GAWING PISTA OPISYAL ANG ARAW NG PAGPAPATALSIK SA MGA BASE MILITAR
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
“Dapat lang gawing pista opisyal sa ating bansa ang pagpapatalsik sa mga base militar,” ani Mulong. “Alam naman nating simbolo ng pananakop ng mga Kano iyang base militar, kaya nang bumoto ang Senado ng Pilipinas ng 12-11 upang tanggihan ang iminungkahing Treaty of Friendship, Cooperation, and Peace noong Setyembre 16, 1991, aba’y bumoto na sila ng paglaya natin sa kuko ng agila. Sana’y ginawang pista opisyal ang Setyembre 16 kada taon bilang sagisag ng ating paglaya.”
“Tama ka naman sa sinasabi mo, Mulong, sang-ayon ako,” sabi ni Inggo, “Subalit ang mga nakaupo sa gobyerno ang hindi sang-ayon. Alam nating kahit si Pangulong Cory ay nakiisa sa rali kahit na umuulan noon basta mapagtibay lang muli ang pagpapaalipin natin sa Amerika. Dapat nga kasuhan siya ng pagkakanulo sa kalayaan ng bayan.”
“Teka muna,” sabat ni Ingrid, “Aalis naman talaga ang mga Kano kahit walang botohan sa Senado dahil kasasabog pa lang ng Pinatubo noong Hunyo 15, 1991 na lubhang nakapinsala sa Subic Naval Base at Clark Air Base na natabunan ng makakapal na abo.”
“Dagdag pa,” ani Inggo, “Sarado na ang mga base, pinanatili naman ng U.S. at Pilipinas ang isang alyansa sa seguridad sa pamamagitan ng Mutual Defense Treaty. May Mutual Logistics Support Agreement o MLSA pa nga, na ang kahulugan yata’y Muling Luluhod Sa Amerika. Sa kasalukuyan, may Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) kaya nakakapagkampo ang mga Kano sa mga kampo militar ng bansa.”
“Baka nga may mga nuclear missiles na riyan. Kaya nga tila pilit kinakalimutan sa kasaysayan ang Setyembre 16, 1991,” ani Mulong. “Kaya marahil hindi agad ginawang pista opisyal ang nasabing petsa dahil maka-Amerikano ang pamahalaan nating palaasa sa mga Kano.”
“Kung ganyang maka-Amerikano ang ating mga namumuno, aba’y anong maganda nating gawin upang maisabatas ang mungkahi mong gawing pista opisyal ang Setyembre 16?” Agad tanong ni Ingrid.
Napaisip si Mulong, sabay sabing “Dapat magpaikot tayo ng isang petisyong may lagda ng nakararaming mamamayang Pilipino na nakasaad ang kahilingan nating gawing pista opisyal ang Setyembre 16. Bahagi na rin ito ng pagmumulat sa sambayanan ng kahalagahan ng araw ng pagpapatalsik sa mga base militar bilang araw din ng paglaya.”
“Mungkahi ko’y sulatin mo na ang petisyon, at magpatawag ka na muna ng pulong sa ating kapitbahayan upang mapag-usapan iyan. At pag nagkaisa na tayo ay papirmahan na agad natin sa ating mga kasapi. Sunod ay kausapin na natin si Kapitan, at si Kongresman upang gumawa ng panukalang batas para riyan.” Sabi naman ni Ingrid.
“SIge, susulatin ko na ang petisyon. At magpulong na agad tayo sa Sabado, alauna ng hapon. Ayos ba sa inyo?” Tanong ni Mulong.
“Okay iyan, magpatawag na tayo ng pulong sa kasapian.” Ani Inggo.
Kinasabaduhan, maraming kasapi ang naroon na sa tapat ng bahay ni Mulong, at may mga dala nang upuan, at nagpaskil na rin ng manila paper na susulatan nila bilang pisara.
“Magandang hapon, mga kasama,” ani Mulong, “bilang pangulo ng ating samahang magkakapitbahay, ako’y may mungkahi. Sa pag-aaral ng ating kasaysayan, parang kinakalimutan ng pamahalaan ang halaga ng pagpapatalsik sa mga base militar na minsan na nating nilabanan noong kabataan pa ng marami sa ating narito. Kaya ang petisyong nasa kamay ninyo ay panawagang gawing pista opisyal ang Setyembre 16 kada taon bilang pag-alala at pagpapahalaga sa pagpapatalsik ng mga base militar na simbolo ng pagsakop ng mga Kano sa ating bansa at pagkaalipin ng ating bayan sa kanila.”
Nagtaas ng kamay si Aling Ines, “Lumagda na ako sa petisyon at sana’y lumagda na rin ang iba pa. Hindi lang dito sa ating lugar kundi sa buong bansa. Maganda ang mungkahing ito at sadyang napapanahon na upang kilalanin ng ating bansa ang paglaya natin mula sa pananakop.”
“Dagdag pa,” ani Mang Nestor, “nang lumaya kuno tayo noong 1946 ay sakop pa rin tayo ng Kano dahil sa mga base militar, at ngayon, kahit napatalsik na ang mga base, may EDSA naman, kaya patuloy pa rin tayong binobola at sinasakop ng mga Kano para sa kanilang posisyong militar dito sa Timog-Silangang Asya. Sana lang ay mapaabot natin sa Kongreso, Senado hanggang sa Pangulo ang petisyong ito.”
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Setyembre 1-15, 2019 pahina 18-19.


Walang komento:
Mag-post ng isang Komento