Biyernes, Marso 29, 2013

Ang makabagbag-damdaming awiting "Ikaw, Ako, Tayong Lahat, Magkakapatid"

ANG MAKABAGBAG-DAMDAMING AWITING "IKAW, AKO, TAYONG LAHAT, MAGKAKAPATID"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pag-ibig. Pagkakapatiran. Ito ang buod ng awiting "Ikaw, Ako, Tayong Lahat, Magkakapatid" na musikang sinulat ni Jose Lozano at inawit ng grupong The New Minstrels.

Kaya mababalikan natin ang mga sinabi ng mga rebolusyonaryong sina Che Guevara, Andres Bonifacio, at Emilio Jacinto hinggil sa pag-ibig.

Ayon sa rebolusyonaryong si Ernesto "Che" Guevara sa kanyang akdang "Sosyalismo at Tao sa Cuba": "Sa panganib na magmukhang katawa-tawa, pahintulutan n’yong sabihin kong ang tunay na rebolusyonaryo ay ginagabayan ng dakilang pag-ibig. Imposibleng isiping wala nito ang tunay na rebolusyonaryo."

Ayon naman kay Gat Andres Bonifacio sa una't ikatlong saknong ng kanyang tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Lupa":

"Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinub'ang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala."

"Banal na pag-ibig! Pag ikaw ang nukal
Sa tapat ng puso ng sino't alinman,
Imbi't taong gubat, maralita't mangmang,
Nagiging dakila at iginagalang."

Ayon naman kay Emilio Jacinto sa kanyang akdang "Liwanag at Dilim": "Kung ang pag-ibig ay wala, ang mga Bayan ay dili magtatagal, at kapagkarakang mapapawi sa balat ng lupa ang lahat ng pagkakapisan at pagkakaisa, at ang kabuhayan ay matutulad sa isang dahon ng kahoy na niluoy ng init at tinangay ng hanging mabilis. Ang pag-ibig, wala na kundi ang pag-ibig, ang makaaakay sa tao sa mga darakilang gawa sukdang ikawala ng buhay sampung kaginhawahan. Sa pag-ibig nunukal ang kinakailangang pagdadamayan at pagkakaisang nagbibigay ng di-maulatang lakas, maging sa pag-aabuluyan at pagtutulungan ng isa’t isa, maging sa pagsasanggalang ng mga banal na matwid ng kalahatan."

Ayon naman sa awitin ng The New Minstrels:
"Pag-ibig at pag-asa,
 Ang damdaming gigising sa taong mahimbing
 Ang tunay na ligaya sa ating mga puso
 Muling magniningning"

Ang pag-ibig ay walang hangganan, walang kinikilalang lahi, kulay, kundi puso sa bawat isa. Kaya ikaw at ako, hindi man magkalahi ay dapat matutong magmahal, isipin mong ikaw, ako, tayong lahat, magkakapatid.

Halina't namnamin natin ang awiting ito ng The New Minstrels:

IKAW, AKO, TAYONG LAHAT, MAGKAKAPATID
The New Minstrels

   Intro: EM7-AM7-F#m-B-; (2x)

  EM7
   Humuhuni ang ibon
     AM7                 EM7             AM7
   Nagsasayaw sa hangin at laging masaya
     EM7              AM7    
   Bakit kaya ang tao may isip at talino
    EM7                AM7
   Nalulungkot pa siya

        F    Am      Bb       C
   Matutuhan lang ng bawat nilikha
          F       C/E     Dm
   Ang umibig sa tao't daigdig
        F         Bb    F/A-Gm    Gm7      A   B7
   Lungkot nila'y mapapawi   ligaya'y ngingiti

     EM7
   Pag-ibig at pag-asa
           AM7                EM7            AM7
   Ang damdaming gigising sa taong mahimbing
       EM7            AM7
   Ang tunay na ligaya sa ating mga puso
    EM7                AM7
   Muling magniningning

        F   Am   Bb         C
   Ikaw at ako, hindi man magkalahi
        F     C/E       Dm
   Ay dapat matutong magmahal
        F        Bb      F/A-Gm   Gm7     A7   B7
   Ituring mong tayong lahat   ay magkakapatid

     EM7
   Tingnan n'yo ang sarili
       AM7
   Sa ating kapwa tao
    EM7                     CM7               B-C7
   Ikaw, ako, kayo, tayong lahat ay magkakapatid

        F   Am   Bb         C
   Ikaw at ako, hindi man magkalahi
        F     C/E       Dm
   Ay dapat matutong magmahal
        F        Bb      F/A-Gm   Gm7     A7   B7
   Ituring mong tayong lahat   ay magkakapatid

        E  G#m   A          B
   Ikaw at ako, hindi man magkalahi
        E     B/Eb      C#m
   Ay dapat matutong magmahal
        E        A   E/G#  B/Eb      C#m
   Isipin mong ikaw, ako, kayong lahat
    F#m        B break        A-E/G#-F#m-B-E hold
   Tayong lahat     magkakapatid

Napakasimple ng mensahe, ngunit pandaigdigan: "Ikaw at ako, hindi man magkalahi ay dapat matutong magmahal, ituring mong tayong lahat ay magkakapatid!" Wala na dapat anumang uri sa lipunan, wala na dapat mga mang-aapi, wala na dapat pribadong pag-aaring dahilan ng mga pang-aapi, dapat mapawi na ang pagsasamantala ng tao sa tao, dapat mabago na at mapalitan na ang kapitalistang lipunan, upang ang pagkakapatiran ng bawat isa ay maging ganap!

Ito'y nagpapatunay lamang ng isinulat ni Jacinto sa Kartilya ng Katipunan: "Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Diyos, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di nagpapaapi't di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan." Ibig sabihin, ang pag-ibig ay pandaigdigan, internasyunal, dapat magmahalan anuman ang kanyang lahi o kulay ng balat, dahil tayo'y iisa. Ani nga ni Jacinto sa kanyang akdang "Liwanag at Dilim": "Iisa ang pagkatao ng lahat!"

Halina't gawin nating theme song ito sa mga pagkilos na nananawagan ng kapayapaan, at magandang theme song para sa mga organisasyon tulad ng United Nations (lalo na kung maisasalin sa wikang Ingles). Ihilera natin ang awiting ito sa "Imagine" ni John Lennon, at maganda ring makanta ito matapos ang pag-awit ng "Bayan Ko" ni Jose Corazon de Jesus at "Lipunang Makatao" ng Teatro Pabrika. Tunay ngang nakapagbibigay-sigla at makahulugan ang awiting ito. Hindi ba, kapatid?

Mga pinagsanggunian:
1. http://www.opmtunes.com/songs/n/new-minstrels-ikaw-ako-magkakapatid.html
2. aklat na "Panitikan ng Rebolusyon(g 1986)", ni Virgilio S. Almario, University of the Philippines Press, 1993
3. aklat na "Si Che: Talambuhay at Ilang Sulatin ni Ernesto 'Che' Guevara", ni Gregorio V. Bituin Jr., Aklatang Obrero Publishing Collective, Oktubre 2007, p. 26

Martes, Marso 19, 2013

Pagsakay sa dyip

PAGSAKAY SA DYIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang dyip ang pangunahing anyo ng transportasyon sa bansa. Ito ang batayang sinasakyan ng mga mayorya sa lipunan, lalo na yaong walang sariling sasakyan. Natatandaan ko, bata pa ako noon nang unang sumakay ng dyip. Hindi ako nakaupo kundi nakatayo lang, dahil wala daw bayad ang hindi nakaupo, sabi ng tatay ko. Kung sumakay man ng dyip ang aking ama't ina na karga ako ay hindi ko pa iyon namalayan noon, kaya hindi ko natatandaan.

Bababa kami sa pagtawid ng tulay dahil ilog pa noon ang kalyeng Nagtahan sa Sampaloc. Una kong sinakyang palagi ang biyaheng Balic-Balic - Bustillos, lalo na tuwing Linggo dahil kailangang magsimba kasama ang aking mga magulang at kapatid. Dalawa kasi ang simbahan sa Bustillos, na M. Earnshaw na ngayon. Ang isa'y ang Our Lady of Loreto Parish, at ang isa naman ay ang St. Anthony Shrine, na kilala ring VOT.

Nang magsimula akong tumuntong sa sekundarya o high school, nagsimula na akong araw-araw sumasakay ng dyip, dalawang biyahe papasok at dalawang biyahe pauwi. Sasakay ng biyaheng Balic-Balic - Quiapo, at sasakay naman ng Quiapo - Pier para makarating ng aming paaralan na nasa Intramuros.

Ang dyip ay isang simbolo. Nang minsang pumunta ako ng ibang bansa, sa bayan ng Mae Sot na nasa hangganan ng Thailand at Burma, may babaeng Burmes na nagpakita sa akin ng isang laruang dyip na naka-displey sa kanilang opisina. Noong una'y di ko agad napansin na dyip pala iyon, parang match box, dahil bihira naman ang laruang ganuon sa Pilipinas. Pero sa ibang bansa, may laruang dyip, at alam nilang sa Pilipinas lang mayroong ganuong uri ng pampublikong transportasyon. Ipagmamalaki mong Pinoy ka sa ibang bansa dahil sila pa ang nagpakita ng pagkilala sa iyong kultura.

Gayunman, may mga sinakyan din kami sa Mae Sot na animo'y dyip pero hindi pampasahero at maliit lang. Parang pick up na nilagyan lang ng upuan sa likuran.

Ang dyip ay isang simbolo. Simbolo ng bayanihan, na isa ring kaugaliang Pinoy. Dahil kung atin lamang susuriin, sa loob ng dyip ay may pagtutulungan ang mga pasahero kahit ngayon lang sila nagkita-kita. Makikita iyan sa pag-aabutan ng bayad ng mga pasahero, lalo na kung mula sa dulo malapit sa pasukan ng dyip ang nag-aabot ng bayad, hanggang sa maiabot sa tsuper. Gayon din sa pagsusukli, talagang nagkukusa na ang mga pasahero na iabot sa nagbayad ang kanyang sukli. Bayanihan kahit di nila namamalayan ang kanilang pagtutulungan.

Hindi ba't napakaganda niyon? Hindi ba't kulturang Pinoy iyon? Bayanihan pagkat hindi lang naman sa pagbubuhat ng bahay nakikilala ang bayanihan, kundi sa kusang pagtulong sa kapwa, kahit na maliit at di gaanong pansin. Tulad ng pag-aabot ng bayad at sukli.

Naabutan ko na ang pamasahe sa dyip ay P0.30 lamang. Bago ako mangibang bansa noong 1988 ay P0.75 ang pamasahe. Pagbalik ko galing Japan noong 1989 ay piso na ang minimum na pamasahe. Hanggang sa maging dalawang piso, apat na piso, P5.50, maging otso pesos, maging otso-singkwenta, hanggang sa bumaba ito sa halagang P7.50 sa ngayon. Ngunit minsan, sa halagang P7.50 na minimum na pamasahe, hindi na naibabalik ang sukling singkwenta sentimos pag nagbayad ka ng P8.00. Mas mabuti pa ang magbigay ka ng buong P10.00 dahil minsan ay nasusuklian ka ng P2.50.

Ang dyip ay simbolo ng pagkamalikhain ng Pilipino, o yaong tinatawag na Filipino ingenuity. Ayon sa kasaysayan, nang nag-alisan ang mga Amerikano sa bansa matapos ang Ikalawang Daigdigang Digmaan (hindi Ikalawang Digmaang Pandaigdig), daan-daang surplus na dyip ang ibinenta o ipinamigay sa mga Pilipino. Inayos at ginawan ito ng bagong disenyo ng mga Pinoy, pinahaba upang marami ang makasakay at mailagay. Pinintahan nila ng sari-saring kulay at masining. Mula noon ay nakilala ang dyip bilang pangunahing pampublikong transportasyon dahil na rin sa kamurahan nito ng pamasahe at makararating ka na sa iyong paroroonan.

Ang dyip ay simbolo ng pagtitiwala sa kapwa. Di tulad ng bus na nagbibigay ng tiket pagkatapos magbayad at may inspektor pang nagti-tsek ng inyong tiket, sa dyip ay wala. Maliban sa mga malalayong biyahe, kadalasang wala ring konduktor sa dyip. Sasabihin mo lang sa tsuper, "Bayad, o", at tatanungin niya kung saan ka galing at saan bababa. Saka ka niya susuklian batay sa layo o bilang ng kilometrong iyong isinakay. Sa batas, ang minimum na pamasahe ay batay sa unang apat na kilometro. Pag lumampas doon ay magdadagdag ka ng kaukulang halaga batay sa bawat kilometrong dagdag sa iyong biyahe. Bukod pa roon, tinatandaan din ng tsuper kung sino na ang mga nakapagbayad, kaya nga marami sa kanila ay may mga nakasabit na paalala, bukod sa "Basta Driver, Sweet Lover", may nakasulat na "God Knows HUDAS Not Pay". Kaya nakakahiya kung mawawalan ka ng dangal dahil lang nag-1-2-3 ka o di nagbayad ng pamasahe.

Pag nasiraan naman ang dyip, ibabalik ng tsuper ang iyong ibinayad upang magamit mo sa iba pang dyip. Kahit walang nakasulat na dokumento, tila may usapan nang ganuon, dahil na rin sa prinsipyo ng pagkamakatarungan na taal na sa atin. Halimbawa, naplatan ng gulong ang dyip o nasira ang tambutso o baka mawawalan ng preno ngunit naitigil din, kusang ibabalik ng tsuper ang iyong ibinayad, at hihingin din naman ng mga pasahero ang kanilang ibinayad. Dahil kung hindi maibabalik, mag-aaway lamang sila. Hindi naman kasi kasalanan ng pasahero na masira ang kanyang sinasakyan.

May mga ruta rin ang dyip kung saan doon lang sa mga lugar na tinukoy ng batas ang kanilang daraanan sa pamamasada. Halimbawa, Balic-Balic - España o Lealtad - Quiapo. Hindi pwedeng umiba ng ruta. Kahit na minsan may nagsu-shortcut kung malapit lang upang makaiwas sa trapik. Bawal ang dyip sa EDSA kaya walang ruta ang dyip sa kahabaan ng EDSA, maliban kung sa panulukan lang ng EDSA, tulad ng biyaheng Edsa-Kalentong o Antipolo - Edsa Crossing.

Sa mga kalunsuran, tulad sa Maynila, bawal na ang sabit sa dyip. Ito'y ginawang patakaran upang maiwasan umano ang mga isnatser at maiwasan din ang mga sakuna. Minsan kasi, pag biglang preno ng dyip ay nakakabitaw ang mga nakasabit, at sila'y nadidisgrasya. Sa mga lalawigan ay maaaring mayroon pang sumasakay sa bubungan ng dyip, dahil sa kakapusan ng dyip sa lugar. Tulad na lang nang marating ko ang lalawigan ng Basilan sa Mindanao noong 1994, kasama ang Franciscan Missionary Union, sa aming dalawang linggong pakikipamuhay sa tribu ng mga Yakan at Muslim doon. Bihira kasi ang mga dyip doon, at mula sa Lamitan ay kailangan naming sumakay sa bubungan ng dyip upang makarating sa Tipo-tipo.

Ang mga tsuper ng dyip ay mga karaniwang manggagawa rin. Kayod-kalabaw sa init ng araw para lamang makapag-boundary o yaong halagang kinakailangang ibalik sa may-ari ng dyip, kung hindi ang tsuper ang may-ari at nakikimaneho lang bilang kanyang trabaho. Ang kikitain lampas sa boundary ang kita na ng tsuper. Halimbawa, sa isang walong oras na pamamasada, ang boundary ng dyip ay P500, at kumita siya sa buong panahong iyon ng P800, ang natirang P300 ang kanyang kita at maiuuwi sa kanyang pamilya. Sila'y mga tsuper na may karapatan din bilang mga manggagawa at bilang mga tao na dapat kilalanin ng lipunan.

Anupa't ang dyip ay isa nang simbolo ng pagkakakilanlan natin bilang Pilipino, at kasama na ito sa ating kultura at pang-araw-araw na buhay. Halina't sumakay na tayo ng dyip patungo sa ating pupuntahan.

Biyernes, Disyembre 14, 2012

Gawad mula sa Human Rights Online

Maraming salamat po sa gawad na ito mula sa Human Rights Online. Mabuhay kayo!

Maraming salamat po sa mga kumuha ng litrato.

Lunes, Nobyembre 19, 2012

Asignatura Hinggil sa Pagbabago ng Klima


Ito ang mga asignaturang aking ginawa para sa 3-araw na Trainors' Training on Climate Justice na isinagawa ng PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice) noong Nobyembre 17-19, 2012, sa tanggapan ng PMCJ sa Lungsod ng Quezon. - greg


Assignment No. 1
November 18, 2012


PAGBABAGO NG KLIMA SA ARENDA AT SA NAVOTAS
ni Gregorio V. Bituin Jr ng KPML-NCRR

Sa bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2008, kung saan ang ulang nagaganap ng halos isang buwan ay nagpalubog sa maraming panig ng Luzon sa loob lamang ng anim na oras. Isa na riyan ang Lupang Arenda na nasa Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal. Karatig ito sa Lawa ng Laguna. Sa pag-apaw ng tubig sa kalupaan ng Arenda, lumubog ang isang bahagi nito, ang Purok 8, at nawala na ito sa mapa.

Ang nangyaring Ondoy ay di gaanong nakaepekto sa Navotas. Di tulad noong naganap na bagyong Pedring noong Setyembre 27, 2011.

Noong 1990s hanggang bandang 2007, mababa ang lupa sa Navotas, sa bandang Brgy. NBBS, kung saan nakatayo ang tanggapan ng KPML mula noong Hulyo 2002, katabi ng tanggapan ng ZOTO. Mababa ang lugar na ito, kaya pag may ulan o bagyo, o kaya'y high tide, lubog ang malaking bahagi nito sa tubig. Kaya makikita ang mga taong sumasakay sa gawang balsang yari sa styrofoam. Panahon ng kampanyahan bago mag-eleksyon 2007, tinaasan ang mga lansangan sa daang Maya-maya, mas mataas sa lebel ng tubig. Kaya pag high tide o kaya'y tag-ulan ay hindi na bumabaha.

Ngunit noong 2011, naganap muli ang tila Ondoy na bagyo. Ang tanggapan ng KPML ay pinasok ng Pedring. Hanggang tuhod ang baha, at nabasa ang maraming gamit, tulad ng mga laptop at maraming papeles. Pedring ang unang bagyong nagpalubog sa tanggapan ng KPML.

Lumubog din ang mga lugar ng Daanghari, Sipac-Almasen, NBBS, at iba pang lugar sa Navotas. Nagdulot ito ng pagkawala ng maraming tahanan. Labing-isang basketball court ang ginawang evacuation centers. Bagamat sanay na sa bagyo ang mga tao rito, ang Pedring ang bagyong nagwasak sa maraming tahanan ng maralita.

Naganap ang Habagat noong Agosto 2012, ngunit naroon pa rin ang mga tao sa labing-isang evacuation centers, at hindi pa naililipat sa maayos na relokasyon. Lubog ang maraming bahagi ng Navotas, at pinasok din ng tubig ang tanggapan ng KPML. Ito ang bahang walang pangalan, dahil wala namang idineklarang bagyo. Tuloy-tuloy na ulang tikatik lamang ito, ngunit dahil sa hampas ng hanging habagat ay pinalubog ang maraming lungsod sa Kalakhang Maynila at karatig-lalawigan.


Assignment No. 2
November 19, 2012

KABABAIHAN AT PAGBABAGO NG KLIMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Malaki ang naging epekto ng pagbabago ng klima sa kababaihan. Sila kasi ang karaniwang naiiwan sa bahay, at tagapangalaga ng kanilang mga anak. Doble ang kahirapan, lalo na sa mga evacuation centers.

Nang lumubog ang Lupang Arenda sa Ondoy noong Setyembre 26, 2008, kung saan ang ulang nagaganap ng halos isang buwan ay nagpalubog sa maraming panig ng Luzon sa loob lamang ng anim na oras, isa ang Lupang Arenda na nasa Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal. Karatig ito sa Lawa ng Laguna. Sa pag-apaw ng tubig sa kalupaan ng Arenda, lumubog ang isang bahagi nito, ang Purok 8, at nawala na ito sa mapa. Dahil dito, 

Nitong Setyembre 27, 2011, sa panahon ng bagyong Pedring, lumubog ang maraming lugar sa Kamaynilaan, tulad ng Daanghari, Sipac-Almasen, NBBS, at iba pang lugar sa Navotas. Nagdulot ito ng pagkawala ng maraming tahanan. Labing-isang basketball court ang ginawang evacuation centers. Dito'y pawang mga kababaihan ang naging lider sa iba't ibang evacuation centers. Una, sila ang labis na naapektuhan, dahil ang pagtulog, pagmimintina ng masikip na espasyo sa ebakwasyon, pag-aalaga ng mga bata, pagluluto, ay sila ang pangunahing nagsasagawa.

Sa isa sa mga evacuation centers, muntik nang may magahasang isang ginang. May apat na naiulat na namatay sa magkakaibang evacuation center - isang matanda, isang bata, at dalawang kababaihan. Ilan sa kanila ay maysakit na, at dahil walang perang pampagamot ay di agad nalunasan ang kanilang karamdaman. Nawalan sila ng tahanan, pila-pila sa itinayong kubeta sa mga evacuation centers, at napakasikip doon.

Naranasan din nila na pinagbabato ng ilang residente ang mga evacuation centers dahil di na makapaglaro ang mga ito ng basketball. Isang taon nang mahigit mula nang manalanta ang bagyong Pedring ay naabutan pa rin sila doon ng Habagat. Ang mga hirap na dinaranas ng mga nanay nitong Habagat ay kasintindi rin ng ilan pang nagdaang bagyo.

Huwebes, Nobyembre 8, 2012

Paunang Salita sa aklat na "Paglalakbay sa Mae Sot"

Paunang Salita sa aklat na "Paglalakbay sa Mae Sot"

MGA TINIPAK NA KARANASAN

Mahalaga ang kwento ng mga karanasan. Sabi nga ng mga matatanda, bakit ka nagpunta sa lugar na kaylayo at anong napala mo roon? Kaya kailangang ikwento ano nga ba, di lang ang naganap, kundi ang layunin, ginawa at kinahinatnan ng isang malayong paglalakbay, sa ibang bansa pa. Natitipon sa aklat na ito ang bawat tipak ng karanasang inakda sa anyong patula, habang may mga sanaysay ding isinulat upang mas malaliman pang ibahagi ang mga danas at aral. Ito ang testamento ng mga karanasang iyon.

Apat na Pilipino kaming umalis sa bansa ng umaga ng Setyembre 15, 2012, nakarating ng hapon sa Bangkok, at nakarating sa bayan ng Mae Sot sa lalawigan ng Tak sa bansang Thailand ng madaling araw ng Setyembre 16, 2012. Namalagi roon hanggang Setyembre 25, 2012 ng gabi, nakarating sa Bangkok ng madaling araw ng Setyembre 26, at lumipad patungong Pilipinas noong Setyembre 27, 2012.

Bago pa lang umalis ng bansa patungong Mae Sot ay naghanda na ako ng tatlong kwadernong maliit at maraming panulat bilang paghahanda sa iniisip kong aklat na ito. Di kasi sapat ang isang gabi ng paghahanda para makapanghiram ng laptop at kamera, kaya tatlong maliit na notbuk na lamang ang dinala ko roon. Dumiskarte na lamang ako sa Mae Sot kung paano magkakaroon ng litrato. Ang mga naritong litrato ay kuha ng mga kasama sa tinuluyan kong tanggapan doon, ang YCOWA. Maraming salamat, YCOWA. Mabuhay kayo!

Ang mga tulang narito'y produkto ng buong lakbayin mula sa pag-alis sa bansa hanggang sa sampung araw sa Mae Sot, hanggang sa makabalik muli sa sariling bayan. Ang ilang  tulang nasimulan ko roon ay akin pang pinaunlad nang ako'y nakabalik na rito sa Pilipinas. Kailangang rebyuhin ang bawat tula bago ilabas sa aklat, at kinisin ang bilang ng mga taludtod at saknong, pati na ang maayos at angkop na tugmaan ng bawat tula.

Maaring turan ng ibang makatang nagpakulong ako sa tugma't sukat na siyang sinaunang gawi ng mga manunula noon, ngunit bawat tula'y sariling estilo ng inyong lingkod bagamat naniniwala akong napiit man ang mga saknong sa tugma't sukat ay malaya ang diwa ng makata. Pinag-ingatang malapatan ng makahulugang mensahe at diwa ang bawat katha upang malinamnam itong matikman ng sinumang babasa, bagamat mapait ang ilang mga taludtod.

Bawat tula'y pagninilay sa bawat aktibidad at lugar na aming napuntahan sa paglalakbay na ito. Gayunman, magkakahiwalay kaming apat ng tinuluyang mga tanggapan ng mga organisasyon ng mga aktibistang taga-Burma, kaya't ang ibang di ko napuntahan na napuntahan nila'y di ko na nagawan ng tula.

Sa pagsagawa ng aklat na ito'y iningatan kong huwag magbanggit ng pangalan ng mga aktibistang nakadaupangpalad namin doon dahil sa usapin ng kanilang seguridad, bagamat ang mga samahang kinabibilangan nila'y maliwanag kong tinukoy, na ang ilan dito'y ilegal sa loob ng kanilang bansa. Gayunman, pinangahasan kong isulat ang mga pangalan ng samahang iyon bilang patunay na minsan man ay nagkasama kami sa Mae Sot, na kami'y naging bahagi rin, sa munti mang panahon, ng kanilang pakikibaka para sa kalayaan at demokrasyang kanilang inaasam sa kanilang bansa.

Kung sakali mang may di magandang naisulat o taliwas sa paniniwala ng ilang mambabasa na marahil ay di nila ikatutuwa, ang hingi ko'y paumanhin. Ngunit bawat nakasulat ay pagninilay, paglalarawan at paninindigan nitong abang makata.

Panghuli, ang pagsasaklat ng mga tulang narito'y isang katuparan. Isang patunay na minsan man ay tumungo at namalagi ng sampung araw sa Mae Sot, isang araw sa Bangkok, at isang oras sa Burma ang apat na Pilipinong naniniwalang dapat magtulungan ang mga aktibistang Pilipino at taga-Burma sa pagpapalaya ng kani-kanilang bayan mula sa pagsasamantala.

Hindi ko inaasahang magustuhan ninyo ang bawat katha, ngunit inaasahan kong basahin nyo ang bawat tula’t sanaysay na narito upang inyong malasap ang tamis at pait ng mga karanasan at pakikibakang nakapaloob sa bawat katha. Mabuhay kayo!

GREGORIO V. BITUIN JR.
Nobyembre 7, 2012
Maynila, Pilipinas

Miyerkules, Oktubre 17, 2012

Ang IID at ang FBC-Phils

ANG IID AT ANG FBC-PHILS
ni Gregorio V.Bituin Jr.

Pormal kong nakadaupangpalad ang grupong Initiatives for International Dialogue (IID) noong 2008 nang maimbitahan ang samahang kinapapalooban ko sa pangkalahatang asembliya ng Free Burma Coalition-Philippines (FBC-Phils). Ang IID ang siyang gumagabay sa takbo ng FBC-Phils mula nang itayo ang FBC-Phils noong Oktubre 30, 1995. Ang IID naman ay itinatag noong 1988, dalawang taon matapos ang pagbagsak ng diktaduryang Marcos.

Ilang taon ko nang kasama ang FBC-Phils, di lang sa mga pulong, kundi sa mga rali sa lansangan para sa panawagang palayain ang Burma sa ilalim ng diktadura. Bilang kinatawan ng aming organisasyon sa steering committe ng FBC-Phils., naging interesado ako sa isyu ng Burma dahil nasa ilalim pa sila hanggang ngayon ng diktadura at batas-militar. 

Bilang mamamayang nakasaksi sa Rebolusyong Edsa noong ako'y bata pa (isinama lang ako ng tatay ko sa pamimigay ng pagkain kasama ang kanyang mga kasamahan sa Edsa), naisip ko paano ba tayo makakatulong sa isang bansang napailalim din sa diktadura.

Nang makilala ko ang FBC-Phils, isa ako sa naging aktibong kasapi nito, lalo na sa mga pagkilos sa harapan ng embahada ng Burma sa Makati, mula pa noong 2008. Isa sa kanilang mga kampanya ang 8888 faces, kung saan lumibot sila sa maraming lugar at organisasyon upang kunan ng litrato bawat isa ang mga sumusuporta sa kampanyang kalayaan ng Burma. Kailangang umabot ng 8,888 ang litratong nakunan nila at ilalagay sa internet.

Halina't baybayin natin kung ano nga ba ang dalawang samahang ito:


Ang Initiatives for International Dialogue

Mas nakilala ko ng husto ang IID nang makasama ako sa Peace Caravan ng Duyog Mindanao noong Nobyembre 2008 kung saan sila ang pangunahing nagsagawa ng nasabing aktibidad. Ngunit di IID ang nagtumining sa aking isipan kundi Duyog Mindanao, na siyang tawag nila sa buong aktibidad. Ayon nga sa aking aklat na “Bigas, Hindi Bala: 56 na Tula para sa Kapayapaan sa Mindanao", aking isinulat: "Isa ako sa mga mapalad na nakasama sa People’s Caravan for Peace and Solidarity na inilunsad ng Duyog Mindanao noong Nobyembre 21-28, 2008 mula sa lungsod ng Baguio hanggang sa lungsod ng Cotabato.”

Mayamang karanasan ang idinulot nito sa akin. Magandang pakiramdam dahil alam mong kabahagi ka ng isang marangal na layunin - ang layuning iparating sa mas maraming mamamayan na kinakailangan nang matigil ang digmaan sa Mindanao, at magkaroon na rito ng ganap na kapayapaan upang ang mga sibilyan, o mga bakwit, na naapektuhan ng digmaan, ay makapamuhay na ng normal at maayos. Ang “duyog” ay salitang Bisaya na ang ibig sabihin ay “pagkakaisa” o “solidarity” sa ingles. Ang nasabing aklat ang produkto ng walong araw na pagsama ko sa karabana. Nakalikha ako ng 56 na tula mula Nobyembre 21 hanggang Nobyembre 30, ang araw na nakaalis ako ng Davao, kung saan naroon ang pangunahing tanggapan ng IID. 

Sa loob ng matagal na panahon, matining sa akin na opisina lang ang IID, hanggang sa mabasa ko ang kanilang kasaysayan sa kanilang website. Kailangan kong magsaliksik upang malaman kung bakit itinatag ang IID dahil ako ang magiging kinatawan ng FBC-Phils at IID sa isang makasaysayang lakad - ang pagtungo sa Mae Sot, sa hangganan ng bansang Burma at Thailand.

Marahil nakilala ko na rin noon ang IID, bandang 1995, nang aktibo pa ako bilang opisyal ng Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan), dahil isa sa proyekto ng IID ang APCET (Asia Pacific Coalition on East Timor). Pero noong panahong iyon, mas kilala namin ang APCET kaysa IID, dahil sa isyung pagpapalaya ng EastTimor mula sa bansang Indonesia. Lumaya ang East Timor noong 1999.

Naghanda ako ng powerpoint presentation hinggil sa IID sa pagpunta ko sa Thailand. Sa gayon, malaman din ng mga kausap namin doon kung ano ang IID na kinakatawan ko roon, bukod pa sa FBC-Phils. Ano nga ba ang IID, at bakit sila Initiatives for International Dialogue? Nagsaliksik ako hinggil dito, at humalaw ng ilang paliwanag mula sa kanilang website. Ang IID ay isang samahang nagtataguyod ng seguridad ng tao, demokratisasyon at pagkakaisa ng tao-sa-tao. Nagsasagawa ito ng adbokasya at kampanya sa Burma, Mindanao, Timog Thailand, Kanlurang Papua, at Silangang Timor. Inaadhika ng IID ang isang daigdigang pamayanan na sustenable, makatarungan, at mapayapa, kung saan ang mga tao (babae, lalaki at bata) ay namumuhay ng pantay at laging dinadaan sa talakayan ang anumang balakin at suliranin, tungo sa paggalang at pagkilala sa buhay ng bawat isa. 

Nagsisikap ang IID na maging pangunahing institusyon ng adbokasya at pagkakaisa sa rehiyon, na nagtataguyod ng internasyunalismo, kapayapaan, at pakikipagtalakayan ng tao sa tao, bilang suporta sa nais ng sambayanan. Itinatag ito noong Agosto 1988 sa Maynila, at lumipat sila sa Lungsod ng Davao noong 1996, sa panahong isinasagawa ang proyektong BIMP-EAGA (Brunei-Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area) ng apat na bansang nabanggit. Ang Davao ang siyang sentro ng proyektong ito.

Napakalawak ng sakop ng IID, at kulang ang ilang pahinang artikulong ito para doon. At marahil, sapat na ang aking ibinahagi upang kahit papaano'y makilala natin ang isang organisasyong nagnanais tumulong sa iba't ibang bansang may suliranin sa kanilang pamahalaan, at maging bahagi ang taumbayan tungo sa kanilang paglaya at pagbabago ng sistema. Mangyaring dalawin ang www.iidnet.org para sa mga dagdag na impormasyon hinggil sa IID.

Maraming salamat, IID, sa mga ibinigay nyong pagkakataon sa tulad kong abang makata at pultaym na aktibista. Di ko ito malilimutan. Mabuhay kayo! 


Ang FBC-Phils at ang mga Kampanya nito

Itinatag ang FBC-Phils. noong Oktubre 30, 1995 sa Maynila bilang isa sa mga kampanya ng IID. Mula nang makasama ako sa FBC-Phils, naging madalas na ang pagpunta namin noon sa Makati sa may embahada ng Burma upang magrali. May mga dala kaming bandila ng organisasyon, mga plakard, at ang aming mga gimik para sa media. Kadalasan, lumalabas ang balita sa internasyunal.

Nang makilala ko ang FBC-Phils, isa ako sa naging aktibong kasapi nito, lalo na sa mga pagkilos sa harapan ng embahada ng Burma sa Makati, mula pa noong 2008.

Sa ngayon, binibigyang-diin ng FBC-PHILS ang usapin ng karapatang pantao sa Burma sa pamamagitan ng mga panawagang "Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal sa Burma", ang kampanyang 3F (freedom of expression, freedom of assembly, freedom of association) o kampanya para sa kalayaan sa pamamahayag, kalayaan sa pagtitipon, at kalayaan sa pagtatayo ng mga samahan. Nariyan din ang kampanya ng pakikipagkaisa hinggil sa usapin ng karahasan sa kababaihan, pagsuporta sa pakikibaka ng mga katutubo o etnikong nasyunalidad sa Burma, tulad ng Kachin at Rohingyas, pakikipagkaisa sa mga manggagawa hinggil sa usapin ng sapilitang paggawa (forced labor).

Hinggil sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal, pinapanawagan ng FBC-Phils na palayain na ang mga natitirang bilanggong pulitikal sa Burma bilang hamon sa demokratikong integridad ng kasalukuyang pamahalaan. Ang hamong ito'y dapat igiit sa bagong parlyamento at sa bagong tatag na National Human Rights Commission (NHRC) upang magsagawa ng mga mekanismo hinggil sa karapatang pantao at paglikha ng mga batas at patakarang magtatanggol at magtataguyod sa karapatan ng mga bilanggong pulitikal at karapatan ng lahat. Nangangampanya rin ang FBC-Phils laban sa Seksyon 401 ng Kodigo ng mga Alituntuning Pangkrimen (Criminal Procedure Code) ng Burma na nagsasaad na ang mga bilanggong pulitikal na pinalaya na ay maaaring hulihin muli at inaatasang bunuin ang natitira pang mga taon ng dati nilang mga kaso sa anumang paglabag sa mga umiiral na batas.

Ipinapanawagan din ng FBC-Phils na pangunahan ng pamahalaan ng Pilipinas sa ASEAN na igiit sa Burma na mahigpit na tumalima sa mga pandaigdigang batas, kaugalian at pagtanggap sa mga umiiral na pamantayan sa daigdig. Dagdag pa rito'y ang pagkampanya upang repasuhing muli ang Saligang Batas ng 2008 ng Burma upang matiyak na ang mga karapatang pantao'y nakaukit at masasalamin sa mga batayang batas ng bansa, at panawagang ibasura na ang mga batas na mapanupil. Dapat na ring maratipika ng Burma ang Pandaigdigang Pahayag sa Karapatang Pantao.

Sa usaping kababaihan, sinusuportahan at itinataguyod ng FBC-Phils sa loob at labas ng Burma ang pag-unawa sa mga suliraning tulad ng karahasan sa kababaihan. Sinusuportahan nila ang pagpapatupad sa Resolusyong 1325 ng United Nations Security Council (UNSC) na nagmamandato sa mga kasapi ng United Nations na isangkot ang mga kababaihan sa lahat ng antas ng pagsasagawa ng pasiya hinggil sa isyu ng kapayapaan at seguridad. Sinusuportahan din ng FBC-Phils ang pagpapatupad sa Resolusyong 1820 ng UNSC na nag-uugnay sa karahasang sekswal bilang taktika sa digmaan sa pamamagitan ng pagpapanatili ng pandaigdigang kapayapaan at seguridad.

Hinggil naman sa antas-ASEAN, ikinakampanya ng FBC-Phils na itulak ang ASEAN at mga kasaping bansa nito na obligahin ang Burma upang magkaroon ito ng "benchmark" para sa reporma at masubaybayan ang takbo nito. 

Nais din nilang maimpluwensyahan ang ASEAN na mahigpit na makipag-ugnayan sa mga kilusang pagkakaisa (solidarity movement) sa pagkampanya para sa isang tunay na pambayang pakikipag-usap sa Burma. Ipinapanawagan din nilang pagtuunan ng pansin ang lahat ng seryosong pagsuway ng Burma sa mga dokumentong pinagkasunduan sa ASEAN (ASEAN charter).

Hinggil naman sa mga proyektong pangkaunlaran sa Burma, kung saan tingin nila'y "ang kaunlaran ay nangangahulugan ng paglabag sa karapatang pantao", ikinakampanya ng FBC-Phils na dapat labanan ang mga proyektong pangkaunlarang nakapag-aambag sa mga paglabag sa karapatang pantao sa Burma, at mangampanya laban sa mga kumpanya at kalakalang hindi tumatalima sa pandaigdigang pamantayan sa paggawa sa Burma. Nais din nilang igiit sa ASEAN at sa mga kasaping bansa nito, lalo na sa bagong pamahalaan sa Burma at sa iba pang may kinalaman dito, na subaybayan at iulat ang pagsasasagawa ng mga proyektong pangkaunlaran sa Burma at ang panlipunang pananagutan ng mga korporasyon sa usaping ito.

Mabibigat ang mga balakin ng FBC-Phils, ngunit kailangang gawin, pagkat bilang samahang nakikibaka sa bahaging ito ng daigdig para sa demokrasya sa Burma, kailangan nating kumilos at sumuporta upang ang tunay na pagbabago sa Burma ay makamit ng kanyang mamamayan. Maliit man ang ating maiambag ay makadaragdag na rin upang makamit ang inaasam na paglaya ng mamamayan ng Burma mula sa diktadurya, at makamit ang isang pamahalaang tunay na kumakalinga sa kanyang mamamayan, at gumagalang sa karapatang pantao ng bawat isa. Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa FBC-Phils., pakibisita ang http://fbc-phils.blogspot.com/.


Ilang Pagninilay

Magpapatuloy pa rin ang inyong abang lingkod sa pakikipag-ugnayan sa FBC-Phils at IID hanggang sa maitayo ng mamamayan ng Burma ang tunay na lipunang mapagkalinga at may pagkakapantay-pantay. 

Mabuhay ang Free Burma Coalition-Philippines! 

Mabuhay ang Initiatives for International Dialogue (IID), at nawa'y hindi sila tumigil sa pangangampanya alang-alang sa ikabubuti ng kalagayan ng ating mga kapatid sa Burma. 

- Oktubre 17, 2012, Lungsod Quezon

Martes, Oktubre 16, 2012

Tula kina JR at DASSK


TULA PARA KINA GAT JOSE RIZAL AT DAW AUNG SAN SUU KYI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong ulit kong binasa sa Mae Sot, sa harap ng mga taga-Burma, ang isang tulang ginawa ko noong 2010. Ang una'y noong unang gabi namin sa Mae Sot, sa tanggapan ng DPNS (Democratic Party for New Society). Ang ikalawa'y noong Setyembre 18, 2012, nang maging panauhin kami sa DPNS School, na binasa ko sa harap ng maraming mag-aaral. Ang ikatlo naman ay pagkatapos ng aking pag-uulat at pagtatasa sa harapan ng mga kasapi ng Yaung Chi Oo Workers Association (YCOWA) noong Setyembre 25, 2012. Iyon ang huling araw ko sa tanggapan ng YCOWA, na siyang naging tahanan ko sa loob ng sampung araw na naroon ako sa Mae Sot. Ang una't ikalawa'y binasa ko sa sariling wika habang isinasalin ito sa wikang Ingles ng isa sa mga kasama kong Pilipino sa Mae Sot, si Sigrid. Sa ikatlo'y ginawan ko na ng sarili kong pagsasalin sa wikang Ingles, na isinama ko sa isang powerpoint presentation na ginawa ko para sa pamunuan at kasapi ng Yaung Chi Oo.

Si Gat Jose Rizal ang kinikilala sa ngayon na pambansang bayani ng Pilipinas. Ipinanganak siya noong Hunyo 19, 1861 at binaril sa Bagumbayan noong Disyembre 30, 1896. Si Daw Aung San Suu Kyi ang siyang itinuturing sa ngayon sa Burma bilang simbolo ng pakikibaka para sa kalayaan at demokrasya ng kanyang bansa. Ipinanganak siya noong Hunyo 19, 1945. Siya rin ang tumatayong pinuno ng partidong National League for Democracy (NLD) sa Burma. Ilan sa mga natanggap niyang gawad-karangalan ay ang Sakharov Prize for Freedom of Thought (1990), Nobel Peace Prize (1991), Jawaharlal Nehru Award for International Understanding (1992), International Simón Bolívar Prize (1992), at Wallenberg Medal (2007).

Napansin ko ang pagkakatulad ng kanilang kapanganakan dahil nagsagawa ng isang pagkilos ang Free Burma Coalition-Philippines (FBC-Phils) sa harap ng embahada ng Burma sa Makati upang batiin si Daw Aung San Suu Kyi at ipagdiwang ang kanyang kaarawan., kasabay ng pagdiriwang din ng bansa sa kaarawan ni Gat Jose Rizal. Nang panahong iyon ay naka-house arrest pa si Daw Aung San Suu Kyi, at isa sa kampanya namin para mapalaya siya ay ang haranahin siya kasabay ng kanyang kaarawan.

Dahil dito’y naisipan ko silang handugan ng isang tula. Ang nasabing tula ay binubuo ng labing-apat na pantig bawat taludtod at may tugmaan ang apat na taludtod sa bawat saknong. 

Halina't ating namnamin ang tulang alay para sa dalawang sagisag ng pagpapalaya ng kanilang bayan:

KINA RIZAL AT AUNG SAN SUU KYI
14 pantig bawat taludtod

dalawang bayani sa puso ng mamamayan
na nagpakasakit para sa kinabukasan
ng bayang kanilang pilit ipinaglalaban
upang makamit ng bayan yaong kalayaan

ang una'y pinaslang noon ng mga Kastila
siyang bayaning lumaban sa mga kuhila
ang ikalawa'y ikinulong sa kanyang bansa
ng gobyernong diktador na tila walang awa

hunyo labingsiyam nang isilang kayong ganap
at para sa bayan, para kayong pinagtiyap
parehong bayaning pawang laya itong hanap
nawa laya ng bayan ay atin nang malasap

sa inyong dalawa, bayaning Rizal at Suu Kyi
maligayang kaarawan ang aming pagbati
nawa bayan nyo’y lumaya sa dusa’t pighati
at maling pamamahala'y di na manatili

Hunyo 19, 2010
Sampaloc, Maynila

Ito naman ang aking pagkakasalin sa wikang Ingles ng nasabing tula upang mas maunawaan ito ng ating mga kasamang taga-Burma.

For Rizal and Aung San Suu Kyi
(for their birthday on June 19)
translated from Filipino by the poet himself

Both heroes in the hearts of the people
Who sacrificed for the future
Of the country they are fighting for
So the people have their freedom

The first was killed by the Spanish
A hero who fights the foreign traitors
The second was jailed in her country
By the dictatorial regime without mercy

They were both born on June nineteen
For their country, they are like twins
Both are heroes who want freedom
We hope freedom now will be achieved

For you two, Rizal and Suu Kyi
Happy birthday is our greetings
Hope both country be free from oppression
And wrong system will be abolished

June 19, 2010
Manila, Philippines

Martes, Oktubre 9, 2012

Ang mga Migranteng Manggagawa sa Mae Sot at ang YCOWA

ANG MGA MIGRANTENG MANGGAGAWA SA MAE SOT AT ANG YCOWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakarating kaming apat na Pilipino sa tanggapan ng Yaung Chi Oo Workers Association (YCOWA) Development Center, Setyembre 18, 2012. Dito rin ako pansamantalang tumuloy habang ako'y nasa Mae Sot.

Ang mga talang naririto'y batay sa sinipi kong datos mula sa powerpoint presentation ng tagapagsalita ng YCOWA. Binalikan ko ang aking kwadernong kinatatalaan ng mga ito.

May siyam na kampo ng mga nagsilikas (refugee camps) sa kahabaan ng hangganan ng Thailand at Burma, na umaabot ng 140,000 katao.

Mayroong 150,000 migranteng manggagawang taga-Burma sa Mae Sot. Mayroong mahigit 250 pabrika ng tela't kasuotan sa Mae Sot at mayorya sa mga manggagawang taga-Burma ay nagtatrabaho sa mga pabrikang ito. Karamihan sa kanila'y nagtatrabaho ng mula ikawalo ng umaga hanggang ikasiyam ng gabi (8am-9pm), kung saan nakakatanggap lamang sila ng 65 Baht hanggang 80 Baht isang araw. Napakababa ng pasahod. May bawas pa ang sweldong ito para sa seguridad at bayad-akomodasyon. Ang mga manggagawa sa konstruksyon ay nakatatanggap ng 120 Baht hanggang 150 Baht sa isang araw. Ang mga manggagawa naman sa agrikultura ay nakatatanggap ng 100 Baht hanggang 120 Baht sa isang araw.

Kitang-kita na agad sa mga pasahod na ito na nilalabag ang kanilang karapatang pantao bilang manggagawa. Sa batas ng Thailand, ang inanunsyong batayang pasahod (minimum wage) sa Mae Sot ay 226 Baht para sa isang araw, walong oras ng paggawa. Sa Chang Mai, ang batayang pasahod ay 281 Baht, sa Bangkok ay 300 Baht, sa Phuket ay 300 Baht at sa Ranong ay 250 Baht.

Ang kalagayan ng manggagawa sa mga pabrika ay mahabang oras paggawa, mababang pasahod, at walang araw ng pahinga (no holiday). May mga patrabaho sa mga bata (child labor) sa mga pabrika ng pagpipino (refining factories). Dinudurog ang mga welga, nagtatrabaho ng 20 oras sa bawat araw. At ang rurok ng kanilang produksyon ay tuwing Enero at Abril.

Ginagamit ng mga kapitalista ang mga manggagawang hindi dokumentado dahil mas madali silang abusuhin. Kaya imbes na magbigay ng tamang sweldo batay sa batayang pasahod, tubo ng tubo talaga ang mga kapitalista. Kinakailangan ng manggagawang humanap ng isang ligtas na lugar, at ang iba'y nagtatago sa kagubatan. Ang ilang manggagawa umano'y nasa IDC (Immigration Detention Center).

Dahil dito'y itinatag ang Yaung Chi Oo Workers Association (YCOWA). Ang ibig sabihin ng Yaung Chi Oo ay "bagong bukangliwayway" o "new dawn". Ang kanilang misyon ay himukin ang mga migranteng manggagawang taga-Burma na organisahin ang kanilang mga sarili upang magsagawa ng kolektibong aksyon para proteksyunan at maipagtanggol ang kanilang mga karapatan; mapatibay ang panlipunang ugnayan at pagkakaisa ng mga migranteng manggagawa mula sa Burma; ang magbigay ng mga payong ligal, pag-aaral sa karapatan at pagsasanay na bukasyunal, pangangalaga sa kalusugan at batayang serbisyo; at tumulong sa paglahok ng mga manggagawa sa kilusan para sa demokratikong pagbabago sa Burma.

Ang YCOWA ay may Day Care Center, may Mobile Medical Team, Mobile Clinic, at paaralang Sky Blue School.

Mula 2002-2011, o sampung taong singkad, natulungan ng YCOWA, kasama pa ang isang foundation, ang 2,113 manggagawa sa 157 kaso, at naipanalo ang 11,613,749 Baht bilang bayad-pinsala sa mga manggagawa sa pamamagitan ng prosesong ligal sa batas ng Thailand. Nakatanggap ang YCOWA ng Gawad Katarungan at Kapayapaan (Justice and Peace Award) mula sa Timog Korea noong 2004.

Ayon pa sa YCOWA, mula pa noong 1967 ay ipinagbawal na ang pag-uunyon sa Burma. Dagdag pa nila, upang mawakasan ang pagdurusa ng mga tao, dapat na magkaroon ng demokratikong pagbabago sa Burma.

Sa pagtatapos ng paliwanag ng tagapagsalita ng Yaung Chi Oo, nanood kami ng isang 25-minutong dokumentaryo hinggil sa kalagayan ng mga migranteng manggagawang taga-Burma sa loob ng Thailand, partikular sa bayan ng Mae Sot. Isinalaysay doon ng mga nakapanayam na manggagawa ang kanilang hirap na kalagayan sa pagtatrabaho. Pati ang pagkamatay ng 54 na migranteng manggagawang nasawi sa nakasusulasok na usok (suffocation) sa loob ng isang malaking trak. Nahuli at nakulong ang tsuper ng trak, at nagbayad ng malaki ang kumpanya sa pamilya ng mga namatay.

Nagtanungan, nagtalakayan, at nagkapalitan ng kuro-kuro matapos ang palabas. Nagkaroon din umano ng panukalang batas sa parlyamento ng Thailand na ang mga buntis na babaeng taga-Burma ay dapat nang bumalik sa kanilang bansa upang wala nang ikalawang salinlahi ng mga taga-Burma sa Thailand. Ito'y ayon mismo sa Punong Ministro ng Thailand.

Sa ngayon, nangangailangan umano ang Thailand ng 500,000 migranteng manggagawa, at ang kinukuha nila'y mga manggagawa mula sa Laos, Cambodia at Burma. At ang mga kapitalistang Thai ay nagtatayo ng pabrika sa Burma dahil mas mura ang lakas-paggawa roon.

Matapos ang talakayan ay nagpaalaman kami, at nagtungo sa DPNS School. Bumalik ako kinagabihan sa YCOWA upang matulog. Sa aking pagninilay kinagabihan sa tulugan ay muling naglaro ang aking diwa't isinulat ang ilang tula bilang bahagi ng aking repleksyon sa naganap ng araw na iyon.

Para sa karagdagang kaalaman hinggil sa YCOWA, mangyaring bisitahin ang kanilang blog sa ycowaeng.blogspot.com/. Mabuhay ang pamunuan at kasapian ng YCOWA! Isang taas-kamaong pagpupugay!

- sinulat sa Lungsod Quezon, Oktubre 8, 2012

Lunes, Oktubre 8, 2012

Pagdalaw sa Kilalang "Mae Tao Clinic"


PAGDALAW SA KILALANG "MAE TAO CLINIC"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Setyembre 18, 2012. Umaga. Ito ang una naming pinuntahan. Kilala ang Mae Tao Clinic (MTC) sa Mae Sot sa pagtulong nito sa kalusugan at pagbibigay-lunas sa mga mamamayang nagsilikas sa Burma, lalo na yaong mga nabiktima ng mga landmine at mga maysakit. Nakadaupangpalad namin ang isa sa mga tagapangasiwa nito, at nakausap siya ng may dalawampung minuto. Nagtanong ang aming mga kasamahan hinggil sa gawain ng klinika at nagkatalakayan. Binigyan din kami ng isang 24-pahinang makulay na magasing ang pamagat ay: Mae Tao Clinic - Annual Report 2011.


Nang dumalaw kami doon, wala si Dr. Cynthia Maung, ang direktor ng Mae Tao Clinic at tagapagtatag nito, pagkat naroon umano siya sa Amerika upang tanggapin ang NED 2012 Democracy Award, kung saan naroon din ang kilalang simbolo ng demokrasya sa Burma na si Daw Aung San Suu Kyi. Ang NED ay National Endowment for Democracy.

May tatlongdaang (300) pasyenteng nagpapagamot sa kanila bawat araw. Marami silang inaalagaang sanggol, na umaabot umano ng tatlong libo, na pawang mga anak ng mga taga-Burmang manggagawa at migrante. Marami silang nagagamot na sakit, tulad ng malaria, hika, ulser, diyabetes, beriberi, chronic diseases, pneumonia, at UTI (urinary tract infection). Gayunman, ayon sa aming nakausap dito, hindi ginagamot sa klinikang ito ang TB (tuberculosis), kaya kinakailangang bumalik sa Burma ang mga pasyenteng maysakit nito.

Mas abante pa ang Pilipinas kaysa Mae Tao Clinic dahil nagagamot na rito ang TB, na siyang dahilan ng kamatayan ni dating Pangulong Manuel Quezon noong Agosto 1944. Gayunman, mas abante ang Mae Tao Clinic kaysa Pilipinas dahil napakaaktibo ng kanilang Reproductive Health (RH) department, samantalang ang Pilipinas ay nakabinbin pa ang RH Bill, at hindi pa naipapasa bilang batas.

Isang Pilipinong nagngangalang Dr. Jerry Ramos umano ang nagsilbi rito sa MTC ng pitong taon. Ang karamihan ng manggagawa ng MTC ay walang pasaporte, at maaari din silang magtrabaho sa ospital. Ayon sa kanilang ulat sa magasin, ang mga nagtatrabaho sa MTC ay 326 ang lalaki at 334 naman ang babae.

Nakapaskil sa isang dingding papasok sa kanilang tanggapan na nangangailangan ang MTC ng 18M Baht o nagkakahalaga ng US$600,000 mula sa donasyon.

Matapos naming makausap ang isa sa mga tagapangasiwa nito ay nilibot namin ang klinika. Napakaraming pasyente rito. Dinaanan namin ang Birth Registration Center, ang Library, ang Accupressure Clinic at Dental Clinic. Sa kalagitnaan ng aming paglilibot ay nabasa namin ang nakapaskil sa dingding na "No spitting of betel nut on the ground. Spitting spreads disease. Please split in a plastic bag or a bin." Mahilig kasing ngumuya ng nganga ang mga taga-Burma, at dahil kung saan-saan lang nila ito nilulura, kailangan pa silang paalalahanan ng klinika na lumura lamang sa isang plastik o basurahan at hindi sa kung saan-saan.

Dinaanan din namin ang Mental Health Counselling Center, ang Medical IPD, ang paanakan, at Surgical Department. Pinasok namin ang Prosthetic Workshop, kung saan ginagawa dito ang mga pampalit sa mga naputol na binti at bisig. May mga lathe machine dito. Sumunod na pinuntahan namin ang Volunteer Counselling Center, ang Health Information Center, ang Reproductive Health Out-Patient Department, ang Patient Registration Center, at ang laboratoryo. Meron din silang Child Recreation Center para sa mga alagang bata sa Mae Tao Clinic. Nakita rin naming nakapaskil ang Burma Children Medical Fund.

Matindi ang kasaysayan ng Mae Tao Clinic. Noong 1988, nang marahas na sinupil ng namumunong huntang militar ng Burma ang kilusan ng bayan para sa demokrasya, na nagdulo sa Pag-aalsang 8888, isa si Dr. Cynthia Maung sa mga taga-Burmang lumikas sa hangganan ng Burma patungong Thailand at sa Mae Sot ay itinatag niya ang ang klinikang ito upang gamutin ang mga sugat ng mga kapwa niya lumikas (refugee) upang takasan ang mapanupil na pamahalaan. Sa taon din iyon ay inalagaan at ginamot sa klinika ang may dalawang libong katao. Mula noon ay nagpatuloy ang klinika sa gawain nitong mga kababayang nangangailangan ng atensyong medikal. Hanggang sa lumawak pa ang klinikang ito at nagbigay na sila ng malawak na serbisyong pangkalusugan, serbisyong panlipunan, pagsasanay at edukasyong pangkalusugan, at proteksyon sa mga bata.

Para sa karagdagang impormasyon hinggil sa Mae Tao Clinic, mangyaring bisitahin ang kanilang website sa www.maetaoclinic.org.

Mabuhay ang Mae Tao Clinic, at sana’y magpatuloy pa sila sa kanilang dakilang gawain para sa kapwa. Pagpupugay para sa lahat ng bumubuo ng Mae Tao Clinic!

- Oktubre 7, 2012, Lungsod Quezon

Sabado, Oktubre 6, 2012

Munting Tala sa Pagbisita sa Ilang Samahan sa Mae Sot


MUNTING TALA SA PAGBISITA SA ILANG SAMAHAN SA MAE SOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ilang mga samahan para sa pagpapalaya ng Burma ang aming pinuntahan. Una naming pinuntahan ang tanggapan ng DPNS (Democratic Party for New Society) noong Setyembre 16 ng gabi, kung saan nakipagtalakayan kami hinggil sa DPNS at YNS (Youth for New Society). Kinabukasan ng umaga'y bumalik kami doon kung saan tinalakay ng isang kasama ang hinggil sa kanilang organisasyon. Tinalakay din ang aming mga iskedyul sa mga darating na araw. Setyembre 18 at 19, tigaapat na organisasyon o lugar ang aming pupuntahan. At nang hapon ng Setyembre 17, kaming apat na Pilipino'y pinadala na sa apat na organisasyong siyang sasalo sa amin doon. 

Setyembre 18. Pinuntahan namin ang BWU (Burmese Women's Union), ang SYCB (Students and Youth Congress of Burma), ang YCOWA (Yaung Chi Oo Workers Association), kung saan ako tumutuloy, at ang DPNS School.

Setyembre 19. Pinuntahan namin ang sikat na Mae Tao Clinic, ang CDC (Children's Development Center, at napadaan lamang kami sa New Society Learning Center na di kasama sa iskedyul. Bandang hapon naman ay nagtungo kami sa AAPP (Assistance Association for Political Prisoners) at sa FDB (Forum for Democracy in Burma). Anu-ano nga ba ang mga layunin ng mga organisasyong aming pinuntahan? Iisa-isahin ko sa artikulong ito. Gayunman, binukod ko ng artikulo ang YCOWA at Mae Tao Clinic, dahil sa maraming mga usapin. Binalikan ko ang mga tala sa aking munting kwaderno.

Itinatag ang DPNS noong Oktubre 14, 1988, nang sampung lider-estudyante't kabataan. Isa sila sa malakas na kilusang estudyante't kabataan nuong panahong iyon. Naorganisa nila ang may 200 lider-estudyante sa iba't ibang panig ng bansa, at umabot sila sa kasapiang 200,000. Sa ngayon, ang DPNS ang ikalawang pinakamalaking partido, batay sa laki ng kasapian at popularidad. Sinuportahan nila ang NLD (National League for Democracy) na siyang partido ng kilalang si Daw Aung San Suu Kyi.

Inoorganisa ng DPNS ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan at kababaihan, at ang kanilang batayang ideolohiya ay manindigan para sa mga inaapi at di pinapansin ng lipunan. Ang kanilang watawat ay kulay pulang parihaba na may apat na bituin na magkakapatong, na sumasagisag sa manggagawa, magsasaka, petiburgis at makabayang kapitalista. Ang kanilang pamamaraan ay sa pamamagitan ng kapayapaan, pambansang pagkakasundo at katarungang panlipunan. Hinahangad nilang mapalitan ang rehimeng militar at diktaduryal ng isang demokratikong sibilyang pamahalaan. Isinasapraktika nila ang isang panloob na demokrasya, at hinahangad nila na magtatag ng isang unyong pederal sa Burma. 

Ang YNS naman ay dating DPNS-Youth. Itinatag ito para magkaroon ng mas malaking bahagi ang mga kabataan sa pulitika, at makamit ang kalayaan, pagkakapantay at pagkakaisa ng mga mamamayan ng Burma. Itinatag ang DPNS-Youth noong 2002, muling nireorganisa noong 2005 bilang Youth Affairs Working Group. At nitong ika-3 ng Pebrero, 2012, sila'y naging YNS (Youth for a New Society). Isa na silang independyenteng samahan ng kabataan na kaisa ng DPNS.

Ang BWU ay samahang pangkababaihan na binubuo ng mga aktibistang pulitikal, mga mag-aaral, na nagtungo sa mga hangganan ng Burma sa mga bansang Thailand, Tsina, India at Bangladesh. Itinatag ito noong 1995 ng isang pangkat ng mga kababaihang mag-aaral upang ipaglaban ang karapatan ng mga kababaihan at maglaan ng kinakailangang suporta sa mga kababaihan sa mga kampo ng nagsilikas sa mga hangganan.

May sangay sa ibang bansa ang BWU, tulad ng Japan, Canada, Sweden, US at Norway. May tatlo silang layunin. Una, makapag-ambag ng malaki ang mga kababaihan sa pagbaka para sa demokrasya, karapatang pantao at sa pagtatatag ng isang tunay at demokratikong unyong pederal. Ikalawa, pagtataguyod ng pagtanggap at pagkilala ng karapatan ng kababaihan sa lipunang Burmes na kasabay ng daigdigang pamantayan. Ikatlo, magamit ang kakayanan ng kababaihan sa pagtatatag ng isang mapayapa at matagalang pag-unlad ng lipunan sa hinaharap.

Layunin naman ng SYCB (Students and Youth Congress of Burma) na mapatibay pa ang kakayanan ng mga samahang pangmag-aaral at pangkabataan sa Burma, mapalawak ang pagkakaunawaan at pagtutulungan ng mga samahan sa kanilang paglaban sa rehimeng militar, at magkaroon ng pagkakaisa ang iba't ibang samahan ng kabataan at mag-aaral para sa pagtatatag ng unyong pederal ng Burma sa hinaharap. Itinatag ang SYCB noong 1996 bilang organisasyon ng labinlimang samahang pangkabataan at pangmag-aaral. Nakabase sila sa hangganan ng Burma sa Thailand at India.

Dinalaw namin ang CDC (Children's Development Center) nang sumunod na araw. Tumungo muna kami sa Klinikang Mae Tao bago pumunta rito. Ang CDC ay itinatag ng Klinikang Mae Tao noong 1995 upang tiyakin ang mga pangangailangan sa pag-aaral ng mga anak ng mga manggagawang nagtatrabaho sa klinika. Nagsimula ito bilang munting paaralan ng mga anak ng nagtatrabaho sa klinika, ngunit sa kalaunan ay tumanggap na rin ng mga mag-aaral na pawang mga anak ng migranteng Burmes.  Layunin ng CDC na magbigay ng dekalidad na edukasyon sa mga batang Burmes at lumad. Noong 2007 ang CDC Primary School at Mae Tao High School ay pinagsama na sa ilalim ng isang pamamahala. 

Bago kami mananghalian, dumaan kami sa NSLC (New Society Learning Center) kung saan nag-aaral ang mga batang nasa edad lima hanggang anim. Itinayo ito noong 2002. May pananghalian ang mga bata na inilalaan ang paaralan. Maliit lamang ang paaralang ito na may dalawang palapag, at tila inupahang apartment.

Bandang hapon, dinalaw namin ang tanggapan ng AAPP (Assistance Association for Political Prisoners). Isa itong samahan sa karapatang pantao na nakabase sa Mae Sot, at nakikibaka para mapalaya ang lahat ng bilanggong pulitikal sa Burma at magkaroon ng mas makatao at mas maayos na kalagayan sa loob ng bilangguan. Itinatag ito noong 2000, at pinatatakbo ng mga dating bilanggong pulitikal. Merong museyo rito, kung saan naroon ang mga litrato ng mga bilanggong pulitikal na nakakulong pa rin, habang sa kabilang banagi nito'y ang mga litrato ng mga naging bilanggong pulitikal na ngayon ay nakalaya na. Sa gitna ng museyo ay may maliit na istraktura ng isang kulungan sa loob ng Burma. Ayon sa AAPP, may 514 na bilanggo, kabilang ang 19 na bilanggong pulitikal, ang pinalaya nitong ika-17 ng Setyembre, 2012. Dagdag pa nila, mula noong 1988, umabot na sa 144 na bilanggong pulitikal ang namatay sa bilangguan.

Nakikipag-ugnayan ang AAPP sa mga samahang tulad ng AI (Amnesty International) at HRW (Human Rights Watch). Ikinakampanya nila ang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal nang walang anumang kondisyon. Nais din nilang matanggal ang Sek. 401 ng Burmese Criminal Procedure Code, na nagsasaad na ang mga bilanggong pulitikal na muling nagkasala ayhuhulihin, ikukulong at bubunuin ang dating sentensya.

Nagbibigay ang AAPP ng edukasyon at tulong pananalapi sa pamilya at mga anak ng mga bilanggong pulitikal. Sa ngayon, nangangalap ng pondo ang AAPP sa pamamagitan ng Prisoners of Conscience Appeal Fund. Bago kami umalis sa lugar na iyon, bumili kami ng berdeng t-shirt na nagkakahalaga ng 200 Baht. Nakatatak sa t-shirt ang logo ng AAPP sa gawing taas ng kanang bahagi, habang sa gitna nito ang mga katagang “The Role of Political Prisoners in the National Reconciliation Process” na nasa ibabaw ng drowing na rehas at may dalawang kamay na nag-aabutan. Sa likod ng t-shirt ay nakatatak naman ang mga katagang “There can be No National Reconciliation in Burma as long as there are Political Prisoners.”

Ang huli naming pinuntahan ng araw na iyon ay ang tanggapan ng FDB (Forum for Democracy in Burma). Itinatag ito noong 2004, at karamihan ng mga kasapi nito ay yaong mga aktibistang nagsilikas sa Thailand mula sa Burma. Ayon sa tagapagsalita ng FDB, nakapaloob sa kanila ang pitong samahan. Nariyan ang ABFSU (All Burma Federation of Students Union), ang ABSDF (All Burma Students Democratic Front), ang DPNS, ang BWU, ang NDD (Network for Democracy and Development), ang PDF (People's Defense Force) at ang YCOWA (Yaung Chi Oo Workers Association). Ang FDB ay may tatlong komite, at ito'y ang gawaing panloob, ang pamamahayag, at ang ugnayang panlabas. Layunin ng samahang ito na mapatibay at mapalakas ang taumbayan sa Burma.

Dagdag inspirasyon ang mga samahang nakadaupang-palad namin para sa patuloy na pakikipag-ugnayan, pagtulong at pakikiisa sa mamamayan ng Burma para sa kanilang inaasam na paglaya at pagbabago. Lalo itong nagpatibay sa aming pagnanasang magpatuloy at makibaka kasama ng mga taga-Burma, sa diwa ng internasyunalismo, na ipagwagi ang isang lipunang may kalayaan, may pagkakapantay, at may paggalang sa karapatan ng bawat isa.

- Oktubre 5, 2012, Lungsod Quezon