Sabado, Oktubre 4, 2008

Kung Bakit Wala Akong Ninong?

KUNG BAKIT WALA AKONG NINONG?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa maniwala kayo't sa hindi, wala akong nakagisnang ninong na laging napapamaskuhan mula pa noong bata pa ako. Meron akong ninang na minsan ko lang na-meet, dahil kapatid siya ng nanay ko - si Auntie Diday. Pero ninong, wala. Kaya bilang inaanak ay wala akong regalong natatanggap sa kung sino mang ninong ko. Kaya lumaki akong hindi ko sila hinahanap, di tulad ng mga inaanak ng aking tatay, pumupunta pa sila mismo sa bahay namin para lang magmano sa aking ama at mabigyan ng kaunting regalo. Marahil dahil hindi naging kalakaran sa aming pamilya na dumalaw sa mga kumpare at kumare nina tatay at nanay para mamasko kaming magkakapatid sa aming mga ninong at ninang. Kumbaga, parang bahala na ang ninong at ninang naming magkakapatid kung nais nilang dalawin kaming mga inaanak nila.

Minsan, may kumpare ang tatay ko na malapit sa bahay namin sa Sampaloc nakatira, may sasakyang owner-type jeep, at inakala ko iyon ang ninong ko. Binigyan kasi ako ng sampung pisong pamasko. Sabi ng tatay ko sa kumpare niya, pagpasensyahan na lang daw ako, iyon pala di ko siya ninong.

Nasa kolehiyo na ako nang minsang may kakwentuhang kumpare ang tatay ko sa opisina niya nang ipinakilala ako ng aking ama sa aking umano'y ninong. Nagkakwentuhan naman kami ng "ninong", at nais niyang kung pupunta raw ako ng Canada ay doon ako pumunta sa kanya at tutulungan daw niya ako. Canadian citizen na pala ang Pinoy kong "ninong". Ganuon lang ang usapan, at wala siyang ibinigay kahit ano sa kanyang inaanak. Di ko na matandaan ang pangalan niya dahil isang beses ko lang siyang nakasalamuha. Di ko rin alam kung sa binyag o sa kumpil ko ba siya naging ninong. Kung sakaling magkita kaming muli ng kung sinong "ninong" ko, magmamano lang ako bilang pagbibigay-galang at ngingiti, ngunit di ko sila kinasasabikan.

Kaya lumaki akong naging walang pakialam sa kung sino ba ang ninong ko. At lumaki rin akong wala ring pakialam sa Pasko, maliban sa pangangaroling kasama ang mga kabarkada ko.

Kaya nang kunin akong ninong sa anak ng aking ate, anak ng aking mga pinsan, katrabaho dati, at mga kasama sa organisasyon, natuwa naman ako. Pero hindi ko naman nagagampanan ang tungkulin ng isang ninong, ang maging pangalawang magulang o gabay sa kanilang inaanak. Bihira kasi kaming magkita ng aking mga inaanak, at di naman sila pumupunta sa akin.

Pero bilang ninong ng aking mga inaanak, ang ilan sa kanila'y nabigyan ko ng mga librong gawa ko, at minsan, kaunting salapi bilang regalo sa araw ng kapaskuhan. Iyon ay kung kami'y nagkikita.

Nakakatuwa palang maging ninong, katuwaang hindi ko naramdaman bilang inaanak.

Walang komento: