Edsa, 8888, at Saffron
KASAYSAYAN NG TATLONG PAG-AALSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Matapos ang tagumpay ng mga Pilipino nang mapatalsik ng sambayanan si Ginoong Marcos sa pagkapangulo, ang naganap na Pag-aalsang Edsa noong Pebrero 1986 ay naging simbolo ng pakikibaka ng taumbayan sa iba't ibang bansa para sa kanilang kalayaan. Lumaganap na ang people power sa iba't ibang bansa. Nakilala na ng masa na kung magsasama-sama lamang silang kikilos ay kaya nilang magpabagsak ng isang pangulo nang mapayapa.
Naging halimbawa sa mamamayan ng daigdig ang Pag-aalsang Edsa sa ating bansa noong 1986 na nagpatalsik kay Marcos. Nasundan ito ng Singing Revolution sa Estonia, Latvia at Lithuania (1988), Pagbagsak ng Berlin Wall sa Germany (1989), Velvet Revolution sa Czechoslovakia (1989), Bulldozer Revolution sa Yugoslavia (2000), Pag-aalsang Edsa 2 sa Pilipinas (2001), Rose Revolution sa Georgia (2003), Orange Revolution sa Ukraine (2004), Cedar Revolution sa Lebanon (2005), Tulip Revolution sa Kyrgystan (2005), Jasmine Revolution sa Tunisia (2011), at Day of Anger Revolution sa Egypt (2011). Ngunit may mga pagkatalo rin, tulad ng 8888 Uprising sa Burma (1988), Tiananmen Students Protest sa Tsina (1989), Edsa 3 Urban Poor Revolution sa Pilipinas (2001), at Saffron Revolution sa Burma (2007).
Habang nasa Mae Sot kaming apat na Pilipino'y tinanong kami hinggil sa naganap na Pag-aalsang Edsa, na ikinwento naman namin. Nariyan din ang ilang tanong, tulad ng ano ang kaibahan ng Pag-aalsang Edsa noong 1986 sa Rebolusyong 8888 sa Burma noong 1988. Ano raw ang mga kulang ng kanilang pakikibaka sa naganap sa Edsa 1. Sabi namin, bagamat parehong napasailalim ng diktadura ang Pilipinas at Burma, magkaiba naman ang sitwasyon ng dalawang bansa. Suriin natin ang tatlong pag-aalsa at ano ang aral nito sa atin.
Ang Pag-aalsang Edsa 1
Tagumpay ang unang pag-aalsang Edsa sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng masa, napatalsik sa pwesto si dating Pangulong Marcos. Bakit nangyari ito?
Naging pangulo ng Pilipinas si Marcos noong Disyembre 31, 1965. Bilang pangulo, ibinaba niya ang batas-militar noong Setyembre 21, 1972, kaya nabuhay sa ilalim ng diktadura ang taumbayan. Noong Agosto 21, 1983, pinaslang sa tarmak ng Manila International Airport si dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr. Nagngitngit ang taumbayan. Nang magkaroon ng snap election noong Pebrero 7, 1986, nagsagupa sa pagkapangulo si Marcos at ang maybahay ni Ninoy na si Cory. Sa mata ng taumbayan, nanalo si Cory at muling nandaya ang makinarya ng diktadura. Noong Pebrero 21, 1986, kumalas sa pangulo ang ministro ng depensa nitong si Juan Ponce Enrile at AFP Vice Chief of staff Fidel V. Ramos. Nanawagan si Cardinal Sin na suportahan sila. Nagtungo ang milyong tao sa Edsa. Noong Pebrero 25, 1986, umalis na si Marcos sa Pilipinas.
Ang Pag-aalsang 8888
Ang Pag-aalsang 8888 sa Burma ay serye ng martsa, welga, demonstrasyon at labanan sa Socialist Republic of the Union of Burma, na mas kilala ngayon bilang Burma o sa tawag ng diktadurya ay Myanmar). Ang mayor na pangyayari'y naganap noong ika-8 ng Agosto 1988, kaya tinawag itong "Pag-aalsang 8888". Ito'y pinangunahan ng mga estudyante ng Yangoon noong ika-8 ng Agosto 1988, at ang protestang ito'y sumiklab sa iba't ibang panig ng bansa. Libu-libong estudyante ng unibersidad, mga monghe, mga bata, maybahay at manggagawa ang nagrali laban sa rehimen. Nadurog ang pag-aalsa noong ika-18 ng Setyembre dahil sa madugong kudeta ng State Law and Order Restoration Council (SLORC). Libu-libo ang namatay sa mga nagprotesta. Sa pangyayaring ito'y nakilala si Aung San Suu Kyi bilang pambansang simbolo ng pakikika tungo sa kanilang paglaya.
Ang kanilang bansa nang mga panahong iyon ay pinamumunuan ni Heneral Ne Win mula pa noong 1962. Noong 1987, ang Burma'y nalagay bilang Least Developed Country ng United Nations Economic and Social Council noong Disyembre 1987. Dahil dito'y inatasan ng pamahalaan na pamurahin ang mga pananim na tinitinda ng magsasaka upang makahamig ng tubo ang gobyerno. Naging mitsa ito ng mga protesta. Naramdaman ng mamamayan ang tumitinding pamumunong militar ng pamahalaan. Nang mabaril ng mga pulis ang isang estudyanteng demonstrador mula sa Rangoon Institute of Technology (RIT) noong 12 Marso 1988, nagrali ang mga estudyante sa harapan ng RIT. Ika-16 ng Marso 1988, pinanawagan ng mga estudyanteng wakasan na ang pamumuno ng isang partido, at nagmartsa sila sa Inya Lake nang binira sila ng mga pulis. Nagsunod-sunod na ang mga protesta. Noong ika-23 ng Hulyo 1988, bumaba sa pwesto si Heneral Ne Win bilang pinuno ng Burma, at itinalaga niya si Sein Lwin, ang tinaguriang "Berdugo ng Rangoon" upang pamunuan ang bagong pamahalaan.
Nag-organisa ang mga estudyante at tinuligsa ang rehimen ni Sein Lwin at ang tropang militar nitong Tatmadaw. Kumalat ang protesta sa iba't ibang panig ng bansa, at tinaon nila ang ika-8 ng Agosto 1988 bilang siyang pinakamalaking protesta sa bansa. Sa protestang ito ng mga estudyante'y nagpaputok ng baril ang mga sundalo ng pamahalaan, na ikinamatay, sa kabuuan, ng tinatayang sampung libong katao, ngunit wala pang 300 sa datos ng gobyerno.
Ang Rebolusyong Saffron
Labingsiyam na taon ang nakalipas, naganap muli ang isang pag-aalsa sa Burma, na tinagurian nilang Rebolusyong Saffron. Ipinangalan ito sa suot na kulay saffron ng mongheng Budista, na nanguna sa protesta laban sa rehimeng diktadura ng Burma. Noong ika-16 ng Agosto, tinanggal ng SPDC (State Peace and Development Council, na siyang pumalit sa SLORC), ang subsidyo sa langis kaya sumirit pataas ang presyo ng diesel at petrolyo ng hanggang 66%, habang limang beses ang tinaas ng presyo ng compressed natural gas na ginagamit sa mga bus. Mula ika-18 ng Setyembre, pinangunahan ng tinatayang 15,000 mongheng Budista ang kilos-protesta. Sumama sa kanila ang nasa 30,000 hanggang 100,000 katao sa mga lansangan ng Yangon. Nagpatuloy ang pag-aalsa hanggang durugin ito ng pamahalaan noong ika-26 ng Setyembre, 2007. Marami ang inaresto at nasaktan. At ayon sa isang ulat, mahigit isang libo ang namatay, habang sa ulat ng human rights envoy ng United Nations, 31 ang nasawi.
Ilang Pagninilay
Magkaiba ang tatlong pangyayari. Ang bawat rebolusyon at pakikibaka’y magkakaiba. Maaaring magkapareho lamang ng katayuan ng mga tao - may diktador at may estudyanteng lumalaban, may kapitalista at manggagawang magkatunggali, may asendero at magsasakang magkalaban. Ngunit ang sitwasyon ay magkakaiba. Tulad ng larong tses, pare-pareho ang katayuan ng mga pyesa, may hari, reyna, obispo, kabayo, tore at piyon, na naglalaban sa animnapu’t apat na parisukat sa isang chessboard, ngunit nagkakaiba ang sitwasyon, kaya magkaiba rin ang resulta. Gayundin ang tatlong rebolusyon. Magkakaiba man, maaari natin itong halawan ng aral.
Sa Pilipinas, ano ang kulang? Bakit sa kabila na tatlong beses nang nag-Edsa, wala pa ring naramdamang pagbabago, kaya nanlalamig na ang karamihan sa people power? Naganap ang Edsa 1 at 2, napatalsik ang pangulo ngunit napalitan lang ng kauri nilang elitista. Si Marcos ay napalitan ni Cory. Si Erap ay napalitan ni Gloria. Walang lider-manggagawa, walang lider-maralita, walang lider-kababaihan, walang lider-magsasakang napunta sa poder. Wala ang isyu ng masa, wala ang isyu ng kahirapan, wala ang isyu ng trabaho, wala ang isyu ng pabahay, wala ang isyu ng salot na kontraktwalisasyon. Hindi umangat ang pakikibaka ng sambayanan sa tunggalian ng uri sa lipunan.
Dahil hindi sapat na ang layunin lang ng people power ay ang pagpapalit ng pangulo. Dapat itong itaas sa pagbabago ng sistema. Hindi sapat na demokrasya lang ang kasagutan. Dapat ipakita na may tunggalian ng uri sa lipunan, at ang pagpawi sa mga uri ang siyang kasagutan. Dapat ipakitang ang mga manggagawa’y hindi lang tahimik na masang nagtatrabaho, kundi isang malakas at pangunahing pwersa sa pagbabago.
Marahil ganuon din sa dalawa pang rebolusyon. Dapat hindi lang mapalitan ang pamunuan ng isang kauri nila, kundi ng totoong kumakatawan sa masa ng sambayanan. Ngunit bago iyon, pagsikapan nating magkaroon ng pagbabago sa Burma. Bagamat tanging mga taga-Burma lamang ang makagagawa niyon, tulungan natin sila sa ibang pamamaraan, tulad ng pangangampanya sa ating bansa at panawagan sa ating pamahalaan na makialam sa Burma at tiyaking umiiral dito ang karapatang pantao, at maayos na pamumuno.
Hamon sa Kasalukuyan
Kailangang manalo ng taumbayan ng Burma sa kanilang pakikibaka para sa demokrasya at kalayaan. Mula 1962, napailalim na sila sa diktaduryang militar hanggang ngayon. Gayunpaman, nagkaroon ng mga pagbabago nitong mga nakaraan. Naisabatas ang Konstitusyong 2008 ng Myanmar (na bagong pangalan ng Burma), ngunit ayaw ito ng mga tao, pagkat ang gumawa nito'y ang mga namumuno sa diktadura. Pinalaya na rin sa pagka-house arrest si Daw Aung San Suu Kyi, na siyang simbolo ng pagkakaisa ng mamamayan ng Burma laban sa diktadura. Nakatakbo siya sa halalan at nanalo sa ilalim ng partidong National League for Democracy (NLD) bilang isa sa kinatawan sa Mababang Kapulungan ng kanilang Kongreso.
Sa ngayon, naghahanda ang mamamayan ng Burma para sa pambansang halalan sa 2015, habang tinatayang pamumunuan ng Myanmar ang ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) sa darating na 2014. Anuman ang kahihinatnan nito ay di pa natin masasabi, at habang ang Burma ay nasa ilalim ng diktadura, patuloy na makikibaka ang mamamayan nito para sa tunay na demokrasya at kalayaan. Sa ganitong dahilan, sumusuporta ang mga aktibistang Pilipino, sa diwa ng internasyunalismo at pagkakaisa, sa pakikibaka ng mga aktibista't mamamayang Burmes para makamtan nila ang kalayaan at demokrasyang matagal na nilang inaasam.
- Oktubre 14, 2012, Lungsod Quezon
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento