Miyerkules, Marso 26, 2008

Himagsik ng Tupang Pula

HIMAGSIK NG TUPANG PULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ako’y isang tupang pula. Ibig sabihin, hindi ako tupang itim na suwail sa magulang. At hindi rin naman ako tupang puti na sunud-sunuran na lamang kung ano ang gusto nina Ama’t Ina.

Isa akong tupang pula. Ibig sabihin, may prinsipyo. May paninindigan kahit kaiba ito sa kagustuhan ng aking mga magulang. Sa madaling salita, ako’y isang aktibista. Aktibo sa usaping panlipunan. May pakialam sa nangyayari sa aking kapaligiran. At pinag-aaralan ko mismo kung ano ang lipunan. At kung naging aktibista man ako, hindi ibig sabihin noon ay rebelde na ako. ‘Yung iba kasi, ang tingin sa aktibista at rebelde ay pareho lang, gayong malaki ang kaibahan nila. Totoong ang mga aktibista ay nagrerebelde sa mga maling kalakaran sa pamahalaan. Ngunit malaking bilang ng mga rebelde, sa wari ko, ay hindi naman mga aktibista.

Maraming mga api ang humawak ng armas kaya naging rebelde, na pagkatapos makamit ang hinihingi nilang lupa o anupamang kahilingan ay titigil na sa pagiging rebelde. Winawagayway na nila ang bandilang puti tanda ng pagsuko.

Ang aktibista’y pinag-aaralan ang takbo ng lipunan. Karamihan sa kanila’y hindi naman inapi ngunit dahil sa kanilang mga pagsusuri sa lipunan ay nagnanais tumulong at maging bahagi ng pagbabago. Hindi sa kanya pangunahin ang armas, kundi ang teorya ng pagrerebolusyon. Mas lapat sa kanyang tawaging rebolusyonaryo. Siya ang tupang pula. Pero paano nga ba ako naging tupang pula? At bakit pula ang tupa?

Nagsimula ang lahat ng ito sa simpleng pagtatanong. At nagtatanong ako dahil nais ko ng kasagutan sa aking mga nakikita, nadarama at nararanasan. Bakit nga ba may mga taong namumulot ng pagkain sa basurahan, ‘yung bang mga tinatawag na “pagpag” na itinapon ng Jollibee o McDo? Bakit nga ba laging pinagbibintangang terorista ang mga Muslim? Kasama ba sa relihiyon nila ang terorismo? At ang mas malalim na tanong, at kadalasang katanungan din ng marami: Bakit nga ba may mahirap at mayaman? At kung lalagyan pa ito ng numero, lalong lalantad ang mapait na katotohanan: Bakit nga ba laksa-laksa ang naghihirap habang may kakarampot na nagpapasasa sa yaman ng lipunan?

Nag-aaral na ako sa kolehiyo noon at kasaping manunulat sa publikasyon ng mag-aaral nang ako’y maanyayahang sumama sa isang pulong ng mga lider-estudyante. Nagpadala sila ng sulat-paanyaya sa aming publikasyon at ako ang naatasang dumalo sa nasabing pulong. Sa madaling salita, nakilala ko ang karamihan sa kanila, na pawang mga iskolar, aktibista at kinikilalang mga lider-estudyante. Doon na nagsimula ang pagsama-sama ko sa kanila.

Hanggang sa bigyan nila ako ng pag-aaral at pinadalo sa mga talakayan hinggil sa mga isyung pang-estudyante tulad ng pagtaas ng presyo ng matrikula. Nang lumaon ay pinag-aralan na rin namin ang mga pang-ekonomya at pampulitikang usapin hinggil sa lipunan. Nariyan din ang aming talakayan at malalimang pag-uusap hinggil sa usapin ng karapatang pantao. Bakit mali ang warrantless arrest? Bakit may tinatawag na desaparecidos, o iyong mga sapilitang nangawala? Bakit sinasabi ng marami na walang kapayapaan kung walang hustisyang panlipunan? Ano nga ba ang hustisyang panlipunan? Bakit dapat panlipunan ang hustisya, at hindi para lamang sa mga nasaktan o nabiktima?

Malalim kong pinag-aralan ang lipunan upang masagot ang ilang mga bagay na gumugulo sa aking isipan. Kung magmamasid lamang tayo, alam nating nakapaglakbay na ang tao sa kalawakan. Napakalayo na ng iniunlad ng sibilisasyon mula nang gumagala pa ang primitibong tao sa gubat para makakuha ng kanyang makakain. Pero kung pagmamasdan natin ang paghihikahos ng mayorya ng populasyon, parang walang pag-unlad sa kalidad ng kanilang buhay. Kung kailan napakalaki ng itinaas ng produksyon ng pagkain, saka naman milyun-milyon ang namamatay sa gutom at nagkakasakit sa malnustriyon. Naglalakihan nga ang mga gusali at mansyon sa mga sentrong lungsod, pero wala namang matirhan ang daan-daang milyong tao sa mundo. Walang kapantay ang pag-unlad ng industriya at teknolohiya, pero tatlong bilyon ang walang sapat at tiyak na trabaho. Inililigtas ang mga hayop sa bingit ng ekstinksyon, pero pinababayaan naman ang milyon-milyong taong mistulang mga dagang nabubuhay sa mga estero at pusali ng modernong lipunan. Hanggang ngayon, kalunos-lunos ang kalagayan ng maraming tao, habang nagpapasasa sa karangyaan ang iilan. Patunay nito ang mga datos na inilabas ng United Nations Development Programme (UNDP) na nagsasabi ring patuloy na lumalaki ang agwat ng mahirap at mayaman.

Kaya nagtutumining sa aking isipan: Bakit kailangang walang mahirap at mayaman? Bakit kailangang baguhin ang sistema ng lipunan? Maraming mga katanungang hindi basta masasagot ng basta-basta na lamang.

Sa mga usaping ito umusbong ang aking interes sa aktibismo, sa pag-aaral ng aking kapaligiran, sa mga patakaran ng eskwelahan, at mga polisiya ng pamahalaan. Ang mga temang ito ang siyang naging aking paksa sa karamihan ng aking mga sulatin sa publikasyon. Nang lumaon, sumalamin din ito sa mga tula kong nakatha. Sadyang kailangan ko ngang pag-aralan ang lipunan. Kailangang kahit papaano’y nauunawaan ko ang kasaysayan ng pakikibaka ng ating mga ninuno tulad nina Andres Bonifacio at Ninoy Aquino. Kailangang maunawaan din ang mga sulatin at teorya ng mga rebolusyonaryong tulad nina Marx, Engels, Lenin, Gramsci, at ng mga lider-manggagawang sina Crisanto Evangelista, Rolando Olalia at Filemon Lagman.

Ang pagtahak sa landas ng aktibismo’y sadyang masalimuot. Walang magulang na ikatutuwa ang pagpasok ng kanilang mga anak dito. Ngunit kailangan mong manindigan. Kailangan mong magsakripisyo alang-alang sa iyong pinaniniwalaan. Kalaunan, iniwan ko ang magandang buhay upang kumilos sa panig ng mga mahihirap at naghihikahos. Kung kinakailangan, kahit mabugbog ka pa o kaya’y mamatay. Ikaw, handa ka bang mamatay alang-alang sa iyong prinsipyo? Katunayan nga, kailangan ko talagang umalis sa bahay upang ang init ng aktibismo sa akin ay hindi mabuhusan ng malamig na tubig na sermon ni Ina. Ano nga bang pipiliin ko: ang pangaral ni Ina o ang sarili kong desisyon at landas na tatahakin hanggang sa aking kamatayan. Nagpasiya ako. Ipagpapatuloy ko ang pagtahak sa larangan ng aktibismo, sa landas tungo sa pagbabago.

Nagagalit ang aking mahal na ina noong una, ngunit nang minsang mabugbog ako at napanood sa telebisyon, ang ibinilin niya sa akin nang muli kaming magkita, okey lang na sumama na ako sa rali pero huwag lang akong popronta, huwag akong poposisyon sa harapan. Ayaw na niyang mabalitaang nasaktan na naman ako sa rali. Ang sarap na paalala. Syempre, nanay ko ‘yun!

Maraming karanasan at aral ang idinulot ng aktibismo sa akin, na kung hindi ko ito pinili, baka ang sumada ng aking pagkatao’y hindi iba sa karaniwan, na pagkatapos ng pag-aaral ay magtatrabaho, mag-aasawa, at magpapalaki ng mga anak, hanggang sa magretiro. Ganito ang nangyayari sa aking maraming kakilala, lalo na sa aking mga kamag-anak. Ganito rin ba ang tatahakin ko?Taas-noo akong naninindigan bilang aktibista ngunit minsan ay aking napagninilayan: Paano ako magiging taas-noo kung nakikita kong maraming naghihirap ngunit wala akong ginagawa? Hindi naman ako si Batman o si Superman na pwede agad sumaklolo sa kanila. Ang paggawa ba ng mabuti sa kapwa ay sapat na? Ang maglimos ba sa pulubi ay tamang gawain? Ang magbigay ba ng kaunting mumo sa mga maralitang nagugutom ay sapat na? Basta ba pakiramdam natin, nakagawa na tayo ng mabuti sa kapwa ay sapat na? Sapat na ba na kada sweldo natin ay magbigay tayo ng limang piso sa bawat pulubi sa Quiapo?

Minsan nga, pinupuri pa ng ilan ang mga mahihirap sa kanilang pagtitipid! Hindi ba’t ito’y insulto? Parang sinasabing ang isang taong nagugutom ay kumain na lamang ng kaunti. Pulos higpit na nga sila ng sinturon, eto’t iinsultuhin pang magtipid, at patuloy pang maghigpit ng sinturon! Ang mga mahihirap ay itinuturing na hayop ng lipunang ito. Ang mga mahihirap ay itinuturing na hampaslupa, magnanakaw, busabos. Pero bakit? Nais ba ng maralita ang ituring nang ganito? O sila’y pawang mga biktima ng maling sistema sa lipunan? Isang sistemang ang mga mayayaman ay lalong yumayaman at ang mga mahihirap ay lalong naghihirap, isang sistemang ang mga mayayamang bata ay laging busog na papasok sa paaralan kaya nakakapag-concentrate sa pag-aaral, habang ang mga mahihirap ay gutom na papasok, kaya hindi rin agad nadedebelop ang kanilang utak sa murang gulang dahil sa gutom at kahirapan. Para bang ang mga mayayaman lamang ang may karapatan sa lipunang ito.

Ang edukasyon ay binibiling parang karne sa palengke. Kapag wala kang pera, hindi ka makakabili ng edukasyong nais mo sa magagaling na eskwelahan. Kapag may sakit ka, bibilhin mo ang iyong kalusugan. Kailangan mo munang magbigay ng paunang bayad sa ospital bago ka magamot. Kapag wala kang pera, kahit mamamatay ka na, hindi ka magagamot. Ang edukasyon at kalusugan ay karapatan ng bawat tao, ngunit ito’y nagiging pribilehiyo ng iilan. Sa kasalukuyan, kailangang bilhin ang edukasyon, kalusugan, at iba pang karapatan.

Dapat bang ikatuwa ng maralita na ang mga tira-tirahang pritong manok ng isang mayaman ay mailimos sa kanya? Hindi ba’t dapat na kasabay na kumakain ng mayaman sa hapag-kainan ang maralita, dahil sila’y parehong tao na may karapatang kumain, mabusog at maging malakas? Kahit sa pagkain, may pribilehiyo ang maykaya kaysa walang-wala, gayong pareho sila ng karapatan. Sinasabi nga, pakainin ang nagugutom, ngunit bakit nga ba may nagugutom? Ang usaping ito ang maaring hindi nasasagot ng nagta-charity. Ayaw nilang talakayin kung bakit may nagugutom. Ang nais lamang nila’y malaman kung sino para malimusan.

Bakit nga ba kailangan ng “charity” gayong hindi ito solusyon, kundi panakip-butas lamang sa tunay na problema. Ang dapat nating gawin ay baguhin ang lipunan kung saan imposible na ang kahirapan. Imbes na limos o charity, hindi ba’t ang mas dapat nating gawin ay pawiin ang dahilan ng kahirapan ng mamamayan? Para walang nagugutom! Para walang naghihirap! Dapat na tanggalin ang dahilan ng paglaki ng agwat ng mayayaman sa mahihirap!

Sa pagyapos ko ng taos-puso sa nakita kong aking magiging ambag sa isang dakilang hangarin, nagpatuloy ako sa landas na bihira ring tahakin ng iba, maliban sa mga naniniwalang kayang baguhin ang lipunan.

Hanggang sa mahalal ako bilang isang rehiyonal na opisyal ng isang pambansang organisasyon ng mga kabataang estudyante. Hinawakan ko ang ilang maseselang gawain, at nakadaupang-palad na rin ang iba pang aping sektor ng lipunan. Karamihan sa kanila’y naging guro ko sa Mendiola, ang makasaysayang lugar ng protesta. Ang Mendiola ay naging bahagi na ng buhay ng maraming naging estudyante nito. Dito’y matututunan mo ang mga hinaing, sakripisyo at kasaysayan ng mga taong nakakuyom ang mga kamao habang tangan nila ang mga plakard.

Maalamat ang Mendiola at masarap namnamin ang kasaysayan ng lugar na ito na binahiran ng dugo ng karaniwang tao. Narito ang eskwelahan at entablado ng protesta, ang parlamento ng lansangan. Iba’t ibang mukha ang naging guro ko dito, tulad ng mga lider-manggagawa, mga magsasaka, mga lider-maralita, kababaihan, kabataan, mga maliliit na manininda, kahit na mga estudyante sa kolehiyo. Oo, mga karaniwang tao ang naging guro sa paaralang ito, bagamat minsan ay may mangilan-ngilang pulitikong pulpol na nais magpasikat sa masa, depende sa kanyang interes.

Natutunan ko sa mga manggagawa na sila ang gumagawa ng ekonomya ng bansa, na kung wala sila, hindi tatakbo ang ekonomya, ngunit sila pa itong hindi nakatatanggap ng tamang halaga ng kanilang lakas-paggawa.

Natutunan ko sa mga magsasaka na sila ang naglilinang ng mga bukirin upang makakain ang marami nating kababayan, ngunit karaniwan, sila pang nagtatanim ng palay ang siyang walang maibiling bigas.

Natutunan ko sa mga lider-kababaihan na hindi sila tulad ni Maria Clara na mahina, lampa at iyakin, kundi sila’y tulad nina Princesa Urduja, Gabriela Silang at Lorena Barros na matatag manindigan at marunong lumaban para sa kalayaan ng bayan.

Marami pang ibang aping sektor sa ating lipunan na kung atin lamang pakikinggan ang kanilang mga hinaing at adhikain sa buhay, walang salang mauunawaan natin kung bakit kailangan talaga ng pagbabago. Pagbabago para sa pangkalahatan, at hindi para sa iilan lamang.

Nagpatuloy ako sa aktibismo sa aming paaralan at sa labas nito, na kahit ang iba pang eskwelahan ay aming pinupuntahan upang makausap at makapagtalakay sa mga lider-estudyante roon.

Dumating ang puntong wala na sa atensyon ko ang aking pag-aaral, at nagpasiya akong umalis sa eskwelahan upang tahakin ang mas malaking hamon sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan. Ang pasiya kong iyon ay nalathala pa sa aking kolum sa aming publikasyon. Nagpaalam ako sa mga kapwa mag-aaral na umaasang sa mga darating na panahon ay magkikita pa rin kami, hindi na sa aming eskwelahan, kundi sa lansangan at sumisigaw ng pagbabago ng lipunan.

Pakiramdam ko’y nakalaya ako sa isang pagkakakulong nang kumilos na ako sa labas ng eskwelahan. Sunud-sunod ang mga rali kong nilahukan. Nariyan ang masaktan ka, o kaya’y madampot at makulong ng ilang oras sa presinto dahil sa isang rali. Ilang beses na ba akong nabugbog at nasaktan sa mga rali sa Mendiola, sa Senado, sa Kongreso, sa lansangan ng protesta? Di na rin mabilang. Laging may bagong kwento. Laging may mga pagkilos dahil napakaraming isyu na dapat tugunan. Nariyan ang ako’y papuntahin upang sumuporta sa mga manggagawang nakapiket at sa mga maralitang tinanggalan ng bahay. Hindi na puro teorya ito kundi aktwal na mga pangyayari. At sa ganitong pagkakataon mo tinitiyak na naisasapraktika mo ang iyong mga natutunang teorya.

Ilang taon na rin akong nakikibaka para sa pagbabago. At marami ang nagtatanong sa akin, kasama na si Itay, kung hindi ba ako nagsasawa sa aking mga ginagawa? Para bang inip-na-inip siya dahil para sa kanya’y hindi naman iyon ang pinangarap nila ni Ina para sa akin. Nais niyang umalis na ako roon at magbagong-buhay, dahil para sa kanya’y wala naman akong mapapala sa aking mga pinaggagagawa. Pero nagpatuloy pa rin ako. Ano ang magagawa ko kung aking nakikitang maraming mga aping nawawalan ng tahanan, hindi makatarungan ang pasahod, mga maling kalakaran sa kumpanya, maraming mga nabibiktima ng pamamaslang sa mga lider-aktibista, pari, mamamahayag, manggagawa, kababaihan, at iba pang kabilang sa tinatawag nilang progresibo o militanteng organisasyon. Paano nga ba ako magsasawa sa isang gawaing kaakibat na ng aking buhay? Ang aktibismo ko’y nagpapatuloy, at nais kong patunayan na hindi lamang ito simpleng aktibidad lamang na dapat danasin ng isang estudyante sa eskwelahan, na pagka-gradweyt sa akademya ay pagka-gradweyt na rin sa aktibismo.

Nuong ako’y maging aktibista, hindi ko ito itinuring na parang isang aktibidad lamang sa eskwelahan, kundi ito’y pagyakap sa prinsipyo ng pagbabago kahit na umalis ka na ng paaralan. Ang pag-aaral sa lipunan ay hindi natatapos sa paaralan, dahil aanhin mo ang mga natutunan mong mga teorya kung hindi mo naman ito gagamitin upang baguhin ang lipunan. Ayon nga kay Marx, marami na ang nagsulat at naglarawan ng lipunan, ngunit ang punto ay paano ba natin ito babaguhin. Pero paano nga ba? Magsimula muna tayong pag-aralan kung ano nga ba ang lipunan.

Ang lipunan ay ang sistema kung paano nabubuhay ang mga tao batay sa sistema ng produksyon at hindi sa sistema ng kung anong gobyerno ang umiiral. Pag sinabi nating demokrasya, ito’y sistema ng pamamahala ng gobyerno, katulad din ng pasismo at totalitaryanismo. Ang lipunan, dahil batay ito sa inabot na pag-unlad ng mga kagamitan sa produksyon, ay ang pag-iral ng sistemang pangkabuhayan, tulad ng lipunang alipin, lipunang pyudal at lipunang kapitalismo. Ibig sabihin, iba ang lipunan sa gobyerno. Ang gobyerno ay pampulitika at ang lipunan ay pang-ekonomya. Ngunit kadalasan, pinaghahalo ng marami na ang gobyerno at lipunan ay iisa dahil ito ang naituturo sa paaralan. Ngunit sadyang magkaiba sila.

