Linggo, Agosto 30, 2020

Ang makatang Cirilo F. Bautista at ako

ANG MAKATANG CIRILO F. BAUTISTA AT AKO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Binasa ko ang talambuhay ng makata't manunulat na si Cirilo F. Bautista, pambansang alagad ng sining para sa panitikan ng ating bansa. Iginawad sa kanya ang pagiging national artist for literature noong 2014. Nakabili ako ng kanyang dalawang aklat noon, ang Sugat ng Salita, at ang Kirot ng Kataga, mga orihinal, bago ko pa mabili sa UP Bookstore ang pinagsamang aklat na iyon.

Una ko siyang nakilala noon dahil kolumnista siya ng Philippine Panorama, kung saan tinatalakay niya noon ay hinggil sa English poetry o mga tula sa Ingles. Nang binasa ko ang kanyang talambuhay, nakita kong may munti kaming pagkakapareho, dahil kapwa kami mula sa Sampaloc, Maynila, manunulat at manunula.

Ayon sa pananaliksik, si Bautista ay isinilang sa Maynila noong Hulyo 9, 1941, at lumaki sa Balic-Balic, Sampaloc. Tulad ko, ipinagbuntis ako ng aking ina sa Washington St. (ngayon ay Maceda St.), sa Sampaloc,  hanggang ako'y isilang, hanggang lumipat kami sa Honradez St., sa Sampaloc. Nag-aral siya ng elementarya sa Legarda Elementary School sa Sampaloc, habang ako naman ay sa Nazareth School sa Sampaloc.

Pareho rin kaming nag-aral sa paaralang pinangangasiwaan ng mga paring Dominikano, mga paaralang umabot na sa ika-400 anibersaryo. Siya'y nag-aral ng AB Literature sa University of Santo Tomas, na tinatag noong 1611, habang ako naman ay nagtapos ng high school sa Colegio de San Juan de Letran, na tinatag noong 1620. 

Matapos siyang magtapos bilang magna cum laude sa UST noong 1963, inimbitahan siya ng isa niyang kaibigan na magturo sa Lungsod ng Baguio, sa St. Louis University. Nagturo siya roon ng limang taon, at doon din niya tinapos ang kanyang Masters Degree in Literature bilang magna cum laude noong 1968. Nang umalis siya sa Baguio, siya'y nagturo naman sa UST at sa De La Salle University.

Nakatapos siya ng AB Literature, habang ako naman ay nagtapos ng anim na buwang poetry workshop sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) mula Setyembre 2001 hanggang Marso 2002.

Nito lang, mga dalawang taon na matapos kaming ikasal ni misis (tatlong beses ikinasal - civil wedding sa Tanay, Rizal, at tribal wedding - at church wedding sa Nasugbu, Batangas), ay naging malimit ang pagpunta ko sa Lungsod ng Baguio dahil sa aking asawa. At nito ngang kwarantina dahil sa pananalasa ng COVID-19 ay dito kami sa malapit sa Lungsod ng Baguio nanirahan, pagkat may bahay sina misis sa katabing bayan ng Baguio, sa La Trinidad, Benguet.

Si Bautista ay maraming nalikhang aklat na inilabas ng mga kilalang publikasyon. Ako naman ay nakapaglathala ng aking mga tula at sanaysay bilang aklat sa pamamagitan naman ng pinamamahalaan kong Aklatang Obrero Publishing Collective.

Marami siyang natanggap na parangal bilang manunulat, at pinakamataas na karangalan na ang magawaran siya bilang National Artist for Literature. Ako naman ay nagkaroon ng apat na beses na pagkilala mula sa Human Rights Online Philippines, una, noong 2010, dalawang beses noong 2016, at noong 2019, dahil sa aking mga akda hinggil sa karapatang pantao.

Nang siya'y mamatay noong Mayo 6, 2018, kasalukuyan akong nasa Bontoc, Mountain Province, kasama si misis. Kagagaling lang namin noon sa lugar nina misis, kung saan sa kanilang lumang bahay ay nahalungkat ko ang mga lumang kopya ng Philippines Free Press. At nilitratuhan ko ang mga tula sa bawat isyung naroroon, at nahalungkat ang ilang mga lumang tula nina Cirilo F. Bautista at Eman Lacaba.

Mula Sampaloc, Maynila, tungo sa Lungsod ng Baguio, may pagkakapareho kami ni Cirilo F, Bautista, at pareho rin kaming makata at manunulat.

Gayunman, malayo pa ako kumpara sa kanya, pagkat National Artist na siya, habang ako naman ay patuloy pa ring nagsusulat sa ngayon sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Mula sa maraming pasulatan tulad ng magasing Tambuli at pahayagang Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, ang magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa, tanging Taliba ng Maralita na lang ang aking pinagsusulatan. Marahil ay maaabot ko rin ang naabot ni Cirilo F. Bautista, subalit hindi ko na iyon pinapangarap, pagkat malayong-malayo ako sa kanya.

Basta siya'y iniidolo ko bilang manunulat at makata. At ngayon ay patuloy akong kumakatha ng mga tula, habang paminsan-minsan ay may mga sanaysay at maikling kwento. Susubukan ko pang makalikha kahit ng isang nobela sa tanang buhay ko.

Tila magtatagal pa ako dito sa Benguet. Kung si Cirilo Bautista ay tumagal sa Lungsod ng Baguio, na siyang kapital ng Benguet, ng limang taon bago bumalik ng Maynila, ako kaya'y tumagal din ng limang taon dito sa Benguet? Kung sakali man, magpapatuloy ako sa aking mga gawain sa karapatang pantao at manggagawa, marahil bilang labor paralegal. O kaya ay magtatayo rito ng Human Rights Center, o sasapi sa human rights center, kung meron man, sa Baguio. Gayunpaman, mukhang matagal pa ang pananalasa ng coronavirus kaya dito na muna ako marahil sa Benguet, kasama ng aking asawa.

Ginawan ko ng isang soneto si Cirilo Bautista, na hindi ko man lang nakadaupang palad, noong Disyembre 29, 2018. Ang soneto, o tulang may labing-apat na taludtod, ang tingin kong angkop dahil kung bibilangin ang letra ng kanyang pangalan at apelyido ay labing-apat na titik. Di ko na isinama ang kanyang middle initial upang eksakto sa soneto. Halina't tunghayan natin ang tula:

SONETO ALAY KAY SIR CIRILO F. BAUTISTA, 
PAMBANSANG ALAGAD NG SINING SA PANITIKAN

Cirilo Bautista, pambansang alagad ng sining
Idolo ka sa panitikan, kayhusay, kaygaling
Ramdam namin ang mga katha mong may suyo't lambing
Ikaw yaong sa panulat ng marami'y gumising.

Laking Sampaloc, Maynila, mahusay na makata
O, Cirilo, inidolo ka sa bawat mong likha
Baguio'y tinirahan din, naging guro sa pagkatha
Ang kolum sa Panorama'y kinagiliwang sadya.

Umpisa pa lang, akda mo'y nakapagpapaisip
Tulad ng Kirot ng Kataga, di agad malirip
Isinaaklat na katha mo'y ginto ang kalakip
Sugat ng Salita pag ninamnam, may nahahagip.

Tunay kang alagad ng sining, Cirilo Bautista!
Ang mga lakang akda mo sa bayan na'y pamana.

Mga pinaghalawan:
https://www.manilatimes.net/2018/05/07/news/top-stories/national-artist-cirilo-f-bautista-76-2/397305/
https://en.wikipedia.org/wiki/Cirilo_Bautista
https://www.rappler.com/life-and-style/arts-and-culture/202045-poet-cirilo-bautista-baguio-city-muse



Biyernes, Hulyo 31, 2020

Bukrebyu: How Much Land Does A Man Need, ni Leo Tolstoy

BUKREBYU
How Much Land Does A Man Need by Leo Tolstoy
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nabili ko ang aklat na “How Much Land Does A Man Need” ni Leo Tolstoy sa Fully Booked sa Gateway, Cubao, noong Pebrero 24, 2018 sa halagang P80.00. Isinalin ito sa Ingles, mula sa Ruso, ni Ronald Wilks. Ang aklat na iyon ang ika-57 aklat sa kabuuang 80 aklat ng Penguin Classics. Umabot ang aklat ng 64 pahina, na may dalawang maikling kwento. Ang una nga ay ang nabanggit ko, na may 21 pahina, at ang ikalawa’y ang What Men Live By, na akda rin ni Tolstoy, na umaabot naman ng 31 pahina, mula mp. 23-53.

Ang kwento ay binubuo ng siyam na kabanata. Ang bida rito ay si Pakhom, isang magsasakang naghangad magkaroon ng maraming lupain.

Noong panahong iyon, nagpasya ang isang kasera sa nayon na ibenta ang kanyang mga ari-arian, at ang mga magsasaka roon ay bumili ng halos lahat ng lupaing kaya nilang bilhin. Si Pakhom mismo ay bumili ng ilang lupain, at sa pamamagitan ng pagtatrabaho ay nabayaran niya ang kanyang mga utang at nabuhay ng komportable. Pumunta pa siya ng ibang lupain upang bumili pa ng mas maraming lupain. Paniwala niya, pag marami siyang lupain, hindi na siya matatakot sa demonyo.

Hanggang makilala ni Pakhom ang mga Bashkirs, na mga simpleng tao lang na maraming lupain.  Nais niyang bilhin ang lupa ng mga ito. Sa halagang isang libong rubles, lalakarin ni Pakhom ang lupa mula sa simula o tinatapakan niya hanggang makarating muli sa simula bago magtakipsilim, at ang mga naabot niya ang kanyang magiging lupain. Subalit pag hindi siya nakarating sa simula bago magtakipsilim, mawawala na ang kanyang pera’t hindi magkakaroon ng lupa. Kaya naglakad siya hangga’t kaya niya. Nang dapithapon na’y nagmadali siya upang makaabot sa pinagsimulan niya. Subalit sa kanyang pagod, siya’y tumumba’t namatay. Inilibing siya ng kanyang mga kaibigan sa isang libingang may anim na talampakan, na siyang sagot sa katanungang binanggit sa pamagat ng kwento.

Isa ito sa mga sikat na akda ni Tolstoy. At kung may pagkakataon ay isasalin ko ito sa wikang Filipino upang mas mabasa ng nakararami pa nating kababayan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2020, pahina 16.
* Nalathala rin sa isyung ito ng Taliba ng Maralita, pahina 20, ang tulang: 

Gaano karaming lupa ang kailangan ng tao?

pamagat pa lang ng aklat, nakakaintriga na
anong sagot sa tanong? ito ba'y pilosopiya?
"How much land does a man need?" ay pamagat at tanong pa
na magandang akda ni Leo Tolstoy mula Rusya

tanong bang ito'y tungkol sa pribadong pag-aari?
ilang lupa ang dapat mong ariin kung sakali?
libu-libong ektarya ba sa puso mo'y masidhi?
dahil ba sa lupa kaya maraming naghahari?

ilan bang lupa ang kailangan ng isang tao?
bibilhin? aagawin? palalagyan ng titulo?
pinalalayas ba ang dukha para sa negosyo?
at kapag yumaman na, sa pulitika'y tatakbo?

di ko pa tapos basahin ang nobela ni Tolstoy
sa pamagat pa lang, mapapaisip ka na tuloy
ilan na bang dahil sa lupa'y lumuha't nanaghoy?
ilan ang naging playboy, ilan ang naging palaboy?

pag wala ka bang lupa, ang buhay mo na'y hilahod?
kaya pribadong pag-aari'y itinataguyod?
ideyang pyudal? magkalupa ba'y nakalulugod?
o lupa'y kailangan mo sa libingan mo't puntod?

- gregbituinjr.
04.29.2020

Linggo, Hulyo 26, 2020

Munting pagtalakay hinggil sa teorya ng alyenasyon ni Marx

Munting pagtalakay hinggil sa teorya ng alyenasyon ni Marx
Nalathala sa tatlong bahagi sa tatlong isyu ng Taliba ng Maralita
Maikling salaysay ni Greg Bituin Jr.

I

May sinulat noon si Karl Marx hinggil sa teorya ng alyenasyon, o yaong pakiramdam mo’y hindi ka na tao kundi bahagi ng makina. O pagkahiwalay mo sa reyalisad bilang isang taong may dignidad at karapatan. Sinasabing ang salitang alyenasyon ay tumutukoy sa “pagkakahiwalay ng tao mula sa kanyang sarili at mula sa kanyang mga kakayahan”.

Ang sinulat ni Marx ay tumutukoy sa manggagawa, hindi pa sa katauhan ng isang tao. Pag-isipan natin at aralin ito, lalo na sa konteksto ngayong maraming manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19. Marami ang pinabalik sa trabaho subalit wala namang masakyan patungong trabaho. Sa Negros, tinanggal ang mga manggagawang nagtanong lang kung sasagutin ba ng kumpanya ang kanilang ospitalisasyon sakaling sila’y magkasakit pagkat pinapasok sila ng wala man lang mass testing.

Ayon kay Marx, may apat na batayan ng alyenasyon. Ito ang (a) alyenasyon ng manggagawa; (b) alyenasyon ng manggagawa mula sa gawain sa produksyon; (c) alyenasyon ng manggagawa mula sa  kanilang esensya bilang tao o ispesye; at (d) alyenasyon ng manggagawa mula sa ibang manggagawa. 

Ipinaliwanag ni Marx kung paano, sa ilalim ng kapitalismo, mas maraming tao ang umaasa sa kanilang "lakas-paggawa" upang mabuhay. Sa kasalukuyang lipunan, kung nais ng taong kumain, dapat siyang magtrabaho at makakuha ng sahod. Kaya, kung sa pagkahiwalay ng manggagawa ay nagiging animo’y "alipin siya ng paggawa", ang manggagawa ay dobleng nakahiwalay: "una, may natatanggap siyang isang bagay sa paggawa, iyon ay nakatagpo siya ng trabaho. Masaya nga niyang sinasabi: “Sa wakas, may trabaho na ako!” Ikalawa, tumatanggap na siya ng sahod.

Ang teyoretikal na batayan ng alyenasyon sa loob ng kapitalismo'y ang manggagawa ang laging nawawalan ng kakayahang matukoy ang kanyang buhay at kapalaran kapag tinanggalan ng karapatang mag-isip ng kanilang sarili bilang direktor ng kanilang sariling mga aksyon. Naramdaman ko ito noon bilang makinista ng tatlong taon sa isang metal press department. Basta pinagawa ang trabaho, kahit di mo nauunawaan, gagawin mo. Bakit ba ang isang proseso'y lagi kong ginagawa araw-araw, habang ang iba'y ibang proseso ng iisang produkto. Lalo na sa assembly line.

Mas mauunawaan mo pa ang buhay ng isang artisano, na kanyang ginagawa ang isang produkto't kanyang ipinagbibili sa kanyang presyo. Sa kapitalismo, ang kapitalista ang bibili ng iyong lakas-paggawa, hindi sa presyo mo, kundi sa presyong itinakda nila. Kaya para kang ekstensyon ng makina. Ito'y dahil na rin sa kumpetisyon ng mga kapitalista, kung saan ay hindi saklaw ng manggagawa. Basta magtrabaho ka at suswelduhan ka.

Ang disenyo ng produkto at kung paano ito ginawa ay tinutukoy, hindi ng mga gumagawa nito (ang mga manggagawa), ni ng mga konsyumador ng produkto (ang mga mamimili), kundi ng uring kapitalistang bukod 

sa kinikilala ang mano-manong paggawa ng manggagawa, ay kinikilala rin ang intelektuwal na paggawa ng inhinyero at ng tagadisenyo nito na lumikha ng produkto upang umayon sa panlasa ng mamimili upang bilhin ang mga kalakal at serbisyo sa isang presyong magbubunga ng malaking kita o tubo.

Bukod sa mga manggagawa na walang kontrol sa disenyo-at-paggawa ng protokol, kontrolado ng kapitalista ang manu-mano at intelektwal na paggawa kapalit ng sahod, kung saan ang nakikinabang sa kongkretong produkto ay ang mga bumili, at ang kapitalistang kumita.

II

Mabuti pa raw noong panahon ng mga artisano. Gumagawa ang artisano ng produkto na gustong-gusto niyang gawin, may sining, pinagaganda, pinatitibay, upang pag ibinenta niya'y kumita ng malaki. Subalit iba na sa panahon ng kapitalismo.

Sa kapitalistang mundo, ang ating paraan ng pamumuhay ay batay sa palitan ng salapi. Kaya wala tayong ibang pagpipilian kundi ibenta ang ating lakas paggawa kapalit ng sahod.

Ayon kay Marx, dahil dito, ang manggagawa "ay hindi nakakaramdam ng kontento at hindi nasisiyahan, dahil hindi malayang malinang ang kanyang pisikal at lakas ng isip ngunit pinapatay ang kanyang katawan at nasira ang kanyang isipan. Kaya't naramdaman lamang ng manggagawa ang kanyang sarili sa labas ng kanyang trabaho, at ang kanyang trabaho ay naramdaman sa labas ng kanyang sarili". 

Dagdag pa niya, "Dahil ang paggawa ay panlabas sa manggagawa, hindi ito bahagi ng kanilang mahahalagang pagkatao. Sa panahon ng trabaho, ang manggagawa ay malungkot, hindi nasisiyahan at natutuyo ang kanilang enerhiya, ang trabaho ay "pumapatay sa kanyang katawan at nasira ang kanyang isip". Ang nilalaman, direksyon at anyo ng produksiyon ay ipinataw ng kapitalista. Ang manggagawa ay kinokontrol at sinabihan kung ano ang gagawin dahil hindi nila pagmamay-ari ang paraan ng paggawa."

Ang isipan ng tao ay dapat na malaya at may kamalayan, sa halip ito ay kinokontrol at pinamunuan ng kapitalista, "ang panlabas na katangian ng paggawa para sa manggagawa ay lilitaw sa katotohanan na hindi siya sarili ngunit ibang tao, na hindi ito pag-aari, na sa loob nito, siya ay hindi, hindi sa kanyang sarili, kundi sa iba pa. Nangangahulugan ito na hindi siya malaya at kusang makalikha alinsunod sa kanyang sariling direktiba dahil ang porma at direksyon ng paggawa ay pagmamay-ari ng ibang tao.

Ang halaga ng isang tao ay binubuo sa pagkakaroon ng pag-iisip ng mga dulo ng kanilang mga aksyon bilang mga napakahalagang ideya, na naiiba sa mga aksyon na kinakailangan upang mapagtanto ang ideyang isinubo lang sa kanila.

Maaaring tukuyin ng tao ang kanilang mga hangarin sa pamamagitan ng isang ideya ng kanilang sarili bilang "ang paksa" at isang ideya ng bagay na kanilang nalilikha, "ang bagay". Sa kabaligtaran, hindi tulad ng isang tao, hindi natutukoy ng hayop ang sarili bilang "paksa" o ang mga produkto nito bilang mga ideya, "ang bagay". Kumbaga'y hindi nila naiisip ang mangyayari sa hinaharap, o isang sadyang intensyon. Sapagkat ang Gattungswesen ng isang tao (likas na katangian ng tao) ay hindi umiiral nang nakapag-iisa ng mga tiyak na aktibidad na nakondisyon ng kasaysayan, ang mahahalagang katangian ng isang tao ay maisasakatuparan kapag ang isang indibidwal — sa kanilang naibigay na pangyayari sa kasaysayan — ay malayang ibigay ang kanilang kalooban sa mga panloob na pangangailangan na mayroon sila na ipinataw sa kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang imahinasyon at hindi ang panlabas na hinihiling na ipinataw sa mga indibidwal ng ibang tao.

Ayon pa kay Marx, anuman ang pagkatao ng kamalayan (kalooban at imahinasyon) ng isang tao, ang pagkakaroon ng lipunan ay nakondisyon ng kanilang pakikipag-ugnayan sa mga tao at mga bagay na nagpapadali ng pamumuhay, na sa panimula ay nakasalalay sa pakikipagtulungan sa iba, sa gayon, ang kamalayan ng isang tao ay natutukoy nang magkakaugnay (sama-sama), hindi subjectively (nang paisa-isa), dahil ang mga tao ay isang hayop sa lipunan. 

Sa kurso ng kasaysayan, upang matiyak na ang mga indibidwal na lipunan ay inorganisa ang kanilang mga sarili sa mga pangkat na may iba't ibang kaugnayan sa paraan ng paggawa.

Isang uri o pangkat ang nagmamay-ari at kinokontrol ang paraan ng paggawa samantalang ang isa pang uri sa lipunan ay nagbebenta ng lakas-paggawa.

Gayundin, nagkaroon ng isang kaukulang pag-aayos ng likas na katangian ng tao (Gattungswesen) at ang sistema ng mga pagpapahalaga ng uring nagmamay-ari at ng uring manggagawa, na pinapayagan ang bawat pangkat ng mga tao na tanggapin at gumana sa nabagong katayuan ng quo ng paggawa- relasyon."

III

Itinuturing ng kapitalismo ang paggawa bilang isang komersyal na kalakal na maaaring ibenta sa kumpetisyon ng merkado ng paggawa, sa halip na bilang isang nakabubuong aktibidad na sosyo-ekonomiko na bahagi ng kolektibong pagsisikap na isinagawa para sa personal na kaligtasan at pagpapabuti ng lipunan. 

Sa isang kapitalistang ekonomiya, ang mga negosyong nagmamay-ari ng mga paraan ng paggawa ay nagtatag ng isang kumpetisyon ng pamilihan ng paggawa na nangangahulugang katasin sa manggagawa ang lakas-paggawa sa anyo ng kapital. 

Ang pagkamada ng kapitalistang ekonomiya ng mga ugnayan ng produksiyon ay nagtutulak sa panlipunang tunggalian sa pamamagitan ng pagtrato sa manggagawa laban sa manggagawa sa isang kumpetisyon para sa "mas mataas na sahod", at sa gayon ay maiiwasan ang mga ito mula sa kanilang kaparehong interes sa ekonomiya; ang epekto ay isang maling kamalayan, na kung saan ay isang anyo ng kontrol na ideolohikal na isinagawa ng kapitalistang burgesya sa pamamagitan ng pangkulturang hegemonya nito.  

Bukod dito, sa kapitalistang moda ng produksyon, ang pilosopikong sabwatan ng relihiyon sa pagbibigay-katwiran sa mga relasyon ng produksiyon ay nagpapadali sa pagsasakatuparan ng pagsasamantala at pagkatapos ay pinalala ang pagkakaiba-iba (Entfremdung) ng manggagawa mula sa kanilang katauhan; ito ay isang sosyo-ekonomikong papel ng independiyenteng relihiyon bilang “opyo sa masa”.

Sa teoryang Marxista, ang Entfremdung (pag-iiba) ay isang nakapundasyong panukala tungkol sa pag-unlad ng tao tungo sa pagkilala sa sarili. Tulad ng paggamit nina Hegel at Marx, ang pandiwang Aleman ay entäussern ("upang masira ang sarili ng sarili”) at entfremden ("upang maging hiwalay") ay nagpapahiwatig na ang salitang "alyenasyon" ay nagsasaad ng paghiwalay sa sarili: na maiiwasan mula sa mahahalagang tao likas na katangian. Samakatuwid, ang pagkahiwalay ay kakulangan sa pagpapahalaga sa sarili, ang kawalan ng kahulugan sa buhay ng isang tao, bunga ng pagiging mapilit na mamuno ng isang buhay na walang pagkakataon para sa katuparan sa sarili, nang walang pagkakataon na maging aktuwal, upang maging isang sarili.

Sa akdang The Phenomenology of Spirit (1807) ay inilarawan ni Hegel ang mga yugto sa pagbuo ng tao ng Geist ("Espiritu"), kung saan ang mga kalalakihan at kababaihan ay umusbong mula sa kamangmangan patungo sa kaalaman, ng sarili at ng mundo. Sa pagbuo ng proporsyon ng espiritu-sa-tao ni Hegel, sinabi ni Marx na ang mga posteng ito ng pagiging ideyalismo - "espiritwal na kamangmangan" at "pag-unawa sa sarili" - ay pinalitan ng mga materyal na kategorya, kung saan ang "espiritwal na kamangmangan" ay nagiging "pag-iiba" at ang "pag-unawa sa sarili" ay naging pagsasakatuparan ng tao ng kanyang Gattungswesen (species-essence).

Sa Kabanata 4 ng The Holy Family (1845), sinabi ni Marx na ang mga kapitalista at proletaryado ay pantay na magkahiwalay, ngunit ang bawat uring panlipunan ay nakakaranas ng alyenasyon sa ibang anyo.

Kahit sa panahong ito ng pandemya, nakakaranas ang mga manggagawa ng alyenasyon, na para bagang hindi sila tao kung ituring kundi ekstensyon ng makina, na kung magkasakit ang manggagawa, ay parang piyesa lang sila ng makinang basta papalitan.

Nakita natin ito sa balita doon sa lalawigan ng Negros, sa Hiltor Corporastion na isang forwarding company, nang magtanong lang ang mga manggagawa kung matutulungan ba sila ng kapitalista kung sila’y magkakasakit, agad silang tinanggal sa trabaho. Ganyan kagarapal ang iho-de-putang mga kapitalista sa kanilang manggagawang nagbigay naman ng limpak-limpak na tubo sa kumpanya.

Hangga’t patuloy ang nararanasang alyenasyon ng manggagawa sa kanilang trabaho, dapat nilang maisip na kaya nilang kontrolin ang mga makina, at gamitin nila ito upang muling kamtin ang kanilang pagkataong nawala sa kanila nang maging mga manggagawa. 

Ang teorya ng alyenasyon ni Marx ay mahalagang paalala sa ating dapat tayong magsama’t magkapitbisig bilang kolektibong nakikibaka para sa ating katauhan.

* Ang tatlong serye ng artikulong ito ay nalathala sa tatlong isyu ng pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Ang I ay nalathala sa Taliba isyu # 35 (Hunyo 16-30, 2020), mp. 16-17; ang II sa Taliba isyu # 36 (Hulyo 1-15, 2020), mp. 16-17; at ang III ay sa Taliba isyu # 37 (Hulyo 16-31, 2020), mp. 18-19.
Magdagdag ng caption





Lunes, Hulyo 20, 2020

Hindi tuwing last Monday ng July ang SONA

Hindi tuwing last Monday ng July ang SONA
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Maraming nagsasabing tuwing last Monday ng July o tuwing huling Lunes ng Hulyo nagaganap ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo ng Pilipinas. Subalit hindi tuwing last Monday ng July ang SONA.

Siyang tunay, mga kapatid. Mas eksakto, tuwing fourth Monday ng July nagaganap ang SONA. Pumapatak ito sa mga petsang Hulyo 22 hanggang 28.

At kung pumatak ito ng Hulyo 22, 23 o 24, may fifth Monday o ikalimang Lunes ng Hulyo, na pumapatak ng Hulyo 29, 30 o 31. Tanging Hulyo 25, 26, 27 at 28 lang maaaring pumatak ang last Monday of July.

Tulad noong nakaraang taon, Hulyo 23 ang SONA. Fourth Monday iyon at hindi last Monday ng July. Dahil Hulyo 30 ang last Monday ng July, 2019. Kaya mas tamang sabihin nating tuwing ikaapat ng Lunes sa buwan ng Hulyo nagaganap ang SONA, at hindi tuwing huling Lunes ng Hulyo.

Ngayong taon, pumatak ng Hulyo 27 ang SONA. At SONA naman ay... (anong wish mo?) 

07.20.2020

Sabado, Hulyo 11, 2020

Ano ang cyberlibel?

ANO ANG CYBERLIBEL? 
Sinaliksik ni Greg Bituin Jr.

Ang Cybercrime Prevention Act of 2012 (Batas Republika Blg. 10175) ay naisabatas sa Pilipinas noong Setyembre 12, 2020. Layunin nitong parusahan ang anumang krimeng isinagawa gamit ang kompyuter.

Nauna nang naisabatas noong ang Electronic Commerce Act of 2000 (Batas Republika Blg. 8792) hinggil sa mga krimeng gamit ang kompyuter, na naisabatas bunsod na rin ng matinding I Love You virus na ginawa ng isang Pinoy na si Onel de Guzman. Subalit hindi siya nasampahan ng kaso noon dahil sa kawalan ng legal na batayan upang kasuhan siya sa panahong iyon.

Sa kaso ni Maria Ressa, siya’y kinasuhan ng cyberlibel, at hinatulan siyang guilty ng hukom na si Rainelda Estacio-Montesa ng Manila Regional Trial Court Branch 46 noong Hunyo 15, 2020.

Ang nasabing batas ay may 31 seksyon, at nahati sa walong mga kabanata. Dito'y ginawang krimen ang maraming uri ng pagkakasala, kabilang ang iligal na pag-access (pag-hack), pakikialam ng mga datos, maling paggamit ng aparato, cybersquatting, computer fraud, cybersex, spam, at iba pang pagkakasala. Isinama  rin  nito ang Anti-Child Pornography Act of 2009 (Batas Republika Blg. 9775), at ang libelo, na pagkakasala sa ilalim ng Seksyon 355 ng Revised Penal Code of the Philippines, na lalo na’t ginamit ang kompyuter sa mga aktibidad na labag sa batas.

Ang Batas ay may unibersal na hurisdiksyon: may mga probisyon itong lapat sa lahat ng sinumang mamamayang Pilipino, saan mang bansa siya naroroon. Iba pa ang usapin hinggil sa Stop Online Piracy Act at ang PROTECT IP Act.

Krimen na ang libelo sa ating bansa. Ang libelo'y may parusang minimum o medium prisión correccional (anim na buwan hanggang apat na taon at dalawang buwan), ngunit sa cyberlibel ngayon, ito'y may parusang prisión mayor (anim hanggang labing dalawang taon).

Abangan pa natin ang anumang kahihinatnan ng kaso ni Maria Ressa at bantayan natin ang ating kalayaan sa pamamahayag.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 1-15, 2020, pahina 2.

Huwebes, Hulyo 9, 2020

Maikling kwento: Pagdaluhong sa karapatan

Pagdaluhong sa karapatan
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hulyo 1, 2020

"Alam nyo, naulit na naman pala ang nangyari kay Winston Ragos, iyon bang sundalong sinita ng limang pulis noong Abril at binaril ng walang laban ng isang pulis," sabi ni Mang Kulas na naggugupit sa barberya.

"Oo nga, Mang Kulas. Narinig ko rin sa balita kanina," sabi ng estudyanteng si Roberto na ginugupitan ni Mang Kulas.

"Bakit? Anong nangyari? Hindi ko yata narinig sa radyo kanina..." sabat naman ni Mang Lando na isa ring barbero.

"Aba'y pinagbababaril ng mga pulis ang apat na sundalo ng walang laban. Nangyari sa Sulu. Isang major, isang kapitan, at dalawa pang sarhento ang pinaslang, ayon sa balita. Galit na galit nga ang pamunuan ng Philippine Army. Rubout daw," paliwanag ni Mang Kulas.

"Grabe na talaga ang nangyayari sa bayan natin. Sundalong walang laban pa ang pinaslang ng mga pulis. Tapos, sasabihin, nanlaban. Kung sila nga ay di nagkakakilanlanan na umabot pa sa patayan, paano pa ang simpleng mamamayang mapapagkamalan?" ang komento naman ni Mang Lando. "Lalo na ngayong nais isabatas ang Anti-Terror Bill?"

"Dapat nga po huwag maisabatas iyang Terror Bill, dahil marami na tayong batas laban sa krimen. Dadagdagan pa ng mapanggipit na batas sa ating kalayaang magpahayag at yaon bang 'dissenting opinion'." Sagot naman ni Roberto.

Dagdag pa niya, "Nabalita pang 122 kabataan pala ang napaslang ng walang proseso dahil sa War on Drugs, kabilang na sina Danica Mae Garcia, limang taon, at Althea Barbon, apat na taon."

"At ano naman ang kaugnayan niyan?" tanong ni Mang Kulas.

"Para bang polisiya na ng mga pulis ang pumaslang, dahil iyon naman ang sabi ng Pangulo. Ubusin lahat sa ngalan ng War on Drugs. Kaya paslang lang sila ng paslang, tulad ng pagpaslang sa mga sundalo. Kaya dapat huwag maisabatas ang Anti-Terror Bill, dahil baka maraming pagdudahan at mapaslang ng walang due process." Paliwanag pa ni Roberto.

"Kaisa mo ako riyan. Tama ka. Sana'y respetuhin ang karapatang pantao ng bawat mamamayan," sabi naman ni Mang Lando. "May pagkilos pala bukas laban sa Anti-Terror Bill. Nais mo bang sumama? Magkita tayo rito bukas ng alas-otso ng umaga."

"Kung wala pong gagawin, susubukan ko pong sumama. Salamat po sa paanyaya."

"Pupunta tayo sa CHR ground. Doon gagawin."

"Sige po. Salamat po, Mang Kulas, sa gupit. Ito po ang bayad."

"Salamat din sa paliwanag mo. Ingat."

Hulyo 2, 2020

Nagkita-kita sina Roberto at Mang Lando sa Bantayog ng mga Bayani. Doon sila magsisimulang magmartsa patungo sa CHR ground. Sa Commission on Human Rights nila napiling gawin ang pagkilos dahil maaaring di sila galawin pag dito nila ipinahayag ang  kanilang  damdamin  laban  sa Anti-Terror Bill, na instrumento ng rehimen, na maaaring yumurak sa kanilang karapatang magpahayag, at akusahang terorista dahil lumalaban umano sa rehimen. 

Maya-maya lang ay nagmartsa na sila patungong CHR at doon ay nagdaos sila ng maikling programa, may mga talumpati at awitan.

Hulyo 3, 2020

Nabalitaan na lang nina Roberto sa telebisyon na pinirmahan na pala ng pangulo ang Anti-Terror Act of 2020, na mas kilala ngayon bilang Terror Law.

Hulyo 4, 2020

Agad na nagsagawa ng mga pagpupulong ang iba’t ibang grupo upang kondenahin ang anila’y batas na maaaring yumurak sa karapatang pantao. Ang petsang napagkaisahan nila ay Hulyo 7, 2020, kasabay ng ika-128 anibersaryo ng pagkakatatag ng dakilang kilusan ng Katipunan. Dito’y ipapahayag nila na ang Terror Law ang huling tangka ng rehimen upang depensahan ang administrasyon nito laban sa ngitngit ng mamamayan sa mga kapalpakan nito na mas inuna pa ang pagsasabatas ng Terror Law gayong walang magawa upang lutasin ang COVID-19. 

Naghahanda na rin ang mamamayan upang depensahan ang bayan laban sa ala-martial law na karahasan sa hinaharap.

* Ang maikling kwentong ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 1-15, 2020, pahina 18-19.

Linggo, Hunyo 28, 2020

Maikling kwento: Paghuli sa mga tinuturing na pasaway

PAGHULI SA MGA TINUTURING NA PASAWAY
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

"Galing lang ako sa botika upang bumili ng facemask, pero ubos na raw at walang stock. Kaya umuwi na ako. Sa paglalakad ay bigla na lang akong hinuli at pinalo ng yantok ng pulis. Pasaway daw ako at hindi sumusunod, dahil wala raw akong suot na facemask." Ito ang kwento ni Ka Kiko sa ilan pang nakakulong sa presintong iyon.

"Halos ganyan din ang nangyari sa akin. Wala rin akong mabilhan. Tapos sabi nila, dapat social distancing. Sinunod ko iyon. Pero silang mga alagad ng batas ang hindi sumusunod, dahil mismong dito sa kulungan ay walang social distancing. Para tayong sardinas dito." Ito naman ang sabi ni Efren na nakilala ni Ka Kiko sa loob.

Tahimik lang na nakikinig si Ka Dodong sa kanilang usapan. Subalit siya'y natanong. "Ikaw naman, anong kwento mo?"

Ayaw sana niyang sumabat sa usapan, ngunit nais na rin niyang ikwento ang nangyari sa kanya. Aniya, "May facemask ako, subalit wala akong quarantine pass. Taga-Malabon ako subalit nais kong bumili ng isda sa Navotas. Hinuli ako't ikinulong. Di pa alam ng pamilya ko ang nangyari sa akin."

Matitindi na ang mga usapan sa piitang iyon. Ikinulong sila sa salang walang suot na facemask, walang quarantine pass, at mga pasaway daw sila.

Sumabat naman si Ka Lito na isang manggagawa. Ang kwento niya, bilang lider-manggagawa, hindi niya kinakalimutan ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa na sumasapit tuwing unang araw ng Mayo. Tiniyak nilang may social distancing at sila’y nagpahayag sa social media ng mga panawagang tulad ng Free Mass Testing Now! na nakasulat sa kanilang plakard. Ayon pa sa kanya, walang masama roon dahil "Taon-taon naman ay ipinagdiriwang namin ang Mayo Uno. Ganoon din ngayon, na naka-facemask kami, nag-alkohol, at nag-social distancing, ngunit hinuli pa rin."

Sumabat uli si Ka Kiko, "Ano bang maaasahan natin sa ganitong gobyernong walang pakundangan sa karapatang pantao. Iyon ngang sundalong si Winston Ragos na sinita ng limang pulis ay pinaslang ng pulis, na may sayad din yata, dahil walang facemask. Meron pang batang pinalo ng yantok ng pulis dahil walang facemask. May hinuli ring twalya, imbes facemask, ang isinuot. Paano na ang due process at karapatang pantao?”

Narinig sila ng pulis na nagba-bantay sa kanila. "Mga pasaway kasi kayo, kaya dapat kayong hulihin." 

Sinagot tuloy ni Ka Kiko ang pulis na bantay. "Paano kami naging pasaway? Naubusan nga ng facemask sa botika, pasaway?"

"Mas pasaway kayong mga pulis. Sabi ninyo, dapat social distancing, pero dito sa kulungan, naka-social distancing ba kami? Ang hepe nyo ngang si Debold Sinas, nakapag-manyanita pa. Nagkasayahan nang hindi naman nag-social distancing. Tapos, di nakasuhan. Basta pulis, lusot sa kaso kahit lumabag." Dagdag naman ni Efren.

Maya-maya, nakita rin ng mga kamag-anak ni Ka Dodong ang kanyang kinaroroonan. Akala nila'y tuluyang nawala ang kanilang ama. Ayon sa isang dating bilanggong pulitikal, isa itong kaso ng desaparesido dahil sapilitang siyang iwinala, at si Ka Dodong ay resurfaced pagkat muling nakita.

Ilang araw naman ang lumipas, dumating na ang abugadong sumaklolo kay Ka Lito. Laya na siya. Subalit paano ang ibang walang abugado?

Ang sabi ni Atty. Juan sa mga nabilanggo, "Hindi kayo mga pasaway, dahil ang palpak ay ang plano sa kwarantinang ito. Dapat maging makatao. Kung wala kayong facemask, bakit kayo ikukulong? Ang dali-dali, magbigay lang sila ng facemask, wala na sanang problema. Ang problema, imbes na mga doktor o kaya’y mga espesyalista sa karamdaman ang manguna sa pagbaka sa coronavirus na ito, bakit pulis at militar ang nangunguna? Anong malay ng mga iyan sa problema sa kalusugan? Ang dapat, serbisyong medikal, hindi militar. Checkup at hindi checkpoint. Kung walang facemask, dapat magbigay ng facemask. Tulong, hindi kulong. Paana lang kung maipasa ang Anti-Terror Bill? Baka mas tumindi pa ang mga paglabag sa karapatang pantao..."

Bukod sa mga bilanggo, medyo naliwanagan din ang ilang pulis. Humingi ng pasensya. "Sumusunod lang naman kami sa utos mula sa itaas. Sabi nga ni Presidente, shoot them dead laban sa mga pasaway. Mabait pa kami dahil hindi namin kayo pinatay. Sumusunod lang po kami sa utos."

Napailing na lang ang mga bilanggo at ang abugado sa palsong paliwanag ng pulis. 

Bago umalis kasama ng abugado, isinigaw ni Ka Lito, "Karapatang pantao, ipaglaban! Free mass testing now!" na ikinagulat man ng mga naroon ay hinayaan na lang silang makaalis.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 16-30, 2020, pahina 18-19.

Biyernes, Hunyo 19, 2020

Sanaysay sa Taliba: ANG KASONG LIBELO

SERYE NG BATAS AT KARAPATAN
Ang kasong libelo 
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Natatandaan ko noong ako pa’y editor ng pahayagang pangkampus na upang maging matagumpay ang kasong libelong isasampa sa iyo ay dapat may apat na batayan, at may daglat itong PIDM. Publication - paglathala; Identification - Pagkilala o pagtukoy; Defamation - Paninirang puri; at Malice - malisya. Pag wala ang isa man sa apat na ito ay hindi magiging hinog ang kasong libelo. Halimbawa, sa isang blind item, may presensya ng tatlo pero hindi tinukoy ang pangalan, hindi ito magiging matagumpay na kasong libelo, dahil kulang ng isa.

Gayunman, mas dapat din nating aralin ang batas sa libelo upang makaiwas tayong makasuhan sa isang sinulat nating di natin mapanindigan, o di natin mapatunayan sa harap ng hukuman.

Ayon sa Artikulo 353 ng Philippines Revised Penal Code, ang kahulugan ng libelo ay “a public and malicious imputation of a crime, or of a vice or defect, real or imaginary, or any act, omission, condition, status or circumstance tending to cause dishonor, discredit or contempt of a natural or juridical person, or to blacken the memory of one who is dead.”

Sa simpleng sabi, pag may paninirang puri kang inilathala, maaari kang sampahan ng kasong libelo. Pagkat hindi garantiya ang kalayaang magpahayag. Ang pinaka-epektibong depensa rito ay ang katotohanan, at kaya mong idepensa ang iyong ulat ng mga katibayan, tulad ng preponderous evidence at testimonial evidence.

Dapat nauunawaan natin ito lalo na’t ginagawa natin ang ating pahayagang Taliba ng Maralita. Kaya may nagsusulat ng mga salitang “diumano”, “ayon sa saksi”, o sa Ingles ay “alleged”, at iba pa.

Paano maiiwasang makasuhan ng libelo? Ano ang dapat nating gawin pag tayo’y nakasuhan nito? Di sapat ang dapat handa tayong makasuhan ng libelo. Ang malaki riyan ay magkano ang piyansa, na di lang libo kundi milyong piso, lalo na’t ang nagsakdal ay mayaman at kilalang tao.

Sa susunod na isyu, pag-usapan naman natin ang isyu at batas hinggil sa cyberlibel.

* Ang artikulong ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-30, 2020, pahina 2.

Huwebes, Hunyo 18, 2020

Karahasan at paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng kwarantina

KARAHASAN AT PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO SA PANAHON NG KWARANTINA 
Saliksik ni Greg Bituin Jr.

Balitang-balita ang maraming paglabag sa karapatang pantao nang magsimula na ang lockdown o community quarantine noong kalagitnaan ng Marso 2020 dahil sa pananalasa ng COVID-19. Dapat daw, lahat ay may facemask, mag-alkokol, Stay-at-Home, mag-social distancing, atbp. upang maiwasan ang sakit na COVID-19. Habang ang marami'y nananawagan noon ng Free Mass Testing, at ayuda.

Subalit maraming paglabag sa karapatang pantao ang naganap, dahil mga pasaway daw ang mga nagtinda upang di magutom ang pamilya, hinambalos ng yantok, binugbog, sinaktan, kinulong, at ang pinakamatindi’y ang pagpatay. Ano pa bang aasahan natin kung sinabi mismo ng pangulo na “Shoot them dead!” sa sinumang lumalabag sa polisiya sa kwarantina? Tulad ng tokhang, karahasan ang mga naganap.

Kawawa ang inabot ng mga walang facemask, pulos maralita ang mga hinuli’t ikinulong. Habang ang mga sikat at kampi ni Duterte ay nakakalaya sa kabila ng mga paglabag din sa polisiya ng kwarantina. Sikat sa social media ang pagkakaligtas, sa kabila ng paglabag, nina Senador Koko Pimentel, Mocha Uson, Debold Suñas, at marami pang iba.  

Kitang-kita ang tunggalian ng uri sa kasalukuyan. Tunay ang sinabi sa kantang Tatsulok: “At ang hustisya ay para lang sa mayaman.” At kita ito ng mga maralitang galit na sa nangyayaring inhustisya sa lipunan.

Nasaan na ang due process? Sa panahon ng tokhang nga’y walang due process, hahanapin pa ba natin ito sa ngayon? Oo. Sapagkat ito ang nararapat. 

Sunod-sunod ang mga vendor na hinuli dahil gutom sila’t nais kumita upang mapakain ang pamilya. May 13-anyos na pinalo umano ng yantok ng pulis. Si Ka Dodong na taga-Navotas, na hinuli’t muntik maging isang desaparesido, dahil walang quarantine pass. May magsasakang namatay dahil tinanggihan ng anim na ospital. Pinaslang ang sundalong si Winston Ragos, gayong limang pulis ang naroroon. May war shock umano ang sundalo, ngunit tila may topak din ang pulis na bumaril sa kanya. Pati manggagawang nagdiwang ng Mayo Uno ay dinakip din at ilang araw namalagi sa kulungan.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte ng Quezon City, pag walang facemask sa QC, 6 na buwang kulong at P50K na multa. Anong klase ang ganitong pinuno, na imbes bigyan ng facemask ang walang facemask ay ikukulong pa?

Nakaparaming karahasan, na imbes tutukan ang COVID-19, ay pulos tapang at pananakit ang nararanasan ng mamamayan. Ganito nga ba ang pamahalaang pinamumunuan ng matapang na mamamatay-tao, at nagsabing una sana siyang nanggahasa sa isang babaeng Australianang pinaslang.

* Unang nalathala ang artikulong ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 10-11.

Linggo, Hunyo 14, 2020

Ang pagkamatay ni George Floyd na naging mitsa ng protesta sa US

Ang pagkamatay ni George Floyd na naging mitsa ng protesta sa US
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Black Lives Matter. Muling nabuo ang malaking protesta ng mga Itim sa Amerika bunsod ng pagkamatay ni George Floyd. Hindi ito tulad sa Pilipinas, na di pa agad masabing Brown Lives Matter, dahil Pilipino rin ang pumapatay sa kapwa Pilipino sa mga nagaganap sa salvaging o E.J.K (Extra-Judicial Killings) sa bansa.

Si George Floyd ay isang Egoy (Amerikanong Negro) na nakita sa video at litrato na nakadapa sa gilid ng isang police car, pinosasan ang mga kamay sa likod at dinaganan ng tuhod ng pulis na Puti ang kanyang leeg. Ang pulis, si Derek Chauvin, at tatlo pang pulis, ang umaresto kay Floyd, dahil diumano sa pekeng pera. Nangyari iyon sa Minneapolis noong Mayo 26, 2020.

"I can't breathe! (Hindi ako makahinga!)" ang paulit-ulit niyang sinasabi. Namatay siya sa kalaunan.

Kinabukasan ay sinibak agad ang apat na pulis. Ayon sa awtopsiya, homicide ang ikinamatay ni Floyd. Sa madaling salita, namatay siya sa kamay ng pulis na si Chauvin. Kinasuhan si Chauvin ng third-degree murder at second-degree manslaughter.

Dahil sa nangyari, nagkaroon ng malawakang protesta sa pagkamatay ni Floyd, at laban sa karahasan ng mga pulis na Puti laban sa mga Egoy, sa iba't ibang lugar ng Amerika, maging sa ibang panig ng mundo.

Bago iyon, bumili si George Floyd ng kaha ng sigarilyo sa Cup Foods sa Minneapolis, at nagbayad ng $20. Nang makaalis na siya pasakay ng kanyang SUV, tumawag ng pulis ang may-ari ng Cup Foods sa hinalang peke ang perang ibinayad ni Floyd. Kaya dumating ang mga pulis at inaresto si Floyd.

Sa ating bansa, marami nang pinatay ang mga pulis sa War in Drugs. Ang nangyari kay Kian Delos Santos, kung ikukumpara kay Floyd, ay nagpaputok din ng maraming protesta para sa hustisya.

Kung nagalit ang mga tao sa pagpatay na iyon ng pulis, na mitsa ng libu-libong protesta, sa ating bansa naman, sa takot pagbintangang kumakampi sa adik, ang kawalang proseso at kawalang katarungan ay tila binabalewala. Ayaw lumabas sa kalsada, ayaw iprotesta ang mga mali.

Dapat kumilos din tayo laban sa inhustisya. Dapat kumilos din tayo laban sa kawalang paggalang sa due process at karapatang pantao.

Nakagawa man ng pagkakamali si George Floyd, hindi siya dapat namatay, o "di-sinasadyang" pinatay. Isa siya ngayong inspirasyon sa pakikibaka laban sa racismo, karahasan ng mga Puti laban sa mga Itim, at laban sa police brutality.

Sa ating bansa, kung napanood natin ang dokumentaryong "On the President's Order", isa itong dokumentaryo sa War on Drugs at panayam sa mga totoong pulis at totoong pamilya ng biktima ng pagpaslang.

Ang pakikibaka para sa hustisyang panlipunan ay ipinakita sa pagkamatay ni George Floyd sa Amerika, habang si Kian delos Santos naman, bilang naging kinatawan ng iba pang pinaslang. Kung maisasabatas pa sa ating bansa ang Terror Bill, baka mas lalong umabuso ang mga nasa kapangyarihang nang wala pang Terror Bill ay marami nang pinaslang nang walang paggalang sa due process.

Nawa'y makamtan ng mga biktima ng pamamaslang ang hustisya!

* Ang artikulong ito'y unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal ng publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 18-19.