Biyernes, Agosto 18, 2017

Dalawang tula ni Bituin na binasa sa Luneta

* Ang dalawang tulang narito ang kinatha at binasa ng makata sa Rizal Park Open Air Auditorium sa Maynila noong Agosto 18, 2017, araw ng Biyernes. Ang dalawang tula ay bahagi ng pagtatanghal na pinamagatang "Sariling Wika ang Siyang Magpapalaya".

Dalawang tula. Isa para sa mga kabataan, at ang isa ay para sa hindi na bata. Binasa ng makata ang A ispor Atis bilang anyo ng pagmamahal di lang sa sariling wika kundi sa pagkilala sa kultura ng ating bayan. 

Bago basahin ng makata ang ikalawang tula ay ipinakilala muna niya ang dakilang gurong si Teodoro Asedillo, na nauna pa kay Manuel Quezon sa pagtatanggol sa sariling wika. Ang unang tula ay nilikha noong Agosto 12, 2017, habang ang ikalawang tula ay nilikha na sa Luneta ng mismong araw ng pagtatanghal, Agosto 18, 2017.

A ispor Atis
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

A ispor Atis, ituro sa mga bata
B ispor Batis, gamit ang sariling wika
Aba'y kayrami nating magandang salita
Bakit nahuhumaling sa wikang banyaga

A ispor Atis, ito ang sariling atin
B ispor Batis, sariling wika'y gamitin
Aba'y di tayo lahi ng mga alipin
Kundi lahing bayaning pawang magigiting

A ispor Apol daw, aba'y huwag magmintis
Sariling wika'y huwag payagang matiris
Ng sinumang nangangayupapa sa Ingles
Padaluyin natin ito tulad ng batis

A ispor Atis, ituro sa paaralan
At lalaki silang kaagapay ng bayan



SARILING WIKA: ISAPUSO, ISADIWA, ISABUHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

paano gagamitin ang sariling wika
kung nariyan ang globalisasyon, banyaga
kung naninibasik sa lipuna'y kuhila
sariling wika ba'y salita lang ng dukha?

halina't aralin natin ang kasaysayan
sa sariling wika'y sinong nakipaglaban
gurong si Asedillo'y nangunguna riyan
ipinagtanggol niya ang wika ng bayan

at makalipas ang ilang dekada't taon
naging Ama ng Wikang Pambansa si Quezon
si Asedillo'y nalimot ng henerasyon
nasaan na ba ang sariling wika ngayon

aral ni Asedillo'y huwag lilimutin
sariling wika'y dangal na dapat mahalin
kung kailangan buhay ay ialay natin
upang sariling wika'y sadyang patampukin

Martes, Mayo 30, 2017

Biyernes, Mayo 12, 2017

Naubusan na ng tinta ang mga gamit kong ballpen


Lahat ng damputin kong ballpen sa aking bag at sa aking tinutuluyan ay pulos mga wala nang tinta. Yung iba ay naubos ko sa kasasagot ng 4 na libro ng puzzle (2 sudoku at 2 fill-ins), habang iyong iba ay parang natuyuan na ng tinta. Mga pitong ballpen lahat. Dapat makabili ng limang ballpen agad, reserba yung iba. Paborito kong sulatin muna sa papel yung naiisip kong tula kaysa diretso sa computer. Kaya nakakainis ang pakiramdam pag nauubusan ng tinta ang ballpen ngunit wala ka agad maipalit. Tapos gabing-gabi ay maghahanap pa ng ballpen sa tindahan imbes na nagpapahinga na, habang nakatitig sa puzzle na hindi masagutan dahil walang ballpen.

Lunes, Abril 3, 2017

Kolektibismo sa Pagsulat ng Maikling Kwento at Nobela


KOLEKTIBISMO SA PAGSULAT NG MAIKLING KWENTO AT NOBELA 
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Walang iisang bida o walang iisang bayani. Lahat ng tao sa bawat panahon ay nag-aambag sa paglikha ng kasaysayan. Ganito ang nais kong konsepto ng paggawa ng maikling kwento, bago ko muna isipin ang pagnonobela.

Kailangan kasing patampukin sa kamalayan ng masa na hindi sila dapat maghanap ng manunubos o tagapagtanggol, kundi manalig sila sa kanilang sama-samang pagkilos.

Ito ang hamon ngayon sa mga bagong manunulat. Ito ang hamon sa mga nagsisikap na manunulat na tulad ko. 

Tumampok kasi sa maraming kwento't nobela, na naging serye pa man din sa mga magasin, ang istorya ng kabayanihan ng isang bida, na itinanghal na bayani ng masa, at paano niya nilabanan ang mga mang-aapi. Ngunit mag-isa lang siya. Sa mga kwentong ganito'y tila ipinupukaw sa kamalayan ng mambabasa na maghanap din sila ng tagapagtanggol na sasalba sa kanila, kaysa suriin nila ang kanilang kalagayan at gamitin nila ang kanilang sama-samang pagkilos upang gapiin ang kalaban.

Nariyan ang istorya nina Superman, Spiderman, Captain Barbell, Darna, Wonder Woman, at iba pa. Mga nilalang na may kakaibang kapangyarihan, na tanging sa mga kwentong piksyon lamang natin matutunghayan, pagkat walang ganito sa tunay na buhay.

Hindi ba maaaring itampok naman ang sama-samang pagkilos ng taumbayan? Na ang bawat isa sa kwento ay nag-ambag at nagtulong-tulong upang malutas ang suliranin? Na walang isang tao lang ang magaling kundi ang kolektibong pagkilos ng taumbayan? Subukan natin, at simulan natin.

Nang ilathala ko ang aklat kong "Ang Dalaga sa Bilibid Viejo, at iba pang kwento (Ang Una Kong Sampung Maikling Kwento)", karamihan ng kwento ay may isang bida. Ngunit napag-isip-isip kong maaari bang walang bida kundi lahat ng tauhan ay may papel na ginagampanan? Kolektibong papel sa mundong pinagsasamantalahan ng iilan?

Anti-bida, anti-kontrabida, pro-kolektibismo, pro-masa. Nagkakaisang lakas ng uring manggagawa. Lakas ng sambayanan. Sama-samang pagkilos ng taumbayan. Ganito na dapat ang maging konsepto ng mga bagong gagawing kwento at nobela, upang mas maipatagos natin sa masa na huwag na silang umasa na may darating pang tagapagligtas kundi ang kanilang mga sarili. Na dapat nilang asahan ang kanilang sariling lakas at sama-samang pagkilos. 

Tara, subukan nating magsulat ng kolektibong uri ng kwento.

Linggo, Marso 5, 2017

Pagtatanghal sa Luneta ng tulang "Ang Katawan ng Babae'y Hindi Makina"

* Ang sumusunod na tula ay binasa ng makata sa Rizal Park Open Air Auditorium sa Maynila noong ika-5 ng Marso 2016, araw ng Sabado. Ang tula ay kasama sa pagtatanghal na pinamagatang "Mga Awit at Tula para sa Kababaihan at Bayan" (Sa Pagdiriwan ng Buwan ng Kababaihan). Kinatha ang tula limang taon na ang nakararaan, noong ika-8 ng Marso 2011.

ANG KATAWAN NG BABAE'Y HINDI MAKINA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ang katawan ng babae'y hindi makina
na kung kailan mo nais ay pwede siya
tanungin siya kung anumang iyong nasa
hingiin mong lagi ang pagsang-ayon niya

nais ba ng babae ang anak ng anak
na pag ayaw nya'y sasabayan mo ng upak
babae ba'y pagagapangin mo sa lusak
masunod ka lang kahit siya'y mapahamak

babae ang nakatatalos ng sarili
babae ang may alam kung anong mabuti
ramdam niya kung anong maaring mangyari
kaya pag-usapan kung ano ang maigi

huwag mong ituring na siya'y libangan lang
na sa libog mo, siya'y isang parausan
dapat karapatan ng babae'y igalang
siya ang mapagpasya sa kanyang katawan

8 Marso 2011


Biyernes, Setyembre 9, 2016

Ang piritay sa kulturang Pinoy at ang pangongopya ni Pirena ng anyo ng iba

ANG PIRITAY SA KULTURANG PINOY AT ANG PANGONGOPYA NI PIRENA NG ANYO NG IBA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasubaybayan ko rin ng ilang araw ang bagong pantaseryeng Encantadia, na tungkol sa kasaysayan ng apat na magkakapatid na diwata at anak ni Reyna Minea na sina Pirena, Amihan, Danaya at Alena. At nitong huli nga, nasaksihan ng mga tagapanood nito kung paano gayahin ng kontrabidang si Pirena ang anyo ng kanyang kapatid na si Danaya. Siniraan ni Pirena ang kanyang kapatid at gumawa ng mga kaasalang magpapataw ng parusa kay Danaya. Nagawa ito ni Pirena nang kopyahin niya ang anyo ni Danaya at naghasik ng lagim, sinunog ang gamit ng mga karaniwang nilalang sa Encantadia, at pinaghahampas ng yantok at pinagmumura ang mga tauhan nito.

Dahil dito'y naparusahan si Danaya sa kasalanang hindi niya ginawa. Naparusahan siya ng konseho. Hindi alam nina Reyna Amihan at ng konseho na kayang magpalit ng anyo ni Pirena, at siraan ang sarili nitong kapatid upang makuha lamang kay Amihan ang trono. Ipinatapon si Danaya sa mundo ng mga tao bilang parusa.

Ang ginawa ni Pirena ay katulad ng sa piritay, isang malignong kumokopya ng anyo ng isang tao at inililigaw ito sa ilang. Noong bata pa ako, naikwento ng aming tiyahin, si Nanay Roming o Inay Taba, ang hinggil sa Piritay. Isa ito sa mga kinatatakutan noon sa isang nayon sa Batangas. Ang Piritay ay isang uri ng nilalang na kayang kumopya ng anyo ng isang tao, ngunit hindi tao, kundi parang maligno.

Tulad din ito ng diwatang si Pirena na nagbabago ng anyo, at ginagaya ang anyo ng nais niyang gayahin, na akala mo'y yaong taong iyon talaga ang iyong kaharap. Kayang kopyahin ang iyong anyo.

Naalala ko tuloy ang hunyangong nagbabagong anyo, na kinokopya ang kulay ng anumang makapitan nito, tulad ng kulay ng puno o dahon.

Hinagilap ko sa aking naaagiw na isipan ang ikinwento ng namayapang tiyahing si Inay Taba hinggil sa piritay. Kung matatandaan ko pa, ganito niya iyon ikinwento sa amin: May isang taganayon na hinanap niya ang kanyang kapatid. Nakita niya sa bukid, na papuntang bundok ang kanyang kapatid at hinabol niya ito para pauwiin na at makakain. Ngunit ang ginawa ng kanyang kapatid ay nagpahabol. Hanggang sa magkaligaw-ligaw siya sa bundok. Iyon pala ay piritay ang kanyang hinahabol.

Dahil hindi siya umuwi kinagabihan ay hinanap na siya ng kanyang mga kamag-anak. May nakapagsabi sa kanyang mga kamag-anak na nakita siyang pumunta sa bundok kaya doon nagpunta ang kanyang mga kamag-anak, at iba pang taganayon na nakasulo. Nakita siyang nakahandusay sa dawag, may mga sugat.

Kinabukasan ay sinabi ng kanyang kapatid na hindi naman ito lumayo at nagpahabol. Ang sabi naman ng iba pang taganayon na maaaring piritay ang kanyang hinabol at hindi ang kanyang kapatid, dahil nga nakokopya nito ang anyo ng sinumang naisin nito at dalhin sa malayo ang nakatuwaan nito.

Parang ganito rin ang ginawa ni Pirena, na isang tusong diwata, na kahit sariling kapatid ay nais mapahamak makuha lamang ang trono ng Encantadia. Sa Encantadia ay ipinakita rin ang pagbabagong anyo ni Sangre Danaya na nag-anyong aso para lang makatakas kay Pirena na nais siyang paslangin. Nabanggit din ni Danaya sa punong kawal na si Aquil na may kumokopya ng kanyang wangis na dapat nilang malaman kung sino.

Gayunpaman, hindi kaya ang mga malignong tinatawag na piritay ay mga masasamang engkanto tulad ni Pirena ng Encantadia?

Nasa kultura ng mga malalayong lalawigan ang paniniwala sa mga maligno, halimaw, o ibang nilalang na hindi nakikita ng karaniwang tao. Tulad din sa kwento ng Encantadia na hindi alam ng mga tao na ito'y umiiral. Nariyan sa ating kultura ang mga kilalang kwento ng mga aswang, tiyanak, tikbalang, manananggal, at iba pa. At ang di gaanong popular na kwento ng piritay.

Sabado, Hunyo 11, 2016

Salamat sa aklat na "Nabighani" ni Fr. Albert Alejo

salamat sa aklat ng mga tulang isinalin ni Fr. Albert Alejo, na siya ring nagsalin sa wikang Filipino ng Rerum Novarum na isang encyclical on workers rights


Linggo, Mayo 29, 2016

Huwebes, Mayo 12, 2016

Paglalakbay upang saksihan ang LUA, isang tradisyunal na pagtula sa Batangas

PAGLALAKBAY UPANG SAKSIHAN ANG LUA, ISANG TRADISYUNAL NA PAGTULA SA BATANGAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kailangan kong umuwi sa pista sa isang nayon sa Batangas sa Mayo 16 upang saksihan at kunan ng video ang isinasagawang LUA (binibigkas ng lu-wĆ”) o pagbigkas ng tula mula sa tuklong (maliit na kapilya) kasabay ng prusisyon ng mga taganayon alay sa patron, at bibigkasin sa isinagawang entablado sa dulo ng nayon, at maglulua muli pagbalik na sa tuklong. Karaniwang ikaanim ng gabi nagsisimula ang prusisyon.

Ilang beses ko nang nagisnan ito mula pa nang ako'y bata pa habang nagbabakasyon sa nayon ng aking ama. Kaya malimit kong marinig noon na may lulua raw, at si ganito o si ganoon ang lulua. Ngunit noong isang taon ko lamang naisip na i-record ang tungkol sa LUA, ngunit noong panahong iyon ay wala pa akong kamera o cellphone camera na magagamit para i-record iyon. Kaya ngayong taon ko ito magagawa pagkat may cellphone camera ako na magagamit. Buti na lang at may gamit ako ngayon.

Sabi ng nakatatanda kong kapatid na babae, hindi lamang sa pista sa isang nayon sa Balayan mayroong naglu-LUA, kundi sa maraming bayan din tulad ng Taal at Nasugbu. Ayon pa sa kanya, alam ng mga nakaririnig noon kung saang bayan nagmula ang lua pag narinig na nila ang punto (o pagsasalitang may punto). May iba na taun-taon ay nagsusulat ng tula para bigkasin ng mga lulua, habang sa ibang bayan o nayon naman ay may nakahanda nang lua na bibigkasin na lamang.

Bilang isang makata at manunulat, tungkulin ko sa panitikan na ipalaganap at isalaysay ang mga ganitong pagtitipon lalo na't ito'y mahalagang bahagi ng ating panitikan. Nais kong isulat ang hinggil dito dahil wala pa akong nakita sa mga aklat-pampanitikan na nagsulat hinggil sa tradisyunal na pagtula sa Batangas, ang LUA, bagamat may naglagay na nito sa youtube ngunit walang anumang paliwanag. Nais ko itong gawan ng mahaba-habang sanaysay at pag-aaral.

Kailangan kong umuwi sa Mayo 16 para maisagawa ko ang saliksik, dahil kung hindi ko ito magagawa ngayon ay next year pa (2017) ko na ito magagawa. Doon muna ako tutuloy sa matandang bahay ng mga namayapa kong mamay, kung saan wala nang taong nakatira doon. At sa ulilang bahay na iyon magpapalipas ng isa o dalawang araw upang mapaghandaan pa ang saliksik na ito hinggil sa LUA ng Batangas.

Lunes, Pebrero 22, 2016

Pagsasanay sa Climate Reality ngayong Marso 14-16, 2016

PAGSASANAY SA CLIMATE REALITY NGAYONG MARSO 14-16, 2016
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ilang taon na rin akong inimbita para mag-training sa Climate Reality Project with Al Gore. Ang problema ko noon ay sa ibang bansa gaganapin at kailangan ng malaking halaga para sa spnsorship. Libre ang training, ngunit bahala ka sa gastos sa eroplano mo at hotel booking. Hindi kaya ng bulsa ko ang gastusin.

Ngayong 2016, gaganapin na ito sa Maynila sa Marso 14-16. Kaya agad akong nagpasa ng application form at nagbakasakaling isa sa mga mabigyan ng pagkakataong makapag-training kay Al Gore. Libre ang training at di na magastos dahil Maynila lang ito, malapit sa CCP Complex. Mas maliit ang gastos kumpara sa libreng training sa ibang bansa. Di ko na rin kailangang mag-hotel booking dahil di na ako sa hotel tutuloy kundi sa bahay ng nanay ko sa Maynila.

Ang kalaban ko lang dito sa atin ay traffic. Kaya matulog ng maaga, ayusin ang alarm clock, agahan ang gising at pagkilos upang makarating ng on time sa training.

Maraming salamat at natanggap ako bilang isa sa mga magte-training kay Al Gore. Una kong narinig na sinabi niyang ilulunsad ang next training ng Climate Reality Project sa Marso 2016 dito sa Pilipinas nang makadaupang-palad namin siya sa Green Zone ng COP 21 sa Paris nitong Disyembre 2015, kasama ang iba pang mga naglakad sa climate pilgrimage.

Sa muli, maraming salamat sa pagkakataong ito na ibinigay sa inyong lingkod.

Nuong nakaraang Enero nang ako ay mag-apply sa training na ito ay nakasulat sa application form kung ano ang sampung gagawin ko matapos ang tatlong araw na training na ito. At ito ang aking isinagot:

1. Organize a climate event on April 22 (International Earth Day), June 5 (World Environment Day), and other days relating to the climate and the environment)

2. Write an article, whether it be news article, features and essay, about the climate.

3. Interview people and conducting researches on areas devastated by climate change in the Philippines.

4. Write a blog about climate and sharing it to social media.

5. Research certain laws on climate, form a group to review and analyze it, and then give a suggestion on congress and senate.

6. Give a talk on climate forum in schools, offices, and communities.

7. Organize mass mobilizations for the issue of climate justice.

8. Write a poem twice a week about the issue of climate.

9. Talk with village chieftains in the rural areas about the issue of climate change.

10. Publish a book of poems, stories, and essays, regarding climate.

Ang sampung ito ang ipinangako kong aking gagawin matapos ang training. Kaya pagbubutihan ko ang pag-aaral na ito, dahil bihira ang pagkakataong ibinigay na ito, at masarap sa pakiramdam na isa ako sa nabigyan ng bihirang pagkakataong ito. Kaya maraming, maraming salamat sa lahat ng mga sumuporta upang isa ako sa matanggap na mag-training sa Climate Reality Project with Al Gore.

Tinanong din ako ako sa application form kung anu-ano ang mga samahang ire-representa ko sa Climate Reality Project, at ito ang mga inilagay ko. Isinulat ko muna ay Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ). Akala ko, sapat na iyon. Nagtanong uli kung ano pa. Isinulat ko naman ay Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Enter sa computer. Ano pa raw organisasyon. Kaya inilagay ko naman ay SANLAKAS. Enter uli sa computer. Akala ko, marami pang itatanong na org, pero hanggang tatlo lang. Kaya ang tatlong iyan ang nire-represent ko sa training ng Climate Reality Project ngayong Marso. Para kumpleto, nagpasa rin ako ng aking litrato at resume.

Maraming salamat sa mga kasama sa PMCJ, Climate Walk from Manila to Tacloban (2014), People's Pilgrimage from Rome to Paris (2015), Jubilee South - Asia-Pacific Movement on Debt and Development (JS-APMDD), SANLAKAS, BMP, Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Partido Lakas ng Masa (PLM), Zone One Tondo Organization (ZOTO), Alyansa ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA),  Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), at sa itinayo kong grupong pampanitikan na Maso at Panitik, sa Green Collective, Green Convergence, Green Peace, Green Coalition, Diwang Lunti, Nuclear-Free Pilipinas, Consumer Rights for Safe Food (CRSF), at marami pang iba.

Nawa'y malaki ang maitulong ng training na ito sa ating kampanya para sa climate justice. Tulad ng isinisigaw namin sa 1,000 km na Climate Walk noong 2014 mula Maynila hanggang Tacloban, "Climate Justice, Now!"