Lunes, Mayo 21, 2012

Kamayan Forum: Manggagawa at Kalikasan

KAMAYAN FORUM: MANGGAGAWA AT KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Malaki ang magagawa ng uring manggagawa para malutas ang pagkasira ng kalikasan sa buong mundo. Ito ang buod ng naganap na talakayan hinggil sa kalikasan sa isang forum kung saan ang tagapagsalita'y mga kinatawan ng manggagawa.

Inilunsad nitong Mayo 18, 2012 ang ika-267 sesyon ng Kamayan para sa Kalikasan Environment Forum sa Kamayan Saisaki Edsa, malapit sa SEC sa Ortigas. Ang paksa ay Labor and Environment, kaya ang mga naimbitahang mga tagapagsalita ay mga lider ng mga organisasyong may kinalaman sa manggagawa at sa paggawa. Nasa ika-23 taon na ang forum na ito, na nagsimula noon pang Marso 1990, at nagpupulong ng tatlong oras tuwing ikatlong Biyernes ng bawat buwan, mula ika-11 ng umaga hanggang ikalawa ng hapon. Fully-sponsored ito ng Triple V na siyang may-ari ng Kamayan Saisaki Restaurant. Sa loob ng 23 taon, tuluy-tuloy na nagtalakayan dito ang iba't ibang indibidwal at grupo hinggil sa usaping pangkapaligiran at pangkalikasan. Pinangunahan ito ng CLEAR (Clear Communicators for the Environment), SALIKA (Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan), at nitong huli'y ng Green Convergence. Ang ika-267 sesyon ng forum na ito ang ikalawang talakayang hinawakan ng Green Convergence, mula nang sila'y mag-take over noong Abril.

Lima ang naimbitahang tagapagsalita para sa paksang Labor and Environment. Ito'y sina Teody Navea, kinatawan ng manggagawa sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Ka Romy Castillo na ikalawang pangkalahatang kalihim ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Larry Pascua na siyang pangkalahatang kalihim ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Val Vibal ng Alyansa ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA), at Ding Manuel ng child rights program ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal (KPML-NCRR) na siyang nagtalakay hinggil sa Child Labor and Environment.

Ang limang iyon ay inimbitahan ng inyong lingkod, nang mag-text si Gng. Marie Marciano ng siyang main moderator doon na ang paksa para sa Mayo 18 ay Labor and Environment, at kailangan nila ng speakers. Kaya agad ko namang kinumbida ang lima. Talagang sinadya ko pa ang mga tagapagsalita sa kani-kanilang tanggapan at kinausap thru text at telepono upang matiyak ang kanilang pagdating. Bago ito, noong Abril 20, sa ika-266 sesyon ng Kamayan Forum, iminungkahi ko sa mga moderator nito na dahil Mayo, at Daigdigang Araw ng Paggawa tuwing Mayo Uno, imbitahan ang mga manggagawa upang magsalita hinggil sa kalikasan. Pag-uusapan daw nila. At makaraan ang dalawang linggo, tinext ako ni Ate Marie na Labor and Environment ang main topic at ako ang naatasang magkumbida ng mga tagapagsalita.

Tatlo lamang ang nakarating na speaker. Umatras si Larry Pascua at nag-text siya sa akin na kasabay daw ito sa biglang patawag na pulong ng Executive Committeee ng PMT. Di naman nagkaintindihan sa text kay Val Vibal, dahil ang ginamit ko sa text ay yung chikka sa internet, imbes na load. Wala kasi akong pambili ng load ng mga panahong iyon, at hirap din kung saan makakakuha ng pamasahe papunta sa venue. Buti na lang at kasama ko ang dalawang speaker.

Maagang dumating sa venue ang tatlong speaker. Agad naming isinet-up ni kasamang Ding ang LCD projector at ang laptop para sa powerpoint presentation. Maya-maya'y dumating na ang mga tagapagpadaloy ng programa (moderator) nito na sina Marie Marciano at Noemi Tirona ng Green Convergence.

Sinimulan ang pulong ng ganap na alas-onse ng umaga. Nagsimula ito sa panalangin at sumunod doon ay  ang pambansang awit ng Pilipinas. Ang mga nasa harapan o lamesa ng mga speakers ay sina Prof. Nina Galang ng Environmental Science Institute ng Miriam College at pangulo ng Green Gonvergence, si Teody Navea, si Marie Marciano na siyang main moderator, si Ka Romy Castillo at si Ding Manuel.

Bago ipinakilala ng main moderator ang tatlong tagapagsalita, ipinaliwanag muna niya ang takbo ng tatlong oras na talakayan. Sa unang bahagi, tatalakayin ng mga tagapagsalita ang paksa. Sa ikalawang bahagi, iikot naman ang mikropono sa mga dumalo at nakinig sa mga tagapagsalita, kung saan magbibigay sila ng mga kuro-kuro hinggil sa mga tinalakay ng tagapagsalita, magmungkahi at magtanong. Sa ikatlong bahagi, babalik ang mikropono sa mga tagapagsalita upang sagutin ang mga komento at katanungan sa kanila, kasabay ng pagbibigay ng buod ng main moderator sa naganap na buong forum.

Unang nagtalakay si Teody Navea hinggil sa PMCJ, at ang katatapos lang na asembliya ng PMCJ kung saan siya ay nahalal bilang labor representative. Nabanggit din niya ang bagong buong grupo na pinagsamahan ng iba't ibang organisasyon at pederasyon ng mga manggagawa, ang NAGKAISA, na lumabas sa kalsada noong Araw ng Paggawa, Mayo 1, 2012, sa Mendiola. Sinabi rin ni Teody na mahalaga ang papel ng manggagawa, lalo na sa malalaking grupo tulad ng PMCJ, na nangangampanya para sa climate justice o hustisya sa klima. Nagkomento rin si Teody hinggil sa panukalang Green Jobs ng International Labor Organization.

Sumunod na nagtalakay si Ding Manuel ng KPML-NCRR. Dalawang bahagi ang ginawa niyang presentasyon. Ang unang bahagi ay ipinakita niya ang video kung saan naapektuhan ng bagyong Pedring ang tahanan ng mga batang manggagawa, at pagkakaroon ng 11 evacuation centers na pawang mga basketball courts. Ayon sa video, mahalagang magtulungan ang mga maralita, lalo na sa ganitong mga naganap na kalamidad, na may pag-asa pa, at sa dulo ng video ay ipinakilala ang isang bisyon ng KPML, ang pagkakaroon ng isang Village of Hope kung saan ang lahat ng mamamayan ay nagtatamasa ng kanilang karapatan. Sa ikalawang bahagi, tinalakay ni Ding ang kalagayan ng mga batang manggagawa mula sa limang erya ng KPML na may 3,300+ na batang manggagawa, ayon sa kanilang ginawang profile mula pa noong 2007. Sinabi pa niyang ang environment mismo ng mga batang ito ang nagdulot sa kanila upang maging child laborers - ang environment ng kahirapan.

Tinalakay naman ni Ka Romy na ang tao'y nabubuhay mula sa dalawang bagay - kina Inang Kalikasan at Amang Paggawa. Sinabi pa niyang ang dahilan ng patuloy na pagkasira ng kalikasan ay ang sistemang kapitalismo, dahil sa balangkas nito ng kasakiman sa tubo, at walang patumanggang pagwasak sa kalikasan sa ngalan ng tubo. Sa huli'y sinabi niyang mahalagang palitan na ang sistemang ito ng sistemang sosyalismo upang masagip ang lipunan mula sa patuloy na pagkapariwara sa ngalan ng kapitalistang tubo. Sinabi pa niya, "Capitalism is an infinite project in a finite planet."

Dumako na sa ikalawang bahagi ang forum. Panahon naman upang pakinggan ng mga tagapagsalita ang mga kuru-kuro, pala-palagay, mungkahi at katanungan mula sa mga tagapakinig habang kanilang isinusulat ang mga katanungang sasagutin nila sa ikatlong bahagi. Si Gng. Noemi Tirona, co-moderator ni Ate Marie, ang siyang nagpaikot ng microphone at nag-abot nito sa mga nagsidalo at nakinig sa forum. Marami sa mga dumalo ang sumasang-ayon na ang isang sistemang tulad ng kapitalismo ang siyang dahilan ng patuloy na pagkasira ng kalikasan dahil sa labis nitong paghahangad ng tubo kahit na mawasak pa ang sangkalupaan dahil sa pagmimina, sa pagkalbo ng mga kabundukan. Meron namang nagtalakay hinggil sa environment and engineering. At isang batang babae, na anak ng isa sa mga dumalo, ang kinapanayam ni Ate Noemi. Ang sagot ng bata, marami palang problema sa environment, kasi ang alam lang nila ay ang usok ng mga dyip ang nakakasira sa kalikasan. Pati daw pala mining. At ang kongklusyon ng mayorya, dapat ngang palitan ang sistema ng lipunan kung nais pa nating may maipamanang kalikasan sa susunod na henerasyon.

At sa ikatlong bahagi'y sinagot ng mga tagapagsalita ang ilang mga komento at katanungan sa kanila. Nagbigay na rin sila rito ng kanilang huling pananalita sa nasabing talakayan. Sinabi naman ni Teody na ang mga manggagawa ay mulat na hinggil sa usaping kalikasan. Mas tumampok sa kanilang huling pananalita, lalo na kay Ka Romy, na ipinagdiinan ang pangangailangan ng isang sistemang papalit sa mapanibasib na sistemang kapitalismo - ang sosyalismo. At idinagdag pa niya na noong una'y ayaw dumikit ng mga manggagawa sa mga environmental advocates dahil nais lamang ng mga ito na ayusin ang kalikasan habang nawawalan naman ng trabaho ang mga manggagawa. Na sinagot naman ni Marie na mahalaga talaga ang tayo'y magkausap. Sinagot naman ni Ding ang ilang mga katanungan, tulad ng Village of Hope na dapat talagang maisakatuparan, at ang patuloy na kampanya ng KPML upang maibalik sa eskwelahan ang mga batang manggagawa at nanawagan din siya ng Stop Child Labor, Now!

Binuod ng moderator ang buong forum. Sinabi niyang dapat ang pagbabago'y mag-umpisa muna sa sarili. Nagbigay din ng kanyang pananalita si Prof. Galang, at nag-anyaya na rin siya sa pulong na pangungunahan ng grupong Consumer Rights for Safe Food (CRSF) hinggil sa kampanya laban sa GMO (genetically-modified organisms) na lumalaganap na sa ating mga pananim at pagkain. Isang anti-GMO na talakayan at pulong ang gaganapin sa Environmental Studies Institute (ESI) sa Miriam College sa Hunyo 7, 2012, sa ganap na ikalawa ng hapon.

Nagtapos ang forum bandang ikalawa ng hapon, at naghiwa-hiwalay silang dala ang panibagong pag-asa na ang usaping kalikasan ay tangan-tangan ng manggagawa at hindi nakakaligtaan, na ang papel ng manggagawa para maayos ang kalikasan ay nakasalalay sa pagbabago ng lipunan at pagpapalit ng sistemang pangunahing dahilan ng pagkasira ng kalikasan.

Sabado, Mayo 5, 2012

Ang Magasing Liwayway at Ako


ANG MAGASING LIWAYWAY AT AKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa elementarya pa lang ako'y kilala ko na ang magasing Liwayway. Bumibili kasi nito ang aking ama noong ako'y bata pa. Babasahin muna ito ng mga kapatid ko at ng aking ina, at aabangan ko na lang na matapos sila saka ko na ito babasahin. Kasabay ng Liwayway ay binibili rin ng aking ama ang Funny Komiks na pambata. Kaya dalawa lagi ang kanyang dalang babasahin sa bahay.

Kadalasang binabasa ko agad sa Liwayway ay yung komiks na nasa bahaging hulihan ng magasin, na tulad pa rin ngayon. Dito ako unang nakapagbasa ng mga tula, bago ko pa matutunan noong hayskul ang tulang Florante at Laura.

Noon, bumibili kami ng tatay ko ng magasing Liwayway sa Bustillos sa Sampaloc matapos naming magsimba ng Linggo, o kaya naman ay sa Trabajo Market pagkatapos naming mamili. Akala ko nga, nawala na ang Liwayway nitong taon na ito. Aba'y yung binibilhan ko ng Liwayway sa bandang Anonas at sa Farmers Market ay di na nababagsakan ng dealer nito, gayong nakatayo pa rin ang kanilang newsstand. Buti na lang at meron pa sa bandang Quiapo, nakabili pa ako.

Gayunman, maaaring itinuturing ng iba na bakya ang mga sulatin sa Liwayway dahil pulos pag-ibig ang tema, pulos katulong ang nagbabasa, ngunit sa totoo lamang, ito'y isang magandang babasahin para sa lahat, dahil hindi lamang naman bakya ang tema rito, kundi may kapupulutan ka rin ng aral. Minsan nga'y tinatalakay dito ang hinggil sa kasaysayan ng ating bansa at mga bayani, pati na iba't ibang kultura sa ating bansa mula Jolo hanggang Aparri. Anupa't kung wala ang Liwayway ay pawang mga edukado lamang ang makakaalam ng iba't ibang pangyayari at kultura sa iba't ibang panig ng kapuluan.

Katunayan, maraming kilalang manunulat ang tiyak na nagsulat na sa Liwayway, at dito sila naunang nagsulat bago sila pumalaot sa pagsusulat ng matitinding nobela't sanaysay. Sanayan kasi ng mga bagong manunulat ang Liwayway. Kung di ka dumaan dito, at kahit isa ay hindi ka pa nalathala dito, pakiramdam mo'y may kulang pa sa iyo. Sa Liwayway nga lang, di ka makapasa, paano pa sa iba. Kaya kung may naisulat kang maikling kwento, ang una mong gawin ay ipasa mo ito sa Liwayway, dahil sa ngayon, ito lamang ang magasin sa wikang Tagalog na naglalabas ng maiikling kwento. Nariyan din ang paglalathala nila ng nobela, na serye lingguhan ang labas. Kalahating pahina na lang ang para sa tula, di tulad noon na pwedeng malathala ang tatlo mong tula sa isang pahina.

Nagpasa na rin ako ng tula at kwento sa Liwayway noon, ngunit di ko na alam kung nalathala ba ito. Dahil lingguhan ang labas ng Liwayway, at sa dami rin ng aking pinagkakaabalahan, nakakaligtaan ko ring madalas ang pagbili ng Liwayway. Kaya di ko na nasusubaybayan kung may nalathala ba akong tula o kwento. Kadalasang ang pabalat ng magasin ay larawan ng sikat na artista sa bansa, na siyang isang panghalina upang akitin ang mambabasa na bilhin ang Liwayway.

Nakadaupang-palad ko rin minsan ang isang naging editor-in-chief ng Liwayway na si Reynaldo Duque nang dumalo ito sa isang aktibidad ng UMPIL (Unyon ng Manunulat sa Pilipinas) kung saan pinadalo rin kami ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo). Ginanap ito sa Goethe Institute (German Library) sa Aurora Blvd. Agosto 2001 iyon at kasalukuyan akong nag-aaral ng paglikha ng tula sa LIRA.

Ang isang maganda sa Liwayway ay ang paglalabas ng kolum na Haraya ni Propesor Mike Coroza, na naging guro ko sa tugma't sukat sa LIRA. Ang tula ko agad ang unang isinalang sa mahigit 20 katao dahil sa tema ng tula. Kababagsak pa lang noong Setyembre 11, 2001 ng World Trade Center, at iyon ang tema ng aking tula. Sa aming klase ng Setyembre 15, 2001 na ginanap sa UST, sinabi ni Sir Mike na yung 10 saknong na tula ko ay pwede ko namang gawing tatlong saknong lamang. At ngayon nga, ang kolum ni Sir Mike na nagsimula bandang 2009 o 2010 ang isa sa inaabangan ko sa Liwayway. Sulit pag nabasa mo ang kanyang kolum dahil tiyak na may nadagdag muli sa iyong kaalaman.

Naging bahagi na ang magasing Liwayway ng pag-inog ng kalinangang Pilipino, at sampung taon na lang ay sentenaryo na ng makasaysayang magasing ito. Ayon sa kasaysayan, unang nalathala ang magasing Liwayway noong 1922 at ang naging unang patnugot nito ay si Severino Reyes, ang may-akda ng "Mga Kwento ni Lola Basyang". Hiling ko na lang, sana'y maabutan ko pa ang sentenaryo ng dakilang magasing ito.

Mabuhay ang magasing Liwayway at nawa'y magpatuloy pa siya ng pagbibigay-liwanag sa mambabasa sa bawat takipsilim at sa bawat pagbubukangliwayway sa bahaging ito ng sangkatauhan!

Martes, Abril 3, 2012

Pinatawad ko na sila

PINATAWAD KO NA SILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Karaniwan na sa mga manunulat, lalo na't siya rin ay makata, na isulat at isiwalat ang kanyang mga nakikita at napupuna sa kanyang kapaligiran, at sa lipunan niyang ginagalawan. Hindi lang iyon mula sa isip, kundi maging sa kanyang nadarama.

Kaya kung galit ka, minsan ay naisusulat mo iyon, na kahit malay ka ay di mo namamalayan. Na sa kalaunan ay pagsisisihan mo at bakit mo ba iyon naisulat, na siyang nagpalala pa ng problema.

Kailangang magpatawad. Kailangang patawarin na ang lahat ng nagkasala sa iyo kung nais mong makapagsulat ng maayos. Ito'y upang maging obhetibo ka sa iyong mga paksa, upang walang poot na lumabas sa iyong panulat.

Ganito ang aking ginawa ilang panahon na rin ang nagdaan. Ako'y nagpatawad. Pinatawad ko na ang mga taong nagkasala sa akin, gaano man kasakit sa aking damdamin ang kanilang ginawa. Dahil kung malinis ang iyong budhi, wala kang poot na basta na lamang isusulat na sa bandang huli'y iyong pagsisisihan.

Kailangang patawarin ko ang mga taong bumugbog sa akin noong ako'y bata pa. Kailangang patawarin ko ang mga gagong umapi sa akin. Kailangang patawarin ko ang mga nang-onse o nandaya sa akin. Kailangan kong patawarin ang mga nangutang sa akin na hanggang ngayon ay di na nakapagbayad, dahil di na sila makita o dahil mas mahirap pa sila kaysa akin. Noon ay sinasabi ko pa na ang utang nila ay abuloy ko na lang pag namatay sila. Mali pala iyon.

Pinatawad ko na ang mga nanungayaw sa akin. Pinatawad ko na ang mga pulis na nanakit sa akin sa rali. Pinatawad ko na ang mga kasamang nakagawa ng pagkakasala sa akin. Pinatawad ko na ang mga kaibigang nang-iwan sa akin sa ere. Pinatawad ko na ang mga siga sa kanto na minsan ay nangikil sa akin. Pinatawad ko na ang mga kapustahan ko sa tses o sa anumang laro na hindi nagbayad sa akin. Pinatawad ko na ang tindero sa Quiapo na nagpalit ng aking P100 at sinabing P20 lang daw ang aking ibinigay, gayong wala naman akong P20 sa bulsa, at kaya ako bumili sa kanya ay para mapabaryahan na rin ang aking P100 dahil wala akong baryang pamasahe. Pinatawad ko na ang karibal ko noon sa isang babae na nagpadugo ng aking ilong sa aming suntukan, bagamat may pasa rin siya. Pinatawad ko na ang tsuper na nakaaway ko dahil hindi ako sinuklian ng tama.

Mahirap alagaan ang kimkim na poot. Para kang nag-aalaga ng leyon o tigre sa dibdib. Kailangan na itong mawala  bago pa ito maging apoy o granadang bigla na lang sasabog.

Nagpatawad ako dahil hindi naman mabigat na krimen o heinous crime ang kanilang ginawa sa akin. Dahil kung ganoon nga, ibang usapan na iyon. Kailangan ng husgado at kailangan mong makamit ang hustisyang nararapat para sa iyo. Kumbaga, hindi iyon mga mortal sin, kundi pawang mga venial sin.

Nagpatawad ako dahil na rin sa pagyakap ko sa Kartilya ng Katipunan nina Gat Andres Bonifacio at Gat Emilio Jacinto, na pawang gabay sa pakikitungo sa kapwa at disiplina sa sarili.

Higit sa lahat, nagpatawad ako alang-alang sa aking mga akda at aakdain pa. Na bilang manunulat ay aking maisulat ng wasto, ng obhetibo, ng walang halong poot, ang bawat akda. Mahirap ang may kargang mabigat sa damdamin dahil hindi ka makapag-isip ng tama, at nagiging repleksyon lamang ang iyong mga akda ng iyong galit sa mundo at poot sa sarili. Kailangang tanggalin lahat ng bagahe. At malaking bagahe ang poot. Kailangang magpatawad. Kailangan.

Totoo naman na paminsan-minsan ay may emosyon ang iyong mga akda, lalo na sa kwento at tula. Lalo na't tumatalakay ka sa ilang maseselang paksa na may emosyon, upang maging buhay na buhay sa mambabasa ang iyong akda. Ngunit emosyon iyon ng mga tauhan mo sa iyong akda, hindi iyon emosyon mo. Hindi iyon salamin ng iyong poot o pag-uugali. Ang galit sa iyong kwento ay galit ng tauhan dahil sa iyong ginawang banghay (plot) ng kwento. Kailangang may damdamin ang bawat tauhan, dahil hindi sila mga robot..

Kaya sa aking mga kwento, sanaysay at tula, pinilit kong iwasan kung ano mang poot na maaaring lumabas, maliban na lamang kung ang poot na iyon ang mismong aking paksa sa akda. Kaya bago ko ilabas ang akda ay pinatutulog ko muna ng ilang araw para pag binalikan ko ay masuri ang kaayusan at kahandaan nito para sa mambabasa.

Mahalaga ang pagpapatawad. Mahalagang walang tinik na nakabara sa iyong lalamunan. Mahalagang malinis ang iyong budhi, at kung hindi pa man, ay magpatawad upang wala na itong anumang banil na nakakabigat sa damdamin.

Masarap magsulat nang wala kang kinikimkim na galit sa iyong kapwa. Maliwanag ang iyong utak at malinis ang iyong budhi. Tanda ito ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, at kailangan ito ng isang manunulat.

Lunes, Marso 19, 2012

Ang Nabubuhay sa Suntok...

Ang Nabubuhay sa Suntok...
ni Greg Bituin Jr.

May kasabihang Pilipino, "Ang nabubuhay sa patalim, sa patalim din namamatay." Mula dito'y naging palasak sa mga pelikulang Pilipino ang kasabihang "Ang nabubuhay sa baril, sa baril din namamatay." Ang kasabihang ito'y tila pumaimbulog na rin sa larangan ng boksing. Patalim, baril, suntok. Pawang karahasan. Ang naunang dalawa'y seryosong usapin at pansarili, ngunit ang ikatlo'y seryoso rin ngunit ginawang isport.

Marami nang Pilipinong boksingero ang namatay sa boksing. Ang huli rito ay ang pagkamatay ng wala pang talong si Karlo Maquinto (na may win-loss-draw record na 8-0-1) noong Pebrero 3, 2012, sa laban nila nina Marc Joseph Costa sa paboksing para sa pagdiriwang ng ika-50 founding anniversary ng Caloocan.

Sa nakaraang dalawampung taon, namatay sa boksing sa sariling bansa ang mga Pilipinong boksingerong sina Macky Silvano, Roger Espinelli, Eugene Barutag, Mateo Baring, Eman Juarez, Ferdie Gimay at Maruel Zayas. Mayo 29, 1993, namatay si Silvano matapos matalo kay Ernie Alesna sa Cebu para sa lightweight title. Namatay naman si Gimay nang matalo kay Robert Gadian sa Zamboanga del Sur noong 2003. Dalawang Pilipinong boksingero naman ang namatay sa ibang bansa. Noong 1982, namatay si Andy Balaba ilang araw matapos siyang ma-knockout ni Hi Sup Shin ng Korea sa labang ginanap sa Changchung Gymnasium sa Seoul, South Korea. Namatay naman noong 2007 si World Boxing Council youth flyweight champion Lito Sisnorio matapos ma-knockout ni Chatchai Sasakul ng Thailand sa lungsod Samat Prakan, Thailand.

Sa ibang bansa, namatay ang Cuban welterweight boxer na si Benny "Kid" Paret ilang araw matapos ma-knockout ni Emille Griffit. Namatay din ang US fighter na si Davey Moore matapos matalo kay Ultiminio "Sugar" Ramos ng Dominican Republic sa kanilang world featherweight championship match noong Marso 21, 1963.

Na-knockout ni Ray "Boom Boom" Mancini sa Round 14 ang Koreanong si Duk Koo Kim sa kanilang WBA World lightweight championship bout sa Caesar's Palace noong Nobyembre 13, 1982. Namatay si Kim apat na araw matapos ang laban. Dahil dito'y nagkaroon ng malawakang pagbabago sa boksing. Binawasan ang rounds ng mga world title fights mula sa 15 rounds ay ginawang 12 rounds. Ipinatupad ito ng World Boxing Council (WBC) na sinundan naman ng WBA at IBF. At ang matindi pa rito, nagpunta ang ina ni Kim sa Las Vegas bago tanggalin ang life support system ng anak. Pagkalipas ng tatlong buwan, nagpatiwakal ang ina ng nasawing boksingero nang uminom ito ng isang bote ng pestisidyo. Ang referee naman ng kanilang laban, si Richard Green, ay nagpatiwakal din noong Hulyo 1, 1983.

Ayon kay Ron Galarpe ng PhilBoxing.com, "An American source showed a global number of fatalities in the squared arena. From the year 1900 to current year, there were 1,141 ring deaths. Out of this number, 29 were Filipinos. The Philippines is sadly ranked number 7 of having the most number of casualties in the ring. Not surprisingly, America tops the list at 590 then came England, Australia, Japan, Mexico, South Africa, then the Philippines. There are 11 more countries ranked below our country."

Dahil sa mga pangyayaring ito, iminungkahi ni Rep. Manny Pacquiao, world boxing champion sa walong dibisyon, sa Games and Amusement Board (GAB) na magkasa ng mas magandang patakaran upang matiyak ang kaligtasan ng kanyang mga kapwa boksingero. Iminungkahi niya sa GAB na dapat magkaroon ng dalawang-buwang pahinga ang boksingero bago ito lumabang muli. Ani Pacquiao, "When I started fighting, I used to fight twice a month and now I realized that it is not advisable, especially if the fight went the distance. So a fighter should fight every other two months or three months, if he suffers a knock down."
Nag-file naman ng panukalang batas - House Bill 5799 - si Rep. Lani Mercado-Revilla (2nd District, Cavite) na nag-aatas na magsumite ang mga boksingero ng medical clearance kada anim na buwan at insurance coverage ng lahat ng professional boxer bilang rekisitos bago ang laban. Saklaw sa medical clearance ang mga resulta ng CT scan, X-Ray, ECG, Drug Test, HIV Test at Eye Refraction. Ang hindi pagsusumite nito sa GAB ay magiging batayan upang di isyuhan ng lisenya ang isang professional boxer.

Kahit papaano, mas mabuti pa ang boksing bilang isport sa Olympics pagkat protektado ang boksingero sa kanilang headgear, kamiseta, at mas malalaking glab. Ngunit iba sa propesyunal. Lantad ang buong mukha at katawan.

Halos lahat ng boksingero'y galing sa uring manggagawa, mga anak ng magsasaka, mula sa uring nagpapatulo ng pawis. Ang kanilang promoter at manager naman ay pawang galing sa naghaharing uri. Milyones ang panalo ng bawat boksingero sa bawat labanan. Kaya maraming galing sa maralitang pamilya ang sumasali, nagbabakasakaling manalo at maging milyonaryo, tulad ng karanasan ni Manny Pacquiao. Ang mga boksingerong ito'y nagiging taga-endorso na rin ng mga produkto ng kapitalista pag sila'y nakilala. Ang kasiyahan ng mga hari noong panahon ng mga gladyador noong Imperyo ng Roma ay kasiyahan naman ng mga kapitalista ngayon na kumikita ng limpak-limpak na tubo sa bawat kampyonatong labanan, di lang sa perang mula sa kani-kanilang manager, kundi mula sa promoter at kita sa HBO.

Marahas man ang larong ito, naging daan ang boksing upang makaahon sa kahirapan ang maraming dating mahihirap. Naging daan din ito upang pasayahin ang mga tao, pagkaisahin ang bansa, at pansamantalang makalimutan ang problema, kaya binibigyang parangal ang mga boksingerong nananalo matapos makipagbasagan ng mukha. Kaya kung mahirap mapatigil ang isport na boksing, ang mas mabuting paraan ay tiyakin ang kaligtasan ng mga boksingero laban sa maagang pagkamatay.

Mga pinaghalawan: PhilBoxing.com, Inquirer.com, GMA7news, www.abs-cbnnews.com, www.congress.gov.ph, Wikipedia

Huwebes, Marso 15, 2012

Ang Iwate Noon at ang Iwate Ngayon

ANG IWATE NOON AT ANG IWATE NGAYON
ni Greg Bituin Jr.

Irashaimase.

Nitong Marso 11, 2012 ang unang anibersaryo ng trahedyang tumama sa Japan - ang tsunami at lindol na nagdulot ng pagkasira ng nuclear reactor sa Fukushima.

Nang pinatalastas sa GMA 7 ang dokumentaryo ni Kara David hinggil dito, kasama ang Iwate TV, agad akong nagkainteres kaya inabangan ko ito upang panoorin. Hindi lang dahil sa trahedya kundi dahil sa patalastas na Iwate TV ang kasama ni Kara sa kanyang dokumentasyong pinamagatang "Pagsibol ng Pag-asa: Japan Tsunami 1st Anniversary Special". Nanggaling kasi ako noon sa lalawigan ng Iwate, sa lungsod ng Hanamaki, mahigit nang dalawang dekada ang nakararaan.

Nagtungo ako, kasama ang apat pang Pilipino, sa Hanamaki-cho, Iwate-Ken, bilang student scholar (on-the-job training) sa isang kumpanya ng electronics, at namalagi kami roon ng anim na buwan. Mula Hulyo 1988 hanggang Enero 1989, nasa Hanamaki City ako na ang layo sa Tokyo ay kapara ng Maynila at Ilokos Norte. Pinadala ako ng isang technical school habang kumukuha ng 6-na-buwang radio-TV technician course. Tatlong buwan pa lang ako sa school na iyon nang pumunta akong Japan upang mag-aral ng aktwal ng electronics. Dalawa kami mula sa aming klase ng 40 ang pinadala. May nakasabay pa kaming tatlo pa na iba naman ang pinanggalingan. Pagdating namin sa Hanamaki, marami kaming nadatnang Pilipino roong nauna sa amin. Pagbalik ko dito sa bansa, agad kaming kinuha ng isang Filipino-Japanese company bilang pioneer na manggagawa. Tatlong taon akong machine operator sa kumpanyang gumagawa ng pyesa ng computer.

Sa aking pananaliksik, sa Iwate Prefecture (lalawigan ng Iwate) pa lang, may labing-isang lungsod na, at isa rito ang Hanamaki City. Noong naroroon pa kami, meron nang shinkansen (bullet train). Naikot din namin ng aming mga kasama ang mga onsen o yaong mga otel na may swimming pool na parang sauna dito sa ating bansa. Pati na mga club na maraming Pinay ay pinupuntahan namin. At syempre, lagi kaming may dalang kamera, at ito ang una kong binili sa Japan. Naabutan ko sa Hanamaki City ang snow, lalo na pag umaga ay kinakayod na ito ng mga bulldozer. Marami din kaming naging kaibigang Hapon at Haponesa dito. Nakasama pa nga ako sa pamimitas ng mga mansanas sa isang tanimang pag-aari ng Haponesang kasama namin sa kumpanya. Doon ko natikman ang Sapporo na katumbas ng San Miguel Beer, at saki na katumbas ng lambanog. Doon ko napanood sa telebisyon ang nagaganap noong Seoul Olympics. Naroon ako nang mabalitang namatay na si Emperor Hirohito.

Maganda ang Hanamaki City, kaya nang mapanood ko ang dokumentasyon ng hinahangaan kong si Kara David hinggil sa Iwate, napapaisip ako kung ano na kayang itsura ng Hanamaki ngayon? Naroon pa kaya ang kumpanyang pinuntahan ko, ang bahay na tinirahan namin ng anim na buwan, ang aming mga naging kaibigan? Kumusta na kaya sila?

May ilang binanggit na lugar si Kara, ngunit wala ang Hanamaki City. Marahil di na kaya nina Kara David na ikutin pa ang lahat ng lugar na tinamaan ng trahedya, kundi nagtuon na lamang sa ilang lugar na talagang grabeng inubos ng tsunami. At marahil din, di na gaanong tinamaan ng tsunami ang Hanamaki City. Ngunit isang probinsya lang ang layo ng Iwate Prefecture sa Fukushima. Napapagitnaan ng Iwate at Fukushima ang Miyagi Prefecture, kung saan naroon ang Sendai, na unang napabalitang lumubog sa tsunami. Sa mapa, malayo ang Hanamaki City sa dalampasigan, kaya marahil ay di na ito naabot ng tubig. Ngunit di pa rin dapat maging kampante, dahil paano naman ang radyasyon ng nukleyar sa Fukushima, kaya itong ilipad ng hangin.

Ang alaala ng Hanamaki City, ang balita ng tsunami, lindol at pagkasira ng plantang nukleyar sa Fukushima, ang pagkakaisa ng mga Hapones noong Enero 2012 upang ideklara ang Yokohama Declaration for a Nuclear-Free World, mga gunita at isyu itong di dapat balewalain. Dapat nating ikampanya ang isang mundong walang nukleyar, at maghanda sa mga panahong dumating ang mga kalamidad. Bagamat sanay na ako sa kalamidad, na mula pa pagkabata ay lagi nang dinadalaw ng baha ang aming lugar sa Balic-Balic, ang huli ay ang naganap na Ondoy na umabot ng tuhod, di pa rin dapat tingnan na karaniwan lang ang ganitong mga kalamidad. Dahil bukod sa mga nasisirang kasangkapan, may nagbubuwis ng buhay.

Bihira akong umuwi ng bahay dahil sa opisina na ako natutulog. Ngunit nang mangyari ang Ondoy noong Setyembre 26, 2009, agad akong tumungo sa aming bahay sa Sampaloc, at ikinuwento na lang ng aking ama kung hanggang saan ang baha. Paalis na sila noon ng mahal kong ina upang magtungo ng Tondo para magpagamot, kaya tinanong ako kung baha pa ba sa EspaƱa St., at ang sabi ko'y baha pa. Ngunit mababa na ang tubig sa bandang Vicente Cruz St. Kaya sakay ang owner, nag-iba na lang sila ng direksyon. Kahit ang opisinang tinutuluyan ko ay inabot din ng abot-tuhod na tubig ni Ondoy, buti na lang at wala ako roon nang mangyari, dahil baka kasamang nabasa ang aking passport. Dalawang araw matapos ang trahedyang dulot ni Ondoy, muli akong nangibang bansa, patungong Bangkok, Thailand upang daluhan ang walong araw na kumperensya hinggil sa climate change, at katawanin ang aming organisasyon.

Pumatak ng araw ng Linggo ang Marso 11, 2012, simpleng pagtitirik ng kandila para sa mga biktima ng trahedya sa Japan. Kinabukasan, araw ng Lunes, nakaiskedyul ang rali (solidarity action) namin sa Japanese Embassy upang ipakita ang aming pakikiramay sa mga Hapong biktima ng naganap na trahedya. Sumama ako sa raling iyon at isa sa nanawagang huwag nang buksan pa ang plantang nukleyar. Katunayan, sa isang plakard na ginawa ko ay nakasulat: "Nuclear is Unclear! No to Nukes!"

Ondoy, Pedring, Quiel, Sendong, Fukushima, Sendai, Iwate, nukleyar, tsunami, lindol, climate change - lahat ng ito ay usapin ng kalikasan at kapaligiran (nature and environment). Mga seryosong isyung di dapat balewalain, o basta ipagkibit-balikat na lamang. Kaya kung may pagkakataon, sumasali ako sa mga aktibidad hinggil sa usaping pangkalikasan, lalo na sa usaping climate justice, at kung paano ang ating mga dapat gawin at ikampanya. Bilang karaniwang tao at bilang mamamayan ng mundong ito, paano tayo magkakatulungan? Sa harap ng mga kalamidad na di maiiwasan, paano natin ito haharapin, at anong mga dapat nating gawin bago at matapos itong maganap? Paano tayo mag-a-adapt at magmi-mitigate upang matiyak ang kaligtasan ng mundo? Mga katanungang naghahanap ng katugunan.

Salamat, Kara David, sa iyong ulat. Salamat, Hanamaki, sa karanasan. Salamat, ama't ina, sa taglay kong katatagan. Nagbabalik ang alaala, nagpapaalala. Sa kinakaharap na mga alalahanin sa isyung pangkalikasan at usapin ng kaligtasan ng mundo, dapat na magkatulungan ang bawat bansa at bawat tao upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa. Dapat tayong maging handa.

Arigato gozaimashita.

Miyerkules, Pebrero 8, 2012

Minutero 2011

MINUTERO 2011
ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Salamat naman at natapos mo na yung minutes. Ang tagal na niyan, ah." Ganito ang sabi ng isang kasama matapos kong matapos ang pagtipa sa kompyuter ng katitikan ng ikaanim na kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na naganap noong Nobyembre 26-27, 2011. Nitong Enero 23, 2012 ko lang natapos ang pagtipa sa kompyuter ng katitikang ito.

Ang sabi ko nga sa isang kasama, sa anim na kongreso ng iba't ibang magkakapatid na organisasyon nitong taong 2011, apat doon ay naging minutero ako. Kumbaga, yung official minutes of the congress ay ako ang gumawa. Naroon din ako sa dalawa pang kongreso at tumulong sa mga gawain nito sa aktwal bagamat hindi sa pagmiminuto. Ngunit sa apat na kongresong ako ang opisyal na minutero ng buong katitikan ng kongreso, sa tatlo lamang ako nakagamit ng laptop, ngunit sa ikaapat, talagang balik ako sa primitibo, sa pamamagitan ng sulat-kamay. Hindi ko ito napaghandaan, ngunit talagang tiniis ko ang pagkainis dahil hindi tumupad sa usapan ang nagsabing may laptop akong magagamit dahil ako ang opisyal na minutero.

Sa mga kongresong ito, apat ang pambansang kongreso, isa ang pang-Luzon, at isa ang pang-NCRR-wide (National Capital Region at lalawigan ng Rizal). Ngayon lang nangyari na sa loob ng iisang taon ay naganap ang napakaraming kongreso ng iba't ibang organisasyon.

Ang anim na kongreso ay ang mga sumusunod: (1) Ikalawang Pambansang Kongreso ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT) noong Enero 2011 sa Teachers Camp sa Lungsod ng Baguio; (2) Ikaanim na Kongreso ng KPML-NCRR (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal) noong Abril 30, 2011 sa basketball court ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation, Inc. (KKFI) sa P. Paredes St., sa Sampaloc, Maynila; (3) Ikaapat na Pambansang Kongreso ng KPML-nasyunal noong Hulyo 16, 2011 na naganap din sa KKFI; (4) ika-17 Pangrehiyong Kongreso ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) na naganap noong Oktubre 20, 2011 sa Hito Covered Court sa Longos, Malabon; (5) Ikaanim na Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) noong Nobyembre 26-27, 2011 sa Luisa Ridge, Hot Spring Resort and Spa, Brgy. Bukal, Lungsod ng Calamba sa Lalawigan ng Laguna; at (6) Ikalawang Pambansang Kongreso ng Partido Lakas ng Masa (PLM) noong Nobyembre 29, 2011 sa Unibersidad ng Pilipinas.

Ako ang opisyal na minutero sa Kongreso ng PMT, KPML-nasyunal, ZOTO, at BMP. Sa kongreso ng KPML-NCRR naman ay tatlo kaming nakatalaga sa gawaing pagmiminuto, ngunit tanghali na akong dumating doon dahil may iba pa sa aking pinagawa ng araw na iyon na walang kaugnayan sa kongreso, at dahil dalawa naman ang nagmiminuto ng katitikan ng pulong doon nang dumating ako, hindi na ako kumuha ng katitikan ng pulong, at tumulong na lang sa ibang gawain doon tulad ng pagtitiyak ng seguridad sa buong kongreso, at pagliligpit ng mga kagamitan matapos ang kongreso. Sa kongreso naman ng PLM, umaga pa lang ay nandoon na ako ngunit sadyang hindi ako nakatalaga para magminuto, kaya tumulong na lang ako sa ibang gawain doon, tulad ng pagbubuhat ng kahon-kahong mga gamit sa kongreso at mga librong ibebenta mula sa unang palapag hanggang sa ikatlong palapag nang walang elevator, sa hagdanan lang, paglalagay sa brown envelop ng mga dokumento ng kongreso, at pamamahagi nito sa mga delagado.

Nagpapasalamat ako sa mga kasama sa pagtitiwala nila sa akin bilang kanilang minutero. Ibig sabihin, di lang sa simpleng pulong ako naging minutero kundi sa apat na mahahalagang Kongresong naganap nitong 2011. Ngayon lang nangyaring ang anim na kongreso ay sabay-sabay sa isang taon at mapalad akong nasaksihan ko ang anim na iyon at minutero pa ako sa apat. Gayunman, hindi ko naman hiniling ang mga iyon, kundi inatas lang sa akin, tulad sa KPML-nasyunal at ZOTO, habang pinakisuyo lang sa akin ang pagmiminuto sa PMT at BMP. Sa muli, nagpapasalamat ako sa mga kasama sa kanilang pagtitiwala.

Sa apat na kongresong iyon, sa unang tatlo ay nakagamit ako ng laptop, ngunit nagkaproblema sa kongreso ng BMP. Sa aktwal ko na nalaman na wala pala akong magagamit na laptop, dahil di pumayag ang kinausap ng isang kasama na gagamitin ko ang laptop nito sa aktwal na kongreso. Kaya ang ginawa ko, lumabas pa ako sa venue, papuntang highway, sa gitna ng kainitan ng araw, at naghanap ng notebook at ballpen sa mga nakahilerang kainan at tindahan doon. Sa malayo pa ako nakabili ng notebook at ballpen. Buti na lang, may dala akong pera, at napagkasya ko ang pera sa isang maliit na notebook at ballpen.

Nairaos ko naman ang pagmiminuto sa nasabing kongreso, ngunit halos dalawang buwan pa bago ko tuluyang natapos at naipasa sa mga bagong halal ang dokumento, dahil matagal ko rin itong pinagtitipa sa kompyuter. Dahil hindi na kongreso, kaya ang utak ko ay wala na sa pagmiminuto kundi nasa ibang gawain na kaya ang pagtitipa noon sa kompyuter ay nakakatamad. Sadyang nakakatamad at nakakaasiwa dahil dapat ibang makabuluhang gawain na ang aking ginagawa at pinag-uukulan ng panahon, ngunit eto’t nagdoble pa ng trabaho. Trinabaho mo na nuong una, babalikan mo uli sa ikalawa para lang itipa sa kompyuter gayong pwede namang isang gawain na lang iyon kung may laptop. Diretso na agad sa laptop ang pagmiminuto. Isang gawaing ayaw ko nang gawin dahil napagdaanan ko na at ayaw ko nang balikan. Nakakasawa kaagad ang pagtitipa ng nasabing dokumento. Buti sana kung ang mga iyon ay maikling kwento, sanaysay o tula, mas interesado pa akong tipain sa kompyuter. At hindi ako magsasawa.

Tulad ng paglalaro ng chess, mahalaga sa bawat minutero ang preparasyon, lalo na sa aktwal na kongreso o aktwal na pulong. Kailangang mas maaga pa siya sa mga delegado o sa mga magpupulong. Preparasyon ng isipan, konsentrasyon sa gawain, at higit sa lahat, yaong kanyang mga gagamitin. Nakaayos na ang kanyang mga dapat gamitin tulad ng laptop, o notebook at ballpen. Kaya nga sinasabi kaagad sa kanya ng maaga ang kanyang gawain bago pa ang takdang araw, para nakapaghanda siya bago ang aktwal na pagmiminuto, dahil hindi pwede ang bara-bara-bay sa ganitong mga gawain. Tulad ng bilyar, kailangan ng preparasyon at konsentrasyon para matumbok mo ang dapat matumbok.

Kung may laptop lamang, pagkatapos na pagkatapos ng kongreso ay ibibigay ko na kaagad sa mga kinauukulan ang nasabing minuto o opisyal na katitikan ng kongreso, sa mismong araw na iyon, o kinabukasan. Maaaring sa pamamagitan ng email o bilang isang printed material. Tulad ng mga ginawa ko sa mga naunang kongreso. 

Ngunit sa susunod, ayoko nang mangyari na walang laptop sa pagmiminuto ng katitikan ng pulong, Babalikan mo ang tapos mo nang gawin, imbes na diretso sa kompyuter ay isusulat muna sa papel bago itipa sa kompyuter. Dobleng trabaho, dobleng pagod. Nakakaburyong dahil imbes na isahang trabaho na lang at tapos na ay kailangan pa muling ulitin sa ibang paraan ang pagmiminutong tapos mo nang gawin.

Para hindi na magkaproblema sa susunod, marahil, may isang dapat mangyari, magkaroon na ako ng sariling laptop na magagamit.

Biyernes, Enero 27, 2012

Ang tulang "Annabel Lee" ni Edgar Allan Poe at ang tula kong "Judy Ann Chan"

ANG TULANG "ANNABEL LEE" NI EDGAR ALLAN POE AT ANG TULA KONG "JUDY ANN CHAN"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa bang kathang isip lamang ng makatang Edgar Allan Poe si Annabel Lee? O ito'y batay sa tunay na buhay? Saan niya nakuha ang pangalang iyon kung kathang isip lamang? At saan nga ba ang "kingdom by the sea" o kahariang nasa dagat, o marahil ay dalampasigan, na binabanggit ni Poe?

Nang mabasa ko ang tulang iyon ni Poe, naikumpara ko ito sa isa ko ring tula na pinamagatan kong "Judy Ann Chan". Pareho kasing Asyano ang mga apelyidong iyon, Lee at Chan, na mas ginagamit sa bansang Tsina. May dalawa pang artistang Tsino ang may apelyidong Lee at Chan. Sila ang hinahangaan kong sina Bruce Lee at Jackie Chan na pawang magagaling na aktor sa mga pelikulang kung fu. Bukod pa roon ay parehong may Ann sa pangalan ng dalawang dilag.

Ang mga tulang iyon ay pawang tula hinggil sa magandang dilag, at ang pagsuyo at paghanga sa babaeng siyang naging pamagat ng bawat tula. Hinggil sa pagkawala ng dilag ang Annabel Lee habang hinggil naman sa paghanga sa dalaga ang Judy Ann Chan. Sa tulang Annabel Lee, bata pa lang si Poe at si Lee noon, habang sa aking tula, ako at si Chan ay nasa kolehiyo na noon.

Ang tulang "Annabel Lee" ay nalathala umano noong Oktubre 9, 1849 - dalawang araw pagkamatay ng makata. May ilang nagsasabing ang Annabel Lee ay kinatha bilang alaala sa bata pa niyang asawang si Virginia Clemm na maagang namatay.

Ang tulang "Judy Ann Chan" ay naisulat bandang 1995 sa tanggapan ng aming publikasyong pangkampus, ngunit ito'y itinago ko lamang at hindi inilathala. Nakita ko muli ang tulang ito mula sa mga naipong tambak na papeles, at inilathala sa aking blog noong Disyembre 2, 2008. Alay ko iyon sa isang tunay na taong may dugo't laman at hindi kathang-isip.

Ang tanging nalathala sa publikasyong iyon hinggil sa kanya ay ang isa ko pang tula na pinamagatang "Ilalaban kita ng patayan" na ang ginamit kong lagda ay Judreg na kumbinasyon ng aming mga pangalan. Nalathala muli ang tulang iyon noong Oktubre 2006 sa aklat kong "Fire in the Pen" na koleksyon ng mga akda kong nalathala sa aming publikasyon, maliban sa mga balita. May isa pa akong tula na pinamagatan ko namang "Oda sa Dalawang Juday" na hinggil naman sa artistang si Judy Ann Santos at sa dilag na si Judy Ann Chan, na nalathala naman sa aking blog noong Oktubre 18, 2009. Ganito nga yata ang paghanga ko sa dilag na iyon dahil di lang isa ang tula kong alay sa kanya.

Marahil ay kathang isip lamang si Annabel Lee at marahil ay totoong tao rin, tulad ng pagiging totoong tao ng tula kong Judy Ann Chan. Napakamatulain at matalinghaga ang tulang Annabel Lee habang payak naman ang tulang Judy Ann Chan. Payak dahil marahil di pa ako gaanong sanay sa pagtula noon, kaya di pa talaga matulain bagamat may tugma at sukat. Pinapangarap kong balang araw na kumatha pa ng isang tulang marahil ay gayon din ang pamagat na mas katatangian ng pagiging matulain, at di na para sa dilag na iyon kundi bilang isang obrang pampanitikan. At pag nakatha iyon ay bahala na ang mga susunod pang kritiko na pagkumparahin ang Annabel Lee at ang bagong bersyon ng Judy Ann Chan.

Si Poe ay kilala sa kanyang pagiging maestro ng mga kwentong katatakutan at misteryo, at makatang may ibang klase ng indayog, na nanunuot sa diwa't kalamnan. Ika nga ay makatindig-balahibo. Ang sa akin naman ay mga payak na kwento, sanaysay at tulang pawang mga danas at suri sa kalagayang panlipunan, mga kathang aktibista.

Kabataan ko pa noon nang makabili ako ng aklat na "Great Tales and Poems of Edgar Allan Poe" na koleksyon ng "21 short story masterpieces plus 34 narrative and lyric poems" at hinangaan ko si Poe noon, lalo na nang mabasa ko sa likod ng aklat ang ganitong nakasulat: "Edgar Allan Poe, the inventor of the modern detective story, a master of the tale of horror, a poet of haunting melody..." Binili ko ang aklat dahil sa mga salitang iyon, at pinagtiyagaan kong basahin ang kanyang mga akda.

Ang Annabel Lee ay binubuo ng anim na saknong, at may anim na taludtod sa una, ikalawa at ikaapat na saknong, pitong taludtod sa ikalimang saknong, at tigwawalong taludtod naman ang ikatlo at ikaanim na saknong, habang magkakaiba naman ang bilang ng pantig bawat taludtod. Ang Judy Ann Chan ay binubuo ng sampung saknong na bawat saknong ay tigdalawang taludtod, at bawat taludtod ay may tiglabindalawang pantig. Apatnapu't isang taludtod ang Annabel Lee habang dalawampung taludtod lamang ang Judy Ann Chan.

Narito ang tulang Annabel Lee ni Poe, kalakip ang pinagtiyagaan kong salin nito sa wikang Filipino:

ANNABEL LEE

ni Edgar Allan Poe
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

It was many and many a year ago,
   In a kingdom by the sea,
That a maiden there lived whom you may know
   By the name of Annabel Lee;
And this maiden she lived with no other thought
   Than to love and be loved by me.

Ilang taon na yaong lumipad
sa isang kaharian sa dagat
may dalaga roong nananahan
at Annabel Lee ang kanyang ngalan
dalagang wala nang iniisip
kundi ibigi't aking mahalin.

I was a child and she was a child,
   In this kingdom by the sea,
But we loved with a love that was more than love—
   I and my Annabel Lee—
With a love that the wingĆØd seraphs of Heaven
   Coveted her and me.

Musmos ako at musmos din siya
sa kahariang ito sa dagat
nag-ibigan kaming lalo't higit
ako at ang aking Annabel Lee
na may pagsintang alay sa amin
ng may pakpak na anghel sa langit.

And this was the reason that, long ago,
   In this kingdom by the sea,
A wind blew out of a cloud, chilling
   My beautiful Annabel Lee;
So that her highborn kinsmen came
   And bore her away from me,
To shut her up in a sepulchre
   In this kingdom by the sea.

At ito ang sanhi noon pa man
sa kahariang ito sa dagat
umihip ang hanging nagpaginaw
sa marilag kong si Annabel Lee
kaya mga kamag-anak niya'y
pilit nilayo siya sa akin
nang mapipi siya sa sepulkro
sa kahariang ito sa dagat.

The angels, not half so happy in Heaven,
   Went envying her and me—
Yes!—that was the reason (as all men know,
   In this kingdom by the sea)
That the wind came out of the cloud by night,
   Chilling and killing my Annabel Lee.

Anghel na di gaanong masaya
ay nainggit sa aming dalawa
Oo, iya'y sanhi (madla'y alam
sa kahariang ito sa dagat)
gabi, hangi'y umihip, guminaw
at pumaslang sa'king Annabel Lee

But our love it was stronger by far than the love
   Of those who were older than we—
   Of many far wiser than we—
And neither the angels in Heaven above
   Nor the demons down under the sea
Can ever dissever my soul from the soul
   Of the beautiful Annabel Lee;

Ngunit pagsinta'y kaytinding higit
ng pagsinta ng mga matanda
at mauutak kaysa sa amin
maging mga anghel sa itaas
at demonyo sa laot ng dagat
ay di mapaglayo ang kalulwa
ko't ng maganda kong Annabel Lee

For the moon never beams, without bringing me dreams
   Of the beautiful Annabel Lee;
And the stars never rise, but I feel the bright eyes
   Of the beautiful Annabel Lee;
And so, all the night-tide, I lie down by the side
   Of my darling—my darling—my life and my bride,
   In her sepulchre there by the sea—
   In her tomb by the side of the sea.

Buwang di nikat, nang di nangarap
ng pagkarilag kongAnnabel Lee
Tala'y di nikat, linaw ng mata'y
dama ko sa aking Annabel Lee
at sa dilim, humimlay sa tabi
ng aking sinta, asawa't buhay
sa kanyang sepulkro sa may dagat
sa kanyang puntod sa tabing-dagat

Narito naman ang tulang Judy Ann Chan na isinulat ko noong 1995 at itinuturing kong isang walang kamatayang obra bagamat payak, isang tulang hindi nailathala sa publikasyong pangkampus noon, kundi aking itinago, at muling natagpuan noong 2008.

JUDY ANN CHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

magandang tibak na aking hinangaan
ang aking kasamang ngala'y Judy Ann Chan

kay-aliwalas ng kanyang mga ngiti
tsinita, dalaga, malambing, maputi

handa kong ialay ang iwi kong buhay
masimsim lang yaong ganda niyang taglay

siya sa akin ay isang inspirasyon
upang magpatuloy na magrebolusyon

Judy Ann Chan, aking kapwa aktibista
para sa obrero, kami'y nakibaka

pinagsamahan ang grupong Kamalayan
opisyales kami nitong kabataan

siya ang sa mundo'y aking pinangarap
na makakasama sa ligaya't hirap

ngunit kung sakaling di kaming dalawa
ako'y di mapalad, sinwerte ang iba

siya'y iingatan, ang tangi kong hiling
siyang sa puso ko'y iningatang lihim

pagbati sa iyo, Judy Ann kong sinta
kahit sandali lang, nakasama kita

Hinggil naman sa dalawa pang tulang nabanggit na alay ko rin sa kanya, hindi ko na iyon inilathala rito at bahala na ang iba sa pagsasaliksik niyon.

Huwebes, Enero 19, 2012

Ang "Monologo ng Manggagawa" ni Roberto "Bobet" Mendoza

ANG "MONOLOGO NG MANGGAGAWA" NI ROBERTO "BOBET" MENDOZA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mapalad ako't nabili ko sa halagang P100 lamang ang aklat na "BANGON: Antolohiya ng mga Dulang Mapanghimagsik" na sale sa UP Press Bookstore noong Disyembre 14, 2007. Ang nasabing aklat ay binubuo ng 760-pahina, at may sukat na 7" ang lapad at 10" ang taas. Sa kapal na ito'y baka mahigit P500 ito sa iba pang bookstore. Buti na lamang at natsambahan kong nagbaratilyo ng libro ang UP Press Bookstore na nasa unang palapag ng Balay Kalinaw sa UP Diliman.

Klasik ang librong ito at collector's item na kung tutuusin, dahil ito'y katipunan ng mga dulang nilikha mismo ng mga manggagawa mula sa pabrika, mga dulang tinipon sa loob ng tatlong dekadang singkad, mula 1967 hanggang 1997. Inilathala ang aklat na ito ng Office of Research Coordination ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod ng Quezon noong 1998, kung saan ang mga patnugot ng aklat na ito'y sina Glecy C. Atienza, national artist for literature Bienvenido L. Lumbera, at Galileo S. Zafra. 

Nang makita ito ni Apo Chua, isang UP professor, awtor ng libro at tagapayo ng Teatro Pabrika, tinanong agad niya sa akin kung nabasa ko na sa librong ito ang tula ni Bobet Mendoza, na isang kasapi rin ng Teatro Pabrika. Ang sabi ko'y hindi pa, at itinuro niya sa akin ang "Monologo ng Manggagawa" sa mahabang dulang "Kuwatro Kantos", na mula pahina 559 hanggang 606. Sinabi niyang basahin ko raw ang tulang ito ni Bobet Mendoza at magugustuhan ko. Kung gayon, si Bobet Mendoza ang tinutukoy sa pambungad ng dulang "Kuwatro Kantos" kung saan nakasulat: "Ang mahabang "Monologo ng Manggagawa" sa dulo ng unang eksena ay nakabatay sa monologo na laging itinatanghal noon ng isang naunang miyembro ng Tanghalang Silangan." Matatagpuan ang nasabing tula sa pahina 575-579 ng nasabing aklat. Matagal ko na ring nakilala si Bobet Mendoza dahil isa siya sa mga mang-aawit at naggigitara para sa Teatro Pabrika, na siya ring grupong pangkultura ng sosyalistang organisasyon at pampulitikang sentro ng uring manggagawa, ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Gayunpaman, sa aklat ay walang eksaktong nakalagay kung sino ang tiyak na may-akda ng mahabang tulang "Monologo ng Manggagawa" at tanging ang may awtor ay yaong buong dulang "Kuwatro Kantos" na nakasulat sa pambungad: "Sinulat ito nina Glecy Atienza, Roberto Mendoza at ng Teatro Pabrika Writers' Pool."

Isang trahedya ang tula, na nang dahil sa kahirapan sa lalawigan ay pinangarap ng isang karaniwang tao na maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya, ngunit lagim ang kanyang sinapit sa huli.

Nagsimula ang tula sa paglisan ng manggagawa sa kanilang lalawigan upang magtrabaho sa Maynilang anya'y nakararahuyo. Lumuwas siya ng Maynila't nahanap ang barungbarong na tahanan ng kanyang Nana Sela. Naghanap siya ng trabaho't nakapasok sa pabrika ng pakain sa hayop, ngunit umalis din upang mapasok naman sa isang pabrika ng sapatos. Naging kasapi siya ng unyon at naging aktibo sa mga gawain doon, dahil naniniwala siyang dapat maging makatarungan ang kapitalista sa ibinibigay na sahod at benepisyo sa manggagawa. Hanggang kumilos na rin siya sa labas ng pabrika upang organisahin ang iba pang manggagawa. Ngunit naging mainit siya sa mga kapitalista.

Papauwi na ang manggagawang iyon mula sa isang pagpupulong nang hinablot siya ng kung sinong mga buhong at ipinasok sa sasakyan. Dinala sa isang talahiban, at doon naalala ng manggagawa ang iniwan niyang lalawigan pati na mga magulang at kapatid na naghihintay. Ngunit iyon na pala ang kanyang katapusan.

Tinortyur siya ng mga kumuha sa kanya hanggang siya'y pinatakbong pilit. Tumalima naman siya sa pag-aakalang siya'y makakatakas. Ngunit paano niya matatakasan ang putok ng baril? Sa huling hibla ng kanyang hininga'y umaasa siyang sana'y may magpatuloy pa ng kanyang marangal na adhikain para sa mga manggagawa.

Napakaganda ng salaysay ni Mendoza, at sinuman ang makababasa nito, sa wari ko'y maghihimagsik dahil sa kawalang katarungang sinapit ng manggagawa. Maganda ang pagkakahawak ni Mendoza sa tugma't sukat. Apat na taludtod ang bawat saknong, habang lalabing-apatin ang pantig ng bawat taludtod, bagamat di siya naging masinsin sa pagtiyak ng sesura o hati sa gitna ng tula, na dapat ay may hati sa ikapitong pantig, na sa kabuuan ng tula'y di sumusunod sa ganito. Gayunpaman, di na ito gaano pang mapapansin ng mga mambabasang di pamilyar sa batas ng tugma't sukat, at di na rin papansinin ng sinumang makikinig o manonood sa monologo, dahil sa mas mapapansin nila ang indayog at emosyon ng pagkakasalaysay ng tula.

Isang taas-noo at taas-kamaong pagbati ang iniaalay ko sa makatang ito ng uring manggagawa. Sadyang kalulugdan siya at maoorganisa niya ang mga unyonista't karaniwang manggagawa sa tula niyang ito. Mabuhay ka, kasamang Bobet!

Halina't ating namnamin ang kabuuan ng 34-saknong na tula.



MONOLOGO NG MANGGAGAWA
ni Roberto "Bobet" Mendoza, Teatro Pabrika

Naging balon ng luha mga mata ni Inang;
Kalungkuta'y bakas naman sa mukha ni Tatang;
Maliliit kong kapatid ay nakatingin lang,
Habang ako sa kanila ay nagpapaalam.

Masakit sa loob kong sa kanila'y malayo
Ngunit mga pangarap ko'y di dapat maglaho
Buo ang paniniwalang ito'y matatamo,
Sa Maynilang kilala at nakararahuyo.

Ako nga ay lumisan sa aming lalawigan;
Ang trabahong bukid ay akin nang iiwanan;
At maging si Tatang ay di na mananakahan;
Buong pamilya’y hahanguin sa kahirapan.

Sa barko pa lamang ay di na ‘ko mapakali;
Kinakab’han dahil ‘di alam ang mangyayari;
Kahit may pananabik takot ang nakakubli;
Sa likod ng pag-asa’t pangako sa sarili.

Sa wakas, sa wakas narating ko ang Maynila;
Punong-puno ng tao kahit saan luminga;
Sa sari-saring amoy ikaw ay magsasawa;
Kaya kailangan ay matibay na sikmura.

Agad kong hinanap ang lugar na tutuluyan
Na ibinilin sa akin ng pinsan ni Tatang;
Nagtanong-tanong pa ako sa kung saan-saan;
Sa tsuper, sa pulis, mga tambay sa tindahan.

Sa pinagtatanunga’y aking ipinakita
Ang tangan kong papel iniwan ni Nana Ella
Na nagsasaad kung saan siya nakatira
Kung kaya’t narating, makipot na eskinita.

Nakakakaba ang makitid na daraanan
Dikit-dikit ang bahay halos walang pagitan
Mga tagarito sa aki’y nagtitinginan
Lalo na ang mga lalaking nag-iinuman.

Naglakas-loob akong huwag na lang pansinin,
At sa halip ay nagtuon sa dapat marating
‘Di pa nagtatagal, may kumakaway sa akin
Ang Nana ko palang sa tuwa’y halos magbitin.

Sinalubong ko siya ng ngiti’t pagtataka;
Dahil ang asa ko, ang bahay niya’y maganda
Ngunit ang katotohana’y barung-barong pala
At ito’y nasa tabi ng bundok ng basura.

Matamang minasdan ko ang aking Nana Ella
Ibang-iba siya noong huli kong makita
Kumikinang sa alahas, todo ang pustura
Ngayo’y mukhang ginahasa ng kabayong mola.

Ano pa ba’ng magagawa kundi ang tumigil
Sa paligid na ito na nakahihilahil
Taglay ang pag-asa at walang makakapigil
Na hinding-hindi na muling sa bukid hihimpil.

Hindi nagtagal ako’y naghanap ng trabaho
Pinupuntahan ang mga anunsyo sa dyaryo
Binabasang lahat, paskil na madaanan ko
Ngunit iisang sagot: “Walang bakante dito.”

Tanggapin na nyo ako’t marami akong alam
Sanay ako sa hirap, ang lakas ko’y kay inam;
Maghalo man ng semento, magpukpok, magkatam
Gagawin ko’ng lahat, ‘wag lang tiyan ko’y kumalam.

Dahil sa ‘king kakulitan, ako ay natanggap
Sa pabrika ng feeds ako’y naging tagabuhat
Ngunit anong malas, ako’y pinantal, sinugat
Ngunit naranasan ko ang kakaibang hirap.

Hinintay ko na lamang ang maliit kong sweldo;
Upang makapagpagamot kahit papaano
Ngunit ang takdang araw upang makuha ito
Sadyang pagkatagal-tagal at pabagu-bago.

Sa pangyayaring ito’y di na nga nakatiis
Nilapitan ang bisor at nagtanong kung bakit?
‘Wag daw akong magreklamo’t bawal ang makulit
Kaya’t sa trabaho, agad akong pinaalis.

Kaya ako ay muling naghanap ng trabaho
Sa pabrika ng sapatos, na-regular ako
At dito’y agad akong naging isang miyembro
Ng unyong di ko malaman ang layuning gusto.

Hindi nagtagal at akin nang naunawaan
Ang unyon pala’y para sa aming karapatan
Sahod at benepisyo’y dapat makatarungan
Makakamit lamang ito kung ipaglalaban.

Sa gawaing pag-unyon ako’y naging aktibo
Unti-unting nasasagot ang mga tanong ko
Nalaman ang dahilan maging ang puno’t dulo
Ng lahat ng kaapihan sa lipunang ito.

Ang pagsasamantala ang ugat ng problema
Nang aking matuklasan ay agad na nagpasya
Na kumilos nang lubos di lamang sa pabrika
Sa labas ma’y kaydaming dapat iorganisa.

Naging matagumpay ang aking mga gawain
Sa mga pagawaan ay nagpasalin-salin
Hangad ang pag-uunyo’y lalong pag-ibayuhin;
Buo ang hangaring ang kalayaan ay kamtin.

Sa mga kapitalista ako ay uminit
Mayr’ong nakikiusap at mayr’ong nangungulit,
Mayr’on ding nanunuhol at nananakot pilit
Pag ‘di daw ako tumigil ako’y ililigpit.

Dahil sa batid kong ako ay nasa matuwid
Hindi ako natinag at ni hindi nanginig
Ako’y naniniwala na nasa aking panig
Ang katarungang sa manggagawa’y aking hatid.

Papauwi na ako mula sa aming pulong
Ang lansanga’y mala-dagat noong gabing iyon
Sa tubig-ula’t putik, swelas ko’y bumabaon,
Nang biglang sa aki’y may sasakyang sumalubong.

Hinablot agad ako’t inginudngod sa putik
Ng mga lulan nitong pawang mababalasik
Tinadyakan ako at namilipit sa sakit,
Ulirat ko’y nawala’t lubusang natahimik.

Nang ako’y magising sa silya na’y nakatali
Sa madilim na silid na hindi ko mawari
Kahit anong isip ko’y iisa’ng sumasagi
Nasa bahay akong kalupita’y naghahari.

Umilaw ang bombilya sa may aking ulunan
At mayro’ng pumasok na di ko maaninawan
Paglapit sa akin, ako ay sinikmuraan
Sinampal, pinaso, kinalikot ang katawan.

Ang bawat parusang iginagawad sa akin
Ng mga dyablong itong lubhang mapang-alipin
May kasamang katanungang dapat kong sagutin,
Sumagot ka’t hindi ay tatamaan ka pa rin.

“Di ba ikaw ay rebelde’t isang subersibo?”
“Hindi! Wala akong alam!” ang laging sagot ko
Sila ay lalong bumangis at sinila ako
Kaya’t ako’y nawalang muli ng malay-tao.

Muli akong nagising sa kaibang paligid
Malawak na lupaing mayro’ng mga talahib
Para bang ako ay nagbalik sa aming bukid
Hinihintay ng magulang at mga kapatid.

Ako ay kinalagan ng mga mapandahas
Pinatakbo ako kahit na magkandadulas
Gawin ko raw ito kung nais kong makaligtas
Baka sakaling sa bala ako’y makaiwas.

Tumalima ako at tumakbo papalayo
‘Di pa nagtatagal at sumunod na ang punglo
Ang damo at talahib ay dinilig ng dugo
Payak at bagong pangarap, ngayo’y naglalaho.

Sa ‘king paghalik at pagyakap dito sa lupa
Sana’y may magpatuloy nitong aking nagawa
Ang paglingkuran at mahalin ang ating kapwa
Uri at Inang Baya’y ganap na mapalaya.

Martes, Enero 17, 2012

Ang ASFIPO

ANG ASFIPO
ni Greg Bituin Jr.

Bandang 1998 nang makilala ko ang ASFIPO (Association of Filipino Poets) na pinamumunuan ni Ginoong William TiƱon, isang manunula at mang-aawit. Nakabase pa noon ang ASFIPO sa ikaapat na palapag ng COD sa Cubao, Quezon City. Sa natatandaan ko, tuwing Sabado ng hapon nagkikita-kita dito ang mga kasapi nito. Nagkukwentuhan, nagtutulaan. At gabi na kami nakakauwi, mga bandang alas-sais o alas-syete. Napapasarap kasi ng kwentuhan. Ang COD naman ay bandang alas-otso nagsasara.

Napapunta ako sa COD dahil sa mga kasamahan sa environmental movement na dito na nagpupulong, lalo na sa Earthlite, na naging tambayan namin. Maliit lang naman ang ikaapat na palapag ng COD kaya malalaman mo ang pasikot-sikot dito, at magiging pamilyar na sa iyo ang mga maliit na tindahan at mga nagtitinda, pati na yaong mga may pwesto rito, tulad ng lumang paraan ng panggagamot, mga herbal medicine, at marami pang iba. Marami ring mga paintings na naka-display para sa sinumang bibili.

Si Sir Ding Reyes ng grupong Clear Communicators for Environmental Action and Restoration (CLEAR) at si kaibigang Roy Cabonegro (ng Partido Kalikasan Institute na ngayon) ang lagi kong mga kapulong sa lugar na ito sa usapin ng mga aktibidad pangkalikasan. Marami akong mga nakilala dito. Nariyan ang makatang si William Rodriguez II na kilalang awtor na rin pagkat ilang beses nang inilathala ng Psicom Publishing ang kanyang mga akda. Isa rin sa mga aktibo roon ay si Gina Morito, na isang OFW. Pati na ang designer na si Ms. Sandico Ong ay nakilala ko rin, dahil isa siya sa may pwesto sa COD. Doon ko rin nalaman na si Mr. TiƱon pala ay recording artist, dahil pinakita at pinarinig niya sa akin ang kanyang mga awiting nasa casette tape. Di man sumikat si Sir, mabuti naman at nagawa niya ang mga gusto niyang gawin at pinangarap. Nariyan din ang Sanibkulay na naging mga kabarkada rin, tulad ni Marz Zafe na isang pintor, at may pwesto sa ibaba ng National Bookstore sa Cubao. Di ko na matandaan ang mga pangalan ng iba pang nakilala ko dito, lalo na yaong mga myembro ng ASFIPO, bagamat marahil ay makikilala ko pa sila sa mukha.

Pero nakagiliwan ko talaga ang ASFIPO. Gumagawa kami ng tula at bibigkasin namin ito sa pulong ng Sabado bilang aming pagtatanghal habang bawat isang dumalo ay matamang nakikinig. Dito'y pinauso ko ang dugtungang tula. Ang ginawa ko, nagdisenyo ako sa isang bond paper ng ilang linya na susulatan ng bawat isa. Labing-apat na linya lahat, tamang-tama para sa isang soneto, isang uri ito ng tula na may labing-apat na taludtod. Sa papel, ang bawat makatang magsusulat dito ay tigalawang taludtod. Kumbaga, sisimulan ko ang unang dalawang taludtod, durugtungan ng isang makata iyon ng dalawa pang taludtod, at iyong isa pang makata ay durugtungan din iyon ng dalawang taludtod, hanggang sa dumaan sa pitong makata ang papel, at mabuo ang labing-apat na taludtod. Kaya may nagagawa kaming mga pitong tula, minsan anim lang o lima, na dugtungang tula kada Sabado. Kasi bawat isa sa amin ay bibigyan ko ng papel, kaya bawat isa ay nagsimula ng kanya-kanyang dalawang taludtod ng tula. Kaya ang kinalabasan, maraming tula na iba't iba ang interpretasyon at pagkakagawa. Iba-iba kasi ang nag-akda. Ang matindi pa rito, merong taludtod na may tugmaan, at may mga taludtod na wala, dahil ang nagsulat naman ay yung makatang mahilig sa malayang taludturan. Ako naman, mas tinularan ko ang estilong Balagtas dahil doon ko nakilala ang pagtula.

Minsan na kaming na-feature sa Channel 2, at nakita pa nga ako sa telebisyon na tumula, habang ipinaliliwanag naman ni Mark Logan ang aming isinagawa sa pamamagitan din ng kanyang paraan ng pagtula. Nakausap ni Mr. TiƱon si Mark Logan ng ABS-CBN, at iyon nga, naiskedyul kami. Pinaghandaan namin ang programang iyon. Sabi ni Mark Logan, uso pa rin pala ang paglikha ng tula at pagbigkas nito sa maraming tao sa panahong ito. Napanood pa nga ako ng aking mga kasamahan sa trabaho, pero ako, hindi ko iyon napanood. Ikinwento na lang nila sa akin.

Marami akong nagawang tula rito, ngunit karamihan ng mga tula ko rito'y wala na akong kopya. Kumbaga, hindi ko na talaga makita. May isa nga akong notbuk ng tula na nawala sa opisina ng Kamalayan nuong 1997, at ilang naipon ko ring tula sa ASFIPO ay mabuti't nai-tayp ko, ngunit sa kalaunan, dahil marahil sa dami ko ng gamit, hindi ko na rin ang mga ito mapagkikita kapag kailangan. Palipat-lipat pa kami ng opisina kada isang taong matatapos ang kontrata. Doon na kasi ako natutulog sa opisina ng Sanlakas noong panahong iyon.

Di gaya ngayon, pag nais kong kunin ang isa kong tula para gamitin sa magasin o kaya'y basahin sa isang poetry session, kukunin ko lang ito sa internet, dahil nakapasok na ito sa aking blog na sinimulan ko nuong Marso 2008. Ibig sabihin, mawala man ang diskette o USB ko, o masira ang computer, makakakuha pa rin ako ng kopya ko ng tula.

Nagkawatak-watak lang ang ASFIPO nang isinara na ang ikaapat na palapag ng COD, mga huling bahagi iyon ng 1999, o kaya'y maagang bahagi ng taong 2000. Kaya napilitan si Mr. TiƱon na lumipat ng lugar. Isa na rito ang isang opisina sa P. Paredes St., malapit sa EspaƱa sa Sampaloc, Maynila, na yung ibaba ay kuhanan ng litrato. Ang isa naman ay sa may kanto ng Raon at Quezon Boulevard sa Quiapo na kinatatayuan noon ng isang branch ng SSS. Medyo nalayuan na ako doon dahil nasa Quezon City ang tinutuluyan ko, kaya bihira na akong nakakapasyal doon. 

Matagal na panahon na rin ang nagdaan, ngunit nasaan na kaya sila? Tanging kami na lang dalawa ni William Rodriguez II ang nagkakausap, sa facebook nga lang. Gayunpaman, hindi ko malilimutan ang ASFIPO dahil naging bahagi ito ng pag-unlad ko bilang isang manunulat at makata. Kung nasaan man ngayon ang mga kasapi at dating kasapi ng ASFIPO, sana'y magkaroon tayo ng reunyon kasama si Mr. TiƱon, at magmumungkahi ako. Gagawa tayo ng isang libro ng mga tula na ang mga magsusulat doon ay iyong mga naging bahagi ng kasaysayan ng ASFIPO noon man at hanggang ngayon. 

Mabuhay ang ASFIPO!

Miyerkules, Disyembre 21, 2011

Putik sa Panahon ng Unos


PUTIK SA PANAHON NG UNOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napakatitinding unos ang dumatal sa bansa nitong nakaraang dalawang taon lamang. Nariyan ang lupit nina Ondoy, Pepeng, Pedring, Quiel, at ang huli ay si Sendong. Pawang matitinding unos na dumatal sa ating bansa, sa Kalakhang Maynila, Gitnang Luson at Hilagang Luson, Hilagang Mindanao. Kinitil ng mga bagyong ito'y libu-libong katao na, at ang kapaligiran ay nagmistulang dagat ng putik. Kay Sendong ay higit isanglibo na ang namatay. Lubog sa putik ang mga subdibisyon, mga iskwater, at mga pananim sa mga probinsya. Nakakalungkot, dahil bukod sa mga namatay ay marami pa ang nawalan ng tahanan. Dinelubyo ng mga bagyong ito ang kabahayan at kabuhayan ng ating mga kababayan. Hanggang ngayon, marami pa ring kabahayan ang lubog sa putik at baha.

Sinong dapat sisihin sa nangyari? Ngunit may dapat nga bang sisihin sa mga nangyari, gayong ito'y ngitngit ng kalikasan? O ang dapat nating sisihin ay ang sistemang panlipunang sumira sa kalikasan, na siyang dahilan upang gantihan ng kalikasan ang tao?

Muling nasilayan ng marami ang muling pagbabayanihan ng mga Pilipino at pagmamalasakit nila sa ating kapwa. Agad silang sumaklolo sa mga natamaan ng baha at nalubog sa putikan, ngunit ang marami, bagamat nais sumaklolo ay walang magawa dahil sa kawalan ng kagamitan. O kung may gamit man ay di bihasa sa paggamit nito.

Gayunman, kapansin-pansin ang kawalang-handa ng pamahalaan sa ganitong mga sitwasyon. Doon nga sa may Brgy. Bagong Silangan sa Lunsod Quezon, umabot na sa 42 katao ang namatay. Sa Provident Village sa Marikina, na karamihan ay mga sikat ang nakatira, ay hindi rin pinatawad ni Ondoy. Sa Muntinlupa’y walang madaluyan ang tubig baha kaya lubog pa rin ang maraming bahay sa putik. Ang lalawigan ng Pangasinan ay nagmistulang karagatan. Nagka-landslide sa Baguio City at sa La Trinidad, Benguet, kung saan kayraming namatay. Nasa 648 na ang natalang namatay. Sa Cagayan de Oro naman at Lungsod ng Iligan, madaling araw dumating si Sendong kung saan natutulog pa ang mga tao, na mahigit 1,000 ang namatay. 

Hindi maaaring sabihin ng pamahalaan na di sila handa sa ganitong pangyayari, pagkat lagi namang tinatamaan ng bagyo ang ating bansa. Noong 2007 nga ay nanalasa na ang kaytinding bagyong Milenyo na kumitil din ng maraming buhay. Dapat ay naghanda na sila kung sakaling mangyari muli ang panibagong unos tulad ni Milenyo o ni Ondoy. O ang dapat nating sisihin o punahin ay ang nagaganap na climate change na nagdulot ng ganitong katinding unos?

Ano nga ba ang tinatawag na climate change? Ito ang pagbabago-bago ng klima ng mundo, dahil sa mga greenhouse gases (GHG) na bumubutas sa atmospera ng ating daigdig. Tulad dito sa Pilipinas, nagkaroon ng tag-ulan sa panahon ng tag-araw. Ngayon ngang 2009 ay naranasan nating umulan ng malakas at nagbaha nitong Mayo na dapat ay tag-araw. Ang greenhouses gases na sumira sa kalikasan ay dulot ng pagsusunog ng mga fossil fuels para sa langis ng mga sasakyan. Dulot din ito ng mga coal-fired power plants na nagsusunog din ng mga uling para magpaandar ng kuryente.

Ngunit sa ngayon, sinisisi ng gobyerno, lalo na ng mga trapo, ang mga maralita dahil sa pagbaha. Ang mga iskwater daw ang dahilan kaya di raw madaanan ng tubig ang mga estero, kaya nais ng mga pulitiko na pabantayan ang mga lugar na binaha sa mga militar upang di na roon makabalik ang mga iskwater. Ngunit sino ba ang dahilan kung bakit may iskwater? Hindi ba’t itong gobyerno, mga elitista, mga mayayaman, mga kapitalista, na di isinasama sa pag-unlad ang mga dukha at laging inietsapwera ang mga mahihirap sa mga planong kaunlaran ng bansa? Hindi ba’t ang laging solusyon nila sa maralita ay itaboy ito sa mga lunsod at itapong parang mga basura sa mga bundok at malalayong lugar?

Maraming salamat sa mga noodles at sardinas na ipinamigay upang kahit pansamantala ay may pang-agdong-buhay ang mga nasalanta. Ngunit alam nating hindi ito sapat upang makabalik ang mga nasalanta sa dati nilang pamumuhay. Kaya imbes na pawang noodles at sardinas ang ibigay bilang relief sa mga apektado, bakit hindi na lang ibigay ay mga bahay na sapat para sa kanila. Karapatan nila ang magkaroon ng bahay, ngunit pinabayaan sila ng gobyernong tumira sa mga mapanganib na lugar, tulad ng riles at estero.

Anong dapat gawin? Dapat na ilaan ang countryside development fund o pork barrel ng mga mambabatas, calamity fund ng gobyerno para sa pagbili ng lupa sa mga maralitang biktima ng mga bagyo. Tiyaking sa relokasyon nilang ito ay may sapat na pabahay, hanapbuhay at serbisyo. Dahil isa man sa tatlong ito ang mawala ay tiyak na delubyo sa mga nasalanta.

Dapat magkaroon ng moratorium sa demolisyon at pagpapaalis sa evacuation center hangga’t walang maayos, abot-kaya at ligtas na relokasyon. Hindi dapat na itataboy na lamang na parang mga daga ang mga maralita at basta na lamang paaalisin nang walang kasiguraduhan sa paglilipatan.

Ngunit mananatili ang katotohanan: Sa nangyaring pagkamatay ng daan-daang tao, at kawalan ng matitirhan ng mga nasalanta, ang tanging ginagawa ng gobyerno ay mamigay ng noodles at sardinas, imbes na tiyaking ayusin at ilagay sa mas maayos na lugar ang mga nasalanta. Kung ipagpapatuloy ng gobyerno ang basta na lamang pagpapaalis sa mga maralita sa dating kinatirikan ng kanilang bahay nang walang maayos na plano, sadyang inutil ang gobyerno. Dagdag pa rito ang patuloy na operasyon ng mga minahan at iba pang kumpanya na sumira ng mga kabundukan at kagubatan. Huwag na nating hayaang dahil sa mga kapabayaang ito'y marami pa muling mga kababayan natin ang malibing sa putik pag may dumating muling matitinding unos. Paghandaan na natin ito bago pa tayo mismo ang matamaan nito.