Miyerkules, Agosto 29, 2012

Ang Maralitang Lungsod sa Green SONA 2012

ANG MARALITANG LUNGSOD SA GREEN SONA 2012
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga naimbitahan upang maging tagapagsalita sa Green SONA (State of the Nature Assessment) nitong Agosto 28, 2012 sa Environmental Studies Institute (ESI) sa Miriam College sa Katipunan sa Lungsod Quezon. Ito ang taun-taong ginagawa ng iba't ibang grupong makakalikasan bilang pantapat sa SONA ng Pangulo ng Pilipinas. 

Batay sa programa, ang palatuntunan ay magsisimula ng ikawalo ng umaga hanggang ikalawa ng hapon. Tulad ng iba pang mga palatuntunang nakagisnan ko, isang oras ang rehistrasyon, at magsisimula ito sa ganap na ikasiyam ng umaga. Tama naman ito, lalo na't sa atin, laging huli ang mga Pinoy sa mga tipanan, kaya naging palasak ang katawagang Filipino time, o huli lagi sa usapan. Gayunpaman, nagsimula ang palatuntunan ng tama sa oras. 

Nakarating ako sa ESI bandang ikawalo ng umaga. Marami-rami na ring tao doon, pumirma sa attendance sheet, naghanap ng mauupuan, paghahanda ng mga weyter, inayos ang LCD projector para sa powerpoint presentation, anupa't tama lamang ang isang oras na rehistrasyon at ang imbitasyong dumating ng ikawalo ng umaga. Pinamahagi rin ang tatlong pahinang palatuntunan, kung saan nakalagay ang oras at sino ang magsasalita para sa araw na iyon. Sa unang bahagi ng Green SONA 2012 na pinamagatang Sectoral Assessment from the Grassroots, limang sektor ang magsasalita, mula sa magsasaka, mula sa mangingisda, mula sa lumad o katutubo, mula sa maralita, at mula sa kababaihan. Naroon ang pangalan ko para magsalita hinggil sa urban poor, bagamat hindi nakalagay ang organisasyon ko ng maralita, kundi ang samahang pangkalikasang kinaaaniban ko. Iyon marahil ay dahil hindi ko nasabi ng maaga sa kanila ang organisasyon ko ng maralita. Sa ilalim ng aking pangalan ay nakasulat ang Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan (SALIKA), at ipinadagdag ko sa emcee ang Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), na pareho niyang sinabi ng ako'y kanyang tinawag. (Ang orihinal na pangalan ng SALIKA ay Saniblakas ng Inang Kalikasan, at kailan lamang napalitan ito ng Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan.) Sa SALIKA ay tumatayo akong bise-presidente nito habang sa KPML naman, lalo na sa tsapter nito sa NCRR (National Capital Region-Rizal) ay isa akong edukador, mananaliksik, dyarista, at manunulat.

Sinulat ko ang aking sasabihin bago pa maganap ang bagyong Gener ng Agosto 3 at ang Habagat ng Agosto 7 na araw sana na magaganap ang Green SONA 2012, ngunit ipinagpaliban dahil sa naganap na malakas na ulan at mga pagbaha. Pinamagatan ko ang talumpati ng "Kalagayan ng Maralita at ng Kalikasan" na habang ako'y naroon bago magsalita ay ineedit ko at dinadagdagan. Ang orihinal kasing pang-Agosto 7 ang aking nadala at hindi ko nadagdagan kaya pinilit kong idagdag ang mga nararapat. Narito ang aking talumpati:

"Isang makakalikasang araw po sa ating lahat.

Ang mga maralita ng lungsod ang isa sa pangunahing tinatamaan ng malalang epekto ng pagbabago ng klima at laging sinisisi sa mga pagbaha. Winasak ng iba't ibang kalamidad, tulad ng pagbagyo at pagbaha, ang buhay at tahanan ng mga maralita. Nariyan ang labing-isang (11) evacuation centers sa Navotas, na mga dating basketball court, na idinulot ng bagyong Pedring nuong Setyembre 2011. Mag-iisang taon na sila doon, at tila hindi nagagawan ng lokal na pamahalaang lungsod na masolusyunan ang problemang ito. At nadagdagan pa ang mga nasalanta sa paghagupit naman ng bagyong Gener, at nitong Habagat. Lumubog ang maraming lugar ng maralita, tulad sa Baseco at R10 sa Maynila, Santolan sa Pasig, Banaba sa San Mateo, Potrero sa Malabon, Muntinlupa, at iba pa. (Sa mga lugar na nabanggit ay maraming kasapian ng KPML.)

Matapos ang Habagat, may banta sa maralita na pasasabugin ang mga bahay nito upang umalis sa danger zone. (Ayon sa Phil. Star, 195,000 families in danger zones face relocation, August 14, 2012, p.6) Saan ililipat? Sa death zone? Ang sapilitang pagpapaalis sa maralita ay terorismo, kung paanong ang demolisyon ay terorismo. At para sa maralita, ang terorismo'y dapat labanan. Uulan bang muli ng mga bato? Ayaw namin ng demolisyon, nais namin ay maayos at ligtas na pabahay, na malapit sa hanapbuhay at maayos na serbisyong panlipunan. Hindi tumatanggi ang maralita na mailipat sa tamang lugar, ngunit dapat ay hindi sapilitan, kundi sa makataong paraan at merong sapat na hanapbuhay at serbisyo sa paglilipatan.

Ang kalikasan at ang pabahay ng maralita ay dapat mahigpit na magkaugnay. Hindi dapat nakatira sa mga danger zones ang mga maralita. Gayundin naman, hindi sila dapat itapon sa death zone, kung saan itinataboy silang parang mga daga sa malalayong lugar na malayo sa kanilang hanapbuhay. Dapat sa bawat usapin ng maralita sa pabahay, ay dapat pag-usapan lagi ang tatlong usapin ng pabahay, hanapbuhay at serbisyo, dahil isa lang sa tatlong ito ang mawala ay tiyak na problema sa maralita. Karaniwan, ang mga maralita'y tinatanggal mula sa danger zone patungong death zone, kung saan ang mga relokasyon ay yaong mga binabaha, nasa pagitan ng mga bundok, at mga relokasyong mistulang catch basin.

Alam na ng maraming maralita na hindi dapat magsunog ng basura dahil ito'y nagdudulot ng sakit. Alam na rin ng maraming maralita kung paano pagbukudin ang nabubulok at di nabubulok. Ngunit dapat pang matutunan ng maralita, sa tulong ng iba't ibang organisasyong makakalikasan, ang hinggil sa mitigasyon (pagbabawas) at adaptasyon (pag-aangkop) sa usaping climate change, ano ang climate justice, paano ang tamang disenyo ng pabahay na abot-kaya ng maralita at ligtas sa kanilang pamumuhay. Dapat patatagin pa ang pagtangan sa karapatan sa paninirahan ng bawat tao. Dapat ito'y ligtas, may ligal na seguridad sa paninirahan, at abot-kaya ng maralita. Mungkahi namin ay batay sa kakayanan ng maralita, at hindi sa market value. Kung maaari ay 10% ng kanilang kinikita bawat buwan sa loob ng isang takdang panahon. 

Hinggil sa pagkalubog ng Marikina, dapat ding suriin ang pagsusuri ng maraming maralita na sa pagkakatayo ng SM Marikina ay lumiit ang waterways o espasyo o daanan ng tubig sa ilog. Kung noon ay maraming tubig ang kaya ng ilog, dahil kumipot na ito, ang tubig ay napupunta na sa mga kabahayan na nagpapalubog sa lungsod ng Marikina. Ngunit sino ba ang kayang sumisi sa SM ni Henry Sy? Ang maralita ang kayang sisihin, at sinisising lagi, ngunit ang SM ni Henry Sy ay hindi.

Panghuli, matagal na ang tatlong buwan para sa evacuation centers, ngunit sa kaso ng mga labing-isang evacuation center sa Navotas, mag-iisang taon na sila doon. Dapat nang mabigyan ng nararapat na relokasyon ang mga maralitang naroon sa lalong madaling panahon, para sa kaligtasan at kinabukasan ng kanilang pamilya at mga anak. 

Muli, mula sa SALIKA at sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) - National Capital Region-Rizal (NCRR) Chapter, patuloy po tayong mag-ugnayan, magtulungan at magkaisa para sa kapakanan ng ating kalikasan at karapatang pantao. Mabuhay po tayong lahat."

Bago ang palatuntunan, may kumausap sa aking ang isa ay mula sa PAKISAMA, na isang samahan ng magsasaka. Sampung taon na raw siyang wala sa urban poor, at dati siyang nasa UPA (Urban Poor Alliance). Nag-usap kami. Hanggang sa magsimula ang palatuntunan. Habang nagsasalita ang ibang sektor, kinalabit ako ng isa pang mula sa urban poor, na taga-UPA din, at hiniling niyang maipalabas ang kanilang video. Ayos, sabi ko. Kaya sinabi ko sa emcee na nais nilang magpalabas ng video, ngunit hindi pumayag ang emcee dahil gagahulin daw sa oras. Hindi sila nakapagsalita. Nag-usap na lang kami matapos ang palatuntunan.

Sa talumpati ng mga reactor, idiniin ng taga-DENR (Department of Environment and Natural Resources) na tama ang sinabi ng tagapagsalita ng urban poor (ako iyon) na dapat hindi sapilitan, kundi dapat talagang mag-usap at ayusin ang maraming bagay, lalo na ang ipinagdiinan kong dapat dapat laging magkakasama sa anumang negosasyon at plano ng pamahalaan ang tatlong magkakaugnay na usapin ng pabahay, hanapbuhay at serbisyo. Inulit din niya ito sa malayang talakayan (open forum) nang magtanong ang marami sa pamamagitan ng sulat. Lahat kasi ng mga tanong ay pinasulat na ng emcee at siya na ang nagbasa ng mga iyon.

Nang matapos ang palatuntunan, lahat ng mga naging tagapagsalita ay binigyan ng token o regalo. Ang natanggap ko'y isang librong marahil ay nagkakahalaga ng mahigit isang libong piso, at isang puting tisert na may nakatatak na Green Convergence. Ang aklat, na may 322 pahina, ay pinamagatang Philippine Native Trees 101: Up Close and Personal. Makapal ang bawat pahina at makulay dahil bawat pahina'y may litrato ng mga puno. Habang binabasa ko ito ay nakita ko ang punong kalumpit na pag umuuwi ako sa bayan ng tatay ko sa Batangas ay marami. Puno rin pala ang Kalantas, na pangalan ng isang nayon sa Batangas, na ayon sa kwento ng ilang pinsan ko ay parang munting Tondo. Nang makita ko ang punong Betis, agad kong naalala ang isang lugar sa may Pampanga na maraming may apelyidong Bituin. At nakita ko na ang nagsulat ng artikulo hinggil sa Punong Betis ay isang Myrna M. Bituin, na marahil ay malayo kong kamag-anak.

Marahil masusundan na ang tula ko hinggil sa bunga ng kalumpit na lagi kong hinahanap sa aking mga pinsan. Naisip kong gawan ng tula at maikling kwento ang mga punong ito, at marahil isang libro ng mga tula't kwento ang aking magagawa balang araw hinggil sa mga puno at gubat sa ating bayan. Ito ang nadagdag sa aking mga adhikang dapat kong maisulat. Maraming salamat at nabigyan ako ng librong ito, na kung di ako nakadalo doon ay isang malaking bahagi ng buhay ko ang nawala. Isang kayamanan na ang aklat na iyon para sa tulad kong manunulat at sa marami pang henerasyon sa hinaharap.

Anupa't isang magandang karanasan ang pagpunta ko ng araw na iyon sa Green SONA 2012, dahil marami akong natutunan, at naiparating ko sa isang kinatawan ng pamahalaan na hindi dapat pwersahin ang mga maralitang umalis basta sa danger zone para ilipat sa death zone. Ang pag-ulit niyang hindi dapat sapilitan ay malinaw na kahit papaano'y maaaring hindi na muling umulan ng bato sa demolisyon, dahil nagkaroon ng maayos na pag-uusap ang mga maralita at ang pamahalaan. Bagamat di ito dapat asahan ng maralita, kundi patuloy silang maging mapagmatyag at maghanda pa rin sa anumang mangyayari.

sa tanggapan ng KPML, Lungsod ng Navotas
Agosto 29, 2012

Sabado, Hulyo 14, 2012

Unang Sipat sa Sariling Maikling Kwento

UNANG SIPAT SA SARILING MAIKLING KWENTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Una kong nagawang maikling kwento ang “Sa Iyo ang Batas, Sa Akin ang Katarungan” na nalathala noong 1997 sa aming publikasyong The Featinean, ang opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng FEATI University. Limang taon pa bago ako muling nakasulat ng maikling kwento. Marahil, talagang di iyon ang aking porte. Mas pulos mga sanaysay at balita ang aking naisulat noon sa The Featinean, bukod pa sa pitong kolum ko noong ako’y maging features and literary editor nito.

Tsamba, ika nga, kung bakit ang una kong tangkang gumawa ng maikling kwento ay nalathala agad. Marahil, dahil kaibigan ko ang lahat ng mga editor, at di naman ako masamang tinapay sa aming mga adviser. At kung babalikan ko naman ang aking unang kwento, may kwento naman talaga. Iyon nga lang, mapupuna na parang nanood ako ng mga maaksyong pelikula nina Fernando Poe Jr. at Philip Salvador, dahil parang kumbinasyon ito ng mga diyalogong tumatak na sa utak ko. Ngunit di ko naman talaga ginaya, dahil yung balangkas ng istorya ay talagang pinag-isipan ko para lumapat naman ang mga diyalogo.

Ang sumunod kong maikling kwento’y pinamagatang “Ang Ugat ng Kahirapan” na nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, na siyang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML).

Nasa pahayagang Obrero na ako nang makapagsimula muling magsulat ng maikling kwento. Noong 2003 ako nagsimula sa Obrero ngunit noong 2007 lamang ako muling nakasulat ng maikling kwento. Ang pamagat ng kwento ay “Ang Huling Liham ni Che”. Nangyari ang kwento sa loob ng barberya, at tinalakay ang isang sulatin ni Che Guevara.

Nakakita ako minsan ng librong gabay sa maikling kwento sa National Bookstore, ngunit hindi ko iyon nabili dahil nagkataong wala akong sapat na pera nang mga panahong iyon. Nang magkapera naman ako, hindi ko na makita ang librong iyon, magpalipat-lipat man ako ng sangay ng National Bookstore. Sayang, sabi ko sa sarili. Baka may mapulot akong aral para makapagsimula muli ng maikling kwento.

Bandang 2006 nang mahanap ko sa internet na may librong gabay sa maikling kwento na ibinebenta ng isang independent publisher. Nakontak ko siya sa pamamagitan ng email. Pinapunta naman niya ako sa isang address sa Malate, Maynila. Bahay pala iyon ng publisher na si Ginoong Danilo S. Meneses, ng Dandelion Strategic Marketing. Naroon at nakatambak ang librong “Gabay sa Pagsulat ng Maikling Kwento” ni Reynaldo A. Duque, na dating punong-patnugot ng magasing Liwayway. Bumili ako ng isang aklat kay Ginoong Meneses, dahil isa lang naman ang kailangan ko, ngunit binigyan niya ako ng tatlo. Ang dalawa’y iniregalo ko sa dalawa kong kaibigan, kina Ramon B. Miranda, na isang makata, manunulat at guro ng Pilipino sa Arellano High School, at Pia Montalban na isang babaeng makata’t manunulat, noong magdiwang siya ng kanyang kaarawan. Ang isa’y nasa akin at lagi kong binabasa.

May mga kwento akong isinulat na alanganing kwento at alanganing sanaysay, tulad ng akdang “Pagkamulat” dahil kwento ito ngunit walang inimbentong karakter na nag-uusap, basta’t ito’y pagsasalaysay lamang ng ilang pangyayari. Ang “Pagkamulat” ay kwento ng aking sarili, kung paano akong napunta sa isang mundong kinalalagyan ko ngayon. Marahil mas angkop na tawagin ang akdang ito ng sanaysay, imbes na kwentong may banghay, at mga tauhan. Nalathala ito sa ikalimang serye ng librong Tinig na ang editor ay si Mr. Meneses.

Ang maikling kwentong “Anino ni Macario Sakay” ay isinulat ko bilang lakip sa aklat na “Macario Sakay: Bayani” bilang handog sa sentenaryo ng kamatayan ni Macario Sakay. Inilunsad ang aklat na ito sa UP Manila sa mismong araw ng sentenaryo.

Nasulat ko ang kwentong “Huling Gabi ni Itay” at nalathala sa antolohiyang “Maso: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa” Ikalawang Aklat, noong Disyembre 2007, at ang sumunod ay ang “Salamisim sa Dalawang Bayani” sa ikatlong aklat ng MASO na nalathala noong Disyembre 2008.

Taon 2011 na nang makilala ko ang mga manunulat na bumubuo ng Mga Agos sa Disyerto, bagamat may mga koleksyon na ako ng mga tula ng ilan sa kanila. Ang aklat na “Pagsalunga: Piniling Kwento at Sanaysay” ni Rogelio Sicat ay nabili ko noong Setyembre 15, 2008 sa 29th Manila International Book Fair na ginanap sa SMX Convention Center sa Mall of Asia sa Pasay. Ang aklat na “Saan Papunta ang mga Putok?” ni Rogelio Ordoñez ay nabili ko noong Disyembre 9, 2008 sa UP Press Bookstore, at naglalaman ito ng anim na maikling kwento, bukod pa sa kanyang mga sanaysay at tula. Ang aklat na “Sa Aking Panahon: 13 Piling Katha (at Isa Pa!)” ni Edgardo M. Reyes ay ibinigay naman sa akin ng isang lider-manggagawa noong bandang Agosto 2011, kasabay ng isang kopya ng librong “Mga Agos sa Disyerto”. Ginawan ko naman ng book review ang librong ito sa pamamagitan ng artikulong “Mga Agos sa Disyerto: Isang Pagsusuri” na nalathala sa magasing “Ang Masa” noong Nobyembre 2011.

Ang magasing “Ang Masa” ay nagsimula noong Setyembre 2011. Dalawang maikling kwento ko ang nalathala rito. Ang “Urong-Sulong” na hinggil sa dalawang welgistang naglalaro ng chess, at ang “Ang Apat na Sikreto ng Sahod” na hinggil naman sa mga kabataang estudyanteng nakipagtalakayan sa mga welgista sa piketlayn nito. Ang huli kong naisulat na maikling kwento ay may pamagat na “Ang Dalaga sa Bilibid Viejo” na nailathala ko lamang sa aking blog, at di pa nalalathala sa anumang magasin, pahayagan o aklat. Ang bida sa kwentong ito’y isang babaeng aktibista na hinoldap ng isang sanggano, na sa bandang huli’y nakilala niya’t napasama niya sa isang rali.

Marami akong natutunan sa aklat na “Gabay sa Pagsulat ng Maikling Kwento” ni Duque, na siya namang ginagamit ko upang mag-eksperimento ng iba’t ibang kwento, mga kwentong hanggang ngayon ay nananatiling burador dahil di ko pa makapa kung paano tatapusin. Ang iba’y burador na naisulat lamang ang tingin ko’y panggitna, ngunit wala pang umpisa at iniisip ko pa kung paano ang wakas.

Maganda ring basahin ang mga naging karanasan ng Mga Agos sa Disyerto na tinalakay ni Edgardo M. Reyes sa kanyang “Sa Aking Panahon”, na sa pambungad ng kanyang bawat maikling kwento ay isinasalaysay muna niya ang iba’t ibang kaganapan habang isinusulat ang kwento. Marami din tayong matututunan sa mga sanaysay ni Rogelio Sikat, tulad ng “Tata Selo: Paliwanag ng Awtor sa Teksto” at ang “Bukal at Disenyo sa akdang ‘Sa Lupa ng Sariling Bayan’ ”.

Anupa’t napakahalaga ng mga ito upang ukitin sa diwa ng isang nais magsulat ng kwento ang mga aral at gabay sa pagsusulat ng maikling kwento, at estilo ng manunulat, bagamat dapat hanapin natin ang sarili nating estilo. Kapag nakakapagsulat na tayo ng maikling kwento, maaari na tayong gumawa ng mas mahaba-habang kwento, hanggang sa ito’y maging isang nobela. Ito ang puntirya kong gawin sa mga susunod na panahon, at sana’y makagawa ako ng nobela, kahit isa lamang, sa aking buhay.

Martes, Hunyo 19, 2012

Ang Aklat ng Pagsasalin

ANG AKLAT NG PAGSASALIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang mapagpalayang araw itong nakaraang Hunyo 16 para sa akin. Dahil nagkaroon ako ng libro hinggil sa pagsasalin (translation) na sinulat mismo ng mga Pilipino at nakasulat sa sariling wika. Noong Hunyo 11, inanunsyo ng aking kaibigang manunulat na si Beverly Siy sa grupong Panitikan sa facebook na may Book for Sale sa Chef's Bistro, na nagkakahalaga lang ng P35 isa, agad kong nakita ang kailangan kong aklat. Nilathala niya sa FB ang iba't ibang pamagat ng mga aklat at nakadikit ang presyong P35. 

Unang-una sa talaan ay nakasulat: P35.00 patnubay sa pagsasalin, virgilio almario, teo antonio, mario miclat, etc. Ito lang ang napili ko sa talaan, kaya nagpadala agad ako ng mensahe sa kanya na gusto kong mabili ang libro. Syempre, hard-to-find book iyon. Bihira sa mga bookstores.

Si Beverly Siy, o Bebang sa kanyang mga kaibigan, ay isang magaling na manunulat at makata. Katunayan, ang kanyang huling libro, ang "It's a Men's World" kung baga sa pelikula, ay patok sa takilya. Best-seller ito, ika nga. Isa siya sa pasimuno ng Book for Sale na iyon, at ang kikitain sa aktibidad na iyon ay para kay Ava, isang kapwa manunulat na nangangailangan ng suportang pinansya para sa kanyang pagpapagamot. Di ko kilala si Ava ngunit ang makatulong sa kapwa manunulat sa oras ng pangangailangan nito ay mahalaga at napakalaking bagay na.

Hunyo 16 ng katanghaliang tapat, mga bandang alas-dose y media, nang makarating ako sa Chef's Bistro, na nasa Sct. Gandia, malapit sa Tomas Morato sa Lungsod Quezon.  Marahil dahil oras ng pananghalian iyon. Nagkita kami ni Bebang at siya pala ang tumatao sa isang booth ng book for sale. May apat pang may paninda ring libro.Kaunti lang ang tao, hindi nga siksikan. Agad kong nilapitan si Bebang at hinanap ang libro. Sabi niyang nakangiti, bumili muna ako ng libro sa ibang booth, kaya nilapitan ko muna yung ibang booth at naghanap. Napili ko ang librong Sudoku, P35, at isang college workbook sa algebra, P5 lang. Saka ako nagbalik kay Bebang at binayaran ang libro. Kaya sa kabuuan, nalagasan ako ng P75 ngunit sulit naman. Pagkabili ko ng mga aklat, agad kong pinuntahan ang nakaiskedyul kong pagdalo sa isang talakayan, mula ikalawa hanggang ikalima ng hapon. Dahil sa trapik at malakas na ulan, nakarating ako sa tinutuluyan ko ng bandang ikapito ng gabi. Agad kong binuklat ang aklat at binasa.

Ang aklat na ito'y may pamagat na "Patnubay sa Pagsasalin", at sa bandang itaas nito ay nakasulat ang "Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining" o sa wikang Ingles ay National Commission for Culture and the Arts. (NCCA). Sa gawing kanan, ibabang bahagi ay nakasulat ang mga pangalan ng sampung may-akda: Virgilio S. Almario, Teo T. Antonio, Aurora E. Batnag, Paz M. Belvez, Pamfilo D. Catacataca, Andres Cristobal Cruz, Clemencia C. Espiritu, Teresita F. Fortunato, Maria Victoria A. Gugol, at Mario I. Miclat. May 174 pahina ang buong pagtalakay hinggil sa pagsasalin, may anim na kabanata, talasanggunian, at dalawang apendiks.

Masarap basahin ang anim na kabanata dahil magaan ang pagkakasulat sa sariling wika. Ang anim na kabanata'y ang mga sumusunod: 1. Kasaysayan ng Pagsasalin; 2. Mga Simulain at Pagsasalin; 3. Kaalamang Pangwika; 4. Paghahanda sa Pagsasalin; 5. Aktuwal na Pagsasalin; at 6. Ebalwasyon ng Pagsasalin. Malaking tulong sa akin ang aklat, lalo na sa aking gawaing pagsasalin.

Noong taon 2007 ay nakapaglathala ako ng dalawang libro ng pagsasalin hinggil sa mga sulatin ng rebolusyonaryong si Che Guevara. Wala akong nabasang gabay sa pagsasalin nang magsimula ako sa gawaing ito, maliban sa isang diksyunaryo - ang makapal na librong English-Tagalog dictionary ni Fr. Leo James English na nabili ko ng ilang taon na. Bandang 2010 ay nawala na lang ang diksyunaryong ito sa aking lalagyan at walang makapagsabi kung nasaan ito o kung sinong humiram. May kumuhang hindi nagpaalam at hindi na ito naibalik sa akin. Gayunpaman, patuloy pa rin ako sa gawaing pagsasalin.

Gumawa na rin ako ng sariling blog sa internet ng mga naisalin kong artikulo nina Marx, Engels, Lenin, Ka Popoy, at iba pa. May iba't ibang organisasyon din ang kinokontak ako para maisalin mula sa wikang Ingles ang kanilang ilang dokumento upang mas maunawaan ito ng mga kasapi nilang masang maralita. Kahit press statement, press release at mga polyeto sa rali, pero mas ginagamit ko na sa mga polyeto ang paraan ko ng pagsusulat, imbes na eksaktong pagsasalin ng akda.

Sa isa ngang pambansang samahan ng maralita kung saan boluntaryo akong tumutulong sa gawaing impormasyon at pahayagan, pag nagbigay ka ng Ingles na babasahin, sasabihin pa sa akin ng mga lider-maralita, "Paki-Tagalog mo naman ito." Pati na ang counter-thesis ni Ka Popoy Lagman ay naisalin ko na rin sa wikang Filipino. Nasimulan ko na ring isalin sa wikang Filipino ang "The Housing Question" ni Friedrich Engels dahil kahilingan ito ng ilang lider-maralita. Ang unang limang kabanata ng Sining ng Digma ni Sun Tzu ay naisalin ko na rin.

May isinasalin din akong dalawang klasikong libro ng mga kilalang manunulat, ang isa rito ay nagkamit ng Nobel Prize for Literature. Kaya kinausap ko si Bebang na may isinasalin akong dalawang aklat, ngunit hindi ko sinabi sa kanya kung ano eksakto ang mga iyon. Kaya pinayuhan niya ako. Magpaalam muna ako sa awtor ng isasalin kong aklat, o kung klasiko naman, pwede namang isalin ito. At para makatiyak ako, pinasapi niya ako sa Filipinas Copyright Licensing Society, Inc. (FILCOLS), at agad naman akong pumirma.

Palagay ko naman, may karapatan akong pumirma at maging kasapi. Dahil bukod sa itinayo ko at pinamamahalaang Aklatang Obrero Publishing Collective, nakapaglathala na ako ng mga aklat ko ng mga tula, kwento at sanaysay, tulad ng Fire in the Pen, Asin sa Sugat, Mga Sugat sa Kalamnan, at Tula.45, Markang Putik, at Taludtod at Makina. Nailathala ko na rin ang mga sulatin ng maraming kasama sa pakikibaka, tulad ng tatlong aklat ng sulatin ni Ka Popoy Lagman, na dati kong boss sa kilusang sosyalista, isang libro ng mga kasama hinggil sa kanya, at anim na libro ng katipunan ng panitikan ng mga kasama sa kilusang sosyalista.

Kaya ang aklat ng pagsasalin na aking nabili sa murang halagang P35 lamang ay napakamahal na sa akin, hindi dahil sa presyo kundi sa halaga nito sa aking gawain, upang mas magkaroon pa ako ng mas malalim na pag-unawa sa gawaing pagsasalin. Kaya maraming salamat, kaibigang Bebang, dahil talagang malaking tulong sa akin ang nasabing aklat.

Martes, Hunyo 12, 2012

Ang Kampanyang Anti-GMO ng CRSF

ANG KAMPANYANG ANTI-GMO NG CRSF
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Masarap sa pakiramdam na nakadalo ako ng dalawang araw na pulong ng mga anti-GMO advocates na CRSF (Consumer Rights for Safe Food) noong Hunyo 7 at 9, 2012 sa Miriam College sa Katipunan Avenue, Quezon City. 

Sa pagtatapos ng matagumpay na talakayan sa Kamayan Edsa noong Mayo 18, 2012, inanyayahan ng grupong Green Convergence ang mga dumalo roon na daluhan ang pulong-talakayan ng CRSF hinggil sa GMO (genetically modified organisms) sa darating na Hunyo 7, 2012, araw ng Huwebes sa ganap na ikalawa hanggang ikaapat at kalahati ng hapon sa Miriam College. Sa pangalan pa lang ng CRSF ay atin nang mababatid kung ano ang layunin ng samahang ito - ang ipagtanggol ang karapatan ng bawat tao para sa ligtas na pagkain. Tuwing unang Huwebes ng bawat buwan umano'y may talakayan ang CRSF sa lugar na iyon.

Hunyo 7, 2012

Isa ako sa mga nakadalo sa patawag na iyon. Gayunman, nahuli ako ng dating. Nakapagsimula na sila, ngunit naabutan ko pa rin ang presentasyon sa powerpoint ni Dr. Nina Galang, isang guro sa Miriam at pangulo ng Green Convergence.

Nagtala rin ako ng ilang detalye hinggil sa paksa, tulad ng mga sumusunod:
- excessive use of herbicides have resulted in superweeds
- threats to trade: produces, such as papaya, may be rejected by countries which have strict laws on GMO
- because of IPR agreements, 4-5 multinational companies will control the food of the world
- most widely planted GMOs: soya, mais, canola
- in US - 55 million hectares
- in Argentina - 18 million hectares
- in Brazil - million hectares
- in Canada - million hectares
- how do GMOs get into our food: (a) processed food; (b) imported raw products, e.g. soya seeds, extracted flour, oil or syrup; (c) seeds for planting; (d) chicken, pigs and cows are fed GMOs; (e) genetic modification of our own corn crops
- and now Bt talong! - for direct human consumption if the proponents succeed

Ito ang isa sa pinakamatingkad na isyu:
- until now, there's no popular / active anti-GMO campaign group

Napag-alaman ko rin na ang mismong gumagawa ng mga GE crops (o mga binhi't tanim na may GMO, o genetically engineered) ang siya ring gumagawa ng mga kemikal. Ibig sabihin, kopo na nila ang kalakalan - tagagawa na ng GE crops, tagagawa pa ng mga kemikal na gagamitin sa GE crops, kaya tubong-tubo sila sa kanilang pinuhunan.

May isang nagtanong: Paano daw tayo nakakasigurado na hindi ligtas ang GMO. Ang sagot ni Dr. Galang: In case of water, if one scientist say it is safe and other scientist said it is not safe, will you drink it?

At isinulat ko sa aking kwaderno ang ilang mahahalagang punto:
- precautionary principle - if one product is not safe, then don't promote it as safe
- "tap water is safe", "tap water is not safe", "bottled water is safe" - saan nanggagaling ang mga scientist
- there's money for research in papaya, tomato, GMO, but there's no research on organic fruits
- it depends who funds the research
- those who say safe are from industries
- those who say not safe are formerly from industry but get out of it because they cannot stomach it
- there's a biosafety law

Ayon pa sa mga kasama ko sa pulong na iyon, dapat mag-file ng Writ of Kalikasan sa Korte Suprema upang mapigil ang eksperimentasyon ng Bt talong. At sabi pa ng isang kasama roon, "Consumers of the Philippines, of the world, unite!" Idinagdag pa nila, "Let us demand: 
- Transparency
- Access to information on scientific studies
- Our right to choose
- Safe food"

May mga bansa at probinsya na ring tinanggihan ang pagtatanim ng GM crops, tulad ng England, Germany, Italy, Austria, Liechenstein, at Japan. At sa mga probinsya naman ay nasa Pilipinas: ang Negros, Bohol, Mindoro, Ifugao. Magandang patampukin ang pagtanggi ng kanila mismong lugar sa GMO, at ipakita sa taumbayan ang mga dokumento at kampanyang ginawa nila bilang pag-ayaw sa GMO at nang mas makapagbigay inspirasyon ito sa mga dumarami pang mamamayang ayaw sa GMO.

Isa sa mga dahilan kung bakit ayaw ko sa GMO ay ito. Nais nang kontrolin ng mga korporasyon ang pinanggagalingan ng pagkain ng tao. Bawat binhi ay may patent na, at sa mga korporasyong ito lamang dapat bumili. Bawal mag-ipon ang mga magsasaka ng mga binhing may GMO dahil makukulong sila. May IPR (intellectual property rights) na kasi ang mga binhing may GMO. Ang prinsipyong kung sino ang kumokontrol sa pinagkukunan ng pagkain ang siyang kumokontrol sa mundo ang siyang prinsipyong taglay ng mga korporasyong ito. Wala nang kalayaan ang mga magsasaka sa kanilang mga binhi, at wala na rin tayong kalayaang piliin ang mga pagkaing ligtas para sa atin at sa ating pamilya. Nais nang kontrolin ng mga korporasyong ito ang pinagkukunan ng pagkain ng sangkatauhan.

Dito pa lang ay makikita na natin ang pagkaganid ng mga promotor ng GMO. Kung talagang maganda ang layunin nila, bakit kailangan nilang lagyan ng patent o IPR ang mga binhi? Bakit hindi hayaan ang magsasaka na magtanim at mag-alaga ng sarili nitong binhi? Bakit kailangang bilhin sa mga korporasyon ang mga binhi? Sa layunin pa lang nila, hindi na maganda. Bakit ang "65% of the seeds of the world" ay kontrolado ng tatlong kumpanya, na ayon sa isang dumalo, ay ang Monsanto, Bayer, at Syngenta.

Sa isa pang paksa, ang "Orientation to Organic Food", tinalakay na ang mga organikong pagkain ay yaong mga gumagamit ng organikong pamamaraan sa pagsasaka, walang mga synthetic inputs at wala ring GMO. Nabanggit din ang RA 1068 o Organic Agriculture Act of 2010. Sa kasaysayan, nito lamang ikalawang hati ng ika-20 siglo nang maipakilala sa ating suplay ng pagkain ang mga bagong synthetic materials. Ang organic farming ay nagsimula bilang tugon sa industriyalisasyon ng agrikultura o yaong tinatawag na Green Revolution. Ayon pa sa talakayan, ang pataba ay ginagamit sa lupa at hindi sa tanim.

May nagmungkahing tingnan din namin sa YouTube yaong mga grocery store wars. May nagkomento rin na dahil sa matinding patalastas ng mga malalaking kumpanya ng pagkain, ayaw nang kumain ng gulay ng mga kabataan ngayon, dahil itinuturing itong provincial food. Mababa ang tingin umano ng mga kabataan ngayon sa mga kumakain ng gulay. Mali ito, pagkat sa mga gulay nakukuha ang karamihan ng mga bitamina at mineral na kailangan ng tao upang manatiling malakas ang kanilang pangangatawan.

Natatandaan ko, ilang taon na ang nakararaan ay nilikha ko ang isang tula hinggil sa GMO. "Dyenosidyo ng mga Binhi (Genocide of the Seeds)" ang pinamagat ko dito. Ilang beses ko na rin itong binasa sa Kamayan forum, at nalathala na rin ito sa isang aklat. At hanggang ngayon, hindi pa rin nagbabago ang paninindigan ko laban sa GMO.

Bago mag-uwian, pinatalastas din na mayroong pulong ang mga kasapi na ng CRSF para magplano ng mga hakbangin nito sa kampanya, at upang mas maipatagos pa sa taumbayan ang iba't ibang isyu kung bakit kailangan nating pangalagaan ang ating kinakain. Ito'y gaganapin sa lugar ding iyon sa Hunyo 9, 2012, araw ng Sabado, sa ganap na ikalawa hanggang ikalima ng hapon.

Nagpasiya akong dadalo sa araw na iyon. Ngunit bago iyon, nagdibuho ako sa kompyuter ng dalawang uri ng islogan para itatak sa t-shirt. Mga panawagan ito laban sa GMO at nakalagay ang pangalan ng CRSF sa ibaba. Sa unang disenyo ng t-shirt nakasulat sa bandang itaas ang "Ayoko sa GMO!" at sa ibaba naman ang buong pangalan ng CRSF at ang daglat nitong nakapanaklong. Sa gitna'y may malaking letrang GMO na nasa loob ng bilog, may linyang nakapahilis sa diyametro ng bilog na nakapaibabaw sa mga letrang GMO bilang tanda ng pagkaayaw sa GMO. Sa ikalawang disenyo ng t-shirt naman, nakasulat ang mga salitang "Fight for our right to safe food!" sa bandang itaas. At tulad ng naunang disenyo ng t-shirt ay ganuon din ang nakalagay sa gitna at sa ibaba. Kulay lunti ang nasa itaas, at kulay bughaw ang pangalan ng samahan. Magkaiba naman ng kulay ang nasa gitna ng t-shirt.

Hunyo 9, 2012

Dumating ako ng maaga sa lugar. Bandang ikalawa ng hapon ay naroon na ako. On-time, ika nga. Hanggang sa unti-unti na ring nagdatingan ang mga dadalo sa pulong. 

Nagsimula ang pulong bandang ikalawa't kalahati ng hapon. Nagpakilanlanan muna ang bawat isa. Ipinakilala rin ang pamunuan ng CRSF. Halos tatlong taon na rin pala ang CRSF mula nang ito'y itinatag noong 2009.  Inilatag din ang mga layunin ng CRSF:
- educate the consumer about health food
- provide the consumer with healthy food choices
- encourage organic farming
- lobby with the government to protect the consumers with laws specially labelling or banning GMOs.

Nagtanong ang tagapagdaloy (moderator) sa amin. Aniya, "Do the food we eat really matter?" na sinagot namin ng "Yes!" At ipinaliwanag ng tagapagdaloy na "food also affects behaviour", kung may cholesterol, ang epekto nito ay heart disease, kung sugar naman ay diabetes. Apektado tayo sa ating mga kinakain, lalo na yung may mga chemical additives, mga processed foods, at iba pa. Sa tanong na iyon, naalala ko tuloy ang mga alamat ng pagkain, tulad ng pinya na nagkaroon ng maraming mata dahil sa katamaran ni Pina. Magiging tamad nga ba ang kumakain ng pinya. Sa alamat naman ng ampalaya, ang isang maganda ngunit mapanlait na dalaga ay pinarusahan at naging kulubot at mapait na ampalaya. Ang mga alamat nga naman, pawang parusa ang pinanggalingan ng ating mga pagkain. May isinulat nga ako noon na artikulo hinggil sa mga alamat ng pagkain, na sinimulan ko sa palasak na kasabihang "You are what you eat."

Inilatag din ang CRSF activities para sa 2012-2013:
- Happy Food Projects
- GMO Food labeling and banning law
- Urban gardening / going vegetarian
- Promoting consumption of organic food
- Continuing education of members
- Networking with other groups
- Social media
- Fund raising
- Research and development of training and educational materials

May inilabas na rin palang Administrative Order ang Department of Education na "no to junk food".

May inihahanda ring isang Urban Gardening Book na Going Vegetarian. Ang mga nilalaman umano nito ay mga pananaliksik hinggil sa mga recipe, gamit pangmedikal, pangangalaga ng halaman, at mga isyu hinggil sa paano maging vegetarian, ang mga impact nito sa kapaligiran, at iba pa. Kailangang isulat ang mga ito sa paraan ng sanaysay (essay), i-layout, proofreading, at iba pa, upang maging ganap itong aklat.

Sa pagsasagawa naman ng tuluy-tuloy na pagbibigay ng edukasyon, may buwanang seminar hinggil sa GMOs at sa ligtas ng pagkain, may bi-annual membership safe food seminar, may mga field trip at farm visit din, at pamamahagi ng mga impormasyon sa email at facebook.

Nakikipag-ugnayan din ang CRSF sa iba't ibang grupo tulad ng No2GMO, Green Convergence, Organic Farmers, sa grupong internasyunal na Madge, at marami pang iba.

Naglatag ng manila paper sa dingding kung saan nakasulat sa bawat manila paper ang mga CRSF activities. Nagsulat ng mga mungkahi, pati na pangalan ng nag-volunteer na sasama't magiging aktibo sa proyektong iyon. Ang bawat isa'y nagsulat sa manila paper.

Sa aking bahagi, isinulat kong dapat magkaroon ng malaking aktibidad tuwing Oktubre 16 ng bawat taon, na siyang World Food Day, halimbawa'y forum at paglalabas ng CRSF ng press statements at letter-to-the-editors para sa araw na ito. Inihapag ko rin ang dinisenyo kong anti-GMO t-shirt bilang bahagi ng kampanya, at pagsasalin sa wikang Filipino ng anumang hinggil sa kampanyang anti-GMO, na nais kong gampanan ng husay.

Natapos ang pulong ng bandang ikalima ng hapon. Umuwi akong naglakad lamang at nag-iisip hinggil sa kampanyang dapat gawin, kasama ko man ang CRSF, o sa sarili kong pamamaraan. Ang mahalaga, ang kinakain natin ay dapat galing sa mabuti, at walang dapat kumontrol sa pinagkukunan natin ng pagkain. Wala akong personal na ganansya sa kampanyang ito, maliban sa masarap na pakiramdam na nakakatulong ako sa aking kapwa, gayunman alam kong higit na makikinabang sa kampanyang ito'y ang mga susunod na henerasyon. Ang munti mang tulong namin ngayon ay para sa susunod na henerasyon. 

Alam kong sinumang maging bahagi ng CRSF ay nasa mabuting kamay at nasa mabuting layunin para sa sangkatauhan. Ang kailangan lamang nila ay matulungan silang mapalakas ang adbokasyang ito para sa kapakinabangan ng higit na nakararami sa lipunan.

Sabado, Hunyo 2, 2012

Ang Boto sa Impeachment at ang Maralitang Pilipino

ANG BOTO SA IMPEACHMENT AT ANG MARALITANG PILIPINO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi ako nakapanood at nakapakinig ng boto ng mga senador noong Mayo 29, 2012 dahil dinaluhan ko ang isang imbitasyong kasabay nito, ang live webcast ng pag-uulat ng Pilipinas sa UN Human Rights Council. Ano ba ang mahuhuli natin sa mga bibig ng mga senador? Ito ang unang pumasok sa aking isipan habang ako'y pauwi.

Kaya sinaliksik ko, tinipon at binasa ang mga talumpati ng bawat senador hinggil sa kani-kanilang boto. Mas binigyang diin ko dito ang mga salitang tingin ko'y tagos agad sa masa, lalo na ang nasa sariling wika. Mga one-liners, ika nga, na nais kong ibahagi sa kapwa ko maralita.

HINGGIL SA PAGKAKAPANTAY NG HUSTISYA

Isa sa pinakamatingkad ang sinabi ni Senador Koko Pimentel: "Ang batas para kay Juan ay batas din para kay Renato." Napakapayak at madaling maunawaan ng simpleng tao, kahit na hindi nakapag-aral.

Halos katulad din ito ng sinabi ni Senador Chiz Escudero: "Ano man ang panukat na ginamit natin sa paghusga, siya ring panukat na dapat nating gamitin sa ating mga sarili."

HINGGIL SA KASALUKUYANG HUSTISYA SA BANSA 

Inilarawan ni Senador Alan Peter Cayetano ang kalagayan ng hustisya sa bansa, kung saan hindi patas ang hustisya para sa mayaman at para sa mahirap. Marahil ay naalala ni Cayetano ang kantang Tatsulok, "...at ang hustisya ay para lang sa mayaman." Aniya: "Bakit ang isang clerk na hindi lamang nagdeklara ng isang stall sa palengke ay tinanggal na? Bakit ang mahirap pag nagnakaw bawal? Ano ba ang sinasabi natin sa mahirap? Bawal magnakaw. Bakit sa mayaman bawal magnakaw ng konti? Kasi pag nagnakaw ng marami lahat nang technicalities, lahat nang batas, lahat nang pwedeng ikomplika ang sistema para protektahan siya ay nasa kanya. Bakit po pag mahirap nahuli ang sasabihin sa kanya sa prisinto ka na magpaliwanag. Bakit po pag mayaman lahat ng lusot, batas, technicalities ay available sa kanya? "

Sabi nga ni Senador Pia: "Pag wala na ang tiwala ng taong bayan dapat bumaba sa puwesto ang isang opisyal para mapangalagaan ang posisyon na ‘yon."

Ayon naman kay Senador Teofisto Guingona III: "Sino po ba ang inaasahan ng ating bansa at lipunan para maging pangunahing tagapagtanggol ng Saligang Batas? Hindi po ba’t ang Korte Suprema? Anong aasahan nating pagtatanggol kung ang mismong pinuno nito ang unang humahanap ng butas na babaluktot dito sa ating Saligang Batas?"

Matalim ang naging obserbasyon ni Senador Francis Pangilingan hinggil sa ugali ng dating Punong Mahistrado: "Sa paglilitis na ito, nakita rin natin ang pagkatao ni Chief Justice. Siya ba ay dapat pa nating pagkatiwalaan? Kung hindi po natin i-convict si Ginoong Corona, anim na taon pa siyang uupo bilang Chief Justice. Kung kaya niyang ipagkait sa mismo niyang kamag-anakan ang kanilang ari-arian sa Basa Guidote gayong daang milyon na pala ang kanyang salapi, siya ba ay dapat pagkatiwalaan sa loob pa ng anim na taon?"

Dagdag pa ni Pangilingan: "Kung kaya niyang ipakita ang kawalan ng respeto sa 23 Senador nung siya ay nagtangkang magwalk-out, na sa aking paniwala ay napigil lamang dahil sa mabilis na kilos ng ating mahal na Senate President, ginawa sa harap mismo ng lahat ng media at buong bansa, paano kaya ang pagtrato niya sa maliliit nating mga kababayan na hindi mga Senador na dumudulog sa kanyang tanggapan para sa katarungan? Siya ba ay mapagkakatiwalaan na rumespeto sa maliliit nating mga kababayan sa loob pa ng anim na taon?"

Matalas naman at matalinghagang sinabi ni Senador Lapid: "Ngayon ang sinasabi niya, dyan sa isang pizza pie - hindi totoo yan na may 82 akong account. Siguro kung ako ho, ang pagbabasehan ko: Kung isandaang basong tubig na ilagay sa apat na drum lang ang kanyang account."

DELSA FLORES AT RENATO CORONA

Matingkad sa paninindigan ng mga senador ang nangyaring pagkakatanggal sa isang manggagawa ng Korte Suprema, kay Delsa Flores ng Davao. Sinabi ito ni Senador Sergio Osmeña III nang kanyang tinukoy ang kasong Rabe vs Flores, na ang Korte Suprema mismo ang nagtanggal sa kanilang manggagawa nang hindi naideklara sa SALN nito ang negosyo nito sa palengke ng Panabo sa Davao.

Ayon kay Senadora Loren Legarda: "Sa dinarami-rami po ng mga argumentong legal, ebidensya at pati na rin po ng napakaraming powerpoint presentations na inilatag ng prosekusyon at ng depensa sa paglilitis na ito ng isang kaso na hinatulan ng korte suprema noong 1997 ang tumawag sa aking pansin. Ito po yung kaso ng isang kawani ng hudikatura, isang interpreter sa regional trial court na siyang tinanggal sa serbisyo dahilan sa hindi nya naideklara ang kanyang negosyo sa palengke sa kanyang SALN. Ginoong pangulo, kung ang ating mga batas gaya ng Republic Act 6713 ay nagpaparusa, ng dismissal sa isang ordinaryong kawani ng gobyerno sa paglabag ng mandato upang maiwasan ang katiwalian wala po akong nakikitang dahilan para po hindi ipatupad ang ipatupad ang parehong batas na ito sa isang punong mahistrado."

Sabi naman ni Senador Francis Pangilinan: Sabi po ni Corona, "I believe that a member of the judiciary who is found guilty of dishonesty should not only be dismissed from the service; he should also be disbarred--no ifs or buts." Sa kanyang mga labi na mismo nanggaling na nararapat siyang ma-convict at masibak sa pwesto. Dapat po siya na ma-convict dahil siya po ay nagkasala. Tulad na lamang ng isang court interpreter sa Davao na sinibak mismo ng Supreme Court dahil hindi nito inilagay sa kanyang SALN ang pag-aari niyang market stall sa palengke. Tama ba na ang pagsisinungaling ng maliliit ay parusahan habang ang pagsisinungaling ng makapangyarihan ang tungkulan ay i-abswelto?"

HINGGIL SA SALN (Statement of Assets, Liabilities and Net Worth):

Sabi ni Senador Francis Escudero: "Ang Konstitusyon at R.A. 6713, pinag-uutos na ideklara ng lahat ng opisyal ng pamahalaan ang lahat ng kanilang yaman at pagkakautang. Kung ayaw mo ito ideklara, eh di huwag kang tumakbo para sa, o tumanggap ng anumang, pwesto sa pamahalaan. Subalit kung ikaw ay nasa pamahalaan, kelangan mo itong ideklara."

Ayon kay Senador Pimentel: "Simple lang, kung ayaw mong ilahad ang tunay mong yaman, wag kang pumasok sa gobyerno. " 

PAPURI SA DATING PUNONG MAHISTRADO

Gayunman, pinuri pa rin ng isang senador si Corona bagamat hinatulan ito ng guilty. Ani Senador Francis Escudero: "Maging ganoon pa man, nais ko pong batiin muli si Chief Justice Corona dahil, sa kasaysayan ng bansa, siya ang kauna-unahang opisyal ng pamahalaan na nag-execute ng waiver para buksan ang anumang deposito nya sa banko. Sana siya at ang kasong ito ang magsilbing hudyat ng isang bagong simula sa ating bansa. Isang bagong simula kung saan di na pwede ang dating gawi! Panahon na para itaas natin ang pamantayan ng mga naninilbihan sa pamahalaan! At dapat pantay nating ipatupad ito di lamang sa kanya kundi sa ating lahat!"

KONKLUSYON

Lahat ng nasa itaas ay naghatol ng guilty kay Corona (20-3). Bagamat sila'y mula sa ibang paksyon ng naghaharing uri, nais pa rin nilang ipakita sa taumbayan na sila'y totoong lingkod, imbes na iniisip ay sariling interes. Ang kanilang mga sinabi ay puna sa sistema ng hustisya sa bansa, at nagnanais silang ito mismo ay mabago. Kaiba ito sa sinabi ni Senadora Miriam Defensor-Santiago na galit na galit na sinabing "why then are we considered one of the most corrupt country in the world?" Sinagot na niya mismo ang kanyang tanong nang hatulan niyang acquit si Corona.

At sa huli, ang hustisya sa bansa'y dapat patas para sa lahat, mahirap man o mayaman. Nawa’y ang naganap na impeachment na ito at pagkakahatol ng guilty kay dating Chief Justice Corona ay magbigay daan tungo sa pagkakapantay-pantay ng hustisya sa bansa. Kung paano ito mangyayari, dapat na ang mismong mga alagad ng hustisya ay hindi bulag, hindi bingi, at hindi nagpapatangay sa kinang ng salapi, dahil ang kanyang sinumpaang tungkulin ay dapat patas ang batas para sa lahat, lalo na sa mga maralitang hindi kayang magbayad sa kanilang mga abogado. Sabi nga ni Senador Pimentel, "Ang batas para kay Juan ay batas din para kay Renato." 

Dahil sinuman ang napatunayang nagkasala ay dapat parusahan. Ika nga ni Senador Lapid, "Pasensya na po. Pasensya na po. Ang hatol ko sa inyo, guilty."

Huwebes, Mayo 31, 2012

Live Webcast Hinggil sa Karapatang Pantao

LIVE WEBCAST HINGGIL SA KARAPATANG PANTAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang malaking karangalan sa akin ang mapasama sa live webcast viewing ng Universal Periodic Review (UPR) ng Pilipinas nitong Mayo 29, 2012. Kasabay ito ng naganap na botohan ng mga senador sa impeachment. Isinagawa ang nasabing UPR sa ikatlong palapag ng multipurpose hall ng Commission on Human Rights (CHR) sa Daang Commonwealth sa Lungsod Quezon.

Nag-imbita ang PAHRA at PhilRights sa pamamagitan ng email at tawag sa telepono sa iba't ibang NGOs at POs nang sila'y maimbitahan naman ng CHR para sa magaganap na live webcast. Maaga pa lang, bandang alas-dos ay naroon na ako, dahil nakalagay sa imbitasyon ay magsisimula ito ng 2:15 pm at magtatapos ng 8:15 pm. Nakaanunsyo rin ito sa HR Online. Maya-maya’t dumating na rin ang mga kinatawan ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), PhilRights, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Partido ng Manggagawa (PM), Medical Action Group (MAG), mga kawani ng CHR, Youth for National Democracy (YND), Sarilaya, Women’s Legal Bureau, mga department heads ng CHR, at marami pang iba. Ako naman ang kumatawan sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML). May photographer din at may taga-video sa loob ng session hall.

Mga 150 katao rin ang nakadalo sa live webcast, na nagsimula nang ganap na ikatlo ng hapon. Naka-LCD ito sa isang malaking pader. Malakas din ang sound kaya dinig ito kahit nasa bandang likod. Aircon ang silid na ang dingding ay salamin. Sa ibaba ng screen ay nakalagay ang www.unorg/webcast - United Nations Webcast. Sinimulan ang buong sesyon sa panalangin at sa pag-awit ng Lupang Hinirang.

Ang nag-emcee ay si Ms. Karen Dumpit ng CHR. At ang nagbigay ng paunang pananalita ay si Commissioner Norberto de la Cruz, Officer in Charge.

Sa live webcast, ang tagapag-ulat para sa Pilipinas ay si Department of Justice secretary Leila De Lima, na dating Chief ng CHR. Tinalakay niya ang ulat ng Pilipinas hinggil sa karapatang pantao sa harap ng mga kinatawan ng iba't ibang bansa na pulong ng United Nations Human Rights Council.

Binanggit ni De Lima ang pagsasabatas ng amended Migrant Workers Act, ang amended Labor Code hinggil sa nightwork for women, ang pag-decriminalize sa libel, ang pagsasabatas ng Anti-Torture Act of 2009, at ang ASEAN Convention Against Trafficking. Marami pa siyang natalakay hinggil sa karapatang pantao sa bansa. Matapos niyang mag-ulat ay nagbigay naman ng pahayag ang iba't ibang bansa. Ayon sa ilang mga kasama sa HR network, nasa 71 bansa ang nakatakdang magpahayag hinggil sa ulat ng Pilipinas.

Agad kong napansin dito ang iba't ibang spelling ng mga bansa nang sila na'y magpahayag, magtanong at magkomento hinggil sa ulat ng Pilipinas. Ang una na rito ay ang bansang Singapour (Singapore), na imbes na pore na karaniwan nating alam ay pour na akala mo'y nagbuhos ang pagkabaybay sa pangalan ng bansa. Sumunod ay Slovaque, na tingin ko'y Slovakia, ang Serbia naman ay Serbie.

Saka ko lang naunawaan ito nang malaman kong sa Geneva nga pala sila nag-uulat. Gayunman, inilista ko ang mga pangalan ng bansang ito na nasa wikang Pranses, at sa talaan ay isinama ko ang tamang pagbaybay ayon sa nakikita natin sa Pilipinas. Gayunman, ang Philippines ay tama ang pagkabaybay.

Marami ding hindi mo agad maintindihan tulad ng Pays-Bas, na iyon pala'y bansang The Netherlands, kung saan ang Pays-Bas ay salitang Pranses, ang kahulugan ng pays ay mga bansa at ang bas naman ay mababa, kaya ang Pays-Bas ay low countries ang kahulugan, o The Netherlands.

Nagkomento hinggil sa ulat ng Pilipinas ang mga bansang Corée du Sud (South Korea), Slovakia, Afrique du Sud (South Africa), Espagne (Spain), Sri Lanka, Suede (Sweden), Thailande (Thailand), Timor Leste (East Timor), Trinidad an Tobago (Trinidad and Tobago), Emirats Arabies Unis (United Arab Emirates), Royaume-Uni (United Kingdom), Etats Unis (USA), Uruguay, Venezuela, Viet Nam, Australie (Australia), Austriche (Austria), Azerbadjan (Azerbaijan), Bahrein (Bahrain), Belarus, Bresil (Brazil), Brunei Darussalam, Cambodgie (Cambodia), Canada, Chile, Cuba, Danemark (Denmark), Egypte (Egypt), France, Saint-Siege, Allemagne (Germany), Indie (India), Indonesie (Indonesia). Di gaanong kita ang buong pangalan ng ilang bansang nag-ulat pagkat nakapokus ang camera sa tao kaya di na natin nalaman kung paano ang pagka-spell, tulad ng Bangladesh, Belgium, Ecuador, atbp.

May mga bansang lalaki ang nagsasalita ngunit boses-babae, tulad ng Qatar. Meron namang babae ang nagsasalita ngunit boses-lalaki, tulad ng Madagascar. Haka ko, hindi nagsasalita ng Ingles iyong iba at interpreter nila ang nagsasalita, mga interpreter na nasa kanilang likod at nakatayo. Nabanggit naman ng Australia na dapat mahuli at managot pag napatunayan ang mga suspek sa mga extra-judicial killings sa Pilipinas, tulad nina Palparan, Reyes ng Palawan at mga suspek sa Maguindanao massacre.

Sinagot ni De Lima ang mga tanong at mungkahi ng mga nagpahayag na bansa. Sinabi niyang pinaigting na ang pagsubaybay (monitoring) ng bansa hinggil sa EJK (extra-juducial killings), sapilitang pagkawala (forced disapperances) at torture. Nagtayo na rin ng special task force ang DOJ kasama ang independyenteng CHR, at meron silang MOA (memorandum of agreement). Nagkaroon na rin ng legal remedies tulad ng writ of habeas data. Pagpapatibay ng witness protection program. Pagkakaroon ng IRR (implementing rules and regulations) ng Ra 9745 o Anti-Torture Act of 2009. Pati na rin ang Rome Statute - RA 9851 na batas hinggil sa IHL international humanitarian law, genocide, atbp. Meron na ring panukalang batas (bill) sa kongreso hinggil sa sapilitang pagkawala.

Pinagsalita rin ni De Lima ang dalawa niyang kasamahan, tulad ng Executive Director ng Philippine Commission of Women (PCW) at Undersecretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Di ko na nakuha ang kanilang mga pangalan. Iniulat ng taga-PCW ang hinggil sa reproductive and sexual health, mother and children's health at anti-discrimination bill, habang iniulat naman ng taga-DSWD ang hinggil sa right to education, basic literacy program, rescuing child laborers, at ang anti-pornography council. Nakita rin sa video si CHR Commissioner Etta Rosales, ngunit di siya nagsalita sa harapan ng UNHRC.

Ang sumunod na bansang nagpahayag ay ang Iraq, Irlande (Ireland), Jamaique (Jamaica), Laos, Lettonie (Latvia), Liechtenstein, Madagascar, Malaisie (Malaysia), Mexique (Mexico), Qatar, Myanmar, Pays-Bas, Nouvelle-Zelande (New Zealand), Nicaragua, Noruege (Norway), Pakistan, Palestine, Portugal at Maroc (Morocco).

Sinagot ni Sec. De Lima ang mga katanungan mula sa Laos, Mexico, New Zealand at Morocco. Ayon sa kanya, isinasagawa ng Pilipinas and prosecution and conviction of traffickers, rescue of traffic victimes, awareness raising, at ang recent ascension ng Pilipinas sa Rome Statute. Pinagsalita niyang muli ang taga-DSWD na nag-ulat hinggil sa PWDs (persons with disabilities) kung saan ang mga ito'y may 20% discount sa mga gamot mula sa Mercury Drugs, at 5% discount naman sa mga pangunahing bilihin. Meron din umanong panukalang batas na pag-amyenda sa Magna Carta on PWD upang igiit ang pantay na pagkakataon sa pagtatrabaho.

Dinagdag din ni De Lima ang pag-institusyonalisa ng mekanismong feedback. Kasama rin, anya, ang anti-poverty and corruption sa 16-Point Agenda ng social contract sa mamamayang Pilipino. Ayon pa sa kanya, nagpunta ang mga kinatawan ng Pilipinas sa Geneva dahil sa kanilang human rights obligation, at ang lahat ng rekomendasyon ng mga bansa ay kanilang pag-aaralan. Sa huli'y nagpasalamat na siya sa pangulo ng UNHRC na isa ring babae, at sa lahat ng mga kinatawan ng mga bansa.

Bandang 6:30 na ng gabi, nagkaroon kami ng 5 minutes break sa loob ng session hall. Matapos iyon ay nagpahayag ang ilang mga dumalo sa live webcast na iyon ng kanilang kuro-kuro. Unang nagsalita ang kinatawan ng PAHRA na si Rose Trajano kung saan iniulat niyang tatlong bansa ang nagrekomenda ng pag-ratify ng optional protocol, at 5 silang naroon sa Geneva, na kinatawan ng iba’t ibang human rights organization sa bansa upang mangampanya hindi sa mismong pulong kundi sa paggawa pa lamang ng draft. Ang ikalawa’y nagpahayag hinggil sa compensation bill. Ang ikatlo’y nagsalita ang mula sa Komite ng Edukasyon ng CHR. Ang ikaapat ay mula sa BMP. Ang ikalima’y mula sa Women’s Legal Bureau, sumunod ay mula muli sa CHR. At nagpahayag din ang tagapangulo ng PAHRA na si Max De Mesa.

May mga nagpahayag na may kakulangan din ang mga ulat ng Pilipinas, tulad ng hindi pagdodokumento sa mga paglabag sa karapatan ng manggagawa. Ngunit sinagot ito na dapat ay verified cases lang ang iniuulat. Ibig sabihin, ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao ay dapat agarang iulat sa kinauukulan. 

Matapos ang pagpapahayag ng mga kuro-kuro, ipinakilala naman ang bagong website ng karapatang pantao - ang iHumanRights.ph. Meron silang planong sa Disyembre 2012, dapat meron nang “over 40,000 documents encoded and categorized by HRV, UPR and Treaty Bodies”. Inanunsyo rin dito ng emcee ang aklat na "A Road in Search of a Map: The Philippines' Human Rights Compliance". Ang nilalaman nito'y mga tinipong akda ng CHR at Civil Society Reports para sa "2nd Cycle Universal Periodic Review (UPR) Process for the Philippines, 2008-2011", at naglalaman ito ng 92 pahina, na nasa 6" x 9" ang sukat. Limitadong kopya lang ito at nakakuha ako ng isang kopya.

Hindi naman kami nagutom dahil habang kami'y nakikinig, maya't maya ang dating ng mga pagkaing Pinoy, tulad ng cornick, banana cue, fish ball, palamig na sago, at may mineral water. Ang hapunan naman namin ay binalot, kung saan namili kami sa limang klase ng ulam: tapa, tosino, baboy, adobo at manok. Ang pinili ko ay tapa. 

Bago umuwi'y naglitratuhan muna sa harapan kasama ang mga dumalo habang hawak nila ang tarpouline hinggil sa naganap na live webcast sa CHR. Alas-otso na ng gabi nang kami'y umalis sa lugar.

Sabado, Mayo 26, 2012

Ang Matematika ng 50% + 1

ANG MATEMATIKA NG 50% + 1
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ano ang simple majority pag odd number, halimbawa, ng 15, kung ang kahulugan ng simple majority ay 50% + 1? Ang sagot ko ay 9, habang ang sagot ng iba ay 8. Alin ang mas tama sa aming dalawa?

Mahalagang malaman at maunawaan natin kung paano ba natin tinutukoy ang simple majority, lalo na sa maraming mga organisasyong nangangailangan ng pagdedesisyon sa isa o maraming usapin. Karamihan ng mga Konstitusyon ng samahan ay isinasaad na ang simple majority ay dapat 50% + 1, at hindi lang simpleng lagpas sa 50%. 

Marami ang nagkakamali ng sagot dahil mas napagtutuunan nila ang 50% lamang at kadalasang nakakaligtaan ang 1 bilang whole number.

Kaya pansinin natin lagi ang numerong 1, at hindi lang yung 50%, dahil hindi pwede ang 50% + 0.5, o 50% + 0.6 bilang mayorya, kundi 50% + 1. Ibig sabihin, dapat na tama ang kompyutasyon natin, dahil tinukoy mismo na ang mayorya ay 50% + 1, at hindi simpleng lagpas lang sa 50%. Halimbawa sa pulong ng isang 15 member council, o sa isang kongresong dinaluhan ng 257 delegado, ano ang tamang bilang ng 50% + 1.

Madali lang ang simple majority kung even number, tulad ng 20 o kaya ay 250. Ngunit kaiba pag odd number. 

Halimbawa may 20 myembro ang konseho, ang mayorya nito ay 11, at kahit sa 50% + 1 nito ay 11 din, na ang kompyutasyon ay [(20 x 0.5) + 1 = n] = [10 + 1 = 11]. At sa 250 naman, ang mayorya ay 126 at ang 50% + 1 nito ay 126 din, na ang kompyutasyon ay [(250 x 0.5) + 1 = n] = [125 + 1 = 126].

Kompyutin naman natin kung ito'y odd number. Bigyan natin ng halimbawa ang isinaad ko sa itaas. Kung simpleng mayorya na hindi depinido kung 50% + 1, ang 8 ang mayorya sa 15, at ang 129 ang mayorya sa 257. Ngunit pag depinido sa Konstitusyon ng samahan na ang simpleng mayorya ay 50% + 1, hindi na natin simpleng sasabihing ang 8 ang mayorya sa 15, at ang 129 ang mayorya sa 257, dahil iba na ito pagdating sa kompyutasyon.

Ano ang simple majority ng 15 member council kung pagbabatayan natin ay 50% + 1: 8 ba o 9? 

Kompyutin natin. [(15 x 0.5) + 1 = n] = [7.5 + 1 = 8.5]. Kung gayon, ang 8 ay di pa pasok sa 50% + 1, dahil mas mataas ang 8.5 kaysa 8, at mababa ang 8 kaysa 8.5. Gayunpaman, wala namang 0.5 na tao, kundi isang tao dapat. Kaya ang susunod na mas mataas na whole number dito ay 9. At dahil hindi pasok ang 8 at dahil pasok ang 9 bilang pinakamaliit na bilang sa 50% + 1 ng 15 member council, ang simple majority ay 9 katao. Ang 8 ay 50% + 0.5 lamang at di ito 50% + 1.

Sa isang kongresong dinaluhan ng 257 delegado, ang simple majority nito ay 130, dahil sa kompyutasyon natin [(257 x 0.5) + 1 = n] = [128.5 + 1 = 129.5], at dahil wala namang 0.5 na tao, ang sunod na mas mataas na whole number sa 129.5 ay 130, kaya 130 ang simple majority ng 257 delegado ng kongreso, at hindi 129. Ang 129 ay 50% + 0.5 lamang, ngunit ang kailangan natin ay 50% + 1.

Kaya iba ang majority rule kaysa simple majority na 50% + 1. Sa majority rule, ang 8 sa 15 katao ang mayorya, ngunit sa 50% + 1, ang 9 ang mayorya at hindi 8. Sa majority rule, ang 129 ang mayorya sa 257 katao, ngunit sa 50% + 1, ito'y 130.

Kaya sa unang tanong sa itaas, ang tamang sagot ay 9 ang simple majority ng 15 member council kung pagbabatayan natin ay ang 50% + 1 na nakasaad sa Konstitusyon ng samahan. 

Sa madaling salita, ang alituntuning simple majority na 50% + 1 ay hindi simpleng lagpas lang sa 50%, dahil naroon ang buong bilang na 1.

Lunes, Mayo 21, 2012

Kamayan Forum: Manggagawa at Kalikasan

KAMAYAN FORUM: MANGGAGAWA AT KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Malaki ang magagawa ng uring manggagawa para malutas ang pagkasira ng kalikasan sa buong mundo. Ito ang buod ng naganap na talakayan hinggil sa kalikasan sa isang forum kung saan ang tagapagsalita'y mga kinatawan ng manggagawa.

Inilunsad nitong Mayo 18, 2012 ang ika-267 sesyon ng Kamayan para sa Kalikasan Environment Forum sa Kamayan Saisaki Edsa, malapit sa SEC sa Ortigas. Ang paksa ay Labor and Environment, kaya ang mga naimbitahang mga tagapagsalita ay mga lider ng mga organisasyong may kinalaman sa manggagawa at sa paggawa. Nasa ika-23 taon na ang forum na ito, na nagsimula noon pang Marso 1990, at nagpupulong ng tatlong oras tuwing ikatlong Biyernes ng bawat buwan, mula ika-11 ng umaga hanggang ikalawa ng hapon. Fully-sponsored ito ng Triple V na siyang may-ari ng Kamayan Saisaki Restaurant. Sa loob ng 23 taon, tuluy-tuloy na nagtalakayan dito ang iba't ibang indibidwal at grupo hinggil sa usaping pangkapaligiran at pangkalikasan. Pinangunahan ito ng CLEAR (Clear Communicators for the Environment), SALIKA (Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan), at nitong huli'y ng Green Convergence. Ang ika-267 sesyon ng forum na ito ang ikalawang talakayang hinawakan ng Green Convergence, mula nang sila'y mag-take over noong Abril.

Lima ang naimbitahang tagapagsalita para sa paksang Labor and Environment. Ito'y sina Teody Navea, kinatawan ng manggagawa sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Ka Romy Castillo na ikalawang pangkalahatang kalihim ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Larry Pascua na siyang pangkalahatang kalihim ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Val Vibal ng Alyansa ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA), at Ding Manuel ng child rights program ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal (KPML-NCRR) na siyang nagtalakay hinggil sa Child Labor and Environment.

Ang limang iyon ay inimbitahan ng inyong lingkod, nang mag-text si Gng. Marie Marciano ng siyang main moderator doon na ang paksa para sa Mayo 18 ay Labor and Environment, at kailangan nila ng speakers. Kaya agad ko namang kinumbida ang lima. Talagang sinadya ko pa ang mga tagapagsalita sa kani-kanilang tanggapan at kinausap thru text at telepono upang matiyak ang kanilang pagdating. Bago ito, noong Abril 20, sa ika-266 sesyon ng Kamayan Forum, iminungkahi ko sa mga moderator nito na dahil Mayo, at Daigdigang Araw ng Paggawa tuwing Mayo Uno, imbitahan ang mga manggagawa upang magsalita hinggil sa kalikasan. Pag-uusapan daw nila. At makaraan ang dalawang linggo, tinext ako ni Ate Marie na Labor and Environment ang main topic at ako ang naatasang magkumbida ng mga tagapagsalita.

Tatlo lamang ang nakarating na speaker. Umatras si Larry Pascua at nag-text siya sa akin na kasabay daw ito sa biglang patawag na pulong ng Executive Committeee ng PMT. Di naman nagkaintindihan sa text kay Val Vibal, dahil ang ginamit ko sa text ay yung chikka sa internet, imbes na load. Wala kasi akong pambili ng load ng mga panahong iyon, at hirap din kung saan makakakuha ng pamasahe papunta sa venue. Buti na lang at kasama ko ang dalawang speaker.

Maagang dumating sa venue ang tatlong speaker. Agad naming isinet-up ni kasamang Ding ang LCD projector at ang laptop para sa powerpoint presentation. Maya-maya'y dumating na ang mga tagapagpadaloy ng programa (moderator) nito na sina Marie Marciano at Noemi Tirona ng Green Convergence.

Sinimulan ang pulong ng ganap na alas-onse ng umaga. Nagsimula ito sa panalangin at sumunod doon ay  ang pambansang awit ng Pilipinas. Ang mga nasa harapan o lamesa ng mga speakers ay sina Prof. Nina Galang ng Environmental Science Institute ng Miriam College at pangulo ng Green Gonvergence, si Teody Navea, si Marie Marciano na siyang main moderator, si Ka Romy Castillo at si Ding Manuel.

Bago ipinakilala ng main moderator ang tatlong tagapagsalita, ipinaliwanag muna niya ang takbo ng tatlong oras na talakayan. Sa unang bahagi, tatalakayin ng mga tagapagsalita ang paksa. Sa ikalawang bahagi, iikot naman ang mikropono sa mga dumalo at nakinig sa mga tagapagsalita, kung saan magbibigay sila ng mga kuro-kuro hinggil sa mga tinalakay ng tagapagsalita, magmungkahi at magtanong. Sa ikatlong bahagi, babalik ang mikropono sa mga tagapagsalita upang sagutin ang mga komento at katanungan sa kanila, kasabay ng pagbibigay ng buod ng main moderator sa naganap na buong forum.

Unang nagtalakay si Teody Navea hinggil sa PMCJ, at ang katatapos lang na asembliya ng PMCJ kung saan siya ay nahalal bilang labor representative. Nabanggit din niya ang bagong buong grupo na pinagsamahan ng iba't ibang organisasyon at pederasyon ng mga manggagawa, ang NAGKAISA, na lumabas sa kalsada noong Araw ng Paggawa, Mayo 1, 2012, sa Mendiola. Sinabi rin ni Teody na mahalaga ang papel ng manggagawa, lalo na sa malalaking grupo tulad ng PMCJ, na nangangampanya para sa climate justice o hustisya sa klima. Nagkomento rin si Teody hinggil sa panukalang Green Jobs ng International Labor Organization.

Sumunod na nagtalakay si Ding Manuel ng KPML-NCRR. Dalawang bahagi ang ginawa niyang presentasyon. Ang unang bahagi ay ipinakita niya ang video kung saan naapektuhan ng bagyong Pedring ang tahanan ng mga batang manggagawa, at pagkakaroon ng 11 evacuation centers na pawang mga basketball courts. Ayon sa video, mahalagang magtulungan ang mga maralita, lalo na sa ganitong mga naganap na kalamidad, na may pag-asa pa, at sa dulo ng video ay ipinakilala ang isang bisyon ng KPML, ang pagkakaroon ng isang Village of Hope kung saan ang lahat ng mamamayan ay nagtatamasa ng kanilang karapatan. Sa ikalawang bahagi, tinalakay ni Ding ang kalagayan ng mga batang manggagawa mula sa limang erya ng KPML na may 3,300+ na batang manggagawa, ayon sa kanilang ginawang profile mula pa noong 2007. Sinabi pa niyang ang environment mismo ng mga batang ito ang nagdulot sa kanila upang maging child laborers - ang environment ng kahirapan.

Tinalakay naman ni Ka Romy na ang tao'y nabubuhay mula sa dalawang bagay - kina Inang Kalikasan at Amang Paggawa. Sinabi pa niyang ang dahilan ng patuloy na pagkasira ng kalikasan ay ang sistemang kapitalismo, dahil sa balangkas nito ng kasakiman sa tubo, at walang patumanggang pagwasak sa kalikasan sa ngalan ng tubo. Sa huli'y sinabi niyang mahalagang palitan na ang sistemang ito ng sistemang sosyalismo upang masagip ang lipunan mula sa patuloy na pagkapariwara sa ngalan ng kapitalistang tubo. Sinabi pa niya, "Capitalism is an infinite project in a finite planet."

Dumako na sa ikalawang bahagi ang forum. Panahon naman upang pakinggan ng mga tagapagsalita ang mga kuru-kuro, pala-palagay, mungkahi at katanungan mula sa mga tagapakinig habang kanilang isinusulat ang mga katanungang sasagutin nila sa ikatlong bahagi. Si Gng. Noemi Tirona, co-moderator ni Ate Marie, ang siyang nagpaikot ng microphone at nag-abot nito sa mga nagsidalo at nakinig sa forum. Marami sa mga dumalo ang sumasang-ayon na ang isang sistemang tulad ng kapitalismo ang siyang dahilan ng patuloy na pagkasira ng kalikasan dahil sa labis nitong paghahangad ng tubo kahit na mawasak pa ang sangkalupaan dahil sa pagmimina, sa pagkalbo ng mga kabundukan. Meron namang nagtalakay hinggil sa environment and engineering. At isang batang babae, na anak ng isa sa mga dumalo, ang kinapanayam ni Ate Noemi. Ang sagot ng bata, marami palang problema sa environment, kasi ang alam lang nila ay ang usok ng mga dyip ang nakakasira sa kalikasan. Pati daw pala mining. At ang kongklusyon ng mayorya, dapat ngang palitan ang sistema ng lipunan kung nais pa nating may maipamanang kalikasan sa susunod na henerasyon.

At sa ikatlong bahagi'y sinagot ng mga tagapagsalita ang ilang mga komento at katanungan sa kanila. Nagbigay na rin sila rito ng kanilang huling pananalita sa nasabing talakayan. Sinabi naman ni Teody na ang mga manggagawa ay mulat na hinggil sa usaping kalikasan. Mas tumampok sa kanilang huling pananalita, lalo na kay Ka Romy, na ipinagdiinan ang pangangailangan ng isang sistemang papalit sa mapanibasib na sistemang kapitalismo - ang sosyalismo. At idinagdag pa niya na noong una'y ayaw dumikit ng mga manggagawa sa mga environmental advocates dahil nais lamang ng mga ito na ayusin ang kalikasan habang nawawalan naman ng trabaho ang mga manggagawa. Na sinagot naman ni Marie na mahalaga talaga ang tayo'y magkausap. Sinagot naman ni Ding ang ilang mga katanungan, tulad ng Village of Hope na dapat talagang maisakatuparan, at ang patuloy na kampanya ng KPML upang maibalik sa eskwelahan ang mga batang manggagawa at nanawagan din siya ng Stop Child Labor, Now!

Binuod ng moderator ang buong forum. Sinabi niyang dapat ang pagbabago'y mag-umpisa muna sa sarili. Nagbigay din ng kanyang pananalita si Prof. Galang, at nag-anyaya na rin siya sa pulong na pangungunahan ng grupong Consumer Rights for Safe Food (CRSF) hinggil sa kampanya laban sa GMO (genetically-modified organisms) na lumalaganap na sa ating mga pananim at pagkain. Isang anti-GMO na talakayan at pulong ang gaganapin sa Environmental Studies Institute (ESI) sa Miriam College sa Hunyo 7, 2012, sa ganap na ikalawa ng hapon.

Nagtapos ang forum bandang ikalawa ng hapon, at naghiwa-hiwalay silang dala ang panibagong pag-asa na ang usaping kalikasan ay tangan-tangan ng manggagawa at hindi nakakaligtaan, na ang papel ng manggagawa para maayos ang kalikasan ay nakasalalay sa pagbabago ng lipunan at pagpapalit ng sistemang pangunahing dahilan ng pagkasira ng kalikasan.

Sabado, Mayo 5, 2012

Ang Magasing Liwayway at Ako


ANG MAGASING LIWAYWAY AT AKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa elementarya pa lang ako'y kilala ko na ang magasing Liwayway. Bumibili kasi nito ang aking ama noong ako'y bata pa. Babasahin muna ito ng mga kapatid ko at ng aking ina, at aabangan ko na lang na matapos sila saka ko na ito babasahin. Kasabay ng Liwayway ay binibili rin ng aking ama ang Funny Komiks na pambata. Kaya dalawa lagi ang kanyang dalang babasahin sa bahay.

Kadalasang binabasa ko agad sa Liwayway ay yung komiks na nasa bahaging hulihan ng magasin, na tulad pa rin ngayon. Dito ako unang nakapagbasa ng mga tula, bago ko pa matutunan noong hayskul ang tulang Florante at Laura.

Noon, bumibili kami ng tatay ko ng magasing Liwayway sa Bustillos sa Sampaloc matapos naming magsimba ng Linggo, o kaya naman ay sa Trabajo Market pagkatapos naming mamili. Akala ko nga, nawala na ang Liwayway nitong taon na ito. Aba'y yung binibilhan ko ng Liwayway sa bandang Anonas at sa Farmers Market ay di na nababagsakan ng dealer nito, gayong nakatayo pa rin ang kanilang newsstand. Buti na lang at meron pa sa bandang Quiapo, nakabili pa ako.

Gayunman, maaaring itinuturing ng iba na bakya ang mga sulatin sa Liwayway dahil pulos pag-ibig ang tema, pulos katulong ang nagbabasa, ngunit sa totoo lamang, ito'y isang magandang babasahin para sa lahat, dahil hindi lamang naman bakya ang tema rito, kundi may kapupulutan ka rin ng aral. Minsan nga'y tinatalakay dito ang hinggil sa kasaysayan ng ating bansa at mga bayani, pati na iba't ibang kultura sa ating bansa mula Jolo hanggang Aparri. Anupa't kung wala ang Liwayway ay pawang mga edukado lamang ang makakaalam ng iba't ibang pangyayari at kultura sa iba't ibang panig ng kapuluan.

Katunayan, maraming kilalang manunulat ang tiyak na nagsulat na sa Liwayway, at dito sila naunang nagsulat bago sila pumalaot sa pagsusulat ng matitinding nobela't sanaysay. Sanayan kasi ng mga bagong manunulat ang Liwayway. Kung di ka dumaan dito, at kahit isa ay hindi ka pa nalathala dito, pakiramdam mo'y may kulang pa sa iyo. Sa Liwayway nga lang, di ka makapasa, paano pa sa iba. Kaya kung may naisulat kang maikling kwento, ang una mong gawin ay ipasa mo ito sa Liwayway, dahil sa ngayon, ito lamang ang magasin sa wikang Tagalog na naglalabas ng maiikling kwento. Nariyan din ang paglalathala nila ng nobela, na serye lingguhan ang labas. Kalahating pahina na lang ang para sa tula, di tulad noon na pwedeng malathala ang tatlo mong tula sa isang pahina.

Nagpasa na rin ako ng tula at kwento sa Liwayway noon, ngunit di ko na alam kung nalathala ba ito. Dahil lingguhan ang labas ng Liwayway, at sa dami rin ng aking pinagkakaabalahan, nakakaligtaan ko ring madalas ang pagbili ng Liwayway. Kaya di ko na nasusubaybayan kung may nalathala ba akong tula o kwento. Kadalasang ang pabalat ng magasin ay larawan ng sikat na artista sa bansa, na siyang isang panghalina upang akitin ang mambabasa na bilhin ang Liwayway.

Nakadaupang-palad ko rin minsan ang isang naging editor-in-chief ng Liwayway na si Reynaldo Duque nang dumalo ito sa isang aktibidad ng UMPIL (Unyon ng Manunulat sa Pilipinas) kung saan pinadalo rin kami ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo). Ginanap ito sa Goethe Institute (German Library) sa Aurora Blvd. Agosto 2001 iyon at kasalukuyan akong nag-aaral ng paglikha ng tula sa LIRA.

Ang isang maganda sa Liwayway ay ang paglalabas ng kolum na Haraya ni Propesor Mike Coroza, na naging guro ko sa tugma't sukat sa LIRA. Ang tula ko agad ang unang isinalang sa mahigit 20 katao dahil sa tema ng tula. Kababagsak pa lang noong Setyembre 11, 2001 ng World Trade Center, at iyon ang tema ng aking tula. Sa aming klase ng Setyembre 15, 2001 na ginanap sa UST, sinabi ni Sir Mike na yung 10 saknong na tula ko ay pwede ko namang gawing tatlong saknong lamang. At ngayon nga, ang kolum ni Sir Mike na nagsimula bandang 2009 o 2010 ang isa sa inaabangan ko sa Liwayway. Sulit pag nabasa mo ang kanyang kolum dahil tiyak na may nadagdag muli sa iyong kaalaman.

Naging bahagi na ang magasing Liwayway ng pag-inog ng kalinangang Pilipino, at sampung taon na lang ay sentenaryo na ng makasaysayang magasing ito. Ayon sa kasaysayan, unang nalathala ang magasing Liwayway noong 1922 at ang naging unang patnugot nito ay si Severino Reyes, ang may-akda ng "Mga Kwento ni Lola Basyang". Hiling ko na lang, sana'y maabutan ko pa ang sentenaryo ng dakilang magasing ito.

Mabuhay ang magasing Liwayway at nawa'y magpatuloy pa siya ng pagbibigay-liwanag sa mambabasa sa bawat takipsilim at sa bawat pagbubukangliwayway sa bahaging ito ng sangkatauhan!

Martes, Abril 3, 2012

Pinatawad ko na sila

PINATAWAD KO NA SILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Karaniwan na sa mga manunulat, lalo na't siya rin ay makata, na isulat at isiwalat ang kanyang mga nakikita at napupuna sa kanyang kapaligiran, at sa lipunan niyang ginagalawan. Hindi lang iyon mula sa isip, kundi maging sa kanyang nadarama.

Kaya kung galit ka, minsan ay naisusulat mo iyon, na kahit malay ka ay di mo namamalayan. Na sa kalaunan ay pagsisisihan mo at bakit mo ba iyon naisulat, na siyang nagpalala pa ng problema.

Kailangang magpatawad. Kailangang patawarin na ang lahat ng nagkasala sa iyo kung nais mong makapagsulat ng maayos. Ito'y upang maging obhetibo ka sa iyong mga paksa, upang walang poot na lumabas sa iyong panulat.

Ganito ang aking ginawa ilang panahon na rin ang nagdaan. Ako'y nagpatawad. Pinatawad ko na ang mga taong nagkasala sa akin, gaano man kasakit sa aking damdamin ang kanilang ginawa. Dahil kung malinis ang iyong budhi, wala kang poot na basta na lamang isusulat na sa bandang huli'y iyong pagsisisihan.

Kailangang patawarin ko ang mga taong bumugbog sa akin noong ako'y bata pa. Kailangang patawarin ko ang mga gagong umapi sa akin. Kailangang patawarin ko ang mga nang-onse o nandaya sa akin. Kailangan kong patawarin ang mga nangutang sa akin na hanggang ngayon ay di na nakapagbayad, dahil di na sila makita o dahil mas mahirap pa sila kaysa akin. Noon ay sinasabi ko pa na ang utang nila ay abuloy ko na lang pag namatay sila. Mali pala iyon.

Pinatawad ko na ang mga nanungayaw sa akin. Pinatawad ko na ang mga pulis na nanakit sa akin sa rali. Pinatawad ko na ang mga kasamang nakagawa ng pagkakasala sa akin. Pinatawad ko na ang mga kaibigang nang-iwan sa akin sa ere. Pinatawad ko na ang mga siga sa kanto na minsan ay nangikil sa akin. Pinatawad ko na ang mga kapustahan ko sa tses o sa anumang laro na hindi nagbayad sa akin. Pinatawad ko na ang tindero sa Quiapo na nagpalit ng aking P100 at sinabing P20 lang daw ang aking ibinigay, gayong wala naman akong P20 sa bulsa, at kaya ako bumili sa kanya ay para mapabaryahan na rin ang aking P100 dahil wala akong baryang pamasahe. Pinatawad ko na ang karibal ko noon sa isang babae na nagpadugo ng aking ilong sa aming suntukan, bagamat may pasa rin siya. Pinatawad ko na ang tsuper na nakaaway ko dahil hindi ako sinuklian ng tama.

Mahirap alagaan ang kimkim na poot. Para kang nag-aalaga ng leyon o tigre sa dibdib. Kailangan na itong mawala  bago pa ito maging apoy o granadang bigla na lang sasabog.

Nagpatawad ako dahil hindi naman mabigat na krimen o heinous crime ang kanilang ginawa sa akin. Dahil kung ganoon nga, ibang usapan na iyon. Kailangan ng husgado at kailangan mong makamit ang hustisyang nararapat para sa iyo. Kumbaga, hindi iyon mga mortal sin, kundi pawang mga venial sin.

Nagpatawad ako dahil na rin sa pagyakap ko sa Kartilya ng Katipunan nina Gat Andres Bonifacio at Gat Emilio Jacinto, na pawang gabay sa pakikitungo sa kapwa at disiplina sa sarili.

Higit sa lahat, nagpatawad ako alang-alang sa aking mga akda at aakdain pa. Na bilang manunulat ay aking maisulat ng wasto, ng obhetibo, ng walang halong poot, ang bawat akda. Mahirap ang may kargang mabigat sa damdamin dahil hindi ka makapag-isip ng tama, at nagiging repleksyon lamang ang iyong mga akda ng iyong galit sa mundo at poot sa sarili. Kailangang tanggalin lahat ng bagahe. At malaking bagahe ang poot. Kailangang magpatawad. Kailangan.

Totoo naman na paminsan-minsan ay may emosyon ang iyong mga akda, lalo na sa kwento at tula. Lalo na't tumatalakay ka sa ilang maseselang paksa na may emosyon, upang maging buhay na buhay sa mambabasa ang iyong akda. Ngunit emosyon iyon ng mga tauhan mo sa iyong akda, hindi iyon emosyon mo. Hindi iyon salamin ng iyong poot o pag-uugali. Ang galit sa iyong kwento ay galit ng tauhan dahil sa iyong ginawang banghay (plot) ng kwento. Kailangang may damdamin ang bawat tauhan, dahil hindi sila mga robot..

Kaya sa aking mga kwento, sanaysay at tula, pinilit kong iwasan kung ano mang poot na maaaring lumabas, maliban na lamang kung ang poot na iyon ang mismong aking paksa sa akda. Kaya bago ko ilabas ang akda ay pinatutulog ko muna ng ilang araw para pag binalikan ko ay masuri ang kaayusan at kahandaan nito para sa mambabasa.

Mahalaga ang pagpapatawad. Mahalagang walang tinik na nakabara sa iyong lalamunan. Mahalagang malinis ang iyong budhi, at kung hindi pa man, ay magpatawad upang wala na itong anumang banil na nakakabigat sa damdamin.

Masarap magsulat nang wala kang kinikimkim na galit sa iyong kapwa. Maliwanag ang iyong utak at malinis ang iyong budhi. Tanda ito ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, at kailangan ito ng isang manunulat.