Kaya kung sasagutin natin ang isang katanungan sa itaas, na siyang tanong din ng marami – Bakit may laksa-laksang naghihirap habang may kakarampot na nagpapasasa sa yaman ng lipunan – tiyak na mahihiwatigan agad natin na magkaiba nga ang gobyerno at lipunan. Bakit napakasipag ng trabahador ay mababa ang sweldo, habang ang among may-ari ay ngingisi-ngisi habang nagpapahinga pero hamig niya lahat ng tubo? Bakit kung sino pa ang gumagawa ng yaman ng lipunan ang siyang naghihirap? Bakit sa kabila ng dami ng tinda sa palengke ay marami pa rin ang nagugutom? Bakit walang maisaing na bigas ang ating mga kababayan gayong napakaraming nabubulok na kaban ng bigas sa kamalig ng kapitalista? Bakit ang hindi mabentang produkto ay itinatapon na lamang sa dagat kaysa ipamigay sa mahihirap?

Ah, sadyang maraming katanungan ang dapat masagot, kaya palalimin pa natin batay sa aking mga pagsusuri mula sa pagbabasa, talakayan at debate sa aking mga kasama.

Ang gobyerno ay kumakatawan sa isang bansa, may watawat, teritoryo, populasyong pinamumunuan, at mas tutuusin ay pulitikal ang pamamalakad. Ito’y relasyon ng pinuno sa kanyang nasasakupan.

Samantala, ang lipunan naman ay relasyon sa pagitan ng panginoong may-alipin at ng kanyang mga alipin, relasyon ng asendero sa magsasaka, at relasyon ng kapitalista sa manggagawa.

Ang bansa ay binubuo ng nagkakaisang lahi, habang ang lipunan naman ay binubuo ng magkakaibang uri. Sa madaling salita, walang kinalaman ang pagiging Pilipino natin sa pagiging manggagawa o kapitalista ng sinuman sa atin. Mayaman man tayo o mahirap, tayo’y mga Pilipino. Tayo’y ipinanganak sa Pilipinas at may diwa ng isang lahi. Pero sa loob ng pabrika o plantasyon, balewala ang pagiging magkababayan pagkat ang nangingibabaw ay ang pagkakaiba sa uri, ang relasyong makauri.

Kaya ang pagbabago ng lipunan ay hindi usapin na kailangan mong maging taus-pusong makabayan, dahil hindi lang naman mga dayuhan ang problema, kundi mga Pilipino rin, mga kapitalistang Pilipino laban sa manggagawang Pilipino, mga asenderong Pilipino laban sa magsasakang Pilipino. Ang usapin ay uri, ang makauring interes. Ano ba ang uring iyong pinaglilingkuran, at kaninong interes ang dapat mangibabaw? Ang interes ba ng mga may-ari ng pabrika na lumaki ang kanilang tubo, o ang interes ng mga manggagawa na kunin ang tamang halaga ng kanilang lakas-paggawa?

Sa ngayon, kung pakasusuriin natin ang lipunan, ang palakad sa lipunan ay tulad ng sistema sa pabrika, sistemang kapitalismo. Lahat ng nagtatrabaho ay sahuran, at kung maaari ay pamurahan ng sweldo. Kaya marami pa rin ang naghihirap.

Kailangan nating baguhin ang lipunan. Paano, gayong napakabilis naman ng pagbabago sa lipunan, kahit wala pa rin talagang nagbago sa lipunan. Napakabilis dahil mabilis ang pag-abante ng teknolohiya. Wala pang isang dekada ang nakalilipas nang mauso ang pager. Ngayon ay cellphone na, at marami pa ang naiimbento para sa kaunlaran (daw) ng lahat pero hindi naman kaya ng bulsa ng mga mahihirap.

Pero wala pa rin talagang nagbago sa lipunan, dahil hanggang ngayon, hindi pa rin pantay-pantay ang kalagayan ng tao sa lipunan. Patuloy pa ring yumayaman ang mga mayayaman, habang lalong naghihirap ang mga mahihirap. Ang nais kong pagbabago ay ang tunay na pagbabago ng sistema ng lipunan, hindi pagbabago lamang ng sistema sa gobyerno. Hindi lamang relyebo ng mga namumuno ang aking pangarap, kundi pagpawi mismo ng mga uri sa lipunan upang maging maayos at pantay-pantay ang kalakaran at ang ating kalagayan.

Dumating ang pag-aalsang Edsa Dos, ngunit ito’y naging trahedya dahil naging relyebo lamang ito ng pamunuan, at wala naman talagang malawakang pagbabagong naganap. Dumating ang Edsa Tres na rebelyon ng tunay na masa, ngunit ang ilang nagsasabing pagsilbihan ang masa ay dinepensahan pa ang ganansya ng Edsa Dos laban sa masang dapat nilang paglingkuran. Ngunit ano nga ba ang dahilan ng aking aktibismo kung hindi natin ito ilalapat sa tunay na mga pangyayari sa ating lipunan? Sa mga teoryang aking nasuri at napag-aralan, aking natutunang kaya may mahirap at mayaman ay dahil sa pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon.

Kung sino ang nagmamay-ari ng pabrika, makina, hilaw na materyales, kwarta, at lupain ang siyang nangingibabaw sa mundo at kinikilala. Habang ang mga walang pagmamay-ari ang siyang nagbebenta ng kanilang lakas-paggawa upang mabuhay. Sila ang mga api at walang boses. Sila ang kinakalinga ng mga aktibista. Nais ng mga aktibistang sila’y maging tunay na taong may dangal, nakakakain ng tatlong beses sa isang araw, nakapag-aaral sa mga desenteng eskwelahan na may libreng matrikula, nakakakuha ng kursong nais nila nang hindi na mag-iisip kung saan kukuha ng pangmatrikula dahil sagot ng estado, nakakapagpagamot at libre ang pagpapagamot, hindi ginagawang negosyo ang mga karapatan sa kalusugan, pagkain, pabahay, trabaho at edukasyon.

Dahil ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon ang siyang ugat ng kahirapan, tama lamang na dapat pawiin ang pribadong pagmamay-aring ito ng iilan upang gawin itong pag-aari ng buong lipunan. Nang sa gayon, lahat ay makikinabang. Hindi na gagawa ng laksa-laksang damit o kotse ang kapitalista para pagtubuan, kundi gagawa lamang ng sapat para sa pangangailangan ng lahat.

Naniniwala akong ang pagbabago ay hindi lamang nanggagaling sa puso, kundi sa mismong pagbabago ng sistema ng lipunan, sa mismong pagtanggal sa kamay ng iilan ng para sa kapakinabangan ng buong lipunan. Kung lahat tayo ay magbabago ng puso, mas magiging maganda ang ating mundong ginagalawan. Ngunit ang tanong: Kailan pa nangyari sa kasaysayan ng tao na nagbago ng sabay-sabay ang puso ng tao? Kailan mangyayari na sabay-sabay magiging mabait ang mga tao kung may umiiral na batayan kung bakit sila nagiging sakim?

Masisisi ba nila kung dumami ang tulad kong tupang pula? Masisisi ba nila kung bakit naghihimagsik ang mga tupang pula? Tama ang desisyon ko at paninindigan ko ito.

Bilang tupang pula, itutuloy ko ang laban, hanggang sa marami na kaming maghangad at magsama-sama tungo sa pagbabago ng lipunan. Para sa kinabukasan ng mga susunod pang henerasyon.

Walang komento: