PAMBUNGAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Gabi ng Mayo 5, 2018, sa ancestral house ng aking asawang si Liberty, sa Barlig, Mountain Province, ay hinalungkat ko ang mga isyu ng Philippines Free Press mula 1966 hanggang 1969 na tinipon ng kanyang namayapang ama. Nilitratuhan ko rito ang mga poetry o tulang nalathala. Bukod sa mga tula ni Cirilo H. Bautista, ilan pa sa aking natagpuan ay ang labingtatlong tula sa Ingles ng makatang Eman Lacaba. Marahil ay mas marami pa siyang nalathalang tula sa Philippines Free Press, subalit ang labingtatlong tulang narito lang ang aking natagpuan.
Tinipon ko sa libretong ito ang mga nasaliksik kong mga tula niya. Sinasabi kong nasaliksik at hindi sinaliksik dahil hindi sinasadya ang pagkakatuklas ko sa kanyang mga tula. Kumbaga natuwa lang akong makita ang kanyang mga tula at nilitratuhan ko upang balang araw ay ibahagi sa iba. Noon ay nakakita na ako ng libro niya ng mga tula - ang Salvaged Poems, ngunit hindi ko iyon nabili noon dahil hindi sapat ang pera ko upang isama iyon sa aking munting aklatan.
Hanggang sa kalaunan ay naisipan kong isalin ang kanyang mga tula sa Ingles tungo sa wikang Filipino upang mas manamnam o malasahan pa natin ang timyas ng kanyang pananaludtod. Kaya pinagsikapan kong unawain at isalin ang sa palagay ko’y wastong salin ng kanyang mga tula, bagamat may mga nakaharap na suliranin. Halimbawa, paano ba isasalin ang salitang “plane” kung hindi naman tumutukoy sa eroplano (airplane) o wala sa loob ng tula ang eroplano? Kung isasalin ko naman ng “patag” ang “plane”, ano ang kaibahan nito sa “plain”? Kaya dapat maingat ang pagsasalin, kahit hindi naman talaga word-by-word ang salin kundi ano ang pagkaunawa sa isinalin. Maraming salamat sa tulong ng Webster’s Dictionary at sa English-Tagalog Dictionary ni James English.
Tiyaga-tiyaga lang hanggang maisalin ko ito. Nagsulat na rin ako ng pagkakahawig ng pagkakapaslang kina Che Guevara at Eman Lacaba.
Nagsaliksik na rin ako ng kanyang talambuhay upang isama sa aklat na ito. Maraming salamat sa Bantayog ng mga Bayani at nakapag-selfie rin ako sa kanyang pangalang nakaukit sa Bantayog, at inilagay ko ang kuhang litrato sa likurang pabalat (back cover) ng libretong ito.
Ang mga ito’y malayang salin, batay sa pagkaunawa ko, at hindi dahil bawat salita ay eksaktong isinalin. Kaya nakasulat sa pabalat: “Nasaliksik at malayang isinalin…”
Narito ang talaan ng mga tula ni Eman Lacaba at petsang nalathala sa Philippines Free Press:
Birthday - November 5, 1966, p. 35
The Blue Boy - January 14, 1967, p.33
The Voices Of Women - September 16, 1967, p. 31
Night Drive - December 2, 1967, p. 31
5 poems - December 9, 1967, p. 181
- The Foreigners
- Bar Misvah
- Parable
- Portrait Of The Artist As Filipino And A Young Man
- Priapus In His Office Recalls The Pateros Fiesta
Last Poem - October 19, 1968, p. 35
Autobiography - January 11, 1969, p. 13
Terza Rima For A Sculptress - January 11, 1969, p. 13
Watawat Ng Lahi Poems Written In Spanish Forms Used By Rizal - March 8, 1969, p. 27
Isinama ko na rin dito ang mga kinunan kong litrato ng kanyang mga tula sa Philippines Free Press bilang ebidensya at upang makita na rin ninyo kung paano ito naka-layout sa nasabing babasahin. Idinagdag ko na rin ang iba pa niyang tula sa Ingles na wala sa aking nasaliksik at isinalin na rin iyon para sa mga mambabasa.
Nawa'y makatulong ang mga natipong tulang naririto ni Eman Lacaba sa mga pananaliksik. Si Eman Lacaba ay nakilala ko sa aking mga nababasa bilang napakahusay na makata at rebolusyonaryo sa mapagpalayang kilusan, hanggang sa siya'y humawak ng armas bilang kawal ng sambayanan at napatay sa isang engkwentro noong 1976.
Maraming salamat.
* Sinulat sa Cubao, Lungsod Quezon, Disyembre 17, 2018

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento