Biyernes, Disyembre 18, 2009

Pambungad sa aklat na "ALIKABOK AT AGIW"

PAMBUNGAD

PAGPAWI SA ALIKABOK AT AGIW
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan, pag nakasakay tayo sa bus, pinupunasan natin ang alikabok sa salamin nito upang matanaw natin ng malinaw ang ating dinaraanan, ang mga ibon, bundok, batis, kabahayan, nagtatayugang gusali, o maging ang mahabang lansangan. Minsan, natutuwa tayo sa alikabok, kaya minsan naisusulat natin ang ating pangalan sa salamin ng inaalikabok na kotse sa pamamagitan ng ating daliring pinampawi sa alikabok. Ngunit hindi tayo natutuwa sa agiw na naglipana sa kisame ng ating bahay.

Alikabok. Agiw. Parehong dumi, nakakadiri. Kahit saan, nariyan ang alikabok at agiw, lalo na sa mga bagay at lugar na hindi natin inaasikaso, kaya kadalasang kailangan nating magsipag sa paglilinis. Dahil kaakibat ng malinis na kapaligiran ang payapang diwa't kalooban. Isa iyan sa aking mga natutunan sa mahal kong ina - ang maging malinis sa kapaligiran, tanggalin ang agiw at alikabok kung ayaw naming magkasakit.

Ngunit ang alikabok at agiw ay di lamang simpleng dumi sa paligid. Sumisimbolo rin ito ng maraming kabulukan sa lipunan, tulad ng katiwalian. Minsan, nagagamit din ang mga ito sa metapora, tulad ng pagkain ng alikabok. Mas malalim pa sa literal na kahulugan. 

Sa isang paligsahan, halimbawa'y pabilisan ng pagtakbo, kakain tayo ng alikabok kung tayo'y kulelat o nasa hulihan, kung hindi tayo magiging handa at tutulinan din ang pagtakbo. Ngunit hindi sapat ang tulin ng pagtakbo kung kakapusin naman tayo ng resistensya sa gitna ng laban. Nangunguna na tayo ngunit biglang nanghina dahil sa di sapat na resistensya kaya kinain natin ang alikabok ng kalaban.

Inaagiw ang mga iniiwan at hindi natin napapansin at inaalagaan, tulad ng lumang bahay na nuong kabataan natin ay kaysaya ngunit nang maluma na'y pinabayaan hanggang pamahayan ng agiw.

Mula sa alikabok at agiw ng mga karanasan, babangon tayo mula sa pagkalugami dahil sa maling sistemang umiiral sa ating lipunan, kawalang katarungan, kahirapan, katiwalian ng mga lingkod daw ng bayan. Titindig tayo upang ibangon ang puri’t dangal ng taumbayan na kinulapulan ng alikabok at agiw ng mga mapagsamantalang uri sa lipunan.

Anong kahulugan ng buhay at pakikibaka kung wala kang prinsipyong tangan, kundi nabubuhay lamang para kumain, magsaya, maglasing at humiga sa salapi, imbes na kumain para mabuhay at magpatuloy sa pakikibaka tungo sa isang lipunang makatao, isang lipunang wala nang kahirapan dahil nagkaroon na ng pantay na hatian ng yaman sa lipunan.

Mahalaga ang pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao dahil ito'y hindi alikabok at agiw na nananahan sa ating diwa't kalooban. Naging aktibista ako dahil naniniwala ako sa kahalagahan ng pagpapakatao at pakikipagkapwa tao na siyang dahilan din ng marami kung bakit ninais din nilang maging aktibista, na nangangarap din ng isang lipunang makataong walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Pag inaagiw ang diwa ng mga pag-aalinlangan at katiwalian, at nananahan ang mga alikabok sa ating kalooban, nagaganap ang sinabi mismo ng ating makatang Balagtas:

"Sa loob at labas ng bayan kong sawi,
kaliluha'y siyang nangyayaring hari,
kagalinga't bait ay nalulugami,
ininis sa hukay ng dusa't pighati."

Nakukulapulan ng dumi ang ating lipunan dahil sa mga pag-iisip na maasarili, kasakiman, at paghahangad na makapang-isa sa iba, mga pusong sukaban, taksil, lilo. Kaya nasabi muli ni Balagtas.

"O, taksil na pita sa yama't mataas!
O, hangad sa puring hanging lumilipas!
ikaw ang dahilan ng kasam-ang lahat
at niring nasapit na kahabag-habag!"

Ngunit hindi pa huli ang lahat, dapat tayong lumaban at ipaglaban ang isang lipunang makatao na ang makikinabang ay ang lahat, at hindi lamang iilan. Hindi tayo dapat umiyak na lamang sa isang tabi, kundi dapat nating kumilos kung nais natin ng pagbabago.

"Kaliluha't sama ang ulo'y nagtayo
at ang kabaita'y kimi't nakayuko;
santong katuwira'y lugami at hapo,
ang luha na lamang ang pinatutulo."

Huwag nating sayangin ang ating panahon sa mga alikabok ng imbi at agiw ng pagdurusa. Kailangan nating tumindig, manindigan, at maging matuwid, tungo sa isang lipunang malinis, makatao, at bawat isa'y nagpapakatao at nakikipagkapwa tao, sa diwa, sa salita, sa gawa, at sa kalooban.

Sampaloc, Maynila
17 Disyembre 2009

Sabado, Nobyembre 28, 2009

Pambungad sa aklat na "BAKAL AT KALAWANG"

Pambungad

ANG SUMISIRA SA BAKAL 
AY ANG SARILING KALAWANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa metalikong elemento na ating nakikita at nahihipo ang bakal. Sa agham, Fe ang simbolo nito, na mula sa salitang Latin na ferrum. Ang atomic number nito ay 26, habang ang atomic weight nito ay 55.847. Pag kinalawang ito, nagbabago ito ng anyo at nagiging oxidized iron na may simbolong FeO or Iron Oxide. Matigas ang bakal at hindi natin ito basta-basta mababali, ngunit nasisira ang bakal sa kanya mismong kalawang. Ibig sabihin, mula sa kalooban ng bakal nagmumula ang kanyang pagkasira.

Gayundin sa buhay ng tao at ng lipunang ating ginagalawan. Kung paanong sinisira ng kalawang ang bakal, sinisira rin ng kasakiman ang mismong pagkatao, ang pagkamakasarili'y nakasisira ng malinaw na isip, ang paghahangad ng limpak-limpak na tubo'y nakawawasak ng puso, ng kalooban, kaya nalilimutan na ang pakikipagkapwa. Nakangingilo ang mga bakal na tarangkahang kinakalawang na sa tagal. Kailangang langisan na ang bisagra nito upang madulas na maigalaw.

Mahirap gamitin, halimbawa, ang kinakalawang na liyabe katala dahil maganit na ito o kaya'y tila mababaklas na at maluwag ang ikutan nito. Gayunman, magagamit pa ito ng mga determinadong gawin ang mga nararapat. Ngunit kayhirap pagtiisan sa matagal na panahon ang mga kalawanging gamit tulad ng liyabe katala.

Kinakalawang din ang mga bagay na hindi ginagamit, tulad din ng utak, hindi nahahasa, pumupurol. Marami tayong pinag-aralan at natutunan ang ating nakakalimutan na dahil di natin nagamit ng matagal na panahon. Nawawala ang ating mga pinagsanayan. Ayon nga sa awiting "Sayang ka" ng mangangantang ASIN:

(Sayang ka, pare ko)
Kung 'di mo ginagamit ang 'yong talino
(Sayang ka, aking kaibigan)
Kung 'di mo ginagamit ang 'yong isipan
(Ang pag-aaral ay 'di nga masama)
Ngunit ang lahat ng pinag-aralan mo'y matagal mo nang alam
(Ang buto ay kailangan diligin lamang)
Upang maging isang tunay na halaman

Sa isang pelikula nga ng idolo kong si FPJ (Fernando Poe Jr.), di ko na matandaan ang pamagat, sinabi ng kontrabida sa kanyang kasosyo, "Kinakalawang ka na", na ang ibig niyang sabihin ay sumasablay na siya sa pagbaril, hindi na makatama, kaya nakawala ang kalaban at namatay ang kanyang mga tauhan.

Tubig o kaya'y dampi o singaw ng tubig ang kadalasang dahilan ng kalawang. Kaya dapat patuyuin agad ang anumang madaling kalawangin, tulad ng telebisyon, radyo, isteryo at kompyuter. Kailangang pinturana din ang mga tarangkahang bakal upang huwag kalawangin.

Si Stalin (na ang pangalan ay nangangahulugang BAKAL) ay malupit na pinuno ng kanyang panahon, ngunit nang mamatay na, ang kanyang mga ipinundar ay unti-unting kinalawang at iginupo hanggang sa ito'y bumagsak at naglaho. Kinalawang ang pundasyon dahil sa kalupitan at pagpatay sa maraming manggagawa't magsasaka. Ngayon, ang katawagang Stalinismo ay isang karima-rimarim na sistemang hindi dapat tularan.

Sa ating bayan, inuuk-ok ng kalawang ang mismong ating pamahalaan. Pinamumugaran ito ng mga trapong walang pagkandili sa mga maliliit. Itong mga trapo (o tradisyunal na pulitiko) ay inihahalal ng taumbayan dahil nais nilang maging lingkod bayan. Inihalal dahil wala namang mapagpipiliang matino ang masa. Gayundin naman, ang mga trapong ito'y karaniwan nang gumagamit ng 5 G (guns, goons, gold, garbage, garci). Di dapat gumamit ng baril, sanggano at mamudmod ng salapi upang manalo. Di kailangang marumi ang halalan. Hindi dapat mandaya tulad ng naganap na kontrobersyal na Hello Garci na nagpanalo sa isang pangulo nang tumawag ito sa isang komisyoner ng Comelec sa panahon mismo ng kampanyahan. Ang 5 G na ito ang kalawang na sumisira sa ating bayan, lalo na sa ating karapatang maghalal ng ating gustong kandidato, kahit naman alam nating wala tayong mapagpipilian, dahil pawang mga elitista't mayayaman ang may kakayahang mangampanya. Minsan, kailangan pang mag-artista ng pulitiko upang makilala, o kaya naman ay ang mga artista ang maging pulitiko.

Kailangang mabago ang kalagayang ito ng ating bayan. Kailangan nating pairalin ang dalawang mahalagang diwa upang maging maayos ang bayang ito - ang pagpapakatao at ang pakikipagkapwa-tao. Dalawa itong dapat nating taglayin upang maging matiwasay, payapa, at maunlad ang ating buhay. Huwag nating hayaang mamayani ang kalawang ng inggit, kapalaluan, kasakiman, katakawan, pang-aapi, pangmamaliit at pangmamata sa iba. Dapat nating pairalin ang bakal na prinsipyo't determinasyong lupigin ang mga kalawang na yumuyurak sa ating dangal at pagkatao.

Kaakibat ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao ay ang pag-ibig natin sa ating kapwa at paggalang sa karapatan ng bawat isa. Ang mga karapatang ito'y nakaukit mismo sa Pandaigdigang Pahayag ng Karapatang Pantao (Universal Declaration of Human Rights o UDHR) na sinang-ayunan at pinagtibay ng iba't ibang bansang kasapi ng United Nations noong Disyembre 10, 1948. Matutunghayan sa aklat na ito ang isinagawang patula ng buong dokumento ng UDHR. Ito'y ginawa upang mapreserba at maipakilala pa sa iba't ibang malikhaing paraan ang ating mga karapatan bilang tao.

Kailangan nating mangahas magtagumpay. Nakakamit ang tagumpay sa determinasyong ituloy ang magandang adhikain bagamat paulit-ulit man tayong nabigo't bumagsak, pagkat bawat pagbagsak ay may naiiwang aral, bawat sugat ay nag-iiwan ng pilat ng karanasan, pagkat bawat determinasyon ay pagpawi sa kalawang ng kabiguan. Tuloy ang laban! Gayunman, hindi tayo dapat mangarap lang ng gising at nag-aabang na lang ng tagumpay, kung paanong nag-aabang na lang ng pagbagsak ng bayabas sa bibig si Juan Tamad. Dapat tayong kumilos upang ito'y maging ganap na katuparan.

Sampaloc, Maynila
Nobyembre 27, 2009

Biyernes, Nobyembre 27, 2009

Bayanihan sa Dyip

BAYANIHAN SA DYIP
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bata pa ako'y kinagisnan ko na ang bayanihan sa dyip. Noon, lalo na sa paaralan, inilalarawan ang bayanihan na pagtutulungan ng ating mga ninuno sa pamamagitan ng sama-samang pagbubuhat ng bahay upang ilipat sa isang lugar. Walang bayad kundi pakain lamang. Pakikisama, pagtutulungan.

Ako mismo'y saksi noong bata pa ako, marahil ay apat o limang taong gulang pa lamang, nang binuhat ng aking mga kamag-anak ang kalahati ng bahay ng mga tatang, ng may layong sampu o labindalawang metro, marahil ay mga limampu o animnapung hakbang. Ang binuhat na bahay ang siyang naging tahanan ng aking Tiyo Pablo, na nakatatandang kapatid ng aking ama. Nangyari iyon sa nayon ng aking ama sa lalawigan ng Batangas.

Subalit dito sa lungsod ng Maynila, mas nakita ko kung paano nga ba ang bayanihan. Doon sa araw-araw kong pagsakay sa dyip patungo at pauwi mula sa paaralan. Madalas kong sakyan noon ay ang dyip na biyaheng Balic-Balic - Quiapo at Quiapo - Pier papunta at pabalik mula sa eskwelahan.

Dito sa lungsod, karaniwang walang konduktor, di gaya sa bus, o sa malalayong ruta ng dyip tulad ng biyaheng Cubao-Antipolo. Magbabayad ka ng pamasahe mo, at iaabot mo sa tsuper. Subalit kapag malayo ka sa tsuper, ang pera mo'y aabutin ng kapwa pasahero mula sa iyo at pasa-pasang iaabot hanggang makarating sa tsuper ng dyip. Sa pagsusukli naman ay gayon din, iaabot ng drayber sa mga pasahero ang sukli mo hanggang sa makarating sa iyo. At maiaabot sa iyo ang pamasahe mo nang eksakto, kung gaano ang sukli ng tsuper. Kumbaga ay may tiwalaan sa kapwa pasahero, at walang nangungupit ng sukli. 

Oo, tiwalaan ang isa sa mga sangkap ng bayanihan sa dyip. Ang mismong akto ng pag-aabot ng bayad at sukli ng tsuper at kapwa pasahero ay isa nang bayanihan na kusang dumadaloy sa bawat isa. Sa munti mang pagkilos ay kitang-kita ang pagtutulungan at bayanihan ng bawat isa. 

Kung sakali namang nasiraan ang dyip, ibabalik ng tsuper ang ibinayad ng mga pasahero.  Tiwalaan pa rin. Ibinabalik ang ibinayad ng pasahero sapagkat di ka naman naihatid sa paroroonan mo at upang iyon naman ang gamitin mong pamasahe sa dyip na susunod mong sakyan. Walang nakasulat na patakaran, subalit alam ng tsuper at mga pasahero ang gayong kaayusan.

Kung sakali namang kailangang itulak ang dyip dahil tumigil, magkukusang bumaba ang ilang pasahero upang itulak ang dyip hanggang sa ito'y umandar muli at sila'y muling makabiyahe. Masaya naman ang mga pasaherong nakatulong upang umandar ang dyip nang walang hinihintay na kapalit. Bagamat ito'y abala minsan, lalo na sa mahuhuli sa trabaho.

Sadyang ang bayanihan ay nasa kultura na natin, at nagagamit sa iba't ibang pagkakataon. Kahit na ang kuyog, na isang anyo ng pagkilos upang kamtin ang katarungan, ay isa ring bayanihan ng taumbayan. Halimbawa na lamang, may masamang taong nakagawa ng krimen, at kinuyog ito ng taumbayan. Nagbayanihan ang taumbayan upang saklolohan ang nabiktima ng krimen. Kumbaga'y ramdam ng taumbayan na kailangan nilang magkaisa sa pagkakataong iyon upang masawata ang mga pusakal na baka sila rin ang mabiktima ng mga ito balang araw.

Sa unang halimbawa ng bayanihan, yung pagbubuhat ng bahay, karaniwan nang magkakakilala ang mga nagtutulong-tulong na magbuhat ng bahay. Sa ikalawang halimbawa naman, sa loob ng dyip, hindi naman magkakakilala ang mga pasahero. Subalit kitang-kita natin dito ang bayanihan, lalo na sa pag-aabot ng bayad at sukli. Sa ikatlong halimbawa, sa kuyog, may magkakakilala man o hindi magkakakilala ngunit biglang nagkaisa.

Gayundin naman, ang dyip bilang simbolo rin ng pagkamalikhain ng mga Pinoy, ay pinatingkad pang lalo ng bayanihan. Bagamat maliit na kabutihan kung maituturing ang pag-aabot ng bayad at sukli sa kapwa pasahero, ito'y isang magandang halimbawa ng bayanihan na hindi natin dapat makalimutan, bagkus ay ibahagi at ipakilala pa sa higit na nakararami.

Martes, Nobyembre 17, 2009

Lakad Laban sa Laiban Dam

LAKAD LABAN SA LAIBAN DAM
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matatag na buto, resistensya, determinasyon. Ito ang puhunan ng mga nagmartsang katutubo at taumbayan, kasama ang inyong lingkod, sa 148-kilometrong aktibidad na tinaguriang "Lakad Laban sa Laiban Dam". Nagsimula ito sa bayan ng Gen. Nakar sa lalawigan ng Quezon, hanggang sa Maynila mula Nobyembre 4 hanggang 12, 2009.

Isa ako sa nakiisa sa mga nagmartsa laban sa Laiban Dam. Ngunit hindi ko ito naumpisahan dahil sa ikalawang araw na ako bumiyahe. Ako ang nag-iisang kinatawan na pinadala roon ng grupong FDC (Freedom from Debt Coalition) sa mahabang lakarang iyon. Ang KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralitang Lungsod) na kinabibilangan ko ay kasapi ng FDC. Natagpuan ko ang mga nagmamartsa sa Barangay Llavac, sa bayan ng Real sa lalawigan ng Quezon. Nagsimula akong magmartsa kasama nila kinabukasan na.

Kasama rin namin sa Lakad Laban sa Laiban Dam ang Save Sierra Madre Network (SSMN) ni Bro. Martin Francisco. Si Bro. Martin ang ang opisyal na photographer ng aktibidad na iyon. Kasama rin namin sa martsa ang may mahigit isang daang katutubong Dumagat at Remontados, magsasaka, kababaihan, manggagawang bukid at taong-simbahan. Nagmartsa rin kasama namin si Governor Nap ng mga Dumagat. Dito ko rin nakilala si Sister Bing ng SSMN na sa kalaunan ay nakasama ko sa Philippine Movement for Climate Justice at sa Green Convergence. Ang islogan namin sa martsa: Save Sierra Madre, Stop Laiban Dam! Sa martsang ito ko natutunan kung paano magnganga, na isang kultura ng mga Dumagat. Nalaman ko rin kung ano ang CADT (Certificate of Ancestral DomainTitle). Nagdagdag ito sa dati ko nang alam na OCT (Original Certificate of Title) at TCT (Trasfer Certificate of Title) na lagi naming napapag-usapan sa KPML, lalo na sa mga kaso sa palupa’t pabahay ng maralita.

Ngunit bakit sila nagmartsa, at bakit ako sumama? Isa itong kilos-protesta laban sa pagtatayo ng Laiban Dam. Ang planong pagtatayo ng Laiban Dam na may sukat na 28,000 ektarya ay magpapalikas sa 4,413 pamilya mula sa pitong barangay. Ang ligal na protektadong kagubatan na maraming endemiko't nanganganib mawalang nilalang (species) ay malulubog sa ilalim ng tubig bilang bahagi ng dam o imbakan ng tubig, kasama na ang lupaing ninuno ng tribung Dumagat at Remontados. Pinaaalala ng mga nagmartsa na baka maulit ang nangyaring pagkalubog sa baha at pagkalunod ng marami sa hilagang lalawigan ng Quezon noong Nobyembre 2004 pag nagkabitak at nawasak ang planong Laiban Dam.

Ang Laiban Dam ay itatayo sa Kaliwa Watershed ng Sierra Madre. Ang lagakang-tubig (watershed) na ito ay isang yamang-tubig na kinikilala ng grupong Haribon na Important Biodiversity Area.

Sino ang magbabayad sa isasagawang dam ng gobyerno, sa pamamagitan ng MWSS (Manila Water and Sewerage System)? Ang mismong mga residente ng Kalakhang Maynila (Metro Manila o National Capital Region). Tataas ang presyo ng tubig para lang mabayaran o maibalik ang gastos ng pagtatayo ng dam na may halagang nasa isang bilyong dolyar ($1B) na maaaring lumobo pa sa dalawang bilyong dolyar ($2B) dahil sa tagal ng paggawa at laki ng gastos. Nararapat lamang na iprotesta ito dahil apektado ang kalikasan, lalo na ang buhay, kinabukasan, at kultura ng higit na nakararami. Isa itong proyektong sisira sa ekosistema.

Para sa mga nagmartsa, may mas magandang alternatibong dapat gawin. Dapat muling ibalik at pasiglahin ang nakakalbo nang kagubatan sa lagakang-tubig sa Angat, Ipo, at La Mesa. Dagdag pa'y patindihin ang kampanya kontra pagtotroso (anti-logging), at muling pasiglahin ang naririyan pang mga lagakang-tubig tulad ng Wawa Watershed upang mapalaki ang daloy ng tubig. Isa ring payak at matipid na paraan ang pagbaba ng pangangailangan sa tubig sa pamamagitan ng pagpapahusay pa sa serbisyo ng Manila Water at Maynilad, at huwag nang isampa pa ang bayarin sa mga konsyumer hinggil sa mga natatapon at di nagagamit na tubig (water wastage).

Natulog kami ng ikalawang araw sa isang paaralang elementarya sa Llavac sa Real, Quezon, at pagkagising namin ng umaga ay nag-ehersisyo muna kami bago kumain at muling magmartsa. Bawat umaga ay ganuon ang ginagawa namin - ligo, ehersisyo, kain, pahinga kaunti, at lakad na naman. Ginawa naming kainan ang bao ng niyog. May sumasalo sa aming mga lugar na tinutulugan namin tuwing gabi. Nakatulog kami, halimbawa, sa parokya ng San Sebastian sa Famy, Laguna, sa Antipolo SAC (Social Action Center), sa Ateneo de Manila University, sa Caritas Manila. Dinaanan din namin, nanawagan at nagrali kami sa harap ng opisina ng DENR (Department of Environment and Natural Resources) at sa NCIP (National Commission for Indigenous Peoples). Doon na sa Caritas ang huli kong araw (Nobyembre 11), at bandang hapon ay nagpaalam na ako sa kanila, sa mga kaibigan kong katutubo, at mga kasama sa kilusang makakalikasan. Ang mga katutubo naman ay nagmartsa pa kinabukasan sa Malakanyang.

Lungsod Quezon
Nobyembre 16, 2009

Lunes, Oktubre 26, 2009

Kaybagsik nina Ondoy at Pepeng

KAYBAGSIK NINA ONDOY AT PEPENG
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ondoy at Pepeng. Pawang matitinding unos na dumatal sa ating bansa, lalo na sa Kalakhang Maynila, Gitnang Luson at Hilagang Luson. Kinitil ng mga bagyong ito'y halos nasa 500 katao na. Lubog sa baha ang mga subdibisyon, mga iskwater, at mga pananim sa mga probinsya. Nakakalungkot, dahil bukod sa mga namatay ay marami pa ang nawalan ng tahanan. Dinelubyo ng mga bagyong ito ang kabahayan at kabuhayan ng ating mga kababayan. Hanggang ngayon, marami pa ring kabahayan ang lubog sa baha dahil walang madaluyan ng tubig para bumaba, tulad sa Muntinlupa.

Sinong sisisihin sa nangyari? Ngunit may dapat nga bang sisihin sa mga nangyari, gayong ito'y ngitngit ng kalikasan? O ang dapat nating sisihin ay ang sistemang panlipunang sumira sa kalikasan, na siyang dahilan upang gantihan ng kalikasan ang tao?

Muling nasilayan ng marami ang muling pagbabayanihan ng mga Pilipino at pagmamalasakit nila sa ating kapwa. Agad silang sumaklolo sa mga natamaan ng baha, ngunit ang marami, bagamat nais sumaklolo ay walang magawa dahil sa kawalan ng kagamitan. O kung may gamit man ay di bihasa sa paggamit nito.

Gayunman, kapansin-pansin ang kawalang-handa ng pamahalaan sa ganitong mga sitwasyon. Doon nga sa may Brgy. Bagong Silangan sa Lunsod Quezon, umabot na sa 42 katao ang namatay. Sa Provident Village sa Marikina, na karamihan ay mga sikat ang nakatira, ay hindi rin pinatawad ni Ondoy. Sa Muntinlupa’y walang madaluyan ang tubig baha kaya lubog pa rin ang maraming bahay sa putik. Ang lalawigan ng Pangasinan ay nagmistulang karagatan. Nagka-landslide sa Baguio City at sa La Trinidad, Benguet, kung saan kayraming namatay. Habang isinusulat ito’y nasa 648 na ang natalang namatay.

Hindi maaaring sabihin ng pamahalaan na di sila handa sa ganitong pangyayari, pagkat lagi namang tinatamaan ng bagyo ang ating bansa. Noong 2007 nga ay nanalasa na ang kaytinding bagyong Milenyo na kumitil din ng maraming buhay. Dapat ay naghanda na sila kung sakaling mangyari muli ang panibagong unos tulad ni Milenyo. O ang dapat nating sisihin o punahin ay ang nagaganap na climate change na nagdulot ng ganitong katinding unos?

Ano nga ba ang tinatawag na climate change? Ito ang pagbabago-bago ng klima ng mundo, dahil sa mga greenhouse gases (GHG) na bumubutas sa atmospera ng ating daigdig. Tulad dito sa Pilipinas, nagkaroon ng tag-ulan sa panahon ng tag-araw. Ngayon ngang 2009 ay naranasan nating umulan ng malakas at nagbaha nitong Mayo na dapat ay tag-araw. Ang greenhouses gases na sumira sa kalikasan ay dulot ng pagsusunog ng mga fossil fuels para sa langis ng mga sasakyan. Dulot din ito ng mga coal-fired power plants na nagsusunog din ng mga uling para magpaandar ng kuryente.

Ngunit sa ngayon, sinisisi ng gobyerno, lalo na ng mga trapo, ang mga maralita dahil sa pagbaha. Ang mga iskwater daw ang dahilan kaya di raw madaanan ng tubig ang mga estero, kaya nais ng mga pulitiko na pabantayan ang mga lugar na binaha sa mga militar upang di na roon makabalik ang mga iskwater. Ngunit sino ba ang dahilan kung bakit may iskwater? Hindi ba’t itong gobyerno, mga elitista, mga mayayaman, mga kapitalista, na di isinasama sa pag-unlad ang mga dukha at laging inietsapwera ang mga mahihirap sa mga planong kaunlaran ng bansa? Hindi ba’t ang laging solusyon nila sa maralita ay itaboy ito sa mga lunsod at itapong parang mga basura sa mga bundok at malalayong lugar?

Maraming salamat sa mga noodles at sardinas na ipinamigay upang kahit pansamantala ay may pang-agdong-buhay ang mga nasalanta. Ngunit alam nating hindi ito sapat upang makabalik ang mga nasalanta sa dati nilang pamumuhay. Kaya imbes na pawang noodles at sardinas ang ibigay bilang relief sa mga apektado, bakit hindi na lang ibigay ay mga bahay na sapat para sa kanila. Karapatan nila ang magkaroon ng bahay, ngunit pinabayaan sila ng gobyernong tumira sa mga mapanganib na lugar, tulad ng riles at estero.

Anong dapat gawin? Dapat na ilaan ang countryside development fund o pork barrel ng mga mambabatas, calamity fund ng gobyerno para sa pagbili ng lupa sa mga maralitang biktima ng bagyong Ondoy. Tiyaking sa relokasyon nilang ito ay may sapat na pabahay, hanapbuhay at serbisyo. Dahil isa man sa tatlong ito ang mawala ay tiyak na delubyo sa mga nasalanta.

Dapat magkaroon ng moratorium sa demolisyon at pagpapaalis sa evacuation center hangga’t walang maayos, abot-kaya at ligtas na relokasyon. Hindi dapat na itataboy na lamang na parang mga daga ang mga maralita at basta na lamang paaalisin nang walang kasiguraduhan sa paglilipatan.

