Miyerkules, Marso 26, 2008

Panawagan Nila'y Katarungan

PANAWAGAN NILA’Y KATARUNGAN

ni Gregorio V. Bituin Jr.



(PAUNAWA: Ang akdang ito, sa anyong monologo, ay iniaalay sa lahat ng naghahangad ng naghahangad ng progresong may hustisyang panlipunan. Binigyang halimbawa lamang dito ang nangyari sa North Triangle sa Lunsod Quezon, ngunit marami pang kasong ganito ang nangyayari sa iba pang lugar. Nawa’y makakita ang may mga mata, makarinig ang may mga tenga, makaramdam ang may mga puso, at makaunawa ang marunong umunawa.)

Kailanman, ang katarungan ay hindi nahihingi. Ito’y ipinaglalaban. Kailanman, ang katarungan ay hindi nahihingi kaninuman, lalo na sa burgesya, lalo na sa naghaharing uri sa lipunan, lalo na sa isang gobyernong pinatatakbo ng kapital. Sagad na hanggang sa buto, hanggang sa laman, hanggang sa kaliit-liitang himaymay ng kalamnan ang kaapihang kanilang dinanas. Ang kasalukuyang lipunan ay hindi parehas.

Nobyembre 25, 1997. Nabigla ang mga taga-North Triangle sa Lunsod Quezon nang biglaang winasak ng tropa ng demolisyon, kasama ang mga unipormadong pulis, na ginamit pa ang gaya nilang mga mahihirap, ang kanilang mga tahanan. Pinalayas sila dahil nais ng pamahalaan na pagtayuan ito ng MRT III, isang makabagong transportasyong tatahak sa kahabaan ng EDSA. Ngunit ayaw lumisan ng mga nakatirang maralita sa kanilang lugar, dahil walang naganap na matinong negosasyon. Ngunit sila’y pwersahang pinaalis. Oo, pwersahan! Para silang mga hayop na itinaboy sa kanilang mga tirahan. Maraming nawalan ng tahanan. Maraming nasaktan! Ni hindi man lang nagbigay ng pagkakataon sa mga pamilyang naririto na magkaroon ng matinong pag-uusap. May alokasyon daw para sa makataong relokasyon, pero hindi pala ito totoo. Mahigit sa isanlibong pamilya ang nawalan ng tahanan. Magpapasko noon nang itinirik ng mga taga-North Triangle ang kanilang pansamantalang silungan sa mismong harapan ng gate ng Kongreso. Sa ilalim ng init ng araw at sa kalamigan ng gabi, bagamat nasa loob ng manipis na tabing, ipinagdiwang nila doon ang kapaskuhan at bagong taon. Tunay ngang kaawaawa ang kanilang kalagayan. Ang kailangan nila’y katarungan.

Ang MRT III ay isang makabagong teknolohiya para sa transportasyon. Malaki ang maiaambag nito sa tuluy-tuloy na progreso ng ating bansa. Pero progreso para kanino? Sila sa North Triangle ay hindi laban sa progreso. Ngunit sila’y laban sa progresong walang hustisyang panlipunan! Oo, walang hustisya ang pagpapademolis sa kanila. Wala silang malilipatan. Walang maayos na pag-uusap. Kung may malilipatan man, itatapon sila sa malalayong lugar na hindi abot ng kanilang hanapbuhay, hindi abot ng kanilang nag-aaral na mga anak. Iyan ba, iyan ba ang klase ng progresong ipinagmamalaki ng pamahalaan?

Sa nangyaring ito sa kanila, sino ang magsasabing umiiral ang hustisya? Hanggang ngayon, sumisigaw sila ng katarungan, dahil labing-apat na ang namatay sa kanila. Labing-apat na! oo, labing-apat! Labingdalawa sa mga namatay ay pawang mga bata. Mga batang wala pang muwang sa mundong ito! Mga batang sana’y magiging kaagapay ng kanilang mga magulang. Mga batang mayroong mumunting pangarap na gusto nilang abutin. Halos sila’y namatay sa sakit sa loob ng sira-sirang tent sa mismong harapan ng Kongreso. Sila na namatay dahil tinanggal ng burgesyang ito ang kanilang dapat sana’y makataong karapatan sa paninirahan. Sila na namatay dahil hindi maipaospital at maipagamot ng kanilang mga magulang dahil nawalan din ng hanapbuhay. Mahal pa naman ang pagpapagamot. Dahil sa mismong ospital, kailangan mo munang magdeposito bago ka magamot. Ganyan kaganid ang sistema ng burgesya. Halos lahat ay may katapat na pera. Oo, ang burgesyang ito ang dahilan. Pinatay ng burgesyang ito ang pangarap ng kanilang mga magulang! Oo, ang burgesyang ito, ang marahas na kapitalistang sistemang ito ang dahilan ng kanilang pagkamatay!

Hihintayin pa ba nating may mamatay pa? Hihintayin pa ba nating ito’y madagdagan pa dahil sa ginawang makahayop na pagpapalayas sa kanila? Hihintayin pa ba nating ito’y madagdagan pa dahil sa kapabayaan ng pamahalaan? Hihintayin pa ba nating ito’y maging labinlima, dalawampu, limampu, isandaan? Hihintayin pa ba nating mangyari rin ito sa iba dahil may kinikilingan ang batas? May halaga pa ba ang buhay sa lipunang ito? May halaga pa ba ang buhay sa mapang-aping sistemang ito? Nasaan na ang katarungan?

Hindi mababayaran gaano mang halaga ng ginto o salapi ang nararamdamang sakit ng isang magulang. Hindi nito mapapantayan ang halaga ng buhay na nalagas dahil sa kainutilan ng gobyernong ito sa kapakanan ng mga mahihirap. Nasaan na ang katarungang sinasabi ng gobyernong ito, ng gobyernong “para sa mahirap” kung lagi itong nakalingon sa mga taong tumulong sa pagpipinansya ng kanyang kandidatura noong eleksyon? Buti pa ang mga ngising-asong kapitalista, nalilingon, napapasalamatan. Pero ang mga mahihirap na nagkandahirap magdikit ng kanyang mga mukha sa pader at magbigay ng kanyang polyetos dahil sa kanyang pangakong “para sa mahirap” ay hindi man lamang natinag para intindihin ang kanilang abang kalagayan. Aaahhh, laway lang pala ang islogang “para sa mahirap”.

Kanino pa sila tatakbo kung ang mismong namumuno sa pamahalaan na siyang kanilang ibinoto nuong halalan, pinaghirapang maipanalo, dahil ang kandidatong ito raw ay “para sa mahirap”, ay hindi sila matulungan sa kanilang mga problema? Kanino pa sila susuling? Saan pa sila pupunta? Sa Presidential Action Center ba na pinagpapasa-pasahan lamang sila? Sa HUDCC? Sa mga ahensya ng gobyerno? O kakapit na lang sila sa patalim? Sa dulo ng baril? O lalahok sila sa isang madugong rebolusyong papawi sa pagsasamantala ng tao sa tao?

Paano kaya kung sa burgesya ito mangyari? Tiyak na ito’y pakikinggan, kung paanong agarang imbestigasyon agad ang ginawa ng burgesya sa pagkamatay ng isang Ong, o isang Charlene Sy, mga batang anak-mayaman. Magkaibang taon at lugar, pero parehong kinidnap ngunit napatay ng kidnaper nang hindi kaagad makapagbigay ng ransom ang kanilang mga magulang. Sa bawat pagkamatay ng mga anak-mayamang ito, pinag-usapan sa mga pahayaga, radyo at telebisyon, at nagluksa ang bayan. Ano ang kaibahan ng pagkamatay ng isang Ong, ng isang Sy, sa labing-apat na batang mahihirap na namatay nang dinemolis ang kanilang mga tahanan? Ano ang kaibahan ng nabanggit na dalawang batang anak-mayaman sa labing-apat na batang mahihirap? Pare-pareho silang biktima ng sistemang umiiral. Ang una’y biktima ng mga naghahangad ng ransom upang yumaman, samantalang ang huli’y biktima ng kahirapan.

Anong klaseng sistema ito na pinaiiral lang sa palad ng mga maysalapi? Hindi na nga pantay ang distribusyon ng yaman sa lipunan, pati ang batas ay mayroon na ring kinikilingan! Anong klaseng gobyerno mayroon tayo!? Ang gobyernong ito na sumisigaw ng progreso, pero isang progresong huwad, progresong makaisang panig, progresong walang hustisyang panlipunan! Magkano na ba ang buhay ngayon? Katarungan, nasaan ka na? katarungan, sadya bang wala ka nang nakikita kaya’t lagi nang nakapiring ang iyong mga mata? Katarungan, bulag ka na bang talaga? Katarungan, magkano ka na?

Kapag nakidnap ay isang batang mayaman, mabilis pa sa alas-kwatro’y nandiyan kaagad ang lahat ng pwersa ng pulisya at pamahalaan upang magsagawa ng imbestigasyon at hulihin kaagad ang maysala. Kapag namatayan ng bata ang isang pamilyang mahirap, nasaan ang hustisya? Kapag namatay ay isang batang mahirap dahil sa kapabayaan ng gobyernong ito, nasaan ang hustisya? Nasaan ang hustisyang itinuturo ng burgesya sa kanilang mga eskwelahan? O sadyang bulok ang sistema ng edukasyon sa ating bansa, kaya hindi nila alam na ang hustisya’y para sa lahat? Nasaan ang hustisyang itinuturo ng iba’t ibang relihiyon? O baka naman ang itinuturo ng relihiyon ay “magtiis ka muna, anak, dahil hindi dito ang ating mundo.” O baka naman sila’y katulad ng mga pariseo at hentil na tinuligsa ni Hesus dahil ang kanilang kabanalan ay pagpapakitang-tao lamang? Anong klasng hustisya ang itinuturo sa mga Law Schools, o sa akademya ng militar at pulis? O baka naman ang itinuturo sa kanila’y hindi hustisya para sa lahat, kundi kung papaano dedepensahan ang pribadong pag-aari ng mga naghaharing-uri, hindi ang ipagtanggol at ipaglaban ang buhay at karapatan ng mamamayan? Anong klaseng hustisya ang pinaiiral ng burgesya? Sa kasalukuyang sistemang kapitalismong umiiral ngayon, maaasahan pa ba natin ang hustisyang ito? Tunay ngang malupit ang sistemang ito!

Ang mga maralitang taga-North Triangle ay sa harapan na ng Kongreso nagtayo ng kanilang pansamantalang tahanan. Ngunit nasaan ang mga kongresistang halos lingu-linggo’y naririto sa Kongresong ito? Nasaan sila? Sila ba’y kasama na rin sa mga bulag at bingi, gaya ng karamihan sa ating pamahalaan? Ilang beses na ba nilang dinaanan ang mga bahay-bahayang ito kung papasok sila sa kanilang malalamig na opisina sa Kongreso? O baka naman lagi silang absent, kaya hindi nila napapansin ang mga paghihirap ng mga maralitang taga-North Triangle? O baka naman natulad na rin ang mga kongresistang ito sa mga kapitalistang balyena? Silang mga kongresistang nangakong tutulong sa mga mahihirap nuong panahon ng halalan, nasaan sila sa laban ng mga maralitang ito? Nasaan sila sa laban ng iba pang maralitang nawalan at mawawalan din ng tahanan? Nasaan na rin ang mga taga-media? Sila na may sinumpaang tungkuling ipagtatanggol ang katotohanan, nasaan sila? Ah, sana’y hindi lang nagpapasarap ang mga taga-media’t kongresistang ito.

Ang nangyari sa North Triangle ay simbolo ng pagkamatay ng karapatang pantao. Tuwing ika-10 ng Disyembre ay “International Human Rights Day”, pero para saan? Kung sila ngang taga-North Triangle na nagtirik na ng kanilang pansamantalang tirahan sa harapan mismo ng gate ng Kongreso ay hindi mapansin at mabigyan ng kasagutan ang kanilang mga kahilingan, eh, paano na iyung iba pang madedemolis din? Sila na ang tanging hangad lamang ay simpleng pamumuhay at kabutihan ng kanilang mga anak. Sila na ang hangad ay ipaglaban ang kanilang karapatan. Sila na ang tanging hangad ay katarungan para sa kanilang mga namatay na anak! Kanino pa sila dudulog, kung mismong gobyerno ay bulag kahit nakakakita, at bingi kahit naririnig na ang hinaing ng mga mahihirap? Ang gobyernong ito na hindi nga pipi dahil sigaw ng sigaw ng progreso, pero progresong hindi para sa lahat! Progreso para kanino? Hustisya para kanino? Para lang sa mga maypera. Para lang sa mga kauri nila. Para lang sa mga kapitalistang hindi na makontento sa laksa-laksa nilang kinikita. Laksa-laksa nilang tinutubo. Sa nangyaring ito, ang mismong karapatang pantao ng karaniwang mamamayan ay harap-harapang niyuyurakan. Paano na kaya kung ang nangyari sa kanila’y mangyari din sa iyo, sa pamilya mo, sa mga mahal mo sa buhay? Oo, tama ka. Hindi nga makatao ang sistemang ito, ang sistemang umiiral sa ating lipunan. Inutil na lang siguro ang maniniwalang makatwiran pa ang sistemang ito. Panahon na upang baguhin ang sistema, ang paghahari ng burgesya, ang marahas na paninibasib ng kapital.

Kailangan nang baguhin ang lipunan. Kailangan nang tapusin ang mga pagsasamantala at mismong bulok na kultura ng mismong mga naghahari sa lipunan. Ngunit magagawa lang ito kung ang uring inaapi ay lalaban sa uring mapang-api, uring mapagsamantala, uring kapitalista. Panahon na upang magising ang uring anakpawis sa kinahihinatnan ng kanyang kapwa anakpawis. Panahon na upang lumaya ang mga anakpawis mula sa kuko ng mga mapang-api.

Kaya para sa mga aktibistang gaya ko, hanggang sa huling sandali man ng aming buhay, ipaglalaban namin ang pagbabago, hindi lang ng pamahalaan, kundi pagpawi ng burgesyang naging dahilan ng maagang pagkamatay ng labing-apat na batang ito. Hindi ko kailanman pinangarap maging isang aktibista, ngunit dahil nakikita at nararamdaman ko ang kainutilan ng umiiral na sistema ng lipunan, mas ninais ko pa na makiisa sa mga mahihirap na ito, sa mga pakikibakang ito, kaysa manatiling nasa panig ng burgesya na wala namang saysay ang pagkatao dahil bulag at bingi sa mga nangyayari sa paligid. Isang burgesyang walang katiting na karangalan dahil binulag na ng pag-iisip kung paano laging magkakamal ng mas malaking tubo at hindi iniisip kung sino ang mapeperwisyo. Isang burgesyang ang nakikita lang ay ang kinang ng ginto at ang naririnig lang ay ang kalansing ng salapi. Ayaw kong maging bahagi ng sistemang yumuyurak sa dignidad ng aking kapwa. Para sa mga naghaharing uri sa lipunan, ang tingin nila sa mga mahihirap ay mga aliping sagigilid, walang dangal, patay-gutom, madaling mabili pati kaluluwa, at walang karapatan sa mundo. Para sa aming mga aktibista, pantay-pantay dapat ang pagtingin sa lahat, dahil ang bawat tao ay may dignidad, may karangalan, may damdamin. Kaya’t dapat lang umiral ang hustisya para sa lahat.

Alam namin, malagutan man kami ngayon ng hininga, may magpapatuloy pa rin ng aming mga pangarap. Hangga’t nananatili ang ganitong uri ng sistema sa lipunan, patuloy na magsusulputan ang mga bagong aktibista. Na katulad namin ay naghahangad din ng pagbabago at pagkakapantay-pantay ng karapatan. Alam namin, nauunawaan kami ng aming sariling pamilya, lalo na ng sariling inang nagmamahal sa amin. Dahil alam nila, ito’y hindi lang para sa amin. Ito’y para rin sa mga susunod na henerasyon. Para sa aming magiging mga anak, mga apo. Hangga’t nananatili ang marahas na sistemang kapitalismo na yumuyurak sa ating dangal at unti-unting pumapatay sa ating pagkatao, mananatiling buhay ang aming mga pangarap. At patuloy namin itong ipaglalaban. Hanggang sa huling pugto ng aming hininga.

Alam ko, kasama kita sa pakikibakang ito.

(Sinulat ang akdang ito bandang 1998.)


Walang komento: