Miyerkules, Oktubre 8, 2008

Ang Makaluma Kong Pangalan


ANG MAKALUMA KONG PANGALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makaluma ang aking pangalan, hindi tulad ng mga nakababata kong kapatid na makabago ang pangalan. Ako ay Gregorio. Hindi naman ako ipinangalan sa santo dahil di naman Oktubre 2 ang kaarawan ni San Gregorio. Ang buo kong pangalan ay nilagyan ng Jr sa dulo, ibig sabihin junior ako ng tatay ko. Ipinangalan ako mula sa pangalan ng aking ama, kaya makaluma ang aking pangalan, parang panahon pa ng Kastila, kahit di ko kapanahon sina Rizal at Bonifacio. Kaiba ang aking pangalan sa mga kapatid kong mas bata sa akin - sina George, Shielah, Greg Vergel at Christian, na pawang mga modernong pangalan. Ang ate ko naman ay unique ang pangalan na alanganing makaluma o makabago - Merla, parang ibang bersyon ng modernong pangalang Merly.

Sa anim na magkakapatid, yung pangalan ko lang ang makaluma. Ang epekto nito, pag may nakakabasa ng buo kong pangalan sa dyaryo at magasing sinusulatan ko, ang tingin ng mambabasa sa akin ay matanda na ang manunulat, may uban na at mukhang hukluban na. Kaya minsan, pinapaikli ko na lang ang aking byline, imbes na Gregorio, ito'y ginagawa ko nang Greg Bituin Jr., para magmukhang moderno.

Gayunpaman, makaluma man ang aking pangalan, kaytindi ng aking mga kapangalan sa kasaysayan. Astig ang aking pangalang Gregorio dahil kayraming mga rebeldeng kapangalan ko ang mga sikat at tigasing lider ng kanilang mga samahan at naging tapat sa kanilang paniniwala't paninindigan. Nariyan si Gregorio Del Pilar, na ininakripisyo ang sariling buhay para sa kaligtasan ng kanyang pangulo. Nariyan si Gregorio Aglipay na isang rebolusyonaryong pari at naging lider ng isang simbahang nakipaglaban at nakipaghiwalay sa Katolisismo. Nariyan si Gregorio "Ka Roger" Rosal na hepe ng Melito Glor Command ng New People's Army. At nariyan din si Gregorio "Gringo" Honasan", na lider ng RAM (Reform the Armed Forces Movement, na sa kalaunan ay naging Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa), na namuno sa ilang kudeta laban sa administrasyong Aquino. Marahil ako naman ay maaaring maituring na "sikat at tigasing" manunulat at makata ng rebolusyon. Hehe, nagmana ng pagkarebolusyonaryo mula sa mga kapangalan.

Nuong bata pa ako, sari-saring palayaw ang ibininyag sa akin mula pa noon hanggang sa ako'y lumaki na, na pawang nakapaikot sa Jr, tulad ng Junjun, Junior at Jay-Ar. Pero ang mga iyon ay palayaw lamang na hindi ko ginagamit sa aking mga akda.

Mga bandang isa't kalahating dekada na ang nakalilipas, nang nakatira pa ako sa bahay namin, at nanduruon din ang aking ama't panglimang kapatid, minsan ay may tumawag sa telepono, hindi pa uso noon ang celfone at ang uso pa noon ay ang pager. Nagtanong ang tumawag, "Nariyan po ba si Greg?" Ang sagot ng kapatid ko, "Sinong Greg?" na ang ibig niyang sabihin ay alin sa aming tatlo sa bahay: ang tatay ko, ako, at ang kapatid kong si Greg Vergel. Aba'y ibinaba ng nagtanong ang telepono. Nag-akala siyang walang Greg doon at wrong number. Kung mauunawaan lang sana niyang tatlo ang Greg doon, sana'y nakapag-usap kami.

Ako pala ang hinahanap. Nang magkita kami ng babaeng tumawag sa opisina ng aming organisasyong Kamalayan, mali daw yata ang naibigay kong numero, dahil nang tumawag siya ay nagtanong pa raw kung sinong Greg. Sabi ko sa kanya, tama yung numero, kaya lang tatlo kaming Greg. Ang pangyayaring iyon ay maaaring isolated case pero nakakalito pa rin, dahil nuong panahong hinihintay ko ang tawag na iyon, hindi kami nagkausap, dahil lang sa akalang mali ang numerong ibinigay ko dahil sa tanong na sinong Greg. May nawalang isang magandang oportunidad sa akin.

Sa mga kamag-anak nga namin ay maraming Greg Bituin bukod sa akin, sa tatay ko at sa kapatid kong si Greg Vergel. Nariyan ang Greg Bituin na engineer na taga-Putol sa Tuy, Batangas. Nariyan ang Greg Bituin na kababata ko noon na taga-Candelaria, Quezon. At meron ding binatilyong Greg Bituin sa friendster na mahilig sa musika. May ilan pang Greg Bituin ang nasa facebook, ngunit hindi ako iyon. 

At ang matindi pa rito, inakala ng ilang taga-Bicol na alumni ako ng kanilang eskwelahan, kaya nagagalak silang ilathala ang isa kong tula. Gayong di naman ako nag-aral kahit kailan sa Bicol.

Sa ngayong magkakalayo na kami ng tatay ko at ng isa kong kapatid dahil may kanya-kanya na kaming buhay, okey lang may tumawag ng Greg sa akin sa telepono. Tiyak, ako lang ang hinahanap ng tatawag, At syempre, mas okey sa akin ang Greg kaysa Gregorio.

Sabagay, di ko naman masisisi ang aking ama't ina kung isinunod man ang pangalan ko sa aking ama. Ganito kasi ang nauso noon. Maraming mga tatay ang ipinapangalan sa kanya ang kanyang anak na lalaki, kaya maraming mga lalaking may Jr sa hulihan ng kanilang pangalan, tulad ng pangalan ng paborito kong aktor, si Fernando Poe Jr. 

Pero ako, ayokong magkaroon ng anak na Gregorio III o Gregorio IV para ang mga naranasan kong problema'y hindi rin niya problemahin. Dahil isa siyang unique na tao, dapat maging unique din ang kanyang pangalan sa pamilya, kahit may kapangalan siya sa iba, basta sa sariling pamilya'y siya lang ang may ganuong pangalan. Para walang malilito, para may sarili siyang identidad.

Habang tumatanda na ako, mas ginagamit ko na ang buo kong pangalan sa aking mga sanaysay, maikling kwento at tula. Ito'y para pag nalathala ang aking akda sa magasin at libro, buo kong pangalan ang nakalagay. 

Kaya napagtanto ko, kailangan ko nang gamitin ang buo kong pangalan, kasama ang panggitnang inisyal, sa bawat akda dahil nga pag nalathala na ang aking mga artikulo sa mga magasin at libro, tiyak na artikulo ko iyon. 

Isa pa, hindi na uubra ang Greg Bituin Jr. lamang, dahil buong Gregorio V. Bituin Jr. ang nakalagay sa halos lahat ng aking dokumento - sa birth certificate, baptismal certificate, school ID, diploma, NBI clearance, SSS, PhilHealth, Comelec, at iba pa. Pero sa ngayong medyo bata pa naman ako, mas ginagamit ko muna sa ilang akda ang pangalang Greg Bituin Jr. para kyut ang dating.

Pero tiyak, sa kalaunan, Gregorio na ang gagamitin at di na Greg pagdating sa aking lapida.

Walang komento: