Lunes, Mayo 12, 2008

Ang Pamana nina Balagtas at Batute

ANG PAMANA NINA BALAGTAS AT BATUTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawa sa pinakamahalagang makata sa ating bansa sina Francisco Balagtas (1788-1862) at Jose Corazon de Jesus (1894-1932), na kilala rin sa kanyang sagisag sa panulat na Huseng Batute.
Halos kalahati ng buong buhay ni Balagtas ang inabot ng buhay ni Batute. Si Balagtas ay nabuhay sa loob ng 74, habang nabuhay naman si Batute sa murang gulang na 38. Sa pamamagitan ng kanilang mga nilikhang tula, ang dalawang makatang ito’y kapwa malaki ang naimbag sa pag-ugit ng kamalayan at panulaan ng mga Pilipino.
Kapwa sila may mahabang tulang naging kanilang pamana sa panitikang Pilipino. Si Balagtas ay may Florante at Laura habang si Batute ay may Sa Dakong Silangan. Kung nakilala si Balagtas dahil sa kanyang Florante at Laura, si Batute naman ay nakilala sa kanyang mga maiikling tula, tulad ng awiting Bayan Ko na kanyang isinulat, at hindi pa dahil sa kanyang Sa Dakong Silangan.
Ang buong akda ni Balagtas ay may kabuuang 432 saknong. Ito’y binubuo ng Sa Babasa Nito (6 na saknong), Kay Celia (27 saknong), at ang 399 saknong na Florante at Laura. Ang akda naman ni Batute ay may kabuuang 443 saknong.
Malaki ang impluwensiya ng Florante at Laura sa mga kilalang bayani ng bansa. Ayon sa ilang historyador, ang Florante at Laura ang pinaghalawan ni Jose Rizal ng emosyon at imahinasyon sa pagsulat niya ng Mi Ultimo Adios. Nang maipatapon sa Guam si Apolinario Mabini dahil sa pagtanggi niyang sumumpa sa bandilang Amerikano, hinamon siya ng Amerikanong nagpakulong sa kanya na magbigay siya ng halimbawa ng pinakamagaling na akda ng makatang Pilipino. Kaya isinulat ni Mabini mula sa kanyang memorya ang 399-saknong na Florante at Laura.
Naisalin na rin sa Ingles ang buong Florante at Laura. Ang translasyon ay isinulat ni George St. Clair noong 1920, na mula naman sa translasyon sa Kastila ni Epifanio Delos Santos noong 1916.
Inilarawan sa mga tula nina Balagtas at Batute ang inhustisyang nararanasan ng taumbayan. Sa masusing pagbasa ay makikita sa dalawang akdang ito ang diwang aktibismo, makamasa’t pagkamakabayan, at kagandahang asal. Sa pamamagitan ng kanilang mga akda, iniangat nila ang dignidad ng Pilipino. Tunghayan natin at pag-isipan ang ilang piling saknong sa Florante at Laura.
Saknong 14
”Sa loob at labas ng bayan kong sawi,
Kaliluha’y siyang nangyayaring hari,
Kagalinga’t bait ay nalulugami,
Ininis sa hukay ng dusa’t pighati.”
Saknong 15
“Ang magandang asal ay ipinupukol
Sa laot ng dagat ng kutya’t linggatong,
Balang magagaling ay ibinabaon
At inililibing ng walang kabaong.”
Saknong 202
“Ang laki sa layaw, karaniwa’y hubad
Sa bait at muni’t sa hatol ay salat;
Masaklap na bunga ng maling paglingap
Habag ng magulang sa irog na anak.”
Tunghayan naman natin ang ilang piling saknong ng Sa Dakong Silangan
Saknong 270
“Nahan ka, bayan ko?” – anang sawing reyna
Kailan pa kaya kita makikita?
Ang kalayaan ko’y di mo makukuha
Kung hindi sa dugo at pakikibaka!”
Saknong 271
“Sa pader na ito ay walang panaghoy
Na maaari pang langit ang tumugon;
Ang aliping bayan kapag di nagbangon
Lalong yuyurakan sa habang panahon.”
Saknong 434
“At ang mga taong bayan ay payapa,
Hindi nila tantong wala na ngang laya,
Nakasangla ka na’y di mo pa halata,
Nagsasayaw ka pa’y nakatanikala.”
Ang Florante at Laura ay pinag-aaralan ng mga estudyante sa high school, habang nakatago naman at tila ayaw ipabasa sa mag-aaral ang Sa Dakong Silangan. Bakit kaya? Una, marahil dahil mas lantad ang panawagang maka-Pilipino at anti-dayuhan ng Sa Dakong Silangan. Ikalawa, maraming Pilipino ang mamumulat sa kanilang tungkulin sa bayan. Ikatlo, isang malaking dahilan ito upang magkaisa at magkabuklod-buklod ang mga Pilipino bilang isang bayang nagsasarili, matatag at malaya.
Natatandaan ko pa noong ako’y nag-aaral sa high school, ang binabasa ng mga mag-aaral sa unang taon ay ang Ibong Adarna ng isang di-kilalang makata (hinanap ko sa mga aklatan kung sino ang may-akda ng Ibong Adarna, ngunit hanggang ngayon ay di ko pa ito natatagpuan); sa ikalawang taon ay ang Florante at Laura ni Balagtas; sa ikatlong taon ay Noli Me Tangere ni Jose Rizal; at sa ikaapat na tao ay ang El Filibusterismo na inakda rin ni Rizal. Nagtanong ako sa ilang kakilala kung ganito pa rin ba ngayon. At ang sabi ng isa’y oo. Maliban sa Ibong Adarna, makikita sa Noli at Fili ang pagmamahal sa kalayaan, habang ang Florante at Laura naman ay isang alegorya ng kalagayan ng Pilipinas sa ilalim ng mananakop na Kastila.
Ang Sa Dakong Silangan ay nakalathalang kasama ng iba pang akda sa librong Bayan Ko na pawang koleksyon ng mga tulang pulitikal ni Batute, mula pahina 118 hanggang 181. Hindi ito tulad ng Ibong Adarna at Florante at Laura na hiwalay na nakalathala bilang isang aklat.
Ang Sa Dakong Silangan ay isang kwento hinggil sa pagkawala ng inang reyna, na ang ngala’y Reyna Malaya. Siya’y asawa ni Haring Pilipo (na tila pinaigsing Pilipino). Ang naghanap sa reyna ay kanyang anak na si Prinsesa Luz (tila mula sa salitang Luzon). Hanggang sa matunton ang reyna na binihag ng isang dayuhang kaharian. Napalaya si Reyna Malaya dahil na rin sa tulong ng nagkakaisang taumbayan.
Malaki ang potensyal na maipakilalang muli ang muntik nang malimot na mahabang tulang Sa Dakong Silangan, kahit di pa nito maabot ang kinalalagyan ngayon ng Florante at Laura sa panitikang pambansa. Una, dahil matindi ang mensahe nito sa buong sambayanang Pilipino. Ikalawa, hindi dapat malagay sa kangkungan ng kasaysayan ang mahalagang panitikang ito. Ikatlo, marami itong aral na kinakailangan ngayon ng taumbayan. Dahil dito, plano ng inyong lingkod na gumawa ng isang pagsusuring pampanitikan ng Sa Dakong Silangan, at gawin itong popular na tulad ng naabot ng Florante at Laura.
At kung maaari, magkaisa tayo na magtatag ng isang samahan kung saan ang layunin at tungkulin nito’y ang mga sumusunod: (a) I-lobby natin sa Kongreso na magkaroon ng batas na ngpapahayag na dapat isama ang Sa Dakong Silangan sa kurikulum sa high school (o kaya’y ipalit ang Sa Dakong Silangan sa Ibong Adarna); (b) I-lobby sa Kagawaran ng Edukasyon na unahing pag-aralan ng mag-aaral ang Sa Dakong Silangan kaysa Ibong Adarna; (c) Kausapin ang mga grupo at indibidwal na guro sa Pilipino na basahin, pag-aralan at ituro sa mag-aaral ang Sa Dakong Silangan; (d) Maghanap ng mag-iisponsor par sa maramihang pagpapalimbag ng Sa Dakong Silangan para sa mga mag-aaral; at (e) Maisalin din ito sa Ingles, tulad ng Florante at Laura, bilang ambag ng Pilipinas sa panitikang pandaigdig.
Ating pag-isipan ang dalawang huling saknong ng Sa Dakong Silangan, na siyang habilin ni Batute sa atin ngayon at sa mga susunod pang henerasyon:
Saknong 442
“ Ikaw kabataang tila nalilinlang
Ay magbalikwas ka sa kinalalagyan,
Bayang walang laya’y huwag pabayaang
Ubusin ng mga anay na dayuhan.”
Saknong 443
“Ang dakong silangang kinamulatan n’yo’y
Maulap ang langit at sakop ng dayo
Kunin mo ang sulo ng bayani ninyo’t
Siyang ipananglaw sa lahat ng dako.”

Biyernes, Mayo 2, 2008

Ang Katotohanan Hinggil sa Sahod

ANG KATOTOHANAN HINGGIL SA SAHOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Mula sa Maypagasa magasin ng Sanlakas, Disyembre 1999, pahina 21-22)

Alam ng karaniwang Pilipino kung ano itong tinatawag na sahod. Ito ang “presyo” o sweldong ibinibigay sa isang manggagawa niya sa kumpanya. Pero karaniwan, ang sinasabing sahod ay hindi kapantay ng tunay na halaga ng lakas-paggawa ng isang manggagawa.

Bakit ganito? Sino ba ang bumubuhay sa lipunan? Hindi ba’t ang mga manggagawa? Ang kanyang lakas-paggawa ang kalakal na binibili sa kanya ng mga kapitalista. Ang presyo nito ang tinatawag na sahod.

Sa kasalukuyang lipunan, may nagpapagawa at gumagawa; may nagpapasahod at tumatanggap ng sahod; may bumubili ng lakas-paggaw at may nagbebenta ng lakas-paggawa; may kapitalista at may manggagawa. Sa pinakasimple, kapitalismo ang tawag sa ganitong sistema. Ibig sabihin, kapitalista ang nagtatakda kung paano pepresyuhan ang trabaho ng isang manggagawa. Sa sistemang ito, tinatrato ang manggagawa bilang kalakal.

Upang mabuhay ang isang tao, kailangan niyang magtrabaho. Maaaring siya’y nagtatrabaho sa pamamagitan ng buy-and-sell, sa pagnenegosyo, o kaya’y self-employed. Pero ang karamihan ay nagtatrabaho bilang swelduhan sa isang kumpanya, opisina o pabrika. Sa pagtatrabaho niya, halimbawa, sa isang tela, inuupahan siya ng kapitalista upang gumawa ng isang partikular na gawain. Ang produktong nililikha niya ang siyang nagiging kalakal ng lipunan. Ibig sabihin, dahil siya ang gumagawa ng produkto ng kapitalista, siya ang bumubuhay sa kapitalista. At dahil ang produktong ginagawa niya ay para sa lipunan, siya ang bumubuhay sa lipunan.

Ngayon, ang manggagawa ay merong sahod na tinatanggap. Ito ang kabayaran ng kapitalista sa kanyang pag-upa ng lakas-paggawa ng manggagawa. Pero sapat ba ang kanyang sahod bilang kabayaran sa kanyang lakas-paggawa?

Sa Saligang Batas ng Pilipinas, malinaw na nakasaad ang limang probisyon na direktang pumapatungkol sa paggawa. Ito’y ang karapatang mag-unyon, magwelga, makipag-CBA (collective bargaining agreement), security of tenure at living wage.

Ginagarantiyahan pala ng Konstitusyon ang living wage. Ang “living wage” kung isasalin sa wikang Pilipino ay “nakabubuhay na sweldo”. Kung nakabubuhay na sweldo ang living wage, bakit hindi sapat na makabuhay ng pamilya ang sweldo ng karaniwang manggagawa? Baka naman hindi ito LIVING WAGE, kundi ito’y LIBING WAGE o sweldong “inilibing” dahil hindi makabuhay. Pag sinabing living wage, ito’y sahod na sapat para buhayin ang manggagawa at ang kanyang pamilya. Kaya kung ang cost of living wage ngayon ay umaabot ng P500.00 bawat araw, ibig sabihin, P500.00 din ang dapat tanggapin ng manggagawa sa isang araw para matawag itong living wage. Kung ang manggagawa ay sinasahuran ng mas maliit kaysa kinakailangan niya at ng kanyang pamilya, ito’y pang-aabuso na sa manggagawa, kaya makatuwiran lamang na itaas ang minimum wage sa antas ng living wage.

Sa madaling salita, tungkulin ng gobyernong ito na pasahurin ang manggagawang Pilipino ng living wage. Ang living wage, ayon sa uibersal na kahulugan nito, ay sahod na umaayos sa “daily cost of living” ng isang karaniwang pamilya ng manggagawa. At ang “cost of living” ng ordinaryong pamilyang manggagawa ang pandaigdigang pamantayan (universal standard) sa pagtatakdang “cost of production”. Ngayon, kung itinuturing ng gobyerno at ng mga kapitalista na kalakal ang mga manggagawa, dapat ay bilhin at bayaran nila ang otso-oras na karaniwang paggawa kaparis ng ibang kalakal na batay sa “cost of production”, na siyang dapat na katumbas ng “cost of living” ng karaniwang manggagawa. Ito ang dapat na halaga ng minimum wage, isang sweldong pampamilya. Ibig sabihin, “family wage” ang kailangan upang mabuhay ang isang karaniwang pamilya. Ang minimum wage ay itinakda ng estado bilang pinakamababang sahod na maaaring tanggapin ng manggagawa. (Sa ngayon, maraming manggagawa ang tumatanggap ng sahod na mababa pa kaysa itinakdang minimum wage.) At ang minimum wage na ito ay tinatrato ng mga kapitalista bilang living wage, samantalang hindi naman ito sapat para makabuhay ng pamilya.

Ginagarantiyahan ng gobyerno ang karapatan sa tubo ng mga kapitalista. Ang tanong: Bakit hindi naman nito magarantiyahan ang karapatan sa sahod ng mga manggagawa? Kung ang manggagawa ay nagbebenta ng kanyang kalakal upang tumubo, ang mga manggagawa naman ay nagbebenta ng kanyang lakas-paggawa para lang mabuhay. Kung ang mga manggagawa ay nagbebenta ng kanyang lakas-paggawa upang makaahon sa kahirapan, ang kapitalista naman ay nagbebenta ng kanyang kalakal para mapalago ang kanyang kayamanan. Hindi ba’t mas dapat protektahan ng gobyerno ang karapatan ng manggagawa sa sahod kaysa karapatan ng kapitalista sa tubo? Kung ginagarantiyahan ng gobyerno ang sagradong karapatan ng kapitalista sa tubo, bakit naman nito ipinagkkait ang saligang karapatan ng manggagawa sa tamang halaga ng kanyang lakas-paggawa? Ang mga manggagawa ang gumagawa ng yaman ng lipunan pero sila pa ang kinakawawa!

Kung sasabihin ng gobyerno, babagsak ang ekonomya kung patataasin ang sahod ng mga manggagawa, ito’y isang malaking kalokohan. Paano babagsak ang ekonomya ng bansa pag itinaas ang sahod ng manggagawa, samantalang ang mga manggagawang ito ang bumubuhay sa lipunan! Ang mga manggagawang ito ang gumagawa ng ekonomya ng bansa!

Ayon sa mga kapitalista, tataas daw ang mga bilihin pag tumaas ang sahod. Anong laking kahibangan! Inililigaw na naman nila ang taumbayan sa kanilang baluktot na lohika. Totoong pag tumaas ang presyo ng mga bilihin, maaapektuhan ang sahod. Pero pag tumaas ang sahod ng mga manggagawa, hindi maaapektuhan ang presyo ng mga bilihin. Ibig sabihin, ang totoong may koneksyon sa sahod ay tubo, hindi ang prsyo ng mga bilihin. Sa pinakasimple, pag tumaas ang sahod, liliit ang tubo at kapag lumiit ang sahod, lalaki ang tubo. Kaysa aminin ang kahayukan nila sa tubo, ang ikakatwiran nila ay tataas ang presyo ng mga bilihin pag tumaas ang sahod!

Lunes, Abril 28, 2008

Karapatang Pantao, Para Kanino?

KARAPATANG PANTAO, PARA KANINO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Mula sa Maypagasa magasin ng Sanlakas, Disyembre 1999, pahina 17)

Noong 1948, idineklara ng United Nations ang ika-10 ng Disyembre bilang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao o Universal Human Rights Day. Ito’y bilang tugon sa mga paglabag sa karapatangpantao na umiral noong Ikalawang Daigdigang Digmaan, kung saan sinakop ng Germany ang Poland, pati mga karatig-bansa nito upang ubusin ang buong lahing Hudyo. Sinundan ang mga pananakop na ito ng Fascist Italy at Imperialist Japan. Dahil sa milyun-milyong katao ang namatay sa mga digmaang ito, nagkaroon ng aral ang sangkatauhan. Mahigit apat na buwan nang naitatatag ang bansang Israel, na naging tahanan ng mga Hudyo, nang gumawa ng isang deklarasyon ang mga bansang kasapi ng United Nations upang kilalanin ang mga karapatan ng tao. Kilala ito ngayon bilang Pandaigdigang Pahayag hinggil sa mga Karapatang Pantao o Universal Declaration of Human Rights (UDHR).

Ang karapatang pantao ang mga batayang karapatan kung saan kinikilala ang pagiging tao ng isang tao. Ang kanyang dignidad at karapatang mabuhay ng marangal at may payapang isipan ang iniingatan ng mga karapatang ito. Dito sa ating bansa, maraming human rights organizations ang gumugunita sa Universal Human Rights Day tuwing Disyembre 10 bilang tanda ng paggalang sa mga karapatang ito. Bakit kailangang gunitain ito? Maraming karapatang pantao ang nalalabag, hindi lang ng karaniwang mamamayan, kundi ng mismong mga nasa poder.

Pasimplehin na lang natin: isyu ng manggagawa. Ito ang nakasulat sa UDHR, Artikulo 23: “(1) Everyone has the right to work, to free choice of employment, to just and favourable conditions of work and to protection against employment. (2) Everyone, without any discrimination, has the right to equal pay for equal work. (3) Everyone who works has the right to just and favourable remuneration ensuring for himself and his family an existence worthy of human dignity, and supplemented if necessary, by other means of social protection. (4) Everyone has the right to form and to join trade unions for the protection of his interests.”

Ating pansinin, nakikita ba natin kung may mga ginagawa nga ang maraming human rights organization at advocates dito sa ating bansa laban sa union-busting, kaswalisasyon, demolisyon, paghahagis ng teargas ng mga pulis, hindi pantay na pagtingin sa mahihirap at mayayaman, atbp.? Bakit patuloy pa rin ang paglaganap ng mga paglabag sa karapatang pantao?

Nang sabihin ni Erap Estrada ang nakakainsulto sa mangggawang tanong na “Nakakain ba ang CBA?” at nang ninais ng taipan na si Lucio Tan na suspindihin ng sampung taon ang karapatang makipag-CBA ng mga manggagawa ng Philippine Airlines (PAL), walang boses na narinig mula sa maraming human rights organizations sa bansa upang ipagtanggol ang batayang karapatan ng mga manggagawa ng PAL. Maraming human rights organizations at human rights advocates sa ating bansa, pero hindi naman makita sa totohanang labanan, at hindi man lang magawan ng kaukulang aksyon ang usaping pangmanggagawa, gaya ng pakikibaka laban sa union-busting, kaswalisasyon, illegal lock-out, ilegal dismissal, CBA violations, strike ban at marami pang uri ng karahasan sa mga manggagawa. Ahhh, baka talagang walang alam ang mga human rights advocates na ito sa batayang karapatan ng mga manggagawa. Kawawa naman sila.

Ito ang ating hamon. Sa pagsapit ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, ating subukan kung gaano katotoo ang mga human rights organizations na ito sa pakikibaka para sa karapatan ng mga manggagawa. Hindi lang marinig kundi makasama mismo sila sa pakikibaka laban sa mga inhustisyang ito. Pero kami’y nangangamba, baka magsermon pa ang mga human rights advocates na ito at sabihin sa atin: “Bakit ba kayo nakikialam sa aming palakad?”

Sa ating Konstitusyon, may nakasaad tungkol sa karapatang pantao. Ito’y nasa Artikulo III na may pamagat na “Bill of Rights” habang nasa Artikulo XIII naman ay “Social Justice and Human Rights”. Dito’y nasusulat ang mga batayang karapatan ng bawat tao at ng mamamayang Pilipino. Kung tutuusin, paboritong pampalubag sa mamamayan ang mga karapatang nakasaad sa Konstitusyon. Anuman daw ang depekto ng Konstitusyon, ginagarantiyahan naman daw nito ang mga demokratikong karapatan ng mamamayan, di gaya noong panahon ng diktadura ni Marcos. Nakasaad sa “Bill of Rights” na pantay ang karapatan ng mahirap at mayaman. Ngunit kung aaraling mabuti ang mga karapatang nakasaad dito, nagsisilbing konswelo-de-bobo lamang ito sa mahihirap, dahil mga dekorasyon lamang ito sa kasalukuyang burgis na Konstitusyon.

Anong klaseng demokrasya ng nakapundar sa Konstitusyong itokung palaging nananaig ang malakas sa mahina? Kahit parehasin mo ang karapatan ng manggagawa sa kapitalista, ng magsasaka sa asendero, ng makapangyarihan sa walang kapangyarihan, tiyak na lalampasuhin ng mayaman ang mahirap. Ito ang reyalidad ng demokrasya sa kasalukuyang Konstitusyon. Kailan ba namayani ang mga maralita sa maimpluwensiya at makapangyarihan?

Sa sistema ng hustisya sa bansa, agad nabibitay ang nagkasalang mahirap kaysa nagkasalang masalapi at makapangyarihan. Sino ba si Leo Echegaray kung ikukumpara kina Lucio Tan at Imelda Marcos? Kahit sa usapin ng repormang elektoral, ang laging namamayani sa eleksyon ay ang mga pulitikong may kakayanang bumili ng boto,armas at mga goons. Posible bang lumustay ang mga mahihirap ng milyun-milyon para lamang manalo sa eleksyon? May magagawa ba ang ilang representante ng sektor na nakaupo sa pamahalaan para isulong ang mga demokratikong interes ng mamamayang Pilipino?

Mananatiling huwad ang “human rights” na ito kung ang mismong sistema ng lipunan ay hindi nagbabago. Hangga’t patuloy na lumalaki ang agwat ng mahirap at mayaman, ang makikinabang lang sa “human rights” na ito ay ang maykayang maka-afford nito.

Huwebes, Abril 24, 2008

Salika, Yo!

SALIKA, YO!
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa magasing Tambuli, Setyembre 2006, pp. 20-21.)

Ikaw! Oo, ikaw! Ikaw nga! Nais kitang sumali dito. Kaya nga SALIKA ang pangalan ng samahang ito. Para sa iyo ito, para sa mga kamag-anak, kaibigan, at mga kakilala mo. Naniniwala kasi akong malaki ang pagnanais mong makatulong sa abot ng makakayanan upang kahit paano'y di masira ang kalikasan, mapaganda ang ating kapaligiran, at kinabukasan ng susunod na salinlahi.

Halukipkip ang sarap ng hanging amihan, ating damhin sa ating puso't isipan ang walang kamatayang awiting Masdan Mo ang Kapaligiran ng bandang ASIN, at ating madarama kung bakit may SALIKA o Saniblakas ng Inang Kalikasan. Ang SALIKA ay grupo ng mga taong may pakialam, may malasakit sa kalikasan, sa kapaligiran, may pakialam sa lahat ng kapwa, may karapatang lumanghap ng malinis na hangin, uminom ng malinis na tubig, may pakialam sa lahat. Hamon nito'y mahigpit nang magkaisa, ganap na magsaniblakas, ang lahat ng kumikilos para sa kapaligiran.

Binuo ang SALIKA noong 2000 ng mga indibidwal na makakalikasan na tinatawag na "citizen's green army". Pinangalanan muna itong HULIKA o Hukbong Lakas ng Inang Kalikasan. Ngunit maraming nagsabing kung ganito ang pangalan, parang nakatuon lang ito sa mahigpit na pagpapatupad ng mga batas-pangkalikasan, at yaong mga di nakatupad ay huhulihin at parurusahan. Ang mga batas-pangkalikasang ito ay tulad ng RA 8749 (Clean Air Act of 1999), RA 9003 (Ecological Solid Waste Management Act of 2000), at RA 9275 (Clean Water Act of 2004). Kaya binago ang pangalan at ginawang SALIKA upang mabigyang diin, di lamang ang mga batas-pangkalikasan, kundi ang edukasyon mismo ng taumbayan ukol sa pangangalaga sa kalikasan at ukol sa malaking lakas na naidadagdag tuwing nagsasanib ng kakayahan ang lahat ng makapag-aambag. Naniniwala ito na di lang ito usapin ng nagkasala at parusa kapag lumabag sa batas-pangkalikasan, kundi mas malalim pa rito, ito'y hinggil sa pag-uugnayan ng bawat tao sa kanyang kapwa, sa kanyang kapaligiran, at sa kalikasan.

Ayon sa tagapagtatag nito na si Ate Marie Marciano, ang SALIKA ay isang independyenteng samahang nakatuon sa pagsusulong ng "pagsasaniblakas ng diwa, pag-uugnayan, pagpapalitan ng impormasyon at pagtutulungan ng iba't ibang tao at samahan na may magkakatulad na aksyon upang sagipin at alagaan ang Inang Kalikasan."

Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba't ibang indibidwal at samahan, at pagpapasapi sa mga ito sa SALIKA, nililinang nito ang lahat ng mga kasapi upang maging tagapamandila, tagapagpalaganap, at pagsasabuhay kahit sa kani-kanilang samahan ng kanilang matibay na komitment para kay Inang Kalikasan. May tatlong simulain na siyang bagay ng SALIKA sa bawat gawain at panuntunan nito. At ito'y ang mga sumusunod:

(a) Bawat nilalang ay may sagradong karapatan para sa isang malusog na mundo na kanyang matitirhan, mapapaunlad, at magpapatuloy ang buhay, na may pagsasaalang-alang sa batas ng kalikasan. Ang malusog na daigdig ay yaong may malinis na hangin at tubig, likas na matabang lupa, malinis at patuloy na enerhiya, at mayamang dami ng iba't ibang buhay na bagay.

(b) Ang bawat tao ay may kanya-kanyang pananagutan at nagtutulungan bilang aktibong tagapangalaga ng mundo. Kaya ang ating pamumuhay ay hindi dapat nahihiwalay sa galaw ng kalikasan, at tunay na napoprotektahan ang henerasyon ngayon, at sa hinaharap. Anumang gawa na makasisira sa kalikasan, o kabiguang protektahan ito, ay ituturing na krimen laban sa lahat ng nabubuhay ngayon at mabubuhay pa sa hinaharap.

(c) Ang epektibong pangangalaga sa mundo ay makakamit lamang sa pamamagitan ng nagkakaisa at pagsasaniblakas ng bawat indibidwal na ang mga pagkakatulad ay nagiging batayan ng pagkakaisa, ang mga kaibhan ay sangkap sa pagiging buháy ng pagkakaisa, at ang buhay ng bawat isa ay pinahahalagahan at pinauunlad.

Isa sa maipagmamalaking mga proyekto ng SALIKA ngayong taon ay ang video-documentary na pinamagatang Hinga, Hingal, Hingalo, na ipinalabas sa Gateway Mall sa Cubao. Nanalo ng "viewer's choice" award sa Moonrise Festival ang nabangit na video-documentary ng SALIKA, Alternative Horizons Media Cooperative at Eco-Waste Coalition, atbp. Tatlong ulit itong ipinalabas dahil sa dami ng nakabili na agad ng tiket para makapanood.

Kaya kung naghahanap ka ng samahang magagamit mo ang iyong potensyal o kaya'y nagnanais ka ng isang makabuluhang adhikain para sa kinabukasan ng bansa, ng kapaligiran, at ng kalikasan, aba'y sali na sa SALIKA! Yo!



SALIKA, YO!
rap ni Greg Bituin Jr.

Yes, yes, yo, SALIKA narito
Magkaisa na ang bawat tao
Sagipin ang nag-iisang mundo
Nang huwag itong maghingalo.

Yes, yes, yo, SALIKA naman
Dahil mayroon kang kakayahan
Upang Inang Kalikasa'y maalagaan
At masagip mula sa kapahamakan.

Yes, yes, yo, panahon na nga
na tayong lahat ay nasa lupa
ay maging tagapangalaga
ng tahanan ng ating kapwa.

Yes, yes, yo, SALIKA na
at pagkaisahin natin
ang ating mga kakayahan
sa pangangalaga
kay Inang Kalikasan!
Yes, yes, yo! SALIKA, YO!

Miyerkules, Abril 23, 2008

Sino ang Berdugo ng Kalikasan?

SINO ANG BERDUGO NG KALIKASAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Wala namang masama sa pag-unlad kung hindi nakakasira ng kalikasan." - Asin, Filipino rock band

May iba't ibang panahon na ginugunita ng iba't ibang bansa at mga organisasyon ang kapakanan ng ating kalikasan. Tuwing ika-22 ng Abril ay ipinagdiriwang ang International Health Day. Tuwing ika-5 ng Hulyo naman ang World Environment Day. Environment Month naman ang buong buwan ng Hunyo. Pero bagamat maraming araw ang inilalaan para gunitain ang kalikasan, patuloy pa rin ang pagpapabaya dito ng mga tao at mismong ng pamahalaan, kaya patuloy pa rin ang pagkasira ng kalikasan. Kaya nga't hindi sapat ang simpleng paggunita lamang, kundi totohanang aksyon. Gayunpaman, dapat nating maunawaan na ang pangangalaga sa kalikasan at sa kapaligiran ay pangangalaga rin sa ating kalusugan. At ito'y dapat magsimula sa ating mga sarili, sunod ay sa pamilya at sa pamayanan. Bakit ba kailangang ipagdiwang ang International Earth Day at World Environment Day, kung hindi naman natin isinasabuhay ang pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran?

Kailangan pa bang magkaroon ng mga deklaradong araw ng paggunita para malaman nating dapapala nating alagaan ang kalikasan? Kung talagang alam nating dapat alagaan ang kalikasan, hindi ba't dapat araw-araw natin itong ginagawa.

Sa totoo lang, maraming environmentalist kuno sa ating bansa, pero karaniwan, nagiging gawaing sibiko na lang ito para masabing may ginagawa pala ang inyong organisasyon. Output kuno, ika nga. Ang nakakatawa pa, ang karamihan ng tinatawag na "environmentalist" ay hanggang environmental awareness lang, dahil hindi mo naman makita sa totoong labanan. Gaya ng mga mahilig magpa-environmental concert at magbenta ng mga environmental t-shirts, pero ayaw namang magtanim, dahil marurumihan daw sila. Nagpapatunay na isa lamang fad o uso ang pagiging environmentalist. Karaniwang nangyayari, nagiging talking shop lang ang isang environmental group dahil wala namang kongkretong aksyon. Ang kailangan natin ay aksyon, bayan!

Kung magmamasid lang tayo sa mga nangyayari sa ating lipunan, mapapansin nating hindi na natin gaanong naaasahan ang DENR sa pangangalaga ng kapaligiran. Bakit ikamo? Dahil ang E sa DENR ay "out-of-place"! Pansinin po natin ang istruktura ng DENR. Maliit na porsyento lamang ang para sa environmental protection. Ang malalaki ay nakapatungkol sa NR (natural resources), o pangangasiwa (imbes na pangangalaga) ng kalikasan. Isang halimbawa rito ay ang Mines and Geo-Sciences Bureau ng DENR. Sa kanila, okey lang na ipatupad ang Mining Act of 1995, pero para sa iba't ibang environmental groups, NGOs at mga katutubo sa area, ang batas na ito'y nakakasira sa kapaligiran at sa kalikasan. Dito'y makikita agad natin ang conflicting interest ng "environment" at "natural resources". Teka, malaki ba ang pera sa mining kaya ganito? Palagay ko.

Isa pa, karamihan ng mga gawaing tungkol sa environment ay ipinasa na ng DENR sa mga LGUs, gaya ng paghahakot ng basura, napunta na ito sa ilalim ng MMDA. Imbes na gumawa ang DENR ng maayos na sistema, lumayo sila sa kanilang responsibilidad at ipinasa sa MMDA ang problema. Kaya maliwanag pa sa ulong panot na nawawalan ng silbi ang E sa DENR. Dapat lang talagang i-abolish ito at gumawa ng superbody na maaaring tawaging Environmental Protection Agency (EPA) kung saan talagang matututukan ang isyu ng environment. Pwedeng sabihin nating hindi ito ang solusyon, pero malaki ang magagawa nito para sa kalikasan, kumpara sa mga nangyayari ngayon.

Matindi na ang teknolohiya ng mga kalapit nating bansa, pero nananatiling primitibo pa rin ang Pinas. Tulad na lang ng pag-aayos ng problema sa basura at ang kahandaan natin pagdating sa kalamidad, gaya ng nangyari sa Ormoc at kailan lang ay yung pagbaha sa Agusan del Sur, kung saan ang sinisii ay ang pagiging kalbo ng mga kagubatan. Sino ba talaga ang berdugo ng kapaligiran at pagkasira ng kalikasan? Tayong mga mamamayan ba o ang mismong gobyerno ang inutil?

Kamakailan, nagprotesta ang mga taga-Rizal hinggil sa isyu ng basura na galing Maynila dahil ginawang dumpsite ang kanilang lugar. Ito 'yung tinatawag na San Mateo landfill, kung saan lahat ng mga basurang nahahakot sa Maynila ay dito dinadala. Nakipag-negosasyon ang MMDA sa mga taga-Rizal na pagkatapos daw ng anim na buwan, ililipat na nila ang landfill a ibang lugar. Ito ba ang solusyon nila? Anong klaseng lohika ito? Ganito ba kainutil ang mga namumuno sa atin? Pag inilipat nila ang landfill sa ibang lugar ay parang inilipat lang nila ang problema. Hindi pa rin nasolusyunan ang problema sa basura. Ang kailangan ng mamamayan ay solusyong hindi makakapwerwisyo sa iba. Ang tanong: Pag inilipat ng gobyerno ang landfill, sinong matino naman ang tatanggap nito? Ang dapat nilang gawin, gumawa sila ng solusyon sa problema ng basura, huwag lang ilipat ang problema at ipasa sa iba.

Sa nangyaring aksidente naman sa Marcopper sa Boac, Marinduque, kung saan dumumi ang mga ilog, nangamatay ang mga isda, at mismong pagkukuhanan ng tubig na inumin ay naapektuhan, mismong ang DENR ang nagbigay ng ECC (environmental compliance certificate) sa Marcopper para makapag-operate. Pati na ang mga naglipanang humigit-kumulang walumpung (80) golf courese sa buong kapuluan ay pinayagan ng DENR sa kabila ng pagtuligsa ng iba't ibang environmental groups, BGOs, IPs at mga residente sa area. Bukod pa sa magastos na pagmimintina nito at mga tubig na inaaksaya para dito. Mga 800,000 galon ng tubig ang kailangan sa isang araw para maalagaan ang isang 18-hole golf course.

Ibinulgar naman ni Neal Cruz sa kanyang kolum sa Inquirer (As I See It, 01-11-99) ang planong pagputol sa 1,500 ektarya ng pine forest sa Malaybalay City, Bukidnon, na pinayagan daw ng DENR sa kabila ng pagtutol ng mga naninirahan dito. Ayon umano kay DENR Sec. Antonio Cerilles, napagkasunduan na raw nuon lang 1993 ang planong ito ng Bukidnon Forest Inc., DENR, LGUs at iba pang ahensya sa pamamagitan ng exchange of notes (EON) sa pagitan ng Pilipinas at bansang New Zealand. Itinanim ang mga nasabing puno mga limampung taon na raw ang nakararaan, at nito lang 1993 napagkasunduan ang plano. Isa pa, hindi daw isang commercial tree plantation ang nasabing kagubatan. Mahigit itong tinututulan ng mga residente at patuloy sila sa kanilang protesta para huwag matuloy ang planong pagputol sa mga punong ito.

Marami pang kaso ng kapabayaan sa kalikasan at mga pagkukulang ang mismong ahensya ng gobyernong dapat managot sa mga ito. Kung hindi ito kaya ng gobyerno, panahon naman na kumilos ang mga mamamayan upang ikampanya ang pag-aalis ng E sa DENR at maitatag ang isang superbody na talagang tututok sa pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran. Kailangan lang tiyakin na may ngipin ang batas dito, at pananagutan ng pamunuan pag nagpabaya sa kanilang trabaho. Hindi lang basta sibak, kundi kulong ng lima hanggang anim na taon. Mabigat ang mamuno sa isang Environmental Protestion Agency (EPA) dahil buhay ng sambayanan ang nakataya dito.

Kaya ang suhestyon namin: gawing resolusyon o bill sa Kongreso ang pag-abolish ng E sa DENR at pagbubuo ng superbody para sa environment na maaaring tawaging Environmental Protection Agency (EPA). At kung maila-lobby ito sa Kongreso, tinitiyak naming susuportahan ito ng iba't ibang NGOs environment groups, at mga individuals sa buong kapuluan, lalo na iyong mga asar na asar na sa kapalpakan at tila pagong na pamamalakad ng DENR. Ito ang aming panawagan sa iba't ibang environmental groups at inaasahan namin ang kanilang pagsuporta.

Nais din naming ipaabot sa mga kinauukulan ang isa pang suhestyon. Naniniwala kami na bawat problema'y may kaukulang solusyon, bagamat nagpapasulpot ng isa na namang problema. Pero ang problemang sumulpot ay may solusyon pa rin. Ang suhestyon namin: gumawa ng batas kung saan ang kukunin lamang ng mga basurero ay ang mga basurang na-sort-out na at may label. Ibig sabihin, iso-sort-out na ito mismo ng bawat kabahayan bago ipakuha sa basurero. Halimbawa, tuwing Linggo o tuwing ikalawang araw, kukuhanin lamang nila ay yaung mga basurang nabubulok (biodegradable), gaya ng mga galing sa pagkain, halaman at dumi ng tao't hayop. Tuwing Lunes ay mga lata; Martes - bote; atbp. Ang mga biodegradable ay maaaring gawing pataba at ang mga non-biodegradable naman ay pwedeng i-recycle at magamit muli. Tiyakin din na may garbage shelter sa bawat barangay o sulok ng kalsada na magtitiyak na duon lang hahakutin ang basura para maayos at hindi nilalangaw. Mainam ang ganitong sistema para mismong mamamayan ay matulak na disiplinahin nila ang mismong sarili nila. Isa pa, malaking kabawasan ito sa ibinibigay nating buwis na napupunta lang para sa basura. Samantalang kung madidisiplina lang ang mga tao, malaki ang matitipid ng gobyerno at ng mga mamamayan. Noong mamalagi ako sa bansang Japan ng anim na buwan bilang scholar, nasaksihan ko mismo kung gaano kaepektibo ang ganitong sistema.

Kung gusto nating maging maganda ang ating kapaligiran (environment) at maayos ang ating kalikasan (nature), mag-isip tayo ng iba't ibang inobasyon. Tapusin na natin ang lipas na kultura na basta na lang tayo magtatapon ng basura kung saan-saan. Mga nabubuhay lang sa Stome Age ang mga mahilig magkalat ng basura. Panahon na upang simulan natin ang pangangalaga sa kapaligiran sa mismong ating mga sarili. Dahil kung hindi, hindi lang DENR o mga kapitalista ang dapat sisihin sa mga nangyayari sa ating kapaligiran. TAYO MISMO ANG BERDUGO NG KALIKASAN, kung hindi tayo magbabago.

Huwebes, Abril 17, 2008

Paunang Salita sa librong "Ningas-Bao"

Paunang Salita sa librong "Ningas-Bao: Katipunan ng 15 piling Sanaysay at 15 Tula"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Narito ang nilalaman ng Paunang Salita ng aking aklat na "Ningas-Bao: Katipunan ng 15 Piling Sanaysay at 15 Tula" na inilathala ng Aklatang Obrero Publishing Collective noong Nobyembre 2007.

ANG DIWA NI PILOSOPONG TASYO

“Sumusulat kayo ng geroglifico? At, bakit?” tanong ni Crisostomo Ibarra kay Pilosopong Tasyo.

“Upang huwag mabasa sa panahong ito ang aking sinusulat!”

Si Ibarra ay napatitig sa kanya at sumagi sa isipan na may katotohanan ngang baliw ang matanda. “Bakit kayo sumusulat, kung ayaw ninyong mabasa ang inyong isinusulat?”

“Dahilan sa hindi ko inilalaan sa ating mga kapanahon ang aking sinusulat kundi sa ibang panahong darating. Kung mababasa ng ating mga kapanahon ang aking mga sinusulat ay marahil susunugin ang aking mga aklat, ang aking hinarap na gawain sa buong buhay; samantalang sa isang dako, ang henerasyon na makakaalam sa kahulugan ng mga titik na ito ay pawang matatalino, mauunawaan nila ang ibig kong kong ipaalam at masasabi nilang: “Hindi ang lahat ay nakatulog sa kapanahunan ng ating mga ninuno.” Ang lihim o ang mga di-karaniwang titik na ito ay siyang nakapagliligtas sa aking gawa sa kamangmangan ng tao, gaya rin naman ng pangyayaring ang lihim at mga kung anu-anong mga paraan ay siyang nakapagligtas sa maraming katotohanan sa mapanirang kamay ng mga kaparian.”

“At sa anong wika kayo sumusulat?” tanong ni Ibarra matapos ang mahabang pagkakapatigil.

“Sa wika natin, sa Tagalog.”



Ang kwento sa itaas ay mula sa Kabanata 25 ng nobelang Noli Me Tangere ni Jose Rizal.

Tulad din ng aklat na ito, ang Ningas-Bao: Katipunan ng 15 Piling Sanaysay at 15 Tula, hinaka ng manunulat na maaaring tulad ni Pilosopong Tasyo ay hindi pa sa panahong ito nakalaan ang ilan sa kanyang mga sulatin kundi sa hinaharap. At nais din ng manunulat na ipaalam din sa kasalukuyang salinlahi na “Hindi ang lahat ay nakatulog sa kapanahunan ng ating mga ninuno.” Hindi geroglifico ang pagkakasulat ng aklat na ito, ngunit kung hindi ito mauunawaan ng henerasyon ngayong bihasa sa ibang wika, maaaring ituring na geroglifico nga ito.

Tulad ng pananaw ni Pilosopong Tasyo, maaaring sunugin din ng iba ang aklat na ito, at iba niyang mga aklat, at paratangan siyang baliw, pagkat ang nilalaman ng mga sulating naririto ay progresibo, aktibistang mga sulatin, matalisik na mga akdang mapanuri sa lipunan, at hindi madaling tanggapin ng mga naghaharing uri sa lipunang nais niyang mabago. Pero pinatutunayan niya sa kasalukuyan at mga susunod pang henerasyon, “Hindi ang lahat ay nakatulog sa kapanahunan ng ating mga ninuno.”

Maaaring hindi pa maunawaan ng henerasyon ngayon ang ilang mga sinulat ng may-akda dahil sa pagkaaktibista ng mga sulating naririto, kaya inihahandog niya ang mga ito para sa henerasyon sa hinaharap.

At tulad ni Pilosopong Tasyo, pinili niyang sumulat sa Tagalog, pagkat naniniwala siyang sa wikang ito’y magkakaunawaan lalo ang mga magkababayan. Di tulad ng nangyayari ngayon, nagsasalita sa sariling wika, ngunit sa ibang wika sumusulat kaya marami ang hindi magkaunawaan. Kumbaga’y hiwalay ang ulo sa utak. Wika ang buhay ng sambayanan, kaya sa wika rin tayo magkakaunawaan.



Bagamat nagsusulat na si Gregorio V. Bituin Jr. sa murang edad pa lamang, unang nalathala ang kanyang mga sulatin noong 1993 sa mga pahina ng The Featinean, ang opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng FEATI University, at sa Blue Collar Magazine, na pahayagan para sa manggagawa. Hanggang sa magsulat na rin siya sa iba’t ibang pahayagan at magasin, tulad ng pahayagang Obrero at pahayagang Taliba ng Maralita. At patuloy pa rin siyang magsusulat, maglalathala ng mga akda, at maghahandog ng mga malalalim na pagsusuri sa lipunan habang siya’y nabubuhay.

Sa kanyang ika-15 taon (1993-2007) ng paglalathala ng mga sulatin, isinaaklat ng may-akda ang kanyang 15 piling sanaysay at 15 piling tula. At inihahandog niya ito para sa sambayanang Pilipino.

Sampaloc, Maynila
Nobyembre 7, 2007

Miyerkules, Abril 2, 2008

He, he, naghahanap ako ng sideline

Isang mapagpalayang araw!

Ako ay isang manunulat, mananaliksik, at small-time publisher ng ilang librong pangmanggagawa at pangmaralita.

Sa ngayon, naghahanap ako ngayon ng sideline na pwedeng makasuporta para pandagdag dahil sa maraming gastusin at upang malimbag ko ang mga librong ginagawa ko. Ang ilan kong naiisip ay ang mga sumusunod:

Una, pwede akong gumampan ng trabaho bilang manunulat sa mga NGO o PO na nangangailangan ng aking kakayahan. Nagsusulat ako ng press statement, press releases at letter to the editor, balita, tula, at mga artikulo. Pero mas sanay akong magsulat sa tagalog, bagamat nagsusulat din ako sa ingles pero bihira. Nagle-layout ako ng pahayagan ng maralita, bukod pa sa pahayagan ng manggagawa. Gumagawa rin ako ng aklat mula sa pagsusulat, pagle-layout ng nilalaman at cover, pagdala sa printing press, habang personal ko ring ibinu-bookbind ang mga libro.

Ikalawa, naghahanap ako ng mga gustong kumita sa pamamagitan ng publishing. Kailangan ko ng mga taong pwedeng magpondo ng 15 librong aking nagawa, at sa mapapagbentahan ay 50-50 kami sa kikitain. May mga ginagawa pa akong bagong libro. Hindi naman kailangan dito ang napakalaking pondo kundi kung magkano lang yung kaya ng magpopondo ay iyun lang ang kakayaning gawing bilang ng libro.

Ikatlo, tumatanggap din ako ng ilang gawaing nangangailangan ng lakas ng katawan, nang hindi ko mapapabayaan ang aking tungkulin. Halimbawa, pagtulong sa pagtinda ng inyong produkto na ang presyo ay hindi mabigat para sa manggagawa at maralita. May nagmungkahi nga na magturo ako ng computer at basic mathematics, tulad ng geometry (dahil undergrad ako ng BS Math), ngunit hindi ko pa nasusubukan ang mga ito, lalo na at matagal na akong wala sa larangan ng matematika. Dagdag pa, baka hindi ako qualified dahil nga wala akong diploma dito. Sa computer, pwede akong magturo ng basic sa Microsoft Word, Powerpoint, PageMaker, Internet, blog, etc. ngunit pagdating sa troubleshooting ng hardware ay hindi ko pa kabisado, bagamat nakatapos ako ng 72 hrs ng computer technician course.

Ikaapat, pwede rin ako sa research, dahil ito ang isa sa mga gawain ko bilang staff ng aming organisasyon.

Ikalima, pwede akong magturo ng “Basic Newsletter Writing”, kasama na rito ang layout. Nakapagbigay na ako ng pag-aaral na ito sa mga unyon at samahan ng maralita. Batay ito sa mga karanasan ko sa campus paper at sa mga pahayagang Obrero at Taliba ng Maralita.

Kung may pangangailangan kayo sa ilang bagay tulad ng nabanggit sa itaas, pwede tayong magkatulungan. Ang anumang maitutulong ninyo sa akin ay malaki nang ambag upang magampanan ko ng mahusay ang aking commitment sa mga tungkuling nakaatang sa aking balikat. Mga tungkuling masaya ako pag nagagampanan ko ng mahusay. Nawa’y magkatulungan tayo.

Linggo, Marso 30, 2008

Pagpapakatao

PAGPAPAKATAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa kolum ng may-akda na “May Pag-asa Pa” sa magasing Tambuli, Oktubre 2006, pp. 54-59.)

May ilang mga kakilala akong nagsasabing para raw magbago at umunlad ang bansa, dapat daw magbago ang kalooban ng tao. Maganda ang suhestyon. Pero para bang madyik na kusang magbabago ang kalooban ng tao? O may mga batayan para mangyari ito? Ano nga bang klaseng kalooban meron ang tao ngayon para sabihin nilang dapat magbago ang kalooban ng tao? Magsuri tayo.

Bukambibig ng editor ng magasing Tambuli na si Sir Ding Reyes ang hinggil sa pagpapakatao. Ipinangangaral din niya ang sinabi ni Gat Emilio Jacinto na “iisa lang ang pagkatao ng lahat” na nasa akdang “Liwanag at Dilim”. Pero ano nga ba ang pagpapakatao? Ito ba’y may kaugnayan sa moralidad, sa usapin ng “kabutihan” at “kasamaan”? Ano nga ba ang konsepto ng “kasamaan” sa lipunan? Likas ba sa tao ang maging “masama” o ito’y may batayan? Ang konsepto ng “kabutihan” ay maaaring ilarawan sa pamamagitan ng gintong alituntunin o golden rule na “Huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin din ng iba sa iyo.” Kung gagamitin natin ang golden rule at ang konsepto ng pagpapakatao ni Emilio Jacinto, sa palagay ko, ito’y aplikable sa lahat. Gayunman, may mga konsepto ng “masama” at “mabuti” na hindi aplikable sa lahat ng pagkakataon o depende kung sino ang nasa kapangyarihan. Ibig sabihin, kung sino ang mayhawak ng kapangyarihan ang siyang nagtatakda kung ano ang “masama” at “mabuti”. Halina’t baybayin natin ang kasaysayan.

Sa kasalukuyang istandard ng moralidad, kahit karaniwang tambay sa kanto ay sasabihing mali at masama, makahayop at imoral ang gawing kalakal ang isang tao. Mali na ipagbili at gawing alipin na libreng patayin sa hagupit at pwersahang paggawa ng nakabiling panginoon. Pero bakit hindi ganito ang naging pananaw ng mga matatalinong pilosoper na sina Socrates, Plato at Aristotle na nabuhay sa panahon ng aliping paggawa? Sila na hindi makukuwestyon ang intelektwal na integridad, ay naatim ng kanilang “konsensya” at walang nakitang imoral ang mag-ari ng alipin. Sila na pinag-aralan, pinag-ukulan ng pansin, at hinanapan ng paliwanag ang kahit kaliit-liitang penomena sa kalikasan at lipunan, ay hindi nakitang imoral at walang nakitang masama sa sistemang alipin, na itinuring pa ngang “natural na kaayusan” ng daigdig.

Sine George Washington at Thomas Jefferson ang itinuturing na mga “ama ng demokrasya” sa Amerika. Pero bakit hindi nila idineklara ang kalayaan ng mga aliping Itim sa Amerika kasabay ng deklarasyon ng kasarinlan laban sa Britanya, kasabay ng kanilang deklarasyon ng “pagkakapantay-pantay” sa lipunan? Hanggang sa ika-19 na siglo, binibihag ng mga “slave traders” sa Aprika ang mga Itim at ipinagbibili sa Amerika para gawing mga alipin sa plantasyon. Ang preserbasyon ng sistemang ito ng pribadong pagmamay-ari ng mga alipin ang dahilan kung bakit sumiklab ang Civil War sa Amerika noong 1861 – pitumpu’t walong taon matapos ideklara ang kalayaan ng Amerika bilang kolonya ng Britanya. Noon lang 1863 idineklara ni Abrahan Lincoln ang abolisyon ng ganitong sistema – pitumpu’t dalawang taon matapos ratipikahan ang Bill of Rights ng nagmamalaking pinakademokratikong bansa sa daigdig. Sa panahong ito ng sistemang alipin nagawa ang Great Wall ng Tsina, ang Taj Mahal sa India, at ang Pyramid ng Ehipto kung saan libu-libo ku
ndi man milyun-milyong alipin ang nilatigo at namatay para lamang matiyak ang kagustuhan ng kanilang panginoon. Kahit sa Pilipinas, bago dumating ang mga Kastila, ay umiiral ang sistemang alipin. May mga tinatawag na “aliping namamahay” at “aliping sagigilid”. Pero tinanggap ito ng marami bilang “natural” na kaayusan noong panahong iyon.

Sa pag-unlad mula sistemang alipin tungo sa pyudal na sistema, sinimangutan ng mga tagapangalaga ng moralidad ng sistemang ito ang sistemang alipin na ginagawang ordinaryong kalakal ang mga tao. Pero wala silang makitang masama at mali na ariin, kamkamin at solohin ng mga asendero ang mga lupain at pwersahang ipabungkal ito sa masang magsasaka. Sa panahong ito lumitaw ang Simbahan bilang pandaigdigang kapangyarihang tagapangalaga ng moralidad ng sangkatauhan. Pero binasbasan nito ang pyudal na sistema bilang “natural na kaayusan”. Wala ring nakitang imoral ang Simbahan sa panahong ito na habambuhay na itali ang magsasaka sa lupain ng asendero at pigain sa sistema ng pwersahang paggawa. Nasaan na nga ba ang pagpapakatao at pagkakapantay-pantay ng tao sa panahong ito? Bakit ganito?

Noong panahon ng Inkwisisyon, libu-libong tao ang ipinapatay ng Simbahang Katoliko. Ang Inkwisisyon ang opisyal na kautusan ng Simbahan na dakpin, tortyurin at sunugin ng buhay ang mga inakusahang erehe, at ituring na kampon ng demonyo dahil sa hindi sumusunod sa mga aral ng Romano Katoliko. Inilunsad din ang Krusada, ang gera ng pananakop na ipinanawagan ng Simbahan. Ginamit nito ang espada para paluhurin sa krus ang mga “barbarong Muslim” sa Asya at Eropa. Dito sa Pilipinas, bahagi na ng ating kasaysayan ang kalupitan ng mga prayle bilang mga kolonyalista at asendero habang nangangaral ng Kristyanismo sa di-binyagang mga indyo. Nariyan ang pagkakabitay sa tatlong paring sina Padre Gomez, Burgos at Zamora , at mismong ang Simbahan ang dahilan upang bitayin ang bayaning Pilipinong si Gat Jose Rizal.

Sa madaling salita, ang madilim na kabanatang ito ng Simbahan ay patunay lamang na ang mga istandard ng moralidad ay dumaan din sa proseso at kasaysayan ng pag-unlad ng lipunan at sibilisasyon. Kung ngayon ay kontra ang Simbahan sa “death penalty”, hindi ganito ang kanyang moral na tindig noong panahon ng Krusada at Inkwisisyon.

Kapag sa landas ng moralidad ipinaliwanag kung bakit may kasamaan sa lipunan, wala itong duduluhin kundi kagagawan ito ng demonyo. Ang problema ay bakit pilit nating hinahanap sa mga bagay na abstrakto at ispiritwal ang dahilan ng kasamaan gayong napakalinaw naman ng kongkreto at materyal na batayan kung saan ito nagmula. Ang kasamaan ay hindi nagmumula sa kalooban ng tao kundi sa kalikasan ng lipunan. Tanong: Naganap ba at naghari sa mundo ang kasamaan sa loob ng ilanlibong taon dahil ang ilaw ng moralidad ay pundido sa panahong ito at binulag ng masamang budhi ng tao? Bakit may mga taong sakim at nang-aapi ng kanyang kapwa? Sa napakasimpleng moralistang paliwanag sa kasaysayan, lalabas na kung nangibabaw pala ang kabutihang-loob noon, hindi sana nagkaroon ng kasamaan sa mundo. Noon pa ay umiral na sana ang pagkakapatiran sa mundo. Kulang lang pala sa pangaral ang tao sa kung ano ang mabuti at masama. Kung inulan sana ng pangaral ang tao, hindi sana nagkaganito ang kasaysayan. Hindi sana dumanas ang napakara
ming henerasyon ng tao ng katakut-takot na kaapihan at kahirapan na nagpapatuloy pa hanggang ngayon. Di sana naganap ang mga gera ng imperyalistang pananakop noong Una at Ikalawang Daigdigang Digmaan, at iba pang digmaan. Di sana naganap ang Demolisyong Setyembre 11 sa WTC sa New York at Pentagon sa Washinton. Di sana naganap ang panggigera ni Bush para sabihing “collateral damage” lamang ang libu-libong sibilyang namatay sa Afghanistan , Iraq , Lebanon , at iba pang bansa. Sana’y pakikipagkapwa-tao ang umiiral sa mundo.

Bakit? Pagkat sa hinaba-haba ng kasaysayan ng tao, ng kanyang intelektwal na pag-unlad, hindi kailanman hinamon ng mga tagasermon sa lipunan ng masama at mabuti, ng hustisya at ekwalidad, ang moralidad ng sistema ng pribadong pagmamay-ari. Gayong narito ang pinakaugat ng kahirapan at hindi pagkamakatao ng lipunan. Kung meron mang “orihinal” na kasalanan ang tao, hindi lang ito ang pagkain ng “bawal na prutas” kundi ang pagkain ng “pinagpawisan ng iba” dahil lang dito sa pribilehiyong ito ng pribadong pagmamay-ari.

Simple lang naman ang paliwanag sa pribadong pagmamay-ari. Ito’y tumutukoy sa pag-angkin sa mga kasangkapan sa produksyon. Kung sino ang may-ari ng mga makina, pabrika, hilaw na materyales, malalawak na lupain, sila ang nasa kapangyarihan sa lipunan. Sila ang kadalasang nananalo sa halalan. At kung sino ang mga walang pag-aari tulad ng mga alipin, magsasaka at manggagawa, ang siyang naghihirap, gayong sila ang may pinakamalaking kontribusyon upang tumakbo ang makina, pabrika at lupain. Ito ang maliwanag na batayan kung bakit may mga pang-aapi, may mga gera sa iba’t ibang panig ng mundo, may mga sakim sa kapangyarihan, may mga ganid sa salapi, at hindi makatao. Military hardwares (stealth fighter planes, B-52 bombers, smart bombs, atbp.) ang pangunahing produkto ng Amerika. Tiyak na lugi at magugutom sila kung walang gera at wala silang mapapagbentahan ng kanilang mga produktong armas.

“Madaling maging tao, mahirap magpakatao”, ayon nga sa kasabihang Pilipino. Pero bakit hindi kinukweston ang kasamaan ng pribadong pagmamay-ari? Dahil sa esensya, hindi kasi ito usapin ng moralidad, kundi ng nesesidad ng pagkamkam ng tao sa mga surplas na produkto dahil ito ang natural na epekto ng pribadong pagmamay-ari. Tulad din ng hindi pagkwestyon sa moralidad ng tubo sa kapitalistang sistema dahil itinuturing itong natural na karapatan ng may-ari ng kapital.

Kapag binaybay nating muli ang kasaysayan, makikita nating kung ano ang umiiral na sistema at sino ang naghaharing uri sa lipunan, sila ang nagtatakda ng moralidad, at ito’y para protektahan ang kanilang interes. Ang isang bagay na imoral ay isang bagay na masama. Pero paano mamasamain ng panginoong may-alipin ang pagkakaroon niya ng alipin gayong ito ang kanyang interes? Paano mamasamain ng panginoong maylupa ang itali ang magsasaka sa lupa gayong ito ang kanyang interes? Paano mamasamain ng kapitalista na gawing kalakal ang manggagawa gayong ito ang kanyang interes? At kadalasan, nangyayari pa ngang nahuhubog ang isip ng mga alipin, magsasaka at manggagawa sa ganitong moralidad, at tanggapin na lang ito bilang kapalaran o itinakda ng tadhana.

Sa madaling salita, ang naghaharing uri sa lipunan ang nagtatakda ng istandard ng moralidad. Ang kasaysayan ng Pilipinas ay punumpuno ng halimbawa. Nang magkudeta ang militar at patalsikin si Estrada bilang pangulo, naging bayani si Heneral Angelo Reyes. Nang gawin ito ni Heneral Danilo Lim, siya’y hindi naging bayani kundi itinuring na kriminal ng gobyerno. Galit na galit ang marami dahil nag-nuclear bomb testing ang North Korea, pero sino ang sumita sa Amerika nang ibandera nila ang kanilang MOAB (mother of all bombs) sa gera nito sa Afghanistan ? Sino nga ba ang makasisita sa makapangyarihang bansang Amerika? Ni wala ngang nakulong sa kanila nang pinatay nila ang libu-libong sibilyan sa Hiroshima at Nagazaki noong 1945. ginera ng US ang Iraq hindi dahil sa weapons of mass destruction kundi dahil sa langis nito. Hindi magera ng US ang Israel , India at Pakistan, kahit aminado ang mga bansang ito na may mga nuclear missiles sila!

Kaya nga hindi usapin ng masama at mabuti, ng anghel at demonyo, ang nangyayaring “kasamaan” sa daigdig. Ito’y usapin ng interes ng kung sinong makapangyarihan o naghaharing uri sa lipunan. Napakaraming katanungang iisa lang ang dinudulo – ang pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon na siyang dahilan upang maghangad ng limpak-limpak na tubo at makapambraso ang nagmamay-ari nito. Kasintindi, kundi man mas matindi, ng gobyerno ni Saddam sa Iraq ang gobyerno ng Burma , na ilang taon nang nasa ilalim ng diktaduryang militar. Kaya kung walang langis ang Iraq , panggigilan kaya ito ng US , tulad ng kawalan ng langis sa bansang Burma?

Bakit pinaiiral ng World Trade Organization at World Bank ay free trade imbes na fair trade? Bakit imbes na regular na manggagawa ang kunin ng kumpanya, isang ahensya ng kontraktwalisasyon ang nangangalap ng mga manggagawang magtatrabaho lamang ng limang buwan, para makaiwas na maregular ang manggagawa, para makatipid ang kumpanya, para mabawasan ang benepisyong kanilang ibibigay? Bakit laging cheap labor o murang paggawa ang pangunahing hinahanap ng mga imbestor sa iba’t ibang bansa?

Kaibigan, hindi ba’t dapat na tanggalin natin ang batayan kung bakit nagiging sakim sa kapangyarihan ang tao? Hindi ba dapat na kongkreto at may batayan ang ating pagtukoy sa problema at hindi basta na lang magbigay ng anumang abstraktong paliwanag, tulad ng “kasalanan kasi ng demonyo”? Hindi ba’t dapat na tanggalin natin mismo sa kamay ng iilan ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, at gawin itong pag-aari ng buong lipunan?

Simpleng magbago lang nga ba ng kalooban ng tao ay uunlad na ang lipunan? Kailan pa sabay-sabay na magbabago ang kalooban ng mga tao kung naririyan ang batayan upang sila’y maging sakim sa tubo at maging sugapa sa pinaghirapan ng iba?

Kapag nawasak na ang batayan ng kahirapan sa lipunan, kapag nawasak na ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, kapag ang mga kasangkapan sa produksyon ay ginamit na para sa kapakinabangan ng buong lipunan, kapag nawala na ang relasyong may mayaman at may mahirap sa lipunan, kapag nawala na ang pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa, saka lang natin mapapatunayan ang sinabi ni Emilio Jacinto, “iisa lang ang pagkatao ng lahat.”

Kalikasan at Paggawa

Kalikasan at Paggawa
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa kolum ng may-akda na “May Pag-asa Pa” sa magasing Tambuli, Agosto 2006, pp. 30-33.)

Una sa lahat, pagnilayan natin sumandali at tayo’y magpasalamat sa kalikasan, lalo na sa mga puno, pagkat sa kanila nanggaling ang mga papel na ginagawang sulatan at aklat. Kung wala ang mga puno, tiyak na wala tayong binabasang mga aklat, magasin at mga pahayagan. Pagpugayan din natin ang mga kababayang nagsakripisyo’t nagpakasakit, lalo na ang mga environmental activists at advocates sa kanilang walang sawang pagtutok at pagkilos upang ang ating kalikasan ay maging maayos.

Napakahalaga ng mga isyung pangkalikasan na karaniwang hindi nabibigyang-pansin ng media, ng gobyerno, ng eskwelahan o ng akademya, maliban na lang kung may trahedyang naganap. Bakit? Dahil ba wala silang pakialam o dahil hindi nila alam ang isyu.

Minsan nga ay nagtataka ako, dahil marami sa atin, bata pa lang ay tinuruan na sa paaralan ng simpleng pagtatapon ng basura sa tamang basurahan. Ngunit nang lumaki na tayo, nalimutan na ito. Kung saan-saan itinatapon ang basura. Ang balat ng kendi, na hindi naman basura hangga’t hindi pa lumalapat sa basurahan, ay agad pinandidirihan. Itinatapon agad kung saan-saan, at ayaw munang ibalik sa bulsa hanggang sa makakita ng basurahan.

Isang panibagong karanasan ang aking natutunan sa SALIKA (SanibLakas ng Inang Kalikasan) at Eco-Waste Coalition noong umaga ng Agosto 16, 2006. Sa isang maliit na bahagi ng karagatan sa Baywalk, malapit sa Manila Yacht Club, naglunsad ng aktibidad ang EcoWaste Coalition, kung saan nagtanggal kami ng mga plastik na basura sa dagat, at pinaghiwa-hiwalay ang mga ito batay sa uri ng plastik. Ang ginawa namin ay napakaliit na bagay lamang, ngunit malaki na para sa bawat isa sa amin, dahil pakiramdam namin, naging bahagi kami ng unti-unting paghilom ng sugat ng dagat, mga sugat ng basura, mga latay na hindi dapat matamo ng kalikasan. Kahit marahil linisin natin araw-araw, 365 araw bawat taon, 7 araw bawat linggo, 24 oras bawat araw, ang mga basura sa karagatan, hindi pa rin ito mauubos, bagamat unti-unti itong mababawasan. Alam nyo ba kung bakit? Dahil habang nililinis natin ang karagatan, tuluy-tuloy pa rin ang pagtatapon ng basura ng marami. Habang nagbabawas tayo, makailang beses ang nadadagdag. May kasabihan nga sa medisina, “Prevention is better than cure.” Ito’y aplikable rin sa pangangalaga ng kalikasan. Dapat mapigilan ang pagtatapon ng basura sa dagat sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan, tulad ng eco-mercials (ecology commercials), media, forum, edukasyon sa bawat barangay, atbp.

Bandang hapon ng araw ding iyon, sumakay kami sa nakahimpil na barko ng Greenpeace, ang MV Esperanza, sa daungan ng Maynila. Mula sa barko, nakita namin ang napakaraming basurang plastik na naglulutangan sa dagat.

Dagdag pa rito, isa sa mga natutunan ko sa mga pagdalo sa Kamayan para sa Kalikasan forum tuwing ikatlong Biyernes bawat buwan (sa Kamayan-Edsa, malapit sa Ortigas) na bawal magsunog ng basura dahil nagdudulot ito ng sakit at pagkawasak ng kalikasan. Bilang manunulat sa isang pambansang samahan ng maralita, ipinalaganap ko sa iba’t ibang komunidad ng maralita na bawal magsunog ng basura. Aba’y marami ang tumalima. Marami sa kanila ang di nagsusunog ng basura. Kaya napakahalaga ng pagbibigay ng impormasyon ukol sa kalikasan. Nararapat pang lumawak ang naaabot ng EcoWaste Coalition, Kamayan Forum, Greenpeace, Salika, at iba pang samahang makakalikasan upang tuluy-tuloy ang pangangalaga sa ating kapaligiran.

Kung ating pagninilayan, alam nating lahat na bago pa tayo mabuhay sa mundo, nariyan na ang kalikasan. Nariyan ang dagat, lupa, hangin, atbp. Halos lahat ng ginagamit natin sa araw-araw ay mula sa kalikasan.

Sa kasalukuyan, laganap sa mundo ang sistema ng kalakalan, kung saan nagbebentahan ng iba’t ibang produkto o serbisyo ang iba’t ibang tao, samahan o maging bansa, para sila tumubo. Sa kalakalang ito, malaki ang papel ng kalikasan. Paano? Ang komposisyon ng lahat ng kalakal sa daigdig ay mula sa dalawang elemento – ang materyal na galing sa kalikasan, at ang paggawang galing sa tao. Sa pangkalahatan, ang una ay libre at walang “halaga sa pera”. Ang ikalawa ay may “bayad” at ito ang nagbibigay ng halaga sa mga kalakal. Magbigay tayo ng mga halimbawa.

Ang isda na galing sa dagat ay libre. Ang binayaran ay ang paggagawa ng mangingisda. Ang kahoy na ginamit sa bangka ay libre galing sa gubat. Ang binayaran ay ang paggawa nang pumutol ng kahoy at gumawa ng bangka. Kaya’t papasok sa presyo ng isda hindi lang ang paggawa ng mangingisda kundi ang porsyon ng paggawang nagamit para sa kanyang mga kasangkapan sa pangingisda.

Libre ang materyales ng dyamante na walang sangkap ng paggawa ng tao. Ang binayaran ay ang paggawa at panahon ng minero para hanapin ito at hukayin sa kailaliman ng lupa, at ang paggawang nakapaloob sa mga kasangkapan at prosesong ginamit sa dyamante. Halimbawa, kung ginamitan ito ng makinarya, ang binarayan sa makinarya ay ang paggawa nito at hindi ang mga sangkap ng bakal na hindi gawa ng taoat galing sa kalikasan sa kanyang natural na porma. Kung ginamitan ng kemikal ang paglinang ng dyamante, ang binayaran ay ang paggamit ng kemikal at hindi ang sangkap na galing sa kalikasan.

Isa pang halimbawa ang mineral water. Libre ang inuming tubig mula sa kalikasan, ngunit kapag inilagay na ito sa boteng plastik at inilako na, ito’y may bayad. Ang binayaran dito ay ang paggawa, mula sa pagkuha ng tubig sa kalikasan, transportasyon, proseso at paglalagay sa boteng plastik, at ang paglalako ng mineral water.

Sa madaling salita, anumang mula sa kalikasan na ginagamit natin ngayon at binabayaran ay dahil sa paggawa ng tao. Ang ginawa ng tao, sa proseso ng produksyon, ay baguhin ang porma ng materyales na galing sa kalikasan at gawin itong produktong may kabuluhan sa pamamagitan ng paggawa.

Kaya kung aanalisahin natin ang materyales mula sa kalikasan, ang matitirang laman ng kalakal ay ang paggawa ng tao. Kaya napakahalaga ng manggagawa sa pag-iral ng ating lipunan ngayon. Sila ang bumubuhay sa lipunan. Sinasabi nga sa Konstitusyon, ang manggagawa ang pangunahing pwersa sa ekonomya ng bansa.

Ngunit dapat nating bigyang diin na hindi ang paggawa ang dahilan ng unti-unting pagkawasak ng kalikasan, kundi ang pagkuha ng materyales mula sa kalikasan upang pagtubuan at pagkakitaan.

At dahil ang Kalikasan at ang Paggawa ang dalawang kambal na elemento na nagpapatakbo sa lipunan, dapat na kilalanin ng mga environmental advocates ang mga manggagawa at ang paggawa, gayundin ang mga manggagawa ay kilalanin ang kahalagahan ng kalikasan at ng mga nangangampanya para protektahan ito.

Ang pagprotekta sa kalikasan ay hindi madaling gawin. Kailangan natin itong pag-isipan at pag-aralan. Hindi sapat na maunawaan natin kung paano nasisira ang kalikasan. Hindi simpleng itapon lang natin sa basurahan ang balat ng kendi ay ayos na. pagkat baka naman naihahalo ang nabubulok sa di nabubulok.

Kung ang pakikibaka para sa isang lipunang walang pagsasamantala ay hindi isang piknik, ang pag-aaral hinggil sa proteksyon ng kalikasan ay hindi pagbabasa ng komiks. Tulad din ng pagprotekta sa manggagawa, hindi lamang dapat ianunsyo na pinagsasamantalahan sila ng mga kapitalista. Dapat ding ipakita kung paanong sa walong oras nilang pagtatrabaho, hindi kumpletong bababayaran ng kapitalista ang walong oras na paggawa, dahil karaniwan, malaki na ang apat na oras na paggawa ay bayad na ang manggagawa, at ang natitirang oras bawat araw ay libre na. Gayunpaman, mahabang usapin pa ito na tatalakayin ko sa mga susunod na isyu ng Tambuli.

Panghuli, ating pag-isipan: Anong klaseng kalikasan, kapaligiran, at sistema ng lipunan ang ating ipamamana sa susunod na henerasyon kung wala tayong gagawin ngayon upang protektahan ito? Nais ba nating wasak na kapaligiran ang ating ipamana sa kanila? Nawa’y isapuso natin ang awiting “Masdan Mo Ang Kapaligiran” ng bandang ASIN na siyang itinuturing na theme song ng mga mapagmahal sa kalikasan.

Miyerkules, Marso 26, 2008

Himagsik ng Tupang Pula

HIMAGSIK NG TUPANG PULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ako’y isang tupang pula. Ibig sabihin, hindi ako tupang itim na suwail sa magulang. At hindi rin naman ako tupang puti na sunud-sunuran na lamang kung ano ang gusto nina Ama’t Ina.

Isa akong tupang pula. Ibig sabihin, may prinsipyo. May paninindigan kahit kaiba ito sa kagustuhan ng aking mga magulang. Sa madaling salita, ako’y isang aktibista. Aktibo sa usaping panlipunan. May pakialam sa nangyayari sa aking kapaligiran. At pinag-aaralan ko mismo kung ano ang lipunan. At kung naging aktibista man ako, hindi ibig sabihin noon ay rebelde na ako. ‘Yung iba kasi, ang tingin sa aktibista at rebelde ay pareho lang, gayong malaki ang kaibahan nila. Totoong ang mga aktibista ay nagrerebelde sa mga maling kalakaran sa pamahalaan. Ngunit malaking bilang ng mga rebelde, sa wari ko, ay hindi naman mga aktibista.

Maraming mga api ang humawak ng armas kaya naging rebelde, na pagkatapos makamit ang hinihingi nilang lupa o anupamang kahilingan ay titigil na sa pagiging rebelde. Winawagayway na nila ang bandilang puti tanda ng pagsuko.

Ang aktibista’y pinag-aaralan ang takbo ng lipunan. Karamihan sa kanila’y hindi naman inapi ngunit dahil sa kanilang mga pagsusuri sa lipunan ay nagnanais tumulong at maging bahagi ng pagbabago. Hindi sa kanya pangunahin ang armas, kundi ang teorya ng pagrerebolusyon. Mas lapat sa kanyang tawaging rebolusyonaryo. Siya ang tupang pula. Pero paano nga ba ako naging tupang pula? At bakit pula ang tupa?

Nagsimula ang lahat ng ito sa simpleng pagtatanong. At nagtatanong ako dahil nais ko ng kasagutan sa aking mga nakikita, nadarama at nararanasan. Bakit nga ba may mga taong namumulot ng pagkain sa basurahan, ‘yung bang mga tinatawag na “pagpag” na itinapon ng Jollibee o McDo? Bakit nga ba laging pinagbibintangang terorista ang mga Muslim? Kasama ba sa relihiyon nila ang terorismo? At ang mas malalim na tanong, at kadalasang katanungan din ng marami: Bakit nga ba may mahirap at mayaman? At kung lalagyan pa ito ng numero, lalong lalantad ang mapait na katotohanan: Bakit nga ba laksa-laksa ang naghihirap habang may kakarampot na nagpapasasa sa yaman ng lipunan?

Nag-aaral na ako sa kolehiyo noon at kasaping manunulat sa publikasyon ng mag-aaral nang ako’y maanyayahang sumama sa isang pulong ng mga lider-estudyante. Nagpadala sila ng sulat-paanyaya sa aming publikasyon at ako ang naatasang dumalo sa nasabing pulong. Sa madaling salita, nakilala ko ang karamihan sa kanila, na pawang mga iskolar, aktibista at kinikilalang mga lider-estudyante. Doon na nagsimula ang pagsama-sama ko sa kanila.

Hanggang sa bigyan nila ako ng pag-aaral at pinadalo sa mga talakayan hinggil sa mga isyung pang-estudyante tulad ng pagtaas ng presyo ng matrikula. Nang lumaon ay pinag-aralan na rin namin ang mga pang-ekonomya at pampulitikang usapin hinggil sa lipunan. Nariyan din ang aming talakayan at malalimang pag-uusap hinggil sa usapin ng karapatang pantao. Bakit mali ang warrantless arrest? Bakit may tinatawag na desaparecidos, o iyong mga sapilitang nangawala? Bakit sinasabi ng marami na walang kapayapaan kung walang hustisyang panlipunan? Ano nga ba ang hustisyang panlipunan? Bakit dapat panlipunan ang hustisya, at hindi para lamang sa mga nasaktan o nabiktima?

Malalim kong pinag-aralan ang lipunan upang masagot ang ilang mga bagay na gumugulo sa aking isipan. Kung magmamasid lamang tayo, alam nating nakapaglakbay na ang tao sa kalawakan. Napakalayo na ng iniunlad ng sibilisasyon mula nang gumagala pa ang primitibong tao sa gubat para makakuha ng kanyang makakain. Pero kung pagmamasdan natin ang paghihikahos ng mayorya ng populasyon, parang walang pag-unlad sa kalidad ng kanilang buhay. Kung kailan napakalaki ng itinaas ng produksyon ng pagkain, saka naman milyun-milyon ang namamatay sa gutom at nagkakasakit sa malnustriyon. Naglalakihan nga ang mga gusali at mansyon sa mga sentrong lungsod, pero wala namang matirhan ang daan-daang milyong tao sa mundo. Walang kapantay ang pag-unlad ng industriya at teknolohiya, pero tatlong bilyon ang walang sapat at tiyak na trabaho. Inililigtas ang mga hayop sa bingit ng ekstinksyon, pero pinababayaan naman ang milyon-milyong taong mistulang mga dagang nabubuhay sa mga estero at pusali ng modernong lipunan. Hanggang ngayon, kalunos-lunos ang kalagayan ng maraming tao, habang nagpapasasa sa karangyaan ang iilan. Patunay nito ang mga datos na inilabas ng United Nations Development Programme (UNDP) na nagsasabi ring patuloy na lumalaki ang agwat ng mahirap at mayaman.

Kaya nagtutumining sa aking isipan: Bakit kailangang walang mahirap at mayaman? Bakit kailangang baguhin ang sistema ng lipunan? Maraming mga katanungang hindi basta masasagot ng basta-basta na lamang.

Sa mga usaping ito umusbong ang aking interes sa aktibismo, sa pag-aaral ng aking kapaligiran, sa mga patakaran ng eskwelahan, at mga polisiya ng pamahalaan. Ang mga temang ito ang siyang naging aking paksa sa karamihan ng aking mga sulatin sa publikasyon. Nang lumaon, sumalamin din ito sa mga tula kong nakatha. Sadyang kailangan ko ngang pag-aralan ang lipunan. Kailangang kahit papaano’y nauunawaan ko ang kasaysayan ng pakikibaka ng ating mga ninuno tulad nina Andres Bonifacio at Ninoy Aquino. Kailangang maunawaan din ang mga sulatin at teorya ng mga rebolusyonaryong tulad nina Marx, Engels, Lenin, Gramsci, at ng mga lider-manggagawang sina Crisanto Evangelista, Rolando Olalia at Filemon Lagman.

Ang pagtahak sa landas ng aktibismo’y sadyang masalimuot. Walang magulang na ikatutuwa ang pagpasok ng kanilang mga anak dito. Ngunit kailangan mong manindigan. Kailangan mong magsakripisyo alang-alang sa iyong pinaniniwalaan. Kalaunan, iniwan ko ang magandang buhay upang kumilos sa panig ng mga mahihirap at naghihikahos. Kung kinakailangan, kahit mabugbog ka pa o kaya’y mamatay. Ikaw, handa ka bang mamatay alang-alang sa iyong prinsipyo? Katunayan nga, kailangan ko talagang umalis sa bahay upang ang init ng aktibismo sa akin ay hindi mabuhusan ng malamig na tubig na sermon ni Ina. Ano nga bang pipiliin ko: ang pangaral ni Ina o ang sarili kong desisyon at landas na tatahakin hanggang sa aking kamatayan. Nagpasiya ako. Ipagpapatuloy ko ang pagtahak sa larangan ng aktibismo, sa landas tungo sa pagbabago.

Nagagalit ang aking mahal na ina noong una, ngunit nang minsang mabugbog ako at napanood sa telebisyon, ang ibinilin niya sa akin nang muli kaming magkita, okey lang na sumama na ako sa rali pero huwag lang akong popronta, huwag akong poposisyon sa harapan. Ayaw na niyang mabalitaang nasaktan na naman ako sa rali. Ang sarap na paalala. Syempre, nanay ko ‘yun!

Maraming karanasan at aral ang idinulot ng aktibismo sa akin, na kung hindi ko ito pinili, baka ang sumada ng aking pagkatao’y hindi iba sa karaniwan, na pagkatapos ng pag-aaral ay magtatrabaho, mag-aasawa, at magpapalaki ng mga anak, hanggang sa magretiro. Ganito ang nangyayari sa aking maraming kakilala, lalo na sa aking mga kamag-anak. Ganito rin ba ang tatahakin ko?Taas-noo akong naninindigan bilang aktibista ngunit minsan ay aking napagninilayan: Paano ako magiging taas-noo kung nakikita kong maraming naghihirap ngunit wala akong ginagawa? Hindi naman ako si Batman o si Superman na pwede agad sumaklolo sa kanila. Ang paggawa ba ng mabuti sa kapwa ay sapat na? Ang maglimos ba sa pulubi ay tamang gawain? Ang magbigay ba ng kaunting mumo sa mga maralitang nagugutom ay sapat na? Basta ba pakiramdam natin, nakagawa na tayo ng mabuti sa kapwa ay sapat na? Sapat na ba na kada sweldo natin ay magbigay tayo ng limang piso sa bawat pulubi sa Quiapo?

Minsan nga, pinupuri pa ng ilan ang mga mahihirap sa kanilang pagtitipid! Hindi ba’t ito’y insulto? Parang sinasabing ang isang taong nagugutom ay kumain na lamang ng kaunti. Pulos higpit na nga sila ng sinturon, eto’t iinsultuhin pang magtipid, at patuloy pang maghigpit ng sinturon! Ang mga mahihirap ay itinuturing na hayop ng lipunang ito. Ang mga mahihirap ay itinuturing na hampaslupa, magnanakaw, busabos. Pero bakit? Nais ba ng maralita ang ituring nang ganito? O sila’y pawang mga biktima ng maling sistema sa lipunan? Isang sistemang ang mga mayayaman ay lalong yumayaman at ang mga mahihirap ay lalong naghihirap, isang sistemang ang mga mayayamang bata ay laging busog na papasok sa paaralan kaya nakakapag-concentrate sa pag-aaral, habang ang mga mahihirap ay gutom na papasok, kaya hindi rin agad nadedebelop ang kanilang utak sa murang gulang dahil sa gutom at kahirapan. Para bang ang mga mayayaman lamang ang may karapatan sa lipunang ito.

Ang edukasyon ay binibiling parang karne sa palengke. Kapag wala kang pera, hindi ka makakabili ng edukasyong nais mo sa magagaling na eskwelahan. Kapag may sakit ka, bibilhin mo ang iyong kalusugan. Kailangan mo munang magbigay ng paunang bayad sa ospital bago ka magamot. Kapag wala kang pera, kahit mamamatay ka na, hindi ka magagamot. Ang edukasyon at kalusugan ay karapatan ng bawat tao, ngunit ito’y nagiging pribilehiyo ng iilan. Sa kasalukuyan, kailangang bilhin ang edukasyon, kalusugan, at iba pang karapatan.

Dapat bang ikatuwa ng maralita na ang mga tira-tirahang pritong manok ng isang mayaman ay mailimos sa kanya? Hindi ba’t dapat na kasabay na kumakain ng mayaman sa hapag-kainan ang maralita, dahil sila’y parehong tao na may karapatang kumain, mabusog at maging malakas? Kahit sa pagkain, may pribilehiyo ang maykaya kaysa walang-wala, gayong pareho sila ng karapatan. Sinasabi nga, pakainin ang nagugutom, ngunit bakit nga ba may nagugutom? Ang usaping ito ang maaring hindi nasasagot ng nagta-charity. Ayaw nilang talakayin kung bakit may nagugutom. Ang nais lamang nila’y malaman kung sino para malimusan.

Bakit nga ba kailangan ng “charity” gayong hindi ito solusyon, kundi panakip-butas lamang sa tunay na problema. Ang dapat nating gawin ay baguhin ang lipunan kung saan imposible na ang kahirapan. Imbes na limos o charity, hindi ba’t ang mas dapat nating gawin ay pawiin ang dahilan ng kahirapan ng mamamayan? Para walang nagugutom! Para walang naghihirap! Dapat na tanggalin ang dahilan ng paglaki ng agwat ng mayayaman sa mahihirap!

Sa pagyapos ko ng taos-puso sa nakita kong aking magiging ambag sa isang dakilang hangarin, nagpatuloy ako sa landas na bihira ring tahakin ng iba, maliban sa mga naniniwalang kayang baguhin ang lipunan.

Hanggang sa mahalal ako bilang isang rehiyonal na opisyal ng isang pambansang organisasyon ng mga kabataang estudyante. Hinawakan ko ang ilang maseselang gawain, at nakadaupang-palad na rin ang iba pang aping sektor ng lipunan. Karamihan sa kanila’y naging guro ko sa Mendiola, ang makasaysayang lugar ng protesta. Ang Mendiola ay naging bahagi na ng buhay ng maraming naging estudyante nito. Dito’y matututunan mo ang mga hinaing, sakripisyo at kasaysayan ng mga taong nakakuyom ang mga kamao habang tangan nila ang mga plakard.

Maalamat ang Mendiola at masarap namnamin ang kasaysayan ng lugar na ito na binahiran ng dugo ng karaniwang tao. Narito ang eskwelahan at entablado ng protesta, ang parlamento ng lansangan. Iba’t ibang mukha ang naging guro ko dito, tulad ng mga lider-manggagawa, mga magsasaka, mga lider-maralita, kababaihan, kabataan, mga maliliit na manininda, kahit na mga estudyante sa kolehiyo. Oo, mga karaniwang tao ang naging guro sa paaralang ito, bagamat minsan ay may mangilan-ngilang pulitikong pulpol na nais magpasikat sa masa, depende sa kanyang interes.

Natutunan ko sa mga manggagawa na sila ang gumagawa ng ekonomya ng bansa, na kung wala sila, hindi tatakbo ang ekonomya, ngunit sila pa itong hindi nakatatanggap ng tamang halaga ng kanilang lakas-paggawa.

Natutunan ko sa mga magsasaka na sila ang naglilinang ng mga bukirin upang makakain ang marami nating kababayan, ngunit karaniwan, sila pang nagtatanim ng palay ang siyang walang maibiling bigas.

Natutunan ko sa mga lider-kababaihan na hindi sila tulad ni Maria Clara na mahina, lampa at iyakin, kundi sila’y tulad nina Princesa Urduja, Gabriela Silang at Lorena Barros na matatag manindigan at marunong lumaban para sa kalayaan ng bayan.

Marami pang ibang aping sektor sa ating lipunan na kung atin lamang pakikinggan ang kanilang mga hinaing at adhikain sa buhay, walang salang mauunawaan natin kung bakit kailangan talaga ng pagbabago. Pagbabago para sa pangkalahatan, at hindi para sa iilan lamang.

Nagpatuloy ako sa aktibismo sa aming paaralan at sa labas nito, na kahit ang iba pang eskwelahan ay aming pinupuntahan upang makausap at makapagtalakay sa mga lider-estudyante roon.

Dumating ang puntong wala na sa atensyon ko ang aking pag-aaral, at nagpasiya akong umalis sa eskwelahan upang tahakin ang mas malaking hamon sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan. Ang pasiya kong iyon ay nalathala pa sa aking kolum sa aming publikasyon. Nagpaalam ako sa mga kapwa mag-aaral na umaasang sa mga darating na panahon ay magkikita pa rin kami, hindi na sa aming eskwelahan, kundi sa lansangan at sumisigaw ng pagbabago ng lipunan.

Pakiramdam ko’y nakalaya ako sa isang pagkakakulong nang kumilos na ako sa labas ng eskwelahan. Sunud-sunod ang mga rali kong nilahukan. Nariyan ang masaktan ka, o kaya’y madampot at makulong ng ilang oras sa presinto dahil sa isang rali. Ilang beses na ba akong nabugbog at nasaktan sa mga rali sa Mendiola, sa Senado, sa Kongreso, sa lansangan ng protesta? Di na rin mabilang. Laging may bagong kwento. Laging may mga pagkilos dahil napakaraming isyu na dapat tugunan. Nariyan ang ako’y papuntahin upang sumuporta sa mga manggagawang nakapiket at sa mga maralitang tinanggalan ng bahay. Hindi na puro teorya ito kundi aktwal na mga pangyayari. At sa ganitong pagkakataon mo tinitiyak na naisasapraktika mo ang iyong mga natutunang teorya.

Ilang taon na rin akong nakikibaka para sa pagbabago. At marami ang nagtatanong sa akin, kasama na si Itay, kung hindi ba ako nagsasawa sa aking mga ginagawa? Para bang inip-na-inip siya dahil para sa kanya’y hindi naman iyon ang pinangarap nila ni Ina para sa akin. Nais niyang umalis na ako roon at magbagong-buhay, dahil para sa kanya’y wala naman akong mapapala sa aking mga pinaggagagawa. Pero nagpatuloy pa rin ako. Ano ang magagawa ko kung aking nakikitang maraming mga aping nawawalan ng tahanan, hindi makatarungan ang pasahod, mga maling kalakaran sa kumpanya, maraming mga nabibiktima ng pamamaslang sa mga lider-aktibista, pari, mamamahayag, manggagawa, kababaihan, at iba pang kabilang sa tinatawag nilang progresibo o militanteng organisasyon. Paano nga ba ako magsasawa sa isang gawaing kaakibat na ng aking buhay? Ang aktibismo ko’y nagpapatuloy, at nais kong patunayan na hindi lamang ito simpleng aktibidad lamang na dapat danasin ng isang estudyante sa eskwelahan, na pagka-gradweyt sa akademya ay pagka-gradweyt na rin sa aktibismo.

Nuong ako’y maging aktibista, hindi ko ito itinuring na parang isang aktibidad lamang sa eskwelahan, kundi ito’y pagyakap sa prinsipyo ng pagbabago kahit na umalis ka na ng paaralan. Ang pag-aaral sa lipunan ay hindi natatapos sa paaralan, dahil aanhin mo ang mga natutunan mong mga teorya kung hindi mo naman ito gagamitin upang baguhin ang lipunan. Ayon nga kay Marx, marami na ang nagsulat at naglarawan ng lipunan, ngunit ang punto ay paano ba natin ito babaguhin. Pero paano nga ba? Magsimula muna tayong pag-aralan kung ano nga ba ang lipunan.

Ang lipunan ay ang sistema kung paano nabubuhay ang mga tao batay sa sistema ng produksyon at hindi sa sistema ng kung anong gobyerno ang umiiral. Pag sinabi nating demokrasya, ito’y sistema ng pamamahala ng gobyerno, katulad din ng pasismo at totalitaryanismo. Ang lipunan, dahil batay ito sa inabot na pag-unlad ng mga kagamitan sa produksyon, ay ang pag-iral ng sistemang pangkabuhayan, tulad ng lipunang alipin, lipunang pyudal at lipunang kapitalismo. Ibig sabihin, iba ang lipunan sa gobyerno. Ang gobyerno ay pampulitika at ang lipunan ay pang-ekonomya. Ngunit kadalasan, pinaghahalo ng marami na ang gobyerno at lipunan ay iisa dahil ito ang naituturo sa paaralan. Ngunit sadyang magkaiba sila.

Kaya kung sasagutin natin ang isang katanungan sa itaas, na siyang tanong din ng marami – Bakit may laksa-laksang naghihirap habang may kakarampot na nagpapasasa sa yaman ng lipunan – tiyak na mahihiwatigan agad natin na magkaiba nga ang gobyerno at lipunan. Bakit napakasipag ng trabahador ay mababa ang sweldo, habang ang among may-ari ay ngingisi-ngisi habang nagpapahinga pero hamig niya lahat ng tubo? Bakit kung sino pa ang gumagawa ng yaman ng lipunan ang siyang naghihirap? Bakit sa kabila ng dami ng tinda sa palengke ay marami pa rin ang nagugutom? Bakit walang maisaing na bigas ang ating mga kababayan gayong napakaraming nabubulok na kaban ng bigas sa kamalig ng kapitalista? Bakit ang hindi mabentang produkto ay itinatapon na lamang sa dagat kaysa ipamigay sa mahihirap?

Ah, sadyang maraming katanungan ang dapat masagot, kaya palalimin pa natin batay sa aking mga pagsusuri mula sa pagbabasa, talakayan at debate sa aking mga kasama.

Ang gobyerno ay kumakatawan sa isang bansa, may watawat, teritoryo, populasyong pinamumunuan, at mas tutuusin ay pulitikal ang pamamalakad. Ito’y relasyon ng pinuno sa kanyang nasasakupan.

Samantala, ang lipunan naman ay relasyon sa pagitan ng panginoong may-alipin at ng kanyang mga alipin, relasyon ng asendero sa magsasaka, at relasyon ng kapitalista sa manggagawa.

Ang bansa ay binubuo ng nagkakaisang lahi, habang ang lipunan naman ay binubuo ng magkakaibang uri. Sa madaling salita, walang kinalaman ang pagiging Pilipino natin sa pagiging manggagawa o kapitalista ng sinuman sa atin. Mayaman man tayo o mahirap, tayo’y mga Pilipino. Tayo’y ipinanganak sa Pilipinas at may diwa ng isang lahi. Pero sa loob ng pabrika o plantasyon, balewala ang pagiging magkababayan pagkat ang nangingibabaw ay ang pagkakaiba sa uri, ang relasyong makauri.

Kaya ang pagbabago ng lipunan ay hindi usapin na kailangan mong maging taus-pusong makabayan, dahil hindi lang naman mga dayuhan ang problema, kundi mga Pilipino rin, mga kapitalistang Pilipino laban sa manggagawang Pilipino, mga asenderong Pilipino laban sa magsasakang Pilipino. Ang usapin ay uri, ang makauring interes. Ano ba ang uring iyong pinaglilingkuran, at kaninong interes ang dapat mangibabaw? Ang interes ba ng mga may-ari ng pabrika na lumaki ang kanilang tubo, o ang interes ng mga manggagawa na kunin ang tamang halaga ng kanilang lakas-paggawa?

Sa ngayon, kung pakasusuriin natin ang lipunan, ang palakad sa lipunan ay tulad ng sistema sa pabrika, sistemang kapitalismo. Lahat ng nagtatrabaho ay sahuran, at kung maaari ay pamurahan ng sweldo. Kaya marami pa rin ang naghihirap.

Kailangan nating baguhin ang lipunan. Paano, gayong napakabilis naman ng pagbabago sa lipunan, kahit wala pa rin talagang nagbago sa lipunan. Napakabilis dahil mabilis ang pag-abante ng teknolohiya. Wala pang isang dekada ang nakalilipas nang mauso ang pager. Ngayon ay cellphone na, at marami pa ang naiimbento para sa kaunlaran (daw) ng lahat pero hindi naman kaya ng bulsa ng mga mahihirap.

Pero wala pa rin talagang nagbago sa lipunan, dahil hanggang ngayon, hindi pa rin pantay-pantay ang kalagayan ng tao sa lipunan. Patuloy pa ring yumayaman ang mga mayayaman, habang lalong naghihirap ang mga mahihirap. Ang nais kong pagbabago ay ang tunay na pagbabago ng sistema ng lipunan, hindi pagbabago lamang ng sistema sa gobyerno. Hindi lamang relyebo ng mga namumuno ang aking pangarap, kundi pagpawi mismo ng mga uri sa lipunan upang maging maayos at pantay-pantay ang kalakaran at ang ating kalagayan.

Dumating ang pag-aalsang Edsa Dos, ngunit ito’y naging trahedya dahil naging relyebo lamang ito ng pamunuan, at wala naman talagang malawakang pagbabagong naganap. Dumating ang Edsa Tres na rebelyon ng tunay na masa, ngunit ang ilang nagsasabing pagsilbihan ang masa ay dinepensahan pa ang ganansya ng Edsa Dos laban sa masang dapat nilang paglingkuran. Ngunit ano nga ba ang dahilan ng aking aktibismo kung hindi natin ito ilalapat sa tunay na mga pangyayari sa ating lipunan? Sa mga teoryang aking nasuri at napag-aralan, aking natutunang kaya may mahirap at mayaman ay dahil sa pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon.

Kung sino ang nagmamay-ari ng pabrika, makina, hilaw na materyales, kwarta, at lupain ang siyang nangingibabaw sa mundo at kinikilala. Habang ang mga walang pagmamay-ari ang siyang nagbebenta ng kanilang lakas-paggawa upang mabuhay. Sila ang mga api at walang boses. Sila ang kinakalinga ng mga aktibista. Nais ng mga aktibistang sila’y maging tunay na taong may dangal, nakakakain ng tatlong beses sa isang araw, nakapag-aaral sa mga desenteng eskwelahan na may libreng matrikula, nakakakuha ng kursong nais nila nang hindi na mag-iisip kung saan kukuha ng pangmatrikula dahil sagot ng estado, nakakapagpagamot at libre ang pagpapagamot, hindi ginagawang negosyo ang mga karapatan sa kalusugan, pagkain, pabahay, trabaho at edukasyon.

Dahil ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon ang siyang ugat ng kahirapan, tama lamang na dapat pawiin ang pribadong pagmamay-aring ito ng iilan upang gawin itong pag-aari ng buong lipunan. Nang sa gayon, lahat ay makikinabang. Hindi na gagawa ng laksa-laksang damit o kotse ang kapitalista para pagtubuan, kundi gagawa lamang ng sapat para sa pangangailangan ng lahat.

Naniniwala akong ang pagbabago ay hindi lamang nanggagaling sa puso, kundi sa mismong pagbabago ng sistema ng lipunan, sa mismong pagtanggal sa kamay ng iilan ng para sa kapakinabangan ng buong lipunan. Kung lahat tayo ay magbabago ng puso, mas magiging maganda ang ating mundong ginagalawan. Ngunit ang tanong: Kailan pa nangyari sa kasaysayan ng tao na nagbago ng sabay-sabay ang puso ng tao? Kailan mangyayari na sabay-sabay magiging mabait ang mga tao kung may umiiral na batayan kung bakit sila nagiging sakim?

Masisisi ba nila kung dumami ang tulad kong tupang pula? Masisisi ba nila kung bakit naghihimagsik ang mga tupang pula? Tama ang desisyon ko at paninindigan ko ito.

Bilang tupang pula, itutuloy ko ang laban, hanggang sa marami na kaming maghangad at magsama-sama tungo sa pagbabago ng lipunan. Para sa kinabukasan ng mga susunod pang henerasyon.