Lunes, Oktubre 20, 2008

Siyampituhan

SIYAMPITUHAN
ni Greg Bituin Jr.

Ito ang ikalawa kong eksperimentasyon sa pagtula ng siyampituhan.

Sa unang artikulo kaugnay nito ay aking sinulat: "Ngayon naman, ang mga sumusunod na tula, ay ginawan ko ng 9 pantig sa pitong taludtod (siyam-pito), na hinati ko sa dalawang bahagi. Ang unang saknong na binubuo ng unang apat na taludtod ang problema o tesis, at ang ikalawang saknong na binubuo naman ng huling tatlong taludtod ang tugon o kongklusyon. At isa pang panuntunan dito, ang una’t huling taludtod ay may pag-uulit ng buo o bahagi nito, o salita dito, na iniiba ang paggamit."

Sa unang artikulo'y di ko pa alam kung anong itatawag ko sa ganitong uri ng tula. Ngunit nais ko ngayon itong tawagin, kahit pansamantala, na siyampituhan. Kung ang tanaga ay may pitong pantig bawat taludtod, at ang haiku ay may padrong 5-7-5 pantig, ang siyampituhan naman ay may siyam na pantig bawat taludtod sa tulang may pitong taludtod. Nang simulan ko ito nito lang Oktubre, sa unang artikulo'y may pito akong nagawa, at ngayon naman ay tatlumpung tulang siyampituhan na ang aking nalikha.

May mga bago akong likhang siyampituhan, at ito'y hinati ko sa ilang paksa:
(a) Hinggil sa kalikasan (5 tula)
(b) Hinggil sa asal o kaugalian (13 tula)
(c) Hinggil sa pag-ibig (2 tula)
(d) Hinggil sa lipunan (10 tula)


HINGGIL SA KALIKASAN:

MAGDILIG LAGI

Diligan ang mga halaman
Lalo na kung hindi tag-ulan
Baka ito na'y matuyuan
At malanta na ng tuluyan.
Kung tayo'y maraming halaman
Ito'y ambag sa kalusugan
Kaya't ito'y laging diligan.

SA BATA BA'Y ISA KANG HALIMBAWA?

Bata pa tayo'y tinuruang
Huwag magtapon saan-saan
Paglaki'y naglahong tuluyan
Itong ating pinag-aralan.
Kung turong ito'y nalimutan
Ngayon nga'y ating pag-isipan:
Bata'y paano tuturuan?

KAYRUMI NA NG KARAGATAN

Kayrumi na ng karagatan
Pagkat ginawang basurahan
Mga plastik ay naglutangan
At isda'y nagkakamatayan.
Tayo'y dapat nang magtulungan
Upang di dumuming tuluyan
Ang mahal nating karagatan.

ANG GAMIT NG TUBIG

Ang tubig sa batis at gripo
Sa paggamit nama'y pareho
Inumin nitong bawat tao
Ngunit may kaibhan din ito:
Una'y di kalakal ng tao
At ang isa nama'y produkto
Pinagtutubuan ang gripo.

KAYTINDI NA NG POLUSYON

O, kaytindi na ng polusyon
Ang hangin nati'y panay karbon
Nakasusulasok sa ilong
Nakakaawa itong nasyon.
Hanapan natin ng solusyon
Na hangi'y malinisan ngayon
Nang maibsan na ang polusyon.



HINGGIL SA ASAL:

HUWAG MANLIBAK

Sinumang mahirap at hamak
Tingin mo ma’y kulang sa utak
Ay hindi dapat nililibak
At huwag ka ring maninindak.
Ang pang-aapi ma’y palasak
Huwag kang sumama sa lusak
Mahirap na ang mapahamak.

KUBO MAN ANG BAHAY KO

Di bale nang bahay ko’y kubo
Di naman ito kalaboso
Kaysa dun sa bahay nga’y bato
Na pagtrato sa iyo’y preso.
Dapat tayong magpakatao
Ganito ang tamang prinsipyo
Kahit na bahay nati’y kubo.

BATUHIN MO NG PUTO

Pag may taong galit sa iyo
At pinukulan ka ng bato
Aba'y ilagan mo ng todo
Baka magkabukol sa ulo.
Iganti mo kaya ay puto
Baka tumino yaong tao't
Mawala ang galit sa iyo.

OO, MAGAGAWA KO

"Magagawa mo kaya iyan
Gayong napakahirap niyan?"
Panghahamon ng kaibigan
At siya'y iyong sinabihan:
"Gabay ko sa problemang ganyan
Ay apat na salita lamang:
Oo, magagawa ko iyan!"

MATATANDANG MAGTATANDA

Sa matandang tulad mo mula
Ang ikarurunong ng bata
Kaya't kung ikaw ay pabaya
Ang bata'y mapapariwara.
Kung yaong bata'y nakawawa
At may nangyari pang masama
Ah, magsimula kang magtanda.

MAPANGMATANG BUNGANGA

Mayabang siyang magsalita
Minamata ang maralita
At ang iba'y kinakawawa
Ito'y di natiis ng dukha:
"Ang yabang ng iyong bunganga
Ikaw nama'y magpakumbaba!"
Siya'y di nakapagsalita.

BAWAT PROBLEMA'Y MAY TUGON

Ang bawat problema'y may tugon
Ito'y depende sa sitwasyon
Pag-isipan mo ng malaon
Yaong positibong solusyon.
Ikaw nama'y makakaahon
Sa kinalubugan mong balon
Basta't sa problema'y tutugon.

KWENTO NI JUAN TULIS

Si Huwan umano'y matulis
Sa babae raw ay kaybilis
Nais lagi niyang lumingkis
Tiyan naman ay di umimpis.
Ang babae'y pinapatangis
Pagkat dinadaan sa bilis
Nitong si Huwan na kaytulis.

ANG MASAMA SA IYO

Anumang masama sa iyo
Ay huwag gawin sa kapwa mo
Dapat makipagkapwa-tao
At tayo ri'y magpakatao.
Pag nagagawa natin ito
Sasaya itong ating mundo
Masama'y di makakapwesto.

TIGILAN NA ANG BASAG-ULO

Nagbasagan muli ng ulo
Yaong mga tambay sa kanto
Bangag muli ang mga ito
Kaya ang utak ay tuliro.
Sila'y agad na tinanong ko
Kung sila ba'y magkatrabaho
Titigil ba ang basag-ulo?

HUWAG KA SANANG UMISMID

Bakit lagi kang umiismid
Pagdating ng iyong kapatid
At ang kamay mo’y agad pinid
Sa dibdib mo ba'y may balakid?
Huwag mo yaong ililingid
Tutulungan kita, kapatid
At huwag ka sanang umismid.

MATSING ANG KAPARA
NG MAPAMINTAS

Ang matsing daw ay nagtatawa
Sa haba ng buntot ng baka
Ngunit sariling buntot niya
Ay hindi niya nakikita.
Kung palapintas ka sa kapwa
Tulad ka ng tsonggong palamara
Matsing sa iyo'y matatawa.

PAGTATAWAS

Ako'y naglalagay ng tawas
Sa kilikili kong marahas
Ito'ng payo ng mga pantas
Upang anghit ay mangapulas.
Kung ang anghit pala'y marahas
Kilikili ko nga'y madulas
Kaya dapat lagyan ng tawas.



HINGGIL SA PAG-IBIG:

KUNG NAIS MO’Y TAHANAN

Kung nais mo’y isang tahanan
Na laging may pagmamahalan
Maging tapat sa kasintahan
Hanggang siya’y makatuluyan.
Ang tapat na pagsusuyuan
Ang susi ng kaligayahan
At pagbubuo ng tahanan.

KABILUGAN AT KALIBUGAN NG BUWAN

Tuwing kabilugan ng buwan
Napapatitig sa kawalan
Naaalala ang suyuan
Namin nitong nililigawan.
Kabiguan ko ay nakamtan
Nang karibal ang pakasalan
Noong buwan ng kalibugan.



HINGGIL SA NANGYAYARI SA LIPUNAN:

MALAMLAM PA ANG BUKAS

Kinabukasa'y lumalamlam
Ito'y aking nagunam-gunam
Tao ba'y walang pakiramdam
Kaya ayaw pang makialam?
Meron namang nakikiramdam
Ngunit hanggang pakiramdam lang
Kaya bukas pa'y lumalamlam.

PAGBANGGA SA PADER

Dapat banggain yaong pader
Ng mga nag-aastang Hitler
Na mamamaya'y inaander
Nitong palalong mga lider.
Dapat tanggalin na sa poder
Silang tumulad kay Lucifer
Kahit sila pa'y mga pader.

PULUBI'Y DI NAMIMILI

Ang pulubi'y di namimili
Ng sa kanya'y ibabahagi
Pulos sila baka-sakali
Kahit laging inaaglahi.
At kung tayo'y walang salapi
Ang ihandog natin ay ngiti
Sa pulubing di makapili.

SINTURON PA BA'Y HIGPITAN?

Sinturon daw nati'y higpitan
Nang maibsan ang kagutuman
Payo ito sa mamamayan
Nitong ating pamahalaan.
Hirap na nga ang karamihan
At kaysikip na nga ng tiyan
Ngayon, sinturon pa'y higpitan?!

PAGBABAGONG PANGARAP

Mayroon ding mga pangarap
Ang mga kapwa naghihirap
Ito'y ang kanilang malasap
Ang pagbabago nilang hanap.
Kung bawat isa'y may paglingap
Kaginhawaa'y magaganap
Patungo sa ating pangarap.

ADHIKA NG OBRERO

Kung nais mo ng pagbabago
Sa sitwasyon ng ating mundo
Durugin ang kapitalismo
Na pahirap sa kapwa tao.
Isulong na ang sosyalismo
Na adhika nitong obrero
Nang makamtan ang pagbabago.

SA DIWA’T ARAL AY BUSOG

Tayo dapat ay laging busog
Hindi lang sa pagkaing hinog
Kundi sa diwang matatayog
At aral nitong bayang irog.
Lumang sistema’y madudurog
At bagong mundo’y mahuhubog
Kung kikilos tayo nang busog.

MARAMI MANG SAKRIPISYO

Marami nang nagsakripisyo
Para sa bayan at sa tao
Ipinaglaban ang prinsipyo
Ngunit pinaslang ng berdugo.
Kung ang nangyayari’y ganito
Halina’t baguhin ang mundo
Marami man ang sakripisyo.

HUWAG MAGBULAG-BULAGAN

Huwag kang magbulag-bulagan
Sa nangyayari sa lipunan
Gawin nating makabuluhan
Ang pakikibaka ng bayan.
Baguhin natin ang lipunan
Meron mang ayaw makialam
Meron mang magbulag-bulagan.

INAAGAW SA OBRERO ANG LIKHA NILANG YAMAN

Obrerong lumikha ng yaman
Ang naghihirap sa lipunan.
Bakit ang bumuhay sa bayan
Ang walang agaha't hapunan?
Pagkat inagaw nang tuluyan
Sa manggagawa ng iilan
Yaong nilikha nilang yaman.

Ilang Eksperimentasyon sa Pagtula

ILANG EKSPERIMENTASYON SA PAGTULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 taludtod, 9 pantig sa bawat taludtod

Ang tulang Ingles ay may Shakespearean sonnet, ang Italyano’y may Petrarchan sonnet, ang Japan ay may haiku, renga, tanka, ang Pilipino ay may tanaga, dalit, diona, at ang iba pang bansa’y may katutubo nilang paraan ng pagtula. Ang ibang makata’y umiimbento rin ng estilo ng pagtula. Ako nama'y may eksperimentasyon din. Nasubukan ko na ang ala-Balagtas na 12 pantig sa bawat taludtod, may 11 pantig sa 11 taludtod, tanaga, dalit, atbp.

Ngayon naman, sa mga sumusunod na tula, ay ginawan ko ng 9 pantig sa pitong taludtod (siyam-pito), na hinati ko sa dalawang bahagi. Ang unang saknong na binubuo ng unang apat na taludtod ang problema o tesis, at ang ikalawang saknong na binubuo naman ng huling tatlong taludtod ang tugon o kongklusyon. At isa pang panuntunan dito, ang una’t huling taludtod ay inuulit bagamat iniiba ang paggamit.

Kailangan ang ganitong eksperimentasyon upang aking mamintina ang aking blog ng tula (http://matangapoy.blogspot.com) na may average na 30 tula kada buwan. May 11 likhang tula pa lang ako ngayong Oktubre. Ang ibang nailagay ko sa aking blog ay mga luma kong gawa kaya dumami. Maiikling tula ngayon ang aking eksperimentasyon.


KUBO MAN ANG BAHAY KO

Di bale nang bahay ko’y kubo
Di naman ito kalaboso
Kaysa dun sa bahay nga’y bato
Na pagtrato sa iyo’y preso.
Dapat lamang magpakatao
Dahil di naman tayo kwago
Kahit na bahay nati’y kubo.

KUNG NAIS MO’Y TAHANAN

Kung nais mo’y isang tahanan
Na laging may pagmamahalan
Maging tapat sa kasintahan
Hanggang siya’y makatuluyan.
Ang tapat na pagsusuyuan
Ang susi ng kaligayahan
At pagbubuo ng tahanan.

HUWAG KA SANANG UMISMID

Bakit lagi kang umiismid
Pagdating ng iyong kapatid
At ang kamay mo’y agad pinid
Sa dibdib mo ba'y may balakid?
Huwag mo yaong ililingid
Tutulungan kita, kapatid
At huwag ka sanang umismid.

HUWAG MANLIBAK

Sinumang mahirap at hamak
Tingin mo ma’y kulang sa utak
Ay hindi dapat nililibak
At huwag ka ring maninindak.
Ang pang-aapi ma’y palasak
Huwag kang sumama sa lusak
Mahirap na ang mapahamak.

HUWAG MAGBULAG-BULAGAN

Huwag kang magbulag-bulagan
Sa nangyayari sa lipunan
Gawin nating makabuluhan
Ang pakikibaka ng bayan.
Baguhin natin ang lipunan
Meron mang ayaw makialam
Meron mang magbulag-bulagan.

MARAMI MAN ANG SAKRIPISYO

Marami nang nagsakripisyo
Para sa bayan at sa tao
Ipinaglaban ang prinsipyo
Ngunit pinaslang ng berdugo.
Kung ang nangyayari’y ganito
Halina’t baguhin ang mundo
Marami man ang sakripisyo.

SA DIWA’T ARAL AY BUSOG

Tayo dapat ay laging busog
Hindi lang sa pagkaing hinog
Kundi sa diwang matatayog
At aral nitong bayang irog.
Lumang sistema’y madudurog
At bagong mundo’y mahuhubog
Kung kikilos tayo nang busog.

Sabado, Oktubre 11, 2008

Minsan na akong naging manggagawa

MINSAN NA AKONG NAGING MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan na akong naging manggagawa. Tatlong taon. Machine operator. Muntik maging pangulo ng unyon. Maganda, masaya bagamat masalimuot ang buhay ko noon bilang manggagawa.

Hindi ako nag-aplay bilang manggagawa. Doon na ako dinala ng tadhana. Paano?

Layas ako noon sa aming bahay. Di mapirmi sa tahanan. Hanggang sa kinuha ako ng aking tiyuhin, ang bunsong kapatid ng aking ama, doon sa kanyang tahanan sa Taytay, Rizal, kasama ang iba ko pang mga pinsan. Ipapasok daw ako ng tiyo sa trabaho niya sa National Panasonic. Naroon na rin at tambak na sa kumpanyang iyon ang mga pinsan kong doon nagtatrabaho.

Hanggang sa mabigyan ako ng pagkakataong makapag-aral ng Radio-TV Technician ng anim na buwan sa JVR Technical Center sa Pasay, na pag-aari ng isang JV Del Rosario, na umano'y imbentor ng Karaoke. Ipinasok ako ng tiyo ko doon nang di nakapagpatuloy sa pag-aaral ang 2 sa 40 estudyante doon, isa ako sa naging kapalit. Tatlong buwan pa lang ako doon nang magdesisyon ang eskwelahang iyon na isa ako sa dalawa kong kaklase na pag-aralin bilang OJT (on-the-job-training) ng anim na buwan sa Japan.

Syempre, laking tuwa ko naman. Biro nyo, makakapunta ako ng Japan, at mananatili ako doon ng anim na buwan. Lima kaming pinadala doon, at ginamit naming papeles ng pag-entry ay bilang manggagawa daw ng kumpanyang EEI (Elevator and Excavators Inc.). Dumating kami sa Hanamaki City, sa lalawigan ng Iwate sa Japan noong Hulyo 1988, at nakabalik dito sa Pilipinas nang Enero 1989.

Ilang araw lamang ay tinawagan na ako ng kumpanyang PECCO (Precision Engineered Components Corporation) sa Alabang, Muntinlupa. Isa itong kumpanyang pinamamahalaan ng Pilipino at Hapon. Nagsimula akong magtrabaho bilang machine operator noong Pebrero 1989. Probationary ako ng anim na buwan, at tumagal nang tatlong taon, nagpasyang umalis upang mag-aral muli, kaya nag-resign ako noong Pebrero 1992.

Hindi makikita sa labas ang aming kumpanya, dahil kailangan muna naming pumasok sa tarangkahan ng isa pang kumpanya, ang Kawasaki, bago makapasok sa aming kumpanya. Bilang manggagawa, itinalaga ako sa Metal Press Department kung saan ang mga metal na rolyo ang ipinapasok namin sa makina. Ipapasok namin sa molde na nakasalpak sa AIDA Press Machine para butasan, hatiin ang bawat rolyo sa isang sukat, at imolde upang maging isang pyesa ng floppy disk ng computer. May produktong dadaan sa maraming kamay at makina, tulad ng rotor, stator, at iba pa. Nariyan din ang tinatawag naming C-Guide, na siyang pinakaplato ng floppy disk ng computer, at dumaan ng manwal sa kamay ng pitong manggagawa at pitong makina. May mga pyesang ginawa ng manwal at may automatic.Matapos mamolde ang mga ito’y huhugasan ng tatlong beses sa kumukulong freon upang matanggal ang langis. Ang mga nagawang produkto ay lilihahin sa kabilang departamento upang luminis at di makasugat ang mga kanto ng produkto. At sa iba namang departamento ay pagsasama-samahin at isasalpak ang maliliit na pyesa upang maging floppy disk. Ito naman ang idedeliber sa ibang kumpanya.

Marami akong natutunan sa kumpanya lalo na sa usapin ng pagka-episyente sa trabaho. Isa na rito ang 5 S (seiri - kasinupan; seiton - kaayusan; seiso - kalinisan; seiketsu - pamantayan; at sitsuke - disiplina) na pumapatungkol sa kasinupan sa pagtatrabaho sa kumpanya.

Praktis na namin sa kumpanya ang mag-ehersisyo muna tuwing umaga bago magsimula ang trabaho, pagkatapos noon ay pag-awit ng Lupang Hinirang, at pagtatalumpati ng empleyadong nakatalaga para sa araw na iyon. Isa ako sa nakagamit ng pagtatalumpating iyon upang maupakan ang kantina ng pabrika kung saan may mga nagkasakit na ang tiyan dahil sa kinain ng kasama naming empleyado habang nasa night shift kaming pagtatrabaho. Nagustuhan ng ilan kong katrabaho ang ingles kong speech. Kaya isang kamanggagawang babae, na naging crush ko rin, ang laging nagpapagawa sa akin ng speech o essay para maipasa niya sa school bilang working student. Lagi ko namang pinauunlakan, syempre, dahil akala mo'y diyosa ng kagandahan ang humihiling sa akin na di ko matanggihan.

Nagkaroon din ako ng gawad mula sa kumpanya. May proyekto kasi ang kumpanya na magpasa ang sinumang empleyado ng kanilang ideya upang mapahusay, mapaganda at mapabilis ang trabaho. Kumbaga, parte iyon ng kanilang programa para sa produktibidad. Isa ako sa palaging nagsusumite ng aking mga ideya sa kumpanya. Pansampu ako sa sampung nagawaran ng parangal, isang plake ng pagkilala ang aking natanggap.

Isa sa pinakamatingkad na karanasan ko sa kumpanya ang muntikan ko nang pagtakbo bilang pangulo ng unyon. Nalaman ng aking tiyo na tatakbo ako dahil sa mga ipinasok niyang tao na nagsumbong sa kanya. Ang tiyo ko, na bunsong kapatid ni ama, ang assistant general manager sa kapatid na kumpanya ng pinasukan ko. Kaya sa bispiras ng last day ng pagpa-file ko ng candidacy bilang pangulo ng unyon, kinontak ako ng tiyo ko para pag-usapan ito. Dinala niya ako, kasama ng isa kong kamanggagawa, sa isang restoran at sa isang beerhouse. Nilasing ako. Binigyan ng babaeng kapartner, ngunit hanggang tsansing na lang ako dahil bukod sa antok na'y lasing pa. Sa bahay na ng tiyo ko ako nakatulog, kung saan naroon din ang iba ko pang pinsan na nagtatrabaho sa sister-company ng kumpanyang pinapasukan ko. Sa madaling salita, di na ako nakaabot kinabukasan sa deadline na alas-tres ng hapon, dahil ala-una na ng hapon ako nagising. At tiyak hindi na rin ako aabot dahil sa layo, Taytay, Rizal hanggang sa Alabang, Muntinlupa, bukod pa sa matindi ang hangover ko. Ang aking ikalawang pangulo (bise), na nakapag-file ng candidacy, ang tumakbo at nanalong pangulo ng unyon.

Ang mali ko doon, hindi muna ako nagtala sa candidacy form para kung sakali mang wala ako sa aktwal na pagpa-file, yung kapartido ko na ang maghahain ng aking kandidatura.

Ipinasa ko ang aking resignation paper matapos ang tatlong taon. Ang petsa kung kailan ako nagsimula ang petsa ng aking pagre-resign. Umalis ako ng trabaho dahil nais kong pasukin pa ang ibang larangan. Nagbalik ako sa pag-aaral sa kolehiyo.

Habang tangan ang mga karanasan bilang manggagawa, naging kasapi ako sa pahayagang pangkampus at nagsulat hinggil sa pakikibaka ng mga manggagawa. Dahil pag-graduate namin, tiyak na karamihan sa amin ay magiging manggagawa rin, o empleyado. Hanggang sa maging aktibo ako sa isang aktibistang organisasyon at mahalal na isa sa mga lider nito sa rehiyon ng Kalakhang Maynila at lalawigan ng Rizal.

Dito'y ipinagmamalaki kong isa ako sa mga naging aktibista at mulat na manggagawang naging editor ng pahayagang pangkampus. Sa kalaunan ay naging manunulat ako ng mga publikasyong pangmanggagawa, ang magasing Tambuli at ang pahayagang Obrero.

Sampaloc, Maynila
10 Oktubre 2008

Biyernes, Oktubre 10, 2008

Ang di sinasadyang kabayanihan ng kapatid kong si Ian

ANG DI SINASADYANG KABAYANIHAN NG KAPATID KONG SI IAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Narinig ko sa usapan ng aking ama't ina kung paano na-detect noon ang tumor sa dibdib ng aking ina, na nasa stage two na. Di ako mausisa ngunit tumitimo sa isip ko ang mga napag-uusapang mahahalaga.

Ayon sa kwento ng aking ina noon, dahil sa kalikutan ng bunso naming kapatid na si Ian ay di sinasadyang natabig niya ang suso ng aming ina, at ito'y biglang sumakit. Nasabi niya ito sa aking ama. Kaya sila'y nagpadoktor. Nalaman kong nasa stage two na raw ang tumor, at kailangang tanggalin. Bandang 1994 iyon.

Ilang panahon pa ang nagdaan at nakapagpaopera ang aking ina, at nag-iskedyul din ng chemotherapy. Nasaksihan ko paano naghirap ang aking ina sa kanyang sakit bagamat hindi niya iyon ipinahahalata sa akin. Dahil mas ang mga sermon at puna niya sa akin ang madalas kong marinig.

Ngunit natigil ang kanyang isang iskedyul ng pagpapa-chemo dahil sa nangyaring disgrasya. Nabanlian ang aking ina ng tubig na mainit na gagamitin niya pampaligo. Dalawang linggo rin siyang nasa ospital.

Natanggal ang tumor na nagpahirap sa aking ina. Nagdaan ang mga panahon at habang di sinasadyang nababalikan sa alaala ang mga pangyayaring iyon, naiisip kong may naitutulong din minsan ang kalikutan ng bata.

Masasabi kong blessing in disguise ang nangyaring iyon, at parang "hands of God" ang kamay ni Ian nang panahong iyon pagkat kung hindi dahil sa kanyang kalikutan, na naging dahilan upang matabig niya ang dibdib ng aking ina na biglang sumakit, baka nasa stage four pa bago ito ma-detect, mas malala na.

At pag nasa stage four breast cancer na ay baka wala nang pag-asa pang mabuhay nang matagal. Ngunit sa stage two pa lang ay na-detect na agad, kaya agad naagapan. Nakapagpaopera at nagpa-chemo ang aking ina.

Hanggang ngayon, mahigit dalawang dekada na ang nakalipas matapos ang pagpapaoperang iyon ng aking ina, siya pa rin ay nananatiling malakas, nakapaglalakad. At kahit retirado na siya ay nakapagbibiyahe pa rin mula lungsod hanggang sa lalawigan, at balikan.

Kaya para sa akin ay bayani ang aking kapatid na si Ian, pagkat tumagal pa ang buhay ng aking ina.

Huwebes, Oktubre 9, 2008

Paglalaro sa riles

PAGLALARO SA RILES
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Malapit lang sa amin ang riles ng tren, na ang pinakamalapit na estasyon ay sa España. Mula sa aming bahay ay mga apat na kanto lamang. Dinig na dinig naming magkakapatid pag dumarating na ang tren dahil malakas ang busina nito.

Pag panahon na malapit nang mag-Pasko, nais naming mga magkakababata na gumawa ng pampatulog para sa pangangaroling, at naisip nga namin na gawing pantugtog ang mga tansan na tutuhugin ng alambre. Kaya nag-ipon kami ng mga tansan, at dahil malukong ang korte nito ay pinipitpit muna namin ito ng bato o kaya ay ng martilyo upang maging flat. Ngunit dahil pinukpok lamang namin, baku-bako ang korte nito, at hindi ito talaga flat. At nais namin, flat, para mas masaya.

Kaya ang ginagawa namin, nagpupunta kami sa riles ng tren, at doon sa mismong riles na bakal ay ipapatong namin ang mga pinukpok na tansan upang tuluyan itong maging flat. Hihintayin namin ang tren upang ipasagasa ang mga tansan. 

Masasaya kaming magkakalaro pag dumaan na ang tren at pagkalampas nito ay kukunin na namin ang mga tansang pinasagasa sa tren. Talagang flat.

Saka namin ito bubutasan ng pako sa gitna at pagsasama-samahin namin ang mga tansan sa pamamagitan ng paglalagay ng alambre sa mga butas na ito. Mga dalawampung tansan na pinagtagni ng alambre at maaari nang gamiting pantugtog sa pangangaroling tuwing panahon ng kapaskuhan.

Mabuti na lamang at sa aming paglalaro sa riles ay walang nagtangkang magbiro na itulak ang kanyang kalaro sa pagdating ng tren. Pagkat noong panahong iyon ay lantaran o bukas naman ang daanan ng tren at walang umaawat sa aming mga bata sa pagpapasagasa ng mga tansan sa riles gayong ito'y delikado.

Marami na akong nababalitaan ngayon na nasagasaan ng tren dahil na rin marami sa kanila ay nakatira sa gilid ng riles ng tren at halos dumikit na sa bintana ng bahay ang katawan ng tren pag dumaan ito. Mabuti na lamang at hindi sa amin nangyari iyon sa kabila ng kahiligan namin noon na maglaro at magpasagasa ng tansan sa riles ng tren.

Miyerkules, Oktubre 8, 2008

Ang Makaluma Kong Pangalan


ANG MAKALUMA KONG PANGALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makaluma ang aking pangalan, hindi tulad ng mga nakababata kong kapatid na makabago ang pangalan. Ako ay Gregorio. Hindi naman ako ipinangalan sa santo dahil di naman Oktubre 2 ang kaarawan ni San Gregorio. Ang buo kong pangalan ay nilagyan ng Jr sa dulo, ibig sabihin junior ako ng tatay ko. Ipinangalan ako mula sa pangalan ng aking ama, kaya makaluma ang aking pangalan, parang panahon pa ng Kastila, kahit di ko kapanahon sina Rizal at Bonifacio. Kaiba ang aking pangalan sa mga kapatid kong mas bata sa akin - sina George, Shielah, Greg Vergel at Christian, na pawang mga modernong pangalan. Ang ate ko naman ay unique ang pangalan na alanganing makaluma o makabago - Merla, parang ibang bersyon ng modernong pangalang Merly.

Sa anim na magkakapatid, yung pangalan ko lang ang makaluma. Ang epekto nito, pag may nakakabasa ng buo kong pangalan sa dyaryo at magasing sinusulatan ko, ang tingin ng mambabasa sa akin ay matanda na ang manunulat, may uban na at mukhang hukluban na. Kaya minsan, pinapaikli ko na lang ang aking byline, imbes na Gregorio, ito'y ginagawa ko nang Greg Bituin Jr., para magmukhang moderno.

Gayunpaman, makaluma man ang aking pangalan, kaytindi ng aking mga kapangalan sa kasaysayan. Astig ang aking pangalang Gregorio dahil kayraming mga rebeldeng kapangalan ko ang mga sikat at tigasing lider ng kanilang mga samahan at naging tapat sa kanilang paniniwala't paninindigan. Nariyan si Gregorio Del Pilar, na ininakripisyo ang sariling buhay para sa kaligtasan ng kanyang pangulo. Nariyan si Gregorio Aglipay na isang rebolusyonaryong pari at naging lider ng isang simbahang nakipaglaban at nakipaghiwalay sa Katolisismo. Nariyan si Gregorio "Ka Roger" Rosal na hepe ng Melito Glor Command ng New People's Army. At nariyan din si Gregorio "Gringo" Honasan", na lider ng RAM (Reform the Armed Forces Movement, na sa kalaunan ay naging Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa), na namuno sa ilang kudeta laban sa administrasyong Aquino. Marahil ako naman ay maaaring maituring na "sikat at tigasing" manunulat at makata ng rebolusyon. Hehe, nagmana ng pagkarebolusyonaryo mula sa mga kapangalan.

Nuong bata pa ako, sari-saring palayaw ang ibininyag sa akin mula pa noon hanggang sa ako'y lumaki na, na pawang nakapaikot sa Jr, tulad ng Junjun, Junior at Jay-Ar. Pero ang mga iyon ay palayaw lamang na hindi ko ginagamit sa aking mga akda.

Mga bandang isa't kalahating dekada na ang nakalilipas, nang nakatira pa ako sa bahay namin, at nanduruon din ang aking ama't panglimang kapatid, minsan ay may tumawag sa telepono, hindi pa uso noon ang celfone at ang uso pa noon ay ang pager. Nagtanong ang tumawag, "Nariyan po ba si Greg?" Ang sagot ng kapatid ko, "Sinong Greg?" na ang ibig niyang sabihin ay alin sa aming tatlo sa bahay: ang tatay ko, ako, at ang kapatid kong si Greg Vergel. Aba'y ibinaba ng nagtanong ang telepono. Nag-akala siyang walang Greg doon at wrong number. Kung mauunawaan lang sana niyang tatlo ang Greg doon, sana'y nakapag-usap kami.

Ako pala ang hinahanap. Nang magkita kami ng babaeng tumawag sa opisina ng aming organisasyong Kamalayan, mali daw yata ang naibigay kong numero, dahil nang tumawag siya ay nagtanong pa raw kung sinong Greg. Sabi ko sa kanya, tama yung numero, kaya lang tatlo kaming Greg. Ang pangyayaring iyon ay maaaring isolated case pero nakakalito pa rin, dahil nuong panahong hinihintay ko ang tawag na iyon, hindi kami nagkausap, dahil lang sa akalang mali ang numerong ibinigay ko dahil sa tanong na sinong Greg. May nawalang isang magandang oportunidad sa akin.

Sa mga kamag-anak nga namin ay maraming Greg Bituin bukod sa akin, sa tatay ko at sa kapatid kong si Greg Vergel. Nariyan ang Greg Bituin na engineer na taga-Putol sa Tuy, Batangas. Nariyan ang Greg Bituin na kababata ko noon na taga-Candelaria, Quezon. At meron ding binatilyong Greg Bituin sa friendster na mahilig sa musika. May ilan pang Greg Bituin ang nasa facebook, ngunit hindi ako iyon. 

At ang matindi pa rito, inakala ng ilang taga-Bicol na alumni ako ng kanilang eskwelahan, kaya nagagalak silang ilathala ang isa kong tula. Gayong di naman ako nag-aral kahit kailan sa Bicol.

Sa ngayong magkakalayo na kami ng tatay ko at ng isa kong kapatid dahil may kanya-kanya na kaming buhay, okey lang may tumawag ng Greg sa akin sa telepono. Tiyak, ako lang ang hinahanap ng tatawag, At syempre, mas okey sa akin ang Greg kaysa Gregorio.

Sabagay, di ko naman masisisi ang aking ama't ina kung isinunod man ang pangalan ko sa aking ama. Ganito kasi ang nauso noon. Maraming mga tatay ang ipinapangalan sa kanya ang kanyang anak na lalaki, kaya maraming mga lalaking may Jr sa hulihan ng kanilang pangalan, tulad ng pangalan ng paborito kong aktor, si Fernando Poe Jr. 

Pero ako, ayokong magkaroon ng anak na Gregorio III o Gregorio IV para ang mga naranasan kong problema'y hindi rin niya problemahin. Dahil isa siyang unique na tao, dapat maging unique din ang kanyang pangalan sa pamilya, kahit may kapangalan siya sa iba, basta sa sariling pamilya'y siya lang ang may ganuong pangalan. Para walang malilito, para may sarili siyang identidad.

Habang tumatanda na ako, mas ginagamit ko na ang buo kong pangalan sa aking mga sanaysay, maikling kwento at tula. Ito'y para pag nalathala ang aking akda sa magasin at libro, buo kong pangalan ang nakalagay. 

Kaya napagtanto ko, kailangan ko nang gamitin ang buo kong pangalan, kasama ang panggitnang inisyal, sa bawat akda dahil nga pag nalathala na ang aking mga artikulo sa mga magasin at libro, tiyak na artikulo ko iyon. 

Isa pa, hindi na uubra ang Greg Bituin Jr. lamang, dahil buong Gregorio V. Bituin Jr. ang nakalagay sa halos lahat ng aking dokumento - sa birth certificate, baptismal certificate, school ID, diploma, NBI clearance, SSS, PhilHealth, Comelec, at iba pa. Pero sa ngayong medyo bata pa naman ako, mas ginagamit ko muna sa ilang akda ang pangalang Greg Bituin Jr. para kyut ang dating.

Pero tiyak, sa kalaunan, Gregorio na ang gagamitin at di na Greg pagdating sa aking lapida.

Lunes, Oktubre 6, 2008

Ang Pagsagip ng Punong Gumamela sa Aking Kapatid

ANG PAGSAGIP NG PUNONG GUMAMELA SA AKING KAPATID
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May mga nagtatanong. Paano daw ba ako napasali sa mga samahang makakalikasan?

Naging marubdob ang hangarin kong pangalagaan ang kalikasan at maging aktibo sa gawaing ito dahil sa isang karanasang nagbigay-aral sa akin upang pangalagaan ko ang kalikasan, kumilos, maging bahagi, at maging aktibo sa mga samahang may adbokasya sa kalikasan.

Mahilig sa halaman ang aking ina. Kaya nga nuong bata pa kami, pulos mga halamang nakalagay sa paso, o sa malalaking lata ng biskwit at gatas, ang makikita sa labas ng bahay, sa mismong bangketa, bukod pa sa may tanim din kaming puno ng gumamela sa bangketa sa loob ng isang kwadradong sementadong pilapil na may apat na talampakan ang haba habang isang talampakan ang luwang. Paglabas ng pinto ay makikita agad ang sari-saring halaman, may orchids din. Lagi itong dinidiligan ni Inay tuwing umaga, at kadalasang ako ang kanyang inuutusang magdilig ng halaman.

Isa kami sa mga nakatirang may mga halamang tanim sa parteng iyon ng Balic-Balic sa Lungsod ng Maynila, habang karamihan ay wala. Lumaki ako sa isang lugar na ang kalikasan ay palibot ng gusali, pader, semento at aspaltadong kalsada, at madalas ang pagbaha kapag umuulan. Masikip na syudad dahil puno ng iba't ibang uri ng tao. May basketball court din sa kalsada. Kaya masarap balikang ang tulad kong lumaki sa sementadong mundo ay pinalaki ng aming inang may pagmamahal sa paghahalaman at sa kalikasan.

Nang minsang bumaha hanggang hita sa amin dahil sa bagyo, lubog ang mga kalsada, tinangay ang ilang halaman. Pinahanap sa akin ng nanay ko yung ilang orchids kung natangay na ng tuluyan ng baha. Nadampot ko naman, ngunit kulang ng isa. Nakita ko sa mata ng aking ina ang paghihinayang.

Ang aking ina ang tinuturing kong una kong guro sa kalikasan. Bata pa lang ako'y pinagdidilig na niya ako ng kanyang mga tanim. Hanggang isang araw, umalis ang aking mga magulang at may pinuntahan. Boboto raw sila. Kaya ako ang pinagbantay nila sa aking bunso pa noong kapatid - si Vergel, panglima sa magkakapatid, dahil di pa naipapanganak noon si Ian, na siyang aming bunso ngayon. Siyam na taon ang agwat nila ni Vergel.

Bakasyon noon at kung matatandaan ko pa, magi-Grade 6 na ako sa pasukan. Sa ikalawang palapag ng aming bahay ay nakatulog kaming magkapatid. Ngunit nagising siya't sa kalikutan, ang tatlong taong gulang pa lang na kapatid ko ay nahulog mula sa ikalawang palapag ng aming bahay.

Di ko naman akalaing makalulusot siya sa bintana dahil may mga nakaharang doong kahoy na uno por dos o kaya'y dos por dos na nakapakong pahalang sa apat na bintanang bakal na may salamin.

Nagising akong ikinwento na lang sa akin ng aking ina ang nangyari. Nanikip ang aking dibdib. Di ko alam ang aking gagawin. Pakiramdam ko ay patay na ang aking kapatid. Nanginginig akong bumaba ng bahay at lumabas.

Maya-maya ay nakita ko ang aking ama, tangan sa kamay ang aking kapatid, galing sila ng tindahan. Ayon sa kwento ng aking ama, nagsisigawan ang mga tao sa labas na mahuhulog ang bata. Di nila naagapang sagipin si Vergel, hanggang sa mahulog sa bintana. Una raw ang ulo, ngunit mabuti na lamang at sinalo siya ng punong gumamela, kaya pagbagsak niya sa lupa ay una ang paa.

Mabuti na lamang. Mabuti na lang.

Kung wala ang gumamelang iyon, at ang mga tanim na halaman ng aking ina, tiyak na sa sementadong bangketa ang lagpak ni Vergel, at sakali mang nabuhay pa siya ay tiyak na baldado siya, at sa kalaunan ay mahirapan lamang siya.

Salamat at sinalo siya ng punong gumamela, ang kanyang tagapagligtas. Ilang araw o linggo lamang makalipas ang pangyayaring iyon ay unti-unti nang bumagsak ang punong gumamela at namatay. Tila ba ipinalit ng punong gumamela ang kanyang buhay sa buhay ng aking kapatid na si Vergel. Salamat, salamat sa inaalagaang mga halaman ni Inay. Sinagip nito si Vergel mula sa maagang kamatayan.

Pag naaalala ko ang pangyayaring iyon, naaalala ko ang pagmamahal ng aming ina. Hindi akalain ni Inay na ang kanyang pag-aalaga ng iba't ibang halaman sa labas ng bahay ay malaki pala ang maitutulong upang magligtas ng buhay. Kaya napamahal na rin sa akin ang paghahalaman at inunawa ko ang kalikasan, bagamat laking lungsod ako, lumaking pulos aspaltado't sementado ang kapaligiran, bagamat bihira akong magtanim.

Wala na ang punong gumamelang iyon sa aming bahay, habang si Vergel naman ay nakapagtapos na sa kolehiyo at may sarili nang pamilya. Ngunit ang pangyayaring iyon ay di na nawala sa alaala ng sinuman sa aming pamilya, at iyon ang itinuturing kong unang dahilan ng pagyakap ko sa usaping pangkalikasan.

Kalabisan mang sabihin, ngunit pag nakakakita ako ng punong gumamela ngayon, ay hindi ko maiwasang sabihin sa hangin, "Salamat", na marahil ay ihihihip naman ng hangin sa punong gumamelang namumula sa bulaklak.

Maraming salamat sa aking butihing ina na nagsesermon lagi sa akin na magdilig ng halaman. Ang kanya palang mga sermon ay makabubuti sa aming mga magkakapatid, at nakapagligtas pa ng buhay.

Kaya kung napakaaktibo ko sa iba't ibang isyung may kaugnayan sa kalikasan, ito'y dahil isa na itong commitment at pasasalamat sa buhay, di lang ng aking kapatid, kundi sa buhay ng ating kapwa.

Linggo, Oktubre 5, 2008

Sa Bustillos

SA BUSTILLOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa mga kilalang lugar sa Sampaloc, Maynila, ang Bustillos St. Nakilala ko ang Bustillos sa tatlong bagay. Una ang Jopson Supermarket. Ikalawa ay ang Simbahan ng Loreto, at ikatlo ay ang VOT. Mula sa Quiapo, dumaraan dito ang dyip papuntang Balic-Balic at papuntang Lealtad, bagamat meron ding bumabyahe ritong ang ruta'y Balic-Balic - Bustillos. Ang Bustillos St., na mas kilala ngayong M. Earnshaw St., ay mula sa Legarda St., hanggang sa Forbes St. (Arsenio Lacson St. ngayon). Bahagi ito ng Brgy. 419, Zone 43 sa Sampaloc.

Pagkagaling namin ng aking ama't kapatid mula sa pagsisimba sa Loreto ay namimili kami sa Jopson's Supermarket, isang pamilihang hugis-tatsulok na katapat lang ng Loreto Church. Magkatabing simbahan ang Loreto at VOT (na kilala rin bilang St. Anthony Shrine).

Ang simbahan ng Loreto naman ang pinakamalapit na simbahan sa amin kaya madalas doon kami nagsisimba, bukod pa sa may organisasyon ang aking ama doon, ang Holy Name Society. kapangalan ng Loreto Church ang isang lansangan sa amin, pagliko lang ay Loreto Street na, pero malayo ito ng ilang kanto sa mismong simbahan. Nagdiriwang ang Loreto Church ng kapistahan nito tuwing ikalawang Linggo ng Disyembre, kaya ito'y laging pinaghahandaan ng mga magkakapitbahay. Magmula nang itayo ang simbahan ng San Roque sa M. Dela Fuente St., ay halos di na sumasabay ng pista ang aming lugar sa pista ng Loreto. Sinakop na kasi ang lugar namin ng San Roque church.

Nasa high School ako nang pinadalo ako ng aking ama sa Catholic Youth Seminar (CYM) Batch 37 sa Loreto. Ang CYM ang aktibidad ng Holy Name Society. Dito na nagsimula ang pagpunta-punta ko sa Loreto Church dahil nagkaroon ako ng maraming bagong kaibigan, dumadalo na rin sa Magnificat Choir, na kumakanta tuwing alas-syete ng gabi ng Linggo sa Loreto.

Sa kalaunan, tumambay na rin ako sa katabing simbahan ng Loreto, ang St. Anthony Shrine, at napasama naman ng ilang buwan lang sa Lector Ministry, ang nagbabasa ng Una at Ikalawang Pagbasa tuwing misa. Napasali rin ako sa Justice, Peace and Integrity of Creation (JPIC) ng VOT, at nakasama sa dalawang linggong paglalakbay nito sa lalawigan ng Basilan sa Mindanao. Minsan na rin akong naging artista dito nang isinadula namin ang Brother Sun Sister Moon at isa ako sa mga kasamahan ni St. Francis.

Bago natin talakayin ang kasaysayan ng tatlong lugar na ito, saan ba nanggaling ang pangalang Bustillos sa lugar? Kung papansinin natin ang lugar ng Sampaloc, karamihan ng mga pangalan ng lansangan o kalsada ay hango sa Noli Me Tangere ni Jose Rizal o may kaugnayan kay Rizal, tulad ng Dapitan, Laong Laan, Dimasalang, Sisa, Basilio St., at ito ngang Bustillos na nabanggit sa Noli Me Tangere ni Rizal. Ang Bustillos Street ay hango marahil kay Gobernador Fernando de Bustillos Bustamante y Rueda na napatay sa pangunguna umano ng mga prayle noong Oktubre 11, 1719. Si Bustillos ay Kastilang naging gobernador heneral ng Pilipinas mula 1717 hanggang 1719.

Ang Jopson Supermarket ay itinayo ng ama ng kilalang martir ng pakikibakang masa at dating lider-estudyante sa panahon ni dating Pangulong Marcos - si Edgar Jopson. Ayon sa ilang mga salaysay, kausap ni Jopson si Marcos noong 1971, ngunit sinabihan siya ni Marcos, "Sino ka bang magtuturo sa akin kung anong aking gagawin? Isa ka lang anak ng may-ari ng grocery." Hanggang iwanan ni Jopson ang magandang buhay sa lungsod at maghawak ng armas sa kabundukan para labanan ang diktadurya. Napatay siya noong Setyembre 1982.

Ang Simbahan ng Our Lady of Loreto sa Bustillos ay itinayo noong 1613 ng mga paring Kastilang Franciscano sa pangunguna ni Fr. Blas de la Madre de Dios sa lugar na mayayabong ang mga punong Sampaloc. Ang imahe naman ng Our Lady of Loreto ay nilagay sa altar noong 1616. Ipinagdiriwang ang kapistahan nito tuwing ika-10 ng Disyembre ng bawat taon, ngunit sa Sampaloc, ipinagdiriwang ang kapistahan nito tuwing ikalawang Linggo ng Disyembre.

Naalala ko pa rin ang nakasulat sa kisame ng St. Anthony Shrine, ang "Devs Mevs et Omnia" na ang ibig sabihin ay "My God and My All" na siyang motto ng order Franciscano. Ayon sa kasaysayan, ang simbahang ito ay nasa Intramuros at inilipat lamang sa Sampaloc matapos ang Ikawalang Daigdigang Digmaan noong 1945, at natapos ang pagpapagawa nito noong 1947. Nawasak ng pambobomba ang simbahang ito nang nasa Intramuros pa. Kung ang Quiapo ay tuwing Biyernes at ang simbahan ng Baclaran ay tuwing Miyerkules, napakarami namang tao dito sa St. Anthony Shrine tuwing Martes, dumadalo sa misa at pawang mga deboto ni St. Anthony. Tuwing Hunyo 13 naman ang kapistahan ni St. Anthony, at dahil mga Franciscano ang kaparian dito ay ipinagdiriwang din ang kapistahan ni St. Francis tuwing Oktubre 4.

Sabado, Oktubre 4, 2008

Kung Bakit Wala Akong Ninong?

KUNG BAKIT WALA AKONG NINONG?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa maniwala kayo't sa hindi, wala akong nakagisnang ninong na laging napapamaskuhan mula pa noong bata pa ako. Meron akong ninang na minsan ko lang na-meet, dahil kapatid siya ng nanay ko - si Auntie Diday. Pero ninong, wala. Kaya bilang inaanak ay wala akong regalong natatanggap sa kung sino mang ninong ko. Kaya lumaki akong hindi ko sila hinahanap, di tulad ng mga inaanak ng aking tatay, pumupunta pa sila mismo sa bahay namin para lang magmano sa aking ama at mabigyan ng kaunting regalo. Marahil dahil hindi naging kalakaran sa aming pamilya na dumalaw sa mga kumpare at kumare nina tatay at nanay para mamasko kaming magkakapatid sa aming mga ninong at ninang. Kumbaga, parang bahala na ang ninong at ninang naming magkakapatid kung nais nilang dalawin kaming mga inaanak nila.

Minsan, may kumpare ang tatay ko na malapit sa bahay namin sa Sampaloc nakatira, may sasakyang owner-type jeep, at inakala ko iyon ang ninong ko. Binigyan kasi ako ng sampung pisong pamasko. Sabi ng tatay ko sa kumpare niya, pagpasensyahan na lang daw ako, iyon pala di ko siya ninong.

Nasa kolehiyo na ako nang minsang may kakwentuhang kumpare ang tatay ko sa opisina niya nang ipinakilala ako ng aking ama sa aking umano'y ninong. Nagkakwentuhan naman kami ng "ninong", at nais niyang kung pupunta raw ako ng Canada ay doon ako pumunta sa kanya at tutulungan daw niya ako. Canadian citizen na pala ang Pinoy kong "ninong". Ganuon lang ang usapan, at wala siyang ibinigay kahit ano sa kanyang inaanak. Di ko na matandaan ang pangalan niya dahil isang beses ko lang siyang nakasalamuha. Di ko rin alam kung sa binyag o sa kumpil ko ba siya naging ninong. Kung sakaling magkita kaming muli ng kung sinong "ninong" ko, magmamano lang ako bilang pagbibigay-galang at ngingiti, ngunit di ko sila kinasasabikan.

Kaya lumaki akong naging walang pakialam sa kung sino ba ang ninong ko. At lumaki rin akong wala ring pakialam sa Pasko, maliban sa pangangaroling kasama ang mga kabarkada ko.

Kaya nang kunin akong ninong sa anak ng aking ate, anak ng aking mga pinsan, katrabaho dati, at mga kasama sa organisasyon, natuwa naman ako. Pero hindi ko naman nagagampanan ang tungkulin ng isang ninong, ang maging pangalawang magulang o gabay sa kanilang inaanak. Bihira kasi kaming magkita ng aking mga inaanak, at di naman sila pumupunta sa akin.

Pero bilang ninong ng aking mga inaanak, ang ilan sa kanila'y nabigyan ko ng mga librong gawa ko, at minsan, kaunting salapi bilang regalo sa araw ng kapaskuhan. Iyon ay kung kami'y nagkikita.

Nakakatuwa palang maging ninong, katuwaang hindi ko naramdaman bilang inaanak.

Biyernes, Oktubre 3, 2008

Ang Dalawang Beses Kong Pagkabundol sa Sasakyan

ANG DALAWANG BESES KONG PAGKABUNDOL SA SASAKYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong bata pa ako, mahilig akong tumakbo, lalo na kung pauwi na ako ng bahay. Mahilig akong makipag-patintero sa mga sasakyan, lalo na sa hiway ng Nagtahan. Ang laro namin ng aming mga kaklase ruwing recess namin sa Nazareth School ay touching rubber, na kilala ring block one-two-three. Ang kaliksihang kong ito sa pagtakbo, na dire-diretso minsan, ang nagmuntikanan nang maging dahilan ng aking muntik-muntikang kamatayan. Dalawang beses akong nabundol ng sasakyan. Mabuti na lamang at di matitindi ang aking mga tama noon, pawang pilay lamang, pagkat kumpleto pa rin ang aking katawan hanggang ngayon.

Masakit mabundol ng sasakyan. Masakit dahil ako mismo ang nabundol, at masakit din para sa aking mga magulang at kapatid, dahil ramdam nila kung paano ako nasaktan. Nabundol ako ng dalawang sasakyan sa isang magkahiwalay na insidente. Ang isa'y dyip at ang isa nama'y bisikleta.

Nasa kinder ako ako noon sa Geronimo Kindergarten. Wala na ito ngayon, at ang nakatayo dito ngayon ay ang Ospital ng Sampaloc. Mga limang taong gulang pa lamang ako noon at panghapon naman ang aking klase. Kadalasang ako at ang aking pinsang nag-aalaga sa akin ang natitira sa bahay, dahil pumapasok naman sa kani-kanilang opisina ang aking ama't ina habang si Ate Bheng naman ay pumasok din sa eskwelahan. Si Jojo naman ay maliit pa.

Isang araw, sumama ako kay Ate Yolly, pinsan ko, sa pagpunta sa talipapa. Ang talipapa ay nasa kalsadang nasa likod ng aming bahay, at daanan ng mga dyip na Balic-Balic, Quiapo. Nakarating na kami ng talipapa, ngunit ako'y nakawala sa pagkakakapit ng aking pinsan dahil magbabayad siya sa tindera ng isda. Ako'y nakatakbo, tuloy-tuloy sa labasan ng talipapa, at marahil sa bilis ko ng takbo, ay di ko na nakita ang sasakyang paparating. Nagising na lang akong nasa isang ospital. Naroon din ang driver ng sasakyan at ang aking Ate Yolly.

Isang linggo akong di nakapasok sa eskwela. Ang aking noo at ang pagitan ng aking bibig at ilong ay may plaster.

Ang ikalawa kong pagkabundol ay gabi at bisperas ng Bagong Taon. Nasa Grade 5 na ako noon. Halos walang tao sa kalsada maliban sa ilang nangangaroling. Panahon marahil iyon ng pagluluto para sa noche buena kaya karamihan ng tao ay nasa loob ng bahay. Habang kami naman ng kapatid kong si Jojo ay nasa labas pa ng bahay.

Dahil sa aking kalikutan, hinamon ko ng pabilisan ng pagtakbo ang aking kapatid, mga alas-otso iyon ng gabi. Tumakbo kaming magkapatid papunta sa kabilang bangketa, ngunit sawimpalad. Hindi ko nakita ang rumaragasang bisikleta.

Nagising na lamang akong buhat na ng aking ama, at marami na ring mga tao. Naglabasan na rin ang aming mga kapitbahay, pati na ang mga barangay tanod. Ang nakabundol naman sa akin ay inakbayan na ng mga barangay tanod, at dinala pati na ang bisikletang umano'y kanyang hiniram lamang. Di ko na nalaman ang iba pang pangyayari tungkol sa nakabundol sa akin dahil bata pa nga ako noon, at ang pinagkaabalahan ko'y paano ako gagaling.

Nagbagong-taon akong may pilay at galos sa mukha't katawan. Ilang araw lang ay nagpunta kami ng tatay ko sa probinsya upang magpahilot sa Mamay Cleto, isang kilalang manghihilot at sadyang dinadayo ng mga tao upang magpahilot lamang. (Ang salitang "Mamay" ay salitang Batangas sa Lolo.)

Ang mga karanasang ito'y nagsilbing paalala sa akin ng aking kalikutan nuong bata pa. At nagsilbing aral din na dapat akong mag-ingat sa pagtawid. Buti't hindi ako namatay sa mga insidenteng iyon. At hindi ako na-hit-and-run.

Nawa'y hindi na muli mangyari ang ganito, dahil baka hindi ko na ito muling malusutan.

Miyerkules, Oktubre 1, 2008

Sunog sa Likod-Bahay

SUNOG SA LIKOD BAHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa kinder o kaya'y Grade 1 ako noon nang magkasunog sa aming likod-bahay sa Honradez. Nasunog ang mahabang apartment na nasa kanto ng Loreto at G. Tuazon, katapat ng Funeraria Gloria. Mga walo o siyam na bahay ng mahabang apartment ang tuluyang naabo sa sunog na iyon. Di na rin ako nakapasok sa school.

Natatandaan ko pa noon, inilabas namin ng nanay at mga kapatid ko ang mga gamit namin. Buti na lang at umaga nang magkasunog. Barado ang buong kalsada, puno ng mga gamit, tulad ng ref, tv, aparador, at mga damit. Dumating ang mga bumbero. Mga ilang oras din ang sunog na iyon at naapula rin agad ang apoy. Ang bilis ng paghahakot ng gamit palabas, pero kayhirap nang ibalik na namin ito sa loob ng bahay. Sa mura kong edad noon, parang naramdaman ko na rin ang katotohanan sa likod ng kasabihang "Mas mabuti pang manakawan, huwag lang masunugan."

Kinabukasan, nang pumasok na ako ng school, tinanong ako ng titser ko kung bakit di ako pumasok nung nakaraang araw. Sa pagkakatanda ko, sinermunan ako ni Titser na hindi ako dapat nag-aabsent dahil sayang ang panahon, dapat daw akong mag-aral ng mabuti at tutukan ang mga lessons ko, at huwag maglalakwatsa. Parang ganito ang sinabi, basta't ang natatandaan ko, sinermunan ako.

Hanggang sa sabihin ko kay Titser, nasunugan po kami kaya di ako nakapasok. Nagulat si Titser, akala niya bahay namin ang nasunog, pero sinabi ko, muntik na yung bahay namin, at yung apartment sa likod-bahay namin ang natupok ng apoy.

Matagal bago nagawa muli ang mga nasunog na bahay. Mga ilang buwan pa ang nakalipas, o marahil isa o dalawang taon. Dahil tandang-tanda ko pa, ginawa naming palaruan ang nasunugang bahay. Inaakyat namin iyon. Doon nagtataguan, doon naghahabulan. Kaya pag-uwi ng bahay, galit si nanay, napakarungis ko raw at pulos uling. Tiyak daw na doon na naman ako naglaro sa nasunugan sa likod-bahay.

Natigil kami sa paglalaro doon dahil na rin sa pagrereklamo ng ilang kapitbahay, maiingay daw kami. Kaya sinabihan kami ng ilang tagaroon na huwag nang maglaro sa sunog na bahay, at huwag nang umakyat sa 2nd floor duon dahil baka mapagbintangan pa kaming kumukuha ng sinampay, o kaya'y madisgrasya lalo na pag bumagsak ang mga nasunugang sahig. Mula noon, di na kami naglaro doon.

Nagkaroon ng malaking impresyon sa akin ang karanasang iyon. Nang muling magkasunog sa lugar namin, kahit malayo sa amin, parang gusto kong tumulong. Gayunman, mabibilis ang mga bumbero kaya agad naaapula ang apoy. Sa bawat pagkakaroon ng sakuna tulad ng sunog, makikita mo ang pagtutulungan ng mga tao, na minsan, naaapula agad ang apoy kahit wala pa ang bumbero.

Ito ang isa sa mga nakita kong solusyon sa problema, ang pagtutulungan ng mga tao sa panahon ng sakuna. Sana, sa anumang problemang tulad nito, magtulungan muli ang mga tao, huwag tingnan ang kanilang pagkakaiba, kundi ang pagkakaisa, lalo na sa panahon ng kalamidad. At sana, magtulungan sila, kahit walang kalamidad na dumating.