Biyernes, Oktubre 3, 2008

Ang Dalawang Beses Kong Pagkabundol sa Sasakyan

ANG DALAWANG BESES KONG PAGKABUNDOL SA SASAKYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong bata pa ako, mahilig akong tumakbo, lalo na kung pauwi na ako ng bahay. Mahilig akong makipag-patintero sa mga sasakyan, lalo na sa hiway ng Nagtahan. Ang laro namin ng aming mga kaklase ruwing recess namin sa Nazareth School ay touching rubber, na kilala ring block one-two-three. Ang kaliksihang kong ito sa pagtakbo, na dire-diretso minsan, ang nagmuntikanan nang maging dahilan ng aking muntik-muntikang kamatayan. Dalawang beses akong nabundol ng sasakyan. Mabuti na lamang at di matitindi ang aking mga tama noon, pawang pilay lamang, pagkat kumpleto pa rin ang aking katawan hanggang ngayon.

Masakit mabundol ng sasakyan. Masakit dahil ako mismo ang nabundol, at masakit din para sa aking mga magulang at kapatid, dahil ramdam nila kung paano ako nasaktan. Nabundol ako ng dalawang sasakyan sa isang magkahiwalay na insidente. Ang isa'y dyip at ang isa nama'y bisikleta.

Nasa kinder ako ako noon sa Geronimo Kindergarten. Wala na ito ngayon, at ang nakatayo dito ngayon ay ang Ospital ng Sampaloc. Mga limang taong gulang pa lamang ako noon at panghapon naman ang aking klase. Kadalasang ako at ang aking pinsang nag-aalaga sa akin ang natitira sa bahay, dahil pumapasok naman sa kani-kanilang opisina ang aking ama't ina habang si Ate Bheng naman ay pumasok din sa eskwelahan. Si Jojo naman ay maliit pa.

Isang araw, sumama ako kay Ate Yolly, pinsan ko, sa pagpunta sa talipapa. Ang talipapa ay nasa kalsadang nasa likod ng aming bahay, at daanan ng mga dyip na Balic-Balic, Quiapo. Nakarating na kami ng talipapa, ngunit ako'y nakawala sa pagkakakapit ng aking pinsan dahil magbabayad siya sa tindera ng isda. Ako'y nakatakbo, tuloy-tuloy sa labasan ng talipapa, at marahil sa bilis ko ng takbo, ay di ko na nakita ang sasakyang paparating. Nagising na lang akong nasa isang ospital. Naroon din ang driver ng sasakyan at ang aking Ate Yolly.

Isang linggo akong di nakapasok sa eskwela. Ang aking noo at ang pagitan ng aking bibig at ilong ay may plaster.

Ang ikalawa kong pagkabundol ay gabi at bisperas ng Bagong Taon. Nasa Grade 5 na ako noon. Halos walang tao sa kalsada maliban sa ilang nangangaroling. Panahon marahil iyon ng pagluluto para sa noche buena kaya karamihan ng tao ay nasa loob ng bahay. Habang kami naman ng kapatid kong si Jojo ay nasa labas pa ng bahay.

Dahil sa aking kalikutan, hinamon ko ng pabilisan ng pagtakbo ang aking kapatid, mga alas-otso iyon ng gabi. Tumakbo kaming magkapatid papunta sa kabilang bangketa, ngunit sawimpalad. Hindi ko nakita ang rumaragasang bisikleta.

Nagising na lamang akong buhat na ng aking ama, at marami na ring mga tao. Naglabasan na rin ang aming mga kapitbahay, pati na ang mga barangay tanod. Ang nakabundol naman sa akin ay inakbayan na ng mga barangay tanod, at dinala pati na ang bisikletang umano'y kanyang hiniram lamang. Di ko na nalaman ang iba pang pangyayari tungkol sa nakabundol sa akin dahil bata pa nga ako noon, at ang pinagkaabalahan ko'y paano ako gagaling.

Nagbagong-taon akong may pilay at galos sa mukha't katawan. Ilang araw lang ay nagpunta kami ng tatay ko sa probinsya upang magpahilot sa Mamay Cleto, isang kilalang manghihilot at sadyang dinadayo ng mga tao upang magpahilot lamang. (Ang salitang "Mamay" ay salitang Batangas sa Lolo.)

Ang mga karanasang ito'y nagsilbing paalala sa akin ng aking kalikutan nuong bata pa. At nagsilbing aral din na dapat akong mag-ingat sa pagtawid. Buti't hindi ako namatay sa mga insidenteng iyon. At hindi ako na-hit-and-run.

Nawa'y hindi na muli mangyari ang ganito, dahil baka hindi ko na ito muling malusutan.

Walang komento: