Miyerkules, Marso 26, 2008

Bagong Milenyo, Lumang Sistema

BAGONG MILENYO, LUMANG SISTEMA

(Nalathala bilang Editoryal sa Maypagasa magasin ng Sanlakas, p. 3, Oktubre-Disyembre 1999)

Ang kilalang aghamanon (scientist) na si Galileo Galilei ang unang nagpatunay na ang mundo ay bilog at hindi patag (flat). Ang katotohanang ito’y ikinagalit nuon ng simbahan dahil ang paniniwala nila nang mga panahong iyon ay patag ang mundo. Dahil dito’y binansagan nila si Galileo na erehe (pagano o kaya’y nababaliw). Kaya nang siya’y namatay, hindi pumayag ang simbahan na mabasbasan ang kanyang bangkay. Maraming taon at dekada ang nakalipas, napatunayan ng syensya na tama pala si Galileo. At sa kalaunan, ang katotohanang ito’y tinanggap na rin ng simbahan.

Bagong milenyo na, ang sabi ng nakararami. Dahil daw mula sa uswal na 19__ ay umabot na tayo sa 20__. Pero kung tutuusin, hindi pa ito ang bagong milenyo. Sa matematika, hindi ka nagbibilang mula sa 0 kundi sa 1. alam ng lahat iyan. Ang ibig sabihin ng milenyo ay isang libong taon. Kaya kung nagsimula ang unang milenyo sa Enero 1, 1 AD, matatapos ito ng Disyembre 31, 1000 AD. Eksaktong isang libong taon. Kaya nagsimula ang pangalawang milenyo sa Enero 1, 1001 at matatapos sa Disyembre 31, 2000. Eksaktong isang libong taon uli. Kaya ang totoong simula ng ikatlong milenyo ay sa Enero 1, 2001. Gayundin naman, nagsisimula ang siglo (isandaang taon) sa Enero 1, 1 AD hanggang Disyembre 31, 100 AD. Sa kasalukuyan, Enero 1, 1901 hanggang Disyembre 31, 2000. Kaya mas marapat tawaging huling taon ng milenyo o huling taon ng siglo ang taong 2000. Pero dahil nabago ang unang dalawang digit ng taon – mula 1999 ay naging 2000, inakala natin na ito na ang simula ng bagong milenyo. Bakit tinanggap ito ng karamihan at bakit natin sinasabing mali ang ganitong pag-aanalisa nila? Hindi ba’t may kasabihang “marami ang namamatay sa akala”. Marahil, para lamang hindi mabansagang “killjoy”, nakisakay na lang ang marami sa katawagang “bagong milenyo”.

Gaya ng inaakala nilang simula ng bagong milenyo, inaakala rin ng karamihan na ganito raw talaga ang sistema ng lipunan, dahil ito raw ang kanilang kapalaran at kinagisnan. Gaya ng maling pagkilala sa bagong milenyo, hindi makatarungan ang umiiral na sistema ng lipunan dahil ang mismong gumagawa ng yaman ng lipunan ang siyang naghihirap, pero tinatanggap ito ng karamihan dahil ganito raw talaga ang kapalaran ng tao. Lalong naghihirap ang mga mahihirap, samantalang lalong yumayaman ang mga mayayaman. Kaya ayos lang sa kanila na ganito na ang kanilang kapalaran. Lalong yumayaman ang mga kapitalista, samantalang karamihan ng mga manggagawa, lalo na ang mga kontraktwal, ay walang natatanggap na sapat na benepisyo at sahod. Katunayan, maraming manggagawa ngayon ang nakawelga. Maraming maralita ang walang bahay, at ang iba’y kadedemolis lamang. Kaya sa sinasabing pagpasok ng bagong milenyo, petsa lamang ang nabago.

Sa pagpasok daw ng bagong milenyo, dapat din daw baguhin ang pananaw ng tao, gaya ng sinasabi ng iba na dapat na may resolusyon tayo sa pagpasok ng bagong taon. Pero ang resolusyong ipinapangako ng bawat isa sa kanyang sarili ay karaniwang napapako, dahil apektado pa rin siya ng umiiral na sistema ng lipunan. Mataas pa rin ang mga bilihin, mababa ang sweldo ng mga manggagawa, mataas pa rin ang matrikula, patuloy pa ring naghihirap ang mismong mga gumagawa ng yaman ng lipunan. Ang karpintero’y walang sariling bahay, ang magsasaka’y walang sariling bigas, ang manggagawa ng pantalos at t-shirt ay walang bagong damit, maraming kabataang dapat na nasa eskwelahan ay nagtatrabaho na sa murang edad pa lamang dahil sa hirap ng buhay, ang mga manggagawang nagkandakuba sa pagtatrabaho upang abutin ang quota na itinakda ng kapitalista ang siyang hindi makakain ng sapat sa isang araw.

Hindi natin mababago ang sistema dahil nangako tayo ng resolusyon. Hindi rin mababago ang sistema dahil bagong milenyo na. Hindi ito mababago sa isang iglap. Mababago ito kung ganap na magkakaisa at magtutulungan ang malawak na hanay ng mamamayan sa buong bansa, kundi man sa buong mundo, upang itayo ang isang lipunang pantay-pantay. Isang lipunang pantay ang hatian ng yaman, isang lipunang papawi sa pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa. Magaganap lang ang pagbabago kung tayo’y kikilos at gagawa ng mga kongkretong solusyon sa mga problemang kinakaharap ng lipunang ito. At kung kinakailangan, palitan ang lipunang ito ng mas makabuluhan at makatarungang sistemang tunay na aagapay sa bawat mamamayan ng mundo. Balewala ang sinasabing pagsapit ng bagong milenyo kung hindi mababago ang hindi makatarungang sistemang umiiral sa lipunan. Dahil kung hindi, para lang itong lumang patis sa bagong bote. Lumang sistema sa bagong milenyo.

Ang nangyari kay Galileo ay nagpapatunay lamang na ang pagbabago ng lipunan ay kailangang nakabatay sa siyentipiko at kongkretong pag-aanalisa ng sitwasyon ng lipunang ginagalawan, hindi batay sa mga haka-haka o pamahiin at lalong hindi batay sa interes ng mismong mga mayhawak ng kapangyarihan, at dikta ng mga dayuhan.

Mga kababayan, pag-aralan nating mabuti ang lipunan at ang umiiral na sistema. At mula dito’y simulan natin ang pagbabago.

Walang komento: