Miyerkules, Pebrero 8, 2012

Minutero 2011

MINUTERO 2011
ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Salamat naman at natapos mo na yung minutes. Ang tagal na niyan, ah." Ganito ang sabi ng isang kasama matapos kong matapos ang pagtipa sa kompyuter ng katitikan ng ikaanim na kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na naganap noong Nobyembre 26-27, 2011. Nitong Enero 23, 2012 ko lang natapos ang pagtipa sa kompyuter ng katitikang ito.

Ang sabi ko nga sa isang kasama, sa anim na kongreso ng iba't ibang magkakapatid na organisasyon nitong taong 2011, apat doon ay naging minutero ako. Kumbaga, yung official minutes of the congress ay ako ang gumawa. Naroon din ako sa dalawa pang kongreso at tumulong sa mga gawain nito sa aktwal bagamat hindi sa pagmiminuto. Ngunit sa apat na kongresong ako ang opisyal na minutero ng buong katitikan ng kongreso, sa tatlo lamang ako nakagamit ng laptop, ngunit sa ikaapat, talagang balik ako sa primitibo, sa pamamagitan ng sulat-kamay. Hindi ko ito napaghandaan, ngunit talagang tiniis ko ang pagkainis dahil hindi tumupad sa usapan ang nagsabing may laptop akong magagamit dahil ako ang opisyal na minutero.

Sa mga kongresong ito, apat ang pambansang kongreso, isa ang pang-Luzon, at isa ang pang-NCRR-wide (National Capital Region at lalawigan ng Rizal). Ngayon lang nangyari na sa loob ng iisang taon ay naganap ang napakaraming kongreso ng iba't ibang organisasyon.

Ang anim na kongreso ay ang mga sumusunod: (1) Ikalawang Pambansang Kongreso ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT) noong Enero 2011 sa Teachers Camp sa Lungsod ng Baguio; (2) Ikaanim na Kongreso ng KPML-NCRR (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal) noong Abril 30, 2011 sa basketball court ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation, Inc. (KKFI) sa P. Paredes St., sa Sampaloc, Maynila; (3) Ikaapat na Pambansang Kongreso ng KPML-nasyunal noong Hulyo 16, 2011 na naganap din sa KKFI; (4) ika-17 Pangrehiyong Kongreso ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) na naganap noong Oktubre 20, 2011 sa Hito Covered Court sa Longos, Malabon; (5) Ikaanim na Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) noong Nobyembre 26-27, 2011 sa Luisa Ridge, Hot Spring Resort and Spa, Brgy. Bukal, Lungsod ng Calamba sa Lalawigan ng Laguna; at (6) Ikalawang Pambansang Kongreso ng Partido Lakas ng Masa (PLM) noong Nobyembre 29, 2011 sa Unibersidad ng Pilipinas.

Ako ang opisyal na minutero sa Kongreso ng PMT, KPML-nasyunal, ZOTO, at BMP. Sa kongreso ng KPML-NCRR naman ay tatlo kaming nakatalaga sa gawaing pagmiminuto, ngunit tanghali na akong dumating doon dahil may iba pa sa aking pinagawa ng araw na iyon na walang kaugnayan sa kongreso, at dahil dalawa naman ang nagmiminuto ng katitikan ng pulong doon nang dumating ako, hindi na ako kumuha ng katitikan ng pulong, at tumulong na lang sa ibang gawain doon tulad ng pagtitiyak ng seguridad sa buong kongreso, at pagliligpit ng mga kagamitan matapos ang kongreso. Sa kongreso naman ng PLM, umaga pa lang ay nandoon na ako ngunit sadyang hindi ako nakatalaga para magminuto, kaya tumulong na lang ako sa ibang gawain doon, tulad ng pagbubuhat ng kahon-kahong mga gamit sa kongreso at mga librong ibebenta mula sa unang palapag hanggang sa ikatlong palapag nang walang elevator, sa hagdanan lang, paglalagay sa brown envelop ng mga dokumento ng kongreso, at pamamahagi nito sa mga delagado.

Nagpapasalamat ako sa mga kasama sa pagtitiwala nila sa akin bilang kanilang minutero. Ibig sabihin, di lang sa simpleng pulong ako naging minutero kundi sa apat na mahahalagang Kongresong naganap nitong 2011. Ngayon lang nangyaring ang anim na kongreso ay sabay-sabay sa isang taon at mapalad akong nasaksihan ko ang anim na iyon at minutero pa ako sa apat. Gayunman, hindi ko naman hiniling ang mga iyon, kundi inatas lang sa akin, tulad sa KPML-nasyunal at ZOTO, habang pinakisuyo lang sa akin ang pagmiminuto sa PMT at BMP. Sa muli, nagpapasalamat ako sa mga kasama sa kanilang pagtitiwala.

Sa apat na kongresong iyon, sa unang tatlo ay nakagamit ako ng laptop, ngunit nagkaproblema sa kongreso ng BMP. Sa aktwal ko na nalaman na wala pala akong magagamit na laptop, dahil di pumayag ang kinausap ng isang kasama na gagamitin ko ang laptop nito sa aktwal na kongreso. Kaya ang ginawa ko, lumabas pa ako sa venue, papuntang highway, sa gitna ng kainitan ng araw, at naghanap ng notebook at ballpen sa mga nakahilerang kainan at tindahan doon. Sa malayo pa ako nakabili ng notebook at ballpen. Buti na lang, may dala akong pera, at napagkasya ko ang pera sa isang maliit na notebook at ballpen.

Nairaos ko naman ang pagmiminuto sa nasabing kongreso, ngunit halos dalawang buwan pa bago ko tuluyang natapos at naipasa sa mga bagong halal ang dokumento, dahil matagal ko rin itong pinagtitipa sa kompyuter. Dahil hindi na kongreso, kaya ang utak ko ay wala na sa pagmiminuto kundi nasa ibang gawain na kaya ang pagtitipa noon sa kompyuter ay nakakatamad. Sadyang nakakatamad at nakakaasiwa dahil dapat ibang makabuluhang gawain na ang aking ginagawa at pinag-uukulan ng panahon, ngunit eto’t nagdoble pa ng trabaho. Trinabaho mo na nuong una, babalikan mo uli sa ikalawa para lang itipa sa kompyuter gayong pwede namang isang gawain na lang iyon kung may laptop. Diretso na agad sa laptop ang pagmiminuto. Isang gawaing ayaw ko nang gawin dahil napagdaanan ko na at ayaw ko nang balikan. Nakakasawa kaagad ang pagtitipa ng nasabing dokumento. Buti sana kung ang mga iyon ay maikling kwento, sanaysay o tula, mas interesado pa akong tipain sa kompyuter. At hindi ako magsasawa.

Tulad ng paglalaro ng chess, mahalaga sa bawat minutero ang preparasyon, lalo na sa aktwal na kongreso o aktwal na pulong. Kailangang mas maaga pa siya sa mga delegado o sa mga magpupulong. Preparasyon ng isipan, konsentrasyon sa gawain, at higit sa lahat, yaong kanyang mga gagamitin. Nakaayos na ang kanyang mga dapat gamitin tulad ng laptop, o notebook at ballpen. Kaya nga sinasabi kaagad sa kanya ng maaga ang kanyang gawain bago pa ang takdang araw, para nakapaghanda siya bago ang aktwal na pagmiminuto, dahil hindi pwede ang bara-bara-bay sa ganitong mga gawain. Tulad ng bilyar, kailangan ng preparasyon at konsentrasyon para matumbok mo ang dapat matumbok.

Kung may laptop lamang, pagkatapos na pagkatapos ng kongreso ay ibibigay ko na kaagad sa mga kinauukulan ang nasabing minuto o opisyal na katitikan ng kongreso, sa mismong araw na iyon, o kinabukasan. Maaaring sa pamamagitan ng email o bilang isang printed material. Tulad ng mga ginawa ko sa mga naunang kongreso. 

Ngunit sa susunod, ayoko nang mangyari na walang laptop sa pagmiminuto ng katitikan ng pulong, Babalikan mo ang tapos mo nang gawin, imbes na diretso sa kompyuter ay isusulat muna sa papel bago itipa sa kompyuter. Dobleng trabaho, dobleng pagod. Nakakaburyong dahil imbes na isahang trabaho na lang at tapos na ay kailangan pa muling ulitin sa ibang paraan ang pagmiminutong tapos mo nang gawin.

Para hindi na magkaproblema sa susunod, marahil, may isang dapat mangyari, magkaroon na ako ng sariling laptop na magagamit.

Biyernes, Enero 27, 2012

Ang tulang "Annabel Lee" ni Edgar Allan Poe at ang tula kong "Judy Ann Chan"

ANG TULANG "ANNABEL LEE" NI EDGAR ALLAN POE AT ANG TULA KONG "JUDY ANN CHAN"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa bang kathang isip lamang ng makatang Edgar Allan Poe si Annabel Lee? O ito'y batay sa tunay na buhay? Saan niya nakuha ang pangalang iyon kung kathang isip lamang? At saan nga ba ang "kingdom by the sea" o kahariang nasa dagat, o marahil ay dalampasigan, na binabanggit ni Poe?

Nang mabasa ko ang tulang iyon ni Poe, naikumpara ko ito sa isa ko ring tula na pinamagatan kong "Judy Ann Chan". Pareho kasing Asyano ang mga apelyidong iyon, Lee at Chan, na mas ginagamit sa bansang Tsina. May dalawa pang artistang Tsino ang may apelyidong Lee at Chan. Sila ang hinahangaan kong sina Bruce Lee at Jackie Chan na pawang magagaling na aktor sa mga pelikulang kung fu. Bukod pa roon ay parehong may Ann sa pangalan ng dalawang dilag.

Ang mga tulang iyon ay pawang tula hinggil sa magandang dilag, at ang pagsuyo at paghanga sa babaeng siyang naging pamagat ng bawat tula. Hinggil sa pagkawala ng dilag ang Annabel Lee habang hinggil naman sa paghanga sa dalaga ang Judy Ann Chan. Sa tulang Annabel Lee, bata pa lang si Poe at si Lee noon, habang sa aking tula, ako at si Chan ay nasa kolehiyo na noon.

Ang tulang "Annabel Lee" ay nalathala umano noong Oktubre 9, 1849 - dalawang araw pagkamatay ng makata. May ilang nagsasabing ang Annabel Lee ay kinatha bilang alaala sa bata pa niyang asawang si Virginia Clemm na maagang namatay.

Ang tulang "Judy Ann Chan" ay naisulat bandang 1995 sa tanggapan ng aming publikasyong pangkampus, ngunit ito'y itinago ko lamang at hindi inilathala. Nakita ko muli ang tulang ito mula sa mga naipong tambak na papeles, at inilathala sa aking blog noong Disyembre 2, 2008. Alay ko iyon sa isang tunay na taong may dugo't laman at hindi kathang-isip.

Ang tanging nalathala sa publikasyong iyon hinggil sa kanya ay ang isa ko pang tula na pinamagatang "Ilalaban kita ng patayan" na ang ginamit kong lagda ay Judreg na kumbinasyon ng aming mga pangalan. Nalathala muli ang tulang iyon noong Oktubre 2006 sa aklat kong "Fire in the Pen" na koleksyon ng mga akda kong nalathala sa aming publikasyon, maliban sa mga balita. May isa pa akong tula na pinamagatan ko namang "Oda sa Dalawang Juday" na hinggil naman sa artistang si Judy Ann Santos at sa dilag na si Judy Ann Chan, na nalathala naman sa aking blog noong Oktubre 18, 2009. Ganito nga yata ang paghanga ko sa dilag na iyon dahil di lang isa ang tula kong alay sa kanya.

Marahil ay kathang isip lamang si Annabel Lee at marahil ay totoong tao rin, tulad ng pagiging totoong tao ng tula kong Judy Ann Chan. Napakamatulain at matalinghaga ang tulang Annabel Lee habang payak naman ang tulang Judy Ann Chan. Payak dahil marahil di pa ako gaanong sanay sa pagtula noon, kaya di pa talaga matulain bagamat may tugma at sukat. Pinapangarap kong balang araw na kumatha pa ng isang tulang marahil ay gayon din ang pamagat na mas katatangian ng pagiging matulain, at di na para sa dilag na iyon kundi bilang isang obrang pampanitikan. At pag nakatha iyon ay bahala na ang mga susunod pang kritiko na pagkumparahin ang Annabel Lee at ang bagong bersyon ng Judy Ann Chan.

Si Poe ay kilala sa kanyang pagiging maestro ng mga kwentong katatakutan at misteryo, at makatang may ibang klase ng indayog, na nanunuot sa diwa't kalamnan. Ika nga ay makatindig-balahibo. Ang sa akin naman ay mga payak na kwento, sanaysay at tulang pawang mga danas at suri sa kalagayang panlipunan, mga kathang aktibista.

Kabataan ko pa noon nang makabili ako ng aklat na "Great Tales and Poems of Edgar Allan Poe" na koleksyon ng "21 short story masterpieces plus 34 narrative and lyric poems" at hinangaan ko si Poe noon, lalo na nang mabasa ko sa likod ng aklat ang ganitong nakasulat: "Edgar Allan Poe, the inventor of the modern detective story, a master of the tale of horror, a poet of haunting melody..." Binili ko ang aklat dahil sa mga salitang iyon, at pinagtiyagaan kong basahin ang kanyang mga akda.

Ang Annabel Lee ay binubuo ng anim na saknong, at may anim na taludtod sa una, ikalawa at ikaapat na saknong, pitong taludtod sa ikalimang saknong, at tigwawalong taludtod naman ang ikatlo at ikaanim na saknong, habang magkakaiba naman ang bilang ng pantig bawat taludtod. Ang Judy Ann Chan ay binubuo ng sampung saknong na bawat saknong ay tigdalawang taludtod, at bawat taludtod ay may tiglabindalawang pantig. Apatnapu't isang taludtod ang Annabel Lee habang dalawampung taludtod lamang ang Judy Ann Chan.

Narito ang tulang Annabel Lee ni Poe, kalakip ang pinagtiyagaan kong salin nito sa wikang Filipino:

ANNABEL LEE

ni Edgar Allan Poe
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

It was many and many a year ago,
   In a kingdom by the sea,
That a maiden there lived whom you may know
   By the name of Annabel Lee;
And this maiden she lived with no other thought
   Than to love and be loved by me.

Ilang taon na yaong lumipad
sa isang kaharian sa dagat
may dalaga roong nananahan
at Annabel Lee ang kanyang ngalan
dalagang wala nang iniisip
kundi ibigi't aking mahalin.

I was a child and she was a child,
   In this kingdom by the sea,
But we loved with a love that was more than love—
   I and my Annabel Lee—
With a love that the wingèd seraphs of Heaven
   Coveted her and me.

Musmos ako at musmos din siya
sa kahariang ito sa dagat
nag-ibigan kaming lalo't higit
ako at ang aking Annabel Lee
na may pagsintang alay sa amin
ng may pakpak na anghel sa langit.

And this was the reason that, long ago,
   In this kingdom by the sea,
A wind blew out of a cloud, chilling
   My beautiful Annabel Lee;
So that her highborn kinsmen came
   And bore her away from me,
To shut her up in a sepulchre
   In this kingdom by the sea.

At ito ang sanhi noon pa man
sa kahariang ito sa dagat
umihip ang hanging nagpaginaw
sa marilag kong si Annabel Lee
kaya mga kamag-anak niya'y
pilit nilayo siya sa akin
nang mapipi siya sa sepulkro
sa kahariang ito sa dagat.

The angels, not half so happy in Heaven,
   Went envying her and me—
Yes!—that was the reason (as all men know,
   In this kingdom by the sea)
That the wind came out of the cloud by night,
   Chilling and killing my Annabel Lee.

Anghel na di gaanong masaya
ay nainggit sa aming dalawa
Oo, iya'y sanhi (madla'y alam
sa kahariang ito sa dagat)
gabi, hangi'y umihip, guminaw
at pumaslang sa'king Annabel Lee

But our love it was stronger by far than the love
   Of those who were older than we—
   Of many far wiser than we—
And neither the angels in Heaven above
   Nor the demons down under the sea
Can ever dissever my soul from the soul
   Of the beautiful Annabel Lee;

Ngunit pagsinta'y kaytinding higit
ng pagsinta ng mga matanda
at mauutak kaysa sa amin
maging mga anghel sa itaas
at demonyo sa laot ng dagat
ay di mapaglayo ang kalulwa
ko't ng maganda kong Annabel Lee

For the moon never beams, without bringing me dreams
   Of the beautiful Annabel Lee;
And the stars never rise, but I feel the bright eyes
   Of the beautiful Annabel Lee;
And so, all the night-tide, I lie down by the side
   Of my darling—my darling—my life and my bride,
   In her sepulchre there by the sea—
   In her tomb by the side of the sea.

Buwang di nikat, nang di nangarap
ng pagkarilag kongAnnabel Lee
Tala'y di nikat, linaw ng mata'y
dama ko sa aking Annabel Lee
at sa dilim, humimlay sa tabi
ng aking sinta, asawa't buhay
sa kanyang sepulkro sa may dagat
sa kanyang puntod sa tabing-dagat

Narito naman ang tulang Judy Ann Chan na isinulat ko noong 1995 at itinuturing kong isang walang kamatayang obra bagamat payak, isang tulang hindi nailathala sa publikasyong pangkampus noon, kundi aking itinago, at muling natagpuan noong 2008.

JUDY ANN CHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

magandang tibak na aking hinangaan
ang aking kasamang ngala'y Judy Ann Chan

kay-aliwalas ng kanyang mga ngiti
tsinita, dalaga, malambing, maputi

handa kong ialay ang iwi kong buhay
masimsim lang yaong ganda niyang taglay

siya sa akin ay isang inspirasyon
upang magpatuloy na magrebolusyon

Judy Ann Chan, aking kapwa aktibista
para sa obrero, kami'y nakibaka

pinagsamahan ang grupong Kamalayan
opisyales kami nitong kabataan

siya ang sa mundo'y aking pinangarap
na makakasama sa ligaya't hirap

ngunit kung sakaling di kaming dalawa
ako'y di mapalad, sinwerte ang iba

siya'y iingatan, ang tangi kong hiling
siyang sa puso ko'y iningatang lihim

pagbati sa iyo, Judy Ann kong sinta
kahit sandali lang, nakasama kita

Hinggil naman sa dalawa pang tulang nabanggit na alay ko rin sa kanya, hindi ko na iyon inilathala rito at bahala na ang iba sa pagsasaliksik niyon.

Huwebes, Enero 19, 2012

Ang "Monologo ng Manggagawa" ni Roberto "Bobet" Mendoza

ANG "MONOLOGO NG MANGGAGAWA" NI ROBERTO "BOBET" MENDOZA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mapalad ako't nabili ko sa halagang P100 lamang ang aklat na "BANGON: Antolohiya ng mga Dulang Mapanghimagsik" na sale sa UP Press Bookstore noong Disyembre 14, 2007. Ang nasabing aklat ay binubuo ng 760-pahina, at may sukat na 7" ang lapad at 10" ang taas. Sa kapal na ito'y baka mahigit P500 ito sa iba pang bookstore. Buti na lamang at natsambahan kong nagbaratilyo ng libro ang UP Press Bookstore na nasa unang palapag ng Balay Kalinaw sa UP Diliman.

Klasik ang librong ito at collector's item na kung tutuusin, dahil ito'y katipunan ng mga dulang nilikha mismo ng mga manggagawa mula sa pabrika, mga dulang tinipon sa loob ng tatlong dekadang singkad, mula 1967 hanggang 1997. Inilathala ang aklat na ito ng Office of Research Coordination ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod ng Quezon noong 1998, kung saan ang mga patnugot ng aklat na ito'y sina Glecy C. Atienza, national artist for literature Bienvenido L. Lumbera, at Galileo S. Zafra. 

Nang makita ito ni Apo Chua, isang UP professor, awtor ng libro at tagapayo ng Teatro Pabrika, tinanong agad niya sa akin kung nabasa ko na sa librong ito ang tula ni Bobet Mendoza, na isang kasapi rin ng Teatro Pabrika. Ang sabi ko'y hindi pa, at itinuro niya sa akin ang "Monologo ng Manggagawa" sa mahabang dulang "Kuwatro Kantos", na mula pahina 559 hanggang 606. Sinabi niyang basahin ko raw ang tulang ito ni Bobet Mendoza at magugustuhan ko. Kung gayon, si Bobet Mendoza ang tinutukoy sa pambungad ng dulang "Kuwatro Kantos" kung saan nakasulat: "Ang mahabang "Monologo ng Manggagawa" sa dulo ng unang eksena ay nakabatay sa monologo na laging itinatanghal noon ng isang naunang miyembro ng Tanghalang Silangan." Matatagpuan ang nasabing tula sa pahina 575-579 ng nasabing aklat. Matagal ko na ring nakilala si Bobet Mendoza dahil isa siya sa mga mang-aawit at naggigitara para sa Teatro Pabrika, na siya ring grupong pangkultura ng sosyalistang organisasyon at pampulitikang sentro ng uring manggagawa, ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Gayunpaman, sa aklat ay walang eksaktong nakalagay kung sino ang tiyak na may-akda ng mahabang tulang "Monologo ng Manggagawa" at tanging ang may awtor ay yaong buong dulang "Kuwatro Kantos" na nakasulat sa pambungad: "Sinulat ito nina Glecy Atienza, Roberto Mendoza at ng Teatro Pabrika Writers' Pool."

Isang trahedya ang tula, na nang dahil sa kahirapan sa lalawigan ay pinangarap ng isang karaniwang tao na maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya, ngunit lagim ang kanyang sinapit sa huli.

Nagsimula ang tula sa paglisan ng manggagawa sa kanilang lalawigan upang magtrabaho sa Maynilang anya'y nakararahuyo. Lumuwas siya ng Maynila't nahanap ang barungbarong na tahanan ng kanyang Nana Sela. Naghanap siya ng trabaho't nakapasok sa pabrika ng pakain sa hayop, ngunit umalis din upang mapasok naman sa isang pabrika ng sapatos. Naging kasapi siya ng unyon at naging aktibo sa mga gawain doon, dahil naniniwala siyang dapat maging makatarungan ang kapitalista sa ibinibigay na sahod at benepisyo sa manggagawa. Hanggang kumilos na rin siya sa labas ng pabrika upang organisahin ang iba pang manggagawa. Ngunit naging mainit siya sa mga kapitalista.

Papauwi na ang manggagawang iyon mula sa isang pagpupulong nang hinablot siya ng kung sinong mga buhong at ipinasok sa sasakyan. Dinala sa isang talahiban, at doon naalala ng manggagawa ang iniwan niyang lalawigan pati na mga magulang at kapatid na naghihintay. Ngunit iyon na pala ang kanyang katapusan.

Tinortyur siya ng mga kumuha sa kanya hanggang siya'y pinatakbong pilit. Tumalima naman siya sa pag-aakalang siya'y makakatakas. Ngunit paano niya matatakasan ang putok ng baril? Sa huling hibla ng kanyang hininga'y umaasa siyang sana'y may magpatuloy pa ng kanyang marangal na adhikain para sa mga manggagawa.

Napakaganda ng salaysay ni Mendoza, at sinuman ang makababasa nito, sa wari ko'y maghihimagsik dahil sa kawalang katarungang sinapit ng manggagawa. Maganda ang pagkakahawak ni Mendoza sa tugma't sukat. Apat na taludtod ang bawat saknong, habang lalabing-apatin ang pantig ng bawat taludtod, bagamat di siya naging masinsin sa pagtiyak ng sesura o hati sa gitna ng tula, na dapat ay may hati sa ikapitong pantig, na sa kabuuan ng tula'y di sumusunod sa ganito. Gayunpaman, di na ito gaano pang mapapansin ng mga mambabasang di pamilyar sa batas ng tugma't sukat, at di na rin papansinin ng sinumang makikinig o manonood sa monologo, dahil sa mas mapapansin nila ang indayog at emosyon ng pagkakasalaysay ng tula.

Isang taas-noo at taas-kamaong pagbati ang iniaalay ko sa makatang ito ng uring manggagawa. Sadyang kalulugdan siya at maoorganisa niya ang mga unyonista't karaniwang manggagawa sa tula niyang ito. Mabuhay ka, kasamang Bobet!

Halina't ating namnamin ang kabuuan ng 34-saknong na tula.



MONOLOGO NG MANGGAGAWA
ni Roberto "Bobet" Mendoza, Teatro Pabrika

Naging balon ng luha mga mata ni Inang;
Kalungkuta'y bakas naman sa mukha ni Tatang;
Maliliit kong kapatid ay nakatingin lang,
Habang ako sa kanila ay nagpapaalam.

Masakit sa loob kong sa kanila'y malayo
Ngunit mga pangarap ko'y di dapat maglaho
Buo ang paniniwalang ito'y matatamo,
Sa Maynilang kilala at nakararahuyo.

Ako nga ay lumisan sa aming lalawigan;
Ang trabahong bukid ay akin nang iiwanan;
At maging si Tatang ay di na mananakahan;
Buong pamilya’y hahanguin sa kahirapan.

Sa barko pa lamang ay di na ‘ko mapakali;
Kinakab’han dahil ‘di alam ang mangyayari;
Kahit may pananabik takot ang nakakubli;
Sa likod ng pag-asa’t pangako sa sarili.

Sa wakas, sa wakas narating ko ang Maynila;
Punong-puno ng tao kahit saan luminga;
Sa sari-saring amoy ikaw ay magsasawa;
Kaya kailangan ay matibay na sikmura.

Agad kong hinanap ang lugar na tutuluyan
Na ibinilin sa akin ng pinsan ni Tatang;
Nagtanong-tanong pa ako sa kung saan-saan;
Sa tsuper, sa pulis, mga tambay sa tindahan.

Sa pinagtatanunga’y aking ipinakita
Ang tangan kong papel iniwan ni Nana Ella
Na nagsasaad kung saan siya nakatira
Kung kaya’t narating, makipot na eskinita.

Nakakakaba ang makitid na daraanan
Dikit-dikit ang bahay halos walang pagitan
Mga tagarito sa aki’y nagtitinginan
Lalo na ang mga lalaking nag-iinuman.

Naglakas-loob akong huwag na lang pansinin,
At sa halip ay nagtuon sa dapat marating
‘Di pa nagtatagal, may kumakaway sa akin
Ang Nana ko palang sa tuwa’y halos magbitin.

Sinalubong ko siya ng ngiti’t pagtataka;
Dahil ang asa ko, ang bahay niya’y maganda
Ngunit ang katotohana’y barung-barong pala
At ito’y nasa tabi ng bundok ng basura.

Matamang minasdan ko ang aking Nana Ella
Ibang-iba siya noong huli kong makita
Kumikinang sa alahas, todo ang pustura
Ngayo’y mukhang ginahasa ng kabayong mola.

Ano pa ba’ng magagawa kundi ang tumigil
Sa paligid na ito na nakahihilahil
Taglay ang pag-asa at walang makakapigil
Na hinding-hindi na muling sa bukid hihimpil.

Hindi nagtagal ako’y naghanap ng trabaho
Pinupuntahan ang mga anunsyo sa dyaryo
Binabasang lahat, paskil na madaanan ko
Ngunit iisang sagot: “Walang bakante dito.”

Tanggapin na nyo ako’t marami akong alam
Sanay ako sa hirap, ang lakas ko’y kay inam;
Maghalo man ng semento, magpukpok, magkatam
Gagawin ko’ng lahat, ‘wag lang tiyan ko’y kumalam.

Dahil sa ‘king kakulitan, ako ay natanggap
Sa pabrika ng feeds ako’y naging tagabuhat
Ngunit anong malas, ako’y pinantal, sinugat
Ngunit naranasan ko ang kakaibang hirap.

Hinintay ko na lamang ang maliit kong sweldo;
Upang makapagpagamot kahit papaano
Ngunit ang takdang araw upang makuha ito
Sadyang pagkatagal-tagal at pabagu-bago.

Sa pangyayaring ito’y di na nga nakatiis
Nilapitan ang bisor at nagtanong kung bakit?
‘Wag daw akong magreklamo’t bawal ang makulit
Kaya’t sa trabaho, agad akong pinaalis.

Kaya ako ay muling naghanap ng trabaho
Sa pabrika ng sapatos, na-regular ako
At dito’y agad akong naging isang miyembro
Ng unyong di ko malaman ang layuning gusto.

Hindi nagtagal at akin nang naunawaan
Ang unyon pala’y para sa aming karapatan
Sahod at benepisyo’y dapat makatarungan
Makakamit lamang ito kung ipaglalaban.

Sa gawaing pag-unyon ako’y naging aktibo
Unti-unting nasasagot ang mga tanong ko
Nalaman ang dahilan maging ang puno’t dulo
Ng lahat ng kaapihan sa lipunang ito.

Ang pagsasamantala ang ugat ng problema
Nang aking matuklasan ay agad na nagpasya
Na kumilos nang lubos di lamang sa pabrika
Sa labas ma’y kaydaming dapat iorganisa.

Naging matagumpay ang aking mga gawain
Sa mga pagawaan ay nagpasalin-salin
Hangad ang pag-uunyo’y lalong pag-ibayuhin;
Buo ang hangaring ang kalayaan ay kamtin.

Sa mga kapitalista ako ay uminit
Mayr’ong nakikiusap at mayr’ong nangungulit,
Mayr’on ding nanunuhol at nananakot pilit
Pag ‘di daw ako tumigil ako’y ililigpit.

Dahil sa batid kong ako ay nasa matuwid
Hindi ako natinag at ni hindi nanginig
Ako’y naniniwala na nasa aking panig
Ang katarungang sa manggagawa’y aking hatid.

Papauwi na ako mula sa aming pulong
Ang lansanga’y mala-dagat noong gabing iyon
Sa tubig-ula’t putik, swelas ko’y bumabaon,
Nang biglang sa aki’y may sasakyang sumalubong.

Hinablot agad ako’t inginudngod sa putik
Ng mga lulan nitong pawang mababalasik
Tinadyakan ako at namilipit sa sakit,
Ulirat ko’y nawala’t lubusang natahimik.

Nang ako’y magising sa silya na’y nakatali
Sa madilim na silid na hindi ko mawari
Kahit anong isip ko’y iisa’ng sumasagi
Nasa bahay akong kalupita’y naghahari.

Umilaw ang bombilya sa may aking ulunan
At mayro’ng pumasok na di ko maaninawan
Paglapit sa akin, ako ay sinikmuraan
Sinampal, pinaso, kinalikot ang katawan.

Ang bawat parusang iginagawad sa akin
Ng mga dyablong itong lubhang mapang-alipin
May kasamang katanungang dapat kong sagutin,
Sumagot ka’t hindi ay tatamaan ka pa rin.

“Di ba ikaw ay rebelde’t isang subersibo?”
“Hindi! Wala akong alam!” ang laging sagot ko
Sila ay lalong bumangis at sinila ako
Kaya’t ako’y nawalang muli ng malay-tao.

Muli akong nagising sa kaibang paligid
Malawak na lupaing mayro’ng mga talahib
Para bang ako ay nagbalik sa aming bukid
Hinihintay ng magulang at mga kapatid.

Ako ay kinalagan ng mga mapandahas
Pinatakbo ako kahit na magkandadulas
Gawin ko raw ito kung nais kong makaligtas
Baka sakaling sa bala ako’y makaiwas.

Tumalima ako at tumakbo papalayo
‘Di pa nagtatagal at sumunod na ang punglo
Ang damo at talahib ay dinilig ng dugo
Payak at bagong pangarap, ngayo’y naglalaho.

Sa ‘king paghalik at pagyakap dito sa lupa
Sana’y may magpatuloy nitong aking nagawa
Ang paglingkuran at mahalin ang ating kapwa
Uri at Inang Baya’y ganap na mapalaya.

Martes, Enero 17, 2012

Ang ASFIPO

ANG ASFIPO
ni Greg Bituin Jr.

Bandang 1998 nang makilala ko ang ASFIPO (Association of Filipino Poets) na pinamumunuan ni Ginoong William Tiñon, isang manunula at mang-aawit. Nakabase pa noon ang ASFIPO sa ikaapat na palapag ng COD sa Cubao, Quezon City. Sa natatandaan ko, tuwing Sabado ng hapon nagkikita-kita dito ang mga kasapi nito. Nagkukwentuhan, nagtutulaan. At gabi na kami nakakauwi, mga bandang alas-sais o alas-syete. Napapasarap kasi ng kwentuhan. Ang COD naman ay bandang alas-otso nagsasara.

Napapunta ako sa COD dahil sa mga kasamahan sa environmental movement na dito na nagpupulong, lalo na sa Earthlite, na naging tambayan namin. Maliit lang naman ang ikaapat na palapag ng COD kaya malalaman mo ang pasikot-sikot dito, at magiging pamilyar na sa iyo ang mga maliit na tindahan at mga nagtitinda, pati na yaong mga may pwesto rito, tulad ng lumang paraan ng panggagamot, mga herbal medicine, at marami pang iba. Marami ring mga paintings na naka-display para sa sinumang bibili.

Si Sir Ding Reyes ng grupong Clear Communicators for Environmental Action and Restoration (CLEAR) at si kaibigang Roy Cabonegro (ng Partido Kalikasan Institute na ngayon) ang lagi kong mga kapulong sa lugar na ito sa usapin ng mga aktibidad pangkalikasan. Marami akong mga nakilala dito. Nariyan ang makatang si William Rodriguez II na kilalang awtor na rin pagkat ilang beses nang inilathala ng Psicom Publishing ang kanyang mga akda. Isa rin sa mga aktibo roon ay si Gina Morito, na isang OFW. Pati na ang designer na si Ms. Sandico Ong ay nakilala ko rin, dahil isa siya sa may pwesto sa COD. Doon ko rin nalaman na si Mr. Tiñon pala ay recording artist, dahil pinakita at pinarinig niya sa akin ang kanyang mga awiting nasa casette tape. Di man sumikat si Sir, mabuti naman at nagawa niya ang mga gusto niyang gawin at pinangarap. Nariyan din ang Sanibkulay na naging mga kabarkada rin, tulad ni Marz Zafe na isang pintor, at may pwesto sa ibaba ng National Bookstore sa Cubao. Di ko na matandaan ang mga pangalan ng iba pang nakilala ko dito, lalo na yaong mga myembro ng ASFIPO, bagamat marahil ay makikilala ko pa sila sa mukha.

Pero nakagiliwan ko talaga ang ASFIPO. Gumagawa kami ng tula at bibigkasin namin ito sa pulong ng Sabado bilang aming pagtatanghal habang bawat isang dumalo ay matamang nakikinig. Dito'y pinauso ko ang dugtungang tula. Ang ginawa ko, nagdisenyo ako sa isang bond paper ng ilang linya na susulatan ng bawat isa. Labing-apat na linya lahat, tamang-tama para sa isang soneto, isang uri ito ng tula na may labing-apat na taludtod. Sa papel, ang bawat makatang magsusulat dito ay tigalawang taludtod. Kumbaga, sisimulan ko ang unang dalawang taludtod, durugtungan ng isang makata iyon ng dalawa pang taludtod, at iyong isa pang makata ay durugtungan din iyon ng dalawang taludtod, hanggang sa dumaan sa pitong makata ang papel, at mabuo ang labing-apat na taludtod. Kaya may nagagawa kaming mga pitong tula, minsan anim lang o lima, na dugtungang tula kada Sabado. Kasi bawat isa sa amin ay bibigyan ko ng papel, kaya bawat isa ay nagsimula ng kanya-kanyang dalawang taludtod ng tula. Kaya ang kinalabasan, maraming tula na iba't iba ang interpretasyon at pagkakagawa. Iba-iba kasi ang nag-akda. Ang matindi pa rito, merong taludtod na may tugmaan, at may mga taludtod na wala, dahil ang nagsulat naman ay yung makatang mahilig sa malayang taludturan. Ako naman, mas tinularan ko ang estilong Balagtas dahil doon ko nakilala ang pagtula.

Minsan na kaming na-feature sa Channel 2, at nakita pa nga ako sa telebisyon na tumula, habang ipinaliliwanag naman ni Mark Logan ang aming isinagawa sa pamamagitan din ng kanyang paraan ng pagtula. Nakausap ni Mr. Tiñon si Mark Logan ng ABS-CBN, at iyon nga, naiskedyul kami. Pinaghandaan namin ang programang iyon. Sabi ni Mark Logan, uso pa rin pala ang paglikha ng tula at pagbigkas nito sa maraming tao sa panahong ito. Napanood pa nga ako ng aking mga kasamahan sa trabaho, pero ako, hindi ko iyon napanood. Ikinwento na lang nila sa akin.

Marami akong nagawang tula rito, ngunit karamihan ng mga tula ko rito'y wala na akong kopya. Kumbaga, hindi ko na talaga makita. May isa nga akong notbuk ng tula na nawala sa opisina ng Kamalayan nuong 1997, at ilang naipon ko ring tula sa ASFIPO ay mabuti't nai-tayp ko, ngunit sa kalaunan, dahil marahil sa dami ko ng gamit, hindi ko na rin ang mga ito mapagkikita kapag kailangan. Palipat-lipat pa kami ng opisina kada isang taong matatapos ang kontrata. Doon na kasi ako natutulog sa opisina ng Sanlakas noong panahong iyon.

Di gaya ngayon, pag nais kong kunin ang isa kong tula para gamitin sa magasin o kaya'y basahin sa isang poetry session, kukunin ko lang ito sa internet, dahil nakapasok na ito sa aking blog na sinimulan ko nuong Marso 2008. Ibig sabihin, mawala man ang diskette o USB ko, o masira ang computer, makakakuha pa rin ako ng kopya ko ng tula.

Nagkawatak-watak lang ang ASFIPO nang isinara na ang ikaapat na palapag ng COD, mga huling bahagi iyon ng 1999, o kaya'y maagang bahagi ng taong 2000. Kaya napilitan si Mr. Tiñon na lumipat ng lugar. Isa na rito ang isang opisina sa P. Paredes St., malapit sa España sa Sampaloc, Maynila, na yung ibaba ay kuhanan ng litrato. Ang isa naman ay sa may kanto ng Raon at Quezon Boulevard sa Quiapo na kinatatayuan noon ng isang branch ng SSS. Medyo nalayuan na ako doon dahil nasa Quezon City ang tinutuluyan ko, kaya bihira na akong nakakapasyal doon. 

Matagal na panahon na rin ang nagdaan, ngunit nasaan na kaya sila? Tanging kami na lang dalawa ni William Rodriguez II ang nagkakausap, sa facebook nga lang. Gayunpaman, hindi ko malilimutan ang ASFIPO dahil naging bahagi ito ng pag-unlad ko bilang isang manunulat at makata. Kung nasaan man ngayon ang mga kasapi at dating kasapi ng ASFIPO, sana'y magkaroon tayo ng reunyon kasama si Mr. Tiñon, at magmumungkahi ako. Gagawa tayo ng isang libro ng mga tula na ang mga magsusulat doon ay iyong mga naging bahagi ng kasaysayan ng ASFIPO noon man at hanggang ngayon. 

Mabuhay ang ASFIPO!

Miyerkules, Disyembre 21, 2011

Putik sa Panahon ng Unos


PUTIK SA PANAHON NG UNOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napakatitinding unos ang dumatal sa bansa nitong nakaraang dalawang taon lamang. Nariyan ang lupit nina Ondoy, Pepeng, Pedring, Quiel, at ang huli ay si Sendong. Pawang matitinding unos na dumatal sa ating bansa, sa Kalakhang Maynila, Gitnang Luson at Hilagang Luson, Hilagang Mindanao. Kinitil ng mga bagyong ito'y libu-libong katao na, at ang kapaligiran ay nagmistulang dagat ng putik. Kay Sendong ay higit isanglibo na ang namatay. Lubog sa putik ang mga subdibisyon, mga iskwater, at mga pananim sa mga probinsya. Nakakalungkot, dahil bukod sa mga namatay ay marami pa ang nawalan ng tahanan. Dinelubyo ng mga bagyong ito ang kabahayan at kabuhayan ng ating mga kababayan. Hanggang ngayon, marami pa ring kabahayan ang lubog sa putik at baha.

Sinong dapat sisihin sa nangyari? Ngunit may dapat nga bang sisihin sa mga nangyari, gayong ito'y ngitngit ng kalikasan? O ang dapat nating sisihin ay ang sistemang panlipunang sumira sa kalikasan, na siyang dahilan upang gantihan ng kalikasan ang tao?

Muling nasilayan ng marami ang muling pagbabayanihan ng mga Pilipino at pagmamalasakit nila sa ating kapwa. Agad silang sumaklolo sa mga natamaan ng baha at nalubog sa putikan, ngunit ang marami, bagamat nais sumaklolo ay walang magawa dahil sa kawalan ng kagamitan. O kung may gamit man ay di bihasa sa paggamit nito.

Gayunman, kapansin-pansin ang kawalang-handa ng pamahalaan sa ganitong mga sitwasyon. Doon nga sa may Brgy. Bagong Silangan sa Lunsod Quezon, umabot na sa 42 katao ang namatay. Sa Provident Village sa Marikina, na karamihan ay mga sikat ang nakatira, ay hindi rin pinatawad ni Ondoy. Sa Muntinlupa’y walang madaluyan ang tubig baha kaya lubog pa rin ang maraming bahay sa putik. Ang lalawigan ng Pangasinan ay nagmistulang karagatan. Nagka-landslide sa Baguio City at sa La Trinidad, Benguet, kung saan kayraming namatay. Nasa 648 na ang natalang namatay. Sa Cagayan de Oro naman at Lungsod ng Iligan, madaling araw dumating si Sendong kung saan natutulog pa ang mga tao, na mahigit 1,000 ang namatay. 

Hindi maaaring sabihin ng pamahalaan na di sila handa sa ganitong pangyayari, pagkat lagi namang tinatamaan ng bagyo ang ating bansa. Noong 2007 nga ay nanalasa na ang kaytinding bagyong Milenyo na kumitil din ng maraming buhay. Dapat ay naghanda na sila kung sakaling mangyari muli ang panibagong unos tulad ni Milenyo o ni Ondoy. O ang dapat nating sisihin o punahin ay ang nagaganap na climate change na nagdulot ng ganitong katinding unos?

Ano nga ba ang tinatawag na climate change? Ito ang pagbabago-bago ng klima ng mundo, dahil sa mga greenhouse gases (GHG) na bumubutas sa atmospera ng ating daigdig. Tulad dito sa Pilipinas, nagkaroon ng tag-ulan sa panahon ng tag-araw. Ngayon ngang 2009 ay naranasan nating umulan ng malakas at nagbaha nitong Mayo na dapat ay tag-araw. Ang greenhouses gases na sumira sa kalikasan ay dulot ng pagsusunog ng mga fossil fuels para sa langis ng mga sasakyan. Dulot din ito ng mga coal-fired power plants na nagsusunog din ng mga uling para magpaandar ng kuryente.

Ngunit sa ngayon, sinisisi ng gobyerno, lalo na ng mga trapo, ang mga maralita dahil sa pagbaha. Ang mga iskwater daw ang dahilan kaya di raw madaanan ng tubig ang mga estero, kaya nais ng mga pulitiko na pabantayan ang mga lugar na binaha sa mga militar upang di na roon makabalik ang mga iskwater. Ngunit sino ba ang dahilan kung bakit may iskwater? Hindi ba’t itong gobyerno, mga elitista, mga mayayaman, mga kapitalista, na di isinasama sa pag-unlad ang mga dukha at laging inietsapwera ang mga mahihirap sa mga planong kaunlaran ng bansa? Hindi ba’t ang laging solusyon nila sa maralita ay itaboy ito sa mga lunsod at itapong parang mga basura sa mga bundok at malalayong lugar?

Maraming salamat sa mga noodles at sardinas na ipinamigay upang kahit pansamantala ay may pang-agdong-buhay ang mga nasalanta. Ngunit alam nating hindi ito sapat upang makabalik ang mga nasalanta sa dati nilang pamumuhay. Kaya imbes na pawang noodles at sardinas ang ibigay bilang relief sa mga apektado, bakit hindi na lang ibigay ay mga bahay na sapat para sa kanila. Karapatan nila ang magkaroon ng bahay, ngunit pinabayaan sila ng gobyernong tumira sa mga mapanganib na lugar, tulad ng riles at estero.

Anong dapat gawin? Dapat na ilaan ang countryside development fund o pork barrel ng mga mambabatas, calamity fund ng gobyerno para sa pagbili ng lupa sa mga maralitang biktima ng mga bagyo. Tiyaking sa relokasyon nilang ito ay may sapat na pabahay, hanapbuhay at serbisyo. Dahil isa man sa tatlong ito ang mawala ay tiyak na delubyo sa mga nasalanta.

Dapat magkaroon ng moratorium sa demolisyon at pagpapaalis sa evacuation center hangga’t walang maayos, abot-kaya at ligtas na relokasyon. Hindi dapat na itataboy na lamang na parang mga daga ang mga maralita at basta na lamang paaalisin nang walang kasiguraduhan sa paglilipatan.

Ngunit mananatili ang katotohanan: Sa nangyaring pagkamatay ng daan-daang tao, at kawalan ng matitirhan ng mga nasalanta, ang tanging ginagawa ng gobyerno ay mamigay ng noodles at sardinas, imbes na tiyaking ayusin at ilagay sa mas maayos na lugar ang mga nasalanta. Kung ipagpapatuloy ng gobyerno ang basta na lamang pagpapaalis sa mga maralita sa dating kinatirikan ng kanilang bahay nang walang maayos na plano, sadyang inutil ang gobyerno. Dagdag pa rito ang patuloy na operasyon ng mga minahan at iba pang kumpanya na sumira ng mga kabundukan at kagubatan. Huwag na nating hayaang dahil sa mga kapabayaang ito'y marami pa muling mga kababayan natin ang malibing sa putik pag may dumating muling matitinding unos. Paghandaan na natin ito bago pa tayo mismo ang matamaan nito.

Miyerkules, Nobyembre 2, 2011

Habilin

HABILIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa malao't madali'y aabutin ko rin ang oras ng paghihingalo, ang huling kabit ng aking hininga. Pagkat lahat naman ng tao ay darating doon. Yayao upang permanente nang ihimlay ang kahit di pa pagod na isip at katawan.Mula sa sinapupunan tungo sa libingan. Ang buhay ng tao'y alpha at omega, may simula at may wakas.

Hiling ko'y huwag ipagkait sa akin, sa huling sandali, ang pagbibigay ng mga kasama ng luksang parangal na kinagawian nang gawin ng kilusang mapagpalaya para sa mga kasamang namatay. Kahit sa maikli kong buhay ay pinatunayan ko, hanggang ngayon, ang aking katapatan sa adhikain tungo sa pagkakapantay-pantay at pagpawi ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon na siyang dahilan ng kahirapan ng sambayanan.

Payak na puntod lang ang nais ko, hindi marangal na libing. Payak na libing na tulad ng libing ng karaniwang mahihirap. Ang kabaong ay yari lamang sa tabla. Sa lamay ay naroon ang ilang kaibigan at mga kakilala, naglalaro ng dama, tses, o kaya'y baraha. Umiinom ng mainit-init na kapeng barako at pandesal o mga biskwit.

Kahit sa huling hantungan, nais kong maging tapat sa masa at sa uring manggagawang kahit papaano'y aking pinaglingkuran sa abot ng aking makakaya, sa kilusang sosyalistang aking nakasama sa loob ng mahigit dalawang dekada. Dahil ang buhay ko'y buhay ng isang aktibista, buhay ng isang rebolusyonaryo. Higit sa kalahati ng buhay ko'y ipinaglingkod ko sa kilusang sosyalista.

Ang ayaw ko lamang ay matulad pa ako sa mga desaparesido, o yaong mga dinukot at nangawala at hindi na nakita ang kanilang bangkay. Dahil ang pagiging desaparesido ay katumbas ng paghihirap ng kalooban ng mga nagmamahal sa nawawala. Mahabang laban pa ang susuungin ng mga nabubuhay upang makuha lamang ang iyong bangkay at mabigyan ng maayos na libing.

Gayunman, ang mga tulad kong aktibista'y maaaring mamatay na lang ng walang puntod. Marahil ay di ko na rin kailangan ng kabaong. Ngunit mas nais ng mga nabubuhay pa na may kabaong upang makita man lamang ako sa huli kong hantungan. Mas nais kong maging pataba sa halaman ang aking mga labi upang kahit papaano'y may pakinabang pa sa sambayanan. Sa aking kolum sa publikasyong The Featinean, isyu ng July-October 1996, p. 29, ay ito ang aking isinulat: "I wish that if I would die, my corpse would not be buried inside the casket but honorably laid in the soil so that in the cycle of life, I can still contribute. My dead body can help make new life, make plants grow, so that others may continue to live."

Marami akong aklat na isinulat. Mga katipunan ng iba't iba kong akda. Nawa'y may magpatuloy pa ng pagsasaaklat ng aking mga tula. At mapansin din ng National Book Store, kung saan ito ang kinalakihan ko, ang aking mga tula at kanilang mailimbag. Marahil mailimbag din ito ng University of the Philippines Press, DLSU Press, UST Press, o AdMU Press. Mahigit dalawang libo na ang aking tula sa internet, 2,000 tula para sa sambayanan, sari-saring paksa, sari-saring himutok, sari-saring pamukaw ng isip, sari-saring taludtod ng pag-asa, sari-saring saknong ng paglaya.

Ang iba pang mga aklat na nabili ko, panitikan at pulitika, na gawa ng iba't ibang paborito kong awtor,  at mga saliksik, ay inihahabilin ko na sa aking mga kapatid na nagnanais nito at sa tanggapan ng mga samahang kinilusan ko.

May isinulat na rin akong mahabang tula na pinamagatan kong "Una Kong Pamamaalam" na nais kong basahin ng isang kasama o kapamilya bago ako ihimlay sa huling hantungan. At magpa-xerox na rin ng marami nito para sa mga nais magkaroon ng sipi ng tula. Nalathala na ang tula kong ito sa aklat kong "Markang Putik" at maaari din itong makita sa internet, sa kawing na http://matangapoy.wordpress.com/2010/05/12/una-kong-pamamaalam/.

Ang huling habilin ko lamang ay magkaroon ang bawat isa ng kopya ng Kartilya ng Katipunan at ito'y kanilang basahin, namnamin at isabuhay. Maaari itong sabay nang ipamigay kasama ng tula kong "Una Kong Pamamaalam".

Ang nais kong tugtugin sa libing ay ang "Lipunang Makatao" ng Teatro Pabrika, ang "Pag-ibig Ko'y Ikaw" ni Regine Velasquez, at ang "You Raise Me Up" ni Josh Groban. Tatlong awitin lang na paulit-ulit. Paborito ko si Martin Nievera dahil mga kanta niya ang madalas kong awitin dahil bagay sa aking boses, ngunit wala akong mapiling awit niya para sa okasyong ito.

Ang nais ko sa puntod ay hindi kurus kundi maso. Huwag sana itong ipagkait sa akin. Isinulat at ipinaliwanag ko na ito noon sa isang tula na pinamagatan kong "Maso ang Nais Ko sa Puntod".

MASO ANG NAIS KO SA PUNTOD
13 pantig bawat taludtod

maso, hindi kurus, ang nais ko sa puntod
pagkat ito’y tanda ng aking paglilingkod
sa uring manggagawang todo ang pagkayod
mabuhay lamang kahit kaybaba ng sahod

maso, hindi kurus sa puntod ang nais ko
pagkat ito’y tanda ng tangan kong prinsipyo
na lipunang ito’y lipunan ng obrero
di ng ganid na sistemang kapitalismo

maso ang nais ko sa puntod, hindi kurus
pagkat ito’y tandang naglingkod akong lubos
sa mga manggagawa’t mamamayang kapos
upang sa araw-araw sila’y makaraos

maso’t di kurus sa puntod ang aking nais
pagkat ito’y tanda ng prinsipyong malinis
hangad na sistema’y di maging labis-labis
at mapalitang tunay ang lipunang lihis

Ito naman ang isinulat ko na nais kong mailagay sa aking lapida. Nalathala ito sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 1, Taon 2004, p.8. 

TAGLAGAS
9 pantig bawat taludtod

Kung sakali’t ako’y lumutang
sa sariling dugo’t tuluyang
inangkin ng lupa, hiling kong
sa lapida’y maukit itong
soneto ko ng luha’t tuwa:
“Dito’y himbing na nahihimlay
ang makata ng rebolusyon,
at abalang iginagala
sa daigdig ng talinghaga
ang mapaglaro niyang diwa’t
masalimuot na haraya,
habang humahabi ng saknong
at mapagpalayang taludtod
para sa uring manggagawa
at sa masa ng sambayanan.
At sa pagdatal ng taglagas
siya’y babangon sa pag-idlip
upang ituloy ang paglikha
sa iba namang katauhan."

Mabuhay ang kilusang masa!  Mabuhay ang kilusang sosyalista! Tuloy ang laban!

Lunes, Oktubre 24, 2011

Paunang Salita sa aklat na "Biyaheng Balic-Balic"

Paunang Salita
sa aklat na "Biyaheng Balic-Balic"

Ayon sa ilang saliksik sa kasaysayan, ang Balic-Balic ang dating pangalan ng mahabang kalye ngayong tinatawag na G. Tuazon. Tulad ng Bustillos na ang pangalan ngayon ay M. Earnshaw. Tatlo ang ruta ng dyip patungong Balic-Balic sa distrito ng Sampaloc sa Maynila, na siya kong kinalakihan. Sa pagkakatanda ko, una kong nasakyan noong bata pa ako ay ang dyip na rutang Balic-Balic - Bustillos. At bumababa kami sa isang tulay na malapit sa ilog. Nawala na ang ilog na iyon at sinementuhan na, at naging isang highway sa pagitan ng Espana at Ramon Magsaysay Blvd., at tumutumbok sa tulay ng Nagtahan.

Noong ako'y maghayskul na, lagi ko nang sinasakyan ang Balic-Balic - Quiapo. Ganuon din nang magkolehiyo. Kaya ang rutang ito'y kinalakihan ko nang kasama sa bawat paglalakbay at pagninilay.

May isa pa na minsan lang o bihira ko lang nasasakyan, ang rutang Balic-Balic - Espana. Dinadaanan ko nang lakad lamang ang rutang ito papuntang Trabajo market, na lagi naming pinupuntahan ng aking ama kung mamimili kami sa palengke. Bagamat may maliit na talipapa malapit sa amin na dinadaanan ng rutang Balic-Balic - Quiapo, at Balic-Balic - Bustillos.

Sa Quiapo, may nakikita akong rutang Punta - Quiapo. Patungo iyon sa Punta, Sta. Ana. Kung may Punta, may Balic-Balic. Pag pumunta ka sa isang lugar, maaari mo iyong balikan. Punta. Balic-Balic. Naalala ko tuloy ang tatlong salik ng pagpaplano: Saan tayo ngayon, saan tayo pupunta, paano tayo makakarating doon.

May kasabihan nga: "Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan." Kaya minsan, kailangan kong bumalik sa Balic-Balic upang muling umapak sa lupang pinagtubuan ng aking mga ugat. Bakasakaling muli akong magsanga, mamulaklak, at mamunga.

At kasama sa mga ugat na dapat balikan ay ang pamilya, ang mga kapatid, lalo na ang ama't inang nagbigay-buhay, nagpakain, nagpaaral, at kasamang umugit ng kinabukasan. Naririyan din ang mga kaibigan at kapitbahay na nakasama sa paglalakbay sa buhay.

Mahalaga ang muling pagbabalik sa ugat, sa pinagmulan, sa sinapupunan, sa lugar na kinalakihan. Ang mawalay ka sa iyong ugat ay tulad ng dahon ng punong nawalan ng buhay nang mapitas at matuyo. Mabuti kung ito'y bunga ng puno, tulad ng mangga o niyog, na tiyak na kapaki-pakinabang sa mas higit na nakararami. Mga bungang bigay ng kalikasan. Mga bungang minsan ay ipinagdaramot sa iba dahil nais kumita ng salapi, ibenta.

Ang mga nariritong sanaysay ay kababakasan ng aking mga karanasan mula nang ako'y bata pa hanggang magbinata. At sakali mang ako'y magkaasawa na at magkapamilya, iyon ay iba pang aklat ng mga karanasan. Subalit sa aklat na ito'y katatagpuan ang samutsaring karanasan at pagpapasiya. Kung ano ako ngayon ay inukit ng aking kapaligiran, ng aking pinag-ugatan, ng landas kong tinahak, bagamat ito'y hindi sementado, kundi baku-bako, putikan, at dapat pag-ingatan baka may kumunoy na kalubugan.

Ang mga sanaysay na naririto'y nais kong ibahagi sa susunod na henerasyon, bakasakaling may matutunan sila sa aking mga nilandas, gaano man ito kapait o kalungkot. At mas maigi kung may aral silang mahahango upang sila'y magtagumpay, ang huwag nilang ulitin kung ano man ang aking mga pagkakamali.

Sa lahat ng aking mga nakasama sa lakbaying ito, mula man sa Sampaloc, Maynila o hindi, mula man sa Balic-Balic o hindi pa nakakapunta rito, maraming salamat sa mga panahong nagkasama tayo! Mabuhay kayo!

Gregorio V. Bituin Jr.
Sampaloc, Maynila
Oktubre 24, 2011

Biyernes, Oktubre 14, 2011

Nang magpasya akong maging tibak

NANG MAGPASYA AKONG MAGING TIBAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bata pa ako ay mahilig na akong magbasa. Hayskul ako ay naging tambayan ko na ang National Book Store sa Morayta at sa Avenida, habang nadadalaw ko rin ang Goodwill Bookstore. Bandang 1987 ay natagpuan ko na ang Popular Bookstore sa Doroteo Jose St., sa Maynila. Doon ay sari-saring mumurahing libro at magasin ang aking binili. Mga babasahing hindi ko karaniwang nakikita sa National Book Store.

Nakapag-ipon ako ng mga libro. Noong Hulyo 1988-Enero 1989 ay nasa ibang bansa ako, at pagbalik ko sa bansa ay naging manggagawa ako ng isang kumpanya ng electronics sa Alabang. Mahilig pa rin akong magbasa. Hanggang sa mabasa ko ang iba't ibang aklat tulad ng GTU (Genuine Trade Union), Ulos, Aklas, National Midweek, Blood in their Banner, War of the Flea, at samutsaring magasin na nabili ko sa Popular Book Store.

Dahil sa pagbabasa ko ay namulat ako sa mga nangyayari sa lipunan. Hanggang sa muntik na akong tumakbong pangulo ng unyon noong 1991. Subalit dahil bata ng manager ang tiyuhin ko sa kabilang kumpanya, kinausap siya't kinausap naman ako ng aking tiyo. Sa huling pasahan ng aplikasyon, di ako nakapagpasa, dahil nilasing ako ng aking tiyo, kaya ang bise-presidente ko sana ang siyang pumirma sa aplikasyon bilang pangulo ng unyon. Sa botohan sa unyon, nanalo ang aming manok, at natalo ang dating pangulo.

Oktubre 2, 1991, kaarawan ko, ako ang nagsalita sa harapan ng mga katrabaho ko, matapos ang umagang ehersisyo na isinasagawa ng kumpanya araw-araw. Nabulabog ang management sa aking mga binasang kalagayan ng mga manggagawa. Iyon ang una kong pagtatangka na ipagtanggol ang mga manggagawa. Dalawa ang inihanda kong papel. Ang una'y binasa ng HR (human resources) personnel, na hindi naman naibalik sa akin. Ang ikalawa, na itinago ko sa bulsa, ang aking binasa.

Pumasok ako ng kumpanya mula Pebrero 6, 1989, at nag-resign noong Pebrero 6, 1992, eksaktong tatlong taon ng aking pagtatrabaho bilang machine operator sa kumpanya. Hunyo 1992 ay muli akong nag-enrol sa FEATI University. Enero 1993 nang makapasok ako sa The Featinean, ang opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng unibersidad, bilang staffwriter. At doon ako niligawan ng dalawang organisador, isang taga-LFS (League of Filipino Students) national, si Sofi (o Sopronio), at ang isa ay mula sa LFS-NCR (ang tsapter ng LFS sa Metro Manila, si Dennis Labo (dahil malabo na ang mata). Ako naman ang pinadalo ng aming editor sa pulong na ipinatawag ng NUSP-NCR (National Union of Students of the Philippines), at sa pulong sa UP Manila ay nakilala ko roon ang iba't ibang lider estudyante, kasama na si Tado Jimenez, na naging kilalang komedyante sa kalaunan. Sa kalaunan ay itinayo nila noong Pebrero 1994 ang counterpart ng NUSP, ang National Federation of Student Councils (NFSC).

Nobyembre 30, 1993, ang LFS-NCR ay natransporma bilang Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) sa isang malaking pagtitipon ng mga estudyante't aktibista mula sa iba't ibang paaralan.

Disyembre 26, 1993 ang iskedyul kong pagsama kay Sofi sa bundok dahil kaarawan ni Mao Zedong, isang kilalang lider ng Tsina, at anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP), subalit hindi sumang-ayon si kasamang Dennis, dahil ako'y nasa Kamalayan na, at isa sa tagapagtaguyod ng Kamalayan sa FEATI University.

Mayo 24, 1994 ay nakasama ako sa isang lightning rally sa Makati upang ipagdiwang ang ikasampung taon ng isang mapagpalayang organisasyon. Labindalawa ang nahuli ng mga pulis, at kabilang ako sa mga nawawala na na-flash ang aming mga pangalan sa telebisyon. Doon nalaman ng aking mga magulang ang hinggil sa aking pagiging aktibista. Dalawang araw matapos iyon ay nahuli naman ang isa naming lider, si Ka Popoy Lagman.

Agosto 17, 1994 ay ipinaabot na sa akin na ako'y kandidatong kasapi na ng isang lihim na organisasyon. Ganap akong sumumpa sa partido. Hanggang ngayon ay ganap na kasapi pa rin ako nito. Lihim kaya dapat ay hindi ko sinasabi rito, subalit nais kong maunawaan ako ng aking pamilya, kaya minsan ay kailangang isulat. Kasama na sa sinumpaan ko ang pagkakaroon ng simpleng pamumuhay, pagtulong sa kapwa, pag-oorganisa ng mga mangggawa bilang uri, at pagpapalaganap ng sosyalismo, lalo na ang teorya ng Marxismo-Leninismo, gawaing intelligence para sa partido, at seguridad ng mga kasama at ng organisasyon. Kaya tuwing Agosto 17 ay nag-iinom akong mag-isa, o kaya'y kasama ko ang aking kolektibo, upang ipagdiwang ang aking anibersaryo sa samahan.

Setyembre 1994 ay naging opisyales ako ng Kamalayan, bilang Basic Masses Integration (BMI) officer, saklaw ang buong rehiyon ng Metro Manila at Rizal, hanggang Hulyo 1995 nang ilunsad nito ang ispesyal na kongreso. Narekrut ako sa ilalim at naglingkod sa gawaing propaganda bilang bahagi ng pwersang insureksyunal. At noong Agosto 1996 ay nahikayat ng aking dating kasamang babae na sumapi at maglingkod sa Sanlakas, kaya napunta ako ng Sanlakas bilang staff mula Agosto 1996 hanggang Oktubre 2001.

Noong 1997, features and literary editor ako ng The Featinean, nang ako'y magpaalam sa pamamagitan ng aking kolum. Nagpasya na akong lumabas sa paaralan at mabuhay bilang aktibista at rebolusyonaryo hanggang kamatayan. Nagpasiya akong maglingkod sa masa ng sambayanan at sa uring manggagawa. Nagpasiya akong isapraktika ang mga teorya ng Marxismo at Leninismo na aking niyakap sa kaibuturan. Nagpasiya akong magpultaym, at wala sa aking bokabularyo ang salitang "laylo", na lagi kong ipinangangaral na huwag gagawin. Nasa pananaw ko na hindi isang aktibidad lamang sa kolehiyo ang aktibismo kundi habambuhay itong bokasyon na dapat isapraktika at isabuhay.

Mayo 2000 ay bugbog-sarado ako at nakulong dahil sa isang rali sa harap ng Senado, kaugnay ng isyu ng Visiting Forces Agreement (VFA). Sa lahat ng mga pagkahuli ko bilang aktibista, iyon ang pinakamatingkad dahil napanood ako sa telebisyon at nalaman ng aking mga magulang ang nangyari. Ang iba kong pagkahuli dahil sa paglilingkod sa bayan ay agad namang naisaayos ng mga abugado ng aming organisasyon.

Nobyembre 2001 hanggang Marso 2008 ay staff ako ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), isang pambansang samahan ng mga maralita. Naging manunulat din ako ng kanilang pahayagang Taliba ng Maralita. Mula 2008 hanggang sa kasalukuyan ay naglilingkod ako bilang staff ng pangunahing organisasyong pangmanggagawa, ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Noong 1998-1999 ay nakapagsulat ako sa magasing Tambuli ng BMP. At mula 2003 hanggang bandang 2009 ay nagsusulat ako sa pahayagang Obrero ng BMP.

Noong 2011 ay naging bahagi ako ng pahayagang Ang Sosyalista na nakaisang labas lamang, at noong 2012 naman ay naging manunulat at tagadisenyo ako ng magasing Ang Masa na nakawalong labas naman. Inilathala ang mga iyon ng Partido Lakas ng Masa (PLM). Habang paminsan-minsan ay nagsusulat ako ng polyeto, at namamahagi nito.

Hanggang ngayon, patuloy akong nakikiisa mula sa puso ko't diwa sa pakikibaka ng mga manggagawa. Isinisiwalat ko at ipinapaunawa sa mga manggagawa ang mga aral nina Karl Marx, Friedrich Engels, Vladimir Lenin, Filemon Lagman, Che Guevara, Fidel Castro, at iba pang rebolusyonaryo. Nakikipag-ugnayan ako sa iba't ibang mapagpalayang organisasyon hinggil sa mga usaping ito.

Nang itinayo ko ang Aklatang Obrero Publishing Collective, naging tungkulin na nito na ipalaganap ang teorya ng Marxismo at Leninismo sa lahat ng mga manggagawa. At ito ang aking niyakap na tungkulin bilang aktibista, rebolusyonaryo, at propagandista.

Sabado, Setyembre 10, 2011

Sermon ni Inay: "Pag nagutom ka, kasalanan mo"

SERMON NI INAY: "PAG NAGUTOM KA, KASALANAN MO"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Pag nagutom ka, kasalanan mo." Hindi ito pasigaw, kundi malambing na sermon o payo ni Mommy sa akin. Tama si Mommy, kaya bata pa lang kami ay tinuruan na niya kaming mga anak niya kung paano mabuhay. Natutong makisama, maglinis ng bahay, magluto ng sinaing, maglaba ng aming sariling damit, magbilang ng tama ng bayad at sukli, umuwi ng maaga, pumili ng kaibigang matitino, ilagay ang alak sa tiyan at huwag sa ulo, umiwas sa gulo, magsimba.

Kami'y pinag-aral ng aming mga magulang sa maaayos na paaralan. Kaya inaasahan nilang kakayanin namin ang tumayo sa sariling mga paa.

Isang araw, habang nagninilay-nilay at nakatunganga sa kisame, biglang dinalaw ng mga sermon ni Mommy ang aking tila inaagiw na isipan. Nais ko kasing magsulat noon para iambag sa patimpalak-Palanca. Nagunita ko ang paalala ng aking ina. 

Katatapos ko lang basahin noon ang isang sanaysay kung paano ba namatay ang makatang si Huseng Batute. Namatay siya, hindi pa sa gutom, kundi nalipasan ng gutom kahit may pagkain naman. Pareho kaming makata, at namatay si Huseng Batute o Jose Corazon de Jesus, dahil sa pananakit ng tiyan, at walang laman ang bituka. Doon ko naalala ang bilin ng aking mahal na ina. "Pag nagutom ka, kasalanan mo."

Ang mga salitang ito ang nagbunsod sa akin upang itayo ang Aklatang Obrero Publishing Collective, na unang nakapaglathala ng aklat noong Oktubre 2006. Mag-iisang dekada na rin akong naglilimbag ng mga aklat, na karamihan ay mga koleksyon ko ng tula. Bagamat marami rin akong inilathala na mga antolohiya ng mga sanaysay at tula ng mga manggagawa at maralita.

Nag-isip ako. Ano bang kakayahan mayroon ako upang mabuhay. Pagsusulat? Kailangang mag-aplay sa diyaryo. Paggawa ng tula? Walang pera sa tula, maliban kung mailalathala ka ng lingguhang magasing Liwayway, o iba pang magasin o babasahin. Ngunit kayraming nagpapasa. Daan-daan kung hindi man libo. Mapalad ka na kung malathala ka ng isang beses sa halagang P500 lamang. Hindi iyon sapat upang makabuhay.

Kailangan kong maging malikhain. Kung hindi, baka walang mangyari sa akin. Ayoko namang manghingi ng salapi sa tatay at nanay ko, dahil may sarili na akong buhay. Lalo na't maaalala ko ang mga sermon ni Mommy. Kaya sinuri ko ang kakayahan ko. May kakayahan akong mag-type. Kabisado ko ang microsoft word at pagemaker. Tiyak may pakinabang ang kakayahan kong ito kung gagamitin ko lang ng tama. Di ko pa naisip noon kung paano gumawa ng libro, dahil mukhang magastos, masalimuot ang paggawa, at di ko alam yung proseso ng pagbu-bookbind.

Hanggang mapuna ko sa ilang mga libro kung paano ito na-bookbind, at nakita ko rin minsan sa Recto kung paano ba sila nagbu-bookbind. Baka dito ako pwedeng magsimula. Paano naman ang cover? Nakita kong pwede naman palang tingi-tingi ang pagpapagawa ng cover na colored. Alam ko na. Dagdag pa yung karanasan ko sa paggawa ng dyaryo at magasin dahil dalawang taon akong naging features and literary editor ng publikasyon ng mag-aaral sa kolehiyo, at pagli-layout ng pahayagan ng manggagawa, kaya malakas ang loob ko.

Kaya sinimulan kong ipunin kung ano ang pwede kong i-type, i-layout at ilibro. Nagsulat ako ng liham sa mga kakilala ko na nananawagang pwede kong hingiin na ang mga dati nilang gawang tula, sanaysay, awit at maikling kwento. Aba'y pinagbigyan naman nila ako, habang ang ibang artikulo ay mula sa mga dati ko nang inipon. Naipon ko sa panahong di ko alam na kakailanganin ko pala. Wala akong sariling gamit pero meron akong diskarte. Nakigamit ako ng computer, at nire-type doon ang mga artikulong naipon ko at naipasa sa akin.

Minsan gabi hanggang madaling araw ko ito ginagawa. Isinisingit ko habang nagle-layout ng pahayagang Obrero ng manggagawa ang pag-layout ko ng libro. Ni-layout ko at nilagyan ng mga litrato, ang anumang natutunan ko sa paggawa ng pahayagang Obrero ay ginamit ko sa paggawa ng libro, nag-print ako ng isang kopya, inedit isa-isa baka may makalusot, at nung okey na, pinagawa ko sa labas. Nagawa ko'y dalawampung kopya ng kauna-unahang isyu ng MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa, na umabot ng isandaang pahina, at ang size ay katumbas ng kalahati ng short bond paper. Oktubre 2006 nang ito'y malathala at ako na ang tumayong editor ng kalipunang ito ng panitikang manggagawa.

Mula noon, nagsimula na ang paglalathala ko ng sari-saring libro, at may kumakausap pa sa akin dahil nais nilang malathala rin sila. Isinaaklat ko na rin pati mga kolum at sanaysay ko na nalathala sa magasing pangkolehiyo.

Kaya kahit munting bisnes lamang itong aking itinayong Aklatang Obrero Publishing Collective, umaabot na ng mahigit apatnapung pamagat ng aklat na ang nasa talaan ng mga aklat na aking nalathala. At kalahati rito ay ang koleksyon ng aking mga tula.

Malaking aral sa akin ang sermon ni Mommy, dahil kung hindi, baka gutom ang abutin ko. Maraming salamat sa pagkamalikhain na namana ko sa aking ama't ina. Natuto akong magkaroon ng munting pagkakakitaan, na siya namang ginagamit ko sa araw-araw, habang patuloy pa rin akong nagsusulat, kumakatha ng tula, at nakikibaka sa kalsada.

Sabado, Agosto 27, 2011

Aktibismo, Kolektibismo at ang Voltes V Generation

AKTIBISMO, KOLEKTIBISMO AT ANG VOLTES V GENERATION
ni Gregorio V. Bituin Jr.


Minsan, sinabihan ako ng isang may katandaan na ring kasama.  Isa raw akong "martial law baby" dahil panahon ni Marcos nang ipanganak ako at magkamalay sa mundo. Pero mas nais pa namin sa aming henerasyon na tawagin kaming "Voltes V (five) Generation" kaysa "martial law babies". Wala pa kasi kaming muwang noon sa impact ng martial law ni Marcos kaya di namin manamnam ang katawagang "martial law babies" maliban sa petsa. Mas kilala namin ang aming henerasyon bilang "Voltes V Generation" dahil namulat kami sa kalagayan ng bayan nang tinanggal ni Marcos noong 1979 ang cartoons na Voltes V na kinasasabikan naming panoorin bilang mga kabataan. Nadamay na rin dito ang iba pang palabas tulad ng Mazinger Z, Daimos, at Mekanda Robot.

Talagang nagngitngit kaming mga kabataan noon kay Marcos. Biro mo, gusto lang naman naming manood ng cartoons na Voltes V, at mga katulad nito, tapos tatanggalin lang ni Marcos. Ang sabi sa balita, tinanggal daw ito ni Marcos na ang idinadahilan ay tinuturuan daw ang mga tao, lalo na ang mga kabataan, upang magrebelde.

Robot na bakal ang bidang Voltes V. Ito’y pinagdugtong-dugtong na sasakyang panghimpapawid ng limang katao, na pag nag-volt-in ay magiging malaking robot, si Voltes V. Ang lima ay sina Steve Armstrong, Big Bert, Little John, Mark Gordon at ang nag-iisang babae na si Jamie Robinson. Ang layunin nila’y depensahan ang sangkatauhan laban sa mga pwersa ng mananakop, sa pangunguna ng may sungay na si Prince Zardos, at ang kanyang mga beast fighters. Ang panlaban ni Voltes V ay ang ultramagnetic top, chain knuckle, gatling missiles, flamethrower, voltes bazooka, ultramagnetic whip, at ang laser sword, na hinihiwa ang katawan ng mga kalaban nilang robot at halimaw o beast fighters sa pormang V. Uso pa noon ang larong tex na Voltes V.

Mahirap kalimutan ang Voltes V na kung tutuusin ay di lang pambata, kundi pang-aktibista. Umukit ito sa pananaw at pagkatao ng isang henerasyon. Iba-iba lang marahil kami ng interpretasyon, ngunit nagkakaisang natalo ng Voltes V Generation, kasama ang iba pang magigiting na Pinoy, ang diktadurya ni Marcos. Nakabalik muli sa telebisyon ang Voltes V noong 1986 nang bumagsak na si Marcos. Maraming mga konsepto sa Voltes V na hanggang ngayon ay maaari pa ring magamit sa pakikibaka upang ipanalo ang laban, lalo na ang palasak na "Let's volt in!"

Ang kasaysayan ng Voltes V ay tulad din ng kasaysayan ng Katipunan. Sinakop ng Boazanian empire ang buong mundo sa pamamagitan ng kanilang hukbong "beast fighters". Sinakop ng iba't ibang imperyo ang Pilipinas. Tulad ng pagsakop at pagsasamantala ng mga Kastila gamit ang kanilang espada at krus para masakop ang bansa. Tulad ng pagsakop at pagsasamantala ng mga Amerikano gamit ang kanilang konsepto ng demokrasya at wika. Tulad ng pagsakop at pagsasamantala ng mga Hapon gamit ang kanilang teknolohiya. Tulad ng pagbaba ng batas-militar na lumigalig sa sambayanan.

Ang Voltes V ang samahan ng mga rebolusyonaryong nagkakaisang ibagsak ang mga mananakop. Nuong panahon ng mga Kastila, nag-volt in ang mga manggagawa't magsasaka upang buuin ang Katipunan, at ilang taon lamang mula nang sila ay itatag at tuluy-tuloy na nakibaka, ay lumaya ang Pilipinas sa pangil ng mga Kastila.

Nuong panahon ng mga Amerikano, nag-volt in ang mga natirang rebolusyonaryo ng Katipunan, tulad ng pinamunuan nina Macario Sakay, Santiago Alvarez, Miguel Malvar, pati na ang mga tauhan ni Heneral Lucban ng Balangiga, Samar upang durugin ang mga tropang Amerikano, ngunit mas matinding makinarya ang ginamit ng ala-Boazanian empire na Amerika upang gapiin ang mga Pilipino.

Nuong panahon ng mga Hapon, nag-volt in ang mga manggagawa't magsasaka sa pamamagitan ng Hukbong Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) o mas kilala bilang Huk, upang labanan at durugin ang mga tropa ng Hapon.

Nuong panahon ni Marcos, tinanggal ang palabas na Voltes V dahil nag-aakala si Marcos na naoorganisa na kaming mga kabataan upang maging malay laban sa diktadurya, na kung kaming mga kabataan ang mag-volt in ay ikababagsak ng kanyang paghahari. Sa isip yata niya, ang let’s volt-in ay let’s revolt. Magkasintunog kasi.

Dahil matindi ang aral na inukit ng Voltes V sa aming kamalayan bilang Pilipino, bilang kabataan, marami sa mga kabataang bahagi ng Voltes V Generation ang naging bahagi ng pagpapabagsak ng diktadurya ni Prince Zardos ng planetang Boazan. At tuluyang pagbagsak ng Boazanian empire, oo, ang pagbagsak ng diktadurya ni Marcos. Katunayan, nakasama ako ng tatay ko at ng mga kasamahan niya nang mamigay sila ng pagkain nuong pag-aalsa sa Edsa nung 1986. Doon na kami nagkita-kita ng mga kababata ko.

Ang panawagang "Let's volt in" ay katulad din ng konsepto ng kolektibismo. Sama-sama, walang iwanan ang mga magkakasama. Kolektibong kumikilos, may iisang direksyon, upang gapiin ang kalaban. Ganito ang konsepto ng mga aktibista. Pag nagsama-sama sila sa pakikibaka, tinitiyak nilang kolektibo silang kumikilos, marangal at prinsipyado, at unawa nila ang direksyon ng kanilang pakikibaka, nang sa gayon ay matiyak ang tagumpay nila sa laban.

Pamilyar ako sa salitang “curfew” noon, ngunit di sa kalupitan ng martial law. Nakatutuwang gunitain na hindi pa dahil sa martial law, kundi dahil tinanggal ni Marcos ang paborito naming Voltes V, kaya namulat kami sa kalagayan ng bayan.