Huwebes, Hulyo 30, 2015

Lahat ng katinig sa Abakada ay maaaring magamit sa TI_A


LAHAT NG KATINIG SA ABAKADA AY MAAARING MAGAMIT SA TI_A
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Palaisipan ni Jose Marie Gallego sa lingguhang magasing Liwayway na may petsang Agosto 3, 2015, pahina 46, may isang tanong doon na hindi ko agad nasagutan. Apat na titik, ngunit may himaton naman. May sagot na iyong tatlong titik at isang titik na lamang ang kulang upang mabuo ang buong palaisipan. Ang sukat ng nasabing palaisipan o krosword ay 15 x 15, o 15 kahon sa pahalang at sa pababa.

Sa 10-Pahalang, ang tanong ay 'Anino'. Ang nabuo nang sagot ay TI_A. Sa 12-Pababa, ang tanong ay 'Palayaw ng babae', at ang nabuong sagot a _IRA. Maraming palayaw ang babae na maaaring Cira (palayaw ng Ciera), Dira (palayaw ng Indira, tulad ng pangalan ni Gandhi), Lira (na tinutugtog) o Mira (apelyido ng nakalaban noon ni Pacquiao sa boksing). Hindi maaaring ang sagot sa 'Anino' ay CIRA, dahil di palasak gamitin ang titik C sa wikang Filipino, maliban sa mga pangalan ng tao, kaya walang TICA. Hindi rin maaari ang DIRA, dahil wala akong alam na salitang TIDA. Kung LIRA naman, ang sagot sa anino ay TILA na hindi tugma, at kung MIRA, ang sagot sa anino ay TIMA, na hindi rin tugma, at wala akong alam na salitang tima. Kaya ang ginawa ko'y kinuha ang isang diksyunaryo upang tingnan kung ano ang angkop na salita.

Hinanap ko ito sa UP Diksyunaryong Filipino, at nais kong tingnan lahat ng katinig na lalapat sa sagot. Sinimulan ko sa tiba, sumunod ay sa tida, hindi sa tika (sumusunod na kasi sa bagong alpabeto ang nasabing diksyunaryo kung saan kasama na ang c, f, j, q, v, at x na nasa wikang Ingles). Iba ang natagpuan ko. Halos lahat ng titik sa lumang abakada ay may salitang maaaring ilapat sa TI_A.

Ginamit ko ang lahat ng katinig ng lumang alpabeto o Abakada natin. Ibig sabihin ay labinlimang katinig - b, k, d, g, h, l, m, n, ng, p, r, s, t, w, at y. At lahat ay may salitang lalapat para sa TI_A. Halina't isa-isahin natin.

tiba - pagputol ng puno ng saging; pagtanggap ng malaking bayad, pabuya o panalo

tika - pagsisisi

tida - dilaw na sinulid, ayon sa mga Ifugao

tiga - kolokyal ng tiga-; tigas sa Sebuwano at Waray

tiha - Waray o Espanyol sa tisa

tila - pagtigil ng ulan; animo, mistula, wari

tima - maliit na insekto sa damit

tina - pangkulay sa tela, buhok, at iba pa

tinga - munting pagkaing sumingit sa pagitan ng mga ngipin

tipa - pagtugtog ng intrumentong may tiklado tulad ng piyano o paggamit ng kasangkapan upang makasulat tulad ng makinilya o kompyuter

tira - pamumuhay sa isang pook; naiwan o naitabi

tisa - ginagamit na pang-atip; sa bilyar naman ay pulbos na inilalagay sa dulo ng tako

tita - tiyahin, kapatid o pinsang babae ng ama o ina

tiwa - parasitikong bulate sa tiyan ng baboy

tiya - kapatid o pinsang babae ng ama o ina; tita

Ang isinagot ko sa 10 Pahalang ay TILA, dahil sa pagbabakasakaling mali ang tanong na 'Anino' na dapat ay 'Animo' na tutugma sa sagot. Sadyang nakatutulong ang palaisipan upang maisip ang mga hindi agad maisip, tulad ng paghahanap sa angkop na nawawalang titik sa TI_A.

Siyanga, nabili ko ang magasing Liwayway sa Quezon Blvd. sa Quiapo sa halagang P25.00, 52 pahina kasama ang pabalat. At pitong taon na lang, sa 2022, ay sentenaryo na nito.

Martes, Hulyo 7, 2015

Biyernes, Mayo 29, 2015

Pagbati sa aking mahal na kaeskwela

padalang personal kay Fides sa facebook

padala sa grupong Nazarethan 85 sa facebook

Martes, Marso 17, 2015

Ang tulang "KAY CELIA" ng makatang sina Ben Jonson at Francisco Balagtas

ANG TULANG "KAY CELIA" NG MAKATANG SINA BEN JONSON AT FRANCISCO BALAGTAS 
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sino ba si Celia? At bakit kayraming mga makatang siya ang pinag-aalayan ng pagsinta? Tunghayan natin ang dalawang makata, isang Ingles at isang Filipino, na nag-alay ng tula sa babaeng nagngangalang Celia.

Noong taon 1616 nakatha ang Song: To Celia ng makatang Ingles na si Ben Jonson (1572-1637). Noong 1836 naman tinatayang nakatha ni Francisco Balagtas (1788-1862) ang Florante at Laura kung saan inalay niya ito sa isang nagngangalang Celia. May 22 saknong ang tulang Kay Celia ni Balagtas, bago ang 6 na saknong na Sa Babasa Nito, at ang 399 na saknong na Florante at Laura.

Nakita ko ang "Song: To Celia" ni Ben Jonson sa aklat na Discovering Literature, nina Hans P. Guth at Gabriele L. Rico, pahina 902, na inilathala ng A Blare Press Book. Ang pinangsanggunian ko naman ng "Kay Célia" ay mula sa bagong edisyon (2003) ng aklat na Florante at Laura ni Balagtas na may mga pagsusuri at anotasyon ni Virgilio S. Almario, pambansang alagad ng sining para sa panitikan, pahina 47-50. Ibinatay ito sa limbag noong 1861 ng Imprenta de Ramirez y Girauder.

Ayon sa talasalitaan sa pahina 139 ng Florante at Laura, Bagong Edisyon (2003) ni Virgilio S. Almario, si Celia ay "sinasabing palayaw ni Balagtas sa kanyang mutyang si Maria Asuncion Rivera; ngunit maaaring isang pagtawag din kay Sta. Cecilia na musa ng musika." Parehong tinuturing na awit ang tula nina Balagtas at ng banyagang makatang si Ben Jonson. At marahil ay maganda ring alay ang mga iyon sa musa ng musika na si Sta. Cecilia. Ang "Kay Celia" ni Balagtas ay napakahusay namang isinalin sa wikang Ingles ng makatang Marne Kilates. 

Ayon pa sa pananaliksik, si Celia ay isang mahalagang tauhan din sa dulang As You Like It ng makatang Ingles na si William Shakespeare, na nang taon nang naisulat ni Ben Jonson ang kanyang tulang Song: To Celia, ay taon din ng kamatayan ni Shakespeare. Dagdag pa rito, ang Celia umano ay mula sa wikang Latin na "caelum", na nangangahulugang "langit". At dahil nagmula rin ito sa Cecilia, maaari din itong mangahulugang "bulag" o "musika", (Wikipedia).

Halina't namnamin natin ang mga tulang alay nila sa kani-kanilang Celia.

SONG: TO CELIA (1616)
Ben Jonson 

Drink to me only with thine eyes,
And I will pledge with mine;
Or leave a kiss but in the cup,
And I'll not look for wine.
The thirst that from the soul doth rise,
Doth ask a drink divine:
But might I of Jove's nectar sup,
I would not change for thine.

I sent thee late a rosy wreath,
Not so much honoring thee,
As giving it a hope, that there
It could not withered be.
But thou thereon didst only breath,
And senst it back to me;
Since when it grows and smells, i swear,
Not of thyself, but thee.

AWIT: KAY CELIA
Ni Ben Jonson
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Tagayan mo ako ng iyong mga mata lamang
At ako'y mamamanata nitong abang sarili;
O mag-iwan kaya ng halik subalit sa tasa,
At ako'y hindi na maghahagilap pa ng basi.
Ang uhaw na mula sa aking kaluluwa'y buhat
Sa inaasam-asam na basing may pagkasanto:
Subalit ako man sa lagdò ni Jove'y hihigop
Ako'y hindi magbabago alang-alang sa iyo.

Pinadalhan kita nito lang ng rosas na putong,
Ito'y hindi upang ikaw ay bigyang-karangalan,
Na animo'y nagbibigay ng pag-asa, na roon
Ay hindi na nga malalanta-lanta pang tuluyan.
Ngunit ikaw kapagdaka'y humihinga na lamang,
At iyong ibinalik iyon sa aba mong lingkod;
Subalit nang lumago iyon at humalimuyak,
Ako'y sumusumpa, hindi roon, kundi sa iyo.

Ito ang pagpapakilala kay Ben Jonson, batay sa Biographies of Poets sa nasabi ring aklat, pahina 1803: "Ben Jonson (1572-1637), callled by one critic 'the most scholarly of all Elizabethan playwrights,' worked for a time at bricklaying, his stepfather's trade. Jonson's real love, however, was the theather, and after military service he became attached to a company of actors as player and playwright. His 'Every Man in His Humour' was performed in 1598, with Shakespeare in the cast. Jonson also wrote love lyrics and songs for his many plays and masques."

Ito naman ang tulang "Kay Celia" ni Francisco Balagtas, na maaari ding inaawit, dahil ang turing nga sa buong Florante at Laura ay isang awit. Binubuo ito ng dalawampu't dalawang saknong, at narito ang unang anim na saknong:

KAY CÉLIA
ni Francisco Balagtas

1 Kung pagsaulan kong basahin sa isip
ang nangakaraang araw ng pag-ibig
may mahahagilap kayang natititik
liban na kay Céliang namugad sa dibdib?

2 Yaong Céliang laging pinanganganibang
baka makalimot sa pag-iibigan,
ang ikinalubog niring kapalaran
sa lubhang malalim na karalitaan.

3 Makaligtaan ko kayang di basahin
nagdaang panahon ng suyuan namin?
Kaniyang pagsintang ginugol sa akin
at pinuhunan kong pagod at hilahil?

4 Lumipas ang araw na lubhang matamis
at walang natira kundi ang pag-ibig,
tapat na pagsuyong lalagi sa dibdib
hanggang sa libingan bangkay ko'y maidlip.

5. Ngayong namamanglaw sa pangungulila,
ang ginagawa kong pag-aliw sa dusa:
nagdaang panaho'y inaalala,
sa iyong larawa'y ninitang ginhawa.

6 Sa larawang guhit ng sa sintang pinsel
kusang inilimbag sa puso't panimdim,
nag-iisang sanglang naiwan sa akin
at di mananakaw magpahanggang libing.

Ang Célia na si Maria Asuncion Rivera ng Pandacan sa Maynila ang Céliang pinatutungkulan ni Balagtas, na mapapatunayan na rin sa ika-22 saknong ng kanyang "Kay Célia":

22 Ikaw na bulaklak niring dili-dili,
Céliang sagisag mo'y ang eMe A eRe;
sa birheng mag-ina'y ipamintakasi
ang tapat mong lingkod na si eFe Be.

Célia. Iniiibig ng dalawang makata. Inspirasyon ng mga makata. Pinag-aalayan nila ng tunay na pag-ibig, ng pagsintang animo'y abot hanggang langit. At marahil may iba pang makatang nag-alay din ng kanilang tula sa sinisinta nilang nagngangalan ding Celia.

Dahil dito'y naisipan kong lumikha rin ng sariling bersyon ng tulang "Kay Célia":

KAY CELIA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Sino ang Célia nina Balagtas at Jonson?
Tila sila'y magandang dilag ng kahapon!
Natititik sa diwa't puso nilang yaon
Ang Céliang walang kamatayan ng panahon!

Ang ngalang Célia ba'y simbolo ng siphayo?
O ito'y tatak ng sanlaksang panibugho?
Tulad nila'y may Célia akong nasa puso
Na buong pag-ibig ang ipinangangako!

Ang Célia'y simbolo, iba man ang pangalan
Ng babaing sinisinta't iniingatan
Kung diwata siya ng buong kagiliwan
O, kaysarap ibigin ng Céliang naturan.

Sa Célia ng makatang Jonson at Balagtas
Ang pagsinta nga'y inspirasyong walang kupas
Na maaaring mawala sa maling landas
Ngunit sa sugatang puso pa rin ay lunas.

Miyerkules, Pebrero 4, 2015

Pinoy Chess Grandmaster Wesley So, Naglalaro na para sa Amerika

PINOY CHESS GRANDMASTER WESLEY SO, NAGLALARO NA PARA SA AMERIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagulat ako sa aking nabasa sa Philipine Star, pahina A24, petsang Pebrero 1, 2015. Ayon sa ikaanim na talata sa kolum na Let's Play Chess ni National Master (NM) Edgar de Castro, "There was a logjam for second among four young GMs, half-a-point behind at 8.5. In tie-break order, the 24-year-old Frenchman Maxime Vachier-Lagrave was declared second, followed by Dutch Anish Giri (20), American Wesley So (21) and Chinese Ding Liren. These are the young stars that most expect to be the next generation of regular major tournament winners."

Di ako makapaniwala. Nagkamali ba ako ng basa, o namali ng pagkakasulat ang kolumnista? American Wesley So. Di ba't dapat ay Filipino Wesley So?

Nais kong siguruhin na mali ang kolumnista o mali ako. Kaya agad kong nagsaliksik.

Ito ang nakasulat sa Wikipedia: "Wesley Barbasa So is a Filipino chess grandmaster representing the United States. So is a former chess prodigy and the eighth youngest grandmaster on record."

Sa chessgames.com naman ay maliwanag na nakasulat: "In 2013, he moved to live and study in the USA at Susan Polgar's chess academy in the University of Webster in Texas, and in 2014 he officially shifted his chess affiliation to the USA. He is now officially the USA's #2 player, as well as the #2 player in the Americas."

Totoo pala. Lumipat na siya sa bansang Amerika. At siya ang pangalawang pangunahing player ng Amerika. Ang nangunguna ay si Gata Kamsky na dating Ruso na naglalaro na rin para sa Amerika.

Ipinanganak si Wesley so sa Bacoor, Cavite noong Oktubre 9, 1993. Natuto siyang maglaro ng chess sa edad na anim, at nagsimulang sumali sa mga torneo sa edad na siyam. Nakamit niya ang kanyang chess grandmaster norm noong edad katorse pa lamang siya at itinuturing siyang pangwalo sa pinakabatang chess grandmaster sa buong mundo.

Marami nang chess masters na malaki ang naging kaugnayan sa Pilipinas, tulad ni Super Grandmaster Bobby Fischer ng Amerika na nanirahan sa Baguio City. Si GM Viswanathan Anand ng India, na kamakailan ay naging contender sa world chess championship na ipinanalo ni world chess champion Magnus Carlsen ng Norway, ay nag-aral sa Pilipinas. Ngunit sila'y pawang mga dayuhan. Tanging si Wesley So lamang ang Pilipinong chess grandmaster na lumipat na ng nasyunalidad.

Si Wesley So ang world's 7th youngest chess grandmasters in the world noong 2007. Siya ang tinanghal na world's number 10 nang manalo siya ng $100,000 first prize sa Millionaire Chess Open nang talunin niya si Webster University teammate Ray Robson sa final round ng kumpetisyon noong Oktubre 2014 sa Las Vegas.

Bago siya lumipat para maglaro bilang kinatawan ng Amerika sa chess, lumiham muna siya kay Prospero Pichay Jr., na siyang pangulo ng National Chess Federation of the Philippines, at dating kongresista. Ayon sa liham, nais ni So na maglaro para sa American Chess Federation ngunit siya pa rin ay "proud to be Filipino, and I will always be a Filipino at heart."

Ang pamilya ni So ay nanirahan na sa Canada, habang siya naman ay nag-aaral sa Webster University sa Amerika, at plano niyang doon na permanenteng manirahan. Ayon sa kanyang liham, na nasa blog ng kanyang gurong si Susan Polgar ng Hungary:

"This is where I will have the opportunity to improve my chess, and make a decent living as a professional player. I want to be able to play in top level tournaments ... to get to the next level."

"I respectfully ask that you grant me this opportunity and consent my transfer."

"If you choose not to approve my transfer request, I have no way of paying the 50,000 euros fees to the NCFP. Therefore, I will have no choice but to sit out another year to fulfill my full two year waiting period so no transfer fees are needed. This will not benefit the NCFP at all. However, it will severely slow down my progress by not being able to play in official FIDE events such as the World Cup, World Blitz and Rapid Championships, etc. I will be forced to miss the next World Championship cycle."

"This is not an easy decision. But it is the best decision for me to have a chance to be a top 10 player in the world, and perhaps one day fight for the World Championship crown. I hope you will support my decision and allow me to make this change immediately so I can have a chance to chase my dream without losing more valuable time at this very important age," ayon pa sa liham ni So.

Ang desisyong ito ni So ay suportado ni Asia's First chess grandmaster Eugene Torre ng Pilipinas. Ayon kay Torre sa panayam ng Rappler: "We have to give 101% full support to Wesley because he’s now in a position where he knows he would be the only one to know what is best for him because we are not there. “I think he is getting a serious training there, then we should give him the full support because he’s already in the position to be ambitious to become a challenger and even to become world champion."

Ayon pa sa Rappler, sinabi ni Torre hinggil kay So: "he has no intention of giving up his Filipino citizenship; his motivation is to play amongst the best talents possible."

Paliwanag nga ni Wesley So, “First of all, I'll be their number 2 player behind (Hikaru Nakamura) who is the number 7 chess player in the world. And so I’ll be able to work with stronger players. That's one of the things I like when I moved here to the Webster University because and I’m working with strong grandmasters and I’m working with them everyday.”

Ito ang posisyong sinusuportahan ni Torre. Ayon pa kay Torre, “He wants only to represent the US federation but he’s not renouncing his citizenship as a Filipino. He’s still a Filipino, that’s why the more reason we should give our full support for his ambition.”

Naglalaro man bilang kinatawan na ng Amerika si Wesley So, dapat pa rin natin siyang ipagmalaki. Tulad nga ng sinabi niya, kahit naglalaro na siya para sa Amerika, siya pa rin ay  "proud to be Filipino, and I will always be a Filipino at heart."

Maraming kilalang grandmaster na ang tinalo ni So, tulad ni dating No. 1 chess contender na si Vassily Ivanchuk ng Ukraine, at kamakailan lamang ay tumabla si So, na hawak ang itim na pyesa, laban kay world champion Magnus Carlsen sa 2015 Tata Steel chess tournament.

Sa ngayon, inabot na ni So ang Elo rating na 2755, ayon sa Phil. Daily Inquirer. Ang sinumang makaabot ng Elo rating na 2700 ay pasok na sa mga super elite ng chess. Si GM Eugene Torre naman ay nasa 2448 ang Elo rating sa FIDE (World Chess Federation).

Bilang chess grandmaster na Pilipino na naglalaro na para sa Amerika, patuloy nating suportahan ang mga laban at pangarap ni GM Wesley So, hanggang sa makamit niya ang kanyang pangarap na magkaroon ng world chess champion mula sa Pilipinas. Mabuhay ka, GM Wesley So!

Pinaghalawan:
Philippine Star, p. 24, Feb. 1, 2015
Wikipedia.com
www.chessgames.com
http://www.gmanetwork.com/news/story/71933/sports/so-is-now-rp-s-youngest-gm-world-s-7th-youngest
http://www.gmanetwork.com/news/story/365011/sports/othersports/phl-loses-chess-whiz-wesley-so-to-the-us
http://grandslam.chessdom.com/corus-2009/corus-day-4
http://sports.inquirer.net/159594/wesley-so-settles-for-2755-rating-world-no-12

Samantala, nalutas daw ng mga langgam ang isang problema sa chess noon. Halina't basahin ang kwento sa link na ito:
Ants solve ancient chess problem
http://www.gmanetwork.com/news/story/347481/scitech/science/ants-solve-ancient-chess-problem

Lunes, Disyembre 29, 2014

Ang Aklat na Philippine Native Trees 101

ANG AKLAT NA PHILIPPINE NATIVE TREES 101
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Philippine Native Trees 101: Up Close and Personal, makapal na aklat, umaabot ng 322 pahina. Maganda at makabuluhang aklat hinggil sa mga puno sa ating bansa. Makapal ang bawat pahina at makulay dahil bawat pahina'y may litrato ng mga puno. Habang binabasa ko ito ay nakita ko sa pahina nito ang punong kalumpit na pag umuuwi ako sa bayan ng tatay ko sa Batangas ay kumakain ako ng bunga nito, lalo na't ipinagpipitas kami nito ng aming mga kamag-anak. Ang bunga ng kalumpit animo'y duhat na kulubot at mamula-mula o kaya'y kulay abuhin. Puno rin pala ang Kalantas, na pangalan ng isang nayon sa Batangas, na ayon sa kwento ng ilang pinsan ko ay parang munting Tondo. Nang makita ko ang punong Betis, agad kong naalala ang isang lugar sa may Pampanga na maraming may apelyidong Bituin. At nakita ko na ang nagsulat ng artikulo hinggil sa Punong Betis ay isang Myrna M. Bituin, na marahil ay malayo kong kamag-anak.

Nagkaroon ako ng aklat na ito nang ako'y maging isa sa mga tagapagsalita sa Green SONA (State of the Nature Assessment) noong Agosto 28, 2012 sa Environmental Studies Institute (ESI) sa Miriam College sa Katipunan sa Lungsod Quezon. Taun-taon itong ginagawa ng iba't ibang grupong makakalikasan bilang pantapat sa SONA ng Pangulo ng Pilipinas. Ako ang nagsilbing kinatawan doon ng dalawang samahan, ang Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan (SALIKA), at Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML). Ang orihinal na pangalan ng SALIKA ay Saniblakas ng Inang Kalikasan, na nang lumaon ay naging Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan. Sa SALIKA ay tumatayo akong bise-presidente nito habang sa KPML naman, lalo na sa tsapter nito sa NCRR (National Capital Region-Rizal) ay isa akong edukador, mananaliksik, dyarista, at manunulat.

Gayunpaman, hindi tungkol sa mga puno ang aking talumpati kundi hinggil sa mga maralitang tinatanggalan ng bahay matapos ang bagyo o kalamidad. Katatapos lang nang panahong iyon ng pananalasa ng bagyong Gener ng Agosto 3 at ng Habagat ng Agosto 7 na araw sana na magaganap ang Green SONA 2012, ngunit ipinagpaliban dahil sa naganap na malakas na ulan at mga pagbaha. Pinamagatan ko ang talumpati ng "Kalagayan ng Maralita at ng Kalikasan". Nang matapos ang palatuntunan, lahat ng mga naging tagapagsalita ay binigyan ng token o regalo. Bawat isa sa amin ay nakatanggap ng aklat na Philippine Native Trees 101: Up Close and Personal, at isang puting tisert na may nakatatak na Green Convergence.

Naisip kong gawan ng tula at maikling kwento ang mga punong ito, at marahil isang libro ng mga tula't kwento ang aking magagawa balang araw hinggil sa mga puno at gubat sa ating bayan. Ito ang nadagdag sa aking mga adhikang dapat kong maisulat. Maraming salamat at nabigyan ako ng aklat na iyon, na kung di ako nagpursiging makadalo roon ay tiyak na malaking bahagi ng buhay ko ang nawala. Isang kayamanan na ang aklat na iyon para sa tulad kong manunulat at sa marami pang henerasyon sa hinaharap. Malaking isnpirasyon ang idinulot sa akin ng aklat na iyon.

Ang mga trumabaho upang maging ganap ang aklat na iyon ay ilang mga kasama sa grupong Green Convergence, na siyang nangangasiwa ngayon sa buwanang Kamayan para sa Kalikasan Forum. At sinabi nilang may balak pang magkaroon ng ikalawang aklat o Part Two. Ibig sabihin, ibang mga puno sa ating bansa na hindi nailagay sa unang aklat. Iniisip kong sana'y may maiambag ako sa aklat na iyon, na dapat kong pagsumikapan, lalo na't hindi naman ako lumaki sa lalawigan o kanayunan, kundi sa sementadong lungsod. Ang Green Convergence din ang pasimuno ng taun-taong Green SONA na isinasagawa matapos ang SONA ng pangulo.

Noong Pasko ng 2014, dahil wala akong maibigay sa nanay ko, iniregalo ko ang aklat na iyon sa aking mahal na ina. Kareretiro lang niya noong Setyembre 6, 2011, at pareho na silang retirado ng aking ama. Ibinigay ko iyon dahil madalas nang umuuwi sa aming bahay sa lalawigan ang aking mga magulang at tumututok sa pagtatanim. 

Dagdag pa roon ang ikinwento ng aking ina na nang dumatal ang bagyong Glenda, kung saan nag-iisa lang siya sa aming bahay sa lalawigan pagkat ang aking ama naman ay nasa aming bahay sa Maynila, kaytindi ng hampas ng hangin na halos nagwasak sa maraming tanim. Ngunit ang isang malaking puno sa aming bahay ay nanatiling matatag at hindi natumba matapos ang bagyo. Bagamat sa paligid niyon ay napakaraming punong ibinuwal ang bagyong Glenda. Ipinagpapasalamat ng aking ina na hindi nabuwal ang puno sa tabi ng aming bahay.

Kaya ang aklat na iyon ay isang makabuluhang regalo sa akin, na nasa pangangalaga na ngayon ng aking ina. 

Biyernes, Disyembre 19, 2014

Paglulunsad ng aklat na SA BAWAT HAKBANG sa Kamayan Environment Forum

Inilunsad noong ika-19 ng Disyembre, 2014 ang aklat na Sa Bawat Hakbang: Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya, na ang may-akda ay ang inyong lingkod, sa ika-298 sesyon ng buwanang Kamayan para sa Kalikasan forum sa Kamayan restaurant sa EDSA, malapit sa SEC Ortigas. Ang nasabing aklat ay produkto ng Climate Walk, isang mahabang 41 araw na lakbayan mula Luneta hanggang Tacloban, hanggang sa pag-uwi sa Maynila, mula Oktubre 2, na kaarawan ko, hanggang Nobyembre 8, 2014, unang anibersaryo ng napakatinding unos-delubyo-daluyong na Yolanda, hanggang sa pag-uwi sa Maynila noong Nobyembre 11, 2014.

Ang paksa ng nasabing forum ay hinggil sa mga katutubong puno o native trees. Ngunit binigyan tayo ng pagkakataong ilunsad ang aklat bago ang ikalawang yugto ng palatuntunan. Maraming salamat sa Green Convergence na namamahala ng kasalukuyang Kamayan Forum. Sa pagtatapos ng forum ay nagkaroon ng raffle na ang tinamaan ay maliit pang puno na pantanim, at ang nakuha ng inyong lingkod ay ang punong may pangalang Iloilo. Tamang-tama itong panregalo sa aking ina na mula pa sa lalawigan ng Antique, katabing lalawigan ng Iloilo.

Inilunsad pa uli ang aklat sa dalawang aktibidad pa matapos ang Kamayan Forum. Ito'y sa General Assembly ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa hapon ng araw ding iyon, at sa get-together ng mga Climate Walkers sa Makati sa gabi. - Greg Bituin Jr.
 

Ang mga litrato ay kuha nina Ron Faurillo, Dojoe Flores, Jenny Tuazon, at Greg Bituin Jr.

Linggo, Disyembre 14, 2014

Dapog at Gambalay

DAPOG AT GAMBALAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming salita sa buong Climate Walk ang aming natutunan. Tulad na lamang sa Samar. Nakatatak sa kulay kahel na baro ng mga nagsisama sa Climate Walk: "Climate Justice, Yana Na!" Ibig sabihin ng Yana Na ay Ngayon Na!

Habang nagpapahinga sa isang lugar na dinaanan ng Climate Walk, may isang pahayagang tabloid na aking binasa - ang pahayagang Pang-Masa, na may petsang Oktubre 22, 2014, pahina 9. Sa isang krosword doon ay aking nakita, Pababa 28 - Makapal at maitim na usok. Di ko alam ang sagot. Kaya sinagutan ko muna ang mga katabing tanong nito. Hanggang sa mabuo ko ang krosword. Ang lumabas na sagot. DAPOG.

May salita palang ganito na maaaring magamit bilang salitang kaiba sa simpleng usok lamang, dahil maliwanag ang depinisyon nito - makapal at maitim na usok.

Sa isang islang pinuntahan namin sa Camotes Island sa Cebu, nakita ko ang salitang Gambalay. Salin ito ng salitang framework na sa salitang Bisaya. Ang Hyogo Framework for Action ay isinalin sa Bisaya na Gambalay sa Paglihok sa Hyogo. GAMBALAY. Kaiba ito sa BALANGKAS sa wikang Filipino pagkat iba ang outline sa framework. Ang outline minsan ay burador pa lamang, habang ang framework ay outline na pinagkaisahan at pinatutupad na. 

Dapog at gambalay. Bilang makata, nais ko nang pasimulan ang paggamit nito sa wikang Filipino bilang ambag lalo na sa usaping climate change. Kailangan marahil itong ikampanya sa Komisyon ng Wikang Filipino upang magamit na ito.

Samantala, sinimulan ko na ang mga itong gamitin sa pagtula.

Sabado, Disyembre 13, 2014

Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya

Ang Climate Walk bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Paano nga ba isinusulat ang isang epiko? Karaniwan itong isinusulat na patula, kumbaga'y isang mahabang nobela sa paraang patula.

Nariyan ang Epiko ni Gilgamesh, na sinasabing siyang pinakamatandang nasulat na epiko na buhay pa hanggang ngayon. Nariyan din ang Iliad at Odyssey ng Griyegong si Homer. Sa ating bansa, nariyan ang Biag ti Lam-Ang mula sa Ilokos, ang Darangan mula sa Lanao, ang Hinilawod sa Panay, ang Ulilam sa Kalinga, ang Ibong Adarna, ang Ibalon mula sa Kabikulan, ang Tuwaang ng Bagobo, ang Jikiri ng mga Tausug, ang Dagoy ng Palawan, ang Hudhud ng Ifugao, at marami pang iba. Naisulat, kung di man nagpalipat-lipat sa bibig ng salinlahi, ang mga ito sa paraang patula, o panitikan. Mga epiko ito ng kabayanihan na binibigkas o kaya naman ay inaawit.

Batay sa pag-aaral ng ating kasaysayan, isang uri ng panitikan ang epiko. Kadalasang tinatalakay nito o ikinukwento ang mga kabayanihan at pakikipagtunggali ng isang tao o mga tao laban sa kanilang kaaway na sa kasalukuyan ay halos hindi mapaniwalaan dahil may mga tagpong makababalaghan at hindi kapani-paniwala. Hindi kapani-paniwala sa panahong ito ng kompyuter at agham, ngunit sa kanilang panahon, o panahon ng ating mga ninuno, marahil ito'y kapani-paniwala. May ilang pag-aaral ding nagsasabing batay sa mga totoong tao ang mga epiko.

Tulad din ng kwento ng kabayanihan sa panahong ito, ang mga makabagong epiko, na hindi natin basta mapaniwalaan, ngunit nagagawa pala.

Tulad ng naganap na Climate Walk na isang paglalakad mula Kilometer Zero (Luneta sa Maynila) hanggang sa Ground Zero (Tacloban na matinding sinalanta ng bagyong Yolanda). Noong una'y maraming nagsasabing hindi ito magagawa, ngunit sa aming sama-samang pagkilos, nagawa namin ang sinasabi nila noong imposible.

Ang Climate Walk ay isang epiko. Epiko ng pag-asa. Epiko ng hustisya.

Kasama ang mga bagong kakilala, may adhikaing mabuti para sa kapwa, handang magsakripisyo, handang maglakad ng kilo-kilometro para ipamulat sa nakararaming tao ang panawagang "Climate Justice Now!"

Hindi ba't kaysarap makasama ang mga taong may mabuting pananaw at mabuting pagtanaw sa kinakaharap ng daigdig? Hindi ba't kaysarap makasama ang mga taong handang ibigay ang kanilang panahon para sa kagalingan ng kanilang kapwa? Hindi ba't kaysarap makasama ang mga taong may dakilang hangarin? Hindi ba't kaysarap nilang makasama dahil positibo silang mag-isip? Ang kanila ngang prinsipyo, imbes na "Kaya ngunit mahirap" ay "Mahirap ngunit kaya!"

Makabagong epiko ang Climate Walk. Iba't ibang tao, iba't ibang pinanggalingan, iba't ibang kaisipan, ngunit nagkakaisa sa panawagang "Climate Justice Now!" Oo, nagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba. Na tila ba pag-uulit ng sinabi ng bayaning si Gat Emilio Jacinto sa kanyang mahabang akdang Liwanag at Dilim. Ani Jacinto, "Iisa ang pagkatao ng lahat!"

Ano ba ang pakay ng Climate Walk? Hindi lang ito simpleng makarating ng Tacloban. Ito'y isang pag-aalay. Inaalay ang panahon, ang talino, ang mismong sarili para sa isang marangal na adhikain. Hindi ito simpleng masaya kasi naglakad, dahil ang paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban ay isa lamang anyo ng pagkilos. Ang mas mahalaga'y ang mithiin nito para sa kapwa, para sa pamayanan, para sa bayan, para sa sangkatauhan.

Nagsimula ang Climate Walk sa Luneta noong Oktubre 2, na idineklara ng United Nations na International Day for Non-violence. Ito rin ang kaarawan ni Mahatma Gandhi, isa sa mga bayani ng India at nagpasimula ng pagkilos na walang dahas o non-violence. Kaarawan ko rin iyon.

Ang Climate Walk ay panawagan at pagkilos para sa pagkakaisa upang tugunan ang isang malala na at lalo pang lumalalang suliranin o krisis, at ito ang nagbabagong klima. Panawagan ito ng pagkakaisa, di lang ng isang organisasyon, di lang sa isang organisasyon, kundi ng iba't ibang samahan anuman ang paniniwala, kulay ng balat, pulitika. Dapat magkaisa ang taumbayan sa pami-pamilya, sa bara-barangya, iba't ibang lungsod at bayan, at iba't ibang bansa sa daigdig. Panawagan ito sa lahat na kumilos na at pag-isipang mabuti ang dapat gawin sa papatinding epekto ng nagbabagong klima. Ang lahat ay dapat kumilos.

Kabayanihan. Nagsimula ang Climate Walk sa simbolo ng dalawang bayani. Sa Kilometer Zero kung saan naroon ang rebulto ng pambansang bayaning si Jose Rizal, at Oktubre 2, na kaarawan ni Mahatma Gandhi ng India na nagpasimula ng active non-violence, na siyang ginawang petsa ng deklarasyon ng Oktubre 2 bilang International Day for Non-Violence. Ayon nga kay Commissioner Naderev Saño ng Climate Change Commission, paggising niya sa umaga ay nakikita niya ang kanyang mga kasama bilang bayani, lalo na sa mga sakripisyo at panahong kanilang inilaan para sa Climate Walk. Tulad ng bayaning si Baltog sa epikong Ibalon na tumalo sa mga halimaw, ginapi rin ng mga nasa Climate Walk ang anumang alalahanin upang marating ang layunin.

Katatagan. Sa kabila ng mga paltos at pagod na katawan, nagpatuloy pa rin ang mga nagsisama sa Climate Walk. Hindi nalimutang magdala ng tubig bawat isa sa paglalakad, at pag-inom tuwina ng bitamina. Sa epikong Ibong Adarna, kailangang pigain ni Don Juan ng kalamansi ang kanyang sugat upang hindi makatulog at maging bato tulad ng kanyang dalawang kapatid. Ang katatagan ng mga nasa Climate Walk ay hindi mapasusubalian, sa kabila ng mga paltos sa paa, at sakit ng katawan. Nakagagawa sila ng paraan upang malutas ang mga iyon.

Pagtutulungan. Bawat isa ay tulung-tulong sa anumang maaaring gawin, lalo na sa panahon ng pagpapahinga. Sa paglalakad naman ay tinitiyak na bawat isa'y nakasasabay sa lakad at walang nahuhuli, at kung may mahuli man ay tiyaking may kasama ito o ka-buddy upang anuman ang mangyari ay alam ng mga kasama. Makagagawa agad ng paraan kung may mga kinaharap na problema. Tulad ng pamumuno ni Aliguyon sa epikong Hudhud, ang pagtutulungan sa Climate Walk ay tunay na nagpagaan sa anumang hirap na nararanasan. Patunay lamang na ang nagkakaisang pagkilos ay may kapupuntahan kaysa kanya-kanyang pagkilos.

Palakaibigan. Kahit bago pa lamang magkakakilala ay naging malapit na sa isa't isa dahil sa araw-araw na pagsasama. Kahit marahil ang mga naitatagong lihim, lalo na sa pag-ibig, ay unti-unting nabubunyag, at minsan ay napag-uusapan. Salu-salo sa pagkain, kasama sa litratuhan, sabay-sabay na umaawit, kwentuhan, tawanan.

Pagkamalikhain. Anuman ay nagagawan ng paraan, tulad na lamang ng pagpapatuyo ng labahin, nakagagawa ng mga sinampay sa mga lugar na walang sampayan. Si Lam-ang sa na nanligaw kay Ines Kannoyan ay kayang magpabagsak at magtayo ng bahay sa pamamagitan ng tilaok ng kanyang manok at tahol ng kanyang aso.

Awitan. Di lamang ang climate walk song na "Tayo Tayo" ang inaawit, kundi nang minsang magkantahan sa videoke sa barko ay may kaugnayan pa rin sa paglalakad ang inawit. Pambungad ngang inawit ng isang kasama ang "Walk On" sa barko papuntang Allen.

Maraming karanasang hindi malilimutan, ang mga halakhak, kwentuhan, at nagkaroon din minsan ng iyakan at samaan ng loob, ngunit naayos din naman  dahil napag-usapan. Mayroon namang debate hinggil sa iba't ibang isyu na napag-uusapan lamang ngunit nagkakaunawaan naman.

May mga muntikang disgrasya rin. Ang isa ay nang mag-overtake ang isang 10-wheeler closed van sa isang bus, at nawalan iyon ng preno, at ang isa ay nang bumagsak ang isang motorsiklong may sakay na mag-iina.

Ang tuwinang pag-awit ng Climate Walk song na "Tayo Tayo" ay isa sa nakapagpapagaan sa paglalakbay at nagsilbing tulay sa iba pang organisasyon at mga estudyanteng nakasalamuha upang magkaunawaan sa iisang layunin.

Ang tuwinang pagkukwento ng inspirasyunal na kwento ng batang babae at ng starfish (kurus-kurus) ay talagang nakapagbibigay sigla sa marami sa marangal na layuning maging isa at maging kaisa sa panawagang hustisyang pangklima.

Ang pamimigay ng climate and disaster resilience tool kit ay malaking tulong sa mga pamahalaang lungsod at bayan sa pagkilos at pag-alam ng dapat gawin hinggil sa nagbabagong klima.

Minsan, may nagsasabing bakit kami naglalakad at may mapapala ba kami diyan? Hindi namin inilusyon o wala sa aming hinagap na masosolusyunan ang climate change ng isang mahabang paglalakbay. Ngunit ang bisa ng Climate Walk ay ang patuloy nitong pagkilos upang makapunta sa iba't ibang lugar at makisalamuha sa iba't ibang tao, mayaman o mahirap, upang ihatid at ipaunawa ang panawagang "Climate Justice Now!". Ipinapahayag ding hindi dapat ipasa sa kabataan ang mga problema dahil sila ang pag-asa ng bayan. Ang pag-iwas sa problema ay hindi solusyon, lalo na ang pagpasa lang nito sa iba. Dapat lahat tayo ay kumilos, bata man o matanda.

Wala ka bang napapansin sa iyong mga kapaligiran, ayon nga sa awitin ng grupong Asin nina Lolita. Ngunit nagmamasid lang ba tayo at hindi kumikilos?

Tugon ko nga sa isa, hindi totoo na wala kaming napapala. Marami. At ang sama-samang pagkilos sa iisang layunin ay may magagawa. Hindi ba't nagsama-samang kumilos ang taumbayan noong Edsa Uno na nagpatalsik sa isang diktador? Hindi ba't dahil sa sama-samang pagkilos ay nakukuha natin ang opinyong publiko at nauunawaan nila kung bakit dapat kumilos. Ang nanonood lamang ay hindi nagwawagi.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Si kasamang Joemar ay laging hawak ang bandila ng Pilipinas at laging nasa unahan ng bulto, minsan ay nakapaang naglalakad kahit kainitan ng araw. Si Brother Raul at Alan Silayan ay matagal ding tumangan at nagwagayway ng bandila sa buong Climate Walk. Winagway din ng mga kasamang babaeng sina Charley at Nitya ang bandila ng Pilipinas na animo'y nasa Olympics.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Hindi mo aakalaing kakayanin ng marami sa amin na lakarin ng ilang araw ang isang lugar na kaylayo, at isanlibong kilometro ang inaasahan noong lalakarin. Bakit lalakarin ng apatnapung araw ang isang lugar na kaylayo na kaya namang marating ng isang oras sa pamamagitan ng eroplano. Sabi nga ng mga kasama, kung hindi tayo naglakad, hindi natin makakasalamuha ang iba't ibang tao, na ngayon ay atin nang mga kaibigan at kaisa sa panawagang climate justice.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Ang mga bida ay hindi ang mga naglakad o yaong tinatawag na Climate Walk core dahil walang nais maging bida. Ang bida ay ang panawagang Climate Justice Now! Ang bida ay ang mensahe, hindi ang personahe. Ang bida ay ang taumbayang kumikilos at patuloy na kumikilos para sa kapakanan ng kanilang kapwa upang mapaliit ang epekto ng nagbabagong klima sa kanilang mga lugar, at makaagapay sa nagbabago at nagbabagang panahon. At sa isang epiko, ang bida ay hindi natatalo. Kaya tiyakin nating ang bida sa epikong ito ng makabagong panahon ay hindi magagapi. Ika nga, walang rematch sa climate change. Hindi tayo titigil hangga't hindi nagwawagi.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. At ang may-akda nito ay ang lahat ng sumama, sumuporta at nakiisa sa mahabang lakaring ito.

Isang makabagong epiko ang Climate Walk. Ika nga ni Commissioner Yeb Saño, hindi lamang Tacloban ang destinasyon nito kundi ang puso't isipan ng mga tao, di lamang sa ating lugar, kundi sa mga bayan-bayan, at sa iba't ibang bansa sa daigdig.

Nawa ang makabagong epikong ito'y basahin, pakinggan, at magsilbing aral sa mga susunod na henerasyon, lalo na yaong hindi pa ipinapanganak, dahil hindi natin dapat iwan sa kanila ang isang daigdig na nasisira.

Panahon na upang ipagpatuloy ang epiko ng makabagong panahon. Para sa hustisyang pangklima. Para sa patuloy na pagpapahayag ng pag-asa.