Sabado, Pebrero 27, 2021

Kwento: Paggunita sa Unang Pag-aalsang EDSA

PAGGUNITA SA UNANG PAG-AALSANG EDSA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-aral at grumadweyt ako ng elementarya sa paaralan ng mga madre sa Nazareth School sa Sampaloc, Maynila, 1981. Nag-aral at grumadweyt ako ng high school sa paaralang pinamumunuan ng mga pari sa Letran sa Intramuros, Maynila, Abril 1985. Pumasok ako sa kolehiyo kung saan kayraming aktibista, na pinagtapusan naman nina Tatay at Nanay, sa kursong BS Aeronautical Engineering, Hunyo 1985.

Kaya nasa sapat na gulang na ako upang masaksihan ang unang pag-aalsang EDSA. Labingpitong gulang ako at nasa unang taon na sa kolehiyo. Panahon iyon na wala nang pasok sa aming unibersidad na FEATI University dahil sa rali at pag-aaklas ng mga estudyante mula pa ng kalagitnaan o magtatapos na ang taon ng 1985. Hindi pa ako aktibista noon kaya hindi ko pa nauunawaan talaga ang mga nangyayari. 

Di ako makapasok sa pamantasan dahil hinaharang ng mga estudyanteng nagrarali, kaya nakikinig na lang ako sa iba’t ibang isyung binibigkas ng mga naka-megaphone at may mga dalang plakard.

Naging kasapi ako noon ng Catholic Youth Movement (CYM) sa Our Lady of Loreto Parish sa Bustillos St., sa Sampaloc, Maynila, nang makatapos ako ng tatlong araw na seminar ng CYM noong 1984. Ang aking ama naman ay kasapi ng Holy Name Society sa simbahang iyon.

Noong Pebrero 1986, kasagsagan na ng pagkilos ng mga tao sa EDSA. Sumama ako sa ilang kasapi ng Holy Name Society na magbigay ng mga pagkain sa EDSA. Nangalap naman ang aking ama ng tinapay sa mga bakery na nagbigay naman, pati bakery ng kanyang pinsan sa Project 8. Nagbigay sila nang malamang ibibigay sa mga tao sa Edsa ang tinapay.

Sa Edsa ay naging saksi ako sa mga naroong sundalong armado at mga pari’t madreng nagdarasal, at mga karaniwang tao. Saksi ako nang ibaba ng mga armadong nakasakay sa tangke de gera ang kanilang baril at inabot ang rosaryo at bulaklak na bigay ng mga tao.

Sumama ako nang malaman kong nagkakaisa ang mga tao upang labanan ang diktadura at upang mapaalis si Marcos sa Malakanyang. Sumama ako dahil noong bata pa ako’y tinanggal ng pamahalaang Marcos ang kinagigiliwan namin noong palabas na cartoon sa telebisyon – ang Mazinger Z at ang Voltes V. Kaya sa mga nakapuntang kabataan sa Unang Pag-aalsang Edsa, di ko itinuturing na isa akong bayani, kundi saksi at kaisa ng bayan. Mas itinuturing ko ang sarili kong kabilang sa Voltes V generation na nagpalayas sa halimaw na diktador. Let’s volt in! 

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-28, 2021, pahina 14.

Huwebes, Pebrero 25, 2021

The YosiBrick Project: Isang munting pagninilay

The YosiBrick Project: Isang munting pagninilay

Matindi na ang pananalasa ng mga upos ng sigarilyong naglulutangan sa ating mga katubigan - sa sapa, ilog, lawa, at laot ng karagatan. Isa ang upos sa pinakamaraming basura sa buong daigdig. Anong dapat nating gawin?

Napagtanto ko ito habang nagbabasa-basa ng mga usapin hinggil sa basura, at ako'y nage-ecobrick sa panahon ng pandemya at nasa bahay lamang. Naisip kong ilagay din sa bote ng plastik, tulad ng ecobrick, ang mga upos ng yosi. Pagbabakasakaling may maitulong upang mabawasan ang upos sa basurahan, lalo na sa karagatan. Dito nagsimula ang proyektong yosibrick.

Maraming naiisip. Mareresiklo ba ang upos? Anong magagawa sa hibla ng yosi? May maimbento kayang makina upang gawing produkto ang upos, tulad ng gawin itong sinturon, pitaka, sapatos o anupaman? Kung ang hibla ng abaka ay nagagawang lubid, at ang hibla ng pinya ay nagagawang barong, ano namang maaaring gawin sa hibla ng upos?

Nais kong gawing parang NGO o kaya'y campaign center laban sa nagkalat na upos ang proyektong paggawa ng yosibrick. Kung ang ecobrick ay paglalagay sa loob ng boteng plastik ng mga ginupit na plastik, sa yosibrick naman ay mga upos ng yosi ang inilalagay. Nais ko itong tawaging The Yosibrick Project. 

Una, syempre, ang asawa kong environmental warrior na si Liberty, bilang kasama sa proyektong ito. Nagsimula kami ni misis sa proyektong ecobrick ng Ministry of Ecology ng Archdiocese of Manila, at nakapagtapos kami ng tatlong araw na seminar na ibinigay naman ng Global Ecobrick Alliance (GEA).

Nagbigay daan ito sa amin upang makapunta at makasalamuha ang iba't ibang tao mula sa mga paaralan at NGO sa pagbibigay namin ng seminar hinggil sa paggawa ng ecobrick. Si misis ang kadalasang tagapagsalita, habang tumutulong ako sa aktwal na paggawa ng ekobrik sa mga mag-aaral. Minsan sa harap nila'y binibigkas ko ang aking mga tula hinggil sa ecobrick. 

Mula sa ecobrick ay pinagyaman naman ang konsepto ng yosibrick, lalo na't isa ito sa pinakamaraming basura sa buong daigdig. Dahil dito'y isinilang ang konsepto ng yosibrick, na tulad din ng ecobrick ay paglalagay ng mga upos ng yosi sa boteng plastik. Pansamantalang solusyon habang naghahanap ng iba pang kalutasan sa suliraning pangkalikasang ito. Hindi na tungkol sa panawagang No Smoking ang proyektong yosibrick kundi hinggil sa naglipanang basurang upos. May ibang grupo na siyang bahala sa kampanyang No Smoking.

Ang misyon, na batay na rin sa mga inilabas kong tula, na maaaring makita sa blog na https://yosibrick.blogspot.com, ay ano ang gagawin sa mga hibla ng upos ng yosi. Kaysa itapon lang, dapat itong maging produkto, halimbawa, damit, bag, sinturon o sapatos. Sinubukan ko ring gawing kagamitan sa fine arts ang mga upos ng yosi, kung saan inipon ko ang mga nagamit nang stick ng barbecue at tinusok sa mga tinalupan kong upos ng yosi upang gawing pampinta ng artist sa kanilang canvas. Nakakadiri kung tutuusin, subalit kailangan nating magbigay ng halimbawa, na mayroon palang magagawa sa upos ng yosi.

Napapansin kong ginagawang proyekto sa eskwelahan ang ecobrick. Ayos lang iyon. Upang matuto ang mga bata sa batayang pag-unawa upang pangalagaan ang kalikasan. Subalit huwag lamang yosibrick ang maging proyekto ng mga bata. Magbibigay lang kasi tayo ng problema sa mga bata. Una, pag ginawang proyekto sa iskul ang yosibrick, tiyak na maghahanap ng upos ng sigarilyo ang mga bata sa basurahan, na pandidirihan nila, at tiyak ayaw ito ng mga magulang. Ikalawa, tutulong ang mga magulang sa paghanap ng upos, na marahil ay bibili pa ng kaha-kaha ng sigarilyo, tatanggalin ang upos, at ibibigay sa mga anak upang gawing proyekto. Paano kung hindi naman naninigarilyo ang mga magulang?Magastos na, ano pang gagawin sa 3/4 ng sigarilyo na tinanggalan ng upos?

Ang kampanyang yosibrick ay pag-aalala sa napakaraming naglipanang upos na kinakain ng mga isda sa karagatan, at nakikita natin sa mga lansangan. Subalit inuulit ko, ang proyektong yosibrick ay hindi na tungkol o lampas pa sa panawagang "No Smoking", kundi ano ang gagawin sa mga naglipanang upos na sinasabing ikatlo sa pinakamaraming naglipanang basura sa daigdig.

Munting konsepto, higanteng gawain. Munting pagninilay, kayraming gagawin. Para sa kapaligiran, para sa daigdig, para kay Inang Kalikasan, mga upos na naglipana sa lansangan ay anong gagawin. Ilang mga mungkahing dapat isagawa:

1) Dapat kausapin ang mismong mga naninigarilyo na huwag itapon kung saan-saan lang ang mga upos ng sigarilyo. Disiplinado rin naman ang marami sa kanila. Katunayan, sa aming opisina, at sa iba pang kapatid at kaalyadong opisina na pinupuntahan ko, naglalagay ako ng titisan o ashtray upang doon ilagay ang upos ng yosi at titis o abo nito.

2) Dapat kausapin ang mga ahensya ng pamahalaan, tulad ng Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Health (DOH), hinggil sa kampanyang ito, na ginagawa rin nila, subalit marahil ay hindi talaga natututukan. Ang MMDA ay gagawa ng mga titisan at ilalagay sa mga itinakdang smoking area, at mula doon ay titipunin ang mga upos upang gawing yosibrick. Ang DENR upang makatulong sa kampanya ng kalinisan sa mamamayan na isa sa pinakamaraming basura sa mundo ang mga nagkalat na upos ng yosi, na maaaring makain ng mga isda sa laot, o marahil ay makapagpabara ng mga kanal kasama ng plastik, kaya dapat matigil na ang ganitong gawain. Alam nating ang kampanya ng DOH ay No Smoking at Smoking is Dangerous to Your Health, subalit malaki ang maitutulong nila sa MMDA, DENR, at sa iba pang ahensya, lalo na sa publiko, hinggil sa mga nagkalat na upos ng sigarilyo.

3) Dapat kausapin ang Department of Science and Technology (DOST) at ang Philippine Inventors Society (PIS) upang bakasakaling may makaimbento ng makina o anumang aparato na gagawa ng produkto mula sa hibla ng mga upos ng sigarilyo.

4) Pag-aralan ang paggawa ng lubid mula sa hibla ng abaka at paggawa ng barong mula sa hibla ng pinya upang bakasakaling may matanaw na pag-asa kung ano ang maaaring gawin sa hibla ng mga upos ng sigarilyo.

5) Pagkausap sa mga painter, o kaya'y mga mag-aaral ng fine arts sa mga paaralan, hinggil sa paggamit ng upos sa pagpipinta sa canvas o painting.

Lahat ng ito'y pagbabakasakali. Nagpagawa na rin ako ng silkscreen at nagpinta na ng tatlong asul na tshirt kung saan nakapinta: "I am an Ecobricker and a Yosibricker." Ang lahat ng mga naiisip ko hinggil sa mga usaping ito ay tinipon ko sa blog sa internet. Ang mga tula kong ginawa hinggil sa ecobrick ay nasa https://ecobricker.blogspot.com/ habang ang mga tula naman hinggil sa proyektong yosibrick ay nasa https://yosibrick.blogspot.com/. Sa ngayon ay ito muna.

Sa mga interesadong tumulong sa The Project Yosibrick, mangyaring makipag-ugnayan sa inyong lingkod o kaya'y sa aking misis, upang tuloy-tuloy ang pagsisimula ng The YosiBrick Project. Maraming salamat po. Mabuhay kayo!

- gregoriovbituinjr.
02.25.21

Linggo, Pebrero 14, 2021

Kwento: Babae ka! Hindi babae lang...


BABAE KA! HINDI BABAE LANG...
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Lumabas ako ng bahay upang pumunta ng botika para bumili ng gamot nang makasalubong ko ang isa kong kaklaseng babae noong elementarya. Namumugto ang kanyang mga mata. Marahil maghapong umiyak. 

Nagkatinginan kami, nagbatian. Kinumusta ko siya. Sabi niya, okay lang, sabay ngiti ng matipid. Hanggang tumungo siya at mukhang iiyak. 

Isa iyong araw na hindi kaiba sa karaniwan. Subalit para kay Magdalena, ang araw na iyon ay parang kanyang kamatayan. Dahil binugbog na naman siya ng kanyang kinakasama. Kaya niyaya ko muna siya sa isang restoran sa kabilang kanto. Umorder ako ng paborito kong tapsilog. Softdrinks na lang daw sa kanya. Hanggang kinumusta ko ang kanyang buhay may-asawa. Matagal bago siya umimik. Para bang naghahanap ng tapang na isiwalat ang nasa dibdib.

Barkada ko siya noong elementarya. Lagi kong kalaro, at minsang nakatabi sa klase. Matalino siya, maganda, at magaling. Subalit hindi gayon ang nangyari sa kanyang buhay-pag-ibig. Naipagtapat niya sa akin na malimit siyang bugbugin ng kanyang kinakasama. Ipinakita niya sa akin ang mga pasa sa kanyang braso at likod.

Sinabi ko, "Mali ang ginagawa niya sa iyo. Bakit hindi mo siya iwan?"

Anya, "May anak kami. Siya lang ang kumakayod para sa amin. May mali din kasi ako, minsan ay hindi agad ako nakakapagluto ng hapunan. Nakatulog kasi ako dahil sa pagod sa maghapong paglalaba at sa pag-aalaga kay Baby."

Sabi ko uli, "Mali naman na bugbugin ka agad dahil hindi ka nakapagluto ng hapunan."

Sabi niya, "Wala akong magawa. Babae lang ako. Sa kanya ang bahay at siya ang nabgtatrabaho. Hindi ko naman siya maiwan dahil paano na kami ng anak ko? Saan kami pupunta? Matagal nang patay sina Papa at Mama."

Sabi ko, "Alam mo, klasmeyt, noong magkaklase tayo sa elemtarya, hanga ako sa iyo dahil laging mataas ang grado mo kumpara sa akin. Naalala ko pa nang tinulungan mo ako sa ilang subject, tulad ng Pilipino at Araling Panlipunan."

Bahagya na siyang umimik. Sabi niya, "Wala iyon, nakaraan na iyon. Nagkita nga kami minsan ng ilan nating klasmeyt noon. Bakt wala ka sa reunion?"

"Hindi ko agad nalaman iyon. Tapos na nang malaman ko sa mga litrato n'yo sa pesbuk. Siyanga pala, 'yung kaninang sinabi mo, hindi ako kumporme roon."

"Saan?"

"Sa sinabi mong babae ka lang. Alam mo, klasmeyt, babae ka! Hindi babae lang. Kayo ang kalahati ng daigdig. Kung hindi dahil sa inyo, wala kaming mga lalaki. Kung hindi dahil sa inyo, wala tayong lahat dito. Kaya huwag mong sabihing babae ka lang. Babae ka!"

Matagal na katahimikan. Napaisip siya. Maya-maya ay nagsalita siya.

"Ano namang gagawin ko?" anya.

"Tanda mo ba ang mga bayaning pinag-aralan natin noon sa Araling Panlipunan. Sina Gabriela Silang, Teresa Magbanua, Trinidad Tecson, Tandang Sora, Gregoria de Jesus? Hindi ba't sila'y mga matatag na kababaihan ng kanilang panahon, lider ng kanilang henerasyon upang ipagtanggol ang bayan mula sa pang-aapi at pagsasamantala ng mga dayuhan at kababayang naghahari-harian sa lipunan? Ikaw pa nga ang nagturo sa akin niyan noon sa Araling Panlipunan kaya nakapasa ako, di ba? Tanda mo?"

Napangiti siya.

"Kung okay lang sa iyo, may pulong ang mga kababaihan tulad mo para sa pagkilos ng mga kababaihan sa Marso Otso. Nais kong makasama ka roon. Okay ba sa iyo? Nais kitang tulungan. Pwede mo ring isama ang anak mo kung walang magbabantay. Ano?"

"O, sige, sasama ako. Kailan ba ang miting na iyon?"

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 1-15, 2021, pahina 16-17.

Linggo, Enero 24, 2021

Kwento: Pagpapakatao



PAGPAPAKATAO
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

“Iisa ang pagkatao ng lahat.” Ito ang aking nabasa sa akdang Liwanag at Dilim ng ating bayaning si Gat Emilio Jacinto. Napakaganda ng isinulat niyang ito, na halos kawangki ng isinulat niya sa Kartilya ng Katipunan. “Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao.”

Kaya naiisip ko kung marahil ang lahat ng tao ay nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao, baka wala nang pagsasamantala ng tao sa tao, baka wala nang sistemang kapitalismo na ang pangunahing layunin ay lagi nang pagsamantalahan ang manggagawa upang magkamal ng limpak-limpak na tubo. Tinanong ko ang ilang sektor hinggil dito, at anong pakahulugan nila sa pagpapakatao.

“Kung ako ang kapitalista,” sabi ng manggagawang si Kulas, “aba’y gagawin kong regular ang aking mga manggagawa, at babayaran ko ng tama ang kanilang lakas-paggawa. Sa ganito man lang ay makita nilang kahit ako’y kapitalista, ako’y makatao at mahusay makipagkapwa.”

“Aba, kung ako naman ang manedsment sa isang kumpanya,” ang sabi naman ng regular na manggagawang si Igme, “Ipapantay ko ang minimum na sahod sa living wage o nakabubuhay na sahod na nakasaad sa Konstitusyon ng bansa.”

“Ang gaganda ng inyong panukala,” ikako naman, “kung kayo ang kapitalista o manedsment ng kumpanya, kaso hindi eh. Kaya panaginip lang ang lahat ng iyan. Kalikasan kasi ng kapitalismo na durugin at lamunin ang kanyang mga katunggali sa negosyo. Kaya nga pinatatanggap nila sa atin ang salitang kumpetisyon, imbes na kooperasyon. Hindi kasi sila kikita ng malaki o magkakamal ng limpak-limpak na tubo kung pulos kooperasyon sila sa kanilang katunggali. Aba’y pababaan nga sila ng sahod ng manggagawa. Iyan ang kumpetisyon sa kanila. Kung ganyan ang kalikasan ng isinusuka nating sistema, paano ang sinasabi nating dapat silang magpakatao o makipagkapwa?”

“Tama ka,” sabat naman ni Aling Tikya, “hangga’t bulok ang sistema, hangga’t nangingibabaw ang patriyarkal na sistema, mananatili pa ring second class citizen kaming mga babae. Itinuturing na pambahay lang at tagapag-alaga ng mga bata. Disin kasi kami’y nagbubuntis at kayong mga diyaskeng lalaki ay hindi! Aba’y dapat lang baguhin ang sistemang bulok!”

“Kung nagpapakatao ang mga taong gobyerno, dapat mas buwisan nila ang mga mayayaman, kaysa mahihirap. Sa ngayon, dahil sa VAT, pare-pareho lang ang kaltas sa mga binili ng mahirap at mayaman. Tax the rich, not the poor. Sa totoo lang, ang pulubing maghapong kumita sa panlilimos, pag bumili ng pamatid-gutom na noodles para sa kanyang pamilya, aba’y may buwis agad. May 12% VAT agad na kaltas kasi sa bawat produkto,” sabi naman ng gurong si Mang Ramon.

“Pati nga ang karapatan sa edukasyon at kalusugan ay may presyo sa ilalim ng ganitong sistema ng lipunan. Karapatan na iyon, ha?” dagdag pa ni Mang Ramon. “Kaya ano ang sinasabi nating magpakatap at makipagkapwa tao ang mga nasa educational system natin, gayong sila ang hindi kikita o sasahod kung hindi magbabayad ng mahal sa edukasyon ang mga estudyante. Lalo na ang mga ospital na nais isapribado. Ang matindi pa sa ganitong sistema, pag isinugod mo sa ospital ang misis mong maysakit, hindi kayo agad tatanggapin kung wala kayong pandeposit, iyan ba ang pagpapakatao at pakikipagkapwa?

“Kung talagang nagpapakatao at nakikipagkapwa ang kapulisan, o mismong pamahalaan natin, sana’y buhay pa ang aking anak. Sana dinaan nila sa wastong proseso ang ginawa nilang pagsupil sa mga nagdodroga, upang makita nilang hindi nagdodroga ang anak ko. Kung may kasalanan man siya, dapat siyang makulong, at bilang ina ay nais ko siyang madalaw kahit sa kulungan upang ipakita ang pagmamahal ko bilang ina, hindi ang madalaw siya upang tirikan ng kandila sa sementeryo,” may halong galit at luha ang mahabang paliwanag naman ni Aling Nanette.

Natahimik kaming lahat sa kanyang tinuran.

Matitindi ang samutsaring ideyang nagsisilabasan na talaga namang nakapupukaw ng kaisipan. Malayo pa ang ating tatahakin upang talagang matamasa natin ang tunay na pagpapakatao at pakikipagkapwa.

Nakasakay ako sa dyip minsan patungo sa isang pulong nang mapansin ko kung paano ba nagpapakatao at nakikipagkapwa ang bawat isa. Sa loob ng dyip ko iyon nakita: Sa pagbabayad ng pamasahe at pag-aabot ng sukli ng mga taong hindi magkakakilala subalit kapwa naglalakbay. Aabutin ang bayad at ibibigay sa drayber, at ibabalik naman ang sukli sa pasahero nang hindi kinukupit ang pera. May katapatan sa puso’t diwa na ibalik ang sukli. Ah, naisip ko lang, may pag-asa pa.

Kung sa bayad-sukli ay may tapat na pagdadamayan na ang mga tao, hindi malayong ang inaasam nating pagkakatao at pakikipagkapwa tao ay masilayan natin talaga. Baka hindi sa panahon ng pananalasa ng bulok na sistemang kapitalismo, kundi sa susunod na yugto nito. Sa ibang sistema.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2021, pahina 16-17.

Sabado, Enero 23, 2021

Batas ng Kapital

Batas ng Kapital
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nakamura. Kailangan lang maglibot at mag-ikot. Walong tali ng okra, P5 isang tali, pito ang laman. Sa talipapa katapat ng palengke. Habang sa loob ng palengke, P10 isang tali, apat ang laman.

Kaya imbes P80 sa walong tali ng okra, nabili ko ito ng P40 lang. Kinapa ko at binali ang dulo, mura pa at di magulang.

Nakamura sa paboritong okra. Marahil, napakarami nito sa pinanggalingan. Law of supply and demand. O kaya, malaki ang bayad sa stall sa loob ng palengke kaya may patong sa presyo ng okra. At maliit ang bayad sa stall sa talipapa kaya mura ang okra.

#buhayvegetarianatbudgetarian

Huwebes, Enero 14, 2021

Kwento: Pagsalubong sa Bagong Taon


PAGSALUBONG SA BAGONG TAON
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

Sinasalubong ng mamamayan ng daigdig, saanmang bansa nagmula, anumang lahi ang pinanggalingan, anumang kulay ng kanilang balat, ang pagsapit ng Bagong Taon. Sinasalubong nila ito sa pamamagitan ng mga makukulay na paputok. Madalas na Enero a-Uno ng madaling araw ay ipalalabas na sa balita sa telebisyon ang mga Bagong Taon sa iba’t ibang panig ng mundo, na ang madalas ipakita ay pawang mga paputok.

Habang sa Pilipinas, mapapanood mo sa mga ulat sa telebisyon ang mga kabataang naputukan ng daliri. Halos taun-taon na lang ay nadarag-dagan ang bilang ng mga naputukan. Maaaring mas mababa ang bilang ng naputukan ngayon kumpara noong nakaraang taon subalit walang nabawas sa bilang. May Bagong Taon pang may nabaril na bata. Namatay. Ah, dapat ngang ipagbawal ang pagpapaputok ng baril pag Bagong Taon.

Tingnan natin ang kwento ng dalawang kakilala ko. Magkaiba sila ng dahilan kung paano sila nawalan ng daliri. Si Inggo ay nawalan ng daliri noong nakaraang Bagong Taon dahil naputukan ng malakas na paputok, iyon bang Goodbye Philippines kung tawagin. Kaya iyon, Goodbye Daliri rin siya. Si Igme naman ay nawalan ng daliri nitong nakaraang taon din lang, bagamat hindi Bagong Taon, Kalagitnaan ng taon nang maipit ng makina ang kanyang tatlong daliri, ang hintuturo, ang hinlalato at ang palasinsingan. Naiwan na lang sa kanya ang hinlalaki at kalingkingan. Ah, paano ba natin sinasalubong ang Bagong Taon? Nagtanong-tanong ako.

Sabi ni Aling Rosa, “Dapat sa media noche pa lang ay marami na kayong mga prutas na bilog sa inyong lamesa. Tapos, magsuot din kayo ng mga kamisetang may tatak o disenyong bilog-bilog. Ito kasi ang sabi ng mga matatanda sa amin noong araw. Swerte raw ang mga bilog-bilog.”

Ayon naman kay Mang Kiko, “Noong araw, noong bata pa kami, asayment namin sa eskwela ang pagsulat ng mga New Year’s resolution. Ginagawa naman namin, hindi ang pagsasabuhay ng resolusyon, kundi ‘yung asayment, para makapasa naman kami at tumaas ang grado.”

“Nagpapahula naman ako pag Bagong Taon,” ani Impong Nena, “Ano bang kakaharapin ko ngayong taon? Bakasakaling tumama sa lotto ang mga numero ko.”

“Alam mo, Utoy,” ani Tata Bestre, “Kaya nagpapaputok ang mga tao sa Bagong Taon, dahil sa paniwalang tinataboy nito ang mga masasamang espiritu, at mawala ang mga kamalasan. At salubungin natin ay swerte.”

Marami pang mga kwentong kaugnay sa Bagong Taon. At ito ang matindi, nang makausap ko na’y manggagawa, tulad ni Ka Pilo, isang lider-manggagawa at pangulo ng isang unyon ng manggagawa sa Pasig.

“Bagong Taon? Bagong petsa lang naman iyan sa kalendaryo. Pero lumang sistema pa rin! Kung nuong nakaraang dalawa o limang taon ay kontraktwal na manggagawa ka, kontraktwal ka pa rin naman ngayon. Hindi nasusunod ‘yung patakarang pag nakaanim na buwan ka na, dapat maging regular ka nang manggagawa. Kaya nga walang pagbabago sa Bagong Taon. Pagbabago lang iyan ng petsa, hindi pagbabago sa buhay at kalakaran ng bulok na sistema ng lipunan!” Ito ang mariing sinabi ni Ka Pilo nang aking makausap.

Ayon naman kay Ka Miguel, na kanyang bise-presidente sa unyon, “Wala talagang pagbabago kahit Bagong Taon. Tingnan mo na lang ang sahod ng manggagawa, napakababa kumpara sa sinasabing living wage sa Konstitusyon na dapat sahod na makabubuhay. Ano pa? Magkakaiba rin ang pasahod sa bawat rehiyon. Kung dito sa NCR ay P519 ang minimum wage o natatanggap ng manggagawa, sa Laguna ay P400 lang, sa Visayas ay P310 lang, at sa Davao ay P300 lang. Aba’y dahil iyan sa mga Regional Wage Board na nagtatakda ng sahod. Aba’y nakokontrol ng pamahalaan ang sahod ng mga manggagawa ngunit hindi nila makontrol ang presyo ng mga bilihin. Nakakapikon, di ba? Kaya anong ipagsasaya natin sa Bagong Taon maliban sa nagbagong petsa?”

“Kung nais nating ipagdiwang ang Bagong Taon,” hirit ko, “dapat pala bago na rin ang sistema. Pag naipanalo na ng uring manggagawa ang inaasam niyang pandaigdigang lipunang makatao, isang lipunang walang pang-aapi at walang pagsasamantala ng tao sa tao, isang lipunang nangangalaga sa kalikasan at kapaligiran, isang lipunang ang bawat isa’y nagpapakatao at nakikipagkapwa tao.”

“Iyan, tama ka, iho.” Sabi ni Ka Pilo, “Kaya patuloy tayong magmulat at mag-organisa upang makamit natin ang lipunan nating pinapangarap.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2021, pahina 13-14.

Lunes, Enero 11, 2021

Ang salin ng tenant sa wikang Filipino

ANG SALIN NG TENANT SA WIKANG FILIPINO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa mga nakaengkwentro kong salitang talagang dapat pag-isipan kung paano isasalin mula sa Ingles patungong wikang Filipino ay ang TENANT. Ano kaya ang tamang salin ng tenant batay sa gamit nito?

Nagsaliksik ako. Sa dalawang diskyunaryong ginagamit ko ay nakita ko ang kahulugan sa wikang Filipino ang tennt. Sa English-Tagalog Dictionary ni Fr. Leo James English, 33rd printing - 2009, pahina 1062, ang tenant ay:
(1) noun,a person paying rent for the use of land or building. Nangungupahan. Ingkilino (Spanish).
(2) a tenant in land holding: KasamĆ”.
(3) one that occupies or dwells: Ang nakatira (tumitira).
(4) verb, to hold or occupy as a tenant: Umupa, mangupahan, upahan.

Sa UP Diksiyonaryong Filipino naman, Ikalawang Edisyon 2010, Virgilio S. Almario - Editor, pahina 1241, ang tenant ay: png [Ingles] 1: tao na nagbabayad upang umokupa o gumamit sa lupa, gusali, at iba pa. 2: Agr kasamĆ”. (Ang daglat na Agr ay Agrikultura.)

Sa dalawang diksyunaryo, nangingibabaw ang dalawang salin: nangungupahan at kasamƔ. Subalit pag iningles natin ang nangungupahan at kasamƔ, karaniwang hindi agad tenant ang naiisip ng tulad kong laki sa lungsod kundi renter para sa nangungupahan at comrade para sa kasamƔ, na may tuldik na pahilis sa ikatlong pantig, at companion para sa kasƔma kung ang tuldik na pahilis ay nasa ikalawang pantig.

Kaya ano dapat ang salin? Kung gagamitin ko ang nangungupahan batay sa salin ng diksyunaryo, baka mali. Dahil sa palagay ko'y malaki ang kaibahan ng ng renter sa tenant. Ang renter, tulad ng mga nangungupahan ng isang kwarto o isang bahay sa lungsod, ay iba sa tenant. Ang tenant naman ay nangungupahan subalit siya na rin ang nangangasiwa o itinalagang tagapangalaga ng ari-arian ng may-ari. Kaya hindi renter at hindi nangungupahan ang ginagawa kong salin. Sa usapin ng mga maralitang lungsod ay kilala ang katawagang renter dahil din ito ang mga lumilitaw sa mga negosasyon hinggil sa usaping pabahay.

May iba pang salita ang kasamĆ” sa wikang FIlipino, na maaaring pag-isipan din. Sa UP Diksiyonaryong Filipino ay ito ang iba pang kahulugan ng kasama, na ang iba'y nasa wikang lalawiganin: abe, agom, asosyado, gayyem, iba, kada, kauban, kavulun, at kompanyero. Subalit hindi ko iyon magagamit sa ngayon kung mas nais kong maunawaan ng mambabasa ang aking isinalin.

Kaya ano ang dapat na pagsasalin, lalo na ngayong may mga isinasalin akong akda ng ibang manunulat, at ito ngang tenant ang isa sa pinagkunutan ko ng noo. Na marahil ay madali lang sa mga laking probinsya, na may malawak na karanasan sa mga sakahan. Kailangan ko pang umuwi ng lalawigan upang matukoy talaga ang tamang salita sa aking isinasalin.

May nagsabi sa akin, ginagamit na ang tenant sa mga usapan sa wikang Filipino, bakit hindi mo iyon gamitin? Tama naman siya. Baka iyon na nga ang aking gamitin kaysa magsalin pa ng iba. Minsan, naiisip kong isalin ang tenant na tenante, na parang tenyente. Subalit wala naman nito sa diksyunaryo.

Sumang-ayon ako sa sinabi ng aking nakatatandang kapatid na babae na matagal nang nakatira sa lalawigan, na ayon sa kanya ang tenant ay tinatawag na kasama na mabilis ang pagbigkas. Dahil lalawigan ang setting ng akdang aking isinasalin, ginamit ko ang kasamĆ”, na may tuldik na pahilis sa ikatlong titik a at binibigkas ng mabilis, bilang salin ng tenant, at ang kasama na mabagal ang bigkas bilang salin ng comrade o companion.

Sa ganito ko nalutas ang problemang ito. Gayunman, dapat pa ring mas maunawaan ng mambabasa ang gamit ng ating mga tuldik sa balarilang Pilipino, na marahil ay napag-aralan nila nuong elementarya, upang mapag-iba nila ang kasama sa kasamĆ”.

Martes, Disyembre 29, 2020

Maikling Kwento: Pangangaroling

PANGANGAROLING
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

"Tay, marami na namang mangangaroling ngayon kasi malapit na po ang Pasko. Nais kong sumama sa mga kaibigan ko sa pangangaroling." Ito ang sabi ni Utoy sa kanyang ama minsang pauwi na sila galing sa pamamalengke.

"Alam mo, anak, nakikita ko nga na kahit sa mga dyip pag papasok ako sa trabaho ay marami nang nangangaroling. Tutugtog ng dala nilang tambol, kasama ang anak na nakatali ng balabal nila sa balikat, aawit ng pamasko, at hihingi ng limos. Hindi na iyon ang nakagisnan kong Pasko."

"Bakit po, Tay?"

"Kasi, sa amin noon, pupunta kami sa bahay-bahay na parang manghaharana. Barkadahan kami, nakasuot ng disente, at pagtapat sa bahay ng kakilala namin ay aawit kami ng kantang 'Sa may bahay'. Natutuwa naman ang inaawitan namin kaya nagbibigay sila ng malaki-laking halaga bilang pakikiisa sa diwa ng kapaskuhan. Ibang-iba ngayon, anak, na kaya ka lang namamasko ay dahil hirap ka sa buhay. Tulad ng nakikita ko pag papasok ako at uuwi galing sa trabaho. Hindi gayon ang nais kong pasko, bagamat para sa kanila, malimusan lang sila ay malaking bagay na dahil nagugutom ang kanilang pamilya. Kung sasama kang mngaroling, dapat hindi ka mukhang namamalimos. Anak, ang diwa ng kapaskuhan ay pagbibigayan, pagmamahalan, hindi pamamalimos. Bagamat hindi naman masamang manlimos. Masama lang tingnan."

"Ano po ba, 'Tay, ang dapat naming gawin pag mangangaroling. Baka pag maganda ang suot namin, sabihin sa amin, patawad. Baka hindi pa maniwala na namamasko kami."

"Mamasko ka, anak, sa mga ninong mo, sa mga kakilala natin. Palagay ko, anak, huwag kang basta tumapat lang sa bahay ng kung sino. Dapat, anak, ang pangangaroling ay hindi parang nanghihingi tayo ng limos. Kahit mahirap lang tayo, anak, nais kong makita pa rin nila at maramdaman din natin na may dignidad pa rin tayo bilang tao. Taong nirerespeto at hindi minamata ng ibang tao. Iyon lang naman, anak."

"Salamat po, Tay, sa payo ninyo. Sabihan ko ang mga kalaro ko na kung mangangaroling kami ay mag-ayos din po kami ng suot, para po di kami magmukhang kawawa na walang pera. Salamat po, Tay."

“Salamat din, anak, at nauunawaan mo ang nais kong sabihin. Ingat lagi kayo ng mga kalaro mo sa pangangaroling, at huwag sana kayong makikipag-away, ha. Isipin mo lagi ang diwa bakit kayo nangangaroling.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Disyembre 16-31, 2020, pahina 14.

Sabado, Disyembre 5, 2020

Paggawa ng ekobrik

PAGGAWA NG EKOBRIK
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nitong Nobyembre 18, 2020, ay nagtungo ako sa tanggapan ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) upang aking pirmahan ang ilang dokumento hinggil sa isang petisyon sa Korte Suprema nang ibinigay sa akin ni kasamang Jackie ang natipon nilang isang bag na walang lamang plastik ng mga kape. Aba’y alam pala niyang ako’y nageekobrik. Ibig sabihin, ginugupit ko ang mga malilinis na plastik, tulad ng mga ubos na kape upang ipasok sa boteng plastik at gawing ekobrik. Patitigasin iyon na parang brick na pawang laman lang ay mga plastik. Para saan ba ito? Ang mga natipong ekobrik ay pagdidikitin upang gawing istruktura, tulad ng upuan o kaya’y lamesa. Maraming salamat, Ate Jackie!

Nananalasa ang mga basurang plastik sa ating kapaligiran, pati na sa ating mga karagatan. Kaya may mga nag-inisyatibang ipasok ang mga plastik sa loob ng boteng plastik upang mapaliit ang basura. 

Nagsimula ito sa Mountain Province, nakita ng isang Canadian, at ginawang kampanya laban sa plastik. Ngayon ay marami nang nageekobrik sa iba’t ibang panig ng daigdig. Nabuo ang Global Ecobrick Alliance o GEA, kung saan isa ako sa nakatapos, at may sertipiko.

Sa paggawa nito, dapat malinis ang mga plastik at walang latak, halimbawa, ng kape. Dahil kung marumi, baka may mabuong bakterya na sa kalaunan ay sisira sa mga ekobrik na ginawang istruktura tulad ng silya o lamesa, na maaaring mapilayan ang sinumang uupo doon. 

Upang matuto pa, tingnan ang GoBriks.com sa internet.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 16.

Biyernes, Disyembre 4, 2020

Bukrebyu: Ang librong "Che: A Graphic Biography" ni Spain Rodriguez

BUKREBYU

ANG LIBRONG “CHE: A GRAPHIC BIOGRAPHY” NI SPAIN RODRIGUEZ
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nakita ko lang sa aklatan ng Bukluran ng Manggagawag Pilipino (BMP) ang aklat na “Che: A Graphic Biography” ni Spain Rodriguez. Inilarawan niya ang talambuhay ni Che Guevara sa pamamagitan ng komiks, o ng mga larawan. Bagamat nakagawa na rin ako ng libro ni Che Guevara noon, iyon ay pulos mga salin ng mga sulatin ni Che.

Iba ito, talambuhay ni Che na isinakomiks. Nakasulat sa Ingles at magaganda ang pagguhit ng mga larawan, na nasa black-and white, hindi colored. Subalit nakakahalina dahil sa galing ng tagaguhit at awtor na si Spain, kaygandang pangalan.  

Si Che Guevara ang isa sa mga kasamahan ni Fidel Castro nang ipinanalo nila ang rebolusyon sa Cuba noong 1959. Kinikilala siyang “the most iconic revolutionary of the twentieth century”, ayon sa libro. Sabi pa, “It portrays his revolutionary struggle through the appropriate medium of the under-ground political comic – one of the most prominent countercultural art form of the 1960s.” Wow, bigat!

Kaya kahit nasa wikang Ingles ay binasa ko ang kasaysayang komiks na ito. Kung may pagkakataon, nais ko itong isalin sa wikang Filipino.

Inirerekomenda ko itong basahin ng mga estudyante at aktibista, at sinumang nagnanais ng kalayaan ng bayan mula sa kuko ng mapang-api at mapagsamantala.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 15.