Lunes, Enero 18, 2010

Buti na lang, may facebook

BUTI NA LANG, MAY FACEBOOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matagal na akong di umuuwi ng bahay, hindi dahil ayaw kong umuwi o kaya'y ipinagtatabuyan ako ng aking mga magulang, o kaya'y wala na kaming pakialaman. Hindi totoo ang mga dahilang iyun. Sa totoo lang, gusto kong umuwi para makita ang aking mga kapatid at magulang, hindi ako tinataboy at tanggap nila ako bilang aktibista, at may pakialaman naman kami sa isa't isa. Magkakaiba lang kami ng pinasok o naging pasiya sa buhay. At sa buhay na pinasok ko, bilang full time sa isang mapagpalayang kilusan, mas makabubuti sa akin ang di palaging umuwi.

Ngunit kadalasan, nanenermon pa ang tatay ko lalo na pag nag-iinuman na kaming magkakapatid. May plano daw siya sa aming magkakapatid, at binigo ko raw ang plano niya sa akin. Sana raw ay mayaman na ako. Ngunit nalimutan niyang may plano rin akong sarili sa buhay ko, kaya di ako sumunod sa plano niya. Di ba, kaya nga tayo pinag-aral ng mga magulang natin ay di para sumunod lang sa plano nila, kundi pag-isipan at pagplanuhan din natin ang ating sariling kinabukasan.

Kahit tanggap ako bilang aktibista, nais pa rin nilang magkaroon ako ng mas stable na trabaho, di tulad ngayon na minsan, pahirapan sa allowance. Ngunit sa aking pasiya at sa prinsipyong tinatanganan ko ngayon, mas mabuti pa ang pahirapan sa allowance kaysa may malaking sweldo sa isang pabrikang nagsasamantala sa manggagawa. Dati na akong naging manggagawa, nagtrabaho ng tatlong taon bilang machine operator sa isang electronics company, bago nag-resign at nag-aral muli.

Dahil bihira akong umuwi ng bahay, di kami nagkakausap ng aking ama't ina at ng aking mga kapatid. May cellphone kami pero bihira ding magkausap, dahil bawat text, piso. Ang simpleng "ok" at "oo" ay P2 na.

Buti na lang may facebook. Mas mabuti pa ito kaysa yahoo, gmail, blog, at multiply, dahil madali dito ang komunikasyon, lalo na sa chat. At tuluy-tuloy pa ang komunikasyon. Di ka mawawalan ng load. Basta okey ang internet at di nagloloko, at kung nasa computer shop, depende sa oras.

At nang dahil sa facebook ay nagkakausap-usap kaming magkakapatid sa pamamagitan ng chat. Dito ko nga lang sa facebook muli kong nakausap ang mga kaklase ko sa elementarya at high school, sa tagal na di namin pagkikita, at dito na rin nagkakakumustahan. Nalalaman ang buhay-buhay ng bawat isa.

Buti na lang may facebook dahil kahit wala ako sa bahay, nagkakausap pa rin kaming magkakapatid.

Biyernes, Disyembre 18, 2009

Pambungad sa aklat na "ALIKABOK AT AGIW"

PAMBUNGAD

PAGPAWI SA ALIKABOK AT AGIW
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan, pag nakasakay tayo sa bus, pinupunasan natin ang alikabok sa salamin nito upang matanaw natin ng malinaw ang ating dinaraanan, ang mga ibon, bundok, batis, kabahayan, nagtatayugang gusali, o maging ang mahabang lansangan. Minsan, natutuwa tayo sa alikabok, kaya minsan naisusulat natin ang ating pangalan sa salamin ng inaalikabok na kotse sa pamamagitan ng ating daliring pinampawi sa alikabok. Ngunit hindi tayo natutuwa sa agiw na naglipana sa kisame ng ating bahay.

Alikabok. Agiw. Parehong dumi, nakakadiri. Kahit saan, nariyan ang alikabok at agiw, lalo na sa mga bagay at lugar na hindi natin inaasikaso, kaya kadalasang kailangan nating magsipag sa paglilinis. Dahil kaakibat ng malinis na kapaligiran ang payapang diwa't kalooban. Isa iyan sa aking mga natutunan sa mahal kong ina - ang maging malinis sa kapaligiran, tanggalin ang agiw at alikabok kung ayaw naming magkasakit.

Ngunit ang alikabok at agiw ay di lamang simpleng dumi sa paligid. Sumisimbolo rin ito ng maraming kabulukan sa lipunan, tulad ng katiwalian. Minsan, nagagamit din ang mga ito sa metapora, tulad ng pagkain ng alikabok. Mas malalim pa sa literal na kahulugan. 

Sa isang paligsahan, halimbawa'y pabilisan ng pagtakbo, kakain tayo ng alikabok kung tayo'y kulelat o nasa hulihan, kung hindi tayo magiging handa at tutulinan din ang pagtakbo. Ngunit hindi sapat ang tulin ng pagtakbo kung kakapusin naman tayo ng resistensya sa gitna ng laban. Nangunguna na tayo ngunit biglang nanghina dahil sa di sapat na resistensya kaya kinain natin ang alikabok ng kalaban.

Inaagiw ang mga iniiwan at hindi natin napapansin at inaalagaan, tulad ng lumang bahay na nuong kabataan natin ay kaysaya ngunit nang maluma na'y pinabayaan hanggang pamahayan ng agiw.

Mula sa alikabok at agiw ng mga karanasan, babangon tayo mula sa pagkalugami dahil sa maling sistemang umiiral sa ating lipunan, kawalang katarungan, kahirapan, katiwalian ng mga lingkod daw ng bayan. Titindig tayo upang ibangon ang puri’t dangal ng taumbayan na kinulapulan ng alikabok at agiw ng mga mapagsamantalang uri sa lipunan.

Anong kahulugan ng buhay at pakikibaka kung wala kang prinsipyong tangan, kundi nabubuhay lamang para kumain, magsaya, maglasing at humiga sa salapi, imbes na kumain para mabuhay at magpatuloy sa pakikibaka tungo sa isang lipunang makatao, isang lipunang wala nang kahirapan dahil nagkaroon na ng pantay na hatian ng yaman sa lipunan.

Mahalaga ang pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao dahil ito'y hindi alikabok at agiw na nananahan sa ating diwa't kalooban. Naging aktibista ako dahil naniniwala ako sa kahalagahan ng pagpapakatao at pakikipagkapwa tao na siyang dahilan din ng marami kung bakit ninais din nilang maging aktibista, na nangangarap din ng isang lipunang makataong walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Pag inaagiw ang diwa ng mga pag-aalinlangan at katiwalian, at nananahan ang mga alikabok sa ating kalooban, nagaganap ang sinabi mismo ng ating makatang Balagtas:

"Sa loob at labas ng bayan kong sawi,
kaliluha'y siyang nangyayaring hari,
kagalinga't bait ay nalulugami,
ininis sa hukay ng dusa't pighati."

Nakukulapulan ng dumi ang ating lipunan dahil sa mga pag-iisip na maasarili, kasakiman, at paghahangad na makapang-isa sa iba, mga pusong sukaban, taksil, lilo. Kaya nasabi muli ni Balagtas.

"O, taksil na pita sa yama't mataas!
O, hangad sa puring hanging lumilipas!
ikaw ang dahilan ng kasam-ang lahat
at niring nasapit na kahabag-habag!"

Ngunit hindi pa huli ang lahat, dapat tayong lumaban at ipaglaban ang isang lipunang makatao na ang makikinabang ay ang lahat, at hindi lamang iilan. Hindi tayo dapat umiyak na lamang sa isang tabi, kundi dapat nating kumilos kung nais natin ng pagbabago.

"Kaliluha't sama ang ulo'y nagtayo
at ang kabaita'y kimi't nakayuko;
santong katuwira'y lugami at hapo,
ang luha na lamang ang pinatutulo."

Huwag nating sayangin ang ating panahon sa mga alikabok ng imbi at agiw ng pagdurusa. Kailangan nating tumindig, manindigan, at maging matuwid, tungo sa isang lipunang malinis, makatao, at bawat isa'y nagpapakatao at nakikipagkapwa tao, sa diwa, sa salita, sa gawa, at sa kalooban.

Sampaloc, Maynila
17 Disyembre 2009

Sabado, Nobyembre 28, 2009

Pambungad sa aklat na "BAKAL AT KALAWANG"

Pambungad

ANG SUMISIRA SA BAKAL 
AY ANG SARILING KALAWANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa metalikong elemento na ating nakikita at nahihipo ang bakal. Sa agham, Fe ang simbolo nito, na mula sa salitang Latin na ferrum. Ang atomic number nito ay 26, habang ang atomic weight nito ay 55.847. Pag kinalawang ito, nagbabago ito ng anyo at nagiging oxidized iron na may simbolong FeO or Iron Oxide. Matigas ang bakal at hindi natin ito basta-basta mababali, ngunit nasisira ang bakal sa kanya mismong kalawang. Ibig sabihin, mula sa kalooban ng bakal nagmumula ang kanyang pagkasira.

Gayundin sa buhay ng tao at ng lipunang ating ginagalawan. Kung paanong sinisira ng kalawang ang bakal, sinisira rin ng kasakiman ang mismong pagkatao, ang pagkamakasarili'y nakasisira ng malinaw na isip, ang paghahangad ng limpak-limpak na tubo'y nakawawasak ng puso, ng kalooban, kaya nalilimutan na ang pakikipagkapwa. Nakangingilo ang mga bakal na tarangkahang kinakalawang na sa tagal. Kailangang langisan na ang bisagra nito upang madulas na maigalaw.

Mahirap gamitin, halimbawa, ang kinakalawang na liyabe katala dahil maganit na ito o kaya'y tila mababaklas na at maluwag ang ikutan nito. Gayunman, magagamit pa ito ng mga determinadong gawin ang mga nararapat. Ngunit kayhirap pagtiisan sa matagal na panahon ang mga kalawanging gamit tulad ng liyabe katala.

Kinakalawang din ang mga bagay na hindi ginagamit, tulad din ng utak, hindi nahahasa, pumupurol. Marami tayong pinag-aralan at natutunan ang ating nakakalimutan na dahil di natin nagamit ng matagal na panahon. Nawawala ang ating mga pinagsanayan. Ayon nga sa awiting "Sayang ka" ng mangangantang ASIN:

(Sayang ka, pare ko)
Kung 'di mo ginagamit ang 'yong talino
(Sayang ka, aking kaibigan)
Kung 'di mo ginagamit ang 'yong isipan
(Ang pag-aaral ay 'di nga masama)
Ngunit ang lahat ng pinag-aralan mo'y matagal mo nang alam
(Ang buto ay kailangan diligin lamang)
Upang maging isang tunay na halaman

Sa isang pelikula nga ng idolo kong si FPJ (Fernando Poe Jr.), di ko na matandaan ang pamagat, sinabi ng kontrabida sa kanyang kasosyo, "Kinakalawang ka na", na ang ibig niyang sabihin ay sumasablay na siya sa pagbaril, hindi na makatama, kaya nakawala ang kalaban at namatay ang kanyang mga tauhan.

Tubig o kaya'y dampi o singaw ng tubig ang kadalasang dahilan ng kalawang. Kaya dapat patuyuin agad ang anumang madaling kalawangin, tulad ng telebisyon, radyo, isteryo at kompyuter. Kailangang pinturana din ang mga tarangkahang bakal upang huwag kalawangin.

Si Stalin (na ang pangalan ay nangangahulugang BAKAL) ay malupit na pinuno ng kanyang panahon, ngunit nang mamatay na, ang kanyang mga ipinundar ay unti-unting kinalawang at iginupo hanggang sa ito'y bumagsak at naglaho. Kinalawang ang pundasyon dahil sa kalupitan at pagpatay sa maraming manggagawa't magsasaka. Ngayon, ang katawagang Stalinismo ay isang karima-rimarim na sistemang hindi dapat tularan.

Sa ating bayan, inuuk-ok ng kalawang ang mismong ating pamahalaan. Pinamumugaran ito ng mga trapong walang pagkandili sa mga maliliit. Itong mga trapo (o tradisyunal na pulitiko) ay inihahalal ng taumbayan dahil nais nilang maging lingkod bayan. Inihalal dahil wala namang mapagpipiliang matino ang masa. Gayundin naman, ang mga trapong ito'y karaniwan nang gumagamit ng 5 G (guns, goons, gold, garbage, garci). Di dapat gumamit ng baril, sanggano at mamudmod ng salapi upang manalo. Di kailangang marumi ang halalan. Hindi dapat mandaya tulad ng naganap na kontrobersyal na Hello Garci na nagpanalo sa isang pangulo nang tumawag ito sa isang komisyoner ng Comelec sa panahon mismo ng kampanyahan. Ang 5 G na ito ang kalawang na sumisira sa ating bayan, lalo na sa ating karapatang maghalal ng ating gustong kandidato, kahit naman alam nating wala tayong mapagpipilian, dahil pawang mga elitista't mayayaman ang may kakayahang mangampanya. Minsan, kailangan pang mag-artista ng pulitiko upang makilala, o kaya naman ay ang mga artista ang maging pulitiko.

Kailangang mabago ang kalagayang ito ng ating bayan. Kailangan nating pairalin ang dalawang mahalagang diwa upang maging maayos ang bayang ito - ang pagpapakatao at ang pakikipagkapwa-tao. Dalawa itong dapat nating taglayin upang maging matiwasay, payapa, at maunlad ang ating buhay. Huwag nating hayaang mamayani ang kalawang ng inggit, kapalaluan, kasakiman, katakawan, pang-aapi, pangmamaliit at pangmamata sa iba. Dapat nating pairalin ang bakal na prinsipyo't determinasyong lupigin ang mga kalawang na yumuyurak sa ating dangal at pagkatao.

Kaakibat ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao ay ang pag-ibig natin sa ating kapwa at paggalang sa karapatan ng bawat isa. Ang mga karapatang ito'y nakaukit mismo sa Pandaigdigang Pahayag ng Karapatang Pantao (Universal Declaration of Human Rights o UDHR) na sinang-ayunan at pinagtibay ng iba't ibang bansang kasapi ng United Nations noong Disyembre 10, 1948. Matutunghayan sa aklat na ito ang isinagawang patula ng buong dokumento ng UDHR. Ito'y ginawa upang mapreserba at maipakilala pa sa iba't ibang malikhaing paraan ang ating mga karapatan bilang tao.

Kailangan nating mangahas magtagumpay. Nakakamit ang tagumpay sa determinasyong ituloy ang magandang adhikain bagamat paulit-ulit man tayong nabigo't bumagsak, pagkat bawat pagbagsak ay may naiiwang aral, bawat sugat ay nag-iiwan ng pilat ng karanasan, pagkat bawat determinasyon ay pagpawi sa kalawang ng kabiguan. Tuloy ang laban! Gayunman, hindi tayo dapat mangarap lang ng gising at nag-aabang na lang ng tagumpay, kung paanong nag-aabang na lang ng pagbagsak ng bayabas sa bibig si Juan Tamad. Dapat tayong kumilos upang ito'y maging ganap na katuparan.

Sampaloc, Maynila
Nobyembre 27, 2009

Biyernes, Nobyembre 27, 2009

Bayanihan sa Dyip

BAYANIHAN SA DYIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bata pa ako'y kinagisnan ko na ang bayanihan sa dyip. Noon, lalo na sa paaralan, inilalarawan ang bayanihan na pagtutulungan ng ating mga ninuno sa pamamagitan ng sama-samang pagbubuhat ng bahay upang ilipat sa isang lugar. Walang bayad kundi pakain lamang. Pakikisama, pagtutulungan.

Ako mismo'y saksi noong bata pa ako, marahil ay apat o limang taong gulang pa lamang, nang binuhat ng aking mga kamag-anak ang kalahati ng bahay ng mga tatang, ng may layong sampu o labindalawang metro, marahil ay mga limampu o animnapung hakbang. Ang binuhat na bahay ang siyang naging tahanan ng aking Tiyo Pablo, na nakatatandang kapatid ng aking ama. Nangyari iyon sa nayon ng aking ama sa lalawigan ng Batangas.

Subalit dito sa lungsod ng Maynila, mas nakita ko kung paano nga ba ang bayanihan. Doon sa araw-araw kong pagsakay sa dyip patungo at pauwi mula sa paaralan. Madalas kong sakyan noon ay ang dyip na biyaheng Balic-Balic - Quiapo at Quiapo - Pier papunta at pabalik mula sa eskwelahan.

Dito sa lungsod, karaniwang walang konduktor, di gaya sa bus, o sa malalayong ruta ng dyip tulad ng biyaheng Cubao-Antipolo. Magbabayad ka ng pamasahe mo, at iaabot mo sa tsuper. Subalit kapag malayo ka sa tsuper, ang pera mo'y aabutin ng kapwa pasahero mula sa iyo at pasa-pasang iaabot hanggang makarating sa tsuper ng dyip. Sa pagsusukli naman ay gayon din, iaabot ng drayber sa mga pasahero ang sukli mo hanggang sa makarating sa iyo. At maiaabot sa iyo ang pamasahe mo nang eksakto, kung gaano ang sukli ng tsuper. Kumbaga ay may tiwalaan sa kapwa pasahero, at walang nangungupit ng sukli. 

Oo, tiwalaan ang isa sa mga sangkap ng bayanihan sa dyip. Ang mismong akto ng pag-aabot ng bayad at sukli ng tsuper at kapwa pasahero ay isa nang bayanihan na kusang dumadaloy sa bawat isa. Sa munti mang pagkilos ay kitang-kita ang pagtutulungan at bayanihan ng bawat isa. 

Kung sakali namang nasiraan ang dyip, ibabalik ng tsuper ang ibinayad ng mga pasahero.  Tiwalaan pa rin. Ibinabalik ang ibinayad ng pasahero sapagkat di ka naman naihatid sa paroroonan mo at upang iyon naman ang gamitin mong pamasahe sa dyip na susunod mong sakyan. Walang nakasulat na patakaran, subalit alam ng tsuper at mga pasahero ang gayong kaayusan.

Kung sakali namang kailangang itulak ang dyip dahil tumigil, magkukusang bumaba ang ilang pasahero upang itulak ang dyip hanggang sa ito'y umandar muli at sila'y muling makabiyahe. Masaya naman ang mga pasaherong nakatulong upang umandar ang dyip nang walang hinihintay na kapalit. Bagamat ito'y abala minsan, lalo na sa mahuhuli sa trabaho.

Sadyang ang bayanihan ay nasa kultura na natin, at nagagamit sa iba't ibang pagkakataon. Kahit na ang kuyog, na isang anyo ng pagkilos upang kamtin ang katarungan, ay isa ring bayanihan ng taumbayan. Halimbawa na lamang, may masamang taong nakagawa ng krimen, at kinuyog ito ng taumbayan. Nagbayanihan ang taumbayan upang saklolohan ang nabiktima ng krimen. Kumbaga'y ramdam ng taumbayan na kailangan nilang magkaisa sa pagkakataong iyon upang masawata ang mga pusakal na baka sila rin ang mabiktima ng mga ito balang araw.

Sa unang halimbawa ng bayanihan, yung pagbubuhat ng bahay, karaniwan nang magkakakilala ang mga nagtutulong-tulong na magbuhat ng bahay. Sa ikalawang halimbawa naman, sa loob ng dyip, hindi naman magkakakilala ang mga pasahero. Subalit kitang-kita natin dito ang bayanihan, lalo na sa pag-aabot ng bayad at sukli. Sa ikatlong halimbawa, sa kuyog, may magkakakilala man o hindi magkakakilala ngunit biglang nagkaisa.

Gayundin naman, ang dyip bilang simbolo rin ng pagkamalikhain ng mga Pinoy, ay pinatingkad pang lalo ng bayanihan. Bagamat maliit na kabutihan kung maituturing ang pag-aabot ng bayad at sukli sa kapwa pasahero, ito'y isang magandang halimbawa ng bayanihan na hindi natin dapat makalimutan, bagkus ay ibahagi at ipakilala pa sa higit na nakararami.

Martes, Nobyembre 17, 2009

Lakad Laban sa Laiban Dam

LAKAD LABAN SA LAIBAN DAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matatag na buto, resistensya, determinasyon. Ito ang puhunan ng mga nagmartsang katutubo at taumbayan, kasama ang inyong lingkod, sa 148-kilometrong aktibidad na tinaguriang "Lakad Laban sa Laiban Dam". Nagsimula ito sa bayan ng Gen. Nakar sa lalawigan ng Quezon, hanggang sa Maynila mula Nobyembre 4 hanggang 12, 2009.

Isa ako sa nakiisa sa mga nagmartsa laban sa Laiban Dam. Ngunit hindi ko ito naumpisahan dahil sa ikalawang araw na ako bumiyahe. Ako ang nag-iisang kinatawan na pinadala roon ng grupong FDC (Freedom from Debt Coalition) sa mahabang lakarang iyon. Ang KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralitang Lungsod) na kinabibilangan ko ay kasapi ng FDC. Natagpuan ko ang mga nagmamartsa sa Barangay Llavac, sa bayan ng Real sa lalawigan ng Quezon. Nagsimula akong magmartsa kasama nila kinabukasan na.

Kasama rin namin sa Lakad Laban sa Laiban Dam ang Save Sierra Madre Network (SSMN) ni Bro. Martin Francisco. Si Bro. Martin ang ang opisyal na photographer ng aktibidad na iyon. Kasama rin namin sa martsa ang may mahigit isang daang katutubong Dumagat at Remontados, magsasaka, kababaihan, manggagawang bukid at taong-simbahan. Nagmartsa rin kasama namin si Governor Nap ng mga Dumagat. Dito ko rin nakilala si Sister Bing ng SSMN na sa kalaunan ay nakasama ko sa Philippine Movement for Climate Justice at sa Green Convergence. Ang islogan namin sa martsa: Save Sierra Madre, Stop Laiban Dam! Sa martsang ito ko natutunan kung paano magnganga, na isang kultura ng mga Dumagat. Nalaman ko rin kung ano ang CADT (Certificate of Ancestral DomainTitle). Nagdagdag ito sa dati ko nang alam na OCT (Original Certificate of Title) at TCT (Trasfer Certificate of Title) na lagi naming napapag-usapan sa KPML, lalo na sa mga kaso sa palupa’t pabahay ng maralita.

Ngunit bakit sila nagmartsa, at bakit ako sumama? Isa itong kilos-protesta laban sa pagtatayo ng Laiban Dam. Ang planong pagtatayo ng Laiban Dam na may sukat na 28,000 ektarya ay magpapalikas sa 4,413 pamilya mula sa pitong barangay. Ang ligal na protektadong kagubatan na maraming endemiko't nanganganib mawalang nilalang (species) ay malulubog sa ilalim ng tubig bilang bahagi ng dam o imbakan ng tubig, kasama na ang lupaing ninuno ng tribung Dumagat at Remontados. Pinaaalala ng mga nagmartsa na baka maulit ang nangyaring pagkalubog sa baha at pagkalunod ng marami sa hilagang lalawigan ng Quezon noong Nobyembre 2004 pag nagkabitak at nawasak ang planong Laiban Dam.

Ang Laiban Dam ay itatayo sa Kaliwa Watershed ng Sierra Madre. Ang lagakang-tubig (watershed) na ito ay isang yamang-tubig na kinikilala ng grupong Haribon na Important Biodiversity Area.

Sino ang magbabayad sa isasagawang dam ng gobyerno, sa pamamagitan ng MWSS (Manila Water and Sewerage System)? Ang mismong mga residente ng Kalakhang Maynila (Metro Manila o National Capital Region). Tataas ang presyo ng tubig para lang mabayaran o maibalik ang gastos ng pagtatayo ng dam na may halagang nasa isang bilyong dolyar ($1B) na maaaring lumobo pa sa dalawang bilyong dolyar ($2B) dahil sa tagal ng paggawa at laki ng gastos. Nararapat lamang na iprotesta ito dahil apektado ang kalikasan, lalo na ang buhay, kinabukasan, at kultura ng higit na nakararami. Isa itong proyektong sisira sa ekosistema.

Para sa mga nagmartsa, may mas magandang alternatibong dapat gawin. Dapat muling ibalik at pasiglahin ang nakakalbo nang kagubatan sa lagakang-tubig sa Angat, Ipo, at La Mesa. Dagdag pa'y patindihin ang kampanya kontra pagtotroso (anti-logging), at muling pasiglahin ang naririyan pang mga lagakang-tubig tulad ng Wawa Watershed upang mapalaki ang daloy ng tubig. Isa ring payak at matipid na paraan ang pagbaba ng pangangailangan sa tubig sa pamamagitan ng pagpapahusay pa sa serbisyo ng Manila Water at Maynilad, at huwag nang isampa pa ang bayarin sa mga konsyumer hinggil sa mga natatapon at di nagagamit na tubig (water wastage).

Natulog kami ng ikalawang araw sa isang paaralang elementarya sa Llavac sa Real, Quezon, at pagkagising namin ng umaga ay nag-ehersisyo muna kami bago kumain at muling magmartsa. Bawat umaga ay ganuon ang ginagawa namin - ligo, ehersisyo, kain, pahinga kaunti, at lakad na naman. Ginawa naming kainan ang bao ng niyog. May sumasalo sa aming mga lugar na tinutulugan namin tuwing gabi. Nakatulog kami, halimbawa, sa parokya ng San Sebastian sa Famy, Laguna, sa Antipolo SAC (Social Action Center), sa Ateneo de Manila University, sa Caritas Manila. Dinaanan din namin, nanawagan at nagrali kami sa harap ng opisina ng DENR (Department of Environment and Natural Resources) at sa NCIP (National Commission for Indigenous Peoples). Doon na sa Caritas ang huli kong araw (Nobyembre 11), at bandang hapon ay nagpaalam na ako sa kanila, sa mga kaibigan kong katutubo, at mga kasama sa kilusang makakalikasan. Ang mga katutubo naman ay nagmartsa pa kinabukasan sa Malakanyang.

Lungsod Quezon
Nobyembre 16, 2009

Lunes, Oktubre 26, 2009

Kaybagsik nina Ondoy at Pepeng

KAYBAGSIK NINA ONDOY AT PEPENG
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ondoy at Pepeng. Pawang matitinding unos na dumatal sa ating bansa, lalo na sa Kalakhang Maynila, Gitnang Luson at Hilagang Luson. Kinitil ng mga bagyong ito'y halos nasa 500 katao na. Lubog sa baha ang mga subdibisyon, mga iskwater, at mga pananim sa mga probinsya. Nakakalungkot, dahil bukod sa mga namatay ay marami pa ang nawalan ng tahanan. Dinelubyo ng mga bagyong ito ang kabahayan at kabuhayan ng ating mga kababayan. Hanggang ngayon, marami pa ring kabahayan ang lubog sa baha dahil walang madaluyan ng tubig para bumaba, tulad sa Muntinlupa.

Sinong sisisihin sa nangyari? Ngunit may dapat nga bang sisihin sa mga nangyari, gayong ito'y ngitngit ng kalikasan? O ang dapat nating sisihin ay ang sistemang panlipunang sumira sa kalikasan, na siyang dahilan upang gantihan ng kalikasan ang tao?

Muling nasilayan ng marami ang muling pagbabayanihan ng mga Pilipino at pagmamalasakit nila sa ating kapwa. Agad silang sumaklolo sa mga natamaan ng baha, ngunit ang marami, bagamat nais sumaklolo ay walang magawa dahil sa kawalan ng kagamitan. O kung may gamit man ay di bihasa sa paggamit nito.

Gayunman, kapansin-pansin ang kawalang-handa ng pamahalaan sa ganitong mga sitwasyon. Doon nga sa may Brgy. Bagong Silangan sa Lunsod Quezon, umabot na sa 42 katao ang namatay. Sa Provident Village sa Marikina, na karamihan ay mga sikat ang nakatira, ay hindi rin pinatawad ni Ondoy. Sa Muntinlupa’y walang madaluyan ang tubig baha kaya lubog pa rin ang maraming bahay sa putik. Ang lalawigan ng Pangasinan ay nagmistulang karagatan. Nagka-landslide sa Baguio City at sa La Trinidad, Benguet, kung saan kayraming namatay. Habang isinusulat ito’y nasa 648 na ang natalang namatay.

Hindi maaaring sabihin ng pamahalaan na di sila handa sa ganitong pangyayari, pagkat lagi namang tinatamaan ng bagyo ang ating bansa. Noong 2007 nga ay nanalasa na ang kaytinding bagyong Milenyo na kumitil din ng maraming buhay. Dapat ay naghanda na sila kung sakaling mangyari muli ang panibagong unos tulad ni Milenyo. O ang dapat nating sisihin o punahin ay ang nagaganap na climate change na nagdulot ng ganitong katinding unos?

Ano nga ba ang tinatawag na climate change? Ito ang pagbabago-bago ng klima ng mundo, dahil sa mga greenhouse gases (GHG) na bumubutas sa atmospera ng ating daigdig. Tulad dito sa Pilipinas, nagkaroon ng tag-ulan sa panahon ng tag-araw. Ngayon ngang 2009 ay naranasan nating umulan ng malakas at nagbaha nitong Mayo na dapat ay tag-araw. Ang greenhouses gases na sumira sa kalikasan ay dulot ng pagsusunog ng mga fossil fuels para sa langis ng mga sasakyan. Dulot din ito ng mga coal-fired power plants na nagsusunog din ng mga uling para magpaandar ng kuryente.

Ngunit sa ngayon, sinisisi ng gobyerno, lalo na ng mga trapo, ang mga maralita dahil sa pagbaha. Ang mga iskwater daw ang dahilan kaya di raw madaanan ng tubig ang mga estero, kaya nais ng mga pulitiko na pabantayan ang mga lugar na binaha sa mga militar upang di na roon makabalik ang mga iskwater. Ngunit sino ba ang dahilan kung bakit may iskwater? Hindi ba’t itong gobyerno, mga elitista, mga mayayaman, mga kapitalista, na di isinasama sa pag-unlad ang mga dukha at laging inietsapwera ang mga mahihirap sa mga planong kaunlaran ng bansa? Hindi ba’t ang laging solusyon nila sa maralita ay itaboy ito sa mga lunsod at itapong parang mga basura sa mga bundok at malalayong lugar?

Maraming salamat sa mga noodles at sardinas na ipinamigay upang kahit pansamantala ay may pang-agdong-buhay ang mga nasalanta. Ngunit alam nating hindi ito sapat upang makabalik ang mga nasalanta sa dati nilang pamumuhay. Kaya imbes na pawang noodles at sardinas ang ibigay bilang relief sa mga apektado, bakit hindi na lang ibigay ay mga bahay na sapat para sa kanila. Karapatan nila ang magkaroon ng bahay, ngunit pinabayaan sila ng gobyernong tumira sa mga mapanganib na lugar, tulad ng riles at estero.

Anong dapat gawin? Dapat na ilaan ang countryside development fund o pork barrel ng mga mambabatas, calamity fund ng gobyerno para sa pagbili ng lupa sa mga maralitang biktima ng bagyong Ondoy. Tiyaking sa relokasyon nilang ito ay may sapat na pabahay, hanapbuhay at serbisyo. Dahil isa man sa tatlong ito ang mawala ay tiyak na delubyo sa mga nasalanta.

Dapat magkaroon ng moratorium sa demolisyon at pagpapaalis sa evacuation center hangga’t walang maayos, abot-kaya at ligtas na relokasyon. Hindi dapat na itataboy na lamang na parang mga daga ang mga maralita at basta na lamang paaalisin nang walang kasiguraduhan sa paglilipatan.

Ngunit mananatili ang katotohanan: Sa nangyaring pagkamatay ng daan-daang tao, at kawalan ng matitirhan ng mga nasalanta, ang tanging ginagawa ng gobyerno ay mamigay ng noodles at sardinas, imbes na tiyaking ayusin at ilagay sa mas maayos na lugar ang mga nasalanta. Kung ipagpapatuloy ng gobyerno ang basta na lamang pagpapaalis sa mga maralita sa dating kinatirikan ng kanilang bahay nang walang maayos na plano, sadyang inutil ang gobyerno ni Gloria.

Martes, Oktubre 20, 2009

Pagdalo sa Asian People's Solidarity for Climate Justice sa Bangkok

PAGDALO SA ASIAN PEOPLE’S SOLIDARITY FOR CLIMATE JUSTICE SA BANGKOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mapalad na napiling magtungo sa Bangkok, Thailand   bilang kinatawan ng maralitang lungsod hinggil sa usapin ng climate change sa isang pulong na ginanap sa tanggapan ng Freedom from Debt Coalition (FDC).  Isa sa mga programa ng FDC ang usapin ng climate change kaya naitayo ang network na tinawag na Climex (ClimateExchange). Ako ang kinatawan ng grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) na kasapi naman ng FDC.

Dalawang araw makalipas ang bagyong Ondoy na halos nagpalubog sa maraming lugar sa bansa, lalo na sa Luzon. ay nagtungo kami ng aking tatlong kasamahan sa Bangkok, Thailand upang dumalo sa mahigit isang linggong aktibidad hinggil sa usaping climate change. Kami ay nasa Bangkok mula Setyembre 28, 2009 hanggang Oktubre 8, 2009. Pagdating namin sa Bangkok ay nakasama namin ang iba pang Pinoy doon, kasama ang mga aktibista mula sa ibang bansa. Doon kami tumuloy sa KT Hotel sa Bangkok.

Ang nasabing aktibidad na tinawag na Asian People's Solidarity for Climate Justice (APSCJ), isang programang ka-parallel o ipinantapat ng iba't ibang kilusang masa't samahan sa United Nations climate talk na ginanap din sa Bangkok nitong Setyembre 28 hanggang Oktubre 9, 2009. Pinangunahan ang APSCJ ng Jubille South Asia-Pacific Movement on Debt and Development (JSAPMDD) at ng NGO Forum on ADB. Ito'y sa pakikipagtulungan sa Indian Social Action Forum, Rural Reconstruction Nepal, Pakistan Fisherfolk Forum, Freedom from Debt Coalition-Philippines, Focus on the Global South, Unnayan Onneshan, Koalisi Anti-Utang, IESR, KRUHA, Walhi, Solidaritas Perempuan, at South Asia Alliance for Poverty Eradication (SAAPE). Halos ang lahat ng venue ng aming talakayan ay idinaos sa basement ng 14 October 1973 Monument at sa Ground Floor ng 14 October 1973 Foundation.

Maraming usapin hinggil sa suliranin sa klima, kaya pinag-usapan ang agham at pulitika ng klima, mga pagsusuri sa dahilan nito at ang naiisip na solusyon, at mga mayor na isyu hinggil sa pakikibaka para sa climate justice o kararungan sa usapin ng klima. Pinag-usapan din ang isyu ng tubig at kuryente.

May pagkilos din kami sa lansangan ng Bangkok kung saan nakasuot kami ng t-shirt na itim na ang nakasulat: "Reparations for Climate Debt" sa harap at "World Bank and ADB: Out of Climate Talks".

Pumaroon kami sa Bangkok na iniwan ang Pilipinas na sinalanta ni Ondoy, isang bagyong anim na oras lamang ngunit nagpalubog sa maraming panig ng kalunsuran na tila ba umulan ng isang buwan. Kaya sa isang pag-uusap doon ay naisip namin na iugnay ang nangyaring Ondoy sa isyu ng pagbabago ng klima.

Ang pagtungo sa Bangkok at pagdalo sa mga talakayan ay isang karanasang mas nagpatibay sa akin sa usapin ng climate change at climate justice. Marami akong nakasalamuha at natutunan hinggil sa usaping ito, di lang mga kapwa Pilipino kundi mga taga-ibang bansa rin. Nariyan ang usapin hinggil sa REDD, carbon trading, biofuel, panawagang reparasyon ng Annex 1 countries sa mga maliliit at di-pa-maunlad na bansa, atbp.

Bukod sa mga talakayan, nakapaglunsad din kami roon ng ilang rali, at may kasama rin kaming tomtom boys (ati-atihan) na mga Pinoy. Kaunti lang ang naipon kong litrato sa paglalakbay namin doon, bagamat marami kaming kuha, at dahil na rin wala namang akong dalang kamera na sana'y nakunan ko ang iba't ibang aktibidad doon. Doon ko na rin idinaos ang aking kaarawan. Marami akong nadala pauwi na mga aklat, magasin, brochure, at iba't ibang babasahin hinggil sa usaping klima na ipinamahagi doon ng iba't ibang samahan.

Kinatawan ako ng grupong KPML doon, at ngayon, patuloy pa rin ang KPML sa pakikipag-ugnayan sa Climex sa kampanya at edukasyon hinggil sa usaping klima at hanggang ngayon ay aktibo pa rin akong kalahok dito, sa talakayan man, sa iba pa mang pagkilos, sa pagsusulat, at sa mga rali sa lansangan.

Sampaloc, Maynila
Oktubre 19, 2009

* Noong 2010, ang Climex ay napalitan ng pangalan at nabuo bilang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa isang pulong sa tanggapan ng FDC

Biyernes, Oktubre 2, 2009

Paunang Salita sa aklat na "Tiim-Bagang sa Paglirip"


TIIM-BAGANG SA PAGLIRIP

Napakarami ng suliranin ng masa sa araw-araw. At kadalasan, napapatiim-bagang ka na lang, lalo na't di mo alam kung anong dapat gawin upang malutas ito. Wala kang magawa. Hindi mo malirip, kahit sa mga payak na paliwanag, bakit nangyayari ang mga ito, at bakit may iilang hindi nakararanas ng karukhaan, at napakarami ang dukha. Kayraming suliranin sa bahay, sa sarili, sa pamilya, sa pag-ibig, sa pamayanan, sa lipunan.

May nagpapakamatay dahil hindi nakayanan ang pagkapahiya at pagkabigo. May nagiging tambay na lamang at ayaw nang kumilos. May nais kumilos para sa kinabukasan ngunit di alam ang gagawin. May nais kumilos ngunit di kaya ng panggastos dahil mula sa pamilyang dukha. Kayraming tiwali sa pamahalaan, kurakot dito, kurakot doon. Mga baluktot ang mga patakaran, at kadalasan ay pumapabor lamang sa iilan, ngunit mayorya ng mga patakarang ito ay pahirap sa taumbayan, mga patakarang pabor lamang sa interes ng iilan sa lipunan.

May magagawa pa ba? Isinilang ba tayong ganito na ang lipunan? O may dahilan ito, may malalim na pinag-ugatan ito, na kung pag-aaralan lamang natin ang lipunan, magsasaliksik, at sa ating kapwa’y makikipagtalakayan, marahil ay ating mauunawaan ang mga sanhi. Ngunit mababago ba natin ang ating kalagayan?

Hindi sapat na mapatiim-bagang na lang tayo sa ating mga nasasaksihan. Ano ang dapat nating malirip upang tayo'y kumilos? Di lamang tayo, kundi paano kikilos ang mayoryang naghihirap sa lipunang ito?

Halina't pag-aralan natin ang lipunan. 

Halina't namnamin natin ang ilang mga saknong at taludtod sa mga tulang naririto, pati ang mga salin sa bandang dulong pahina ng aklat na ito, at bakasakaling may mapulot tayo kahit kaunti upang makatulong sa pagsulong tungo sa pagbabago ng ating kalagayan, paggalang sa mga karapatan ng tao, at pagtatayo ng isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Nawa kahit munti man ay maging makabuluhan sa inyo ang munting aklat na ito ng mga tula at salin. Mabuhay kayo!

GREGORIO V. BITUIN JR.
Oktubre 2, 2009

Miyerkules, Setyembre 30, 2009

Paano nga ba ako nagsimulang magsulat?

PAANO NGA BA AKO NAGSIMULANG MAGSULAT?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mahaba-haba na rin ang panahon nang magsimula akong magsulat. Hindi ito ang pagkatuto lang kung paano bumasa at sumulat, kundi paano ang pagkatha ng mga sanaysay, balita, tula, dagli, maikling kwento, at mga kagaya pa nito, na kaiga-igayang basahin ng sinumang makakabasa nito. Nagsusulat ako noon para mailagay ko sa papel ang aking mga saloobin, mga pagsintang pururot, kumbaga.

Masasabi kong pormal akong naging manunulat nang ako'y maging staffwriter noong 1993 sa publikasyong The Featinean, ang opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng FEATI University. Halos apat na taon ako sa publikasyong iyon, sa ilalim ng limang editor.

Nang mag-resign ako sa trabaho bilang machine operator ng tatlong taon, at muling pumasok sa kolehiyo, nagkaroon ng bakante sa publikasyong The Featinean. Sa paglalakad ko sa pasilyo ng FEATI, nakita kong nakapaskil sa labas ng opisina ng The Featinean na kailangan nila ng apat na bagong staff ng publikasyon. Enero 1993 iyon. Nuong una, parang ayaw ko pa, hanggang sa sabihan ako ng isang kaklase ko na subukan ko, dahil sayang naman at bakasakaling makapasa ako. Tutal wala naman akong pasok ng hapong iyon dahil pulos panggabi klase ko at may subject sa pang-umaga, kumatok ako sa pinto ng publikasyon at nagsabing interesado akong maging manunulat. Pinapunta naman ako sa itinakda nilang iskedyul. At sa pagsusulit na iyon, mga pito kaming kumuha ng pagsusulit. Ilang araw lamang, nakapaskil na ang pangalan ng mga nakapasang bagong staffer ng The Featinean at isa ako sa nakapasa. Duon na nagsimulang tuluy-tuloy akong magsulat hanggang sa ngayon. Isyu ng Pebrero 1993 ng The Featinean ay inilathala ang una kong artikulo na pinamagatang "Pagsubok at Tagumpay". Halos kasabay ito ng pagkalathala rin ng artikulong iyon sa Blue Collar Magazine na inilalathala ng Don Bosco, unang isyu ng 1993.

Pero bago ito, mahilig na rin akong magsulat ng kung anu-ano. Natatandaan ko pa nang nasa Japan ako ng 1988, ipinadadala kong liham sa aking Mommy at mga kapatid ay pawang patula. Wala na akong kopya ng mga iyon para tipunin ko bilang patunay ng mga nauna kong tula, dahil pakiramdam ko, iyon naman ay personal na tula sa mga kapatid ko, lalo na sa aking mahal na ina, kaya di na dapat pang ilathala.

Mahilig din akong kontakin ng ilang kakilala sa Sampaloc para gumawa ng love letter para sa kanilang nililigawan. Ewan ko ba kung paano ako napunta sa ganitong gawain. Marahil may isa akong niligawan na ipinabasa niya sa iba ang gawa ko at nagandahan sila. Kaya siguro may mga ilang nagpapagawa sa akin ng love letter.

Habang nagtatrabaho ako sa PECCO sa Alabang bilang machine operator, nakitaan ako ng galing sa pagsusulat ng ilang mga kamanggagawa ko doon, lalo na yaong mga working student. Napansin nila ito nang minsang basahin ko sa harapan ng aking mga kamanggagawa ang ginawa kong talumpati para sa pabrika. Tuwing umaga, pagpasok sa pabrika, mag-eehersisyo muna ng sabay-sabay ang mga empleyado at pagkatapos noon ay isang empleyado ang magsasalita sa harapan. Araw-araw iyon, tuwing papalo ang alas-otso ng umaga. Kaya ilang mga kamanggagawa kong working students, kahit di ko sila ka-departamento, kinakausap nila ako para gumawa ng essays o artikulo na assigment nila sa school. Pinapaunlakan ko naman. Tutal, wala namang mawawala sa akin. Hanggang sa mag-resign ako sa PECCO matapos ang tatlong taong singkad (Pebrero 1989-Pebrero 1992).

Sa The Featinean, higit dalawang taon akong naging staffwriter, sa ilalim ng tatlong editor. Yung huling bahagi ng pagkaeditor-in-chief ni Albert Ramos, Pebrero 1993-Mayo 1993, Erwin Q. San Luis, schoolyear 1993-1994, at Arnold H. Divina, schoolyear 1994-1995. Dalawang taon naman akong naging features and literary editor ng The Featinean, sa ilalim ni Mariano Midel Jr, schoolyear 1995-1996 at Adonis C. Beciril, schoolyear 1996-1997.

Habang ako'y staffwriter ng The Featinean, narekrut ako sa Kamalayan o Kalipunan ng Malayang Kabataan. Ang Kamalayan ang dating League of Filipino Students - National Capital Region (LFS-NCR) chapter na umalis sa LFS-national at naging Kamalayan. Dito'y nahalal akong maging Basic Masses Integration (BMI) officer noong 1994, at nagsulat din ng ilang artikulo ukol sa pakikibaka ng Kamalayan. Hanggang sa mahatak ako ng isang kasama sa Kamalayan upang magsulat sa pahayagan ng kapatid na organisasyon nito, ang National Federation of Student Councils (NFSC) na dati namang National Union of Student of the Philippines (NUSP)-NCR. Inilathala namin ang pahayagang Resurgence, ako bilang associate editor nito.

Pagka-resign ko sa The Featinean, pansamantala akong nagpahinga bilang manunulat, 1997 iyon. Noong 1998, nalathala ang una kong artikulo sa Tambuli, ang opisyal na publikasyon ng BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilipino). Nasundan pa ito ng ilan ding sulatin, pawang mga lathalain (feature article) at bihira ang mga malikhaing pagsulat, tulad ng tula. Noong 1999, naging punong-patnugot ako ng ikalawang isyu ng magasing Maypagasa, ang opisyal na publikasyon ng grupong Sanlakas. Marami-rami rin akong naisulat sa mga publikasyong iyon, lalo na sa Maypagasa.

Noong 1998, sa pamamagitan ng pagtalaga sa akin ng manunulat at nobelistang si Ed Aurelio C. Reyes, naging coordinator ako ng Philippine Movement for Press Freedom (PMPF), isang pambansang samahan ng media sa bansa. At ang una kong proyekto rito ay ang pagdaraos ng kongreso ng PMPF, na idinaos noong Agosto 30 ng taon din iyon, at nahalal ako bilang kalihim nito. Ang pangulo ay si Vic Balmonte habang ikalawang pangulo si Reyes. Noong Nobyembre 28, 1998 naman, pormal na naitatag ang Young Writers Assembly of the Philippines (YWAP) sa Makati, kung saan dinaluhan ito ng mga kabataang manunulat mula sa ilang eskwelahan. Nahalal din ako rito bilang pangkalahatang kalihim.

Hindi ako mahilig gumawa ng tula noong una, dahil bihira kundi man kakaunti talaga ang nagawa kong tula. Kapansin-pansin ito pag tinipon ang mga katha kong tula sa The Featinean. Sa loob ng apat na taon ng paglilingkod sa publikasyon, wala pang sampung tula ko ang nalathala sa The Featinean. Dagdag pa sa pagkadismaya ko noon sa pagkatha ng tula ang pagkawala ng isang kwaderno kong tipunan ng tula. Marami akong naisulat na tula na tinipon ko sa kwadernong iyon, ngunit nawala ito noong nakatira pa ako sa opisina ng Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) sa Fortune Bldg. sa Pineda, Pasig. Ngunit hindi naman ako nabablangko sa pagkatha ng mga tula, marahil may isa bawat buwan noon. Mas nagkainteres akong gumawa ng tula nang magpasa ako ng limang tula bilang rekisitos upang maging estudyante ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) poetry clinic na inorganisa ng makatang Virgilio S. Almario noong 1985. Mula Setyembre 2001 hanggang Marso 2002, dumalo ako sa poetry workshop ng LIRA.

Noong 2003, naging staff ako, at sa kalaunan ay naging cultural and literary editor, ng pahayagang Obrero na inilalathala ng BMP. Noong 2006, naging kasamang patnugot (associate editor) ako ng magasing Tambuli na inilalathala ng Katipunang DakiLahi. Dito ko natutunan kung paano ba mag-bookbind ng magasin, pati na rin ng libro. Sa panahong ito ko nasimulan ang una kong ginawang libro na pinamagatan kong MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa, Unang Aklat, kung saan nalathala ang isang tula kong ibinigay sa hinahangaan kong babae at lihim na iniibig. Naging inspirasyon ko siya kaya nagtuloy-tuloy na ang paglalathala ko ng iba't ibang uri ng libro. Inipon ko rin ang mga dati ko nang nagawang artikulo, pati na yaong mga lumabas sa The Featinean, at ginawa kong libro. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin akong nagsusulat at naglalathala ng mga libro. Noong 2007, inilathala ko ang librong NIngas-Bao bilang pagdiriwang ko ng ika-15 taon ko sa daigdig ng panulat, mula 1993 hanggang 2007. Naglalaman ang aklat ng 15 sanaysay at 15 tula. Setyembre ng taon ding iyon ay inilunsad sa UP Manila ang libro kong Macario Sakay, kasabay ng ika-100 taon ng kamatayan ng nasabing bayani.

Ang pagsusulat ay hindi lamang isang outlet, o labasan ng aking mga hang-ups o mga problema sa buhay, Ito'y isang mahalagang gawaing dapat kong gampanan ng husay sa kilusang mapagpalayang kinapapalooban ko ngayon. Marahil matagal pa bago ko iwan ang pagsusulat. Sa ngayon, masaya ako sa ginagawa ko kahit walang pera sa tula, kahit walang allowance mula sa pahayagang Obrero. Ang malaman ko lang na nalathala na ang aking mga pinaghirapang artikulo at tula ay isa nang malaking kasiyahan sa akin. Dagdag na kasiyahan pa kung magkomento pa sila dahil sa kanilang nabasa. Kaya maraming salamat sa mga nagbasa at nagkomento sa aking mga isinulat. Mabuhay kayo!

Martes, Setyembre 29, 2009

Tita Odette Alcantara, isang muog sa kilusang makakalikasan

TITA ODETTE ALCANTARA, ISANG MUOG SA KILUSANG MAKAKALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong 1995 ako nagsimulang dumalo sa buwanang Kamayan para sa Kalikasan Forum sa Kamayan Restaurant sa EDSA, malapit sa Ortigas. Doon ko nakilala si Tita Odette Alcantara. Isa siya sa mga palagiang dumadalo at minsan ay naging tagapagsalita sa Kamayan Forum. 

Siya ang isa sa masugid na tagapagtaguyod ng kalikasan. Siya ang nangampanya ng LAHAT - Lupa, Araw, Hangin, Ako, Tubig - na bawat nilikhang ito mula sa kalikasan ay dapat nating proteksyunan at pangalagaan. 

Minsan na rin akong nakarating sa bahay ni Tita Odette, kasama si Sir Ed Aurelio Reyes, sa Blue Ridge Subdivision sa Lungsod Quezon. Doon nagpulong ang ilang mga lider na makakalikasan, at ipinakita pa niya kung saan ibinabaon ang mga basurang nabubulok, tulad ng dahon, sanga ng puno, panis na pagkain, balat ng prutas, at iba pa. Habang ang mga basurang hindi nabubulok, tulad ng bote at lata, ay ibenta sa Linis Ganda. Magkakapera ka pa. Ibalik kay Inang Kalikasan ang mula sa kalikasan. At ibalik kay Amang Pabrika ang mga galing sa pabrika. 

Nakakatuwa ring magtungo sa kanilang bahay dahil  mahilig din siyang maglaro ng chess at maraming iba't ibang klase ng chessboard sa kanilang bahay, kung saan ang mga piyesa ng chess ay tila mga tao. Masaya ako roon at dama ko ang ginhawa sa kanyang tahanan.

Nang siya'y pumanaw noong Setyembre 2009, para akong nawalan ng nanay. 

At doon sa Kamayan Forum ay binigyan siya ng pagpupugay at isang minutong katahimikan bilang pag-alaala sa kanya. Bilang pagpupugay ay inalayan ko ng tula si Tita Odette.

TITA ODETTE ALCANTARA, PARA SA KALIKASAN
tula ni Greg Bituin Jr.

si Tita Odette Alcantara, makakalikasan
magaling siyang guro para sa kapaligiran
matalino, mapanuri, aktibista, palaban
bawat bitaw ng kanyang salita'y may katuturan

bilin nga niya, ibukod ang mga nabubulok
na basura sa mga basurang di nabubulok
huwag na nating gawing basura'y magtila bundok
uriin, pagbuklurin, huwag ipaglahok-lahok

payo pa niya, maging bahagi ka ng solusyon
upang luminis ang hangin, mawala ang polusyon
Lupa, Araw, Hangin, Ako, Tubig (LAHAT) ng ngayon
ay dapat nating unawa, tiyaking may proteksyon

sa iyo, Tita Odette Alcantara, pagpupugay
ang lahat ng itinuro mo sa amin ay gabay
para sa kalikasan, mga payo mo'y patnubay
sa muli, kami'y saludo, mabuhay ka, mabuhay!