ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nakarating kaming apat na Pilipino sa tanggapan ng Yaung Chi Oo Workers Association (YCOWA) Development Center, Setyembre 18, 2012. Dito rin ako pansamantalang tumuloy habang ako'y nasa Mae Sot.
Ang mga talang naririto'y batay sa sinipi kong datos mula sa powerpoint presentation ng tagapagsalita ng YCOWA. Binalikan ko ang aking kwadernong kinatatalaan ng mga ito.
May siyam na kampo ng mga nagsilikas (refugee camps) sa kahabaan ng hangganan ng Thailand at Burma, na umaabot ng 140,000 katao.
Mayroong 150,000 migranteng manggagawang taga-Burma sa Mae Sot. Mayroong mahigit 250 pabrika ng tela't kasuotan sa Mae Sot at mayorya sa mga manggagawang taga-Burma ay nagtatrabaho sa mga pabrikang ito. Karamihan sa kanila'y nagtatrabaho ng mula ikawalo ng umaga hanggang ikasiyam ng gabi (8am-9pm), kung saan nakakatanggap lamang sila ng 65 Baht hanggang 80 Baht isang araw. Napakababa ng pasahod. May bawas pa ang sweldong ito para sa seguridad at bayad-akomodasyon. Ang mga manggagawa sa konstruksyon ay nakatatanggap ng 120 Baht hanggang 150 Baht sa isang araw. Ang mga manggagawa naman sa agrikultura ay nakatatanggap ng 100 Baht hanggang 120 Baht sa isang araw.
Kitang-kita na agad sa mga pasahod na ito na nilalabag ang kanilang karapatang pantao bilang manggagawa. Sa batas ng Thailand, ang inanunsyong batayang pasahod (minimum wage) sa Mae Sot ay 226 Baht para sa isang araw, walong oras ng paggawa. Sa Chang Mai, ang batayang pasahod ay 281 Baht, sa Bangkok ay 300 Baht, sa Phuket ay 300 Baht at sa Ranong ay 250 Baht.
Ang kalagayan ng manggagawa sa mga pabrika ay mahabang oras paggawa, mababang pasahod, at walang araw ng pahinga (no holiday). May mga patrabaho sa mga bata (child labor) sa mga pabrika ng pagpipino (refining factories). Dinudurog ang mga welga, nagtatrabaho ng 20 oras sa bawat araw. At ang rurok ng kanilang produksyon ay tuwing Enero at Abril.
Ginagamit ng mga kapitalista ang mga manggagawang hindi dokumentado dahil mas madali silang abusuhin. Kaya imbes na magbigay ng tamang sweldo batay sa batayang pasahod, tubo ng tubo talaga ang mga kapitalista. Kinakailangan ng manggagawang humanap ng isang ligtas na lugar, at ang iba'y nagtatago sa kagubatan. Ang ilang manggagawa umano'y nasa IDC (Immigration Detention Center).
Dahil dito'y itinatag ang Yaung Chi Oo Workers Association (YCOWA). Ang ibig sabihin ng Yaung Chi Oo ay "bagong bukangliwayway" o "new dawn". Ang kanilang misyon ay himukin ang mga migranteng manggagawang taga-Burma na organisahin ang kanilang mga sarili upang magsagawa ng kolektibong aksyon para proteksyunan at maipagtanggol ang kanilang mga karapatan; mapatibay ang panlipunang ugnayan at pagkakaisa ng mga migranteng manggagawa mula sa Burma; ang magbigay ng mga payong ligal, pag-aaral sa karapatan at pagsasanay na bukasyunal, pangangalaga sa kalusugan at batayang serbisyo; at tumulong sa paglahok ng mga manggagawa sa kilusan para sa demokratikong pagbabago sa Burma.
Ang YCOWA ay may Day Care Center, may Mobile Medical Team, Mobile Clinic, at paaralang Sky Blue School.
Mula 2002-2011, o sampung taong singkad, natulungan ng YCOWA, kasama pa ang isang foundation, ang 2,113 manggagawa sa 157 kaso, at naipanalo ang 11,613,749 Baht bilang bayad-pinsala sa mga manggagawa sa pamamagitan ng prosesong ligal sa batas ng Thailand. Nakatanggap ang YCOWA ng Gawad Katarungan at Kapayapaan (Justice and Peace Award) mula sa Timog Korea noong 2004.
Ayon pa sa YCOWA, mula pa noong 1967 ay ipinagbawal na ang pag-uunyon sa Burma. Dagdag pa nila, upang mawakasan ang pagdurusa ng mga tao, dapat na magkaroon ng demokratikong pagbabago sa Burma.
Sa pagtatapos ng paliwanag ng tagapagsalita ng Yaung Chi Oo, nanood kami ng isang 25-minutong dokumentaryo hinggil sa kalagayan ng mga migranteng manggagawang taga-Burma sa loob ng Thailand, partikular sa bayan ng Mae Sot. Isinalaysay doon ng mga nakapanayam na manggagawa ang kanilang hirap na kalagayan sa pagtatrabaho. Pati ang pagkamatay ng 54 na migranteng manggagawang nasawi sa nakasusulasok na usok (suffocation) sa loob ng isang malaking trak. Nahuli at nakulong ang tsuper ng trak, at nagbayad ng malaki ang kumpanya sa pamilya ng mga namatay.
Nagtanungan, nagtalakayan, at nagkapalitan ng kuro-kuro matapos ang palabas. Nagkaroon din umano ng panukalang batas sa parlyamento ng Thailand na ang mga buntis na babaeng taga-Burma ay dapat nang bumalik sa kanilang bansa upang wala nang ikalawang salinlahi ng mga taga-Burma sa Thailand. Ito'y ayon mismo sa Punong Ministro ng Thailand.
Sa ngayon, nangangailangan umano ang Thailand ng 500,000 migranteng manggagawa, at ang kinukuha nila'y mga manggagawa mula sa Laos, Cambodia at Burma. At ang mga kapitalistang Thai ay nagtatayo ng pabrika sa Burma dahil mas mura ang lakas-paggawa roon.
Matapos ang talakayan ay nagpaalaman kami, at nagtungo sa DPNS School. Bumalik ako kinagabihan sa YCOWA upang matulog. Sa aking pagninilay kinagabihan sa tulugan ay muling naglaro ang aking diwa't isinulat ang ilang tula bilang bahagi ng aking repleksyon sa naganap ng araw na iyon.
Para sa karagdagang kaalaman hinggil sa YCOWA, mangyaring bisitahin ang kanilang blog sa ycowaeng.blogspot.com/. Mabuhay ang pamunuan at kasapian ng YCOWA! Isang taas-kamaong pagpupugay!
- sinulat sa Lungsod Quezon, Oktubre 8, 2012
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento