Linggo, Marso 30, 2008

Pagpapakatao

PAGPAPAKATAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa kolum ng may-akda na “May Pag-asa Pa” sa magasing Tambuli, Oktubre 2006, pp. 54-59.)

May ilang mga kakilala akong nagsasabing para raw magbago at umunlad ang bansa, dapat daw magbago ang kalooban ng tao. Maganda ang suhestyon. Pero para bang madyik na kusang magbabago ang kalooban ng tao? O may mga batayan para mangyari ito? Ano nga bang klaseng kalooban meron ang tao ngayon para sabihin nilang dapat magbago ang kalooban ng tao? Magsuri tayo.

Bukambibig ng editor ng magasing Tambuli na si Sir Ding Reyes ang hinggil sa pagpapakatao. Ipinangangaral din niya ang sinabi ni Gat Emilio Jacinto na “iisa lang ang pagkatao ng lahat” na nasa akdang “Liwanag at Dilim”. Pero ano nga ba ang pagpapakatao? Ito ba’y may kaugnayan sa moralidad, sa usapin ng “kabutihan” at “kasamaan”? Ano nga ba ang konsepto ng “kasamaan” sa lipunan? Likas ba sa tao ang maging “masama” o ito’y may batayan? Ang konsepto ng “kabutihan” ay maaaring ilarawan sa pamamagitan ng gintong alituntunin o golden rule na “Huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin din ng iba sa iyo.” Kung gagamitin natin ang golden rule at ang konsepto ng pagpapakatao ni Emilio Jacinto, sa palagay ko, ito’y aplikable sa lahat. Gayunman, may mga konsepto ng “masama” at “mabuti” na hindi aplikable sa lahat ng pagkakataon o depende kung sino ang nasa kapangyarihan. Ibig sabihin, kung sino ang mayhawak ng kapangyarihan ang siyang nagtatakda kung ano ang “masama” at “mabuti”. Halina’t baybayin natin ang kasaysayan.

Sa kasalukuyang istandard ng moralidad, kahit karaniwang tambay sa kanto ay sasabihing mali at masama, makahayop at imoral ang gawing kalakal ang isang tao. Mali na ipagbili at gawing alipin na libreng patayin sa hagupit at pwersahang paggawa ng nakabiling panginoon. Pero bakit hindi ganito ang naging pananaw ng mga matatalinong pilosoper na sina Socrates, Plato at Aristotle na nabuhay sa panahon ng aliping paggawa? Sila na hindi makukuwestyon ang intelektwal na integridad, ay naatim ng kanilang “konsensya” at walang nakitang imoral ang mag-ari ng alipin. Sila na pinag-aralan, pinag-ukulan ng pansin, at hinanapan ng paliwanag ang kahit kaliit-liitang penomena sa kalikasan at lipunan, ay hindi nakitang imoral at walang nakitang masama sa sistemang alipin, na itinuring pa ngang “natural na kaayusan” ng daigdig.

Sine George Washington at Thomas Jefferson ang itinuturing na mga “ama ng demokrasya” sa Amerika. Pero bakit hindi nila idineklara ang kalayaan ng mga aliping Itim sa Amerika kasabay ng deklarasyon ng kasarinlan laban sa Britanya, kasabay ng kanilang deklarasyon ng “pagkakapantay-pantay” sa lipunan? Hanggang sa ika-19 na siglo, binibihag ng mga “slave traders” sa Aprika ang mga Itim at ipinagbibili sa Amerika para gawing mga alipin sa plantasyon. Ang preserbasyon ng sistemang ito ng pribadong pagmamay-ari ng mga alipin ang dahilan kung bakit sumiklab ang Civil War sa Amerika noong 1861 – pitumpu’t walong taon matapos ideklara ang kalayaan ng Amerika bilang kolonya ng Britanya. Noon lang 1863 idineklara ni Abrahan Lincoln ang abolisyon ng ganitong sistema – pitumpu’t dalawang taon matapos ratipikahan ang Bill of Rights ng nagmamalaking pinakademokratikong bansa sa daigdig. Sa panahong ito ng sistemang alipin nagawa ang Great Wall ng Tsina, ang Taj Mahal sa India, at ang Pyramid ng Ehipto kung saan libu-libo kundi man milyun-milyong alipin ang nilatigo at namatay para lamang matiyak ang kagustuhan ng kanilang panginoon. Kahit sa Pilipinas, bago dumating ang mga Kastila, ay umiiral ang sistemang alipin. May mga tinatawag na “aliping namamahay” at “aliping sagigilid”. Pero tinanggap ito ng marami bilang “natural” na kaayusan noong panahong iyon.

Sa pag-unlad mula sistemang alipin tungo sa pyudal na sistema, sinimangutan ng mga tagapangalaga ng moralidad ng sistemang ito ang sistemang alipin na ginagawang ordinaryong kalakal ang mga tao. Pero wala silang makitang masama at mali na ariin, kamkamin at solohin ng mga asendero ang mga lupain at pwersahang ipabungkal ito sa masang magsasaka. Sa panahong ito lumitaw ang Simbahan bilang pandaigdigang kapangyarihang tagapangalaga ng moralidad ng sangkatauhan. Pero binasbasan nito ang pyudal na sistema bilang “natural na kaayusan”. Wala ring nakitang imoral ang Simbahan sa panahong ito na habambuhay na itali ang magsasaka sa lupain ng asendero at pigain sa sistema ng pwersahang paggawa. Nasaan na nga ba ang pagpapakatao at pagkakapantay-pantay ng tao sa panahong ito? Bakit ganito?

Noong panahon ng Inkwisisyon, libu-libong tao ang ipinapatay ng Simbahang Katoliko. Ang Inkwisisyon ang opisyal na kautusan ng Simbahan na dakpin, tortyurin at sunugin ng buhay ang mga inakusahang erehe, at ituring na kampon ng demonyo dahil sa hindi sumusunod sa mga aral ng Romano Katoliko. Inilunsad din ang Krusada, ang gera ng pananakop na ipinanawagan ng Simbahan. Ginamit nito ang espada para paluhurin sa krus ang mga “barbarong Muslim” sa Asya at Eropa. Dito sa Pilipinas, bahagi na ng ating kasaysayan ang kalupitan ng mga prayle bilang mga kolonyalista at asendero habang nangangaral ng Kristyanismo sa di-binyagang mga indyo. Nariyan ang pagkakabitay sa tatlong paring sina Padre Gomez, Burgos at Zamora , at mismong ang Simbahan ang dahilan upang bitayin ang bayaning Pilipinong si Gat Jose Rizal.

Sa madaling salita, ang madilim na kabanatang ito ng Simbahan ay patunay lamang na ang mga istandard ng moralidad ay dumaan din sa proseso at kasaysayan ng pag-unlad ng lipunan at sibilisasyon. Kung ngayon ay kontra ang Simbahan sa “death penalty”, hindi ganito ang kanyang moral na tindig noong panahon ng Krusada at Inkwisisyon.

Kapag sa landas ng moralidad ipinaliwanag kung bakit may kasamaan sa lipunan, wala itong duduluhin kundi kagagawan ito ng demonyo. Ang problema ay bakit pilit nating hinahanap sa mga bagay na abstrakto at ispiritwal ang dahilan ng kasamaan gayong napakalinaw naman ng kongkreto at materyal na batayan kung saan ito nagmula. Ang kasamaan ay hindi nagmumula sa kalooban ng tao kundi sa kalikasan ng lipunan. Tanong: Naganap ba at naghari sa mundo ang kasamaan sa loob ng ilanlibong taon dahil ang ilaw ng moralidad ay pundido sa panahong ito at binulag ng masamang budhi ng tao? Bakit may mga taong sakim at nang-aapi ng kanyang kapwa? Sa napakasimpleng moralistang paliwanag sa kasaysayan, lalabas na kung nangibabaw pala ang kabutihang-loob noon, hindi sana nagkaroon ng kasamaan sa mundo. Noon pa ay umiral na sana ang pagkakapatiran sa mundo. Kulang lang pala sa pangaral ang tao sa kung ano ang mabuti at masama. Kung inulan sana ng pangaral ang tao, hindi sana nagkaganito ang kasaysayan. Hindi sana dumanas ang napakaraming henerasyon ng tao ng katakut-takot na kaapihan at kahirapan na nagpapatuloy pa hanggang ngayon. Di sana naganap ang mga gera ng imperyalistang pananakop noong Una at Ikalawang Daigdigang Digmaan, at iba pang digmaan. Di sana naganap ang Demolisyong Setyembre 11 sa WTC sa New York at Pentagon sa Washinton. Di sana naganap ang panggigera ni Bush para sabihing “collateral damage” lamang ang libu-libong sibilyang namatay sa Afghanistan , Iraq , Lebanon , at iba pang bansa. Sana’y pakikipagkapwa-tao ang umiiral sa mundo.

Bakit? Pagkat sa hinaba-haba ng kasaysayan ng tao, ng kanyang intelektwal na pag-unlad, hindi kailanman hinamon ng mga tagasermon sa lipunan ng masama at mabuti, ng hustisya at ekwalidad, ang moralidad ng sistema ng pribadong pagmamay-ari. Gayong narito ang pinakaugat ng kahirapan at hindi pagkamakatao ng lipunan. Kung meron mang “orihinal” na kasalanan ang tao, hindi lang ito ang pagkain ng “bawal na prutas” kundi ang pagkain ng “pinagpawisan ng iba” dahil lang dito sa pribilehiyong ito ng pribadong pagmamay-ari.

Simple lang naman ang paliwanag sa pribadong pagmamay-ari. Ito’y tumutukoy sa pag-angkin sa mga kasangkapan sa produksyon. Kung sino ang may-ari ng mga makina, pabrika, hilaw na materyales, malalawak na lupain, sila ang nasa kapangyarihan sa lipunan. Sila ang kadalasang nananalo sa halalan. At kung sino ang mga walang pag-aari tulad ng mga alipin, magsasaka at manggagawa, ang siyang naghihirap, gayong sila ang may pinakamalaking kontribusyon upang tumakbo ang makina, pabrika at lupain. Ito ang maliwanag na batayan kung bakit may mga pang-aapi, may mga gera sa iba’t ibang panig ng mundo, may mga sakim sa kapangyarihan, may mga ganid sa salapi, at hindi makatao. Military hardwares (stealth fighter planes, B-52 bombers, smart bombs, atbp.) ang pangunahing produkto ng Amerika. Tiyak na lugi at magugutom sila kung walang gera at wala silang mapapagbentahan ng kanilang mga produktong armas.

“Madaling maging tao, mahirap magpakatao”, ayon nga sa kasabihang Pilipino. Pero bakit hindi kinukweston ang kasamaan ng pribadong pagmamay-ari? Dahil sa esensya, hindi kasi ito usapin ng moralidad, kundi ng nesesidad ng pagkamkam ng tao sa mga surplas na produkto dahil ito ang natural na epekto ng pribadong pagmamay-ari. Tulad din ng hindi pagkwestyon sa moralidad ng tubo sa kapitalistang sistema dahil itinuturing itong natural na karapatan ng may-ari ng kapital.

Kapag binaybay nating muli ang kasaysayan, makikita nating kung ano ang umiiral na sistema at sino ang naghaharing uri sa lipunan, sila ang nagtatakda ng moralidad, at ito’y para protektahan ang kanilang interes. Ang isang bagay na imoral ay isang bagay na masama. Pero paano mamasamain ng panginoong may-alipin ang pagkakaroon niya ng alipin gayong ito ang kanyang interes? Paano mamasamain ng panginoong maylupa ang itali ang magsasaka sa lupa gayong ito ang kanyang interes? Paano mamasamain ng kapitalista na gawing kalakal ang manggagawa gayong ito ang kanyang interes? At kadalasan, nangyayari pa ngang nahuhubog ang isip ng mga alipin, magsasaka at manggagawa sa ganitong moralidad, at tanggapin na lang ito bilang kapalaran o itinakda ng tadhana.

Sa madaling salita, ang naghaharing uri sa lipunan ang nagtatakda ng istandard ng moralidad. Ang kasaysayan ng Pilipinas ay punumpuno ng halimbawa. Nang magkudeta ang militar at patalsikin si Estrada bilang pangulo, naging bayani si Heneral Angelo Reyes. Nang gawin ito ni Heneral Danilo Lim, siya’y hindi naging bayani kundi itinuring na kriminal ng gobyerno. Galit na galit ang marami dahil nag-nuclear bomb testing ang North Korea , pero sino ang sumita sa Amerika nang ibandera nila ang kanilang MOAB (mother of all bombs) sa gera nito sa Afghanistan ? Sino nga ba ang makasisita sa makapangyarihang bansang Amerika? Ni wala ngang nakulong sa kanila nang pinatay nila ang libu-libong sibilyan sa Hiroshima at Nagazaki noong 1945. ginera ng US ang Iraq hindi dahil sa weapons of mass destruction kundi dahil sa langis nito. Hindi magera ng US ang Israel , India at Pakistam, kahit aminado ang mga bansang ito na may mga nuclear missiles sila!

Kaya nga hindi usapin ng masama at mabuti, ng anghel at demonyo, ang nangyayaring “kasamaan” sa daigdig. Ito’y usapin ng interes ng kung sinong makapangyarihan o naghaharing uri sa lipunan. Napakaraming katanungang iisa lang ang dinudulo – ang pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon na siyang dahilan upang maghangad ng limpak-limpak na tubo at makapambraso ang nagmamay-ari nito. Kasintindi, kundi man mas matindi, ng gobyerno ni Saddam sa Iraq ang gobyerno ng Burma , na ilang taon nang nasa ilalim ng diktaduryang militar. Kaya kung walang langis ang Iraq , panggigilan kaya ito ng US , tulad ng kawalan ng langis sa bansang Burma?

Bakit pinaiiral ng World Trade Organization at World Bank ay free trade imbes na fair trade? Bakit imbes na regular na manggagawa ang kunin ng kumpanya, isang ahensya ng kontraktwalisasyon ang nangangalap ng mga manggagawang magtatrabaho lamang ng limang buwan, para makaiwas na maregular ang manggagawa, para makatipid ang kumpanya, para mabawasan ang benepisyong kanilang ibibigay? Bakit laging cheap labor o murang paggawa ang pangunahing hinahanap ng mga imbestor sa iba’t ibang bansa?

Kaibigan, hindi ba’t dapat na tanggalin natin ang batayan kung bakit nagiging sakim sa kapangyarihan ang tao? Hindi ba dapat na kongkreto at may batayan ang ating pagtukoy sa problema at hindi basta na lang magbigay ng anumang abstraktong paliwanag, tulad ng “kasalanan kasi ng demonyo”? Hindi ba’t dapat na tanggalin natin mismo sa kamay ng iilan ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, at gawin itong pag-aari ng buong lipunan?

Simpleng magbago lang nga ba ng kalooban ng tao ay uunlad na ang lipunan? Kailan pa sabay-sabay na magbabago ang kalooban ng mga tao kung naririyan ang batayan upang sila’y maging sakim sa tubo at maging sugapa sa pinaghirapan ng iba?

Kapag nawasak na ang batayan ng kahirapan sa lipunan, kapag nawasak na ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, kapag ang mga kasangkapan sa produksyon ay ginamit na para sa kapakinabangan ng buong lipunan, kapag nawala na ang relasyong may mayaman at may mahirap sa lipunan, kapag nawala na ang pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa, saka lang natin mapapatunayan ang sinabi ni Emilio Jacinto, “iisa lang ang pagkatao ng lahat.”

Walang mga komento: