Miyerkules, Oktubre 1, 2008

Sunog sa Likod-Bahay

SUNOG SA LIKOD BAHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa kinder o kaya'y Grade 1 ako noon nang magkasunog sa aming likod-bahay sa Honradez. Nasunog ang mahabang apartment na nasa kanto ng Loreto at G. Tuazon, katapat ng Funeraria Gloria. Mga walo o siyam na bahay ng mahabang apartment ang tuluyang naabo sa sunog na iyon. Di na rin ako nakapasok sa school.

Natatandaan ko pa noon, inilabas namin ng nanay at mga kapatid ko ang mga gamit namin. Buti na lang at umaga nang magkasunog. Barado ang buong kalsada, puno ng mga gamit, tulad ng ref, tv, aparador, at mga damit. Dumating ang mga bumbero. Mga ilang oras din ang sunog na iyon at naapula rin agad ang apoy. Ang bilis ng paghahakot ng gamit palabas, pero kayhirap nang ibalik na namin ito sa loob ng bahay. Sa mura kong edad noon, parang naramdaman ko na rin ang katotohanan sa likod ng kasabihang "Mas mabuti pang manakawan, huwag lang masunugan."

Kinabukasan, nang pumasok na ako ng school, tinanong ako ng titser ko kung bakit di ako pumasok nung nakaraang araw. Sa pagkakatanda ko, sinermunan ako ni Titser na hindi ako dapat nag-aabsent dahil sayang ang panahon, dapat daw akong mag-aral ng mabuti at tutukan ang mga lessons ko, at huwag maglalakwatsa. Parang ganito ang sinabi, basta't ang natatandaan ko, sinermunan ako.

Hanggang sa sabihin ko kay Titser, nasunugan po kami kaya di ako nakapasok. Nagulat si Titser, akala niya bahay namin ang nasunog, pero sinabi ko, muntik na yung bahay namin, at yung apartment sa likod-bahay namin ang natupok ng apoy.

Matagal bago nagawa muli ang mga nasunog na bahay. Mga ilang buwan pa ang nakalipas, o marahil isa o dalawang taon. Dahil tandang-tanda ko pa, ginawa naming palaruan ang nasunugang bahay. Inaakyat namin iyon. Doon nagtataguan, doon naghahabulan. Kaya pag-uwi ng bahay, galit si nanay, napakarungis ko raw at pulos uling. Tiyak daw na doon na naman ako naglaro sa nasunugan sa likod-bahay.

Natigil kami sa paglalaro doon dahil na rin sa pagrereklamo ng ilang kapitbahay, maiingay daw kami. Kaya sinabihan kami ng ilang tagaroon na huwag nang maglaro sa sunog na bahay, at huwag nang umakyat sa 2nd floor duon dahil baka mapagbintangan pa kaming kumukuha ng sinampay, o kaya'y madisgrasya lalo na pag bumagsak ang mga nasunugang sahig. Mula noon, di na kami naglaro doon.

Nagkaroon ng malaking impresyon sa akin ang karanasang iyon. Nang muling magkasunog sa lugar namin, kahit malayo sa amin, parang gusto kong tumulong. Gayunman, mabibilis ang mga bumbero kaya agad naaapula ang apoy. Sa bawat pagkakaroon ng sakuna tulad ng sunog, makikita mo ang pagtutulungan ng mga tao, na minsan, naaapula agad ang apoy kahit wala pa ang bumbero.

Ito ang isa sa mga nakita kong solusyon sa problema, ang pagtutulungan ng mga tao sa panahon ng sakuna. Sana, sa anumang problemang tulad nito, magtulungan muli ang mga tao, huwag tingnan ang kanilang pagkakaiba, kundi ang pagkakaisa, lalo na sa panahon ng kalamidad. At sana, magtulungan sila, kahit walang kalamidad na dumating.

Walang komento: