Linggo, Hulyo 19, 2009

Bakit kusang nagla-lock ang pinto ng CR?

BAKIT KUSANG NAGLA-LOCK ANG PINTO NG CR?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sarili ko itong karanasan sa isang opisina, kung saan isa ako sa taong bahay doon, at staff ng opisina.

Nagtataka ang mga kasamahan ko kung bakit laging nagla-lock ang pinto ng banyo o CR. Pagkatapos nilang maligo, tumae kaya o kahit umihi lamang, agad na nasasara ang pinto ng CR. Kaya yung kasunod na gagamit ay hindi makagamit. May nagmumulto ba sa CR kaya kusang nagla-lock ang pintuan? Kailangang tawagin ang mayhawak ng susi kapag nala-lock ang CR. At ako ang mayhawak ng susi na lagi nilang tinatawag.

Ang lock ng CR ay iyong pabilog na para ma-lock siya ay pipindutin mo ang gitna nito para ma-lock, pero nasa loob ka ng CR. Pipihitin mo iyon pag labas mo para mawala sa pagka-lock. Pag nasa labas ka ng CR ay kailangan mo na ng susi. Hindi naman sasadyaing i-lock ng nasa loob at lumabas na ng CR ang pinto dahil alam niyang may iba pang gagamit. Ang pwede, lumabas siya sa CR nang hindi na sinasara ang pinto.

Nakakainis, dahil marami akong ginagawa bilang staff, at dahil ako ang mayhawak ng susi ng CR, lagi akong tinatawag dahil lang para buksan ang CR. Grabe. Pero dapat malutas ang problemang iyon.

Palibhasa, hindi ako naniniwala sa multo, napag-isipan ko minsan kung bakit ba iyon kusang nagsasara. Minsang nakaupo ako sa inodoro, napatitig ako sa lock ng CR. Paano ba marereolba ang pagkaka-lock nito. Bago ako lumabas ng CR, tiningnan ko kung pagpihit ko ba ng lock ay hindi na ito nagluluwag kundi pirmi nang naka-lock. Kung ganoon ang nangyayari, dapat palitan na ang lock dahil sira na ito.

Pero pagpihit ko ng lock, bigla itong magki-klik at lumuluwag naman ang lock. Ibig sabihin, kahit masara ang pinto, makakapasok ang susunod na gagamit ng CR dahil hindi naman naka-lock ang pinto. Pero paano nga ba nala-lock ng kusa ang lock ng pinto? Nakita ko rin sa walas ang problema.

Iyun palang lock ng pinto pag tumatama sa tiles ng CR ay kusang nagsasara. Ilang beses ko itong sinubukan. Itinatama ko ang pinto ng CR sa tiles o dingding ng CR. Sumasara ito. Alam ko na ang problema. Paano ko naman ito sinolusyunan?

Kumuha ako ng ilang karton ng pad paper at ginupit ko ang mga iyon. Pinagpatong-patong ko ang mga iyon, at idinikit ng masking tape sa tiles na tinatamaan ng lock ng pinto kaya kusang sumasara. Nagsilbi ang mga kartong iyon bilang bumper upang hindi na magsara ng kusa ang pinto at huwag ituring na may nagmumulto sa kubeta.

Isang araw lang iyon tumagal dahil tinanggal din ng aking kasama sa opisina. Tinawag na naman ako na nag-lock muli ang pinto. Akala niya'y basura lang iyong nakadikit at hindi niya naunawaan na bumper iyon para hindi mag-lock ng kusa ang pinto.

Kaya muli akong kumuha ng karton at idinikit kong muli sa tiles ng CR. Pero sinulatan ko na iyon, at nakasulat: DOOR BUMPER sa itaas, at PARA DI KUSANG MAGSARA ANG PINTO sa bandang ibaba.

Mula noon, hindi na nagsasara ng kusa ang lock ng pinto dahil may bumper na karton na roon, at naunawaan na rin ng mga kasama sa opisina at mga bumibisita roon kung bakit may door bumper na doon sa CR, at wala naman talagang multo doon kaya hindi na kusang nagla-lock ang pinto.

Biyernes, Hulyo 17, 2009

Unang Danas na Kikil

UNANG DANAS NA KIKIL
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa first year high school pa lang ako noon nang maranasan ko ang unang pagkakataong ako'y kinikilan. Limang piso lamang ang baon ko sa isang araw at kinikilan pa ako.

Mula sa bahay patungong eskwelahan, sasakay ako ng dyip na biyaheng Balic-Balic-Quiapo, bababa sa Quiapo, dadaan sa underpass patungong Quezon Blvd., sa tapat ng simbahan ng Quiapo dahil naroon ang sasakyan ng dyip patungong Lawton. Bababa ako ng Lawton upang maglakad patungong eskwelahan. Ang rutang iyon ang natutunan ko, habang may ibang daan na itinuro sa akin ang aking ama, ang pagsakay ng dyip na rutang Quiapo-Pier patungong eskwelahan. Subalit ang daang iyon ay patungo sa kanyang opisina na malapit lamang sa pinapasukan kong eskwelahan, at may kahabaan ng kaunti ang lakarin kaysa galing ng Lawton.

Naranasan ko ang una kong "hold-up" nang minsan, mag-isa akong bumiyahe patungong paaralan nang sa paglalakad ko sa underpass ng Quiapo ay hinarang ako ng isang payat na lalaki, medyo gusgusin sa aking pagkakatanda. Sabi niya'y pahingi raw ng pera. Hindi ko alam ang aking gagawin dahil nakaharang siya sa aking daraanan, at pag ibinigay ko naman ang buo kong limang piso ay mawawalan ako ng pamasahe papunta sa eskwelahan.

Mukhang totoy pa kasi ako nang mga panahong iyon, first year high school, kaya marahil madaling kikilan. Nakapolo, nakabalat ng sapatos, nakapantalon, maayos ang gupit, animo'y binatang-binata ang dating. Nagsisimula pa lang akong matutong laging magbiyahe sakay ng dyip patungong eskwelahan. Dahil noong elementarya'y nilalakad ko lang ang aming paaralan.

Minabuti ko na lang na ibigay ang buo kong limang piso, dahil sa isip ko'y baka may dala siyang kutsilyo. Hindi ko na pinangahasang tumakbo dahil baka may mga kasama siyang iba. Ibinigay ko ang aking limang piso, kaya wala na akong pera. Hindi agad ako nakaalis at nakatingin pa rin ako sa kanya. Marahil dahil hindi pa ako agad umalis at nakatitig sa kanya kaya binigyan niya ako ng barya. Baka iniisip niya na mahalata siya ng ibang nagdaraan. Sakto lang na pamasahe sa dyip ang ibinigay na barya sa akin. P0.65 sa pagkakatanda ko ang pamasahe nang panahong iyon.

Kaya pinabayaan ko na lang, isang munting karanasan sa masalimuot na mundo. Isang aral, na kahit papaano'y nagpaisip sa akin bakit ba may ganuong mga tao. Subalit sa loob-loob ko, ayaw ko na iyong mangyari muli. Hindi muna ako dumaan sa lugar na iyon, at nag-iba ako ng ruta. Pagsakay ko ng dyip na biyaheng Balic-Balic-Quiapo, bababa ako sa Lepanto papuntang Morayta. Maglalakad hanggang Lerma upang doon sumakay papuntang Lawton.

O kaya naman ay bababa ng Recto, maglalakad patungong bilihan ng mga gamit ng ROTC, na kinatatayuan ngayon ng Isetann Recto, at doon sasakay ng dyip patungong Lawton.

O kaya naman ay bababa sa Quiapo, ngunit hindi maga-underpass, kundi maglalakad patungo sa overpass ng Raon upang tumawid sa kabila. At mula doon ay sasakay na ng dyip patungong Lawton.

Kung iisipin ko ngayon ang itsura ng taong iyon, mukhang natakot lang ako noong una, dahil bata pa ako noon. Subalit malaking aral na rin iyon, na para bang isa akong sundalong natutong umiwas sa kaaway, mag-isip ng ruta, maghanap ng bagong daan, maghanap ng bago kaysa laging dinaraanan.

Hanggang ngayon, hanap ko ang pagbabago. Hindi iyong dati nang kinagawian. Kaya marahil ako naging aktibista. Nagtanong bakit may mga taong nangingikil. Nagtanong bakit may mga dukha. Nagtanong bakit hindi pantay ang karapatan at kalagayan ng mga tao sa lipunan. Hanggang sa pinag-aralan ang lipunan.

Ngayon, patuloy akong kumikilos at humahakbang patungo sa isang lipunang makatao, isang lipunang walang pagsasamantala. Kung ano man ang tawag sa lipunang iyon, ang mahalaga'y hindi ang "ismo" kundi ang esensya. Ang kabuuan ng pangarap na lipunang ang bawat isa ay nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao.

Martes, Hulyo 14, 2009

Pagbabasa ng diyaryong nakapatong sa kulambo

PAGBABASA NG DIYARYONG NAKAPATONG SA KULAMBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bata pa ako'y mahilig na akong magbasa. Sa katunayan, bawat diyaryong binibili ng aking ama ay aking binabasa. Natatandaan ko nga, nagbabasa ako ng diyaryong nakapatong sa kulambo. Umaga, pagkagising ay nakatingala na akong gigising, nakatingin, hindi sa kisame, kundi sa pahayagang nakapatong sa kulambo. Nasa kinder na o grade one ako noon.

Ayon sa aking ama, ipinapatong niya ang diyaryo sa kulambo upang takpan ang silaw ng ilaw habang kami'y natutulog. Hindi na kasi pinapatay ang ilaw para daw mas maiwasan ang lamok, at baka tumayo kami sa madaling araw na kung patay ang ilaw ay baka makasagi ng gamit o kaya'y madapa, lalo na kung naiihi. Kaya pinabayaan na lang na buhay ang ilaw, at diyaryo ang pangontra sa silaw ng ilaw habang natutulog.

Uso pa noon ang paggamit namin ng kulambo, di tulad ngayon na bihira ka nang makakita ng kulambo sa mga kasama sa bahay, dahil may bentilador na o kaya ay aircon. Nag-uunahan pa kaming magkakapatid noon sa pagsabit ng kulambo sa apat na sulok ng maliit naming kwarto. 

Sa iisang kulambo'y nagkakasya kaming tatlo pa lang noon na magkakapatid (anim kami ngayon) at ang aming ama at ina.

Pag naalimpungatan sa madaling araw, nakatutok na ang aking mata sa diyaryong nakapatong sa kulambo at binabasa ang mga iyon, komiks man o balita.

Sa kalaunan ay lumabo ang aking mata. At walong taon pa lang ako ay nagsalamin na sa mata. Ngunit habang lumalaki ako ay naaasiwa ako sa pagsasalamin, kaya madalas ay hindi ko na iyon isinusuot. Hanggang sa masanay na akong walang suot na salamin.

Masarap balikan ang karanasang iyon dahil isa iyon sa umakit ng aking interes sa pagbabasa. Pagmulat pa lang ng mata sa paggising sa umaga ay nakatambad na agad sa aking mukha ang mga letra, nagpapahayag ng kwento at mga balita.

Ngayon, wala nang kulambong papatungan ng diyaryo, dahil natutulog na lang akong wala ni kumot o unan. Lalo na sa pagod, kuntento nang ipikit na lamang ang mata upang makatulog, may banig man o wala, o kaya'y sa upuan o bangko na lang nakahiga. Ngunit ang karanasang iyon ay hindi ko malilimot dahil bahagi na iyon ng aking paglaki at paglago bilang isang manunulat.

Linggo, Hunyo 21, 2009

Trapo Kadiri

TRAPO KADIRI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong kampanyahan sa halalang 1995 una kong narinig ang salitang "trapo" na pumapatungkol sa mga pulitikong tiwali at sa palagay ng marami'y dapat mawala sa poder dahil ang iniisip lang nito'y magpayaman at sariling interes lamang. Ang "trapo", na ibig sabihin din ay basahan, ay pinaigsing "traditional politician". Nakasulat nga sa mga poster namin noon ay "Trapo Kadiri", kung saan nakadrowing ang mukha ng isang trapong balasubas. Ikinampanya namin noon sa mga kabataan at sa mamamayan ang pagbabago ng pulitika sa bansa, na ang paglilingkod sa bayan ay hindi negosyo kundi serbisyo, at hindi dapat iboto ang may masasamang rekord ng paglilingkod sa mamamayan. Naipanalo ng SAVE (Students' Advocates for Voters Empowerment), kung saan isa ako sa mga nagboluntaryo dito, ang apat sa pitong kandidato nito, na sina Joker Arroyo (Makati, 1st Dist.), Rey Calalay (QC, 1st Dist.), Mike Defensor (QC, 3rd Dist.) and Sandy Ocampo (Manila, 6th Dist.). Ang SAVE at ang Trapo Kadiri campaign ay pinangunahan ng National Federation of Student Councils (NFSC), na siyang pinakamalaki at pinakaaktibong pederasyon ng student council sa buong bansa ng panahong iyon, at Kalipunan ng Malayang Kabataan (Kamalayan), na isa ako sa mga opisyales.

Bagamat namulat ako sa pulitika sa ating bansa nang mag-Edsa Uno noong 1986, nagsimula akong bumoto noong halalang 1992, at mula noon ay namulat ako sa kalakaran ng pulitika sa bansa. Nakita ko kung paanong mangampanya ang mga naghahangad na "paglingkuran" ang bayan. Lilinisin daw nila ang katiwalian sa pamahalaan. Marahil kaya sila tinawag na "trapo", dahil itinutulad nila ang sarili nila sa basahan, na lilinisin ang mga naiwang dumi ng mga pulitikong kanilang papalitan. Ngunit hindi pala paglilinis ng katiwalian ang kanilang ginagawa kundi paglilinis ng kabangyaman ng bayan. Kaya marahil marami ang nangangako, ngunit kadalasang napapako. Dahil iba ang kanilang intensyon kaysa paglingkuran ang bayan.

Noon, ang alam ko lang na ginagamit ng mga pulitiko ay tatlong G's (guns, goons, gold), ngunit ngayon ay 5 G's na (guns, goons, gold, Garcia at Gloria). Nadagdag ang Garci at Gloria nitong mga nakaraang taon, dahil sa isyu ng "Hello, Garci" tapes, kung saan kinausap ni Gloria si Comelec commissioner Virgilio Garcialiano. Wala na si Garci sa Comelec, ngunit ang iniwan niyang pangalan sa eleksyon sa Pilipinas ay mananatili. Nalagay na ang kanyang pangalan sa diksyunaryo ng pandaraya sa elektoral sa bansa. Kaya habang may dayaan, maaalala ng tao ang kanyang pangalan. "Mag-ingat baka ma-Garci tayo." Marahil matatagalan pa bago mapalitan ang 5 Gs na ito, at marahil di pa ito mangyayari sa eleksyong 2010.

Hindi sapat na kilalanin natin kung sinu-sino ang mga trapo. Mas dapat nating unawain kung anu-ano ang kanilang mga intensyon.

Ang trapo ay tumutukoy din sa mga angkang kumokontrol ng pulitika sa kani-kanilang probinsya, bukod pa sa mga malalaking negosyo nila sa kani-kanilang lugar.

Tinukoy ng kolumnistang si Fel Maragay sa dyaryong Manila Standard Today (May 14, 2007) kung sinu-sino ang mga angkang kumokontrol sa pulitika ng bawat probinsya. Ayon sa kanya, ito'y sina "Ortega ng La Union, mga Dy ng Isabela, mga Marcos ng Ilocos Norte, mga Singson ng Ilocos Sur, mga Joson ng Nueva Ecija, mga Roman ng Bataan, Magsaysay ng Zambales, mga Cojuangco at Aquino ng Tarlac, mga Fuentebella ng Camarines Norte, mga Dimaporo ng Lanao del Sur, mga Osmeña ng Cebu, mga Espinosa ng Masbate, mga Laurel at Recto ng Batangas, mga Gordon ng Zambales, mga Plaza ng Agusan, mga Durano ng Danao City, mga Antonino ng General Santos, mga Lobregat ng Zamboanga City at mga Cerilles ng Zamboanga del Sur." Idinagdag pa niyang may mga bagong angkang sumusulpot, tulad ng angkang Estrada sa San Juan, mga Arroyo sa Pampanga at Negros Occidental, mga Angara sa Aurora, mga Defensor sa Iloilo at sa Quezon City, mga Suarez sa lalawigan ng Quezon, mga Villafuerte sa Camarines Sur, mga Villarosa sa Mindoro Occidental, mga Espina sa Biliran, mga Ampatuan sa Mindanao, at ang mga Akbar sa isla ng Basilan.

Sinu-sino ba ang mga trapo?

Ang trapo ay tulad ng mga uwak na laging sariling pangalan ang binabanggit. Syempre, para sa name recall para manalo sa eleksyon.

Ang trapo ay paimportante, pa-VIP, at laging pinaghihintay ang mga taong kinakailangan siya.

Ang trapo ay pera ang pang-akit sa mga botante.

Ang trapo ay yaong mga pulitikong tumatapak lang sa lugar ng iskwater pag malapit na ang botohan, gayong sa buong taon ay pinandidirihan nya iyon.

Ang trapo ay yaong pinagmamayabang ang proyekto ng pamahalaan na siya umano ang nagpagawa, gayong galing iyon sa pondo ng bayan, at ang gumawa'y simpleng manggagawang tinipid pa sa sweldo, kaya manggagawa'y nagugutom.

Ang trapo ay yaong nag-aartista muna bago pasukin ang pulitika.

Ang tingin ng trapo sa kanilang sarili ay hindi lingkod bayan, kundi negosyante't haring may kapangyarihan. Marami ngang bayarang bodyguard ang mga trapong ito.

Para sa trapo, negosyo ang pulitika. Bakit naman sila magtatapon ng milyung-milyong piso sa kampanyahan para lang ipagpalit sa napakaliit na sweldo kada buwan ng pangulo at iba pang posisyon sa pamahalaan, kung hindi nila ito babawiin mula sa kabang yaman ng bayan?

Ang trapo ay yaong mga tiwaling pulitikong ginagatasan ang kabangyaman ng bayan para manatili sa pwesto.

Ang trapo ay yaong mga kinatawan ng pribadong nagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng mga pabrika, makina, at malalawak na lupain.

Higit sa lahat, ang trapo ang mga tagapagsulong ng bulok na sistema, at representante ng kapitalismo laban sa uring manggagawa at sa naghihirap na sambayanan.

Bistado na sila, ngunit patuloy pa silang namamayagpag sa ating bansa. Ngunit masisisi ba natin sila? O sarili natin ang dapat sisihin dahil nagpapaloko tayo sa kanila?

Silipin natin kung sinu-sino ang mga tatakbong trapo sa pagkapangulo sa 2010. Nariyan si Senador Manny Villar representante ng Las Pinas at ang asawang si Cynthia Villar ay Congresswoman ng Las Piñas. Si Senador Mar Roxas, na magiging kabiyak ay ang sikat na mamamahayag na si Korina Sanchez ng ABS-CBN, ay apo ni dating Pangulong Manuel Roxas at anak ni dating senador Gerry Roxas. Si Defense secretary Gilbert "Gibo" Teodoro, na pamangkin ni Danding Cojuangco na kapatid ng kanyang ina. Asawa naman niya si Rep. Monica Prieto ng Tarlac, na lalawigang balwarte ng mga Cojuangco. Si Senador Chiz Escudero ay galing sa angkan ng mga Escudero sa Sorsogon. Ang kanyang ama ay dating Congressman sa unang distrito ng Sorsogon, at ang mga tiyuhin naman niya ay Bise-Gobernador at Meyor sa kanilang probinsya. Si Joseph Estrada, guilty sa salang plunder ngunit napardon kaya di nakulong, ay nagbabalak na namang tumakbo. Walang kadala-dala. Nasa pulitika rin ang kanyang mga anal na sina Senador Jinggoy at Mayor JV, habang dating senadora ang kanyang asawang si Loi.

Paano naman natin ikakategorya sina Noli de Castro at Loren Legarda, na parehong naglaban sa pagka-Bise Presidente noong 2004? Pareho silang sikat na mamamahayag sa ABS-CBN, at ngayon ay kasama sa pinakasikat na pulitiko sa ating bansa. Masasabi ba nating sila'y mga trapo? Hindi sila galing sa angkan ng mga trapo, ngunit galing sa isa sa pinakamakapangyarihang media network sa bansa. Nitong mga nakaraang taon, kinilala ang media bilang "kingmaker' ng pulitika sa bansa. Marahil, pinatakbo ng malalaking negosyante ang dalawang ito upang matiyak ang proteksyon ng kanilang interes, lalo na ang kanilang mga negosyo, tulad ng ABS-CBN, Maynilad, at iba pa.

Sa ngayon, maraming mamamayan at organisasyon ang nag-oorganisa ng kilusang anti-trapo. Nakikita nilang dapat nang palitan ang imoral na pamahalaan. Kaya ang isyu ng moralidad sa pamamahala ang karaniwang dala-dala ng mga nakapaloob dito. Nais nilang mabago na ang pulitika sa bansa, at tiyaking ang pamamahala sa bansa ay totoong serbisyo sa sambayanan at hindi negosyo ng iilan para manatili sa kapangyarihan. Ngunit hangga’t ang kilusang anti-trapong ito ay nakasakay lamang sa isyu ng moralidad, hindi magbabago ang sitwasyon sa bansa. Dapat manindigan sila laban sa bulok na sistema at tumulong sa pagbubuo ng isang lipunang magwawasak sa pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon upang ang lahat ay makinabang.

Kung noong 1995, ang pakikibaka laban sa trapo ay aktibidad lamang ng kabataan, ang kilusang anti-trapo ngayon ay kilusan na ng buong bayan. Walang dangal ang trapo sa bansa. Sila ang mga kontrabida sa taumbayan. Dapat lang silang ibagsak, kasabay ng pagpapabagsak sa sistemang naging dahilan upang sumulpot sila sa mundo.


ANG UWAK AT ANG TRAPO
tula ni Greg Bituin Jr.
9 pantig

Uwak lamang ang tumatawag
Sa sarili niyang pangalan

Kapara nitong mga trapo
Na bukambibig lagi'y "Ako"

"Ako ang nagpagawa niyan
Ako rin ang nagpondo riyan

Sa akin ang ganyang proyekto
Iyon nama'y pinagawa ko

Pinasemento ko ang daan
Pati na iyang basketbulan

Dahil ako nga'y makatao
Dapat ako'y inyong iboto!"

Siya ba'y talagang seryoso
Na makapaglingkod sa tao?

Tingin sa maralita'y boto
Tingin sa serbisyo'y negosyo

Pag nasa pwesto na't hinanap
Aba'y di agad mahagilap

Istorbo ang tingin sa masa
Pag nilapitan sa problema

Siya ba'y sadyang mapagpanggap?
Pag halalan lang lumilingap?

Pulos "Ako" ang maririnig
Tila uwak ay dinadaig

Kapwa parehong sinasambit
Ngalan nila sa limalapit

"Uwak, uwak," sabi ng isa
"Ako, ako," anang isa pa.

Biyernes, Hunyo 5, 2009

Right of Reply Bill, Pahayagang Obrero, atbp.

RIGHT OF REPLY BILL, PAHAYAGANG OBRERO, ATBP.
ni Greg Bituin Jr., manunulat ng pahayagang Obrero

Ang pahayagang Obrero, kasama na ang mga mamamahayag at mga mamamayang mapagmahal sa kalayaan at karapatang pantao, ay dapat makiisa sa laban ng iba't ibang mamamahayag laban sa kontrobersyal na Right of Reply Bill - ang House Bill No. 3306 at ang Senate Bill No. 2150. Ang dalawang bill ay halos magkapareho, maliban sa pagkakapwesto ng ilang salita. Gayunman, may dagdag ding dalawang probisyon sa SB 2150 (self-regulation at sunset clause).

Suriin natin ang nakasaad sa HB 3306:

SECTION 1. Right of Reply - All persons natural or juridical who are accused directly or indirectly of committing, having committed, or of intending to commit any crime or offense defined by law; or are criticized by innuendo, suggestion or rumor for any lapse in behavior in public or private life shall have the right to reply to charges or criticisms published or printed in newspapers, magazines, newsletters or publications circulated commercially or for free, or aired or broadcast over radio, television, websites, or through any electronic device.

Sa depinisyong ito ay makikita na nating hindi lamang mga mamamahayag sa commercial media ang tatamaan nito, kundi pati na rin ang mga pahayagan ng mga organisasyon, mga blog, at kahit mga email. Di lang Inquirer, Phil. Star, at mga tabloid newspapers, kundi pati pahayagang Obrero, publikasyong Taliba ng Maralita ng KPML, at iba pang dyaryo.

Kasama na sa "electronic device" ang cellphone, pati MP3, atbp. Kaya kahit mismong mga blogger, internet users, at mga moderator ng email groups ay tiyak na tatamaan na.

Ibig sabihin ba nito, ang mismong pagkritik natin sa administrasyong Arroyo, o sa anumang ahensya ng gobyerno, o sa pribadong tao, o kaya'y magmungkahi tayo sa taumbayan ng pagkilos laban sa Con Ass dahil binaboy na nito ang taumbayan, magagamit na ang Right of Reply para ilathala o i-ere ang tugon ng tinamaan? Sa biglang pagtingin, patas ito, lalo na't tayo ang tinatamaan. Ngunit kung susuriing mabuti, pag naisabatas ito, ito'y isang uri ng censorship at panakot sa mga mamamahayag na mag-ingat sa kanilang mga ibabalita, mag-ingat sa kanilang mga isusulat, at marahil ay tanging magagandang balita lamang ang ipahayag. Ito tuloy ay sumasagka sa kalayaang magpahayag ng mamamayan.

Pati na ang patakaran ng mga mamamahayag na hindi pwedeng sabihin ang source ng balita dahil sa seguridad ng source ay tiyak na mapapakialaman na.

Sa Artikulo 2 naman ay ito ang nakasaad:

SEC. 2. Where Reply is Published or Broadcast-The reply of the person so accused or criticized shall be published or broadcast in the same space of the newspapers, magazine, newsletter or publication or aired over the same program on radio, television, website, or through any electronic device.

Tiyak na imbes na sa usaping manggagawa nakalaan ang lahat ng espasyo ng pahayagang Obrero, tiyak na maglalaan na tayo ng espasyo sa tugon ng mga masasagasaan ng dyaryo. Paano kung matambakan tayo ng mga reply? Tiyak ang buong dyaryo'y baka pulos reply na lamang ng ating mga katunggali ang malathala. Baka ang mangyari'y pulos reply na lang ng mga taong gustong mag-react ang mapalathala, dahil naghihinala silang sila ang pinatatamaan ng artikulo.

SEC. 3. When Reply is Published or Broadcast - The reply of the accused or criticized shall be published or broadcast not later than one day after the reply shall have been delivered to the editorial office of the publication concerned or to the station that carried the broadcast being replied to.

Dito mahihirapan ang pahayagang Obrero, pagkat ito'y buwanan ang labas. Di naman natin masasabing di kasama sa bill na ito ang pahayagang Obrero dahil minsan sa isang buwan lang lumalabas. Dahil kung pagbabatayan ang Seksyon 1, kasama ito.

SEC. 4. Obligation to Publish or Broadcast News Item - When an accused who was featured in news stories in radio, broadcast, and/or print media is eventually cleared of the crime or crimes alluded to him, it is the obligation of the same publication or broadcast network to correct its previous report by publishing or broadcasting the findings of the court or police authorities to restore honor and integrity to his person.

Wala akong gaanong problema dito kung itatama lang naman ang mali nating naiulat. Ngunit bakit tayo mag-uulat ng mali. Hindi naman nag-iimbento ng mga balita ang nasa pahayagang Obrero, dahil lagi tayong may batayan. Hindi natin iniuulat ang mga di pa nangyayari.

SEC. 5. Length of Reply - The reply shall not be longer than the accusation or criticism as published or broadcast.

Bagamat maaaring sabihin ng iba na patas lang ito dahil kasinghaba lang naman ng artikulo ang gagawing reply, may problema pa rin. Dahil ang karakter ng pahayagang Obrero ay kiling sa manggagawa at laban sa mga naghaharing uri sa lipunan. Halos buong espasyo ng pahayagang Obrero ay laban sa kanila. Kaya ibig bang sabihin, kung kasinghaba ng mga artikulo ang gagawing reply, tiyak wala nang matitira para sa pahayagang Obrero para makapagpropaganda.

Kung nakalagay sa pahina 2, na pahina ng kolumnista sa pahayagang Obrero, ang kritisismo, sa pahinang ito rin ilalagay ang reply ng tinamaan, na maaaring kapantay din sa haba, ngunit di lalampas. Kawawang Obrero!

SEC. 6. Free of Charge - The publication or broadcasting of the reply shall be free of charge, payment or fees.

Hirap na nga ang pahayagang Obrero sa pananalapi, libre pang magpalathala ang mga kapitalista't naghaharing uri na mauupakan sa dyaryo.

SEC. 7. Penalties - The publisher and editor-in-chief of the publication or the owner and station manager of the broadcast medium who fails or refuses to publish or broadcast the reply or the correction of an erroneous news item as mandated in this Act shall be fined an amount not exceeding P10.000.00 for the first offense; P30.000 for the second offense; P50.000 and imprisonment for not more than 30 days for the third offense; P100,000 and imprisonment for not more than 30 days for the fourth offense; and P200.000, imprisonment for not more than 30 days and the closure and suspension of the franchise of the publication or broadcast media outlet or station for 30 days for the fifth and succeeding offenses.

Ito ang matindi. Pag hindi nag-comply ang pahayagang Obrero sa pagbibigay ng espasyon sa reply ng mga tinamaan, tiyak na ang publisher at editor nito ang siyang tatamaan, at idedemanda sa korte. Ang pahayagang Obrero'y baka magsara na lang.

SEC. 8. The publication of the reply or correction does not preclude recourse to the exercise of other legal rights and remedies available to the party or parties concerned.

SEC. 9. Effectivity- This Act shall take effect fifteen (15) days after its publication in at least two (2) newspapers of national circulation.

Bakit dapat itong laban ng pahayagang Obrero,ng publikasyong Taliba ng Maralita ng KPML, at ng mga manggagawang nagbabasa nito?

Ito'y labag sa Bill of Rights na nakasaad sa Konstitusyong 1987. Ayon sa Artikulo 3, Seksyon 4: "No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances."

Artikulo 3, Seksyon 4, Konstitusyong 1987. Hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o ng pamamahayagan, o sa karapatan ng mga taong-bayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan. (salin mula sa http://www.seasite.niu.edu/Tagalog/ang_1987_konstitusyon_ng_republi.htm)

Ang freedom of speech, ayon sa ating Konstitusyon, ay hindi lamang karapatan ng mga mamamahayag. Ang "freedom of speech, of expression and of the press" ay karapatan ng bawat mamamayan.

Pag naging batas ang Right of Reply Bill, tiyak na matindi na ang censorship sa mga pahayagan at ang mababasa na lang natin ay yaong mga magagandang bagay at walang upakan, na di dapat mangyari. Dapat isiwalat sa taumbayan ang dapat maisiwalat nang walang anumang batas na sasagka sa kanilang kalayaang mag-ulat.

Kasunod nito, tiyak na magkakaroon na rin ng regulasyon kung ano ang isusulat at kung hanggang saan lang dapat ang upak ng mga mamamahayag. Bago pa tayo magsulat ay iisipin pa natin kung sino ang mababangga natin, at kung sinong maaaring magdemanda laban sa atin. Ang Right of Reply ay pagdidikta na sa mga editor at manunulat ng ating pahayagan kung ano ang dapat isulat at ilathala.

May batas naman sa libel. Magsampa na lang ang sinuman ng libelo kung tingin nila'y nakakasira sa kanila ang isang ulat. Gayunman, dapat tandaang ang isang libelo upang mag-prosper ay pumapasok sa DIPM (defamation, identification, publication, malice), na alam naman ng mga mamamahayag. Isa man sa apat na ito ang wala ay hindi ito magpo-prosper.

Ang Right of Reply Bill, pag naisabatas, ay bala ng mga pulitiko, taong gobyerno, kapitalista para sa kanilang pansariling interes, na pwede nilang abusuhin ang batas na ito. Ito'y pagsagka na rin sa karapatan ng taumbayang malaman ang mga balita at iba pang impormasyong nakakaapekto sa kanila.

Hindi lamang mamamahayag ang dapat lumaban dito, kundi tayo ring mamamayan. Dapat sumama na rin sa labang ito ang mga bloggers at internet users, cellphone at i-pod users, dahil tatamaan din sila nito. Baka mabigla na lang silang may fine silang dapat bayaran sa isang artikulo nila sa kanilang blog.

Tulad ng Con Ass, isang tahasang paglabag sa karapatan ng mamamayan ang Right of Reply Bill, kaya dapat nating labanan ito.

Narito ang kumpletong bersyon ng dalawang bill, na matatagpuan sa website na:
http://jlp-law.com/blog/right-of-reply-senate-bill-2150-and-house-bill-3306/

Right of Reply: Senate Bill 2150 and House Bill 3306
Published by Atty. Fred February 27th, 2009 in Elections and Constitutional Law.

(Another proposed law which is the subject if intense discussion is the Right of Reply Bill. Senate Bill 2150 and House Bill 3306 are currently being discussed, both in the Senate/House of Representatives and the community. Let’s hear your thoughts on this proposed law.)

Senate Bill No. 2150

AN ACT GRANTING THE RIGHT OF REPLY AND PROVIDING PENALTIES FOR VIOLATION THEREOF

Be it enacted by the Senate and House of Representatives of the Philippines in Congress assembled:

SECTION 1. Right of Reply. -All persons natural or juridical who are accused directly or indirectly of committing or having committed or of intending to commit any crime or offense defined by law or are criticized by innuendo, suggestion or rumor for any lapse in behavior in public or private life shall have the right to reply to the charges published or printed in newspapers, magazines, newsletters or publications circulated commercially or for free, or to criticisms aired or broadcast over radio, television, websites, or through any electronic device.

SEC. 2. Where Reply Published. -The reply of the person so accused or criticized shall be published in the same space of the newspapers, magazine, newsletter or publication or aired over the same program on radio, television, website, or any electronic device concerned.

SEC. 3. When Published. -The reply shall be published or broadcast not later than three (3) days after the reply shall have been delivered to the editorial office of the publication concerned or to the station that carried the broadcast being replied to.

SEC. 4. Length of Reply. -The reply shall not be longer than the accusation or criticism as published or broadcast.

SEC. 5. Free of Charge. -The publication or broadcast of the reply shall be free of charge, payment or fees.

SEC. 6. Editing Reply. -The reply as such shall be published or broadcast except for libelous allegations.

SEC. 7. Penalties. -The editor-in-chief, the publisher or station manager, or owner of the broadcast medium who fails or refuses to publish or broadcast the reply as mandated in the preceding section shall be fined in an amount not exceeding Ten thousand pesos (P10,000.00) for the first offense; Twenty thousand pesos (P20,000.00)for the second offense; and Thirty thousand pesos (P30,0000.00) for the third offense.

Thereafter, for repeated failures or refusals to publish or broadcast the reply as mandated herein, a fine of Fifty thousand pesos (P50,000.00)shall be imposed. Moreover, if the offender is a public official, he shall be subject to administrative liability under existing Civil Service laws.

The court may also recommend that proper sanctions be imposed by any appropriate mass media organizations on erring editors-in-chief, publishers, station managers or owners of media concerned.

SEC. 8. Self-Regulation. - The block-timers who also fail to broadcast or publish the reply shall be subject to the Code of Ethics or to the realm of self-regulation of the network or station.

SEC. 9. Other Remedies. - The publication of the reply does not preclude recourse to other rights or remedies available to the party or parties concerned.

SEC. 10. Sunset Clause. -This Act shall lapse seven (7) years after its approval unless Congress shall provide otherwise.

SEC. 11. Effectivity. - This Act shall take effect fifteen (15) days following its publication in three (3) newspapers of general circulation.

———————

Republic of the Philippines
HOUSE OF REPRESENTATIVES
Quezon City

FOURTEENTH CONGRESS
First Regular Session

House Bill No. 3306

AN ACT GRANTING THE RIGHT OF REPLY AND PROVIDING PENALTIES IN VIOLATION THEREOF

Be it enacted by the Senate and House of Representatives in Congress assembled:

SECTION 1. Right of Reply - All persons natural or juridical who are accused directly or indirectly of committing, having committed, or of intending to commit any crime or offense defined by law; or are criticized by innuendo, suggestion or rumor for any lapse in behavior in public or private life shall have the right to reply to charges or criticisms published or printed in newspapers, magazines, newsletters or publications circulated commercially or for free, or aired or broadcast over radio, television, websites, or through any electronic device.

SEC. 2. Where Reply is Published or Broadcast-The reply of the person so accused or criticized shall be published or broadcast in the same space of the newspapers, magazine, newsletter or publication or aired over the same program on radio, television, website, or through any electronic device.

SEC. 3. When Reply is Published or Broadcast - The reply of the accused or criticized shall be published or broadcast not later than one day after the reply shall have been delivered to the editorial office of the publication concerned or to the station that carried the broadcast being replied to.

SEC. 4. Obligation to Publish or Broadcast News Item - When an accused who was featured in news stories in radio, broadcast, and/or print media is eventually cleared of the crime or crimes alluded to him, it is the obligation of the same publication or broadcast network to correct its previous report by publishing or broadcasting the findings of the court or police authorities to restore honor and integrity to his person.

SEC. 5. Length of Reply - The reply shall not be longer than the accusation or criticism as published or broadcast.

SEC. 6. Free of Charge - The publication or broadcasting of the reply shall be free of charge, payment or fees.

SEC. 7. Penalties - The publisher and editor-in-chief of the publication or the owner and station manager of the broadcast medium who fails or refuses to publish or broadcast the reply or the correction of an erroneous news item as mandated in this Act shall be fined an amount not exceeding P10.000.00 for the first offense; P30.000 for the second offense; P50.000 and imprisonment for not more than 30 days for the third offense; P100,000 and imprisonment for not more than 30 days for the fourth offense; and P200.000, imprisonment for not more than 30 days and the closure and suspension of the franchise of the publication or broadcast media outlet or station for 30 days for the fifth and succeeding offenses.

SEC. 8. The publication of the reply or correction does not preclude recourse to the exercise of other legal rights and remedies available to the party or parties concerned.

SEC. 9. Effectivity- This Act shall take effect fifteen (15) days after its publication in at least two (2) newspapers of national circulation.

Biyernes, Mayo 22, 2009

Matatalinghagang Bahagi ng Katawan

MATATALINGHAGANG BAHAGI NG KATAWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Ang kapal ng mukha mo! Iniputan ka na sa ulo, ikaw pa ang mabigat ang kamay! Buti na lang hindi ikaw ang aking nakaisang-dibdib! Hindi mo kayang pangatawanan ang iyong salita. Wala kang paninindigan!"

Mukha. Ulo. Kamay. Dibdib. Mga bahagi ng katawan ng tao.

Pangatawanan, mula sa salitang "katawan". Paninindigan, mula sa salitang "tindig". Pawang postura ng tao.

Mahilig tayong mga Pinoy na gamitin sa pang-araw-araw ang mga matatalinghagang salita. Ibig sabihin, hindi literal ang kahulugan, iba ang pagkakagamit kaysa karaniwan.

Mismong mga karaniwang tao ay parang makata kung magsalita, kahit na yaong mga kolehiyala, mga nag-oopisina, at mga propesyunal. Hindi na nila kailangan pang pag-aralan ito sa eskwelahan dahil ito'y ginagamit naman ng mga karaniwang tao sa pang-araw-araw na pamumuhay kaya madali agad nilang maunawaan. Sabihin mo lang na "mababaw ang luha" ng isang dalaga, alam kaagad ng marami na iyakin ang ibig mong sabihin. Habang pag sinabi mo namang "maitim ang budhi" ng isang tao, alam kaagad na dapat pangilagaan ang taong ito.

Mahilig pa nating gamitin ang mismong bahagi ng ating katawan sa matatalinghagang pananalita. May kasabihan ngang "May pakpak ang balita, may tainga ang lupa." "Tulak ng bibig, kabig ng dibdib." Kaya't sa pagsusunog ko ng kilay upang maraming maisulat ay naipon ko ang mga talinghagang may kinalaman sa mga bahagi ng ating katawan. Ating tunghayan ang mga ito, at simulan natin mula ulo pababa.

ULO. Pag sinabi nating "matalas ang ulo", ang tinutukoy natin ay matalinong tao. Pag "mahangin ang ulo", mayabang. Pag "malamig ang ulo", mahinahon. Pag "mainit ang ulo", galit. Pag "lumaki ang ulo" hindi ito taong may hydrocepalus, kundi mayabang. Pag "matigas ang ulo", ayaw makinig sa pangaral o utos. "Sira-ulo" naman pag baliw o may kalokohang ginawa. Pag mahilig "makipagbasag-ulo" tiyak na palaaway. At pag sinabihan kang "may ipot sa ulo", aba'y pinagtaksilan ka ng iyong asawa. Kung kailangang memoryahin ang pinag-aaralan, dapat na ito ay “isaulo”.

UTAK. Pag ang tao'y "matalas ang utak", siya'y magaling magsuri ng mga bagay-bagay. Ang taong "mautak" naman ay tiyak na tuso at kayang mang-isa, ngunit ang "utak-biya" o "utak-galunggong" ay mahina ang ulo. Pag "makitid ang utak" ay mahirap makaunawa.

MUKHA. Hindi marunong mahiya ang mga "makakapal ang mukha", habang mahiyain o kimi naman yaong may "manipis na mukha". Pag "maaliwalas ang mukha" mo, tiyak na masaya ka ngayon, ngunit pag nakasimangot ka't problemado, aba'y "madilim ang mukha" mo. Ngunit ingat kayo sa taong "dalawa ang mukha" o "doble-kara" dahil ang taong ito'y parang balimbing, at traydor. Kung nais mong ipabatid sa isang tao ang kanyang pagkakamali ay kailangan mo itong “ipamukha” sa kanya.

NOO. "Marumi ang noo" ng mga taong may kapintasan, habang "may tala sa noo" yaong mga babaeng ligawin o malimit suyuin ng mga lalaki.

MATA. Yaong "matalas ang mata" ay mga taong mabilis nilang makita ang dapat makita agad, o hinahanap nila. Yaon namang "tatlo ang mata" ay mga taong mapaghanap ng kamalian ng iba. Pag sinabi naman nating "namuti na ang mga mata", tiyak na nainip na sa kahihintay ang taong sinasabihan natin nito.

KILAY. Ang "nagsusunog ng kilay" ay talagang nag-aaral nang mabuti. Noong araw kasi ay wala pang kuryente kaya ang mga nagbabasa gamit ang kandila o gasera ay literal na nasususunugan ng kilay kapag lumabo na ang liwanag at napalapit ang kanilang kilay sa apoy ng kandila. Ganun pa man, patuloy pa ring ginagamit ang idyomang ito hanggang sa kasalukuyang panahon.

TAINGA. Pag "nagtataingang-kawali" ka, ikaw ay nagbibingi-bingihan kahit na naririnig mo na. Hindi patulis ang tainga ng may "matalas na tainga", kundi agad niyang napapakinggan ang dapat niyang marinig. Yaon namang may "maputing tainga" ay tinatawag na kuripot.

ILONG. Sinasabing "humahaba ang ilong" ng mga nagsisinungaling, na marahil ay mula sa alamat ni Pinocchio.

BIBIG. "Tulak ng bibig" pag hanggang salita lamang, at hindi ginagawa ang mga sinabi. Matatabil at bungangera naman kung "dalawa ang bibig". Ang mga salitang palgi mong sinasabi o binabanggit ay tinatawag namang “bukambibig”. Sinasabi namang "ipinanganak ng may gintong kutsara sa bibig" yaong mga anak-mayaman. Ang mga taong palabati sa kapwa ay "magaan ang bibig".

LAWAY. Magsalita ka naman pag sinabihan kang "napapanis ang laway" mo, dahil sobra kang tahimik. Sinasabing "nakadikit ng laway" ang anumang madaling matanggal.

DILA. Pag "kaututang-dila" mo yaong may "makakating-dila" lagi mong kausap yaong mga tsismoso't tsismosa. Nagkatotoo ang iyong sinabi pag "nagdilang-anghel" ka o "nagkrus ay dila" mo. Mapagmapuri ka kapag "mabulaklak ang dila" mo, habang bastos naman yaong may "maanghang na dila". Mahusay makipag-usap at mambola yaong may "matamis na dila", habang sinungaling naman yaong may "sanga-sangang dila". Palasumbong naman yaong may "mahabang dila". Sinasabi naman nating "nasa dulo ng dila" yaong hindi agad masabi-sabi dahil hindi matandaan bagamat alam na alam.

BALIKAT. "Pasan sa balikat" ay tumutukoy na may malaking problema, o may maselang gawaing nakaatang sa kanya. "Pagsasabalikat" o "may iniatang sa balikat" ay pagpasan sa responsibilidad. Kapag “nagkibitbalikat”, ang ibig sabihin ay binalewala.

DIBDIB. Pagpapakasal ang "pag-iisang dibdib", at ang asawa ang siyang "kabiyak ng dibdib". Kabado naman yaong may mga "daga sa dibdib". Pag sinabing "dibdiban" matindi ang konsentrasyon sa gawain.

BITUKA. "Halang ang bituka" ng mga kriminal. Sinasabing pare-pareho ang "likaw ng bituka" ng mga taong magkakauri o mula sa iisang lugar o lahi. Yaon namang mga dukha ay karaniwang "mahapdi ang bituka".

SIKMURA. Sinasabing "butas ang sikmura" ng mga taong matatakaw.

DUGO. Pag naramdaman natin ang "lukso ng dugo" sa isang batang una pa lang nating nakita, baka ito'y ating anak, o kapamilya. Pag "mainit ang dugo" mo sa isang tao, galit ka sa taong iyon. Pag naman "kumukulo ang dugo" mo, nasusuklam ka o naiinis. Madali ka namang makapalagayang-loob pag "magaan ang dugo" mo. "Mabigat ang dugo" naman ang nasasabi sa taong kinaiinisan.

BUTO. "Maitim ang buto" ng mga masasamang tao. Masisipag naman yaong "nagbabanat ng buto". "Malambot ang buto" ng mga lampa, at "matigas ang buto" ng mga may katawang matitipuno.

BALAT. Sinasabihan tayong "balat-sibuyas" pag tayo'y sensitibo at madaling magdamdam. Tinatawag namang "balat-kalabaw" yaong mga mahina ang pakiramdam, di agad tinatablan ng hiya; "balat-kalabaw" din yaong hindi agad nakakaramdam ng lamig dahil makapal ang balat.

KAMAY. Sinasabing "malikot ang kamay" ng mga taong kumukuha ng gamit ng iba, habang "mabilis ang kamay" ng mga mandurukot. "Mabigat ang kamay" ng mga tamad, habang "magaan ang kamay" ng mga mabilis manakit at manuntok ng kapwa. Magkakapera naman ang “nangangati ang kamay” maliban na lamang kung may sugat o galis.

PALAD. "Makapal ang palad" ng mga taong masisipag. Minalas naman yaong mga taong "sinamang-palad". Ang mga matulungin naman sa kapwa ay sinasabing “bukas-palad”. Ang buhay ay pabagu-bago gaya ng “gulong ng palad” at maswerte naman ang taong “mapalad”. Ang kaibigan naman ay tinatawag na "kadaupang-palad".

TUHOD. "Matibay ang tuhod" ng mga taong malalakas pa. "Mahina ang tuhod" ng mga taong lalampa-lampa.

PAA. Pag sinabi nating "makati ang paa", ang ibig sabihin nito'y yaong taong mahilig gumala kung saan-saan. "Mahaba ang paa" naman ang turing sa mga taong itinataon na pag oras ng pagkain ang pagdating o pagdalaw. Pag sinabi naman nating "pantay na ang mga paa" ng isang tao, nangangahulugan na ang tinutukoy natin ay patay na.

TALAMPAKAN. Sinasabing "namuti ang talampakan" ng mga taong kumaripas ng takbo dahil natakot o naduwag.

Marami pa tayong matatalinhagang pahayag na ginagamit sa pang-araw-araw nating buhay na salamin ng ating kultura at kasaysayan. Ang mga idyomang ito ay patunay kung gaano kayaman ang ating wika na dapat nating pahalagahan at ingatan.

Kung may maidadagdag pa kayo, sabihan nyo lang ako. Maraming salamat.

Huwebes, Mayo 7, 2009

Pagmumuni sa Kahayupan

PAGMUMUNI SA KAHAYUPAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Hayop ka talaga! Walanghiya!" Ilang beses na ba nating narinig ang mga salitang ito, lalo na doon sa mga nag-aaway, pinagsamantalahan at inapi? At minsan ay napapanood din natin ito sa mga pelikula, aksyon man o drama, kung saan itinuturing na hayop ang sinumang nagsamantala sa kanilang kapwa. Ngunit tao sila, hindi hayop. Bakit itinuring na hayop ang isang taong nagsamantala? Mapagsamantala nga ba ang mga hayop?

Gayunman, meron din namang paglalambing, tulad ng "Hayop sa ganda ang wan-kata ng tsiks!" na dalawa ang tinutukoy dito: "hayop sa ganda" na ibig sabihin ay napakaganda, at "tsiks" na kolokyal na tawag sa isang magandang babae.

Sa panitikan man o sa tunay na buhay, lagi nating kasama ang mga hayop. Sa bahay, tayo'y may aso o kaya'y pusa. At minsan naman, may nag-aalaga rin ng baboy, kalabaw, baka at kambing. Meron ding nag-aalaga ng mga tandang na panabong at alagaing manok para maitinda ang mga itlog nito. Ang iba naman ay kabayong pangarera.

Pati na sa kultura ng iba't ibang bansa ay kasama na ang mga hayop. Nariyan ang kwento ni Noah at ang mga hayop na sumakay sa malaking barko. Nariyan din ang mga inakdang pabula ng Griyegong si Aesop, kung saan pinagsalita niya sa kanyang mga akda ang mga hayop upang magbigay ng makabuluhang aral sa mga kabataan.

Nakaukit naman sa bandila ng bansang Sri Lanka ang larawan ng isang LEYON, at ang simbolo naman ng mga rebeldeng Tamil doon din sa Sri Lanka ay TIGRE. May digmaan ngayon sa bansang iyon kung saan dinudurog ng gobyernong Sri Lanka ang mga rebeldeng Liberation Tigers of Tamil Eelam (LTTE). Ang iba pang bansang may nakaukit na hayop sa kanilang watawat ay ang Bhutan, Egypt, Ecuador, Peru, Tibet, Uganda, Virgin Islands, Wales, at Zambia.

Anupa't bahagi na ng ating pamumuhay ang mga hayop. Kaya napasali na rin sa ating wika, lalo na sa pananalinghaga at mga salawikain, ang iba't ibang pakahulugan sa mga hayop, at ginagamit itong metapora sa pagpapaliwanag sa iba't ibang bagay. At kadalasan, ginagamit ang hayop sa kasamaan ng ugali ng mga tao. Tila inapi na ng tao ang mga hayop. Dapat bang ganito? Hindi ba't may kasabihan nga sa Ingles, "Be kind to animals" o dapat tayong maging mabait sa mga hayop? Ngunit tingnan ang ilang halimbawang narito:

Bakit tinatawag na BUWAYA ang mga kongresista't pulitiko? Marahil dahil malaki ang bunganga ng buwaya at handang managpang ng pahara-hara sa daraanan nito.

Bakit tinatawag na BUWITRE ang ilang pulitiko, mayayaman, at mga lider ng sindikato? Marahil dahil inaangkin nito ang pinaghirapan ng iba, nagsasamantala sa kapwa, at nang-aapi ng mga dukha, tulad ng mga buwitreng kumakain ng patay.

Bakit tinatawag na TIGRE ang isang babaeng madaldal at palaaway? Marahil dahil kasintunog ng tigre kung magalit ang babaeng ito, na sa ingles ay tinatawag na "nagger".

Bakit tinatawag na TUTA ng Kano ang gobyernong haling na haling sa dayuhan, partikular sa mga Amerikano? Marahil dahil sunud-sunuran ito sa kagustuhan ng kanyang amo, o sa dikta ng Amerikano.

Bakit ikinukumpara sa LANGGAM ang mga taong masisipag, lalo na yaong mga manggagawa? Marahil dahil ang mga manggagawa ay talagang masisipag sa trabaho, at sila ang gumagawa ng yaman ng lipunan, at bumubuhay sa ekonomya ng bansa.

Bakit AGILA ang simbolo ng bansang Amerika? Marahil dahil matayog ang lipad ng haring ibon, at nakikita ang lahat mula sa papawirin, ngunit dapat mag-ingat ang maliliit na bansa dahil baka sila ang dagitin ng agila.

Bakit sinasabing "mahirap pa sa DAGA" yaong mga nagugutom at itinuturing na hampaslupa? Marahil dahil ang daga'y nabubuhay sa pagkain ng kung anu-ano, kahit papel at tirang pagkain, tulad ng mga dukhang naghahanap ng pagkain sa basurahan, at ginagawang pagpag.

Bakit tinatawag na AHAS ang mga taong sukab, lilo o tampalasan? Marahil ay hinango ito sa isang akda sa bibliya ng mga Kristyano kung saan kumain ng mansanas sina Eba at Adan dahil sa udyok ng ahas kaya sila napalayas sa paraiso, kung saan naiwan sa paraiso ang ahas. Marahil may ganito rin sa iba pang relihiyon.

Bakit tinatawag na bahag ang BUNTOT ng isang taong duwag at dungo, gayong wala naman siyang buntot? Marahil dahil tulad ng aso na kakawag-kawag ang buntot sa kanyang amo, ang isang taong duwag at maging ang mga kimi, dungo at mahiyain, ay sunud-sunuran na lamang sa nakatataas sa kanila.

Bakit tinatawag na lumalaki ang SUNGAY ng isang taong pasaway, gayong hayop lamang ang may sungay? Marahil dahil nanunuwag ng amo ang mga sungayang hayop, tulad ng kalabaw at baka. Marahil din dahil ikinukumpara sa demonyong may sungay ang taong pasaway o masama.

Pero talaga bang ganito ang ugali ng mga hayop, kaya kadalasang ikinukumpara natin ang mga kasamaan ng tao sa hayop? Ano ang kinalaman ng buwaya sa mga kongresista't pulitikong tiwali sa pamahalaan, gayong di naman nangungurakot ang mga buwaya? Talaga bang traydor ang mga ahas, hindi ba't harapan kung manuklaw sila?

Hindi ba natin inaapi ang mga hayop sa pagkukumpara natin sa kanila sa masasamang ugali ng tao? Ano kayang masasabi ng mga animal welfare activists sa usaping ito? Tiyak na magpoprotesta sila.

Marami ring salita ang naglalarawan sa kaugalian ng tao sa pamamagitan ng katangian ng mga hayop.

Tulog-manok ang mga madaling magising.

Balat-kalabaw ang mga walang pakiramdam.

Ang mga naaapi'y tinatawag na basang sisiw o kaya'y kakaning itik.

Linta ang mga pulitikong mapagsamantala at tinatawag din itong mga traydor na kaibigan.

Buhay-alamang ang mga maralita.

Salimpusa ang mga di talaga kasali sa isang grupo ngunit nakikisali.

Ngising aso yaong mga mapanlait sa kapwa.

Parang pusang may siyam na buhay ang mga nakaliligtas sa tiyak na kamatayan.

Asong ulol ang tawag sa mga nanggagahasa.

Sa pagdaan ng kasaysayan, pumaimbulog ang mga salitang ito sa mga kwentuhan, talakayan at pagsulat ng mga akda upang ilarawan ang kaugalian ng tao sa pamamagitan ng mga metapora na kaugnay ng hayop. Marahil ay hindi sila malay o hindi sinasadya. Ngunit lumaganap ang mga salitang ito mula pa ng panahong sinauna.

Gayunman, marahil matatagalan pa, marahil bibilang pa ng mga taon, dekada at siglo, para mapawi ang pananalinghagang ito hinggil sa mga hayop sa ating bokabularyo. Sa ngayon, palasak pa rin ito sa ating kamalayan bilang bansa at bilang tao. Hangga't wala tayong naipapalit sa mga pananalitang ito, mananatili pa rin ito sa ating mga aklat, sa mga pelikula, at kahit sa simpleng talastasan.

Miyerkules, Abril 22, 2009

Munting Kuro-kuro sa Araw ng Kalikasan

MUNTING KURO-KURO SA ARAW NG KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Pandaigdigang Araw ng Kalikasan, atin pong pagnilayan sumandali at tayo’y magpasalamat sa kalikasan, lalo na sa mga puno, pagkat sa kanila nanggaling ang mga papel na ginagawang sulatan at aklat. Kung wala ang mga puno, tiyak na wala tayong binabasang mga aklat, magasin at mga pahayagan. Pagpugayan din natin ang mga kababayang nagsakripisyo’t nagpakasakit, lalo na ang mga environmental activists at advocates sa kanilang walang sawang pagtutok at pagkilos upang ang ating kalikasan ay ipaglaban mula sa mga maling patakaran, at maging maayos para na rin sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon (sustainable development).

Dalawang pandaigdigang araw ang karaniwang ginugunita hinggil sa kalikasan - Abril 22 - Pandaigdigang Araw ng Kalikasan (International Earth Day) at Hunyo 5 - Pandaigdigang Araw ng Kapaligiran (World Environment Day). Ang una'y pinasimulan ng mga NGO sa US, habang ang huli'y pinasimulan ng Unied Nations (UN).

Tuwing ika-22 ng Abril kung gunitain ng buong mundo ang Pandaigdigang Araw ng Kalikasan. Oo, ginugunita ito sa buong mundo. Ngunit anong klase ng paggunita: Pagdiriwang ba o pagluluksa?

Dapat bang ipagdiwang ang Abril 22 dahil ito ang itinakdang araw para sa kalikasan, o dapat itong ipagluksa dahil unti-unti nang sininira ng tao at ng sistema ng lipunang umiiral ang kalikasan?

Sa aking pananaw, hindi dapat mamili sa isa, pagkat parehong dapat ipagdiwang ang araw na ito at ipagluksa. Tila mahirap ang sinabi ko. Parang sa umaga ay ipagdiriwang at sa hapon ay ipagluluksa na. Hindi po ganito.

Ipinagdiriwang natin ang Pandaigdigang Araw ng Kalikasan dahil ito ang marapat gawin upang maimulat ang marami sa kahalagahan ng kalikasan, at ang kaugnayan ng kalikasan sa tao at sa ating pagkatao. Ngunit ipinagluluksa natin ang mismong ginagawang kahayupan ng tao sa kalikasan. Kailan matitigil ito?

Napakahalaga ng mga isyung pangkalikasan na karaniwang hindi nabibigyang-pansin ng media, ng gobyerno, ng eskwelahan o ng akademya, maliban na lang kung may trahedyang naganap. Bakit? Dahil ba wala silang pakialam o dahil hindi nila alam ang isyu.

Minsan nga ay nagtataka ako, dahil marami sa atin, bata pa lang ay tinuruan na sa paaralan ng simpleng pagtatapon ng basura sa tamang basurahan. Ngunit nang lumaki na tayo, nalimutan na ito. Kung saan-saan itinatapon ang basura. Ang balat ng kendi, na hindi naman basura hangga’t hindi pa lumalapat sa basurahan, ay agad pinandidirihan. Itinatapon agad kung saan-saan, at ayaw munang ibalik sa bulsa hanggang sa makakita ng basurahan.

Kung ating pagninilayan, alam nating lahat na bago pa tayo mabuhay sa mundo, nariyan na ang kalikasan. Nariyan ang dagat, lupa, hangin, atbp. Halos lahat ng ginagamit natin sa araw-araw ay mula sa kalikasan.

Ngunit pag pumunta ka sa Manila Bay, hindi na pulos tubig ang iyong makikita sa dagat, kundi mga basura, at napakaraming naglulutangang mga plastik. Ang plastik ay hindi nabubulok, kaya tumatambak ang basurang ito.

Grabe na rin ang polusyon sa hangin. Pag nasa biyahe ka galing probinsiya, magigising kang alam mo nang nasa Maynila ka na, pag naramdaman mo na ang polusyon.

Ang tubig na dati ay libre ay may bayad na rin. Mas mahal pa nga ang mineral water kaysa isang bote ng softdrinks. Kailangan na kasing iproseso ito ng mga mangangalakal upang ibenta dahil marumi na ang pinagkukunan ng tubig.

Nakakalbo na rin ang mga kagubatan. Nagkukulang na ba tayo sa itatanim, o hindi tayo nagtatanim?

Gusto mong tumulong ngunit di mo magawa? Aba'y kumilos tayo at huwag tumunganga. Pag tuluyang nasira ang kalikasan, baka tayo'y matulala. Kaya ngayon pa lang, kumilos na tayo upang di ito tuluyang masira.

Ang pagprotekta sa kalikasan ay hindi madaling gawin. Kailangan natin itong pag-isipan at pag-aralan. Hindi sapat na maunawaan natin kung paano nasisira ang kalikasan. Hindi simpleng itapon lang natin sa basurahan ang balat ng kendi ay ayos na. pagkat baka naman naihahalo ang nabubulok sa di nabubulok.

Tayo nga'y magnilay sa Araw ng Kalikasan: Anong klaseng kalikasan, kapaligiran, at sistema ng lipunan ang ating ipamamana sa susunod na henerasyon kung wala tayong gagawin ngayon upang protektahan ito? Nais ba nating wasak na kapaligiran ang ating ipamana sa kanila?

Ang ipinahayag ko'y munting pagsipat lamang sa abang kalagayan ni Inang Kalikasan. Marami pang dapat pag-usapan at pagtuunan ng pansin, lalo na ang iba't ibang isyu, tulad ng global warming o climate change, ano ang kyoto protocol, ano ang sustainable development, ang muling pag-revive ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na nakasalang ngayon sa kongreso at ipinoprotesta ng maraming environmentalists, at marami pang iba.

Ngunit ang pagsipat na ito'y di lamang dahil sa pagsapit ng Abril 22 o Hunyo 5, kundi dahil alam nating sa buong taon ay naaapektuhan tayo ng unti-unting pagkasira ng kalikasan. Hanggang dito na lang muna, at nawa’y isapuso natin ang awiting “Masdan Mo Ang Kapaligiran” ng bandang ASIN na siyang itinuturing na theme song ng mga mapagmahal sa kalikasan.

Miyerkules, Abril 8, 2009

"Hugasan ang 'yong putik sa mukha"

"HUGASAN ANG 'YONG PUTIK SA MUKHA"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Habang nakatunganga sa kisame'y narinig kong pumailanglang sa himpapawid ang isang awiting nakapukaw ng tila natutulog kong isip. Ayon sa awiting iyon, na alam kong narinig na rin ng karamihan:

"Bago mo linisin ang dungis ng 'yong kapwa
Hugasan ang 'yong putik sa mukha"

Ah, putik. Marumi, inaapak-apakan. Pinandidirihan. Nilalayuan.

Putik. Tulad ng isang dukha. Tulad kong mahirap pa kaysa daga. Isang putik sa lipunang puno ng katiwalian. Isang putik sa mundong panay ang digmaan. Isang putik sa pamayanang kay rami ng bangayan. Isang putik sa maraming pamilyang hindi nagkakaunawaan.

Ang putik sa mukha ay isang batik sa karangalan. Hindi nararapat sa mukha ang putik, maging sa talampakan.

Napakaganda ng mensahe nito ngayong semana santa, anuman ang iyong relihiyon, o maging pagano ka man. Pagkat ang mensahe ng awitin ay hinggil sa ating ugnayan sa ating kapwa tao, sa ating pagkatao. Paano nga ba tayo magppakatao at makikipagkapwa-tao? Sadya nga bang madaling maging tao at mahirap magpakatao, tulad ng sinasaad ng isang kasabihan.

Putik. Kamatayan. Pagbabalik sa pinagmulan.

"Bago mo linisin ang dungis ng 'yong kapwa
Hugasan ang 'yong putik sa mukha"

Narinig ko muli ito kanina habang dumaraan sa tapat ng aking tinutuluyan ang isang pulutong ng dahan-dahang umuusad na mga sasakyan, habang nasa unahan ang isang karo na kinalalagyan ng isa na namang namatay.

Hinanap ko sa internet ang kabuuan ng awitin. Ating basahin at tunghayan ang mga titik ng awiting ito, o kaya'y saliwan ng awit habang ninanamnam natin ang kahulugan nito sa buhay. Ang pamagat nito'y "Lupa" at inawit ng sikat na bandang ASIN.

Nagmula sa lupa, magbabalik na kusa
Ang buhay mong sa lupa nagmula
Bago mo linisin ang dungis ng 'yong kapwa
Hugasan ang 'yong putik sa mukha

REFRAIN
Kung ano ang 'di mo gusto
Huwag gawin sa iba
Kung ano ang iyong inutang
Ay s'ya ring kabayaran

Sa mundo, ang buhay ay mayroong hangganan
Dahil tayo ay lupa lamang
Kaya pilitin mong ika'y magbago
Habang may panahon, ika'y magbago
Pagmamahal sa kapwa ay isipin mo

O, sadyang makahulugan ang habilin sa atin ng awit. Habang may panahon pa, ating linisin ang anumang kabulukang namamahay sa ating dibdib. Habang may panahon pa, tayo'y magbago tungo sa isang buhay na makatao at may pagmamahal sa kapwa. Hindi lang ito para sa iba, hindi lang ito para sa atin, kundi para sa lahat upang magkaroon ng kapayapaan sa daigdig na ito. Huwag nating paglaruan ang damdamin at kabuhayan ng ating kapwa tao. Bayaran natin ng tama ang lakas-paggawa ng ating mga manggagawa. Huwag tayong magpatubo ng magpatubo upang manalo sa kumpetisyon laban sa mga karibal sa negosyo. Ang karapatan sa edukasyon at kalusugan ay huwag nating gawing negosyo, pagkat kawawa ang mga taong naghihirap dahil hindi nila mabili ang ninenegosyong karapatan. Maraming namamatay sa nagagamot na sakit dahil sa kamahalan ng gamot. Maraming di mapag-aralan ang nais nilang kurso dahil sa mahal ng matrikula.

Namnamin nating muli ang kanta. Aanhin natin ang anumang kayamanan na pinagtubuan natin mula sa pawis ng iba. Tayo ay lupa lamang. Magbabalik din tayo kung saan tayo nagmula. Sadyang mahiwaga ang kahulugan ng awitin. Simpleng awit. Matipid sa pangungusap. Tatlong saknong lamang, ngunit makahulugan. Nakapanginginig ng laman kung nanamnamin lamang at mauunawaan.

Sa panahong ito ng semana santa, halina't linisin natin ang dungis na nakakulapol sa ating mukha. Tulad nga ng habilin ng awit:

"Bago mo linisin ang dungis ng 'yong kapwa
Hugasan ang 'yong putik sa mukha"

Ah, putik. Marumi, inaapak-apakan. Pinandidirihan. Nilalayuan. Ngunit sa putik pala tayo nagmula, at sa kalaunan ay babalik.

Huwebes, Abril 2, 2009

Niños Inosentes at April Fool's Day

NIÑOS INOCENTES AT APRIL FOOL'S DAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kasabay ng aking paglaki ay nakagisnan ko na ang tinatawag nilang April Fool’s Day tuwing Abril 1 at ang Araw ng Niños Inocentes tuwing Disyembre 28.

“Hoy, ingat ka, April Fool’s Day ngayon, baka maisahan ka?” “Hoy, huwag kayong magpapautang ngayon at Niños Inocentes ngayon, baka di kayo mabayaran.” Karaniwan ko na itong narinig sa aking mga ate at kuya, pinsan at tiyuhin, sa mga kabigan at kaklase.

Noong una, nagtataka lang ako sa kanilang mga sinasabi at ipinagkikibit-balikat ko lamang ang mga ito. E, pano, hindi naman nila ipinaliwanag ng husto kung ano ito. Basta ang sabi lang nila, ang mga araw na ito ay araw ng kalokohan, kaya dapat mag-ingat.

Bakit nga ba may mga araw ng kalokohan? Sino ang nagtakda nito, at ano ang kasaysayan ng mga araw na ito? Iba’t ibang kaugaliang panloloko o pagbibiro ang karaniwang ginagawa sa araw na ito. Nariyang pag dumating ang araw na ito, uutangan ka at pangangakuan kang babayaran agad ng inutangan mo. Pag pinautang mo na, sasabihin agad sa iyo, “Salamat, naisahan kita. April Fool’s Day ngayon. He he he.” Pero katuwaan lang ito ng aking mga kababata, at minsan nagbabayad naman sila kahit papaano. Syempre, kababata, e. Paano kung seryoso talagang maisahan ka?

Teka, bakit nga ba may mga araw ng kalokohan o araw ng pagbibiro. Paano nga ba ito nagsimula? Nagsaliksik ako at narito ang ilan sa aking mga nakuhang batayan:

May sari-saring kwento kung pano nagsimula ang April Fool’s Day tuwing Abril 1. May nagsasabing agad lumaganap ang April Fool’s Day nang mapalitan na ng kalendaryong Gregorian yaong kalendaryong Julian. May nagsasabi pang ang Abril 1 ang siyang unang araw ng taon sa bansang Pransya, kaya’t nang palitan ni Haring Carlo IX ang araw na iyon bilang Enero 1, ang iba’y nanatili sa Abril 1. Yaong mga gumawa pa nito ay pinagtawanan ng kanilang mga kapitbahay, at tinawag silang mga April Fools.

May isa namang sinasabing batayan ng April Fool’s Day at ito’y mababasa sa akdang Canterbury Tales ni Geoffrey Chaucer na pinamagatang Nun’s Priest’s Tale, na isang kwento tungkol sa dalawang loko: ang tandang at ang lobo (the chanticleer and the fox), na naganap ng Marso 32 (dahil hanggang 31 lang ang Marso, ang 32 ay pumapatak ng Abril 1).

Sa ibang bansa, ang pagbibiro o paggawa ng kalokohan tuwing Abril 1 ay hanggang tanghali lamang, tulad sa Inglatera, Australia, New Zealand, Canada at Timog Aprika, at ang magbiro ng bandang hapon na ay tinatawag na April Fool. Ngunit karamihan ng lugar, tulad ng Ireland, Pransya at Amerika, buong araw isinasagawa ang pagbibiro o kalokohang ito.

Ano naman ang araw ng Niños Inocentes tuwing Disyembre 28? Bakit ito naging araw ng pagbibiro o kalokohan?

Nakabatay sa relihiyong Katoliko at Eastern Orthodox ang tinatawag na pista ng Niños Inocentes, na sa ingles ay Feast of the Holy Innocents, na kilala rin bilang Childermas, bilang paggunita sa pagpatay sa mga bata o massacre of the innocents noong panahon ni Herodes, kung saan ipinag-utos niya ang pagpaslang sa mga sanggol na lalaki dahil ito umano ang magiging susunod na hari. Napakaseryoso ng pinagmulan ng Niños Inocentes, ngunit dahil sa salitang “inosente”, uminog ito bilang araw upang magbiro sa mga walang muwang o inosente.

Katunayan, sa bansang España at iba pang bansang Latino, ang Disyembre 28 ay itinuturing na araw ng pagbibiro o kalokohan. At yaong nabibiktima ng mga palabiro o inocentadas ay tinatawag na inosente, o walang muwang. Kaya hindi dapat magalit sa mga nagbiro ang mga nabiktima dahil wala naman daw silang ginawang masama kundi magbiro lamang, dahil nga araw iyon ng mga inosente. Sa ibang kultura, ang Disyembre 28 ay itinuturing na malas na araw kaya hindi dapat magsimula ng anumang proyekto sa araw na ito.

Dalawang magkaibang araw ngunit parehong araw ng pagbibiro. Dalawang pinagmulan, ngunit ang isa’y seryoso habang ang isa’y sadyang kamalian.

Dalawang araw kung saan tayo dapat mag-ingat sa kalokohan ng ilan nating mga kaibigan, kakilala, at kababayan.

Ngunit huwag tayong mag-ingat lang tuwing Abril 1 at Disyembre 28 lamang, Dapat tayong mag-ingat sa lahat ng panahon, pagkat walang pinipiling araw ang mga seryosong manloko sa kanilang kapwa tao. Nariyan ang mga illegal recruiter, na nangangakong makakapagtrabaho sa ibang bansa ang mga kababayan natin, ngunit nasasadlak sa prostitusyon. Nariyan ang mga pulitikong palaging nangangako sa mga maralita nating kababayan, ngunit pag nanalo na ay hindi mahagilap kapag hinanap upang hingan ng kaunting tulong.

Oo, lahat ng araw ay dapat tayong mag-ingat lalo na sa mga taong nais tayong isahan. Kaya ingat.