Miyerkules, Marso 26, 2008

Ang Reporter bilang Imbestigador, Manunulat, at Historyan

Ang Reporter bilang Imbestigador, Manunulat, at Historyan
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napakahalaga ng balita sa pang-araw-araw na buhay ng bawat isa. Dahil sa balita, nalalaman ng taumbayan kung anong nangyayari sa ating kapaligiran o sa iba pang panig ng mundo, at nagkakaroon sila ng mga impormasyon na kinakailangan nilang malaman bilang myembro ng lipunan. Nakagagawa agad sila ng anumang desisyon batay sa kanilang pagsusuri ng mga balita. At ang nagbibigay sa atin ng mga balita ay ang mga reporter.

Ang mga reporter ang naghahanap ng balita, mabilis sa balita, at unang-unang nagpupunta sa lugar kung saan may mahalaga o pangit na pangyayari. Ang kanyang papel ay hindi lang sa dyaryong kanyang pinaglilingkuran, kundi higit sa lahat, sa publiko. Dahil sa mga reporter, nalalaman natin ang iba’t ibang nangyayari sa lipunan at kapaligiran. Dagdag pa, walang isusulat ang mga kolumnista at editor upang bigyan ng opinyon kung walang balita.

Ang reporter ang laging nasa front line. Sila ang una sa battlefield, at laging una sa balita. Halimbawa, may nangyaring bagyo, lindol, banggaan, demolisyon, kidnapping, murder, gera, impeachment, rali, at iba pa, agad itong iniuulat ng mga reporter. Ayon nga kay Knickerbocker, “Whenever you find thousands of people getting out of a place and a few good men entering it, you know that the latter are newspapermen.”

Ang reporter, sa pangunahin, ay imbestigador. Mag-iimbestiga muna siya upang may isulat at iulat sa publiko. Ang simpleng pagbabalita ay ginagamitan ng pagsagot sa 5W and 1H o mga katanungang who, what, when, where, why at how (sino, ano, kailan, saan, bakit at paano)? Kapag naimbestigahan na niya at nakuha ang kinakailangang mga datos, isusulat naman niya ito sa paraang madaling maunawaan ng mambabasa. Dito naman pumapasok ang katangian niya bilang manunulat. Isusulat niya ang balita sa estilong mauunawaan siya ng simpleng mambabasa na kahit Grade Three lang ang inabot na antas ng pag-aaral. Ayon kay Mort Rosenblum, correspondent ng Associated Press, sa kanyang librong Who Stole the News?, “Kapag nagkaroon ng sunog sa kailaliman ng gabi, ang gagawin ng bumbero’y pupunta sa lugar upang patayin ang sunog. Ngunit ang reporter ay mag-uulat sa milyong tao kung anong pinagmulan ng sunog, bakit at paano nagkasunog, kanino nagsimula ang sunog, saan at kailan ito nangyari, ilan ang apektado, halaga ng natupok ng apoy, at iba pang detalyeng kailangan ng mga tao.”

Ang mga nalathalang balita ng reporter ay magsisilbing kasaysayan na pagdating ng panahon. Sabi nga, ang journalism ay “history in a hurry”. Ibig sabihin, ang mga isinulat ng reporter ay magsisilbing patunay ng mga nangyari sa kanyang panahon para sa mga susunod na henerasyon. Halimbawa, nalaman natin sa mga aklat ang nangyari noong panahon ng pananakop ng Hapon, martial law ni Marcos, Edsa Uno, eleksyon, dahil sa mga balitang naisulat noong panahong iyon. Ang pinagbatayan ng aklat, bukod sa mga panayam, ay ang mga pahayagang umiral ng panahong iyon.

Di iba rito ang ating pahayagang Obrero at publikasyong Taliba ng Maralita. Sa ngayon, ang mga reporter nito ang gumagawa ng balita. Tulad ng pahayagang Tambuli na lumabas noong Mayo 1, 1913 bilang pahayagan ng uring manggagawa sa panahong naghahari pa ang mga Amerikano sa Pilipinas, anumang nalalathala sa pahayagan ay magagamit ng susunod na henerasyon upang kunan ng impormasyon at mga aral na nakatutulong sa kanila. Sa ngayon, kapansin-pansing karamihan ng mga nalalathalang pahayagan sa Pilipinas ay pag-aari ng mga kapitalista, kung saan ang mga balita ay karaniwang kampi o bias sa mga elitista’t naghaharing uri sa lipunan. At bihirang mailathala at mapag-usapan ang mga tunay na nangyayari sa mga mahihirap, lalo na sa mga manggagawa.

Dahil dito, malaking hamon ang kinakaharap ng mga reporter pagkat dapat niyang maimbestigahan, maisulat at mailathala ang mga balitang nangyayari sa mga manggagawa, maralita, mangingisda, kababaihan, kabataan, at iba pang maliliit na sektor ng ating lipunan.

Ang reporter bilang imbestigador, manunulat at historyan ay nararapat lamang na maglingkod, hindi sa mga elitista, kundi sa uring kanyang kinabibilangan.

(Ang Obrero ay pambansang pahayagan ng mga manggagawa sa Pilipinas, na direktang nakararating sa iba’t ibang unyon ng mga manggagawa, habang ang Taliba ng Maralita ang opisyal na pahayagan ng KPML o Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod, isang pambansang samahan ng mga maralita sa lunsod)

Walang komento: