Linggo, Marso 30, 2008

Pagpapakatao

PAGPAPAKATAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa kolum ng may-akda na “May Pag-asa Pa” sa magasing Tambuli, Oktubre 2006, pp. 54-59.)

May ilang mga kakilala akong nagsasabing para raw magbago at umunlad ang bansa, dapat daw magbago ang kalooban ng tao. Maganda ang suhestyon. Pero para bang madyik na kusang magbabago ang kalooban ng tao? O may mga batayan para mangyari ito? Ano nga bang klaseng kalooban meron ang tao ngayon para sabihin nilang dapat magbago ang kalooban ng tao? Magsuri tayo.

Bukambibig ng editor ng magasing Tambuli na si Sir Ding Reyes ang hinggil sa pagpapakatao. Ipinangangaral din niya ang sinabi ni Gat Emilio Jacinto na “iisa lang ang pagkatao ng lahat” na nasa akdang “Liwanag at Dilim”. Pero ano nga ba ang pagpapakatao? Ito ba’y may kaugnayan sa moralidad, sa usapin ng “kabutihan” at “kasamaan”? Ano nga ba ang konsepto ng “kasamaan” sa lipunan? Likas ba sa tao ang maging “masama” o ito’y may batayan? Ang konsepto ng “kabutihan” ay maaaring ilarawan sa pamamagitan ng gintong alituntunin o golden rule na “Huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin din ng iba sa iyo.” Kung gagamitin natin ang golden rule at ang konsepto ng pagpapakatao ni Emilio Jacinto, sa palagay ko, ito’y aplikable sa lahat. Gayunman, may mga konsepto ng “masama” at “mabuti” na hindi aplikable sa lahat ng pagkakataon o depende kung sino ang nasa kapangyarihan. Ibig sabihin, kung sino ang mayhawak ng kapangyarihan ang siyang nagtatakda kung ano ang “masama” at “mabuti”. Halina’t baybayin natin ang kasaysayan.

Sa kasalukuyang istandard ng moralidad, kahit karaniwang tambay sa kanto ay sasabihing mali at masama, makahayop at imoral ang gawing kalakal ang isang tao. Mali na ipagbili at gawing alipin na libreng patayin sa hagupit at pwersahang paggawa ng nakabiling panginoon. Pero bakit hindi ganito ang naging pananaw ng mga matatalinong pilosoper na sina Socrates, Plato at Aristotle na nabuhay sa panahon ng aliping paggawa? Sila na hindi makukuwestyon ang intelektwal na integridad, ay naatim ng kanilang “konsensya” at walang nakitang imoral ang mag-ari ng alipin. Sila na pinag-aralan, pinag-ukulan ng pansin, at hinanapan ng paliwanag ang kahit kaliit-liitang penomena sa kalikasan at lipunan, ay hindi nakitang imoral at walang nakitang masama sa sistemang alipin, na itinuring pa ngang “natural na kaayusan” ng daigdig.

Sine George Washington at Thomas Jefferson ang itinuturing na mga “ama ng demokrasya” sa Amerika. Pero bakit hindi nila idineklara ang kalayaan ng mga aliping Itim sa Amerika kasabay ng deklarasyon ng kasarinlan laban sa Britanya, kasabay ng kanilang deklarasyon ng “pagkakapantay-pantay” sa lipunan? Hanggang sa ika-19 na siglo, binibihag ng mga “slave traders” sa Aprika ang mga Itim at ipinagbibili sa Amerika para gawing mga alipin sa plantasyon. Ang preserbasyon ng sistemang ito ng pribadong pagmamay-ari ng mga alipin ang dahilan kung bakit sumiklab ang Civil War sa Amerika noong 1861 – pitumpu’t walong taon matapos ideklara ang kalayaan ng Amerika bilang kolonya ng Britanya. Noon lang 1863 idineklara ni Abrahan Lincoln ang abolisyon ng ganitong sistema – pitumpu’t dalawang taon matapos ratipikahan ang Bill of Rights ng nagmamalaking pinakademokratikong bansa sa daigdig. Sa panahong ito ng sistemang alipin nagawa ang Great Wall ng Tsina, ang Taj Mahal sa India, at ang Pyramid ng Ehipto kung saan libu-libo ku
ndi man milyun-milyong alipin ang nilatigo at namatay para lamang matiyak ang kagustuhan ng kanilang panginoon. Kahit sa Pilipinas, bago dumating ang mga Kastila, ay umiiral ang sistemang alipin. May mga tinatawag na “aliping namamahay” at “aliping sagigilid”. Pero tinanggap ito ng marami bilang “natural” na kaayusan noong panahong iyon.

Sa pag-unlad mula sistemang alipin tungo sa pyudal na sistema, sinimangutan ng mga tagapangalaga ng moralidad ng sistemang ito ang sistemang alipin na ginagawang ordinaryong kalakal ang mga tao. Pero wala silang makitang masama at mali na ariin, kamkamin at solohin ng mga asendero ang mga lupain at pwersahang ipabungkal ito sa masang magsasaka. Sa panahong ito lumitaw ang Simbahan bilang pandaigdigang kapangyarihang tagapangalaga ng moralidad ng sangkatauhan. Pero binasbasan nito ang pyudal na sistema bilang “natural na kaayusan”. Wala ring nakitang imoral ang Simbahan sa panahong ito na habambuhay na itali ang magsasaka sa lupain ng asendero at pigain sa sistema ng pwersahang paggawa. Nasaan na nga ba ang pagpapakatao at pagkakapantay-pantay ng tao sa panahong ito? Bakit ganito?

Noong panahon ng Inkwisisyon, libu-libong tao ang ipinapatay ng Simbahang Katoliko. Ang Inkwisisyon ang opisyal na kautusan ng Simbahan na dakpin, tortyurin at sunugin ng buhay ang mga inakusahang erehe, at ituring na kampon ng demonyo dahil sa hindi sumusunod sa mga aral ng Romano Katoliko. Inilunsad din ang Krusada, ang gera ng pananakop na ipinanawagan ng Simbahan. Ginamit nito ang espada para paluhurin sa krus ang mga “barbarong Muslim” sa Asya at Eropa. Dito sa Pilipinas, bahagi na ng ating kasaysayan ang kalupitan ng mga prayle bilang mga kolonyalista at asendero habang nangangaral ng Kristyanismo sa di-binyagang mga indyo. Nariyan ang pagkakabitay sa tatlong paring sina Padre Gomez, Burgos at Zamora , at mismong ang Simbahan ang dahilan upang bitayin ang bayaning Pilipinong si Gat Jose Rizal.

Sa madaling salita, ang madilim na kabanatang ito ng Simbahan ay patunay lamang na ang mga istandard ng moralidad ay dumaan din sa proseso at kasaysayan ng pag-unlad ng lipunan at sibilisasyon. Kung ngayon ay kontra ang Simbahan sa “death penalty”, hindi ganito ang kanyang moral na tindig noong panahon ng Krusada at Inkwisisyon.

Kapag sa landas ng moralidad ipinaliwanag kung bakit may kasamaan sa lipunan, wala itong duduluhin kundi kagagawan ito ng demonyo. Ang problema ay bakit pilit nating hinahanap sa mga bagay na abstrakto at ispiritwal ang dahilan ng kasamaan gayong napakalinaw naman ng kongkreto at materyal na batayan kung saan ito nagmula. Ang kasamaan ay hindi nagmumula sa kalooban ng tao kundi sa kalikasan ng lipunan. Tanong: Naganap ba at naghari sa mundo ang kasamaan sa loob ng ilanlibong taon dahil ang ilaw ng moralidad ay pundido sa panahong ito at binulag ng masamang budhi ng tao? Bakit may mga taong sakim at nang-aapi ng kanyang kapwa? Sa napakasimpleng moralistang paliwanag sa kasaysayan, lalabas na kung nangibabaw pala ang kabutihang-loob noon, hindi sana nagkaroon ng kasamaan sa mundo. Noon pa ay umiral na sana ang pagkakapatiran sa mundo. Kulang lang pala sa pangaral ang tao sa kung ano ang mabuti at masama. Kung inulan sana ng pangaral ang tao, hindi sana nagkaganito ang kasaysayan. Hindi sana dumanas ang napakara
ming henerasyon ng tao ng katakut-takot na kaapihan at kahirapan na nagpapatuloy pa hanggang ngayon. Di sana naganap ang mga gera ng imperyalistang pananakop noong Una at Ikalawang Daigdigang Digmaan, at iba pang digmaan. Di sana naganap ang Demolisyong Setyembre 11 sa WTC sa New York at Pentagon sa Washinton. Di sana naganap ang panggigera ni Bush para sabihing “collateral damage” lamang ang libu-libong sibilyang namatay sa Afghanistan , Iraq , Lebanon , at iba pang bansa. Sana’y pakikipagkapwa-tao ang umiiral sa mundo.

Bakit? Pagkat sa hinaba-haba ng kasaysayan ng tao, ng kanyang intelektwal na pag-unlad, hindi kailanman hinamon ng mga tagasermon sa lipunan ng masama at mabuti, ng hustisya at ekwalidad, ang moralidad ng sistema ng pribadong pagmamay-ari. Gayong narito ang pinakaugat ng kahirapan at hindi pagkamakatao ng lipunan. Kung meron mang “orihinal” na kasalanan ang tao, hindi lang ito ang pagkain ng “bawal na prutas” kundi ang pagkain ng “pinagpawisan ng iba” dahil lang dito sa pribilehiyong ito ng pribadong pagmamay-ari.

Simple lang naman ang paliwanag sa pribadong pagmamay-ari. Ito’y tumutukoy sa pag-angkin sa mga kasangkapan sa produksyon. Kung sino ang may-ari ng mga makina, pabrika, hilaw na materyales, malalawak na lupain, sila ang nasa kapangyarihan sa lipunan. Sila ang kadalasang nananalo sa halalan. At kung sino ang mga walang pag-aari tulad ng mga alipin, magsasaka at manggagawa, ang siyang naghihirap, gayong sila ang may pinakamalaking kontribusyon upang tumakbo ang makina, pabrika at lupain. Ito ang maliwanag na batayan kung bakit may mga pang-aapi, may mga gera sa iba’t ibang panig ng mundo, may mga sakim sa kapangyarihan, may mga ganid sa salapi, at hindi makatao. Military hardwares (stealth fighter planes, B-52 bombers, smart bombs, atbp.) ang pangunahing produkto ng Amerika. Tiyak na lugi at magugutom sila kung walang gera at wala silang mapapagbentahan ng kanilang mga produktong armas.

“Madaling maging tao, mahirap magpakatao”, ayon nga sa kasabihang Pilipino. Pero bakit hindi kinukweston ang kasamaan ng pribadong pagmamay-ari? Dahil sa esensya, hindi kasi ito usapin ng moralidad, kundi ng nesesidad ng pagkamkam ng tao sa mga surplas na produkto dahil ito ang natural na epekto ng pribadong pagmamay-ari. Tulad din ng hindi pagkwestyon sa moralidad ng tubo sa kapitalistang sistema dahil itinuturing itong natural na karapatan ng may-ari ng kapital.

Kapag binaybay nating muli ang kasaysayan, makikita nating kung ano ang umiiral na sistema at sino ang naghaharing uri sa lipunan, sila ang nagtatakda ng moralidad, at ito’y para protektahan ang kanilang interes. Ang isang bagay na imoral ay isang bagay na masama. Pero paano mamasamain ng panginoong may-alipin ang pagkakaroon niya ng alipin gayong ito ang kanyang interes? Paano mamasamain ng panginoong maylupa ang itali ang magsasaka sa lupa gayong ito ang kanyang interes? Paano mamasamain ng kapitalista na gawing kalakal ang manggagawa gayong ito ang kanyang interes? At kadalasan, nangyayari pa ngang nahuhubog ang isip ng mga alipin, magsasaka at manggagawa sa ganitong moralidad, at tanggapin na lang ito bilang kapalaran o itinakda ng tadhana.

Sa madaling salita, ang naghaharing uri sa lipunan ang nagtatakda ng istandard ng moralidad. Ang kasaysayan ng Pilipinas ay punumpuno ng halimbawa. Nang magkudeta ang militar at patalsikin si Estrada bilang pangulo, naging bayani si Heneral Angelo Reyes. Nang gawin ito ni Heneral Danilo Lim, siya’y hindi naging bayani kundi itinuring na kriminal ng gobyerno. Galit na galit ang marami dahil nag-nuclear bomb testing ang North Korea, pero sino ang sumita sa Amerika nang ibandera nila ang kanilang MOAB (mother of all bombs) sa gera nito sa Afghanistan ? Sino nga ba ang makasisita sa makapangyarihang bansang Amerika? Ni wala ngang nakulong sa kanila nang pinatay nila ang libu-libong sibilyan sa Hiroshima at Nagazaki noong 1945. ginera ng US ang Iraq hindi dahil sa weapons of mass destruction kundi dahil sa langis nito. Hindi magera ng US ang Israel , India at Pakistan, kahit aminado ang mga bansang ito na may mga nuclear missiles sila!

Kaya nga hindi usapin ng masama at mabuti, ng anghel at demonyo, ang nangyayaring “kasamaan” sa daigdig. Ito’y usapin ng interes ng kung sinong makapangyarihan o naghaharing uri sa lipunan. Napakaraming katanungang iisa lang ang dinudulo – ang pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon na siyang dahilan upang maghangad ng limpak-limpak na tubo at makapambraso ang nagmamay-ari nito. Kasintindi, kundi man mas matindi, ng gobyerno ni Saddam sa Iraq ang gobyerno ng Burma , na ilang taon nang nasa ilalim ng diktaduryang militar. Kaya kung walang langis ang Iraq , panggigilan kaya ito ng US , tulad ng kawalan ng langis sa bansang Burma?

Bakit pinaiiral ng World Trade Organization at World Bank ay free trade imbes na fair trade? Bakit imbes na regular na manggagawa ang kunin ng kumpanya, isang ahensya ng kontraktwalisasyon ang nangangalap ng mga manggagawang magtatrabaho lamang ng limang buwan, para makaiwas na maregular ang manggagawa, para makatipid ang kumpanya, para mabawasan ang benepisyong kanilang ibibigay? Bakit laging cheap labor o murang paggawa ang pangunahing hinahanap ng mga imbestor sa iba’t ibang bansa?

Kaibigan, hindi ba’t dapat na tanggalin natin ang batayan kung bakit nagiging sakim sa kapangyarihan ang tao? Hindi ba dapat na kongkreto at may batayan ang ating pagtukoy sa problema at hindi basta na lang magbigay ng anumang abstraktong paliwanag, tulad ng “kasalanan kasi ng demonyo”? Hindi ba’t dapat na tanggalin natin mismo sa kamay ng iilan ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, at gawin itong pag-aari ng buong lipunan?

Simpleng magbago lang nga ba ng kalooban ng tao ay uunlad na ang lipunan? Kailan pa sabay-sabay na magbabago ang kalooban ng mga tao kung naririyan ang batayan upang sila’y maging sakim sa tubo at maging sugapa sa pinaghirapan ng iba?

Kapag nawasak na ang batayan ng kahirapan sa lipunan, kapag nawasak na ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, kapag ang mga kasangkapan sa produksyon ay ginamit na para sa kapakinabangan ng buong lipunan, kapag nawala na ang relasyong may mayaman at may mahirap sa lipunan, kapag nawala na ang pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa, saka lang natin mapapatunayan ang sinabi ni Emilio Jacinto, “iisa lang ang pagkatao ng lahat.”

Kalikasan at Paggawa

Kalikasan at Paggawa
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa kolum ng may-akda na “May Pag-asa Pa” sa magasing Tambuli, Agosto 2006, pp. 30-33.)

Una sa lahat, pagnilayan natin sumandali at tayo’y magpasalamat sa kalikasan, lalo na sa mga puno, pagkat sa kanila nanggaling ang mga papel na ginagawang sulatan at aklat. Kung wala ang mga puno, tiyak na wala tayong binabasang mga aklat, magasin at mga pahayagan. Pagpugayan din natin ang mga kababayang nagsakripisyo’t nagpakasakit, lalo na ang mga environmental activists at advocates sa kanilang walang sawang pagtutok at pagkilos upang ang ating kalikasan ay maging maayos.

Napakahalaga ng mga isyung pangkalikasan na karaniwang hindi nabibigyang-pansin ng media, ng gobyerno, ng eskwelahan o ng akademya, maliban na lang kung may trahedyang naganap. Bakit? Dahil ba wala silang pakialam o dahil hindi nila alam ang isyu.

Minsan nga ay nagtataka ako, dahil marami sa atin, bata pa lang ay tinuruan na sa paaralan ng simpleng pagtatapon ng basura sa tamang basurahan. Ngunit nang lumaki na tayo, nalimutan na ito. Kung saan-saan itinatapon ang basura. Ang balat ng kendi, na hindi naman basura hangga’t hindi pa lumalapat sa basurahan, ay agad pinandidirihan. Itinatapon agad kung saan-saan, at ayaw munang ibalik sa bulsa hanggang sa makakita ng basurahan.

Isang panibagong karanasan ang aking natutunan sa SALIKA (SanibLakas ng Inang Kalikasan) at Eco-Waste Coalition noong umaga ng Agosto 16, 2006. Sa isang maliit na bahagi ng karagatan sa Baywalk, malapit sa Manila Yacht Club, naglunsad ng aktibidad ang EcoWaste Coalition, kung saan nagtanggal kami ng mga plastik na basura sa dagat, at pinaghiwa-hiwalay ang mga ito batay sa uri ng plastik. Ang ginawa namin ay napakaliit na bagay lamang, ngunit malaki na para sa bawat isa sa amin, dahil pakiramdam namin, naging bahagi kami ng unti-unting paghilom ng sugat ng dagat, mga sugat ng basura, mga latay na hindi dapat matamo ng kalikasan. Kahit marahil linisin natin araw-araw, 365 araw bawat taon, 7 araw bawat linggo, 24 oras bawat araw, ang mga basura sa karagatan, hindi pa rin ito mauubos, bagamat unti-unti itong mababawasan. Alam nyo ba kung bakit? Dahil habang nililinis natin ang karagatan, tuluy-tuloy pa rin ang pagtatapon ng basura ng marami. Habang nagbabawas tayo, makailang beses ang nadadagdag. May kasabihan nga sa medisina, “Prevention is better than cure.” Ito’y aplikable rin sa pangangalaga ng kalikasan. Dapat mapigilan ang pagtatapon ng basura sa dagat sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan, tulad ng eco-mercials (ecology commercials), media, forum, edukasyon sa bawat barangay, atbp.

Bandang hapon ng araw ding iyon, sumakay kami sa nakahimpil na barko ng Greenpeace, ang MV Esperanza, sa daungan ng Maynila. Mula sa barko, nakita namin ang napakaraming basurang plastik na naglulutangan sa dagat.

Dagdag pa rito, isa sa mga natutunan ko sa mga pagdalo sa Kamayan para sa Kalikasan forum tuwing ikatlong Biyernes bawat buwan (sa Kamayan-Edsa, malapit sa Ortigas) na bawal magsunog ng basura dahil nagdudulot ito ng sakit at pagkawasak ng kalikasan. Bilang manunulat sa isang pambansang samahan ng maralita, ipinalaganap ko sa iba’t ibang komunidad ng maralita na bawal magsunog ng basura. Aba’y marami ang tumalima. Marami sa kanila ang di nagsusunog ng basura. Kaya napakahalaga ng pagbibigay ng impormasyon ukol sa kalikasan. Nararapat pang lumawak ang naaabot ng EcoWaste Coalition, Kamayan Forum, Greenpeace, Salika, at iba pang samahang makakalikasan upang tuluy-tuloy ang pangangalaga sa ating kapaligiran.

Kung ating pagninilayan, alam nating lahat na bago pa tayo mabuhay sa mundo, nariyan na ang kalikasan. Nariyan ang dagat, lupa, hangin, atbp. Halos lahat ng ginagamit natin sa araw-araw ay mula sa kalikasan.

Sa kasalukuyan, laganap sa mundo ang sistema ng kalakalan, kung saan nagbebentahan ng iba’t ibang produkto o serbisyo ang iba’t ibang tao, samahan o maging bansa, para sila tumubo. Sa kalakalang ito, malaki ang papel ng kalikasan. Paano? Ang komposisyon ng lahat ng kalakal sa daigdig ay mula sa dalawang elemento – ang materyal na galing sa kalikasan, at ang paggawang galing sa tao. Sa pangkalahatan, ang una ay libre at walang “halaga sa pera”. Ang ikalawa ay may “bayad” at ito ang nagbibigay ng halaga sa mga kalakal. Magbigay tayo ng mga halimbawa.

Ang isda na galing sa dagat ay libre. Ang binayaran ay ang paggagawa ng mangingisda. Ang kahoy na ginamit sa bangka ay libre galing sa gubat. Ang binayaran ay ang paggawa nang pumutol ng kahoy at gumawa ng bangka. Kaya’t papasok sa presyo ng isda hindi lang ang paggawa ng mangingisda kundi ang porsyon ng paggawang nagamit para sa kanyang mga kasangkapan sa pangingisda.

Libre ang materyales ng dyamante na walang sangkap ng paggawa ng tao. Ang binayaran ay ang paggawa at panahon ng minero para hanapin ito at hukayin sa kailaliman ng lupa, at ang paggawang nakapaloob sa mga kasangkapan at prosesong ginamit sa dyamante. Halimbawa, kung ginamitan ito ng makinarya, ang binarayan sa makinarya ay ang paggawa nito at hindi ang mga sangkap ng bakal na hindi gawa ng taoat galing sa kalikasan sa kanyang natural na porma. Kung ginamitan ng kemikal ang paglinang ng dyamante, ang binayaran ay ang paggamit ng kemikal at hindi ang sangkap na galing sa kalikasan.

Isa pang halimbawa ang mineral water. Libre ang inuming tubig mula sa kalikasan, ngunit kapag inilagay na ito sa boteng plastik at inilako na, ito’y may bayad. Ang binayaran dito ay ang paggawa, mula sa pagkuha ng tubig sa kalikasan, transportasyon, proseso at paglalagay sa boteng plastik, at ang paglalako ng mineral water.

Sa madaling salita, anumang mula sa kalikasan na ginagamit natin ngayon at binabayaran ay dahil sa paggawa ng tao. Ang ginawa ng tao, sa proseso ng produksyon, ay baguhin ang porma ng materyales na galing sa kalikasan at gawin itong produktong may kabuluhan sa pamamagitan ng paggawa.

Kaya kung aanalisahin natin ang materyales mula sa kalikasan, ang matitirang laman ng kalakal ay ang paggawa ng tao. Kaya napakahalaga ng manggagawa sa pag-iral ng ating lipunan ngayon. Sila ang bumubuhay sa lipunan. Sinasabi nga sa Konstitusyon, ang manggagawa ang pangunahing pwersa sa ekonomya ng bansa.

Ngunit dapat nating bigyang diin na hindi ang paggawa ang dahilan ng unti-unting pagkawasak ng kalikasan, kundi ang pagkuha ng materyales mula sa kalikasan upang pagtubuan at pagkakitaan.

At dahil ang Kalikasan at ang Paggawa ang dalawang kambal na elemento na nagpapatakbo sa lipunan, dapat na kilalanin ng mga environmental advocates ang mga manggagawa at ang paggawa, gayundin ang mga manggagawa ay kilalanin ang kahalagahan ng kalikasan at ng mga nangangampanya para protektahan ito.

Ang pagprotekta sa kalikasan ay hindi madaling gawin. Kailangan natin itong pag-isipan at pag-aralan. Hindi sapat na maunawaan natin kung paano nasisira ang kalikasan. Hindi simpleng itapon lang natin sa basurahan ang balat ng kendi ay ayos na. pagkat baka naman naihahalo ang nabubulok sa di nabubulok.

Kung ang pakikibaka para sa isang lipunang walang pagsasamantala ay hindi isang piknik, ang pag-aaral hinggil sa proteksyon ng kalikasan ay hindi pagbabasa ng komiks. Tulad din ng pagprotekta sa manggagawa, hindi lamang dapat ianunsyo na pinagsasamantalahan sila ng mga kapitalista. Dapat ding ipakita kung paanong sa walong oras nilang pagtatrabaho, hindi kumpletong bababayaran ng kapitalista ang walong oras na paggawa, dahil karaniwan, malaki na ang apat na oras na paggawa ay bayad na ang manggagawa, at ang natitirang oras bawat araw ay libre na. Gayunpaman, mahabang usapin pa ito na tatalakayin ko sa mga susunod na isyu ng Tambuli.

Panghuli, ating pag-isipan: Anong klaseng kalikasan, kapaligiran, at sistema ng lipunan ang ating ipamamana sa susunod na henerasyon kung wala tayong gagawin ngayon upang protektahan ito? Nais ba nating wasak na kapaligiran ang ating ipamana sa kanila? Nawa’y isapuso natin ang awiting “Masdan Mo Ang Kapaligiran” ng bandang ASIN na siyang itinuturing na theme song ng mga mapagmahal sa kalikasan.

Miyerkules, Marso 26, 2008

Himagsik ng Tupang Pula

HIMAGSIK NG TUPANG PULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ako’y isang tupang pula. Ibig sabihin, hindi ako tupang itim na suwail sa magulang. At hindi rin naman ako tupang puti na sunud-sunuran na lamang kung ano ang gusto nina Ama’t Ina.

Isa akong tupang pula. Ibig sabihin, may prinsipyo. May paninindigan kahit kaiba ito sa kagustuhan ng aking mga magulang. Sa madaling salita, ako’y isang aktibista. Aktibo sa usaping panlipunan. May pakialam sa nangyayari sa aking kapaligiran. At pinag-aaralan ko mismo kung ano ang lipunan. At kung naging aktibista man ako, hindi ibig sabihin noon ay rebelde na ako. ‘Yung iba kasi, ang tingin sa aktibista at rebelde ay pareho lang, gayong malaki ang kaibahan nila. Totoong ang mga aktibista ay nagrerebelde sa mga maling kalakaran sa pamahalaan. Ngunit malaking bilang ng mga rebelde, sa wari ko, ay hindi naman mga aktibista.

Maraming mga api ang humawak ng armas kaya naging rebelde, na pagkatapos makamit ang hinihingi nilang lupa o anupamang kahilingan ay titigil na sa pagiging rebelde. Winawagayway na nila ang bandilang puti tanda ng pagsuko.

Ang aktibista’y pinag-aaralan ang takbo ng lipunan. Karamihan sa kanila’y hindi naman inapi ngunit dahil sa kanilang mga pagsusuri sa lipunan ay nagnanais tumulong at maging bahagi ng pagbabago. Hindi sa kanya pangunahin ang armas, kundi ang teorya ng pagrerebolusyon. Mas lapat sa kanyang tawaging rebolusyonaryo. Siya ang tupang pula. Pero paano nga ba ako naging tupang pula? At bakit pula ang tupa?

Nagsimula ang lahat ng ito sa simpleng pagtatanong. At nagtatanong ako dahil nais ko ng kasagutan sa aking mga nakikita, nadarama at nararanasan. Bakit nga ba may mga taong namumulot ng pagkain sa basurahan, ‘yung bang mga tinatawag na “pagpag” na itinapon ng Jollibee o McDo? Bakit nga ba laging pinagbibintangang terorista ang mga Muslim? Kasama ba sa relihiyon nila ang terorismo? At ang mas malalim na tanong, at kadalasang katanungan din ng marami: Bakit nga ba may mahirap at mayaman? At kung lalagyan pa ito ng numero, lalong lalantad ang mapait na katotohanan: Bakit nga ba laksa-laksa ang naghihirap habang may kakarampot na nagpapasasa sa yaman ng lipunan?

Nag-aaral na ako sa kolehiyo noon at kasaping manunulat sa publikasyon ng mag-aaral nang ako’y maanyayahang sumama sa isang pulong ng mga lider-estudyante. Nagpadala sila ng sulat-paanyaya sa aming publikasyon at ako ang naatasang dumalo sa nasabing pulong. Sa madaling salita, nakilala ko ang karamihan sa kanila, na pawang mga iskolar, aktibista at kinikilalang mga lider-estudyante. Doon na nagsimula ang pagsama-sama ko sa kanila.

Hanggang sa bigyan nila ako ng pag-aaral at pinadalo sa mga talakayan hinggil sa mga isyung pang-estudyante tulad ng pagtaas ng presyo ng matrikula. Nang lumaon ay pinag-aralan na rin namin ang mga pang-ekonomya at pampulitikang usapin hinggil sa lipunan. Nariyan din ang aming talakayan at malalimang pag-uusap hinggil sa usapin ng karapatang pantao. Bakit mali ang warrantless arrest? Bakit may tinatawag na desaparecidos, o iyong mga sapilitang nangawala? Bakit sinasabi ng marami na walang kapayapaan kung walang hustisyang panlipunan? Ano nga ba ang hustisyang panlipunan? Bakit dapat panlipunan ang hustisya, at hindi para lamang sa mga nasaktan o nabiktima?

Malalim kong pinag-aralan ang lipunan upang masagot ang ilang mga bagay na gumugulo sa aking isipan. Kung magmamasid lamang tayo, alam nating nakapaglakbay na ang tao sa kalawakan. Napakalayo na ng iniunlad ng sibilisasyon mula nang gumagala pa ang primitibong tao sa gubat para makakuha ng kanyang makakain. Pero kung pagmamasdan natin ang paghihikahos ng mayorya ng populasyon, parang walang pag-unlad sa kalidad ng kanilang buhay. Kung kailan napakalaki ng itinaas ng produksyon ng pagkain, saka naman milyun-milyon ang namamatay sa gutom at nagkakasakit sa malnustriyon. Naglalakihan nga ang mga gusali at mansyon sa mga sentrong lungsod, pero wala namang matirhan ang daan-daang milyong tao sa mundo. Walang kapantay ang pag-unlad ng industriya at teknolohiya, pero tatlong bilyon ang walang sapat at tiyak na trabaho. Inililigtas ang mga hayop sa bingit ng ekstinksyon, pero pinababayaan naman ang milyon-milyong taong mistulang mga dagang nabubuhay sa mga estero at pusali ng modernong lipunan. Hanggang ngayon, kalunos-lunos ang kalagayan ng maraming tao, habang nagpapasasa sa karangyaan ang iilan. Patunay nito ang mga datos na inilabas ng United Nations Development Programme (UNDP) na nagsasabi ring patuloy na lumalaki ang agwat ng mahirap at mayaman.

Kaya nagtutumining sa aking isipan: Bakit kailangang walang mahirap at mayaman? Bakit kailangang baguhin ang sistema ng lipunan? Maraming mga katanungang hindi basta masasagot ng basta-basta na lamang.

Sa mga usaping ito umusbong ang aking interes sa aktibismo, sa pag-aaral ng aking kapaligiran, sa mga patakaran ng eskwelahan, at mga polisiya ng pamahalaan. Ang mga temang ito ang siyang naging aking paksa sa karamihan ng aking mga sulatin sa publikasyon. Nang lumaon, sumalamin din ito sa mga tula kong nakatha. Sadyang kailangan ko ngang pag-aralan ang lipunan. Kailangang kahit papaano’y nauunawaan ko ang kasaysayan ng pakikibaka ng ating mga ninuno tulad nina Andres Bonifacio at Ninoy Aquino. Kailangang maunawaan din ang mga sulatin at teorya ng mga rebolusyonaryong tulad nina Marx, Engels, Lenin, Gramsci, at ng mga lider-manggagawang sina Crisanto Evangelista, Rolando Olalia at Filemon Lagman.

Ang pagtahak sa landas ng aktibismo’y sadyang masalimuot. Walang magulang na ikatutuwa ang pagpasok ng kanilang mga anak dito. Ngunit kailangan mong manindigan. Kailangan mong magsakripisyo alang-alang sa iyong pinaniniwalaan. Kalaunan, iniwan ko ang magandang buhay upang kumilos sa panig ng mga mahihirap at naghihikahos. Kung kinakailangan, kahit mabugbog ka pa o kaya’y mamatay. Ikaw, handa ka bang mamatay alang-alang sa iyong prinsipyo? Katunayan nga, kailangan ko talagang umalis sa bahay upang ang init ng aktibismo sa akin ay hindi mabuhusan ng malamig na tubig na sermon ni Ina. Ano nga bang pipiliin ko: ang pangaral ni Ina o ang sarili kong desisyon at landas na tatahakin hanggang sa aking kamatayan. Nagpasiya ako. Ipagpapatuloy ko ang pagtahak sa larangan ng aktibismo, sa landas tungo sa pagbabago.

Nagagalit ang aking mahal na ina noong una, ngunit nang minsang mabugbog ako at napanood sa telebisyon, ang ibinilin niya sa akin nang muli kaming magkita, okey lang na sumama na ako sa rali pero huwag lang akong popronta, huwag akong poposisyon sa harapan. Ayaw na niyang mabalitaang nasaktan na naman ako sa rali. Ang sarap na paalala. Syempre, nanay ko ‘yun!

Maraming karanasan at aral ang idinulot ng aktibismo sa akin, na kung hindi ko ito pinili, baka ang sumada ng aking pagkatao’y hindi iba sa karaniwan, na pagkatapos ng pag-aaral ay magtatrabaho, mag-aasawa, at magpapalaki ng mga anak, hanggang sa magretiro. Ganito ang nangyayari sa aking maraming kakilala, lalo na sa aking mga kamag-anak. Ganito rin ba ang tatahakin ko?Taas-noo akong naninindigan bilang aktibista ngunit minsan ay aking napagninilayan: Paano ako magiging taas-noo kung nakikita kong maraming naghihirap ngunit wala akong ginagawa? Hindi naman ako si Batman o si Superman na pwede agad sumaklolo sa kanila. Ang paggawa ba ng mabuti sa kapwa ay sapat na? Ang maglimos ba sa pulubi ay tamang gawain? Ang magbigay ba ng kaunting mumo sa mga maralitang nagugutom ay sapat na? Basta ba pakiramdam natin, nakagawa na tayo ng mabuti sa kapwa ay sapat na? Sapat na ba na kada sweldo natin ay magbigay tayo ng limang piso sa bawat pulubi sa Quiapo?

Minsan nga, pinupuri pa ng ilan ang mga mahihirap sa kanilang pagtitipid! Hindi ba’t ito’y insulto? Parang sinasabing ang isang taong nagugutom ay kumain na lamang ng kaunti. Pulos higpit na nga sila ng sinturon, eto’t iinsultuhin pang magtipid, at patuloy pang maghigpit ng sinturon! Ang mga mahihirap ay itinuturing na hayop ng lipunang ito. Ang mga mahihirap ay itinuturing na hampaslupa, magnanakaw, busabos. Pero bakit? Nais ba ng maralita ang ituring nang ganito? O sila’y pawang mga biktima ng maling sistema sa lipunan? Isang sistemang ang mga mayayaman ay lalong yumayaman at ang mga mahihirap ay lalong naghihirap, isang sistemang ang mga mayayamang bata ay laging busog na papasok sa paaralan kaya nakakapag-concentrate sa pag-aaral, habang ang mga mahihirap ay gutom na papasok, kaya hindi rin agad nadedebelop ang kanilang utak sa murang gulang dahil sa gutom at kahirapan. Para bang ang mga mayayaman lamang ang may karapatan sa lipunang ito.

Ang edukasyon ay binibiling parang karne sa palengke. Kapag wala kang pera, hindi ka makakabili ng edukasyong nais mo sa magagaling na eskwelahan. Kapag may sakit ka, bibilhin mo ang iyong kalusugan. Kailangan mo munang magbigay ng paunang bayad sa ospital bago ka magamot. Kapag wala kang pera, kahit mamamatay ka na, hindi ka magagamot. Ang edukasyon at kalusugan ay karapatan ng bawat tao, ngunit ito’y nagiging pribilehiyo ng iilan. Sa kasalukuyan, kailangang bilhin ang edukasyon, kalusugan, at iba pang karapatan.

Dapat bang ikatuwa ng maralita na ang mga tira-tirahang pritong manok ng isang mayaman ay mailimos sa kanya? Hindi ba’t dapat na kasabay na kumakain ng mayaman sa hapag-kainan ang maralita, dahil sila’y parehong tao na may karapatang kumain, mabusog at maging malakas? Kahit sa pagkain, may pribilehiyo ang maykaya kaysa walang-wala, gayong pareho sila ng karapatan. Sinasabi nga, pakainin ang nagugutom, ngunit bakit nga ba may nagugutom? Ang usaping ito ang maaring hindi nasasagot ng nagta-charity. Ayaw nilang talakayin kung bakit may nagugutom. Ang nais lamang nila’y malaman kung sino para malimusan.

Bakit nga ba kailangan ng “charity” gayong hindi ito solusyon, kundi panakip-butas lamang sa tunay na problema. Ang dapat nating gawin ay baguhin ang lipunan kung saan imposible na ang kahirapan. Imbes na limos o charity, hindi ba’t ang mas dapat nating gawin ay pawiin ang dahilan ng kahirapan ng mamamayan? Para walang nagugutom! Para walang naghihirap! Dapat na tanggalin ang dahilan ng paglaki ng agwat ng mayayaman sa mahihirap!

Sa pagyapos ko ng taos-puso sa nakita kong aking magiging ambag sa isang dakilang hangarin, nagpatuloy ako sa landas na bihira ring tahakin ng iba, maliban sa mga naniniwalang kayang baguhin ang lipunan.

Hanggang sa mahalal ako bilang isang rehiyonal na opisyal ng isang pambansang organisasyon ng mga kabataang estudyante. Hinawakan ko ang ilang maseselang gawain, at nakadaupang-palad na rin ang iba pang aping sektor ng lipunan. Karamihan sa kanila’y naging guro ko sa Mendiola, ang makasaysayang lugar ng protesta. Ang Mendiola ay naging bahagi na ng buhay ng maraming naging estudyante nito. Dito’y matututunan mo ang mga hinaing, sakripisyo at kasaysayan ng mga taong nakakuyom ang mga kamao habang tangan nila ang mga plakard.

Maalamat ang Mendiola at masarap namnamin ang kasaysayan ng lugar na ito na binahiran ng dugo ng karaniwang tao. Narito ang eskwelahan at entablado ng protesta, ang parlamento ng lansangan. Iba’t ibang mukha ang naging guro ko dito, tulad ng mga lider-manggagawa, mga magsasaka, mga lider-maralita, kababaihan, kabataan, mga maliliit na manininda, kahit na mga estudyante sa kolehiyo. Oo, mga karaniwang tao ang naging guro sa paaralang ito, bagamat minsan ay may mangilan-ngilang pulitikong pulpol na nais magpasikat sa masa, depende sa kanyang interes.

Natutunan ko sa mga manggagawa na sila ang gumagawa ng ekonomya ng bansa, na kung wala sila, hindi tatakbo ang ekonomya, ngunit sila pa itong hindi nakatatanggap ng tamang halaga ng kanilang lakas-paggawa.

Natutunan ko sa mga magsasaka na sila ang naglilinang ng mga bukirin upang makakain ang marami nating kababayan, ngunit karaniwan, sila pang nagtatanim ng palay ang siyang walang maibiling bigas.

Natutunan ko sa mga lider-kababaihan na hindi sila tulad ni Maria Clara na mahina, lampa at iyakin, kundi sila’y tulad nina Princesa Urduja, Gabriela Silang at Lorena Barros na matatag manindigan at marunong lumaban para sa kalayaan ng bayan.

Marami pang ibang aping sektor sa ating lipunan na kung atin lamang pakikinggan ang kanilang mga hinaing at adhikain sa buhay, walang salang mauunawaan natin kung bakit kailangan talaga ng pagbabago. Pagbabago para sa pangkalahatan, at hindi para sa iilan lamang.

Nagpatuloy ako sa aktibismo sa aming paaralan at sa labas nito, na kahit ang iba pang eskwelahan ay aming pinupuntahan upang makausap at makapagtalakay sa mga lider-estudyante roon.

Dumating ang puntong wala na sa atensyon ko ang aking pag-aaral, at nagpasiya akong umalis sa eskwelahan upang tahakin ang mas malaking hamon sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan. Ang pasiya kong iyon ay nalathala pa sa aking kolum sa aming publikasyon. Nagpaalam ako sa mga kapwa mag-aaral na umaasang sa mga darating na panahon ay magkikita pa rin kami, hindi na sa aming eskwelahan, kundi sa lansangan at sumisigaw ng pagbabago ng lipunan.

Pakiramdam ko’y nakalaya ako sa isang pagkakakulong nang kumilos na ako sa labas ng eskwelahan. Sunud-sunod ang mga rali kong nilahukan. Nariyan ang masaktan ka, o kaya’y madampot at makulong ng ilang oras sa presinto dahil sa isang rali. Ilang beses na ba akong nabugbog at nasaktan sa mga rali sa Mendiola, sa Senado, sa Kongreso, sa lansangan ng protesta? Di na rin mabilang. Laging may bagong kwento. Laging may mga pagkilos dahil napakaraming isyu na dapat tugunan. Nariyan ang ako’y papuntahin upang sumuporta sa mga manggagawang nakapiket at sa mga maralitang tinanggalan ng bahay. Hindi na puro teorya ito kundi aktwal na mga pangyayari. At sa ganitong pagkakataon mo tinitiyak na naisasapraktika mo ang iyong mga natutunang teorya.

Ilang taon na rin akong nakikibaka para sa pagbabago. At marami ang nagtatanong sa akin, kasama na si Itay, kung hindi ba ako nagsasawa sa aking mga ginagawa? Para bang inip-na-inip siya dahil para sa kanya’y hindi naman iyon ang pinangarap nila ni Ina para sa akin. Nais niyang umalis na ako roon at magbagong-buhay, dahil para sa kanya’y wala naman akong mapapala sa aking mga pinaggagagawa. Pero nagpatuloy pa rin ako. Ano ang magagawa ko kung aking nakikitang maraming mga aping nawawalan ng tahanan, hindi makatarungan ang pasahod, mga maling kalakaran sa kumpanya, maraming mga nabibiktima ng pamamaslang sa mga lider-aktibista, pari, mamamahayag, manggagawa, kababaihan, at iba pang kabilang sa tinatawag nilang progresibo o militanteng organisasyon. Paano nga ba ako magsasawa sa isang gawaing kaakibat na ng aking buhay? Ang aktibismo ko’y nagpapatuloy, at nais kong patunayan na hindi lamang ito simpleng aktibidad lamang na dapat danasin ng isang estudyante sa eskwelahan, na pagka-gradweyt sa akademya ay pagka-gradweyt na rin sa aktibismo.

Nuong ako’y maging aktibista, hindi ko ito itinuring na parang isang aktibidad lamang sa eskwelahan, kundi ito’y pagyakap sa prinsipyo ng pagbabago kahit na umalis ka na ng paaralan. Ang pag-aaral sa lipunan ay hindi natatapos sa paaralan, dahil aanhin mo ang mga natutunan mong mga teorya kung hindi mo naman ito gagamitin upang baguhin ang lipunan. Ayon nga kay Marx, marami na ang nagsulat at naglarawan ng lipunan, ngunit ang punto ay paano ba natin ito babaguhin. Pero paano nga ba? Magsimula muna tayong pag-aralan kung ano nga ba ang lipunan.

Ang lipunan ay ang sistema kung paano nabubuhay ang mga tao batay sa sistema ng produksyon at hindi sa sistema ng kung anong gobyerno ang umiiral. Pag sinabi nating demokrasya, ito’y sistema ng pamamahala ng gobyerno, katulad din ng pasismo at totalitaryanismo. Ang lipunan, dahil batay ito sa inabot na pag-unlad ng mga kagamitan sa produksyon, ay ang pag-iral ng sistemang pangkabuhayan, tulad ng lipunang alipin, lipunang pyudal at lipunang kapitalismo. Ibig sabihin, iba ang lipunan sa gobyerno. Ang gobyerno ay pampulitika at ang lipunan ay pang-ekonomya. Ngunit kadalasan, pinaghahalo ng marami na ang gobyerno at lipunan ay iisa dahil ito ang naituturo sa paaralan. Ngunit sadyang magkaiba sila.

Kaya kung sasagutin natin ang isang katanungan sa itaas, na siyang tanong din ng marami – Bakit may laksa-laksang naghihirap habang may kakarampot na nagpapasasa sa yaman ng lipunan – tiyak na mahihiwatigan agad natin na magkaiba nga ang gobyerno at lipunan. Bakit napakasipag ng trabahador ay mababa ang sweldo, habang ang among may-ari ay ngingisi-ngisi habang nagpapahinga pero hamig niya lahat ng tubo? Bakit kung sino pa ang gumagawa ng yaman ng lipunan ang siyang naghihirap? Bakit sa kabila ng dami ng tinda sa palengke ay marami pa rin ang nagugutom? Bakit walang maisaing na bigas ang ating mga kababayan gayong napakaraming nabubulok na kaban ng bigas sa kamalig ng kapitalista? Bakit ang hindi mabentang produkto ay itinatapon na lamang sa dagat kaysa ipamigay sa mahihirap?

Ah, sadyang maraming katanungan ang dapat masagot, kaya palalimin pa natin batay sa aking mga pagsusuri mula sa pagbabasa, talakayan at debate sa aking mga kasama.

Ang gobyerno ay kumakatawan sa isang bansa, may watawat, teritoryo, populasyong pinamumunuan, at mas tutuusin ay pulitikal ang pamamalakad. Ito’y relasyon ng pinuno sa kanyang nasasakupan.

Samantala, ang lipunan naman ay relasyon sa pagitan ng panginoong may-alipin at ng kanyang mga alipin, relasyon ng asendero sa magsasaka, at relasyon ng kapitalista sa manggagawa.

Ang bansa ay binubuo ng nagkakaisang lahi, habang ang lipunan naman ay binubuo ng magkakaibang uri. Sa madaling salita, walang kinalaman ang pagiging Pilipino natin sa pagiging manggagawa o kapitalista ng sinuman sa atin. Mayaman man tayo o mahirap, tayo’y mga Pilipino. Tayo’y ipinanganak sa Pilipinas at may diwa ng isang lahi. Pero sa loob ng pabrika o plantasyon, balewala ang pagiging magkababayan pagkat ang nangingibabaw ay ang pagkakaiba sa uri, ang relasyong makauri.

Kaya ang pagbabago ng lipunan ay hindi usapin na kailangan mong maging taus-pusong makabayan, dahil hindi lang naman mga dayuhan ang problema, kundi mga Pilipino rin, mga kapitalistang Pilipino laban sa manggagawang Pilipino, mga asenderong Pilipino laban sa magsasakang Pilipino. Ang usapin ay uri, ang makauring interes. Ano ba ang uring iyong pinaglilingkuran, at kaninong interes ang dapat mangibabaw? Ang interes ba ng mga may-ari ng pabrika na lumaki ang kanilang tubo, o ang interes ng mga manggagawa na kunin ang tamang halaga ng kanilang lakas-paggawa?

Sa ngayon, kung pakasusuriin natin ang lipunan, ang palakad sa lipunan ay tulad ng sistema sa pabrika, sistemang kapitalismo. Lahat ng nagtatrabaho ay sahuran, at kung maaari ay pamurahan ng sweldo. Kaya marami pa rin ang naghihirap.

Kailangan nating baguhin ang lipunan. Paano, gayong napakabilis naman ng pagbabago sa lipunan, kahit wala pa rin talagang nagbago sa lipunan. Napakabilis dahil mabilis ang pag-abante ng teknolohiya. Wala pang isang dekada ang nakalilipas nang mauso ang pager. Ngayon ay cellphone na, at marami pa ang naiimbento para sa kaunlaran (daw) ng lahat pero hindi naman kaya ng bulsa ng mga mahihirap.

Pero wala pa rin talagang nagbago sa lipunan, dahil hanggang ngayon, hindi pa rin pantay-pantay ang kalagayan ng tao sa lipunan. Patuloy pa ring yumayaman ang mga mayayaman, habang lalong naghihirap ang mga mahihirap. Ang nais kong pagbabago ay ang tunay na pagbabago ng sistema ng lipunan, hindi pagbabago lamang ng sistema sa gobyerno. Hindi lamang relyebo ng mga namumuno ang aking pangarap, kundi pagpawi mismo ng mga uri sa lipunan upang maging maayos at pantay-pantay ang kalakaran at ang ating kalagayan.

Dumating ang pag-aalsang Edsa Dos, ngunit ito’y naging trahedya dahil naging relyebo lamang ito ng pamunuan, at wala naman talagang malawakang pagbabagong naganap. Dumating ang Edsa Tres na rebelyon ng tunay na masa, ngunit ang ilang nagsasabing pagsilbihan ang masa ay dinepensahan pa ang ganansya ng Edsa Dos laban sa masang dapat nilang paglingkuran. Ngunit ano nga ba ang dahilan ng aking aktibismo kung hindi natin ito ilalapat sa tunay na mga pangyayari sa ating lipunan? Sa mga teoryang aking nasuri at napag-aralan, aking natutunang kaya may mahirap at mayaman ay dahil sa pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon.

Kung sino ang nagmamay-ari ng pabrika, makina, hilaw na materyales, kwarta, at lupain ang siyang nangingibabaw sa mundo at kinikilala. Habang ang mga walang pagmamay-ari ang siyang nagbebenta ng kanilang lakas-paggawa upang mabuhay. Sila ang mga api at walang boses. Sila ang kinakalinga ng mga aktibista. Nais ng mga aktibistang sila’y maging tunay na taong may dangal, nakakakain ng tatlong beses sa isang araw, nakapag-aaral sa mga desenteng eskwelahan na may libreng matrikula, nakakakuha ng kursong nais nila nang hindi na mag-iisip kung saan kukuha ng pangmatrikula dahil sagot ng estado, nakakapagpagamot at libre ang pagpapagamot, hindi ginagawang negosyo ang mga karapatan sa kalusugan, pagkain, pabahay, trabaho at edukasyon.

Dahil ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon ang siyang ugat ng kahirapan, tama lamang na dapat pawiin ang pribadong pagmamay-aring ito ng iilan upang gawin itong pag-aari ng buong lipunan. Nang sa gayon, lahat ay makikinabang. Hindi na gagawa ng laksa-laksang damit o kotse ang kapitalista para pagtubuan, kundi gagawa lamang ng sapat para sa pangangailangan ng lahat.

Naniniwala akong ang pagbabago ay hindi lamang nanggagaling sa puso, kundi sa mismong pagbabago ng sistema ng lipunan, sa mismong pagtanggal sa kamay ng iilan ng para sa kapakinabangan ng buong lipunan. Kung lahat tayo ay magbabago ng puso, mas magiging maganda ang ating mundong ginagalawan. Ngunit ang tanong: Kailan pa nangyari sa kasaysayan ng tao na nagbago ng sabay-sabay ang puso ng tao? Kailan mangyayari na sabay-sabay magiging mabait ang mga tao kung may umiiral na batayan kung bakit sila nagiging sakim?

Masisisi ba nila kung dumami ang tulad kong tupang pula? Masisisi ba nila kung bakit naghihimagsik ang mga tupang pula? Tama ang desisyon ko at paninindigan ko ito.

Bilang tupang pula, itutuloy ko ang laban, hanggang sa marami na kaming maghangad at magsama-sama tungo sa pagbabago ng lipunan. Para sa kinabukasan ng mga susunod pang henerasyon.

Panawagan Nila'y Katarungan

PANAWAGAN NILA’Y KATARUNGAN

ni Gregorio V. Bituin Jr.



(PAUNAWA: Ang akdang ito, sa anyong monologo, ay iniaalay sa lahat ng naghahangad ng naghahangad ng progresong may hustisyang panlipunan. Binigyang halimbawa lamang dito ang nangyari sa North Triangle sa Lunsod Quezon, ngunit marami pang kasong ganito ang nangyayari sa iba pang lugar. Nawa’y makakita ang may mga mata, makarinig ang may mga tenga, makaramdam ang may mga puso, at makaunawa ang marunong umunawa.)

Kailanman, ang katarungan ay hindi nahihingi. Ito’y ipinaglalaban. Kailanman, ang katarungan ay hindi nahihingi kaninuman, lalo na sa burgesya, lalo na sa naghaharing uri sa lipunan, lalo na sa isang gobyernong pinatatakbo ng kapital. Sagad na hanggang sa buto, hanggang sa laman, hanggang sa kaliit-liitang himaymay ng kalamnan ang kaapihang kanilang dinanas. Ang kasalukuyang lipunan ay hindi parehas.

Nobyembre 25, 1997. Nabigla ang mga taga-North Triangle sa Lunsod Quezon nang biglaang winasak ng tropa ng demolisyon, kasama ang mga unipormadong pulis, na ginamit pa ang gaya nilang mga mahihirap, ang kanilang mga tahanan. Pinalayas sila dahil nais ng pamahalaan na pagtayuan ito ng MRT III, isang makabagong transportasyong tatahak sa kahabaan ng EDSA. Ngunit ayaw lumisan ng mga nakatirang maralita sa kanilang lugar, dahil walang naganap na matinong negosasyon. Ngunit sila’y pwersahang pinaalis. Oo, pwersahan! Para silang mga hayop na itinaboy sa kanilang mga tirahan. Maraming nawalan ng tahanan. Maraming nasaktan! Ni hindi man lang nagbigay ng pagkakataon sa mga pamilyang naririto na magkaroon ng matinong pag-uusap. May alokasyon daw para sa makataong relokasyon, pero hindi pala ito totoo. Mahigit sa isanlibong pamilya ang nawalan ng tahanan. Magpapasko noon nang itinirik ng mga taga-North Triangle ang kanilang pansamantalang silungan sa mismong harapan ng gate ng Kongreso. Sa ilalim ng init ng araw at sa kalamigan ng gabi, bagamat nasa loob ng manipis na tabing, ipinagdiwang nila doon ang kapaskuhan at bagong taon. Tunay ngang kaawaawa ang kanilang kalagayan. Ang kailangan nila’y katarungan.

Ang MRT III ay isang makabagong teknolohiya para sa transportasyon. Malaki ang maiaambag nito sa tuluy-tuloy na progreso ng ating bansa. Pero progreso para kanino? Sila sa North Triangle ay hindi laban sa progreso. Ngunit sila’y laban sa progresong walang hustisyang panlipunan! Oo, walang hustisya ang pagpapademolis sa kanila. Wala silang malilipatan. Walang maayos na pag-uusap. Kung may malilipatan man, itatapon sila sa malalayong lugar na hindi abot ng kanilang hanapbuhay, hindi abot ng kanilang nag-aaral na mga anak. Iyan ba, iyan ba ang klase ng progresong ipinagmamalaki ng pamahalaan?

Sa nangyaring ito sa kanila, sino ang magsasabing umiiral ang hustisya? Hanggang ngayon, sumisigaw sila ng katarungan, dahil labing-apat na ang namatay sa kanila. Labing-apat na! oo, labing-apat! Labingdalawa sa mga namatay ay pawang mga bata. Mga batang wala pang muwang sa mundong ito! Mga batang sana’y magiging kaagapay ng kanilang mga magulang. Mga batang mayroong mumunting pangarap na gusto nilang abutin. Halos sila’y namatay sa sakit sa loob ng sira-sirang tent sa mismong harapan ng Kongreso. Sila na namatay dahil tinanggal ng burgesyang ito ang kanilang dapat sana’y makataong karapatan sa paninirahan. Sila na namatay dahil hindi maipaospital at maipagamot ng kanilang mga magulang dahil nawalan din ng hanapbuhay. Mahal pa naman ang pagpapagamot. Dahil sa mismong ospital, kailangan mo munang magdeposito bago ka magamot. Ganyan kaganid ang sistema ng burgesya. Halos lahat ay may katapat na pera. Oo, ang burgesyang ito ang dahilan. Pinatay ng burgesyang ito ang pangarap ng kanilang mga magulang! Oo, ang burgesyang ito, ang marahas na kapitalistang sistemang ito ang dahilan ng kanilang pagkamatay!

Hihintayin pa ba nating may mamatay pa? Hihintayin pa ba nating ito’y madagdagan pa dahil sa ginawang makahayop na pagpapalayas sa kanila? Hihintayin pa ba nating ito’y madagdagan pa dahil sa kapabayaan ng pamahalaan? Hihintayin pa ba nating ito’y maging labinlima, dalawampu, limampu, isandaan? Hihintayin pa ba nating mangyari rin ito sa iba dahil may kinikilingan ang batas? May halaga pa ba ang buhay sa lipunang ito? May halaga pa ba ang buhay sa mapang-aping sistemang ito? Nasaan na ang katarungan?

Hindi mababayaran gaano mang halaga ng ginto o salapi ang nararamdamang sakit ng isang magulang. Hindi nito mapapantayan ang halaga ng buhay na nalagas dahil sa kainutilan ng gobyernong ito sa kapakanan ng mga mahihirap. Nasaan na ang katarungang sinasabi ng gobyernong ito, ng gobyernong “para sa mahirap” kung lagi itong nakalingon sa mga taong tumulong sa pagpipinansya ng kanyang kandidatura noong eleksyon? Buti pa ang mga ngising-asong kapitalista, nalilingon, napapasalamatan. Pero ang mga mahihirap na nagkandahirap magdikit ng kanyang mga mukha sa pader at magbigay ng kanyang polyetos dahil sa kanyang pangakong “para sa mahirap” ay hindi man lamang natinag para intindihin ang kanilang abang kalagayan. Aaahhh, laway lang pala ang islogang “para sa mahirap”.

Kanino pa sila tatakbo kung ang mismong namumuno sa pamahalaan na siyang kanilang ibinoto nuong halalan, pinaghirapang maipanalo, dahil ang kandidatong ito raw ay “para sa mahirap”, ay hindi sila matulungan sa kanilang mga problema? Kanino pa sila susuling? Saan pa sila pupunta? Sa Presidential Action Center ba na pinagpapasa-pasahan lamang sila? Sa HUDCC? Sa mga ahensya ng gobyerno? O kakapit na lang sila sa patalim? Sa dulo ng baril? O lalahok sila sa isang madugong rebolusyong papawi sa pagsasamantala ng tao sa tao?

Paano kaya kung sa burgesya ito mangyari? Tiyak na ito’y pakikinggan, kung paanong agarang imbestigasyon agad ang ginawa ng burgesya sa pagkamatay ng isang Ong, o isang Charlene Sy, mga batang anak-mayaman. Magkaibang taon at lugar, pero parehong kinidnap ngunit napatay ng kidnaper nang hindi kaagad makapagbigay ng ransom ang kanilang mga magulang. Sa bawat pagkamatay ng mga anak-mayamang ito, pinag-usapan sa mga pahayaga, radyo at telebisyon, at nagluksa ang bayan. Ano ang kaibahan ng pagkamatay ng isang Ong, ng isang Sy, sa labing-apat na batang mahihirap na namatay nang dinemolis ang kanilang mga tahanan? Ano ang kaibahan ng nabanggit na dalawang batang anak-mayaman sa labing-apat na batang mahihirap? Pare-pareho silang biktima ng sistemang umiiral. Ang una’y biktima ng mga naghahangad ng ransom upang yumaman, samantalang ang huli’y biktima ng kahirapan.

Anong klaseng sistema ito na pinaiiral lang sa palad ng mga maysalapi? Hindi na nga pantay ang distribusyon ng yaman sa lipunan, pati ang batas ay mayroon na ring kinikilingan! Anong klaseng gobyerno mayroon tayo!? Ang gobyernong ito na sumisigaw ng progreso, pero isang progresong huwad, progresong makaisang panig, progresong walang hustisyang panlipunan! Magkano na ba ang buhay ngayon? Katarungan, nasaan ka na? katarungan, sadya bang wala ka nang nakikita kaya’t lagi nang nakapiring ang iyong mga mata? Katarungan, bulag ka na bang talaga? Katarungan, magkano ka na?

Kapag nakidnap ay isang batang mayaman, mabilis pa sa alas-kwatro’y nandiyan kaagad ang lahat ng pwersa ng pulisya at pamahalaan upang magsagawa ng imbestigasyon at hulihin kaagad ang maysala. Kapag namatayan ng bata ang isang pamilyang mahirap, nasaan ang hustisya? Kapag namatay ay isang batang mahirap dahil sa kapabayaan ng gobyernong ito, nasaan ang hustisya? Nasaan ang hustisyang itinuturo ng burgesya sa kanilang mga eskwelahan? O sadyang bulok ang sistema ng edukasyon sa ating bansa, kaya hindi nila alam na ang hustisya’y para sa lahat? Nasaan ang hustisyang itinuturo ng iba’t ibang relihiyon? O baka naman ang itinuturo ng relihiyon ay “magtiis ka muna, anak, dahil hindi dito ang ating mundo.” O baka naman sila’y katulad ng mga pariseo at hentil na tinuligsa ni Hesus dahil ang kanilang kabanalan ay pagpapakitang-tao lamang? Anong klasng hustisya ang itinuturo sa mga Law Schools, o sa akademya ng militar at pulis? O baka naman ang itinuturo sa kanila’y hindi hustisya para sa lahat, kundi kung papaano dedepensahan ang pribadong pag-aari ng mga naghaharing-uri, hindi ang ipagtanggol at ipaglaban ang buhay at karapatan ng mamamayan? Anong klaseng hustisya ang pinaiiral ng burgesya? Sa kasalukuyang sistemang kapitalismong umiiral ngayon, maaasahan pa ba natin ang hustisyang ito? Tunay ngang malupit ang sistemang ito!

Ang mga maralitang taga-North Triangle ay sa harapan na ng Kongreso nagtayo ng kanilang pansamantalang tahanan. Ngunit nasaan ang mga kongresistang halos lingu-linggo’y naririto sa Kongresong ito? Nasaan sila? Sila ba’y kasama na rin sa mga bulag at bingi, gaya ng karamihan sa ating pamahalaan? Ilang beses na ba nilang dinaanan ang mga bahay-bahayang ito kung papasok sila sa kanilang malalamig na opisina sa Kongreso? O baka naman lagi silang absent, kaya hindi nila napapansin ang mga paghihirap ng mga maralitang taga-North Triangle? O baka naman natulad na rin ang mga kongresistang ito sa mga kapitalistang balyena? Silang mga kongresistang nangakong tutulong sa mga mahihirap nuong panahon ng halalan, nasaan sila sa laban ng mga maralitang ito? Nasaan sila sa laban ng iba pang maralitang nawalan at mawawalan din ng tahanan? Nasaan na rin ang mga taga-media? Sila na may sinumpaang tungkuling ipagtatanggol ang katotohanan, nasaan sila? Ah, sana’y hindi lang nagpapasarap ang mga taga-media’t kongresistang ito.

Ang nangyari sa North Triangle ay simbolo ng pagkamatay ng karapatang pantao. Tuwing ika-10 ng Disyembre ay “International Human Rights Day”, pero para saan? Kung sila ngang taga-North Triangle na nagtirik na ng kanilang pansamantalang tirahan sa harapan mismo ng gate ng Kongreso ay hindi mapansin at mabigyan ng kasagutan ang kanilang mga kahilingan, eh, paano na iyung iba pang madedemolis din? Sila na ang tanging hangad lamang ay simpleng pamumuhay at kabutihan ng kanilang mga anak. Sila na ang hangad ay ipaglaban ang kanilang karapatan. Sila na ang tanging hangad ay katarungan para sa kanilang mga namatay na anak! Kanino pa sila dudulog, kung mismong gobyerno ay bulag kahit nakakakita, at bingi kahit naririnig na ang hinaing ng mga mahihirap? Ang gobyernong ito na hindi nga pipi dahil sigaw ng sigaw ng progreso, pero progresong hindi para sa lahat! Progreso para kanino? Hustisya para kanino? Para lang sa mga maypera. Para lang sa mga kauri nila. Para lang sa mga kapitalistang hindi na makontento sa laksa-laksa nilang kinikita. Laksa-laksa nilang tinutubo. Sa nangyaring ito, ang mismong karapatang pantao ng karaniwang mamamayan ay harap-harapang niyuyurakan. Paano na kaya kung ang nangyari sa kanila’y mangyari din sa iyo, sa pamilya mo, sa mga mahal mo sa buhay? Oo, tama ka. Hindi nga makatao ang sistemang ito, ang sistemang umiiral sa ating lipunan. Inutil na lang siguro ang maniniwalang makatwiran pa ang sistemang ito. Panahon na upang baguhin ang sistema, ang paghahari ng burgesya, ang marahas na paninibasib ng kapital.

Kailangan nang baguhin ang lipunan. Kailangan nang tapusin ang mga pagsasamantala at mismong bulok na kultura ng mismong mga naghahari sa lipunan. Ngunit magagawa lang ito kung ang uring inaapi ay lalaban sa uring mapang-api, uring mapagsamantala, uring kapitalista. Panahon na upang magising ang uring anakpawis sa kinahihinatnan ng kanyang kapwa anakpawis. Panahon na upang lumaya ang mga anakpawis mula sa kuko ng mga mapang-api.

Kaya para sa mga aktibistang gaya ko, hanggang sa huling sandali man ng aming buhay, ipaglalaban namin ang pagbabago, hindi lang ng pamahalaan, kundi pagpawi ng burgesyang naging dahilan ng maagang pagkamatay ng labing-apat na batang ito. Hindi ko kailanman pinangarap maging isang aktibista, ngunit dahil nakikita at nararamdaman ko ang kainutilan ng umiiral na sistema ng lipunan, mas ninais ko pa na makiisa sa mga mahihirap na ito, sa mga pakikibakang ito, kaysa manatiling nasa panig ng burgesya na wala namang saysay ang pagkatao dahil bulag at bingi sa mga nangyayari sa paligid. Isang burgesyang walang katiting na karangalan dahil binulag na ng pag-iisip kung paano laging magkakamal ng mas malaking tubo at hindi iniisip kung sino ang mapeperwisyo. Isang burgesyang ang nakikita lang ay ang kinang ng ginto at ang naririnig lang ay ang kalansing ng salapi. Ayaw kong maging bahagi ng sistemang yumuyurak sa dignidad ng aking kapwa. Para sa mga naghaharing uri sa lipunan, ang tingin nila sa mga mahihirap ay mga aliping sagigilid, walang dangal, patay-gutom, madaling mabili pati kaluluwa, at walang karapatan sa mundo. Para sa aming mga aktibista, pantay-pantay dapat ang pagtingin sa lahat, dahil ang bawat tao ay may dignidad, may karangalan, may damdamin. Kaya’t dapat lang umiral ang hustisya para sa lahat.

Alam namin, malagutan man kami ngayon ng hininga, may magpapatuloy pa rin ng aming mga pangarap. Hangga’t nananatili ang ganitong uri ng sistema sa lipunan, patuloy na magsusulputan ang mga bagong aktibista. Na katulad namin ay naghahangad din ng pagbabago at pagkakapantay-pantay ng karapatan. Alam namin, nauunawaan kami ng aming sariling pamilya, lalo na ng sariling inang nagmamahal sa amin. Dahil alam nila, ito’y hindi lang para sa amin. Ito’y para rin sa mga susunod na henerasyon. Para sa aming magiging mga anak, mga apo. Hangga’t nananatili ang marahas na sistemang kapitalismo na yumuyurak sa ating dangal at unti-unting pumapatay sa ating pagkatao, mananatiling buhay ang aming mga pangarap. At patuloy namin itong ipaglalaban. Hanggang sa huling pugto ng aming hininga.

Alam ko, kasama kita sa pakikibakang ito.

(Sinulat ang akdang ito bandang 1998.)


Bagong Milenyo, Lumang Sistema

BAGONG MILENYO, LUMANG SISTEMA

(Nalathala bilang Editoryal sa Maypagasa magasin ng Sanlakas, p. 3, Oktubre-Disyembre 1999)

Ang kilalang aghamanon (scientist) na si Galileo Galilei ang unang nagpatunay na ang mundo ay bilog at hindi patag (flat). Ang katotohanang ito’y ikinagalit nuon ng simbahan dahil ang paniniwala nila nang mga panahong iyon ay patag ang mundo. Dahil dito’y binansagan nila si Galileo na erehe (pagano o kaya’y nababaliw). Kaya nang siya’y namatay, hindi pumayag ang simbahan na mabasbasan ang kanyang bangkay. Maraming taon at dekada ang nakalipas, napatunayan ng syensya na tama pala si Galileo. At sa kalaunan, ang katotohanang ito’y tinanggap na rin ng simbahan.

Bagong milenyo na, ang sabi ng nakararami. Dahil daw mula sa uswal na 19__ ay umabot na tayo sa 20__. Pero kung tutuusin, hindi pa ito ang bagong milenyo. Sa matematika, hindi ka nagbibilang mula sa 0 kundi sa 1. alam ng lahat iyan. Ang ibig sabihin ng milenyo ay isang libong taon. Kaya kung nagsimula ang unang milenyo sa Enero 1, 1 AD, matatapos ito ng Disyembre 31, 1000 AD. Eksaktong isang libong taon. Kaya nagsimula ang pangalawang milenyo sa Enero 1, 1001 at matatapos sa Disyembre 31, 2000. Eksaktong isang libong taon uli. Kaya ang totoong simula ng ikatlong milenyo ay sa Enero 1, 2001. Gayundin naman, nagsisimula ang siglo (isandaang taon) sa Enero 1, 1 AD hanggang Disyembre 31, 100 AD. Sa kasalukuyan, Enero 1, 1901 hanggang Disyembre 31, 2000. Kaya mas marapat tawaging huling taon ng milenyo o huling taon ng siglo ang taong 2000. Pero dahil nabago ang unang dalawang digit ng taon – mula 1999 ay naging 2000, inakala natin na ito na ang simula ng bagong milenyo. Bakit tinanggap ito ng karamihan at bakit natin sinasabing mali ang ganitong pag-aanalisa nila? Hindi ba’t may kasabihang “marami ang namamatay sa akala”. Marahil, para lamang hindi mabansagang “killjoy”, nakisakay na lang ang marami sa katawagang “bagong milenyo”.

Gaya ng inaakala nilang simula ng bagong milenyo, inaakala rin ng karamihan na ganito raw talaga ang sistema ng lipunan, dahil ito raw ang kanilang kapalaran at kinagisnan. Gaya ng maling pagkilala sa bagong milenyo, hindi makatarungan ang umiiral na sistema ng lipunan dahil ang mismong gumagawa ng yaman ng lipunan ang siyang naghihirap, pero tinatanggap ito ng karamihan dahil ganito raw talaga ang kapalaran ng tao. Lalong naghihirap ang mga mahihirap, samantalang lalong yumayaman ang mga mayayaman. Kaya ayos lang sa kanila na ganito na ang kanilang kapalaran. Lalong yumayaman ang mga kapitalista, samantalang karamihan ng mga manggagawa, lalo na ang mga kontraktwal, ay walang natatanggap na sapat na benepisyo at sahod. Katunayan, maraming manggagawa ngayon ang nakawelga. Maraming maralita ang walang bahay, at ang iba’y kadedemolis lamang. Kaya sa sinasabing pagpasok ng bagong milenyo, petsa lamang ang nabago.

Sa pagpasok daw ng bagong milenyo, dapat din daw baguhin ang pananaw ng tao, gaya ng sinasabi ng iba na dapat na may resolusyon tayo sa pagpasok ng bagong taon. Pero ang resolusyong ipinapangako ng bawat isa sa kanyang sarili ay karaniwang napapako, dahil apektado pa rin siya ng umiiral na sistema ng lipunan. Mataas pa rin ang mga bilihin, mababa ang sweldo ng mga manggagawa, mataas pa rin ang matrikula, patuloy pa ring naghihirap ang mismong mga gumagawa ng yaman ng lipunan. Ang karpintero’y walang sariling bahay, ang magsasaka’y walang sariling bigas, ang manggagawa ng pantalos at t-shirt ay walang bagong damit, maraming kabataang dapat na nasa eskwelahan ay nagtatrabaho na sa murang edad pa lamang dahil sa hirap ng buhay, ang mga manggagawang nagkandakuba sa pagtatrabaho upang abutin ang quota na itinakda ng kapitalista ang siyang hindi makakain ng sapat sa isang araw.

Hindi natin mababago ang sistema dahil nangako tayo ng resolusyon. Hindi rin mababago ang sistema dahil bagong milenyo na. Hindi ito mababago sa isang iglap. Mababago ito kung ganap na magkakaisa at magtutulungan ang malawak na hanay ng mamamayan sa buong bansa, kundi man sa buong mundo, upang itayo ang isang lipunang pantay-pantay. Isang lipunang pantay ang hatian ng yaman, isang lipunang papawi sa pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa. Magaganap lang ang pagbabago kung tayo’y kikilos at gagawa ng mga kongkretong solusyon sa mga problemang kinakaharap ng lipunang ito. At kung kinakailangan, palitan ang lipunang ito ng mas makabuluhan at makatarungang sistemang tunay na aagapay sa bawat mamamayan ng mundo. Balewala ang sinasabing pagsapit ng bagong milenyo kung hindi mababago ang hindi makatarungang sistemang umiiral sa lipunan. Dahil kung hindi, para lang itong lumang patis sa bagong bote. Lumang sistema sa bagong milenyo.

Ang nangyari kay Galileo ay nagpapatunay lamang na ang pagbabago ng lipunan ay kailangang nakabatay sa siyentipiko at kongkretong pag-aanalisa ng sitwasyon ng lipunang ginagalawan, hindi batay sa mga haka-haka o pamahiin at lalong hindi batay sa interes ng mismong mga mayhawak ng kapangyarihan, at dikta ng mga dayuhan.

Mga kababayan, pag-aralan nating mabuti ang lipunan at ang umiiral na sistema. At mula dito’y simulan natin ang pagbabago.

Dati, Bago at Proposal na ‘Panatang Makabayan’

Dati, Bago at Proposal na ‘Panatang Makabayan’
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kapag sinasagutan ko ang palaisipan o krosword sa dyaryo, minsan ay nakaka-engkwentro ko ang tanong na “PAHALANG 1 Pambansang ibon” na apat na letra ang sagot, at may mga ilang krosword din na limang letra naman ang sagot. Ang sagot sa una’y MAYA, habang ang tugon naman sa ikalawa’y AGILA. Bakit ganito? Marahil, hindi pa alam ng iba ang mga pagbabagong ito. Minsan nama’y napapagmuni ko rin: Kung binago ang pambansang ibon mula MAYA tungo sa AGILA, bakit hanggang ngayon, SIPA pa rin ang pambansang laro, gayong bihira naman ang mga Pilipinong naglalaro nito, at hindi rin ito sikat sa buong bansa? Di tulad ng basketbol, boksing, bilyar at chess, ni wala ngang pambansang paligsahan ang SIPA para ituring pa itong siyang pambansang laro.

Alam po ninyo, marami nang nagbago noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos. Ang pambansang ibon na dati’y maya ay naging agila na ngayon, pati ang dating 20 alpabetong Pilipino ay 28 na ngayon. Kasama rin sa pagbabagong ito sa panahon niya ang pagbabago ng liriko ng Panatang Makabayan, na ayon sa isang kaibigan, ay sinulat ni dating Senador Raul Roco.
Sa madaling salita, ang Panatang Makabayan noong ako’y elementarya pa lamang ay kaiba sa binibigkas na Panatang Makabayan ngayon ng mga bagong mag-aaral. Tunghayan muna natin ang dati at ang bagong ‘Panatang Makabayan’:

Lumang bersyon:

Panatang Makabayan
Iniibig ko ang Pilipinas.
Ito ang aking lupang sinilangan.
Ito ang tahanan ng aking lahi.
Ako’y kanyang kinukupkop at tinutulungan,
Upang maging malakas, maligaya at kapakipakinabang.
Bilang ganti ay diringgin ko ang payo ng aking mga magulang.
Susundin ko ang tuntunin ng aking paaralan.
Tutuparin ko ang tungkulin ng isang mamamayang makabayan
At masunurin sa batas.
Paglilingkuran ko ang aking bayan nang walang pag-iimbot
At nang buong katapatan.
Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino,
Sa isip, sa salita at sa gawa.

Ang Binagong bersyon:

Panatang Makabayan
Iniibig ko ang Pilipinas,
aking lupang sinilangan,
tahanan ng aking lahi,
kinukupkop ako at tinutulungang
maging malakas, masipag at marangal.
Dahil mahal ko ang Pilipinas,
diringgin ko ang payo ng aking magulang,
susundin ko ang tuntunin ng paaralan,
tutuparin ko ang tungkulin
ng mamamayang makabayan:
naglilingkod, nag-aaral at nagdarasal
ng buong katapatan.
Iaalay ko ang aking buhay,
pangarap, pagsisikap
sa bansang Pilipinas.

Sa mga dulo ay makikita natin ang malasakit ng pagmamahal sa bayan: “Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino”; “Iaalay ko ang aking buhay, pangarap, pagsisikap sa bansang Pilipinas”. Kaygandang pakinggan, lalo na’t kung sabay-sabay itong binibigkas ng mga batang estudyante, pero ano ang reyalidad? Tanungin mo ang mga bata o kaya’y manood ka sa telebisyon kapag tinanong ang mga batang contestants sa mga shows kung ano ang nais nila paglaki, at maririnig mong halos lahat ay nagsasabing gusto nilang pumunta ng ibang bansa, nais makapunta ng Amerika, at mamuhay doon. Ano ang problema sa mismong Panatang Makabayan, at bakit hindi ito naisasaloob ng mga kabataang Pilipino.

Kung susuriing mabuti ang nilalaman ng Panatang Makabayan, ang itinuturo rito ay ang pagiging bulag na tagasunod ng isang bata. Wala ang konsepto ng paggalang sa karapatang pantao, ang pakikipagkapwa, ang hustisyang panlipunan, kundi pawang pagsunod dahil sa “utang na loob” sa bayan – pagsunod sa magulang, pagsunod sa paaralan, pagsunod sa pamahalaan. Pero paano kung may problema sa magulang, paaralan at pamahalaan, tulad ng na_Garci na pamahalaan ni Arrovo?

Ano ang magiging epekto ng Panatang Makabayan kung ang itinuturo at ipinasasaulo ay kung paano maging “submissive” o maging bulag na tagasunod, at hindi ang maging kritikal o mapagsuri sa lipunan? Dahil “kinukupkop at tinutulungan” ng bayan ay dapat na tayong sumunod? Tama bang maging bulag na tagasunod?

Lumakas ang Nazi Germany at si Hitler dahil sa pagiging bulag na tagasunod ng mamamayan nito. Ganito ba ang konsepto natin ng pagiging makabayan? Nasaan ang iba pang magagandang kaugalian, ang respeto sa kapwa, ang pagpapakatao, ang pagkakapantay-pantay?
Dapat na ito’y para sa lahat, bata o matanda, dahil ito’y Panatang Makabayan. Ngunit ang problema, hindi ito binibigkas ng lahat, kundi ng halos mga mag-aaral lamang. Patunay dito ang salitang “paaralan”. Kaya nga dapat siguro imbes na Panatang Makabayan ito, dapat itong tawaging ‘Panata ng Mag-aaral para sa Bayan’.

Binibigkas ito ng mga mag-aaral pagkatapos nilang umawit ng “Lupang Hinirang”. Kumbaga’y parang mantra na tuwing umaga ay dapat i-recite, kahit wala sa loob ng mga bata.

Pero paano nga ba ilalagay sa kalooban ng mga mag-aaral ang Panatang Makabayan kung ang kadalasang nakalibot sa mga mag-aaral na ito ay pulos galing sa ibang bansa, tulad ng spiderman, McDonalds, computer games, mga foreign movies, mga patalastas sa telebisyon na nagsasabing mas maganda ang maputi kaysa kutis-morena, at ipinalalabas pang pangit, makaluma, inferior at di maunlad ang anumang gawa sa ating bansa.

Nariyan si Lastikman at Captain Barbell; mga bakyang pelikulang Pinoy na halos alam mo na ang ending dahil halos pare-pareho na lang ang plot (naapi si bida, na animo’y tupang pula, hanggang sa makaganti siya at mapatay ang mga kalaban); di na rin alam ng mga kabataan ngayon ang mga larong Pinoy tulad ng patintero, tumbang preso at taguan pung.

Kung gagawa ako ng sariling bersyon ng Panatang Makabayan, at hindi lang Panata ng Mag-aaral, ilalagay ko roon ang panata ng paggalang sa lahat ng karapatang pantao, pakikipagkapwa, pagkakapantay-pantay, pagmamahal sa kalikasan, ang ilang nilalaman ng Kartilya ng Katipunan, na kung mabubuo ay maaaring ganito:

Proposal na Bagong Bersyon:

Panatang Makabayan
Iniibig ko ang Pilipinas at ang kapwa ko ng walang pagtatangi
Iginagalang ko ang karapatan ng bawat isa
Ako ay magpapakatao at makikipagkapwa-tao
Ipagtatanggol ko ang matuwid
At kakabakahin ang mga mali
Inaadhika ko ang pagkakapantay-pantay
Sa lipunan kung saan walang mahirap at mayaman
Mamahalin ko at aalagaan ng kalikasan
Na siyang tahanan ng lahat ng nilalang
Ipaglalaban ko ang hustisyang panlipunan para sa lahat
Sa isip, sa puso, sa salita, at sa gawa.

Kulang pa ito at kailangan pang kinisin at dagdagan. Pero dapat na matiyak na ang bawat taludtod sa Panatang ito’y hindi bilang bulag na tagasunod, kundi dahil nauunawaan ng bawat magsasalita nito, kahit batang mag-aaral, sa kanilang puso’t isipan ang kahulugan ng kapayapaang may hustisyang panlipunan, karapatang pantao, pagkakapantay-pantay, pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao.

Hinggil sa Pamumuno

HINGGIL SA PAMUMUNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Ang isang paham, sa panahon ng kapayapaan, ay naghahanda para sa isang digmaan. (A wise man in times of peace prepares for war.)” – ni Horace, isang makatang Romano, sa kanyang koleksyong “Satires”

Isang magandang salik ng isang magaling na pamumuno ay ang pag-aaral ng mga aklat hinggil sa pakikidigma upang magtagumpay sa anumang labanang susuungin. Isa na rito ay ang aklat na “Sining ng Digmaan (Art of War)” ni Sun Tzu na siyang pinakapopular na aklat hinggil sa paraan ng pamumuno sa digmaan. Ito’y may 2,300 taon na at binubuo ng labintatlong kabanata. Mula pa noong unang panahon, pinag-aaralan na ito ng mga pinuno, maging ito ma’y hari, prinsipe, kabalyero, heneral o kawal. Ayon kay Sun Tzu, “Ang digmaan ay napakahalagang bagay sa isang bansa, lalawigan ng buhay at kamatayan, daan sa pagkasagip o pagkawasak. Kaya dapat na pagbuhusan ng panahong pag-aralan.

Sa kanyang aklat, tinalakay niya ang hinggil sa 1. Pagtatasa; 2. Paglulunsad ng Gera; 3. Ang Opensibang Istratehiya; 4. Disposisyon; 5. Enerhiya; 6. Kahinaan at Kalakasan; 7. Pagmamaniobra; 8. Ang Siyam na Salik; 9. Pagmartsa; 10. Ang Landas (Terrain); 11. Ang Siyam na Iba’t Ibang Lunan (Grounds); 12. Paggamit ng Apoy; 13. Paggamit ng Espiya. Ang labintatlong kabanatang ito’y malamĆ”n at marami pang istratehista ang nagbigay ng kwento hinggil sa bawat berso nito, nagbigay ng halimbawa sa bawat aral dito, at ang buong aklat ay nagkaroon na ng iba’t ibang pagsasalin mula sa wikang Tsino hanggang Pranses, Ingles, Niponggo (may 13 salin) at sa iba pang wika. Ang translasyon sa Pilipino’y kasalukuyang tinatapos ng nagsulat ng artikulong ito.

Maaaring sabihin nating hindi na aplikable ang mga sinulat ni Sun Tzu dahil panahon pa ng mga barbaro ng sinulat ito, at ngayon ay panahon na ng makabagong teknolohiya. Ngunit sa digmaan, ang teknolohiya ay kagamitan lamang upang magkaroon ng mas lamang na bentahe kaysa kalaban. Ang nagbago, mula bato ay naging baril, mula sibat ay naging armalite, at mula pana ay naging nuclear missiles. Pero ang pundamental na prinsipyo ng pakikidigma ay aplikable pa rin hanggang sa ngayon.

Hindi lamang ang mga ito nagagamit sa gera, dahil may mga lumabas na libro ngayon na tumatalakay sa kaugnayan ng gera at ng pamamahala ng kumpanya. Isa na rito ang librong “War and Management” nina Wee Chou Hou, et.al. kung saan ang mga aral ni Sun Tzu ay isinasapraktika ng mga corporate executives at mga managers sa mga kumpanya. Kung pinag-aaralan ito ng mga kapitalista, mas dapat itong pag-aralan ng manggagawa’t maralita. Ayon nga kay Sun Tzu, “Kilalanin mo ang iyong kalaban at kilalanin mo rin ang iyong sarili, at mananalo ka sa sandaang labanan ng walang kapahamakan.”

Isang magandang aplikasyon ng aral ni Sun Tzu ay ang inilarawan sa “War and Management”, pahina 4: “Sa isa pang halimbawa noong Ikalawang Daigdigang Digmaan, inaasahan ng British army na sasalakay ang bansang Japan sa Singapore mula sa dagat, kaya ang lahat ng kanilang mga armas ay nakatutok sa gawing yaon. Ito’y dahil ang pinakalohikal at pinakamatipid na paraan para sa mga Hapones na masakop ang Singapore ay ang dumating mula sa dagat. Sa lubos na pagkasorpresa ng mga British, dumating ang mga Hapones mula sa lupa, sa pamamagitan ng pagtahak sa Malay Peninsula. Ito ang paggamit ng sorpresa, isa sa mga prinsipyo ng pakikibaka ni Sun Tzu.”

Sa panig naman ng mga maralita ng lunsod, ang isa sa mga klasikong taktika ng digma ay ang pagkakapanalo ng mga dinemolis na maralita sa Sitio Mendez sa Baesa, QC. Noong gibain ng mga demolition team ang kanilang mga tahanan noong Hulyo 1997, sila’y nagmartsa patungong Quezon City Hall at namalagi roon hangga’t di pinakikinggan at di ibinibigay ang kanilang kahilingang ibalik sila sa kanilang mga tahanan. Isang buwan pagkatapos, sila’y bumalik sa kanilang lugar sa pamamagitan ng “Martsa ng Tagumpay”. Sa tulong ng mga organisasyong KPML, BMP at Sanlakas, at patuloy na pagpapalabas sa media ng kanilang mga hinaing ay na-pressure ang pamahalaang lunsod ng Quezon City, pati na rin ang may-ari ng lupa. Ang istratehikong pamamalagi at pangangalampag sa Quezon City Hall at sa media ay isang mahusay na “pressure tactics” na maikukumpara sa mga prinsipyo ng digma ni Sun Tzu.

Ang ilan pa sa mga kilalang may-akda ng ganitong uri ng aklat ay sina Sun Pin, Wu Chi, Zhuge Liang, Liu Ji, Miyamoto Musashi, Clausewitz, Jomini, Napoleon, Kautilya, Machiavelli, at ang isang bagong aklat hinggil sa mga taktika ng Katipunan.

Ang bansang Tsina ay maraming inakda dito. Si Sun Pin, kamag-anak ni Sun Tzu, ang may-akda ng “Military Writings” at “Lost Teachings of Sun Tzu”. Si Wu Chi naman ay may anim na kabanatang dokumento hinggil din sa pakikidigma. Si Zhuge Liang naman ang may-akda ng “Pamamaraan ng mga Heneral”, samantalang si Liu Ji naman ang may-akda ng “Mga Aral ng Digmaan”.

Sa Europa, inakda naman ni Antoine-Henri Jomini, isang French general at staff officer ni Napoleon I, ang “PrĆ©cis”, na nakaimpluwensiya ng malaki sa kaisipang militar sa France, at naging textbook sa kondukta ng American Civil War. Meron ding sariling bersyon ng “Art of War” si Jomini. Ayon naman kay Karl von Clausewitz, isang Prussian general, ang pakikidigma ay ekstensyon lamang ng pulitika. Isang taon pagkamatay niya nang lumabas ang kanyang may tatlong volume na librong “Vom Kriege (On War)” na may malaki ring kontribusyon sa istratehiyang militar sa Europa. Pati na rin ang Italyanong si Niccolo Machiavelli, ang may-akda ng “The Prince” at “The Discourses”, ay nagsulat din ng mahabang sanaysay na may pamagat ding “Art of War”. Meron namang “Military Maxims” si Emperor Napoleon I.

Ang Arthashastra (Prinsipyo sa Pulitika), isang aklat na tumatalakay hinggil sa pakikidigmang sikolohikal o psychological warfare ay sinulat naman ni Kautilya ng India, ang punong ministro ng emperor na si Candragupta Maurya.

Ang mga Hapones naman ay merong “Book of Five Rings” na inakda ni Miyamoto Musashi na tumatalakay din sa taktika at istratehiya, at ang limang salik nito: ang lupa, apoy, hangin, tubig, at espasyo.

At ang pinakabago sa mga pag-aaral na ito ay ang sinulat ni UP Prof. Zeus Salazar na may pamagat na “Ang ‘Real’ ni Bonifacio bilang Teknikang Militar sa Kasaysayan ng Pilipinas”.

(Paunawa: Ang tamang translasyon ng World War II ay Ikalawang Daigdigang Digmaan at hindi ang nakasanayang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil ang salitang “Pandaigdig” ay may konotasyon ng pagpayag o pagsang-ayon sa bagay na tinutukoy. At dahil hindi lahat ay payag o sang-ayon sa digmaan, maling tawaging Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang World War II, kundi mas tumpak na gamitin ang neutral na salitang Ikalawang Daigdigang Digmaan.)

Ang islogang "Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya"

ANG ISLOGANG “URING MANGGAGAWA, HUKBONG MAPAGPALAYA”
(Mula sa pahayagang Komyun, pahina 16)

Karaniwan na nating naririnig ang islogang ito sa mga rali. Ngunit paano ba uminog ang islogang ito at bakit ba hukbong mapagpalaya ang uring manggagawa?

Hindi pa uso ang panawagang ito noong panahon ng mga Amerikano, ngunit matalas na rin ang kanilang panawagan noon. Katunayan, umaalingawngaw ang sigaw ng uring manggagawa mahigit isandaang taon na ang nakararaan, nang magrali sa harap ng palasyo ng MalacaƱang noong Mayo 1, 1903 ang 100,000 manggagawang kasapi ng Union Obrero Democratico de Filipinas: “Ibagsak ang imperyalismong Amerikano!”

Lumaganap marahil ang islogang “Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!” noong panahong maitatag ng mga manggagawa ang unang pahayagan nito, ang TAMBULI, noong Mayo 1, 1913, o kaya’y noong panahon ng lider-manggagawang si Crisanto Evangelista nang itatag ang isang mapagpalayang partido noong 1930, o kaya’y noong 1975, panahon ng batas-militar, nang magwelga ang mga manggagawa ng La TondeƱa. Bagamat di pa natin masaliksik kung sino, saan, at kailan unang isinigaw ang islogang ito, ang mahalaga ngayon ay ang mensaheng taglay nito. Ang panawagang ito ay may matinding diwa at mensaheng tumatagos sa ating kaibuturan pagkat ipinakikilala na sa buong mundo na tanging ang uring manggagawa - ang ating uri - ang pangunahing magdadala ng paglaya ng sambayanan mula sa kahirapan at pagsasamantala.
Ang mensaheng ito ang naging diwa ng naganap na Paris Commune noong 1871 sa Pransya nang kubkubin ng mga manggagawa ang lunsod ng Paris, at ng maitatag ng mga Bolsheviks at ng rebolusyonaryong si Lenin ang Unyong Sobyet noong 1917.

Ang diwa nito ang dala natin sa mga rali at iba pang pagkilos, pagkat ipinapahayag natin sa ibang manggagawa, tulad ng mga tsuper, mason, mga OFWs, empleyado ng gobyerno’t bangko, mga guro, atbp., ang kanilang mapagpalayang papel sa lipunan.

Kaya huwag tayong manghinawa sa pagpapalaganap ng tunay na diwa ng URING MANGGAGAWA bilang HUKBONG MAPAGPALAYA!

Ningas-bao, Handa Na Habit, Ant Mentality, at Tamang Konsepto ng Filipino Time


NINGAS-BAO, HANDA NA HABIT, ANT MENTALITY, AT TAMANG KONSEPTO NG FILIPINO TIME
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Unang lumabas ang artikulong Ningas-bao sa The Featinean, July-October 1996 issue. Ito’y nasulat sa wikang Ingles. Lumabas uli ito sa Kolum Estudyante ng pahayagang Dyaryo Uno, Disyembre 1, 1998, p. 5. Pero dalawa na ang tinalakay dito: ang ningas-bao at ang ant mentality. Sa pagdaan ng ilang buwan, umunlad pa ang konseptong ito at naging apat. Dito na naitatag ang Kampanyang Ningas-Bao, atbp. (KNBa) bilang impormal na organisasyong nangangampanya para dito. Ang artikulong ito ay ginawang palasak sa porma ng isang polyeto at pamamahagi nito sa mga kakilala, kamag-anak at kaibigan, pati na sa mga kilalang opisina, NGO, PO, unyong, guro, dean sa mga eskwelahan, environmental groups, writers groups, kongreso, aktibista, atbp. Ito’y lumabas din sa magasing Tambuli sa kauna-unahang isyu nito noong Abril 2006. Nalagay din ito sa website ng Ang Bagong Pinoy bilang isa sa mga pambungad na artikulo. – Greg Bituin Jr.)

Panahon na para baguhin natin ang maraming kaugaliang Pilipino na nagiging hadlang sa ating pag-unlad. Karamihan sa mga kaugaliang ito’y tila anay na sumisira sa ating pagkatao, pagkabansa, at organisasyong kinabibilangan. Papaano natin babaguhin ang mga negatibong kaugaliang ito? Una, sa pamamagitan ng positibong alternatibo nito. Pangalawa, ikampanya ang mga alternatibong ito upang kumintal sa isipan ng mga tao. Pangatlo, nasasainyo ang pasiya, kaibigan. Kung nais nating iwaksi at baguhin ang mga negatibong kaugaliang Pinoy na nakagisnan natin, ating palaganapin ang mga positibong kaugaliang Pilipino.

Ningas-kugon. MaƱana habit. Crab mentality. Spanish time (na ipinagkakamaling Filipino time). Ilan ito sa mga negatibong kaugaliang Pinoy na naging bahagi na ng ating kultura at dapat baguhin. Balakid ang mga ito sa ating mga gawain, pang-indibidwal man, pang-organisasyonal o pambansa. Alam nating hindi ito mababago sa isang iglap, pero may pag-asa pangmabago ito. Kung ito’y talagang gagawin natin. At kung may kusa tayo.

Nais kong balikan ang sinabi ng ating bayaning si Gat Apolinario Mabini: “Our revolution must be not only external but internal. We must provide a more solid basis for character formation, and we must rid ourselves of the vices which are, for the most part, a legacy of Spanish rule.” (Mula sa aklat na “readings in Philippine History” by H. dela Costa, S. J., Chapter IV, pp. 243-244). Ibig sabihin, kung nais nating baguhin ang sistema ng lipunan, dapat baguhin din natin ang mga negatibong kaugaliang pinamana sa atin ng sistemang ito.

Malaki ang magiging epekto ng positibong alternatibo nito upang kahit papaano’y maminimisa, kung di man ganap na mapawi, ang mga negatibong kaugalian sa ting kultura. Kung hindi tayo mag-iisip ng alternatibo sa mga palasak na katawagang “ningas-kugon”, “maƱana habit”, “crab mentality” at ang maling katawagang “Filipino time” na kung tutuusin ay “Spanish time”, malamang na magpatuloy pa rin ito. Ayon nga sa psychology, anumang palasak ang karaniwang nangingibabaw at ginagawa.

Mananatili pa rin sa ating kultura ang apat na kaugaliang Pinoy na ito kung magwawalang-bahala lang tayo. Kailangan ng “equalizer”, ika nga. Ningas-bao. Handa na habit. Ant mentality. Filipino time (maaga sa oras). Ito ang mga positibong alternatibo na dapat na maging bukambibig din ng mamamamayang Pilipino, dahil ito ang kailangan natin sa pag-unlad at pagbabago ng lipunan. Pag-unlad at pagbabago hindi lang ng ating bansa, kundi ng komunidad o organisasyong ating kinabibilangan. Talakayin natin ang bawat isa.

Ningas-kugon ang karaniwang tawag sa masamang kaugaliang pag may nasimulan nang plano o mga balakin, ay hindi naman itinutuloy o wala nang balak tapusin. Bakit nangyayari ito? Marahil, palpak ang mga nagpaplano, kaya’t hindi na nila ito itinutuloy. Hindi sa kanila maliwanag ang dahilan kung bakit dapat itong matapos, Maari rin namang walang kooperasyon ang bawat isa. Lumalabas tuloy na may problema sa liderato kaya nauuwi sa ningas-kugon ang kanilang mga plinano. Ang salitang “ningas-kugon” ay nanggaling sa dalawang pinagsamang salita: ningas at kugon. Kung sisindihan natin ang kugon, madali itong mamatay. Abo na kaagad. Ganuon din ang tao. Marami siyang sinimulang gawain, pero hindi naman tinutuloy o tinatapos. Kumbaga, nagsimula siya ng isang proyekto pero nauuwi naman sa wala. Sayang tuloy ang limang P (pagod, panahon, plano, proyekto at perang ginastos). Kung ang kugon ay madaling mamatay, ano ang matagal mabuhay? Kung walang silbi ang kugong sinindihan, alin ang may silbi? Uling. Bao. Ah, mas malapit ang bao. Ang bao, pag sinindihan mo, maraming naluluto. Habang nagluluto ka ng sinaing, maaari ka pa ring mag-ihaw ng barbeque. Medyo mausok ito, pero mararamdaman mo sa usok kung gaano kaganda ang kanyang niluluto. Ang uling, matagal din ang gamit, gaya rin ng bao. Pero mas maraming gamit at mukhang mas masarap pakinggan ang bao kaysa uling. Kaya tawagin natin ang bagong konsepto na “ningas-bao”. Isa pa, kung ikukumpara sa kugon, ang bao ay kapareho niyang mula sa kalikasan at natuyo sa likas na paraan, hindi gaya ng uling na talagang ipinroseso bago mo magamit. Kaya’t dapat na maging likas din sa atin ang positibong konsepto ng ningas-bao, lalo na sa mga susunod na henerasyon. Hindi na tayo kailangang paluin o latiguhin pa para kumilos o iproseso muna gaya ng uling.

Ang “maƱana habit” naman ay nanggaling sa salitang Kastila na ibig sabihin ay “mamaya na”. Kung laging “mamaya na” ang ating bukambibig, kalimitanhindi natin natatapos sa tamang oras ang ating mga gawain. Kung nais na natin itong ihabol sa takdang oras, kalimitan nama’y ginagahol na tayo sa panahon. Sa madaling salita, ipinagpapaliban natin kung ano ang pwede naman nating gawin ngayon. Kaya kailangan naman nating mag-isip ng katawagang dapat nating ipopularisa sa mamamayan. Ang handa na habit” ang positibong alternatibo sa “maƱana habit”. Maganda sana kung “mngayon na habit” ang itawag, pero mas aplikable ang “handa na habit”. Dahil kung “ngayon na”, baka magpadalus-dalos ka ng hindi mo pinag-iisipan ang kaayusan ng iyong trabaho, basta’t matapos mo lang ang gagawin mo. “Handa na habit” dahil bukod sa handa kang gawin agad ito, handa ka ring gawing organisado at maayos ang iyong trabaho at handa kang tapusin ito sa takdang panahon. Gaya ng Boy Scout na laging handa, maganda ang kalalabasan ng iyong trabaho.

“Ant mentality”. Kailangan nang palitan ang palasak na kaisipang “crab mentality”, isang kaugaliang itinutulad ang mga tao sa talangka o alimangong nasa balde. Naghihilahan pababa para mauna sa itaas. Gaya rin sa trabaho, nagsisiraan para makauna sa promosyon. Nasisira tuloy ang trabaho lalo na ang organisasyon. Tularan natin ang langgam, masisipag at nagtutulungan.

Palasak ang katawagang “Filipino time” bilang laging huli sa oras. Pero kung tutuusin, ang mga Pilipino’y maaga sa oras. Ang ipinagkakamaling “Filipino time” sa katunayan ay “Spanish time” dahil nagsimula ang kaugaliang ito sa mga Kastila. Mahilig ang mga Kastila sa siesta o pahinga. At pagdating sa mga pulong, kadalasan silang nagpapahuli para mapansin sila kaagad o kaya’y hintayin. Paimportante kumbaga. Ang Pilipino’y likas na matiyaga at masikap, hindi paimportante na wala namang katuturan. Nang mapatay ng Pilipinong si Lapulapu ang Portuges na si Magellan, isa sa mahalagang sangkap ng kanilang panalo ay ang kaagapan nila sa labanan at pagiging maaga sa preparasyon sa digmaan. Isa itong pagpapatunay ng sinabi ng mandirigmang si Sun Tzu sa kanyang aklat na “Art of War” kung saan nakasulat: “Generally, he who occupies the field of battle first and awaits his enemy is at ease; he who comes later to the scene and rushes into the fight is weary.” Panahon na upang matutunan nating maging maaga o tama sa oras ng usapan. Panahon na upang ituring natin na ang pagiging huli sa oras ay “Spanish time” at ang pagiging maaga o tama sa oras ay “Filipino time”.

Kung nais nating maging maunlad at mabunga ang ating mga gawain at pinaghirapan, palitan na natin ang mga negatibong kaugaliang Pinoy. Kung nais nating baguhin ang lipunan, ngayon pa lang baguhin na rin natin ang ating kultura. Panahon na upang isuka natin at tanggalin sa ating bokabularyo ang negatibong “ningas-kugon”, “maƱana habit”, “crab mentality” at “Spanish time”. At gawin nating palasak sa ating kultura at pamayanan ang mga positibong konseptong “ningas-bao”, “handa na habit”, “ant mentality” at tamang konsepto ng “Filipino time” (tama sa oras). At kung magagawa natin ito, mga kaibigan at kababayan, ngayon pa lang, ito na ang aming sasabihin: “Wow! Ang galing mo, Pilipino!”

Ang Reporter bilang Imbestigador, Manunulat, at Historyan

Ang Reporter bilang Imbestigador, Manunulat, at Historyan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napakahalaga ng balita sa pang-araw-araw na buhay ng bawat isa. Dahil sa balita, nalalaman ng taumbayan kung anong nangyayari sa ating kapaligiran o sa iba pang panig ng mundo, at nagkakaroon sila ng mga impormasyon na kinakailangan nilang malaman bilang myembro ng lipunan. Nakagagawa agad sila ng anumang desisyon batay sa kanilang pagsusuri ng mga balita. At ang nagbibigay sa atin ng mga balita ay ang mga reporter.

Ang mga reporter ang naghahanap ng balita, mabilis sa balita, at unang-unang nagpupunta sa lugar kung saan may mahalaga o pangit na pangyayari. Ang kanyang papel ay hindi lang sa dyaryong kanyang pinaglilingkuran, kundi higit sa lahat, sa publiko. Dahil sa mga reporter, nalalaman natin ang iba’t ibang nangyayari sa lipunan at kapaligiran. Dagdag pa, walang isusulat ang mga kolumnista at editor upang bigyan ng opinyon kung walang balita.

Ang reporter ang laging nasa front line. Sila ang una sa battlefield, at laging una sa balita. Halimbawa, may nangyaring bagyo, lindol, banggaan, demolisyon, kidnapping, murder, gera, impeachment, rali, at iba pa, agad itong iniuulat ng mga reporter. Ayon nga kay Knickerbocker, “Whenever you find thousands of people getting out of a place and a few good men entering it, you know that the latter are newspapermen.”

Ang reporter, sa pangunahin, ay imbestigador. Mag-iimbestiga muna siya upang may isulat at iulat sa publiko. Ang simpleng pagbabalita ay ginagamitan ng pagsagot sa 5W and 1H o mga katanungang who, what, when, where, why at how (sino, ano, kailan, saan, bakit at paano)? Kapag naimbestigahan na niya at nakuha ang kinakailangang mga datos, isusulat naman niya ito sa paraang madaling maunawaan ng mambabasa. Dito naman pumapasok ang katangian niya bilang manunulat. Isusulat niya ang balita sa estilong mauunawaan siya ng simpleng mambabasa na kahit Grade Three lang ang inabot na antas ng pag-aaral. Ayon kay Mort Rosenblum, correspondent ng Associated Press, sa kanyang librong Who Stole the News?, “Kapag nagkaroon ng sunog sa kailaliman ng gabi, ang gagawin ng bumbero’y pupunta sa lugar upang patayin ang sunog. Ngunit ang reporter ay mag-uulat sa milyong tao kung anong pinagmulan ng sunog, bakit at paano nagkasunog, kanino nagsimula ang sunog, saan at kailan ito nangyari, ilan ang apektado, halaga ng natupok ng apoy, at iba pang detalyeng kailangan ng mga tao.”

Ang mga nalathalang balita ng reporter ay magsisilbing kasaysayan na pagdating ng panahon. Sabi nga, ang journalism ay “history in a hurry”. Ibig sabihin, ang mga isinulat ng reporter ay magsisilbing patunay ng mga nangyari sa kanyang panahon para sa mga susunod na henerasyon. Halimbawa, nalaman natin sa mga aklat ang nangyari noong panahon ng pananakop ng Hapon, martial law ni Marcos, Edsa Uno, eleksyon, dahil sa mga balitang naisulat noong panahong iyon. Ang pinagbatayan ng aklat, bukod sa mga panayam, ay ang mga pahayagang umiral ng panahong iyon.

Di iba rito ang ating pahayagang Obrero at publikasyong Taliba ng Maralita. Sa ngayon, ang mga reporter nito ang gumagawa ng balita. Tulad ng pahayagang Tambuli na lumabas noong Mayo 1, 1913 bilang pahayagan ng uring manggagawa sa panahong naghahari pa ang mga Amerikano sa Pilipinas, anumang nalalathala sa pahayagan ay magagamit ng susunod na henerasyon upang kunan ng impormasyon at mga aral na nakatutulong sa kanila. Sa ngayon, kapansin-pansing karamihan ng mga nalalathalang pahayagan sa Pilipinas ay pag-aari ng mga kapitalista, kung saan ang mga balita ay karaniwang kampi o bias sa mga elitista’t naghaharing uri sa lipunan. At bihirang mailathala at mapag-usapan ang mga tunay na nangyayari sa mga mahihirap, lalo na sa mga manggagawa.

Dahil dito, malaking hamon ang kinakaharap ng mga reporter pagkat dapat niyang maimbestigahan, maisulat at mailathala ang mga balitang nangyayari sa mga manggagawa, maralita, mangingisda, kababaihan, kabataan, at iba pang maliliit na sektor ng ating lipunan.

Ang reporter bilang imbestigador, manunulat at historyan ay nararapat lamang na maglingkod, hindi sa mga elitista, kundi sa uring kanyang kinabibilangan.

(Ang Obrero ay pambansang pahayagan ng mga manggagawa sa Pilipinas, na direktang nakararating sa iba’t ibang unyon ng mga manggagawa, habang ang Taliba ng Maralita ang opisyal na pahayagan ng KPML o Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod, isang pambansang samahan ng mga maralita sa lunsod)

Disiplina at Karangalan

DISIPLINA AT KARANGALAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(The Featinean, June 1994, pahina 32)

Sa ikauunlad daw ng bayan, disiplina ang kailangan. Masasalamin natin sa kasabihang ito kung ano ang tinatawag nating disiplina.

Marami ang nakakaalam ng kasabihang ito, ngunit kakaunti naman ang tunay na nakakaunawa ng tunay na kahulugan nito. Ang disiplina’y hindi lamang sa pamamagitan ng simpleng pagsunod sa tinig ng ating budhi, kundi sa pagiging marangal at paggawa ng tamang bagay, sa tamang panahon, tamang lugar, tamang paraan, at may tamang layunin, nang hindi nakasasakit ng damdamin ng iba. Bagkus, nakagaganda pa ito ng ugnayan ng isang tao sa kanyang kapwa, pamilya, pamayanan at daigdig.

“Madaling magpakatao, mahirap magpakatao.” Ang disiplina ay di lang nakikita sa ganda ng porma, pagiging mayaman at tanyag sa lipunan, bagkus mas higit na dapat bigyang pansin ang paggawa ng kabutihan at kaayusan para sa kapakanan, hindi lang ng sarili, kuni ng iba pang tao.
Ikaw kaya, kaibigan, masasabi mo bang disiplinado ang isang tao kung siya’y laging maganda ang bihis, mayaman at kilala sa lipunan samantalang pinababayaan naman niya ang kalikasan at kalagayan ng ibang tao? Ang isang mayaman na nagbibigay ng malaking donasyon sa simbahan ngunit sa masamang paraan niya kinukuha ang kanyang kayamanan ay masasabi nating hindi isang disiplinadong tao dahil siya’y hindi marangal. Mas higit pang marangal sa kanya ang isang pulubing namamalimos sa lansangan. Kung isa kang lingkod ng bayan ngunit nangungurakot ka naman, matatawag ka bang disiplinado at marangal? Hindi pala dapat ihiwalay ang disiplina sa karangalan, kaibigan.

Ang isang estudyante ay masasabing disiplinado kung pumapasok siya sa klase sa tamang oras, nagsisikap matuto at matiyaga sa kanyang pag-aaral. Ang pamamasyal at pagliliwaliw ay hindi masama basta’t hindi naaapektuhan ang iyong pag-aaral at iba mo pang gawain dahil bahagi ito ng ating pag-unlad bilang tao. Mahirap naman kung parati kang seryoso sa pag-aaral ngunit hindi mo naman nabibigyan ng panahon ang makapag-relaks, magliwaliw at makihalubilo sa lipunan. Maling konsepto ng disiplina ang nalalaman mo kung hindi mo naman nabibigyan ng kasiyahan ang buhay mo. Basta ba wala kang ginagawang masama at hindi mo pinababayaan ang mga gawain mo. May panahon ka sa pag-aaral kaya gamitin mo nang wasto ang oras na ito para marami ka pang matutunan. Huwag sayangin ang panahon at perang ginagasta para lang makapag-aral ka.

Paano tayo magiging disiplinado, kaibigan? May ilang akong maipapayo. Gawin mo ang mabuti ayon sa kakayahan mo at gampanan mo nang mahusay kung ano ang papel mo sa pamayanan. Halimbawa, isa kang working student. Pag oras ng trabaho, magtrabaho ka. Kung oras naman ng pag-aaral, mag-aral kang mabuti. Hindi dapat maging dahilan ang pagiging working student mo para ipasa ka ng iyong guro.

Ngunit may mga bagay din minsan na nakalilito tungkol sa disiplina. Halimbawa, isa kang trabahador sa isang pribadong kampanya, at limang minuto na lang, late ka na. Mahigpit pa naman ang amo mo. Eh, patawid ka ngayon ng kalsada ngunit pula ang ilaw sa takdang tawiran. Tumawid ka dahil kailangan mong magmadali. Isa pa’y bihira naman ang dumadaang sasakyan. Disiplinado ka ba o hindi? Kung dadaanin sa batas, mali ka dahil tumawid ka na pula ang ilaw. Ngunit sa praktikal na pananaw, tama pa ring tumawid dahil wala namang dumaraang sasakyan, bukod sa makakahabol ka sa oras, hindi ka pa mapapagalitan ng boss mo. Medyo kumplikado ang disiplinang tinutukoy, ano po? Marahil kaya kumplikado dahil iniisip natin na ang patakaran ay patakaran, ang batas ay batas na hindi maaaring suwayin. At may dalawang patakarang masasabi nating nagbabanggaan sa isang partikular na sitwasyon. Batas sa trapiko (huwag tumawid kapag pula ang ilaw) laban sa batas ng kumpanya (huwag ma-late at baka matanggal sa trabaho).

Gayunman, kailangan nating maging disiplinado at sumunod sa mga patakaran lalo na kung ito ang hinihingi ng sitwasyon, at nais nating maging maayos ang lugar na ating ginagalawan, pati na rin ang mga taong ating nakakasalamuha.

Kung disiplinado ka, magpakatao ka. At kung nagpapakatao ka, disiplinado ka. Gagawin mo ang tama at marangal. Ipagpatuloy mo ito lalo na kung alam mo namang ikahuhusay ito ng mas nakararaming tao. Tiyak na susuportahan ka ng iba sa mga wasto mong gawain.
Makakamit natin ang pinakamarangal na dignidad kung tayo ay may disiplina lalo na kung nauunawaan natin at isinasagawa ang tunay na kahulugan nito. Ang gawaing may malinis, marangal at mabuting hangarin ay nagbibigay-dangal sa isang tao.

Higit sa lahat, sa ugali mo masasalamin ang tunay na disiplina, kaibigan at hindi sa panlabas na kaanyuan ng isang tao at ang disiplinang ito ay karangalan, na siyang tanging kayamanan na ng tao, kayamanang hindi nabibili, hindi mananakaw, at ito’y mananatili kailanman! Karangalang higit na kailangan sa katuparan ng hinahangad na kaunlaran. Karangalang higit pa sa kayamanan.