Linggo, Mayo 29, 2011

Kung ako'y mag-aasawa

KUNG AKO'Y MAG-AASAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kung ako'y mag-aasawa, nais kong isang dalagang maganda ang aking makapiling habambuhay. Oo, iyon ang unang batayan, ang siya'y maganda sa aking paningin. Ikalawa lamang ang puso o kalooban. Bakit nga ba gayon?

Maganda, hindi man siya mahinhin, at ang mga mata'y nangungusap. Oo, mata agad ang una kong tinitingnan, bago pa ang kanyang labing kaysarap hagkan o ang kanyang bilugang mukhang kaysarap pagmasdan. Maganda at tila isang diwatang sinasamba. Isang mutyang kaysarap ihatid sa altar. Isang dilag na hindi ko pagsasawaang titigan, halik-halikan, lambing-lambingin at yapus-yapusin kahit kami'y matatanda na.

Maganda, kahit barako ang tindig, na animo'y amasonang may hawak na armalayt, at kasama sa prinsipyo't paninindigan upang paglingkuran ang bayan at mulatin ang uring manggagawa sa kanilang mapagpalayang papel sa lipunan. Magandang amasonang nakakakilig.

Maganda, kahit na masungit, basta kyut ang dating. Isang natural na ganda na hindi dinaan sa anumang kolorete. Maaari namang magbago ang ugali ng tao, subalit hindi ang mukha, maliban na lang ngayong matindi na ang teknolohiya ng pagpapaganda.

Maganda, subalit ayaw ko ng Maria Clara. Mas mabuti pa ang isang babaeng tulad nina Gabriela Silang, ni Oriang na Lakambini ng Katipunan, o nina Liliosa, Liza, at Lorena na nasa awiting “Babae”. Maganda, palaban, may prinsipyo para sa bayan. Hindi makasarili.

Marami rin akong niligawan noon, at marami rin naman akong naramdamang tila nagkakagusto sa akin. Iyon nga lang, torpe ako. Hindi basta makapagsalita sa babaeng nililigawan.  Ilang beses ko iyong napatunayan sa aking sarili. Kaya marahil umabot ako sa ganitong edad. Isang matandang binatang tila nabinat na sa kahahanap ng forever, ng pagsintang animo'y walang kamatayan. Tila ba napipipi at animo'y tuod pag kaharap ang mutyang nililiyag ng puso. Gayong pag hindi ko naman nililigawan ay para lang kaming magkaibigan at ako ang makwento.

Minsan nga, habang nag-uusap kami ng aking nililigawan, bigla na lang akong tumayo at nagpaalam, dahil iba na pala ang nasa takbo ng aking utak. Kaya sabi agad ng babae, "Sandali, may ikinukwento pa ako. Bakit bigla kang aalis." Iyan marahil ang sakit ng tulad kong manunulat at makata, laging nananaginip ng gising.

Si Lani Matira mula sa Batangas ay nagkaasawa na ng foreigner. Si Aiza at si Amabelle na katrabaho ko noon, ang magandang si Liwayway Cortez, si Jean na kasama ko sa publikasyon. Si Tess Dioquino na Pinay na nakilala ko sa Japan, na ang aming litrato'y matagal na nakadispley sa aming bahay. Ang haponesang una kong nakaniig sa lungsod ng Hanamaki. Si Pia na isang makata, na nakahahalina ang dating at isa ring aktibista. Si Liberty na talagang kyut ang dating at kasama sa maraming organisasyon, tulad ng pangkasaysayan at pangkalikasan. Si Jonalyn na dating staff ng Sanlakas sa Kongreso, na ilang beses ko ring naka-date.

Si Michelle na biyuda ng isa naming lider sa organisasyon. Si Judy na dalawang beses kong nakasamang nabugbog sa rali at dati kong kolektibo. Si Jenevive na isang lider-manggagawa. Si Malou na kababata ko ay matagal nang nasa Amerika at marahil ay nag-asawa na. Si Lourdes na kaklase ko ng elementarya'y may asawa na rin.

Si Fides ay dalaga pa rin nang mag-reunion kaming magkakaklase sa elementarya, tatlumpung taon na ang nakalipas nang grumadweyt kami. Sa edad niyang 43 at gayon din ako, ay sobrang ganda niya sa aking paningin. Isang Miss Universe na karapat-dapat sambahin. Kaya marami akong inialay na tula sa kanya, at ginawan ko pa iyon ng blog sa internet.

Ang kababata ko sa Sampaloc na si Ditas ay nais ko rin noong ligawan subalit nililigawan ng kanyang kuya ang aking ate, kaya diyaheng ligawan ko siya. Nasa hayskul kami noon.

May ilan pang babaeng hindi ko na matandaan ang pangalan, subalit naging crush ko rin. O marahil hindi na dapat ilagay ang kanilang pangalan dito dahil sa mga karanasang hindi na dapat mabanggit. Gayunpaman, bahagi pa rin sila ng aking buhay pag-ibig.

Kung ako'y mag-aasawa, nais kong tanggapin ako ng aking mapapangasawa kung ano ako, kung ano na ang naabot ko, kung ano ang mga pangarap ko, lalo na sa usaping pulitika't ideyolohiya, kahit hindi niya iyon yakapin.

Kung ako'y mag-aasawa, nais kong unawain niya ako, ang pagiging mapangarapin ko ng gising, dahil pakiramdam ko'y lagi akong kumakatha pag may nakikita at napupuna akong dapat itula.

Kung ako'y mag-aasawa, nais ko siyang pakasalan sa isang simple at hindi marangyang kasalan. Dahil hindi naman ako mayaman sa pananalapi, bagamat mayaman sa taludtod at saknong na kinakatha. Kung posible'y wala pang sampung tao ang nasa kasalang iyon: kaming dalawa, ang magkakasal, nanay at tatay namin, at tig-isang ninong at ninang.

Kung ako'y mag-aasawa, nais kong samahan din niya ako sa aking mga pakikibaka tungo sa isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Nais kong buong puso akong suportahan ng aking mapapangasawa sa lahat kong gawain, tulad ng balak kong pagsusulat ng nobela, paglalathala ng mga aklat, at sa mga gawaing pananaliksik at pagsasalin, at sa mga gawaing pampanitikan at pangkultura.

At kung kami'y mag-asawa na, nais kong tanggapin niya ako kung sakaling itira ko siya sa aking munting dampa, at hindi sa isang kaharian, pagkat ang munting dampang iyon ay isang paraiso na aming bubuuin para sa aming magiging mga anak.

At kung kami'y mag-asawa na, magsisipag akong lalo, sa trabaho at pati na sa gawaing bahay. Tulung-tulong kaming mag-asawa upang tunay na mabuo ang pamilya.

Kung sakali mang hindi siya magbuntis agad, magsasayaw kami sa Obando, Bulacan, doon sa imahen ni Santa Clara, na pinaniniwalaang patron ng mga babaeng hindi magkaanak upang magbuntis. Ang maranasan ko lang ito'y malaking bagay na rin dahil tiyak na makagagawa ako ng ilang tula at sanaysay hinggil sa aming pagsasayaw sa Obando.

Nawa'y kayanin ng magiging asawa ko ang magbuntis ng limang beses kung walang kambal, na ibig sabihin ay limang anak. Subalit kung isa lang ang kaya, isa lang ang anak na bubusugin namin sa pagmamahal.

Magaling ako, at iyon ang lagi kong nasa isip. Kaya hindi magugutom ang aking magiging asawa sa piling ko. At hindi ko naman gugutumin ang pamilya ko, lalo na ang aming magiging mga anak. Lalaki silang malulusog at matatalino.

Oo, simple lang ang aking pangarap kung ako'y mag-aasawa. Isang babaeng maganda at hindi ko pagsasawaang tingnan habang ako'y nabubuhay. Bubuuin namin ang isang pamilyang hindi naghihikahos, kundi kumakain ng tatlong beses sa isang araw.

Martes, Mayo 24, 2011

Nangarap din akong magsundalo noon

NANGARAP DIN AKONG MAGSUNDALO NOON
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-eenrol pa lang ako noon bilang 4th year sa hayskul (school year 1984-85), nang ako'y niyayang maging aktibo sa Citizen's Army Training (CAT) sa Letran High School at maging isa sa mga opisyal ng mga kadete. Sumang-ayon ako, dahil nagbabakasakali rin akong may mga dagdag na matutunan, bukod pa sa dagdag na kaibigan. Inilagay ako sa Batallion at nasa G2 Intelligence ang aking posisyon. Ang mga kasama ko'y G1 Adjutant, G3 Operations at G4 Supplies. Nasa ikalawang grupo kami mula sa Officers Corps na pinamumunuan ng Corps Commander, na isa kong kaklase.

Isinagawa ang bivouac ng Letran CAT sa Cavite. Marami akong natutunan doon, lalo na ang mabilis na paggapang sa damuhan, pagsuot sa mga barbwire, pag-akyat at pagbaba ng puno gamit ang makapal at matibay na tali, ang paggapang sa tali mula sa isang puno patungo sa isa pang puno, at marami pang iba.

Sa tanggapan ng CAT ay nakasama ko ang aking mga kaklase, na naging mga kaibigan ko na rin. Bawat isa sa amin ay may espada, at talagang pinakikintab namin iyon upang magningning sa araw, pati na ang buckle ng aming mga sinturon. Madalas kaming mag-report doon matapos ang aming klase o kaya'y recess. Minsan ay naiimbitahan kami, at nakasuot ng gala uniform, pag may aktibidad ang mga ahensya ng gobyerno. Halimbawa, sa Commission of Immigration and Deportation (CID, na Bureau of Immigration na ngayon) na katabi ng aming paaralan.

Nagkaroon din kami ng sponsors, at nakasama namin bilang partner ang mga kababaihang mag-aaral na taga-St. Mary's Academy sa Quezon City. Habang ginaganap ang seremonya ng Corps of Cadets sa Letran grounds kasama ang mga partner namin, na pawang nakaputing kasuotan, kami ay inulan, kaya nabasa kami at naputikan. Kinagabihan, sa isang club sa Quezon City kami nagkaroon ng munting salu-salo at sayawan kasama ang mga dalaga.

Sa unang taon ko sa kolehiyo, ako'y nag-COCC (Cadet Officers' Candidate Corps) sa FEATI University, at doon sa Philippine Air Force grounds ginanap ang Citizen's Military Training (CMT) 11 tuwing Linggo. CMT na ang tawag noon, at hindi na ROTC (Reserve Officers Training Corps). Dalawa ang tanggapan ng CMT sa amin, isang hawak ng Air Force at isang hawak ng Navy. Doon ako sa Air Force nag-COCC dahil ang kurso ko ay Aeronautical Engineering. Tuwing Linggo ang training namin. Kinailangan ko pang sumakay ng LRT (na bagong tayo lang noon) sa Carriedo station upang makarating sa Baclaran Station, at mula roon ay sasakay ng dyip patungong PAF HQ, dahil doon ginaganap ang CMT ng FEATI. Malapit lang iyon sa PAFCA, na isa sa dalawang eskwelahan, kasama ang FEATI, na nago-offer ng BS Aeronautical Engineering.

Sa pagiging COCC, doon ko naranasan ang masuntok ako sa tiyan ng aming opisyal. Pati na ang pagkain ng santambak na sili sa isa naming aktibidad, at ang paglipat-lipat ng chewing gum sa bunganga ng kapwa kadete. Kahit na ang pagpapakintab ng sapatos ng aming mga opisyal ay aming isinagawa. 

Sumama rin ako sa pagkuha ng 45-days military training na pinangasiwaan ng MMCMTC (Metro Manila Citizen's Military Training Command) sa Fort Bonifacio. Bale iyon ang CMT 23. Hindi rekisitos ang CMT 23 sa hindi magsusundalo, ngunit required ang CMT 11 at 12 sa unang taon, CMT 21 at CMT 22 sa ikalawang taon, bale apat na semestre, upang maka-graduate ka sa iyong kurso. Sa CMT 23 ay natuto kami sa ilang teoryang militar at minsan, nang magalit sa amin ang isang tenyente ay pinagapang kami sa putikan.

Alas-singko pa lang ng madaling araw ay gumigising na kami, at nagpopormasyon upang mag-jogging suot ang aming combat boots. Habang nagja-jogging ay may chanting at inuulit namin ang chanting. Tuwing umaga ay gayon.

Maaari naman kaming umuwi pag araw ng Sabado at babalik ng Linggo. subalit nagdesisyon akong huwag umuwi tulad ng karamihan, upang talagang maranasan ko ang buhay sa kampo. May inisyu sa aming unipormeng pansundalo, unan, kumot, canteen (na gamit sa pagkain), combat boots, at sabay-sabay kaming kumakain. Kanya-kanyang hugas ng gamit. Ang tulugan namin ay sa barracks.

Minsan, nilibot din naming mga kadete ang headquarters ng Philippine Marines sa Fort Bonifacio, at nakita ko ang kanilang book store. May magagandang librong nais kong bilhin subalit dapat kong pag-ipunan.

Kumuha rin ako ng exam ng dalawang beses na ibinigay ng Philippine Military Academy (PMA).  Ang una ay noong 1985, nakasama ako sa top 100 sa test. At kaming mga nakapasa ay iniskedyul na kumuha naman ng physical examination sa V. Luna Medical Center. Nakasampung araw din kami roon. Hindi ko na nakuha ang resulta ng physical exam dahil nawala na ang ibinigay sa aming consent paper na dapat pirmahan ng aming mga magulang. Ang ikalawa kong kuha ng exam ay noong 1987. Nakapasa ako muli, at ang physical exam sa V. Luna Medical Center ay tumagal na lamang ng tatlong araw.

Kung hindi ako papasang sundalo, o hindi ako papasa sa Philippine Military Academy (PMA), marahil hindi talaga iyon ang linya ko. Bagamat maaari naman akong maging sundalo pag natapos ko ang CMT 33 at CMT 43, at magparehistro bilang reservist, o maging aktibo na bilang 2nd Lt., dahil graduate na ng kolehiyo. 

Nasa isip ko noon, pag di ako pumasa sa PMA, mag-i-NPA (New People's Army) ako upang makapaglingkod din ako sa bayan.

Minsan, isinama ko ang isa kong ka-batch na kadete sa bahay upang kunin ang ilan kong gamit. Nakaaway ko kasi ang isa kong kapatid, kaya nagpaalam na ako sa aking ina na doon muna ako titira sa headquarters ng mga kadete na katabi ng FEATI U Annex. Doon na sa HQ ako natutulog at naglalaba ng aking mga kagamitan. Iyung pagkain ay nakikisalo sa mga staff at opisyal ng HQ, na hawak naman ng Air Force.

Parang ayaw ko nang pumasok sa kurso ko sa kolehiyo sapagkat masaya na ako doon sa headquarters ng mga kadete. Nais ko nang maging ganap na sundalo, at mapasabak na sa field, o sa giyera upang ipagtanggol ang bayan. 

Subalit hindi na natuloy iyon, pagkat panahon iyon na kailangan na naming pumili ng ka-partner na babae, mas maganda kung kaklase, bilang paghahanda sa gaganaping Corps of Sponsors. Ang kaklase kong maganda at crush ko ay tumangging maging partner ko, dahil din sponsor ang tawag kaya baka mapagastos pa siya. Bukod pa roon, wala naman akong sapat na salapi dahil wala naman akong trabaho. Hanggang sa ako'y kusang umalis doon at nagtungo sa bahay ng aking tiyuhin upang mag-aral ng anim-na-buwan sa isang technical center. Tatlong buwan pa lang ay ipinadala na ako ng technical center na iyon sa ibang bansa para sa anim na buwan pang training. Pagbalik sa bansa ay naging pioneer sa isang kumpanya ng electronics, at tatlong taon na naging machine operator.

Gayunpaman, ang mga natutunan ko sa pagiging kadete ay nagamit ko maging sa ibang bansa. Mula hayskul hanggang kolehiyo ay naging aktibo ako sa mga gawaing pangkadete (1984-87) dahil pangarap ko nga noon na maging sundalo. Ngunit marahil ay hindi iyon para sa akin. Subalit ang mga karanasan ko bilang kadete ay malaking bagay na kung saan ako ngayon. Ang mga training na nadaluhan ko ay nakatulong sa akin ng malaki sa pang-araw-araw kong buhay.

Martes, Mayo 17, 2011

Nangarap din akong maging pari

NANGARAP DIN AKONG MAGING PARI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang simbahan ang magkatabi sa Bustillos sa Sampaloc, Maynila, na kapwa ko naging tambayan noong kabataan ko. Ang isa'y ang Our Lady of Loreto Parish, at ang isa naman ay ang Saint Anthony Shrine o VOT (Franciscan). Pareho ko itong pinupuntahan tuwing Linggo, o kaya'y Sabado at Linggo, dahil na rin sa marami kong sinamahang grupo rito.

Hayskul ako noon nang maging bahagi ako ng Catholic Youth Movement (CYM) noong 1984, nang makatapos ako sa tatlong araw na Life in the Spirit Seminar (LSS) na isinasagawa ng Holy Name Society sa Loreto Parish. Kabilang ang aking ama sa Holy Name Society. Nakasama rin ako sa grupong Magnificat na kumakanta sa misa tuwing Linggo ng hapon sa simbahan ng Loreto. 

Sa katabing simbahan naman ng Saint Anthony Shrine o VOT, naglingkod ako bilang lector o tagabasa sa misa. Naging bahagi rin ako ng Franciscan Missionary Union (FMU), at nakasama sa dalawang linggong paglalakbay ng FMU sa isla ng Basilan sa Mindanao noong 1994. Naging aktibo rin ako sa grupong Justice, Peace and Integrity of Creation (JPIC) sa VOT. 

Minsan na rin akong gumanap bilang Bro. Dominic Savio na kasamahan ni Saint Francis sa dulang Father Sun, Sister Moon, sa VOT. Basta may aktibidad sa simbahan, sali agad ako. Ganyan ako kaaktibo noong aking kabataan sa mga gawaing pangsimbahan. Kahit sa usapin ng sports, naging kinatawan ako ng Saint Anthony Shrine sa pa-chess tournament ng Holy Name Society sa simbahan ng Loreto. 

Nakadalo na rin ako sa ilang panrelihiyosong seminar, at nakapunta sa isang seminar house sa Tagaytay, kasama ang ilang mga kaeskwela noong elementarya. Nagtayo kasi kami noon ng isang scouting group, ang Nazareth Alumni Scouting Association (NASA), na nakabase sa Caritas sa Maynila. At kahit nasa hayskul na at kolehiyo ay paminsan-minsan pa ring nagkikita. Noong panahon namin, bagamat may hayskul sa Nazareth School, hanggang elementarya lamang ang mga lalaki at lilipat na ng paaralan pag naghayskul na. Pulos mga babae ang mag-aaral sa hayskul.

Masarap magseminar, at maganda ang kapaligiran sa kumbentong aming tinuluyan. Para bagang ayaw mo nang umalis doon. Para bang gusto ko nang magpari.

Minsan, sinagutan ko ang isang paanyayang brochure ng isang kongregasyon upang makadalo sa isang pagtitipon ng magpapari. Pagkatapos noon ay wala na at nakalimutan ko na. Hanggang ilang linggo o buwan ang nakalipas, may dumating na liham sa bahay mula sa kongregasyong iyon. Nagulat ako, akala ko gayon-gayon lang ang pagsagot doon. Ang aking ina pa nga ang nakatanggap niyon, hanggang ipabasa sa akin. Sabi niya, kung gusto kong magpari, susuportahan nila ako.

Subalit parang wala naman akong ginawa upang matuloy iyon. Parang binasa ko lang ang natanggap na sulat. Hindi ko na napuntahan kung ano man ang paanyayang nakasulat sa liham. Marahil ay sa dami na rin ng aktibidad sa paaralan. Kumbaga'y nawala sa loob ko kung magpapari nga ba ako. Bagamat nang sinagutan ko yaong paanyaya ay para akong nasa langit dahil katatapos lamang ng pangrelihiysong seminar na dinaluhan ko.

Marahil, ang isa sa mga dahilan kung bakit di ako nakapagpari ay dahil hindi sila nag-aasawa. At ako naman, nais kong magkaroon ng asawa at anak. Bagamat nang sinagutan ko ang brochure ay hindi ko iyon naiisip.

Gayunpaman, masaya ako na nakapaglingkod sa simbahan noong aking kabataan.

Linggo, Mayo 15, 2011

Ang lalawigang Antique ay Mecca sa akin

ANG LALAWIGANG ANTIQUE AY MECCA SA AKIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ipinanganak sa lalawigan ng Antique ang mahal kong ina, ngunit hanggang ngayon, hindi ko pa ito napupuntahan. Mas lagi akong nakakapunta sa Batangas na sinilangan naman ng aking ama. O sa mas eksakto, isa pa lang sa aming anim na magkakapatid ang nakakapunta sa sinilangan ng aming ina.

Ang lalawigan ng Antique ay nasa isla ng Panay sa rehiyon ng Visayas. Katabi nito ang mga lalawigan ng Iloilo, Capiz at Aklan. Katabi naman ng isla ng Panay ang pulo ng Guimaras. Ang salita sa Antique ay Karay-a, ngunit hindi ako marunong magsalita nito dahil sa Maynila na ako isinilang, lumaki, at nanirahan hanggang ngayon.

Ngunit itinuring kong Mecca ang lalawigang Antique. Ibig sabihin, tulad ng mga kapatid nating Muslim (bagamat hindi ako Muslim), na dapat minsan man sa kanilang buhay ay makarating sila sa Mecca sa Saudi Arabia, na siyang pinaniniwalaang sinilangan ng propetang si Mohamed. At ang pagtungo sa Mecca ay batay sa kanilang "Five Pillars of Islam". Kaya kailangan, minsan man sa buhay ko'y marating ko ang lalawigang sinilangan ni ina, o sa mas eksakto, sa bahay na tinirhan nila ng kanyang mga magulang at mga kapatid noon. Siyang tunay, Mecca sa akin ang sinilangan ng aking ina.

Nakarating na ako sa isla ng Panay, noong Nobyembre 23, 2008, dahil nakasama ako sa karabana ng Duyog Mindanao. Isa iyong aktibidad na pangkapayapaan, isang karabana mula lungsod ng Baguio hanggang lungsod ng Cotabato. Iba't ibang lalawigan ang pinuntahan namin, at mula Mindoro ay sumakay kami ng lantsa patungong isla ng Panay, at gabi na nang makarating kami sa Katiklan sa Aklan, isang araw kami roon, at mula sa Iloilo ay nagtungo naman kami sa lungsod ng Bacolod sa pamamagitan din ng lantsa.

Isinulat ko nga sa aklat kong "Bigas, Hindi Bala" sa artikulong pinamagatan kong "Ang Makasaysayan Kong Pagdatal sa Isla ng Panay": "Naging makasaysayan sa akin ang pagsama ko sa Duyog Mindanao dahil nakarating ako ng Panay, dahil kahit papaano, nakalapit ako, sa buong buhay ko, bagamat di nakarating, sa lupain ng aking mga ninuno... Bagamat di ako nakarating sa Antique ay parang napalapit na rin ako sa sinilangan ng aking ina dahil sa pagtapak ko sa unang pagkakataon sa Panay."

Mas maganda na hindi lamang isang araw, kundi kahit man lamang isang linggo ako ritong magtagal. Isa itong pangarap na nais kong matupad. Nais kong damhin ang bawat sulok ng kanilang bahay, ang kabukiran, ang mga tao, ang dagat, ang puno, ang sariwang hangin, ang kalagayan ng mamamayan doon at ng buong lalawigan, maging ang agiw, alikabok, putik, talahib, at huni ng kuliglig. Nais ko iyong maisulat. Marahil nga'y sentimental na bagay. Isa iyong bagay na dapat planuhin naming magkakapatid, na kahit minsan man sa aming buhay ay narating namin ang sinilangan ng aming mahal na ina. Kung hindi man sila makasama, kahit sana ako'y makarating doon. Tanging si Lala pa lang sa aming magkakapatid ang alam kong nakarating doon nang isinama siya ng aking ina sa Antique noong 2011. Kasama ni Lala ang anak niyang si Sten.

Marahil ay makagagawa muli ako ng maraming tula sa paglalakbay na ito, na nais ko ring maisaaklat. At ito ang balak kong gawin pag ako'y nakarating sa bayang sinilangan ng mahal kong ina.

Lunes, Mayo 9, 2011

Ang Pag-aaral ng Kasaysayan

ANG PAG-AARAL NG KASAYSAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi ako mahilig magbasa ng kasaysayan nuon. Katunayan, mababa ang marka ko sa Social Studies noong nasa high school pa ako kumpara sa Math, Geometry, Trigonometry at Algebra. Wala kasi akong interes noon sa nangyayari sa paligid, dahil mas nakahiligan ko ang mga numero. Kaya nga kinuha ko sa kolehiyo noon ay BS Aeronautical Engineering at BS Mathematics, na pawang di ko naman tinapos dahil nawala na ang pokus ko sa numero nang masangkot na ako sa aktibismo at pulitika, at mapag-aralan ang iba't ibang isyu ng bayan.

Marahil namulat ako sa pulitika mula nang ako'y mangibang bansa, anim na buwan ako noon sa Hanamaki City sa bansang Japan bilang on-the-job trainee sa electronics. Naisip ko nga noon, bakit pumunta ako sa bansang Japan pa gayong ito ang lumusob noon sa Pilipinas at naging dahilan ng Ikalawang Daigdigang Digmaan dito sa Asya. Nang makabalik ako ng bansa ay naging regular na manggagawa ako sa isang Japanese-Filipino company, direct hire kaming galing sa Japan. Sa pabrika, mas nakita ko ang karanasan ng mga manggagawa hinggil sa iba't ibang isyu, tulad ng sahod at pag-uunyon. Dito na ako naunang maging aktibo sa pulitika. Sa katunayan, tatakbo nga ako noon bilang pangulo ng unyon ngunit dahil maraming ipinasok sa kumpanyang iyon ang tiyo ko na assistant manager naman sa kapatid na kumpanya ng pinapasukan ko, napigilan nila ako.

Nang mag-resign ako matapos ang tatlong taon ng paglilingkod sa kumpanya bilang machine operator, nag-aral akong muli. Nasa publikasyon ako ng paaralan bilang staffwriter nang ako'y maanyayahang maging bahagi ng aktibismo. Nagkainteres ako dahil iyon ang matagal ko nang hinahanap, bagamat di ko alam na hinahanap ko pala iyon. Naging bahagi ako ng Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) mula nang ito'y itatag mula sa pagiging LFS-NCR. Hanggang sa maging organisador ako nito, manunulat at maging opisyal sa pangrehiyong saklaw.

Nasa Kamalayan na ako nuon nang minsang pumunta ako sa Dapitan sa opisina ng National Federation of Student Councils (NFSC), kapatid na samahan ng Kamalayan. Dito ko nakilala ang isang naging kaibigan ko hanggang ngayon nang nag-aanyaya siya para sa isang pulong ng grupong pangkalikasan, ang Environmental Advocacy Students Collective (EASC) kung saan nang lumaon ay isa rin ako sa naging opisyal. Siya ang nagsama sa akin sa buwanang environmental forum sa Kamayan restaurant. Doon ko nakilala ang grupong Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan) nang mag-anyaya ito para sa isang ritwal ng Katipunan hinggil sa pagsasabuhay ng Kartilya.

Ayon sa tagapagsalita nito, nakakaumay ang pagtuturo sa eskwelahan ng kasaysayan dahil itinuturo daw doon ay pulos pagkabisa ng mga pangalan at petsa ng mga pangyayari, at hindi ang kahalagahan ng kasaysayan sa lipunan. Dagdag pa rito ang pagkilala ng pamahalaan sa mga pagkatalo, imbes na pagkapanalo ng ating mga ninuno sa kasaysayan. Kinilala ang pagbagsak ni Rizal, pagbagsak ni Ninoy, pagbagsak ng Bataan, at pagkilala sa huling heneral na sumuko sa Amerikano, pero di kinilala ang pagkabayani nina Macario Sakay, ang pagiging unang pangulo ni Andres Bonifacio, ang tagumpay sa Balangiga, bagamat naging trahedya sa bandang huli, ang pagsakop ng Katipunan sa kwartel ng Kastila sa Pasig sa "Battle of Nagsabado", at marami pang iba.

Hanggang maisagawa ng Kamalaysayan ang isang aktibidad na talagang nagpukaw sa aking interes sa kasaysayan, ang isang ritwal ng paglilibing sa mga labi ni Gat Andres Bonifacio sa kweba ng Pamitinan sa Montalban, Rizal noong Mayo 10, 1997, kasabay ng paggunita sa ika-100 anibersaryo ng pagpaslang kay Bonifacio at sa kapatid niyang si Procopio. Nasa grupong Sanlakas na ako noon bilang staff. Marami kaming nakasaksi sa makasaysayang pagtitipong iyon.

Bilang manunulat at naging mag-aaral na ng kasaysayan, sinaliksik ko at sinulat ang librong "Macario Sakay, Bayani", na inilathala ng Kamalaysayan, kasabay ng panawagang magkaroon ng rebulto at ipangalan kay Macario Sakay ang pangunahing lansangan sa Maynila bilang pagbibigay-papuri sa kabayanihan ni Sakay, ang lider na pumalit kay Bonifacio sa Katipunan. Ang librong ito'y pormal na inilunsad sa UP Manila noong Setyembre 13, 2007, kasabay ng ika-100 anibersaryo ng pagbitay sa bayaning si Macario Sakay. Nakadalo naman sa paglulunsad ng librong ito ang aking ama at kapatid na babae. Isang taon matapos nito, naglabas ng resolusyon ang senado bilang pagpupugay kay Macario Sakay, sa pamamagitan ng Senate Resolution 623 nina Senador Kiko Pangilinan at Senador Nene Pimentel noong Setyembre 9, 2008, at Senate Resolution 121 na nilagdaan ni Senate President Manny Villar at Ms. Emma Lirio-Reyes, Secretary to the Senate, noong Setyembre 16, 2008. Pinasinayaan naman ng pamahalaang lungsod ng Maynila, sa pangunguna ni Manila mayor Alfredo Lim ang pagtatayo ng rebulto ni Macario Sakay noong Setyembre 13, 2008, sa Plaza Morga, sa Tondo, Maynila. Bago ito'y ikinampanya ng grupong Kamalaysayan kay Mayor Lim, na kasapi rin ng Kamalaysayan, ang pagkakaroon ng rebulto ni Sakay sa Maynila.

Nalathala naman sa magasing Tambuli ng Dakilang Lahi na inilalathala rin ng Kamalaysayan ang ilan kong artikulong sinaliksik at sinulat, tulad ng istorya ng mga lider-manggagawang sina Teodoro Asedillo, Hermenegildo Cruz, Amado V. Hernandez, at Crisanto Evangelista.

Noong Pebrero 6, 2009 naman ay inilunsad ng Aklatang Obrero Publishing Collective ang librong "Ka Popoy: Working Class Hero" sa UP Bahay ng Alumni, kasabay ng ika-8 anibersaryo ng kamatayan ni Filemon "Ka Popoy" Lagman, dating tagapangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Ang nasabing libro, kung saan ang inyong lingkod ang siyang editor, ay koleksyon ng mga artikulo ng mga nakakakilala kay Ka Popoy hinggil sa kanyang buhay. Nilalaman din ng libro ang iba't ibang tula at isang awit tungkol sa kanya.

Noong Setyembre 14, 2010, kasabay ng ika-17 anibersaryo ng BMP, inilunsad naman sa Lungsod Quezon ang librong "KapitBisig, Pagkakaisa sa Laban ng Manggagawa ng Goldilocks" na hinggil naman sa kasaysayan ng pakikibaka ng mga manggagawa ng Goldilocks, mula sa pagtatayo nila ng unyon, labanan sa husgado, hanggang itirik ang welga, hanggang magkaroon ng settlement kaya natapos ang welga, at ang papuri ni dating CHR Commissioner Leila De Lima sa tagumpay ng BISIG-AGLO-BMP sa isinagawa nilang welga. Napakahalaga ng mga kasaysayang tulad nito dahil isinulat ang mga pakikibaka ng manggagawang ang pananaw nila'y bihirang talakayin sa mga pahayagan at dyaryong pag-aari ng kapitalista.

Mula sa matematika tungo sa pag-aaral at pagsusulat ng kasaysayan. Gayunman, di ko pa rin nakakalimutan ang matematika at ang hilig ko sa numero. Katunayan ay pampalipas ko ng oras ang pagsagot ng Sudoku, di lang sa dyaryo kundi mismong libro nito. Kasaysayan at matematika, kasaysayan ng matematika, matematika ng kasaysayan. Tila nakaukit na sa sistema ko ang dalawang ito dahil kaakibat na ito ng ating buhay sa lipunan.

Sadyang marami pang dapat saliksikin, basahin, sulatin, na mga makasaysayang pangyayari, na may mahahalagang aral upang maging giya ng kasalukuyan at ng mga susunod na henerasyon. Mahahalagang aral upang di na maulit ang mga kabiguan ng nakaraan. Minsan nga ay sinabi ni Karl Marx sa kanyang akdang "18th Brumaire" hinggil sa pag-uulit ng kasaysayan: "Ang una'y trahedya. Ang ikalawa'y katawa-tawa. (The first is a tragedy, the second is a farce.)" Tinukoy sa una ang ginawa ni Napoleon I, ang unang emperador ng Pransya, habang ang ikalawa naman ay hinggil sa ginawa ni Napoleon III. Ayon kay Marx, "Sinabi ni Hegel noon na lahat ng malalaking patunay at mga personahe sa kasaysayan ay nagaganap ng dalawang ulit. Ngunit nakalimutan niyang idugtong: Ang una'y trahedya. Ang ikalawa'y katawa-tawa."

Halina't pag-aralan natin ang kasaysayan upang maging gabay natin sa kasalukuyan at sa hinaharap. Mabuhay kayo!

Miyerkules, Mayo 4, 2011

Ideyolohiya at Dangal sa Pagkatha

IDEYOLOHIYA AT DANGAL SA PAGKATHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ideyolohiya. Ito ang kaisipang sinusunod ng isang tao, dahil naroroon ang kanyang mga pangarap na nais niyang maabot o makamtan.

Dangal o puri ng isang tao. Walang dungis o batik. Na pag nawala ang dangal na ito'y para ka nang hayop na nilalayuan.

Bagamat maraming dapat isulat, umiinog sa dalawang ito ang tema ng mga paksang karaniwan kong sinusulat, sa kwento man, sa sanaysay at lalo na sa pagtula. At ang mahalaga ay ang pagsasabuhay ng dalawang ito. Napakalawak na ng dalawang ito na kahit ano yatang paksa'y maaaring taglayin ang dalawang nabanggit. At hindi dapat mawala ang dalawang ito bilang salaminan ng mga natapos na katha. Ano ang ideyolohiya ng tula kong "Higanteng Tulog ang Manggagawa" na nalathala sa pahayagang Obrero bandang 2004 o 2005? Anong dangal ang mararamdaman ng manggagawa habang binabasa niya ang tula? Kikilos ba siya o mananatiling higanteng tulog?

Sa usapin ng manggagawa, may ideyolohiyang kaakibat iyan, dahil sa kasalukuyang panahon, sila'y mga sahurang alipin. Anong lipunan ang kanilang nais na dapat silang maging pantay-pantay ng kalagayan at hindi na sila magiging sahurang alipin? Sa usapin ng mga maralitang lungsod, mananatili ba silang dukha habambuhay, na ipamamana nila sa kanilang mga anak at apo? Magkakasya lang ba sila sa pagtaya sa huweteng o lotto na nagbabakasakaling makatsamba at yumaman? Anong dangal ang kanilang maipagmamalaki kung dahil sa hirap at kagutuman ay gagawa sila ng mga diskarteng makasisira sa kanilang pagkatao, tulad ng pagdidyamper ng kuryente, pagtira sa bahay na nasa ilalim ng tulay o sa barungbarong sa gilid ng ilog na pag bumaha ay umaapaw?

Isa ang Kartilya ng Katipunan sa taimtim kong sinusunod na disiplina sa buhay. Ito ang sinulat ni Emilio Jacinto at ipinalaganap ng Katipunan sa kanilang kasapian. Matutunghayan dito ang panuntunan ng kabutihang asal na dapat taglayin ng bawat Katipunero. Bilang manunulat at kasapi ng Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan, na sa kalaunan ay naging Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan), ang pagsasabuhay ng Kartilya ay isa sa mga pagbabagong aking nakamit, dahil ang panuntunang naririto'y magpapalaya sa iyong magulong buhay at isipan. Ramdam ko iyon. Kaya pag nagkikita kami ng kapwa ko manunulat na si Sir Ding Reyes, na siyang pasimuno ng Kamalaysayan, ang aming batian ay "Mabuhay ka at ang ating panata!"

Paborito ko ring sundan hinggil sa usapin ng dangal ang Bushido ng mga Hapones. Ito'y paraan ng mga mandirigmang samurai kung saan ang Bushido ang pinagmumulan ng kabutihang asal na inaasahan sa kanila, tulad ng pagiging makatwiran, magiting, magalang, mapagkawanggawa, matapat. Handa rin silang mamatay hanggang sa dulo na ipaglaban ang katwiran, at ang kabiguan ay wala sa kanilang bokabularyo. Dahil ang pagkabigo sa tungkulin o sa anupamang larangan ay pagkawala ng dangal at may katapat na seppuku, o yaong ritwal ng marangal na pagpapakamatay upang maibalik ang nawalang dangal.

Nariyan din ang chivalric code o yaong panuntunan ng mga Knights o yaong mga Kabalyero sa panahong midyibal. Knight ang simbolo ng paaralang aking pinasukan ng apat na taon sa hayskul. Kaya nakaukit sa akin ang panuntunan sa buhay ng mga Kabalyero - ang kabayanihan, kusang pagpapaunlad ng sarili, at paglilingkod sa kapwa. lalo na ay ipagtanggol ang maliliit. Di lang dapat malakas ang katawan at buhay ang isipan ng bawat kabalyero ngunit dapat na sila mismo'y disiplinado. Sumumpa ang bawat Kabalyero na magiging tapat sa tungkulin, mapagbigay, at marangal. Ganyan ang tinatawag nga nilang may Dugong Arriba.

Naalala ko pa ang pahayag namin sa Boy Scout noong elementarya. Ang Boy Scout ay mapagkakatiwalaan, matapat, palakaibigan, maginoo, magiting, masipag, mapagbigay, disiplinado, may pagsasarili, at kapatid ng bawat Scout.

May panuntunan din ng disiplina ang mga aktibistang tulad ko, at maipagmamalaki kong hindi pa ako nagkakaroon ng DA (disiplinary action) sa aking halos dalawang dekada na sa kilusang mapagpalaya, kasama ang mga manggagawa't maralita.

Nariyan din ang Journalists' Code of Ethics, ang Poets' Code of Ethics, at iba pang etika para naman sa tulad kong manunulat, na dapat alam din ng sinumang mahilig magsulat upang sila'y hindi maagrabyado. Bagamat alam nating napakarami nang pinapaslang na mamamahayag, di lang sa ating bansa, kundi sa iba pang bansa. Mahalagang maiulat ang katotohanan, gaano man ito kapanganib. Dahil ang pagsisinungaling sa pag-uulat ay pagkayurak mismo ng iyong dangal.

Lahat ng iyan ang umukit sa aking pagkatao na sinusunod ko hanggang ngayon. Bagamat may ilang kamalian sa mga nakaraan, tulad ng away naming magkapatid, isang aral iyong dapat na hindi na maulit. Kaya ang pagtalima sa Kartilya, at mga aral at panuntunan ng Bushido, Kabalyero, Boy Scout, at aktibismo, ay malaking bagay na umukit ngayon sa aking pagkatao, na siya ko ring naging panuntunan sa bawat pagkatha ng tula, sanaysay, at maikling kwento, at pagsulat ng balita at mga artikulo.

Habang niyayakap ko ang mga panuntunang iyon at isinasabuhay bilang taong may dangal ay niyayakap ko rin ang ideyolohiyang ang layunin ay itayo ang isang lipunang makatao para sa lahat, isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, isang lipunang may paggalang sa karapatan ng bawat isa, isang lipunang ang pangunahin ay ang kapakanan ng tao at ng kalikasan, at hindi ng tubo para sa iilan.

Sa marami kong katha ay masasalamin ang mga sulatin ng mga dakilang lider-paggawa, pati na kasaysayan ng lipunan. Na karaniwan ay ginagawan ko ng tula ang ilang mahahalagang pahayag at pangyayari. Dahil naniniwala akong bilang manunulat at makata ay may tungkulin akong ipaliwanag sa higit na nakararami kung bakit may mahirap at mayaman, kung bakit may nagpapasasa sa yaman ng lipunan at napakaraming nanlilimahid sa kagutuman, kung bakit tama ang sinabi ni Marx sa kanyang Tesis kay Feuerbach na "marami nang nagpaliwanag ng daigdig sa iba't ibang paraan, ang mahalaga ay ang baguhin ito."

At ito ang nais kong gawin bilang manunulat at makata, ang makatulong sa pagtatayo ng lipunang pantay-pantay ang kalagayan ng tao, dahil ang yaman ng lipunan ay ibinabahagi sa lahat, at mahalaga lalo na ang tao'y maging ganap na tao, at hindi makina o aliping nabubuhay lang sa mumo ng iba. Sadyang kailangan ng matinong ideyolohiyang kakapitan ng manunulat sa kanyang paglalakbay at pag-ukit ng mga titik di lang para sa kasalukuyan, kundi sa mga susunod pang henerasyon hanggang sa maitayo ang isang tunay na lipunang makatao.

Mahalaga na pag-aralan ang lipunan, at magkaroon ng kongkretong pagsusuri sa kongretong kalagayan. At lalong mahalaga na kilala mo ang iyong sarili. Ika nga ni Sun Tzu sa kanyang "Sining ng Digma": "Dapat kilala mo ang iyong kaaway at ang iyong sarili at maipapanalo mo ang iyong laban nang walang gaanong panganib." Kaya sa iyong pagsusulat, dapat kilala mo ang iyong isinusulat at kilala mo rin ang iyong sarili. Kaya mo bang panindigan at ipaglaban ang iyong isinulat? Kung sampahan ka ng libelo, kaya mo bang ipagtanggol ang iyong sarili at ang pinagmulan ng balita? Paano kung may nasasagasan ka na sa iyong mga isinusulat? Kung pader na ang iyong binabangga, maso ka bang titibag sa pader o lindol? Paano mo ipagtatanggol ang iyong paniniwala sa sinumang nais sumira nito o nais kang sirain?

Mahalaga ang dangal dahil kahit sa iyong pagsusulat ay tinitingnan mo rin, di lang ang paksa, kundi ang pahiwatig ng kabuuang akda, kung ito ba'y makasisira sa iba o magsisilbing inspirasyon sa makababasa. Mahalaga ang ideyolohiya sa iyong isinusulat dahil sinasalamin niyon ang iyong paniniwala at adhikain sa buhay na nais mong makamit at maitaguyod din ng iba.

Miyerkules, Pebrero 23, 2011

Ang Makatang sina Balagtas at Hafez, at ang Tarpotula

ANG MAKATANG SINA BALAGTAS AT HAFEZ, AT ANG TARPOTULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang magkasunod na mahalagang okasyon ang dinaluhan ko sa Unibersidad ng Pilipinas noong hapon ng Pebrero 22, 2011, araw ng Martes. Ang una'y ang panayam hinggil sa panulaan ng mga makatang sina Francisco Balagtas ng Pilipinas at Hafez ng Iran na ginanap sa C. M. Recto Hall ng Faculty Center sa UP . Ang ikalawa naman ay ang Tarpotula: Verses and Visual Art on Tarpaulin na ginanap naman sa Rizal Hall ng Faculty Center sa UP na kaharap ang Vargas Museum.

Ang una'y itinaguyod ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing at ng Cultural Section ng Embassy of the Islamic Republic of Iran, habang ang ikalawa naman ay bahagi ng programang Tanghal-Likha ng Department of Filipino and Philippine Literature.

Si Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Dr. Bienvenido Lumbera ang nagbigay ng panayam hinggil kay Balagtas at si Dr. Mohammad Adi Savadi, guro mula sa Islamic Research Institute for Culture and Thought sa Iran, ang siya namang nagbigay ng panayam hinggil kay Hafez (Khwāja Shamsu d-Dīn Muhammad Hāfez-e Shīrāzī). Napakahalaga ng panayam upang mas makilala pa ang dalawang importanteng makatang Asyano mula sa pananaw ng dalawang kilalang indibidwal.

Si Balagtas (1788-1862) ang makatang nagsulat ng walang kamatayang epikong Florante at Laura, habang si Hafez ((1325–1390) naman ay kumatha ng serye ng Divan na mga tulang matatagpuan umano sa mga bahay ng maraming taga-Iran, kung saan ginagamit ang kanyang tula bilang mga salawikain at kasabihang nagagamit pa nila sa araw na ito.

Pagkatapos ng panayam ay may meryendang inihanda, ngunit lumipat na ako sa kalapit na lugar na pinagdausan naman ng pagbubukas ng Tarpotula, na tatagal hanggang sa Marso 15. Tatlong manunulat at apat na pintor ang nagsagawa ng proyektong Tarpotula, na pawang mga estudyante ng kilalang pintor at gurong si Neil Doloricon. Ang mga estudyanteng ito'y sina John Casipe, Hannah Castillo, Lery Pardalis at Odin Sena na siyang nagdibuho't nagkulay ng kanilang mga obra, kasama ang mga tula ng mga makatang sina Reuel Aguila, Joey Baquiran at Eugene Evasco, sa tarpoulin. Naabutan ko nang nagsimula na iyon, at matapos ang kaunting programa ay meron ding meryenda. Doon na ako kumain ng kaunti.

Nakita ko ang mga iskedyul ng mga aktibidad na ito sa internet lalo na sa website na panitikan.com. Kaya inabangan ko na ang pagdating ng araw na iyon, nang walang kasabay na ibang gawain. Nakapag-relaks ako mula sa mabibigat na gawaing pulitikal, at parang pahinga ko na ang pagpunta sa dalawang aktibidad na pampanitikan. Di naman nasayang ang aking punta pagkat dalawang mahalagang okasyon ang mga iyon na nakadagdag sa aking kaalaman. Gusto ko muling magsulat.

Huwebes, Disyembre 16, 2010

Ang LIRA at ako

ANG LIRA AT AKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Agosto 25, 2001 ang una kong pulong sa LIRA o Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo sa Adarna House sa Scout Limbaga St., sa Lungsod, Quezon. Kinausap kami ni Rebecca AƱonuevo na pangulo noon ng LIRA na kami ang mga nakapasa at nais nilang maging bahagi ng pag-aaral sa LIRA. Setyembre 1, 2001, sa UST Literary Center ay nagturo sa amin si Ginoong Virgilio Almario o makatang Rio Alma hinggil sa kasaysayan ng panulaan sa Pilipinas.  Setyembre 8, 2001 ang unang sesyon ng pagtuturo sa amin ng tula, at ang unang paksa ay ang tugma at sukat na ang aming guro ay ang makatang si Michael Coroza. Agad niya kaming pinagawa ng tula hinggil sa aming natutunan ng araw na iyon na aming ipapasa sa susunod na sesyon. Tuwing Sabado ng hapon lang ang aming sesyon.

Sa aming mga magkakaklase ay ang aking pyesa ang unang naisalang, dahil bukod sa mahaba, ay hinggil iyon sa naganap na pagbagsak ng World Trade Center at Pentagon sa New York at Washington noong Setyembre 11, 2001. Ang tula kong ipinasa ay binubuo ng labing-anim na saknong na may apat na taludtod bawat saknong, at labingdalawang pantig bawat taludtod. Ayon kay Ginoong Coroza, imbes na labing-anim na saknong ay kaya naman iyong gawin sa tatlong saknong lamang nang hindi nawawala ang buong diwa.

Dahil sa palihan ng LIRA, nakarating ako sa Kongreso ng UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) na ginanap sa Goethe Institute (German Library) noong Agosto 2001. Dito ko nakilala ang maraming magagaling at kilalang makata ng bansa, tulad ng magkapatid na Roberto at Rebecca AƱonuevo, Vim Nadera, Teo Antonio, Jerry Gracio, at marami pang iba. Kaklase ko sa palihang iyon ang ngayon ay pawang sikat na rin sa larangan ng panitikan, na sina Edgar Calabria Samar at Jose Jason Chancoco.

Isa sa hindi ko malilimutan ay ang pagkamatay ng isang kilalang makata. Isang linggo na lamang ay nakatakdang magturo sa amin ang batikang makatang si Mike Bigornia, na awtor ng mga aklat ng tulang Prosang Itim at Salida, nang ito'y mamatay. Nakadalo ako sa burol sa St. Peter, at paglilibing sa kanya sa isang sementeryong malapit sa Tandang Sora sa Lungsod Quezon. Hindi siya nakapagturo sa amin, ngunit nakadaupang-palad ko siya sa Kongreso ng UMPIL.

Mula sa palihan sa LIRA ay naging aktibo ako sa pagtula, at ang hinawakan kong 8-pahinang pahayagan ng maralita bilang managing editor nito - ang Taliba ng Maralita - ay nilalagyan ko ng sarili kong likhang tula. Ganito ang aking katuwaan, na kahit sa pahayagang Obrero ng mga manggagawa ay tinitiyak kong lagi akong may nalalathalang tula.

Ayon sa kasaysayan, taong 1985 nang nagkasundo ang siyam na batang makata — sina Rowena Gidal, Edwin Abayon, Dennis Sto. Domingo, Ronaldo Carcamo, Danilo Gonzales, Vim Nadera, Ariel Dim. Borlongan, Romulo Baquiran Jr., at Gerardo Banzon na patuloy na magtagpo kahit natapos at sumailalim na sila sa Rio Alma Poetry Clinic, isang serye ng mga Sabado ng palihan at madugong pagsipat sa mga tula. Kaya’t noong 15 Disyembre 1985, sa tanggapan ng ngayo’y Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario, (mas kilala bilang Rio Alma) sa Adarna House, Quezon City, isinilang ang Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), isang organisasyon ng mga makatang masigasig na nagsusulat sa wikang Filipino.

Matapos ang anim na buwan, noong Marso 8, 2002, ay nakapagtapos kami sa LIRA. Kasabay iyon ng paglulunsad ng bagong aklat ng mga tula ni Rio Alma na may pamagat na Supot ni Hudas na kulay itim ang pabalat. Sa aming mahigit dalawampung magkakaklase ay siyam lang kaming nakapagtapos, habang apat naman ang agad na naging kasapi ng LIRA. Hindi ako kasama sa mga naging kasapi bagamat nakapagtapos. Gayunpaman, dinadaluhan ko ang iba't ibang aktibidad ng LIRA basta lamang nagkapanahon.

Itinuturing ko nang bahagi ng aking buhay ang LIRA, dahil napaunlad nito ang aking kakayahan sa pagtula, at lumawak ang aking pananaw sa buhay. Dito'y nadiskubre ko na mas nais kong tumula ng may tugma at sukat, bagamat may ilan din akong mga tulang nasa malayang taludturan.

Sabado, Disyembre 11, 2010

Pambungad sa aklat na "LANGIB AT BALANTUKAN"

Pambungad

NAGHILOM MAN ANG SUGAT, KAYSAKIT PA RIN PAGKAT BALANTUKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagnanaknak pa ang sugat ng ating bayan. Ngunit takpan man ng langib ang sugat at tuluyan itong maghilom, ramdam pa rin ng maysugat ang sakit pagkat balantukan, sarado na ang labas ngunit may sugat pa rin sa loob na hindi pa naghihilom. Pagtitiisan na lang ba ito ng maysugat? Kailangan nitong gumaling upang hindi na maramdaman pa ang sakit. Ngunit anong dapat gawin?

Kitang-kita ang pagnanaknak na ito sa buhay ng mga dukha, lalo na ang mga nakatira sa mismong lungsod. May nakatira pa rin sa mga barungbarong, mga tagpi-tagping dingding na tinabingan lang ng mga lumang tela, pira-pirasong tabla o kaya'y lumang tarpolin. At ang matindi, may nakatira sa kariton dahil walang sariling tahanan. 

Maraming walang sariling tahanan sa lungsod. Nakatira lang sa tabi ng riles ng tren, sa ilalim ng tulay, sa gilid ng ilog, sa malapit sa kanal, sa mga mapapanganib na lugar. Ginawan daw sila ng paraan ng pamahalaan, sa pamamagitan ng National Housing Authority (NHA) o ng iba pang ahensya ng gobyerno, sa pamamagitan ng pagdadala sa mga dukha sa mga lunan-relokasyon na malalayo sa kanilang pinagkukunan ng ikinabubuhay. 

Maganda para sa mata ng pamahalaan dahil inilayo na nila sa lungsod ang mga iskwater na masakit sa kanilang mga mata. Ngunit para sa mga maralitang itinapon na lang sa kung saan, ang pinagdalhan sa kanila'y lugar ng libingan. Kumbaga, mula sa danger zone patungong death zone. Walang kuryente, walang tubig, malayo sa palengke't ospital. Malayo sa pinagkukunan nila ng ikabubuhay. Kaya ang nangyayari'y nagbabalikan sa dating pinagmulan ang mga dukha para lang matiyak na malalamnan ang kanilang sikmura dahil naroon sa pinanggalingan ang kanilang trabaho. Di bale nang sumiksik muli saanmang sulok ng lungsod basta't matiyak nilang malalamnan ang kanilang sikmura't mapapatahan sa kaiiyak ang kanilang nagugutom na anak.

Ano ang problema? Hindi ba't sabi ng pamahalaan ay naresolba na ang kanilang problema? Ngunit ang sinasabi lang palang problema ng pamahalaan ay ang kawalan nila ng tirahan, at hindi ang problema ng dukha sa kahirapan. Kaya ang solusyon lagi ng pamahalaan ay bahay. Pag nakakita ng maralitang nakatira sa barungbarong o kariton, ang problema agad ng mga ito'y bahay, kaya ang solusyon ay bahay. Hindi nagsusuri sa kongkretong kalagayan na kaya dukha ang dukha ay dahil sa kahirapan, at hindi pa dahil sa kawalan ng sariling tahanan. Dapat ang solusyon ng pamahalaan ay magkakaugnay ang tatlong salik - ang pabahay, hanapbuhay, at serbisyong panlipunan. Isa man sa mga ito ang mawala ay tiyak na problema muli sa maralita. Kung may maayos na hanapbuhay ang maralita sa lunan-relokasyon, babalik pa ba sila sa dati nilang pinanggalingan upang mapakain lamang ang kanilang mga anak?

Ang mga manggagawa'y tinatamaan ng salot na kontraktwalisasyon. Ito ang naimbentong iskema ng mga kapitalista't pamahalaan upang hindi makaanim na buwan sa trabaho o kumpanya ang manggagawa, dahil dapat na silang ituring na regular paglampas ng anim na buwan. At pag regular na sila, dapat nang kilalanin at ibigay ang mga benepisyong nararapat para sa mga regular na manggagawa. Isa pa ay ang karapatan ng regular na manggagawa na magtatag o kaya'y sumapi sa unyon. Ito ang ayaw ng mga may-ari ng kumpanya, ang magkaroon ng unyon, dahil para sa kanila'y walang karapatan ang mga manggagawa sa loob ng pabrika kundi magtrabaho lang ng magtrabaho, tulad ng kalabaw na walang angal kahit nilalatigo. Kaya ang ginawa ng kapitalista, kasama na ang pamahalaan, ay pinauso ang iskemang limang buwan lang na pagtatrabaho, meron pang isang buwan na trabaho na lang, pang hindi maehersisyo ng manggagawa ang kanilang karapatan, upang hindi sila magtamasa ng benepisyo, tulad ng SSS, PhilHealth, 13th month bonus, at iba pa, na para sa mga may-ari ng kumpanya ay malaking kabawasan sa tubo.

Marami pang sakit ang bayan. Kahit patuloy pa ring nangangako kada kampanyahan ang maraming pulitiko, hindi pa rin nagagamot ang sakit ng katiwalian, pangungurakot, pagwawalang bahala sa kapakanan ng masa, lalo na ng mga dukha. May bayad pa rin ang pagpapaospital, kahit na ang dukhang walang pera'y hihingan muna ng pang-down payment gayong walang-wala na nga. Negosyo ang pagpapaospital imbes na ito'y serbisyo. Napakamahal din ng presyo ng edukasyon gayong ito'y dapat karapatan ng lahat, at hindi pribilehiyo lang ng may salapi.

Ang mga nakaupong trapo (tradisyunal na pulitiko), mga nahalal sa Kongreso't Senado, ay hindi makitaan ng paggawa ng batas pabor sa mga dukha't manggagawa, kundi pawang pabor sa interes ng naghaharing uri, sa interes ng kapitalista, sa interes ng negosyo. Ang ginagawa nilang batas ay yaong nakabubuti sa kanilang interes, sa negosyo't pagpapanatili sa kanilang poder ng kapangyarihan, at panunupil sa karapatan ng maliliit. Sa ating Konstitusyon ng 1987, bawal ang dinastiyang pulitikal, ngunit ang paggawa ng batas upang ipatupad ito'y hindi maipasa-pasa sa Kongreso't Senado dahil pawang mga dinastiyang pulitikal ang mga nakaupo roon. Ang nakasaad sa Konstitusyon ng 1987 na dapat magtamasa ng living wage ang mga manggagawa ay hindi pa rin nagagawan ng batas, at nananatili pa rin ang batas na minimum wage na halos wala pa sa kalahati ng living wage na dapat matanggap ng manggagawa.

Kailangan ng rebolusyon. Kailangan ng tunay na pagbabago. Hindi natin maaasahan ang pagbabago mula sa itaas, mula sa pamahalaan, mula sa elitista, mula sa naghaharing uri, dahil nais nila itong mapanatili. Kailangan natin ng totoong pagbabago mula sa ibaba, mula sa pagkakaisa ng mga dukha, mula sa pagkakaisa ng mga manggagawa, mula sa pagkakaisa ng lahat ng inaaping sektor ng ating lipunan.

Patuloy nating suriin at pag-aralan ang lipunan. Bakit may laksa-laksang naghihirap at may kakarampot na nagpapasasa sa yaman ng lipunan? Bakit ang mga karapatan natin, imbes na tamasahin, ay nagiging negosyo, imbes na serbisyo sa tao? Panahon na para palitan ang sistemang bulok ng isang sistemang tunay na magtatamasa ang buong bayan ng positibong pagbabago. Kung ramdam ng buong katawan natin ang sakit ng kalingkingan, mas ramdam natin ang sakit ng balantukan kahit naghilom pa ang sugat. Ang mga sugat na ito ng ating bayan ay dapat tuluyang gumaling, at gagaling lang ito kung ang mismong aping sambayanan ay kikilos at magkakaisa sa iisang adhikain, magaganap din ang tunay na pagbabagong gagalang sa ating karapatan, pagbabagong magbabahagi ng pantay na yaman ng lipunan sa lahat, pagbabagong magtatamasa ang lahat ng pantay na kalagayan sa lipunan. Marami pang dapat gawin. Kaya kailangan nating kumilos at magkaisa tungo sa ating inaasam na pagbabago.

Sampaloc, Maynila
10 Disyembre 2010

Linggo, Oktubre 3, 2010

Sa Alatiit ng Tugma at Sukat

SA ALATIIT NG TUGMA AT SUKAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May pumuna sa akin minsan kung hindi ba ako gumagawa ng mga malayang taludturan (verso libre sa Kastila, free verse sa Ingles). Sabi ko naman, gumagawa rin ako ng malayang taludturan. Iyon nga lang, madalang. Dahil mas nais kong likhain ang mga tulang may tugma at sukat.

Mas ang mga tulang may tugma at sukat ang nais kong gawin. Pakiramdam ko'y bihira na kasi ang gumagawa nito sa kasalukuyan, at karamihan ay malayang taludturan na. Pero hindi dahil malayang taludturan na ang uso ngayon o mas nililikha ng mga henerasyon ngayon ay iyon na rin ang aking gagawin. Mas nais ko pa rin talaga ng may tugma at sukat. Marahil dahil nais kong ipagpatuloy ang nakagisnan kong paraan ng pagtula nina Francisco Balagtas at Huseng Batute.

Napakahalaga na malaman ng sinumang nagnanais tumula kung ano ang tugma at sukat, talinghaga at alindog ng tula, lalo na ang kasaysayan ng pagtula ng ating mga ninuno. Ayon nga sa isa kong guro sa pagtula, dapat muna nating matuto sa kasaysayan, mapag-aralan at makagawa tayo ng tula mula sa tradisyon ng panulaang katutubo. Kaya bagamat nais ko ring magmalayang taludturan, mas kumonsentra ako sa pagkatha ng mga tulang may tugma at sukat. Ngunit dapat nating alamin ano nga ba ang mga anyong ito. Nariyan ang katutubong tanaga, na tulang may isahan o magkasalitang tugma at pitong pantig bawat taludtod ang sukat. Ang dalit naman ay waluhan ang pantig bawat taludtod. Lalabindalawahing pantig naman ang Florante at Laura ni Balagtas.

May tugmaan sa patinig at katinig. Sa patinig, hindi magkatugma kung magkaiba ng tunog kahit na pareho ng titik sa dulo. Halimbawa, nagtatapos sa patinig na o ang dugo at berdugo, ngunit hindi sila magkatugma dahil ang dugo ay may impit at walang impit ang berdugo. Magkatugma ang bugso at dugo, at magkatugma naman ang berdugo at sakripisyo.

Ang akda at abakada ay hindi magkatugma dahil ang akda ay may impit at ang abakada ay wala. Magkatugma ang akda at katha, at magkatugma naman ang abakada at asawa.

Ang bili at mithi ay hindi magkatugma dahil ang bili ay walang impit at ang mithi ay mayroon. Magkatugma ang mithi at bali, habang magkatugma naman ang bili at guniguni.

Sa katinig naman ay may tugmaang malakas at mahina. Ang mga katinig na malakas ay yaong nagtatapos sa mga titik na B, K, D, G, P, S, at T habang ang mga katinig na mahina naman ay nagtatapos sa L, M, N, NG, R, W, at Y.

Maganda ring limiin sa mga ganitong tula ang sukat. May tinatawag na sesura o hati sa gitna, upang sa pagbabasa o pagsasalita ng makata ay may luwag sa kanyang paghinga. Maganda kung bibigkasin ang tula na animo'y umaawit upang hindi mabagot ang tagapakinig. Sa paggamit ng sesura, karaniwang ang labindalawang pantig bawat taludtod ay ginagawang anim-anim, at hindi hinahati ang isang salita, tulad ng dalawang tula sa itaas.

Pansinin ang tugmaan na Saknong 80 ng Florante at Laura ni Balagtas, pati na ang sesura o hati sa ikaanim:

"O pagsintang labis / ang kapangyarihan
Sampung mag-aama'y / iyong nasasaklaw
Pag ikaw ang nasok / sa puso ninuman
Hahamakin lahat / masunog ka lamang."


Pansinin naman ang tugmaan sa ikaanim na saknong ng tulang Pag-ibig ni Jose Corazon de Jesus, pati na ang sesura sa ikawalo:

Kapag ikaw'y umuurong / sa sakuna't sa panganib
Ay talagang maliwanag / at buo ang iyong isip:
Takot pa ang pag-ibig mo, /hindi ka pa umiibig:
Pag umibig, pati hukay / aariin mong langit!


Sa pagdaan ng panahon, naisipan kong magkaroon ng eksperimentasyon sa pagtula. Sa loob ng dalawang buwan ay kumatha ako ng 150 tulang siyampituhan. Ang siyampituhan ang isa sa mga inobasyon ko sa pagtula, mahaba sa tanaga at haiku at kalahati ng soneto. Ito'y may siyam na pantig bawat taludtod sa buong tulang pito ang taludtod (siyam-pito) na hinati sa dalawang bahagi. Ang unang apat na taludtod ang problema o tesis at ang huling tatlong taludtod ang solusyon o kongklusyon. May pag-uulit ng salita, bagamat nag-iiba ng gamit, sa una't huling taludtod. At noong Nobyembre 2008 ay inilathala ko ang librong pinamagatang "Mga Sugat sa Kalamnan: Katipunan ng 150 Tulang Siyampituhan." Ang aklat ay may sukat ng sangkapat ng isang bond paper, at mabibili sa halagang P50 lamang.

Naito ang halimbawa:

AKING LUNGGATI
May bahid ng diwa ng uri
Ang inihahasik na binhi
Sa tumanang linang ng lahi
Laban sa diwang naghahari.
Payak lang ang aking lunggati
Ang iparamdam itong hapdi
Sa diwa nitong naghahari.


May ginawa rin akong onsehan, na labing-isang pantig bawat taludtod at labing-isang taludtod na tula. Narito ang halimbawa:

MASAMA ANG LABIS
may kasabihang "labis ay masama"
kunin lang kung anong sapat at tama
    huwag tularan ang trapong gahaman
    na ninong ng mga katiwalian
sa gobyerno'y kayraming kuhila
sa dugo ng madla'y nagpapasasa
    mga trapo'y di man lang mahirinan
    sagpang ng sagpang, walang kabusugan

ang lalamunang puno'y nakapinid
masibang halos maputol ang litid
nakahihinga pa ba silang manhid


Mas maiging kumuha ng pag-aaral sa mga palihan sa pagtula ang mga nagnanais matuto, tulad ng ibinibigay ng grupong LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo), upang mas mapalalim pa ang pag-aaral hinggil sa tugma at sukat, at sa katutubong pagtula.

Masarap magbasa ng mga tulang may tugma't sukat, kung paanong nalalasahan ko rin naman ang tamis at pait sa mga malayang taludturan. Bagamat nakabartolina sa tugma at sukat ang karamihan ng aking mga tula, malaya naman at hindi nakapiit ang diwang malalasahan ng mambabasa sa pagbabasa ng akda.

Mas ninais ko pa ang alatiit o lagitik ng tugma at sukat, dahil kaysarap damhin at pakinggan ang indayog na tulad ng kalikasan o kalabit ng tipa ng gitara. Parang naririyan lamang sa tabi ang mga kuliglig sa kanayunan kahit nasa pusod ka ng kalunsuran. Kaysa bangin ng malayang taludturang kung hindi ko iingatan ay baka mahulog akong tuluyan at mabalian ng buto't tadyang. Kailangan ang ingat upang ang tula ay hindi magmistulang isang mahabang pangungusap na pinagtilad-tilad lamang.