Sabado, Oktubre 6, 2012

Munting Tala sa Pagbisita sa Ilang Samahan sa Mae Sot


MUNTING TALA SA PAGBISITA SA ILANG SAMAHAN SA MAE SOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ilang mga samahan para sa pagpapalaya ng Burma ang aming pinuntahan. Una naming pinuntahan ang tanggapan ng DPNS (Democratic Party for New Society) noong Setyembre 16 ng gabi, kung saan nakipagtalakayan kami hinggil sa DPNS at YNS (Youth for New Society). Kinabukasan ng umaga'y bumalik kami doon kung saan tinalakay ng isang kasama ang hinggil sa kanilang organisasyon. Tinalakay din ang aming mga iskedyul sa mga darating na araw. Setyembre 18 at 19, tigaapat na organisasyon o lugar ang aming pupuntahan. At nang hapon ng Setyembre 17, kaming apat na Pilipino'y pinadala na sa apat na organisasyong siyang sasalo sa amin doon. 

Setyembre 18. Pinuntahan namin ang BWU (Burmese Women's Union), ang SYCB (Students and Youth Congress of Burma), ang YCOWA (Yaung Chi Oo Workers Association), kung saan ako tumutuloy, at ang DPNS School.

Setyembre 19. Pinuntahan namin ang sikat na Mae Tao Clinic, ang CDC (Children's Development Center, at napadaan lamang kami sa New Society Learning Center na di kasama sa iskedyul. Bandang hapon naman ay nagtungo kami sa AAPP (Assistance Association for Political Prisoners) at sa FDB (Forum for Democracy in Burma). Anu-ano nga ba ang mga layunin ng mga organisasyong aming pinuntahan? Iisa-isahin ko sa artikulong ito. Gayunman, binukod ko ng artikulo ang YCOWA at Mae Tao Clinic, dahil sa maraming mga usapin. Binalikan ko ang mga tala sa aking munting kwaderno.

Itinatag ang DPNS noong Oktubre 14, 1988, nang sampung lider-estudyante't kabataan. Isa sila sa malakas na kilusang estudyante't kabataan nuong panahong iyon. Naorganisa nila ang may 200 lider-estudyante sa iba't ibang panig ng bansa, at umabot sila sa kasapiang 200,000. Sa ngayon, ang DPNS ang ikalawang pinakamalaking partido, batay sa laki ng kasapian at popularidad. Sinuportahan nila ang NLD (National League for Democracy) na siyang partido ng kilalang si Daw Aung San Suu Kyi.

Inoorganisa ng DPNS ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan at kababaihan, at ang kanilang batayang ideolohiya ay manindigan para sa mga inaapi at di pinapansin ng lipunan. Ang kanilang watawat ay kulay pulang parihaba na may apat na bituin na magkakapatong, na sumasagisag sa manggagawa, magsasaka, petiburgis at makabayang kapitalista. Ang kanilang pamamaraan ay sa pamamagitan ng kapayapaan, pambansang pagkakasundo at katarungang panlipunan. Hinahangad nilang mapalitan ang rehimeng militar at diktaduryal ng isang demokratikong sibilyang pamahalaan. Isinasapraktika nila ang isang panloob na demokrasya, at hinahangad nila na magtatag ng isang unyong pederal sa Burma. 

Ang YNS naman ay dating DPNS-Youth. Itinatag ito para magkaroon ng mas malaking bahagi ang mga kabataan sa pulitika, at makamit ang kalayaan, pagkakapantay at pagkakaisa ng mga mamamayan ng Burma. Itinatag ang DPNS-Youth noong 2002, muling nireorganisa noong 2005 bilang Youth Affairs Working Group. At nitong ika-3 ng Pebrero, 2012, sila'y naging YNS (Youth for a New Society). Isa na silang independyenteng samahan ng kabataan na kaisa ng DPNS.

Ang BWU ay samahang pangkababaihan na binubuo ng mga aktibistang pulitikal, mga mag-aaral, na nagtungo sa mga hangganan ng Burma sa mga bansang Thailand, Tsina, India at Bangladesh. Itinatag ito noong 1995 ng isang pangkat ng mga kababaihang mag-aaral upang ipaglaban ang karapatan ng mga kababaihan at maglaan ng kinakailangang suporta sa mga kababaihan sa mga kampo ng nagsilikas sa mga hangganan.

May sangay sa ibang bansa ang BWU, tulad ng Japan, Canada, Sweden, US at Norway. May tatlo silang layunin. Una, makapag-ambag ng malaki ang mga kababaihan sa pagbaka para sa demokrasya, karapatang pantao at sa pagtatatag ng isang tunay at demokratikong unyong pederal. Ikalawa, pagtataguyod ng pagtanggap at pagkilala ng karapatan ng kababaihan sa lipunang Burmes na kasabay ng daigdigang pamantayan. Ikatlo, magamit ang kakayanan ng kababaihan sa pagtatatag ng isang mapayapa at matagalang pag-unlad ng lipunan sa hinaharap.

Layunin naman ng SYCB (Students and Youth Congress of Burma) na mapatibay pa ang kakayanan ng mga samahang pangmag-aaral at pangkabataan sa Burma, mapalawak ang pagkakaunawaan at pagtutulungan ng mga samahan sa kanilang paglaban sa rehimeng militar, at magkaroon ng pagkakaisa ang iba't ibang samahan ng kabataan at mag-aaral para sa pagtatatag ng unyong pederal ng Burma sa hinaharap. Itinatag ang SYCB noong 1996 bilang organisasyon ng labinlimang samahang pangkabataan at pangmag-aaral. Nakabase sila sa hangganan ng Burma sa Thailand at India.

Dinalaw namin ang CDC (Children's Development Center) nang sumunod na araw. Tumungo muna kami sa Klinikang Mae Tao bago pumunta rito. Ang CDC ay itinatag ng Klinikang Mae Tao noong 1995 upang tiyakin ang mga pangangailangan sa pag-aaral ng mga anak ng mga manggagawang nagtatrabaho sa klinika. Nagsimula ito bilang munting paaralan ng mga anak ng nagtatrabaho sa klinika, ngunit sa kalaunan ay tumanggap na rin ng mga mag-aaral na pawang mga anak ng migranteng Burmes.  Layunin ng CDC na magbigay ng dekalidad na edukasyon sa mga batang Burmes at lumad. Noong 2007 ang CDC Primary School at Mae Tao High School ay pinagsama na sa ilalim ng isang pamamahala. 

Bago kami mananghalian, dumaan kami sa NSLC (New Society Learning Center) kung saan nag-aaral ang mga batang nasa edad lima hanggang anim. Itinayo ito noong 2002. May pananghalian ang mga bata na inilalaan ang paaralan. Maliit lamang ang paaralang ito na may dalawang palapag, at tila inupahang apartment.

Bandang hapon, dinalaw namin ang tanggapan ng AAPP (Assistance Association for Political Prisoners). Isa itong samahan sa karapatang pantao na nakabase sa Mae Sot, at nakikibaka para mapalaya ang lahat ng bilanggong pulitikal sa Burma at magkaroon ng mas makatao at mas maayos na kalagayan sa loob ng bilangguan. Itinatag ito noong 2000, at pinatatakbo ng mga dating bilanggong pulitikal. Merong museyo rito, kung saan naroon ang mga litrato ng mga bilanggong pulitikal na nakakulong pa rin, habang sa kabilang banagi nito'y ang mga litrato ng mga naging bilanggong pulitikal na ngayon ay nakalaya na. Sa gitna ng museyo ay may maliit na istraktura ng isang kulungan sa loob ng Burma. Ayon sa AAPP, may 514 na bilanggo, kabilang ang 19 na bilanggong pulitikal, ang pinalaya nitong ika-17 ng Setyembre, 2012. Dagdag pa nila, mula noong 1988, umabot na sa 144 na bilanggong pulitikal ang namatay sa bilangguan.

Nakikipag-ugnayan ang AAPP sa mga samahang tulad ng AI (Amnesty International) at HRW (Human Rights Watch). Ikinakampanya nila ang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal nang walang anumang kondisyon. Nais din nilang matanggal ang Sek. 401 ng Burmese Criminal Procedure Code, na nagsasaad na ang mga bilanggong pulitikal na muling nagkasala ayhuhulihin, ikukulong at bubunuin ang dating sentensya.

Nagbibigay ang AAPP ng edukasyon at tulong pananalapi sa pamilya at mga anak ng mga bilanggong pulitikal. Sa ngayon, nangangalap ng pondo ang AAPP sa pamamagitan ng Prisoners of Conscience Appeal Fund. Bago kami umalis sa lugar na iyon, bumili kami ng berdeng t-shirt na nagkakahalaga ng 200 Baht. Nakatatak sa t-shirt ang logo ng AAPP sa gawing taas ng kanang bahagi, habang sa gitna nito ang mga katagang “The Role of Political Prisoners in the National Reconciliation Process” na nasa ibabaw ng drowing na rehas at may dalawang kamay na nag-aabutan. Sa likod ng t-shirt ay nakatatak naman ang mga katagang “There can be No National Reconciliation in Burma as long as there are Political Prisoners.”

Ang huli naming pinuntahan ng araw na iyon ay ang tanggapan ng FDB (Forum for Democracy in Burma). Itinatag ito noong 2004, at karamihan ng mga kasapi nito ay yaong mga aktibistang nagsilikas sa Thailand mula sa Burma. Ayon sa tagapagsalita ng FDB, nakapaloob sa kanila ang pitong samahan. Nariyan ang ABFSU (All Burma Federation of Students Union), ang ABSDF (All Burma Students Democratic Front), ang DPNS, ang BWU, ang NDD (Network for Democracy and Development), ang PDF (People's Defense Force) at ang YCOWA (Yaung Chi Oo Workers Association). Ang FDB ay may tatlong komite, at ito'y ang gawaing panloob, ang pamamahayag, at ang ugnayang panlabas. Layunin ng samahang ito na mapatibay at mapalakas ang taumbayan sa Burma.

Dagdag inspirasyon ang mga samahang nakadaupang-palad namin para sa patuloy na pakikipag-ugnayan, pagtulong at pakikiisa sa mamamayan ng Burma para sa kanilang inaasam na paglaya at pagbabago. Lalo itong nagpatibay sa aming pagnanasang magpatuloy at makibaka kasama ng mga taga-Burma, sa diwa ng internasyunalismo, na ipagwagi ang isang lipunang may kalayaan, may pagkakapantay, at may paggalang sa karapatan ng bawat isa.

- Oktubre 5, 2012, Lungsod Quezon

Walang komento: