, at ang karamihan ay nalathala naman sa pahayagang Taliba ng Maralita ng KPML at pahayagang Obrero. Ngunit marami ring wala na akong hard copy. Kung may hard copy man, hahanapin ko pa iyon sa aking tambak na mga gamit.
Nagsimula akong mag-ipon ng mga likha kong tula noong nasa kolehiyo ako. Nuong panahong iyon, paborito kong basahin ang mga tula nina Balagtas (ang sumulat ng walang kamatayang Florante at Laura), Huseng Batute (Jose Corazon de Jesus), Florentino Collantes (naging adviser ng the Featinean ang anak niya), Pablo Neruda (dakilang makata ng Chile), Edgar Allan Poe (maganda yung kanyang The Raven), at Rio Alma (na sa kalaunan ay naging guro ko sa poetry workshop ng LIRA noong 2001). Nang nasa ibang bansa ako bilang student scholar ng electronics ng anim-na-buwan, karamihan ng ipinadadala kong sulat sa aking ina’t mga kapatid ay sa anyo ng mga tula. Ito ang masasabi kong una kong mga tula.
Nagsulat man ako ng tula nuong high school, wala na akong mga kopya niyon dahil hindi pa naman ako seryoso sa pagtula ng panahong iyon. Wala lang, trip-trip lang.
Nang mag-enrol ako sa kolehiyo, naging bahagi ako ng campus publication. Dito sa The Featinean unang nalathala ang aking mga tula. Dito rin nalinang ng tuluyan ang aking pagsusulat, mga tula, balita, artikulo, at bilang kolumnista. Nagsilbi rin akong features and literary editor ng pahayagang ito sa loob ng dalawang taon. Karamihan ng mga tula kong di nalathala sa The Featinean ay isinulat ko ng paisa-isa sa aking notebook na para lamang talaga sa mga tula. Mahigit tatlumpung tula rin ang naisulat ko dito. Ngunit sa kasawiang palad, nawala ito sa isang opisinang tinuluyan ko nang bumaklas na ako sa aming bahay bilang aktibista. Hindi ko na iyon natagpuan pa. Iyon ang una kong pagkawala ng mga iniingatan kong tula. Matagal bago ako muling nakapag-ipon ng mga tula.
Nang kunin ako ng isang grupo ng mga maralita, ang KPML, bilang dyarista, manunulat, layout artist at tagapamahala ng kanilang dyaryong Taliba ng Maralita (nag-resign kasi ang dating humahawak nito), doon muling nalathala ang aking mga tula. Inipon ko ang bawat isyu nito. Nalalathala ang pahayagang ito ng isang beses kada tatlong buwan o quarterly, at apat na beses kada taon. Ang pahayagan ng KPML, na may sukat na sinlaki ng short bond paper, ay walong pahina, at sa ikawalong pahina naman nalalathala ang aking mga tula. Paminsan-minsan ay tumutulong ako sa paggawa ng pahayagan ng ZOTO, kapatid na organisasyon ng KPML, at nailalathala ko rin dito ang aking mga tula.
Kinuha rin ako para magsulat sa pahayagan ng mga manggagawa, ang dyaryong Obrero. Ako naman ang tumatayong cultural and literary editor nito ngayon. Bukod sa pagle-layout ng buong pahayagan (kaunti lang kasi kami rito) at pangangalap ng balita, inilalathala ko rin dito ang aking mga tula. Tinitiyak kong sa bawat publikasyon o dyaryong malathala ay mayroon akong tula.
Nalathala rin ang aking mga tula sa magasing Tambuli na inilalathala ng Katipunang Dakilahi. Ako ang tumayong associate editor nito. Nakapaglathala ito ng pitong isyu mula Abril hanggang Oktubre 2006. Di na ito muling natuloy dahil sa kakapusan ng badyet at kamahalan ng printing.
Nakabili ako ng USB (256MB) noong Agosto 2006 sa pamamagitan ng pangungutang (loan) sa KPML ng halagang P2,000. Nabili ko ang aking USB sa halagang P1,640.00 sa SM North (ngayong 2008, nagmura na ito ng halos kalahati). Ang USB ko’y katumbas ng 177 diskette (256MB / 1.44MB = 177). Dito ko iniipon ang aking mga tula, pati na mga dokumento ng KPML, pahayagang Obrero, mga saliksik, mga sanaysay, at marami pang iba. Sa loob ng isa’t kalahating taon, naging malaking tulong sa akin ng USB, dahil saanmang opisina o internet cafĆ© (kahit walang kape) ako magpunta, pwede akong mag-type at mag-ipon ng aking mga artikulo at tula. Malaking tulong din ang USB para maipon ko ang mga layout ng pahayagan, dahil kadalasan, umaabot sa 5MB ang bawat layout sa pagemaker dahil na rin sa mga pictures at hindi ito kasya sa diskette na 1.44MB lamang ang kapasidad.
Nang matutunan ko ang manwal na pagbu-bookbinding, nagsimula akong mag-layout at gumawa ng libro at maglathala ng aklat. Nitong Setyembre 2006, una kong inilabas ang Maso: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa, Unang Aklat. Ito rin ang unang inilathalang aklat ng itinatag kong Aklatang Obrero Publishing Collective. Sa ngayon, labinlimang iba’t ibang uri ng aklat na ang inilathala ng Aklatang Obrero, at lahat ito’y nakapasok sa aking USB. Ang ilan kong mga tula ay nalathala naman sa ilan sa mga aklat na ito.
Nito lamang Marso 2008 natutunan kong gumawa ng blog dahil na rin sa pangungumbinsi ng isang butihing kaibigan. Sa kanya ko natutunan itong blog. Dahil dito, nagawa ko ang blog ko ng mga tula na tinawag kong “Matang Apoy”. Dito ko inilalagay ang aking mga tula, pati na ang mga dati pang tulang nalathala na sa libro na may kopya ako ay muli kong tinipa sa kompyuter. Ginawan ko naman ng isa pang blog ang aking mga sanaysay at pinamagatan ko itong “Asin sa Sugat”, at binuo ko rin ang blog ko ng “Tupang Pula” na naglalaman din ng ilan kong sulatin. Sa kalaunan ay natutunan ko na rin ang multiply at nakagawa rin ako ng grupo rito, ang makatangpinoy.multiply.com. Inilalathala ko rin dito ang ilan kong mga tula.
Ngunit nitong Mayo 2008 (dalawang buwan matapos kong gawin ang aking mga blogs), binura ng virus na trojan horse ang mga files ko sa USB. Nilinis ko ito ng Kaspersky Anti-Virus. Sa kabutihang palad, natanggal ang trojan horse virus, ngunit sa kasamaang-palad, hindi na naibalik ang nawala kong mga files. Kahit na nawala ang aking mga files, nasa 240MB pa rin ang nilalaman ng USB kahit na ang makikita mo na lang ay 729 KB na nasa microsoft word. Binura ng tuluyan ng trojan horse ang laman ng bawat folder sa USB. Walang makapagsabi sa akin kung paano ko mare-retrieve yung mga nawalang files. Pero parang hindi ako nabahala dahil sa inis ko’y ni-reformat ko na lang yung USB. Kinopya ko muna sa desktop yung natirang files bago ko nireformat yung USB. Kung hindi dahil sa aking blogs, baka tuluyan na ring nawala ang karamihan sa aking mga tula.
Kasamang nawala sa USB ang mga dokumentong tinayp ko bilang opisyal na tagatala ng minutes ng national execom ng KPML, pati congress minutes, pati na rin yung mga design ko ng mga nalathalang isyu ng pahayagang Taliba ng Maralita at pahayagang Obrero. Gayunman, may mga printed copies naman ang mga ito, kaya pwedeng yun na lang ang balikan ko.
Sayang dahil may ilan pa akong tula’t mga sanaysay na hindi ko pa nai-upload sa aking mga blogs. Kung wala akong makikitang printed copies nito sa magulo kong mga gamit, at ang iba kasi’y hindi ko nai-print, tuluyan nang nawala ang mga tulang iyon. Yung ibang tulang na-upload ko sa blogs ay yun na lang ang kopya ko dahil wala akong printed copy, ngunit kung sakaling magloko ang aking mga blogs ay baka tuluyan na rin iyong mawala. Kaya kinakailangan talagang mag-ipon ng printed copies. Yung iba kong tula ay nakuha ko via emails na pinadadala ko sa tuwi-tuwina sa mga yahoogroups ng mga makata’t manunulat, tulad ng pinoy_manunulat, mga_manunulat, makatang_pinoy, kamakatahan, at iba pa.
Mabuti na lang at iyong mga ni-layout kong mga libro ay nai-upload ko sa aking mga gmails, kaya kung kailangan ko ng kopya ng libro ay pwede kong mai-download ito saan mang internet cafƩ (kahit walang kape) ako naroroon.
Maraming salamat sa mga kaibigan kong naging dahilan upang matutunan ko kung paano mag-blog at mag-multiply at makawilihan ko ang paggamit nito.

Sampaloc, Maynila, Hunyo 28, 2008