Biyernes, Agosto 9, 2019

Bakit kailangan natin ng National Land Use Plan (NLUA)?

BAKIT KAILANGAN NATIN NG NATIONAL LAND USE ACT (NLUA)?
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang nagaganap na labanan sa pagitan ng komunidad ng maralita  ng Malipay sa Bacoor, Cavite, at mga tauhan ng Villar, ay maaaring matugunan kung maisasabatas ang isang National Land Use Act (NLUA). Ito'y upang mapigilan ang kasakiman ng mga mayayaman na manguha ng lupa dahil sila'y mapera, marami talagang pera, maraming pinagkunan ng pera.

Kailangan ng NLUA dahil ang mga lupang pang-agrikultura at mga lugar ng paglikha ng mga pagkain ay di wastong pinapalitan ng gamit o kino-convert na lupang residensyal at komersyal / industriyal. Ang kagubatan at iba pang pinpprotek-tahang lugar ay ginawang minahan. Ang mga proyekto sa pabahay ay itinayo sa mga peligrosong ;ugar. Kaya ang mga maralita o informal settlers ay nanirahan sa mga barungbarong sa kahabaan ng mga daanan ng tubig, naging kanlungan ang kalunsuran o malapit sa kanilang pinagkkukunan ng ikinabubuhay o trabaho.

Ang pagguho ng lupa ng Cherry Hills subdivision sa Antipolo noong Agosto 1999, dalawampung taon na ang nakararaan, ay patunay nang maling paggamit ng lupa. Ang nasabing landslide ay dulot ng malakas na pag-ulan ng bagyong Olga, ay nakapatay ng 58 residente. Tinayuan ng subdibisyon ang lupang lulubog din pala baling araw.

Kaya kung walang maayos na land use policy o walang patakaran sa paggamit ng lupa na makatuwiran at pangkabuuan, nagkakaroon ng maraming kaso ng pagsasaman-tala. Ang mga lupang dapat mapro-tektahan ay ginamit para sa mga industriya. Ang mga lupang sakahan ay napipilitang ipagbili ng mga magsasakang hirap sa buhay gayong sila ang lumilikha ng pagkain ng buong mundo. Ang mga lupang agricultural ay ginawang residensyal at pinagtubuan ng mga developer ng bahay. Ang lupain para sa mga komunidad ay ginamit para sa komersyal o pang-industriya. Ang mga maling paggamit ng lupa ang sanhi ng pagbaba ng produksyon ng pagkain, pagkasira ng mga ari-arian at buong komunidad lalo sa mga oras ng kalamidad. Inaari lamang ng iilan ang mga lupang dapat ay para sa mamamayan.

Kaya kailangang magsabatas ng isang National Lans Use Plan (NLUA) kung saan di basta-basta maiko-convert ang lupa sa hindi tamang paggamit. Subalit may Villar sa Senado na humaharang sa mga panukalang batas hinggil sa NLUA dahil sila mismo ang tatamaan nito. Matatapos ang kanilang pangangam-kam ng lupa upang gawing subdibisyon pag naisabatas ang NLUA. Subaybayan natin at lumahok tayo sa usapin ng NLUA sa Kongreso at Senado.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 16-31, 2019, pahina 2.

Sabado, Hunyo 29, 2019

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

MINSAN, SA ISANG DEMOLISYON
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

Nakatunganga siya sa kawalan. Dumating siyang giba na ang kanilang tahanan. Wala nang tirahan ang kanyang pamilya. Ang kanyang bunso'y iyak ng iyak dahil marahil sa lamig ng gabi. Ang langit na ang kanilang kisame.

Kanina, nasa trabaho siya. Nakatutok maghapon sa makina. Walang obertaym kaya maagang nakalabas. Subalit nagyaya pa ang isang kasamahan. Tigalawang bote ng beer muna bago umuwi.

Pagdating sa inuuwian, nag-iiyakan, nagsisigawan, malalakas na boses ang kanyang nadatnan. Habang ang iba'y muli namang itinatayo ang kanilang nagibang barungbarong. Nagbabakasakaling maibalik ang buhay na nawala sa buong maghapon.

Inilagay niya sa pinggan ang binili niyang pansit upang pagsaluhan nilang mag-anak. Habang kanyang iniisip, anong kinabukasan mayroon ang kanyang mga anak sa lugar na iyon? Kailangan na ba nilang lumipat at ialis ang kanyang pamilya roon? Magiging makasarili siya kung iyon ang gagawin. Iiwan ang iba sa laban habang siya'y tatakbo sa kinakaharap na suliranin upang pamilya'y iligtas.

Ah, naisip niya. Dapat pag-usapan ng buong komunidad ang kanilang kalagayan  at anong mga 

hakbang ang dapat nilang gawin. Hindi dapat magkawatak-watak para isa-isang iligtas ang kani-kanilang pamilya. Dapat ngang mag-usap na sila't magkaisa kung may relokasyon bang nakalaan? Kung paano ang gagawin kung gigibain silang muli? o magkaisang magmartsa ang buong komunidad sa tanggapan ng punong alkalde upang malutas ang kanilang problema sa paninirahan.

Tama. Ito nga ang kanyang gagawin. Sasabihan niya ang mga kapitbahay niyang magbuo na sila ng samahan ng nagkakaisang magkakapitbahay sa lugar na iyon. 

Dapat nilang pagkaisahin ang buong komunidad upang ipagtang-gol ang kanilang karapatan sa paninirahan at para sa kinabukasan nila at ng kanilang mga anak. Bukas na bukas din.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hunyo 16-30, 2019, pahina 14.

Biyernes, Hunyo 14, 2019

Kwento - Isulong, palaganapin at maglathala ng pahayagang Baybayin




ISULONG, PALAGANAPIN AT MAGLATHALA NG PAHAYAGANG BAYBAYIN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Baybayin. Ito ang panulat nating mga Pilipino bago pa dumating ang mga mananakop na Kastila. Tinalakay rin ito nina Dr. Jose Rizal at Gat Andres Bonifacio sa kanilang mga akda. 

“Alam mo ba, pareng Mulong,” ani Simon, “nais kong maglathala ng isang munting pahayagan. May kaunti naman akong naipon. Kahit sa pamamaraang xeroxgrapiya ay makapaglathala ng tatawagin kong Pahayagang Baybayin.”

“Aba’y maganda ang ideya mong iyan, pareng Simon,” sabi naman ni Mulong. “Lalo na iyang baybayin na paraan ng panulat ng ating mga ninuno. Alam mo bang tinalakay iyan ng ating Gat Andres Bonifacio sa kanyang akdang Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog?”

“Oo, batid ko iyon. Pati nga si Dr. Rizal ay nagsulat din tungkol sa baybayin sa Kabanata 25 ng nobela niyang Noli Me Tangere. Tinawag lang iyon ni Ibarra na hieroglipiko, at hindi binanggit ni Pilosopo Tasyo na sa baybayin siya sumulat. Bagamat tinanong siya ni Ibarra kung saang wika siya sumusulat, at sagot ni Pilosopo Tasyo ay sa Tagalog.”

Narinig pala sila ng kapitbahay nilang si Magda, “Paano naman ang mga hindi batid kung ano iyang baybayin, tulad ko, tulad ng henerasyon ng mga kabataan ngayon? Hindi na iyan itinuturo, o kung may magturo man, ay di sineseryoso sa mga eskwelahan.”

Sinagot siya ni Simon, “Iyan ang dahilan kaya nais kong maglathala ng pahayagang Baybayin - ang buhayin ang panulat na Baybayin sa ating bansa, at mabalik-aralan natin ang panulat ng ating mga ninuno. Isa pa, ito’y kampanya rin upang isabatas ang muling pagsusulat ng baybayin, tulad halimbawa, lagyan ng baybayin ang mga karatula sa daan, gaya ng pangalan ng mga lansangan.”

“Magandang mungkahi,” sabi naman ni Ingrid, “Alam n’yo, sang-ayon ako sa mungkahi mo, Simon. Natutunan ko ring magsulat ng baybayin sa aking Ingkong, at kay-inam kung matupad ang plano mong maglathala ng pahayagang Baybayin. Kung matutuloy ang balak mong iyan, tutulong ako sa paghahanap ng pondo para sa dyaryo. Sa totoo lang, maraming mag-aambag diyan. Tulad ko, ‘yung mga tulang sinulat ko sa baybayin ay ipapasa ko sa iyo. Pati sa pamamahagi o kaya’y magbenta ng pahayagang Baybayin ay tutulong ako. Tiyak, patok iyan.”

“Maraming salamat,” ani Simon. “Nais ko munang isulat ang papel hinggil diyan at makakumbinsi ng mag-aambag, tulad mo, upang sadyang maipalaganap natin ang ating katutubong panulat. Balak ko nga, bukod sa paghahanap ng pondo upang mailathala iyan, ay maisalin ko ang mga tula nina Rizal at Bonifacio sa panulat na baybayin.”

“Magandang plano iyan. Ako naman ay yaong kasaysayan ng ating bansa, pati na pagkabayani ni Lapulapu, ay isusulat ko sa baybayin,” ani Mulong. “Aba’y magagamit na natin ang ating natutunan kay Titser Beth na nagturo sa atin ng baybayin nang tayo’y nasa hayskul pa lamang. Na pati sa panliligaw sa klasmeyt nating si Lisa ay ginamit ko, kaya niya ako sinagot. Pati mga anak namin, alam kung paano magsulat sa baybayin.”

“Sulatin mo na, Simon, ang papel, at magandang makapagpatawag ka ng pulong sa mga interesado, tulad ng pamilya ko,” ani Ingrid, “kung paano kami makakatulong sa pagpapalaganap ng dyaryo.”

“Bigyan n’yo lang ako ng kaunting panahon upang maisulat kung bakit dapat maglathala ng pahayagang Baybayin. At ‘yung pulong, sa susunod na Sabado ba libre kayo? Alauna ng hapon, sa tapat ng bahay, magpulong tayo. Ayos ba sa inyo?”

“Ayos iyan. Pati mga anak kong nakakaunawa ng Baybayin ay aking isasama. Kita-kits sa Sabado. Sana’y matuloy ang pulong.” Ani Mulong.

“Kami rin ng aking mga anak, dadalo.” Sabi naman ni Ingrid.

MARA AT LITA

MAGANDA ANG PLANO NINA SIMON, MARA. NAIS KASI NILANG MAGLABAS NG ISANG PAHAYAGANG BAYBAYIN.

WOW! OKAY IYAN, LITA. KAILANGAN TALAGA NATING MAGKAROON NG GANYANG DYARYO PARA MAUNAWAAN NG KASALUKUYAN ANG LUMANG PANULAT NG ATING MGA NINUNO.

BUTI NA LANG, NATURUAN AKO NI INAY NG PANULAT BAYBAYIN NOONG BATA PA KAMI NINA LINA.

KUNG SAKALI, LITA, TULUNGAN NATIN SILA, DAHIL SARILI NATING KULTURA IYAN. KUNG SAKALI NGA, MAGLABAS DIN TAYO NG LIBRO NG TULA NATING NASUSULAT SA BAYBAYIN.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hunyo 1-15, 2019, pahina 18-19.

Miyerkules, Mayo 29, 2019

Kwento - Ang payo ni Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML


ANG PAYO NI KA EDDIE GUAZON, ANG UNANG PANGULO NG KPML
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ngayong taon ang ikatatlumpung anibersaryo ng kamatayan ni Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Mayo 19, 1989 siya namatay nang siya’y inatake sa puso sa loob ng Senado habang ipinagtatanggol ang mga maralita laban sa naganap na demolisyon. 

Kaya nagkausap ang ilang mga maralitang nakakakilala noon kay Ka Eddie, at nais nilang maghandog ng pag-alala sa namayapang lider.

Sabi ni Aling Iska, “Dalawin natin ang puntod ni Ka Eddie Guazon at mag-alay tayo ng bulaklak.”

Sinegundahan naman ito ni Mang Kanor. “Tama ang mungkahi mo dahil ikatatlumpung anibersaryo na ng kanyang kamatayan ngayong Mayo. Kailangan lang masabihan natin ang ilang lider ng KPML na hindi na siya naabutan.”

“Natatandaan ko pa ang kanyang sinabi noon, na ngayon ay naukit sa isa niyang larawan sa tanggapan ng KPML, kung saan nakataas ang kaliwa niyang kamao.” Ang sabi ni Iska, “Pag nakikita ko iyon ay aking naaalala ang aming mga pinagdaanang laban, lalo na nang siya’y namatay nang makipagdebate sa loob ng Senado dahil sa pagtatanggol sa mga maralitang dinedemolis.”

“Ano nga pala ang sinabi ni Ka Eddie?” Tanong naman ni Inggo, na naroong nakikinig sa usapan.

“Ang kanyang sinabi, kung natatandaan ko pa ng eksakto, ay ‘Ang pabahay ay karapatan kahit siya pa ay mahirap.’ Oo, parang ganyan nga ang natatandaan ko. Isang prinsipyong tinanganan ko hanggang ngayon sa patuloy na pakikibaka para sa karapatan at kagalingan nating mga maralita.”

“Planuhin natin ang pagpunta,” mungkahi ni Mang Kanor, “upang makasama rin sa atin ang mga bagong pamunuan ng KPML. Baka nais din nilang magtungo sa pinaglagakan ng kanyang mga labi at magbigay ng respeto at bulaklak bilang alay.”

“Aba’y maganda ang iyong mungkahi,” ani Iska, “kaya mabuti pa’y magtungo muna tayo sa tanggapan ng KPML upang iyan ay ating mapag-usapan, maplantsa ang plano, at sabay-sabay na magtungo roon ang mga bagong pamunuan at iba pang kasapi ng KPML. Aba’y tara na!”

Kaya nagtungo na sila sa tanggapan ng KPML upang imungkahi ang kanilang naiisip. Agad na sabi ni Iska, “Ka Pedring, sa ika-19 ng Mayo ang ikatatlumpung anibersaryo ng kamatayan ni Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML. Anong plano ninyo? Kung wala pa, nais naming imungkahing magtungo tayo kahit sandali lang sa kanyang libingan at mag-alay ng bulaklak at magsindi ng kandila.”

Naroon si Ka Pedring, at sinabing “Maganda ang inyong sinabi at maging ako’y nais kong magtungo sa sementeryo upang magbigay-pugay. Dapat maisama natin ang mga bagong halal na pamunuan ng KPML sa lakad na iyan.”

Hanggang sa mapansin ni Iska ang nakaukit na litrato ni Ka Eddie, kung saan may KPML sa ibabaw, nakataas ang kanyang kaliwang kamaong nakakuyom, habang nakaukit din doon ang bilin ni Ka Eddie, na ang nakasulat: “Ang kasiguruhan sa paninirahan ay karapatan ng bawat mamamayan maging siya man ay maralita.”

“Tamang-tama at may pulong kami ngayon,” ani Ka Pedring, “at dapat isama natin iyan sa plano. Malapit na ang Mayo 19.”

Maya-maya pa’y nagdatingan na ang iba pang kasapi ng bagong halal na NEC o National Executive Committee ng KPML. Nariyan sina Ka Kokoy, Ka Tek, Greg na secgen, Vicky, si Neneng na ingatyaman. Maya-maya pa’y narinig na rin nila ang ugong ng motor ng auditor na si Manuel.

“Mga kasama,” bungad ni Ka Pedring, “bilang pagpupugay sa ating unang pangulong si Ka Eddie Guazon, “ay dadalawin natin ang kanyang puntod, dahil sa Mayo 19 ang ikatatlumpung anibersaryo ng kanyang kamatayan. Ayos ba sa inyo?”

Tumugon si Neneng, “Okay iyan. Paghandaan lang natin ang mga kandilang sisindihan at bulaklak na iaalay natin. Salamat kay Ate Iska sa kanyang paalala sa atin.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Mayo 16-31, 2019, pahina 18-19.

Martes, Mayo 14, 2019

Kwento - Pakikiisa ng maralita sa mga manggagawa sa Mayo Uno


PAKIKIISA NG MARALITA SA MGA MANGGAGAWA SA MAYO UNO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mahalaga sa mga maralita ang pagiging mala-manggagawa o bilang bahagi ng uring manggagawa. Karamihan sa kanila’y hindi swelduhan ng kinsenas at katapusan kumpara sa kauri nilang manggagawa sa pabrika. Madalas, nabubuhay sila sa diskarte, pagtitinda sa bangketa na madalas ay hinahabol at hinuhuli. Subalit nais nilang mabuhay ng marangal, kaya kahit sa mumunting trabaho, halimbawa, pagwawalis, paglilinis ng kanal, pagkakarpintero, paglalako ng kung ano-ano, tulad ng tuhog-tuhog, ay ginagawa nila upang mabuhay at may maipakain sa kanilang pamilya.

Kaya pagsapit ng Mayo Uno, Daigdigang Araw ng Paggawa, sila’y nakikiisa sa pagdiriwang nito, at sumasama sa rali upang gunitain ang mga sakripisyo ng mga naunang manggagawa sa kanila, lalo yaong mga nangamatay sa Haymarket Square sa Chicago noong Mayo 1886, upang ipaglaban ang pagsasabatas ng walong oras na paggawa bawat araw. 

Nagsalita si Mang Ambo sa mga kapitbahay niya sa isang iskwater. “Sasama ba kayo sa rali sa Mayo Uno? Kung hindi pa, kayo’y aking inaanyayahang dumalo at makiisa sa Dakilang Araw ng Paggawa.”

Nagtanong si Berting, “Bakit naman kami sasama riyan, ay wala naman kaming sahod tulad ng mga obrero sa pabrika? Ano bang pakinabang namin diyan? Mahirap para sa amin ang sumigaw ng Sahod Itaas, Presyo Ibaba, dahil nga wala naman kaming sahod na patataasin?”

Sinagot siya ni Mulong, “Alam mo, Berting, bakit kaya ang mga manggagawa ay umuuwi sa komunidad ng maralita, lalo na sa iskwater? Dahil kapwa sila mahirap at pinagsasamantalahan ng bulok na sistema ng lipunan. Sa madaling salita, pangunahin dahil sa krisis sa ekonomya, mababang sahod, at kakapusan sa kabuhayan na nagtutulak sa kanila upang mamuhay sa mga lugar na abot-kaya, kahit na ito ay sa tabing riles, tabi ng tapunan ng basura, o sa ilalim ng tulay. Madalas, ang mga obrero’t maralita’y magkasamang nakikipagsapalaran sa lungsod.”

“Sabagay, tama ka, Mulong,” pagsang-ayon ni Berting, “Mababang sahod at malaking gastusin, na di makaagapay ang sahod sa taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Subalit bilang maralitang walang sahod at pulos diskarte lang upang makakain ang pamilya sa araw-araw, parang kayhirap namang isigaw ang Sahod Itaas, Presyo Ibaba! Bagamat maaari naman kaming sumama sa pagkilos sa Mayo Uno.”

“Maraming salamat naman kung sasama kayo,” ani Mang Ambo, “subalit mas magandang bukal sa inyong puso at nakumbinsi kayo sa katwiran kung bakit dapat nating ipagdiwang ang Mayo Uno kahit wala kayong sinasahod. Nais ko pang magbigay ng ilan pang paliwanag. Ang mga manggagawa ay madalas na malapit sa mga sentro ng kalakalan, pabrika, o opisina kung saan sila nagtatrabaho. Nakakatipid sila sa pamasahe at oras sa pagbiyahe. Madalas ding ang kakulangan ng abot-kayang disenteng pabahay sa mga lungsod ang nagtutulak sa kanilang tumira sa tabing ilog, ilalim ng tulay, o riles ng tren. Ang mataas na implasyon at kawalan ng regular na trabaho ay patuloy na nagpapahirap sa masa, na nag-uudyok sa kanilang ipaglaban ang kanilang karapatan.”

Tatango-tango naman si Berting at ilang mga kapitbahay. Hanggang sa sumapit ang Mayo Uno. Nagtungo sila sa Daang EspaƱa at nagmartsa patungong Mendiola at doon ay inilahad nila ang kanilang hinaing.

Si Mang Ambo ang unang tinawag upang magsalita, “Bilang isang dating unyonistang nawalan ng trabaho dahil ginipit ng kapitalista, narito kami bilang mga maralitang nakikiisa sa laban ng manggagawa. Wala man kaming sinasahod ngayon, ito’y hindi hadlang upang isigaw natin ang madalas na nating panawagan: Sahod Itaas, Presyo Ibaba!”

Ang pangulo naman ng isang unyon ang nagsalita, “Salamat, Mang Ambo, sa iyong tinuran. Kami mang mga manggagawa sa pabrika ay sumasahod, hindi iyon sapat. Kaya naghihirap din kami tulad ninyo. Subalit ngayong Mayo Uno, ating tandaan, mga kasama, tayong naririto ay nasa iisang uri, magkakauri tayo, bilang uring manggagawa. Dahil ang manggagawa at ang maralita, na madalas ituring na mala-manggagawa, ay nasa iisang uri, bilang mga walang pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon. Iisa ang ating uri. Tayo’y mga proletaryado!”

Sumigaw si Mulong, “Halina’t nating isigaw, Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!”

Sila’y tumugon: “Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Mayo 1-15, 2019, pahina 18-19.

Biyernes, Mayo 3, 2019

Kwentong cabbage at ang wikang Filipino

KWENTONG CABBAGE AT ANG WIKANG FILIPINO
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Inaamin ko, hindi ko kabisado ang ilang katawagan sa wkang Ingles. Ito marahil ay dahil wala ako sa Britanya o sa Amerika. Nasa Pilipinas ako na gamit ang sariling wika. Wikang tila binabalewala ng iba dahil mas nais pa nilang gamitin ang wikang Ingles, o wikang dayuhan, kahit may katumbas naman sa sariling wika.

Matagal nang nangyari ang kwentong ito, na nais kong balikan ngayon. Minsan, sa isang pulong, pinabili ako ng isang kasama, na mula sa ibang lalawigan, dahil kulang ng sahog ang kanyang iluluto. Nagpabili siya ng cabbage, akala ko imported na gulay. Para bang Baguio beans na nagmula sa Baguio o French beans na galing sa France o tanim ng mga Pranses, kaya ganoon ang tawag. Cabbage. Kasintunog ng pangalan ng matematikong si Charles Babbage.

Kaya sa palengke ay nagtanung-tanong ako ng cabbage. Kahit kaharap ko na ang iba pang gulay tulad ng okra, talong, talbos ng kamote, repolyo, kamatis, bawang, puso ng saging, at marami pang iba. Paikot-ikot ako sa palengke. Hanggang sa tanungin ako ng isang tindera. "Ano pong hanap nyo?" Sagot ko, "Cabbage po." Tanong niya, "Ilan po bang cabbage?" habang hawak ang repolyo.

Tangna! Repolyo lang pala iyon! Nakita ko na kanina pa ang repolyo, kasama ng singkamas, talong, sigarilyas at mani, sitaw, bataw, patani. Kaya nang bumalik ako sa pulong, sinabihan ko yung nagpabili, "Repolyo lang pala ang pinabibili mo, pinahirapan mo pa ako. Pa-cabbage-cabbage ka pa! Sana, sinabi mong repolyo ang pinabibili mo." Pilipino naman ang kausap ko, na pinagbigyan ko sa hiling niyang pakibili.

Isa pang kwento, na malaki ang agwat ng panahon sa unang kwento. Pinabili ako ng squash. Hindi ko rin alam kung ano iyon. Baka mapahiya muli ako sa aking sarili. Kaya dali-dali kong tiningnan sa diksyunaryo. Tangna muli! Kalabasa lang pala. Ang problema, ini-Ingles pa kasi.

Naalala ko lang uli ang kwentong itong nangyari mahigit dalawang dekada na ang nakararaan. Dahil paalis si Misis pauwi sa kanila upang doon bumoto. Ibinilin niya sa akin ang laman ng ref, na mga gulay na pwede kong kainin habang nasa lalawigan siya. Ayon sa kanya, "Mayroong cucumber, egg plant, at french beans sa ref". Yaong dalawa, mukhang imported na gulay dahil Ingles, habang ang egg plant, na talong, ay madali kong naunawaan. Iyon pala, pipino ang cucumber at yung french beans ay kibal o malinggit na sitaw. Yaong sitaw naman ay string beans sa Ingles.

Bakit hindi natin salitain ang sarili nating salita, hindi yung pa-Ingles-Ingles pa. Talong lang, sasabihin pang eggplant. Nasa ibang bansa ba tayo? Pipino lang, sasabihin pang cucumber. Repolyo, sasabihin pang cabbage! Mababang uri na ba ng tao ang nagsasalita ng wikang Filipino? Wikang bakya ba ang wikang Filipino? Wikang pangkatulong lang ba o wikang alipin ang wikang Filipino?

Ang problema sa ating bansa, dahil sa impluwensya ng mga Kano, mahilig inglesin ang mga katawagan, habang hindi ginagamit ang ating mga taal na salita. Kaya nagkakaroon ng kalituhan. Kailangan ko yatang bumalik sa Grade 4 upang matuto muling mag-Ingles, at maulit ang karanasan ko noong Grade 4 kami. Bawal magsalita sa wikang Filipino, dahil pagbabayarin ka ng guro mo. May multa, ika nga. Noong panahong iyon ay malaki pa ang halaga ng piso. Pag pinabili nga ako ng dalawang pisong pandesal, dalawampu at malalaki ang laman.

Gaano nga ba natin pinahahalagahan ang ating sariling wika? Mismong sarili nating wika ay hindi natin alam. O ayaw nating alamin at gamitin. Malala na, grabe na itong nangyayari sa atin. Na-impluwensyahan ng mga konyo, na akala'y Ingles ang wika ng mayaman, ng sosyal, ng mga sikat na personalidad sa lipunan. At pag nagsalita ka ng wikang Filipino sa bansang Pilipinas ay mababa na ang uri mo.

Hindi mababa ang uri ng nagsasalita ng wikang Filipino. Ito ay wika natin sa ating bansa. Kaya sana ay pahalagahan natin. Huwag sana tayong mahirati sa wika ng dayuhan.

Lunes, Abril 29, 2019

Kwento - Mungkahi sa mga SK bilang mga susunod na lider ng bansa


MUNGKAHI SA MGA SK BILANG MGA SUSUNOD NA LIDER NG BANSA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Tila natatandaan kong sinabi noon ni Guingona na dapat mawala ang Sangguniang Kabataan o SK, kung hindi ako nagkakamali. Sinabi nga niya noon na ang mga kabataang tinedyer pa lamang ay hindi pa angkop upang maghawak ng mga responsibilidad sa pananalapi, lalo na’t may badyet na ibinibigay sa kanila.” Ani Igme sa isang huntahan dahil ang kanyang anak na si Isidro ay nais tumakbo sa SK bilang opisyal.

Dagdag naman ni Inggo, na kanyang kumpare, “Aba’y may balita nga noong nais hilingin ni Elections Commissioner Lucenito Tagle sa Kongreso na i-abolish ang SK dahil ito ay naging lunsaran ng mga political dynasty  at katiwalian.”

“Alam n’yo po ba na noong Agosto 2016 ay naisabatas na po ang bagong batas hinggil sa SK, ang Republic Act 10472, hinggil sa reporma sa SK, tulad ng hindi dapat galing sa pamilya ng pulitiko ang mga tumatakbo sa SK. Nangyayari po kasi noon, pag tatay ay meyor, ang nanay ay kongresista, ang anak naman po ay nasa SK. Binasa ko po ang batas na iyon dahil tatakbo ako sa SK.” Sabat ni Isidro na katabi ng ama.

Sumabat si Iska, na siyang natitinda sa karinderyang kinauupuan ng mga nag-uusap. “Palagay ko, hindi kasi alam ng mga senador at kongresista noon anong tamang gawin sa mga batang nais maglingkod sa bayan. Tingin nila’y mga batang pulitiko ang mga SK.”

Si Igor naman na kanina pa nakikinig ay nagsalita rin. “Ayaw kasi ng mga pulitikong iyan na matuto ang mga batang pulitiko na maging matino. Dapat binibigyan sila ng mga pag-aaral sa batang edad pa lang nila, pag naging SK na sila, hinggil sa papel ng mga kabataan sa mga nangyayari sa ating paligid. Pag naupo na sila sa SK, dapat bigyan agad sila ng mga pag-aaral, tulad ng Basic First Aid training upang makatulong na agad sila sa pamayanan, ipaunawa sa kanila ano ba ang karapatang pantao, pagsasanay hinggil sa disaster risk reduction, kung sakaling may pandemya muli o mga sakuna, tulad ng lindol at baha. Ano ang climate crisis, climate emergency, at anong dapat nating gawin? Higit sa lahat ay ang kolektibong pamumuno, iba ang lider sa boss, at ang code of conduct of public officials, upang hindi sila maging corrupt, lalo na’t may badyet ang mga kabataan para sa iba’t ibang aktibidad.”

“Iyan pa ang sinasabi ko,” ani Ines, “pulos basketball at paliga lang ang alam namin sa SK. Aba’y dapat talagang matuto sila sa isyu ng karapatang pantao sa maagang edad pa lang, upang di sila nambu-bully ng ibang kabataan. Para kasing breeding ground ng korapsyon ang SK.”

Sumagot si Igor, “Kaya nga marapat lang na mabigyan sila ng matitinong kasanayan bilang mga batang lider sa komunidad. Nang hindi sila maging korap. Sa maagang edad ay maging huwaran na sila bilang mga batang nagsisilbi ng tapat sa bayan. Di lang iyan simpleng training kundi ilalagay sa batas bilang rekisitos sa unang linggo ng pag-upo ng mga bagong SK.”

Natuwa naman si Isidro, “Tama si Tito Igor. Kung ako nga lang ay senador, isa iyan sa agad kong ipapasang batas para sa SK. Kaya lang bata pa ako. Sa SK muna ako tatakbo.”

“Dagdag ko pa,” ani Igor, “Kung sakaling makatapos ng Basic First Aid training ang isang SK, at makapasa, dapat bigyan sila ng ID ng DOH bilang first aider. Dagdag ko rin ‘yung paano ang iskedyuling ng training upang ang iba’t ibang SK sa iba’t ibang barangay ay sabay-sabay na makakuha ng pagsasanay.” At sinulat niya sa manila paper kung paano.

“Maganda iyang panukala mo, Igor,” ani Igme, “subalit paano natin matitiyak kung gagawin iyan ng pamahalaan kung nandito lang tayo sa ating barangay. Dapat maikampanya natin iyan upang maging batas.”

“Dapat po siguro ay lumapit tayo sa isang senador o kongresista ng ating bayan upang isabatas ang ganyang panukala.” Sabi ni Isidro.

“Bata ka pa, Isidro, subalit matalino ka na.” Ani Ines, “Sana nga’y manalo ka bilang SK sa susunod na SK election.”

“Salamat po. Paano po tayo magsisimula upang ‘yung mungkahi ni Tito Igor ay matupad?” Si Isidro muli.

Sumabat si Igme, “Mas maganda’y isulat mo, Igor, ang iyong mungkahi. At kausapin din natin ang ating kapitan. Matapos iyon ay lumiham tayo sa isang Senador. Ano sa tingin ninyo?”

“Sang-ayon kami.” Sabi ng mga naroroon.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 16-30, 2019, pahina 18-19.

Linggo, Abril 14, 2019

Ang papel ng papeles

ANG PAPEL NG PAPELES
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa isang hearing na aking nadaluhan minsan hinggil sa kaso ng isang lider-maralita, dumating ang mga arresting officers at may dalang warrant of arrest laban sa lider-maralitang napagbintangan. Ipinakita ng mga arresting officers ang warrant sa clerk of court bilang patunay na may arrest warrant ang nasabing lider-maralita. Sinuri ng clerk of court ang warrant, ngunit hindi inaresto ang akusado. Bakit? Nakita ng clerk of court na kumpleto ang detalye ng search warrant – nakalagay ang pangalan ng akusado, ang kaso, ang judge na pumirma, atbp. Ngunit xerox lamang ang arrest warrant, kaya sinabihan niya ang mga arresting officers na dapat ay certified true copy ang arrest warrant bago hulihin ang tao. Dahil dito, ang nasabing lider maralita ay hindi dinakip.

Sa kalakaran ng ating mundo ngayon, malaking bahagi ay papeles. Ang papeles ay anumang uri ng dokumento na nagpapatunay sa isa o maraming transaksyon o usapan. Ang mga halimbawa nito’y resibo, subpoena, sedula, lisensya, sertipiko, atbp.

Pagkapanganak pa lang, nariyan na ang birth certificate, isang papeles na nagpapatunay kung ano ang pangalan ng bata, kung saan at kelan siya ipinanganak, at sino ang tunay niyang mga magulang.

Meron ding certificate para sa binyag, kumpil, pagtatapos ng bata sa kinder, diploma, Nariyan din ang death certificate para sa mga namatay. Sa pangingibang-bansa ay naririyan ang visa at passport. Anupa’t umiinog ang ating mundo sa tambak na papeles. Sa madaling salita, dapat na may katunayan tayo ng anumang pagkakakilanlan o transaksyon upang hindi tayo maagrabyado sa anumang labanan.

Malaking bahagi ng laban ng maralita ay nakasalalay sa papeles. Sa usapin ng paninirahan, nariyan ang titulo ng lupa, resibo ng bilihan, notice for demolition, entry pass sa relocation site, atbp. Marami ang natatakot, napapalayas, o kung minsan ay namamatay, dahil sa kawalan ng papeles, at kung meron man ay pagmamaniobra naman ng malakas sa mahihina pagdating sa papeles. Halimbawa, sa Barrio Kangkong, marami ang natakot nang nakarinig na may dumating na sulat na nag-aatas umano ng demolisyon sa isang takdang panahon, gayong hindi muna ito nabasa at nasuri. Gayong ang nakasulat ay hindi demolisyon, kundi humihingi muna ng negosasyon ang may-ari, o kaya’y imbes na Barrio Kangkong ang idedemolis ay Barrio Kalabasa pala ang nakasulat, nagkamali lang ng pinadalhan. Noong 1997 sa Sitio Mendez, may demolition order na galing umano kay Mayor Mathay, pero nang suriin ang papeles, hindi iyon pirma ni Mathay at wala siyang inorder na demolisyon

Huwag tayong matakot magsuri ng papeles, dahil kadalasan buhay at kamatayan ang dulot nito ay di pa natin alam. Totoo ba ang Transfer Certificate of Title (TCT) na nasa kamay ng nagpapalayas sa inyo? Nasaliksik at nasuri nyo bang ang papeles ng nagpapalayas sa inyo ay mula sa Original Certificate of Title (OCT) hanggang sa nagpalipat-lipat na TCT? Dapat mabasa muna at masuri ng maigi ang buong papeles bago mag-panic. Para sigurado, puntahan at magsaliksik sa mga opisinang sangkot.

Hindi dapat matakot, malito, o magpanic ang sinuman, kapag nakatanggap ng anumang papeles. Ang dapat nating gawin ay suriin ito, pag-usapan ng nasasangkot, at iberipika sa kinauukulang ahensya kung gaano ito katotoo. Dahil kung hindi, baka mga manlolokong sindikato sa palupa ang magpalayas sa inyo, o kaya’y magbenta sa inyo ng lupa. Kaya ingat.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 1-15, 2019, p.8-9

Kwento - Si Balagtas, ang Wikang Filipino at ang Buwan ng Panitikan

SI BALAGTAS, ANG WIKANG FILIPINO AT ANG BUWAN NG PANITIKAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagsidalo ang ilang lider-maralita nang maimbitahan sila sa isang talakayan sa mismong araw ng kapanganakan ng Sisne ng Panginay na si Francisco Balagtas, may-akda ng walang kamatayang Florante at Laura, at ng Orozman at Zafira. Ang tema ng talakayan ay “Bakya Ba ang Wika ni Balagtas?” na pambungad sa pagbubukas ng Buwan ng Panitikan.

Tinalakay muna ng tagapagpadaloy na si Isko kung bakit ang Abril ay naging Buwan ng Panitikan. Ani Isko, “Ang Buwan ng Panitikan ay itinapat sa buwan ng kaarawan ni Balagtas at isinabatas noong 2015 ang  Proklamasyon Bilang 968. Ngayong taon naman, isinasagawa ang Buwan ng Panitikan 2019 sa temang Buklugan Panitikan, halaw mula sa buklog, isang ritwal ng pagbubuklod at pasasalamat ng mga Subanen. Ang buklog din ay isang estrukturang kawayan, malimit na umaabot ng 20 talampakan ang taas, may sahig na parang entablado, at ginagamit na sayawan at lundagan ng mga tao kapag may pagdiriwang.”

“Ah, kaya pala ganyan ang entablado, isa pala iyang buklog.” Ani Isay sa kasama niyang si Ingrid.

Si Isko uli, “Simulan natin ang ating palatuntunan sa katanungang Bakya Ba ang Wika ni Balagtas?”

Isa sa mga tagapagsalita ay si Mang Igme, na isang lider-maralita sa Pandacan. Ayon sa kanya, “Hindi bakya ang ating wika. Hindi porke mga inglesero ang nasa pamahalaan, eh, hindi na sila gumagamit ng ating wikang pambansa. Minamaliit ba ng mga ingleserong Pinoy na ito ang wika natin at tinatawag na bakya? Aba’y hindi na sila Pinoy kundi mga banyaga na. Aba’y umalis na sila sa pamahalaan! Hindi naman natin sila kailangan kung ganyan sila at minamaliit nila ang sarili nating wika!”

Sumabat si Igor, isang lider-maralita sa Sampaloc, Maynila, “Nilait na ng matagal na panahon ang ating wika kaya sinasabi nila itong bakya. Gamit lang daw ito ng mga katulong sa mansyon ng mga mayayaman, na pawang Ingles, kundi man Espanyol, ang sinasalita. Ako nga noon, sa elementarya, may parusa ka pag nag-Tagalog ka sa klase. Hindi lang parusa, kundi magbabayad ka ng piso. Aba’y malaking halaga na iyan noon. Nangyayari pa ba ito ngayon?”

Nagtaas ng kamay si Iska, “Danas ko rin iyan noon. Pagmumultahin ka ng guro pag nagsalita ka ng Tagalog sa iskul. Hay, naku!”

Si Igme muli, “Subalit karamihan sa atin dito ay maralita. Maralitang tinuturing na bakya ng mga nasa poder. Dukhang ang tanging alam lang ay sariling wika. Dapat makakumbinsi tayo ng mga mayaman o maykaya sa lipunan na nagsasalita ng wika ng madla, o kaya’y kongresista o senador na magpapasa ng batas na igalang ang ating wika.”

Sumabat si Ines, isang lider-kababaihan sa Quiapo, “Tandaan natin ang isang nakasaad sa Kartilya ng Katipunan, na natatandaan ko pa:  Sabi roon, ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika.”

Napatango naman ang ilan sa sinabi ni Ines.

Nagtaas ng kamay si Inggo, mula sa isang maralitang pamayanan sa Tondo. Tinawag naman siya ni Isko. Ani Inggo, “Huwag nating sisihin ang mga inglesero dahil ipinakita lang nila ang asal nilang tunay sa atin. Huwag natin silang pag-aksayahan ng panahon. Ang mahalaga ngayon ay kung paano pa natin lilinangin at pauunlarin ang ating wikang pambansa. Ang mungkahi ko nga ay bigyang parangal natin ang mga tagapagtanggol ng ating wika, bukod kay dating Pangulong Manuel Quezon. Nariyan ang dating gurong si Teodoro Asedillo, at ang makatang si Jose Corazon de Jesus, na nakipaglaban sa mga Amerikano sa usapin ng wikang pambansa. Sila’y mga bayani ng ating wika.”

“Kayganda ng sinabi ni Inggo. Subalit paano iyan gagawin?” Ani Isko. “Ang mabuti pa’y lumiham tayo sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na dapat ay may mga bayani tayo sa sariling wika na titingalain natin, na ipinagtanggol nila noon ang ating wikang pambansa sa harap ng mga dayuhan. Kumausap na rin tayo ng mga kongresista at senador na maaaring magpasa ng batas hinggil dito.”

“Sinong magsusulat at lalagda.” Tanong ni Ines.

“Gagawin natin ang burador at lahat tayong narito ang pipirma.” Ani Isko. “Ayos ba sa inyo?” Nagtanguan naman ang mga lider-maralita.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 1-15, 2019, pahina 18-19.

Linggo, Abril 7, 2019

Paano ba lulutasin ang problema sa nagkalat na upos ng sigarilyo?

PAANO BA LULUTASIN ANG PROBLEMA SA NAGKALAT NA UPOS NG SIGARILYO?
Sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ilang taon na ang nakararaan nang gumawa ako ng mga ash tray mula sa lata ng sardinas. At nilagyan ko pa iyon ng mga paalala, tulad ng "Dito po ilagay ang upos ng yosi". At ikinalat ko sa facebook.
Mga litratong kuha noong Pebrero 5, 2014
Patuloy pa rin akong gumagawa ng mga ash tray na lata ng sardinas at nilalagyan ko ng paalala, at ipinamamahagi ko sa mga kilala kong opisina upang doon ilagay ang kanilang upos, at kung may panahon ako ay balikan iyon upang kunin at ilagay sa bote ang mga natipong upos.
Master, dito po ang lagayan ng upos at abo. Kuha noong Enero 20, 2016
555, dito po ang lagayan ng upos at abo. Century ashtray po ako. Kuha noong Enero 20, 2016
May mga nagawa rin akong tula hinggil sa mga upos ng sigarilyo. Halimbawa na lamang ang isang litratong kuha ko na ginawang lagayan ng upos ang paso ng halaman, at sa mismong litrato ay doon ko inilagay ang tula.
litrato't tulang nilikha noong 2/26/2016
Nang inilagay ko sa facebook ang litrato ng mga delatang walang laman at ginawa kong ash tray na may nakasulat na "Dito po ilagay ang upos ng yosi", may nagkomento agad na "Don't smoke" o "No to smoking", di ko matandaan ang eksakto, pero ganyan ang mensahe. Sa palagay ko'y di nakuha ng nakabasa noon na hindi naman agad tungkol sa paninigarilyo ang paalalang iyon, kundi saan dapat itapon ang upos.
Tulang kinatha noong Mayo 31, 2014
Naisip kong magtipon ng maraming delatang walang laman at lagyan iyon ng paalalang gawin iyong ash tray, habang gagawin ko naman ay titipunin iyon upang ilagay ang mga upos sa mga lalagyang bote. Ito'y paraan upang hindi madagdagan ang mga upos na nagkalat sa kapaligiran. Habang maraming naninigarilyo, maraming upos ang itinatapon. Habang maraming upos, kung saan-saan naman ito itinatapon. Ang nakababahala ay ang balitang isa sa napakaraming basura sa dagat, bukod sa mga plastik, ay ang upos ng sigarilyo.

May mga nagsasabi nga sa akin na mas tamang kampanya ay ang "Bawal Manigarilyo" o kaya ay "Huwag Manigarilyo Dahil Masama Ito sa Kalusugan", tulad ng inilalagay ngayong larawan ng mga sakit na epekto ng paninigarilyo sa mga kaha ng sigarilyo.

Ngunit sa ganang akin, nakababahala ang mga ulat na ang upos ng sigarilyo ang isa sa pinakamaraming basurang nagkalat sa karagatan. Ayon sa ulat, ang upos ng sigarilyo ang ikatlo sa mga klase ng basurang palutang-lutang sa dagat. Nangunguna ang single-used plastic, o yaong mga plastik na isang beses lang gamitin ay itinatapon na. Ikatlo ang upos. Kinakain ng mga isda ang mga basurang nagkalat sa dagat, at kinakain naman natin ang mga nahuhuling isda. Wala ba tayong budhi na pinababayaan nating maglipana sa karagatan ang mga upos ng sigarilyo? Hindi ba natin naiisip ang ating kalusugan, ang kalusugan ng ating mga mahal sa buhay, ang kalusugan ng ating kapwa, ang kalusugan ng mga susunod pang henerasyon?
tulang nilikha noong Abril 4, 2019
Hindi pa ito usapin ng paninigarilyo, ha? Usapin ito ng naglipanang upos ng sigarilyo, mga basura, sa iba't ibang dumpsite at sa karagatan. Kaya anong dapat nating gawin? Hindi na sapat ang mangampanya tayong huwag manigarilyo. Dahil kahit anong kampanya natin, marami pa rin ang patuloy na naninigarilyo. Ang usapin ngayon, naglipana ang tambak-tambak na upos ng sigarilyo sa ating kapaligiran. Hahayaan na lang ba natin ito?

Ginawa kong personal na kampanya ang paglalagay ng upos sa mga bote, upang mapagtanto ng mga nagyoyosi na marami silang basurang upos na ikinakalat sa dagat, kahit hindi nila direktang itinatapon ito sa dagat.
tulang nilkha noong Abril 2, 2019
Marami nang gumagawa ng ecobrick, at patuloy pa rin kaming mag-asawa sa paggawa ng ecobrick at pagtuturo nito sa iba upang mas marami pa ang magtulong-tulong masolusyunan ang problema sa plastik. Bagamat pansamantalang solusyon lamang sa naglipanang plastik ang paggawa ng ekobrik.

Mas nais kong pagtuunan bilang ekstrang gawain ang paglalagay ng mga natipon kong upos sa mga bote, at gawin itong ekobrik din. Di nga lang plastik ang nakalagay kundi upos ng sigarilyo na yari naman sa papel at hibla ng kung anong uri ng materyal. Sa ganitong paraan, sa aking personal na pakiramdam, ay nakatulong din kahit bahagya upang hindi mapunta sa karagatan ang mga upos, at maikulong ang mga ito sa bote na maaaring gawing ekobrik.
Kuha nitong Enero 24, 2019
Ang mailalaman sa isang bote, halimbawa sa bote ng mineral water na 1000 ml o isang litro marahil ay apat na raan o limang daang upos. Malaking bagay na ito upang hindi mapunta sa dumpsite o sa dagat ang mga upos na iyon, at maikulong natin sa bote. Malaking tulong upang mas mapaliit natin ang tsansang lumutang-lutang sa dagat ang mga basurang upos at kainin ito ng mga isda.

Kung may nagsasabing "Ayoko ng plastik", ano namang gagawin sa mga kasalukuyang naglipanang plastik? Pababayaan na lang ba dahil ayaw natin sa plastik? O baka ilan lang ang ayaw, at yung may ayaw pa ay hindi kumikilos upang masolusyunan ang problema sa plastik.

Kaya ang mabuti pa, tumulong ka na lang sa munting kampanyang ito. Bakasakaling sa paisa-isa ay makabawas tayo ng kalat na upos sa ating kapaligiran.

May mga sinulat akong mga puna rin sa mga nagyoyosi, mga sanaysay hinggil sa paninigarilyo. Iyong iba ay tungkol sa kalusugan, tungkol sa panindi ng yosi, habang ang iba'y hinggil sa nagkalat na upos sa lansangan. Marami rin akong nilikhang tula hinggil sa mga nasabing paksa. Ang mahalaga'y mapuna sila, bakasakaling makinig at hindi na sila magyosi, at wala nang magkalat ng upos sa kung saan-saan.
Nilikha noong Agosto 17, 2017
Narito ang ilang tulang ginawa ko para sa kampanyang ito:

PAHIRAM NG PANINDI NG YOSI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Ilan sa mga nakilala ko
Ay kayhilig na manigarilyo
Ngunit ugali ng mga ito
Ay ang panghihiram ng posporo

O anumang pwedeng ipansindi
Sa yosi nilang nasa daliri
Tila sila hindi mapakali
Pag hindi nakahitit ang labi.

Bahagi ba ng pakikisama
Kung sakaling pahiramin siya?
O ito’y isang pang-aabala
Doon sa mga katabi niya.

Nakakabili ng sigarilyo
Ngunit walang panindi sa bisyo
Wala ba siyang dalawang piso
Para makabili ng posporo?

Sundalong kanin ang tulad niya
May baril nga, ngunit walang bala.
At kung manunulat ang kapara
May bolpen nga, ngunit walang tinta.

O kaya’y tsuper na papasada
May dyip ngunit walang gasolina
Kung mahilig kang maghitit-buga
Aba, panindi mo’y bumili ka.

Sa buhay, dapat lagi kang handa
Kung nais mong ikaw’y may mapala
Magsusunog na nga lang ng baga
Sarili namang panindi’y wala.

Magkaminsan, ako’y nagtataka
Pagbibisyo nama’y kayang-kaya
O baka ang sigarilyo nila
Ang tawag ay “tatak-hingi” pala.

- 08/02/2008 

AANHIN PA ANG YOSI KUNG MAYROON KANG TIBI?

aanhin pa ang yosi
kung mayroon kang tibi?

di ka ba mapakali
sa iyong pagka-busy?

di ka kaya magsisi
at baga’y winawaksi?

ano bang aking paki
sa mga nagyoyosi?

aba’y sige lang, sige
pagsisisi’y sa huli

- gregbituinjr.
2/29/16

TIGILAN NA ANG YOSI

aanhin pa ba iyang yosi
kung panindi'y di makabili
lagi nang yosi'y tatak-HINGI
hinirama'y di makahindi

tigil na't nakasusulasok
ano pa ba ang sinusubok
ang baga mo na'y binubukbok
ng di na masawatang usok

- gregbituinjr.
2/29/16

BINIBILI KO ANG USOK NA PARANG GINTO

binibili ko ang usok na parang ginto
habang habol ang hininga kong napapaso
ang nadarama'y lalamunang tuyong-tuyo
na yosi pala iyang sa akin tatanso

sayang ang pera ko sa pagbili ng usok
gayong libre lang ang sakit.kong maglulugmok
bisyong iyan ay paano ko nalulunok
habang binubuga ang nakasusulasok

tila sa baga ko ako na'y nagtataksil
pati lalamunan ko'y aking sinisiil
katawan ko'y unti-unti kong kinikitil
ang mabaho kong bisyo'y may dalang hilahil

isang tasang kanin o tatlong sigarilyo
hihithitin ko o isang ulam na prito
sa yosi'y ayokong sayangin ang pera ko
ibibili na lang ng sangkaterbang libro

- gregbituinjr.
11/8/18

AKO'Y NAUUPOS

ako'y nauupos sa dami ng upos ng yosi
naglalakad ako'y nagkalat sa daan, kayrami
tapon doon, tapon dito, sila na'y nahirati
ang ating pamahalaan ba'y anong masasabi?

ako'y nauupos sa laksang nagkalat na upos
wala bang lagakan ng abo, sa ash tray ba'y kapos?
latang walang laman, bakit di gamitin nang lubos?
nang mga upos na ito'y ating maisaayos

nakakaupos ang naglipanang upos sa dagat
pagkat kayraming isda ang sa upos nabubundat
ikatlo raw na basura ang upos na nagkalat
paanong sa pagtapon nito tao'y maaawat?

sa nagkalat na upos, anong dapat nating gawin?
ito bang kalikasan ay paano sasagipin?
huwag hayaang upos ay lulutang-lutang pa rin
sa dagat nang kalikasa't isda'y masagip natin

- gregbituinjr.
4/4/19

KINALABOSONG UPOS

Kita nyo bang sa dagat, mga upos na'y nagkalat?
Ikatlo raw ito sa laksang basura sa dagat
Naisip nyo bang sa upos, mga isda'y bubundat?
At pagkamatay nila sa upos sa budhi'y sumbat

Lagi nating isipin ang buti nitong daigdig
Ang dagat na'y nasaktan, pati pusong pumipintig
Basurang nagkalat sa kalamnan niya'y yumanig
O, dapat itong wakasan, tayo'y magkapitbisig

Simulan nating sagipin ang ating karagatan
O kaya'y mag-umpisa sa ating mga tahanan
Naglipanang upos ay gawan natin ng paraan
Gumising na't magsikilos para sa kalikasan

Upos ay kinulong ko sa bote bilang simula
Pag dagat ay pulos upos, mga isda'y kawawa
Oo, ito'y pagkain, aakalain ng isda
Sumpa iyang upos sa dagat, problemang kaylubha

-gregbituinjr.
4/7/19

HALINA'T MAG-YOSIBRIK

di ka pa ba naiinis sa naglipanang upos
sa basurahan, daan, dagat, di maubos-ubos
tila ba sa ating likuran, ito'y umuulos
upos sa kapaligiran, animo'y umaagos

sa nangyayari'y dapat may gawin, tayo'y umimik
tipunin ang mga upos, gawing parang ECOBRICK
sa boteng plastik ay ipasok at ating isiksik
ang boteng siksik sa upos ay tawaging YOSIBRIK

kailangang may gawin sa upos na naglipana
sa dagat kasi'y upos na ang pangatlong basura
di ba't dahil sa upos, may namatay na balyena
imakalang pagkain ang itinapong basura

madawag na ang lungsod, sa upos ay nabubundat
naninigarilyo kasi'y walang kaingat-ingat
pansamantalang tugon sa upos na walang puknat
ay gawing yosibrik ang mga upos na nagkalat

- gregbituinjr.

4.3.19