Ngunit mananatili ang katotohanan: Sa nangyaring pagkamatay ng daan-daang tao, at kawalan ng matitirhan ng mga nasalanta, ang tanging ginagawa ng gobyerno ay mamigay ng noodles at sardinas, imbes na tiyaking ayusin at ilagay sa mas maayos na lugar ang mga nasalanta. Kung ipagpapatuloy ng gobyerno ang basta na lamang pagpapaalis sa mga maralita sa dating kinatirikan ng kanilang bahay nang walang maayos na plano, sadyang inutil ang gobyerno ni Gloria.

Martes, Oktubre 20, 2009

Pagdalo sa Asian People's Solidarity for Climate Justice sa Bangkok

PAGDALO SA ASIAN PEOPLE’S SOLIDARITY FOR CLIMATE JUSTICE SA BANGKOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mapalad na napiling magtungo sa Bangkok, Thailand   bilang kinatawan ng maralitang lungsod hinggil sa usapin ng climate change sa isang pulong na ginanap sa tanggapan ng Freedom from Debt Coalition (FDC).  Isa sa mga programa ng FDC ang usapin ng climate change kaya naitayo ang network na tinawag na Climex (ClimateExchange). Ako ang kinatawan ng grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) na kasapi naman ng FDC.

Dalawang araw makalipas ang bagyong Ondoy na halos nagpalubog sa maraming lugar sa bansa, lalo na sa Luzon. ay nagtungo kami ng aking tatlong kasamahan sa Bangkok, Thailand upang dumalo sa mahigit isang linggong aktibidad hinggil sa usaping climate change. Kami ay nasa Bangkok mula Setyembre 28, 2009 hanggang Oktubre 8, 2009. Pagdating namin sa Bangkok ay nakasama namin ang iba pang Pinoy doon, kasama ang mga aktibista mula sa ibang bansa. Doon kami tumuloy sa KT Hotel sa Bangkok.

Ang nasabing aktibidad na tinawag na Asian People's Solidarity for Climate Justice (APSCJ), isang programang ka-parallel o ipinantapat ng iba't ibang kilusang masa't samahan sa United Nations climate talk na ginanap din sa Bangkok nitong Setyembre 28 hanggang Oktubre 9, 2009. Pinangunahan ang APSCJ ng Jubille South Asia-Pacific Movement on Debt and Development (JSAPMDD) at ng NGO Forum on ADB. Ito'y sa pakikipagtulungan sa Indian Social Action Forum, Rural Reconstruction Nepal, Pakistan Fisherfolk Forum, Freedom from Debt Coalition-Philippines, Focus on the Global South, Unnayan Onneshan, Koalisi Anti-Utang, IESR, KRUHA, Walhi, Solidaritas Perempuan, at South Asia Alliance for Poverty Eradication (SAAPE). Halos ang lahat ng venue ng aming talakayan ay idinaos sa basement ng 14 October 1973 Monument at sa Ground Floor ng 14 October 1973 Foundation.

Maraming usapin hinggil sa suliranin sa klima, kaya pinag-usapan ang agham at pulitika ng klima, mga pagsusuri sa dahilan nito at ang naiisip na solusyon, at mga mayor na isyu hinggil sa pakikibaka para sa climate justice o kararungan sa usapin ng klima. Pinag-usapan din ang isyu ng tubig at kuryente.

May pagkilos din kami sa lansangan ng Bangkok kung saan nakasuot kami ng t-shirt na itim na ang nakasulat: "Reparations for Climate Debt" sa harap at "World Bank and ADB: Out of Climate Talks".

Pumaroon kami sa Bangkok na iniwan ang Pilipinas na sinalanta ni Ondoy, isang bagyong anim na oras lamang ngunit nagpalubog sa maraming panig ng kalunsuran na tila ba umulan ng isang buwan. Kaya sa isang pag-uusap doon ay naisip namin na iugnay ang nangyaring Ondoy sa isyu ng pagbabago ng klima.

Ang pagtungo sa Bangkok at pagdalo sa mga talakayan ay isang karanasang mas nagpatibay sa akin sa usapin ng climate change at climate justice. Marami akong nakasalamuha at natutunan hinggil sa usaping ito, di lang mga kapwa Pilipino kundi mga taga-ibang bansa rin. Nariyan ang usapin hinggil sa REDD, carbon trading, biofuel, panawagang reparasyon ng Annex 1 countries sa mga maliliit at di-pa-maunlad na bansa, atbp.

Bukod sa mga talakayan, nakapaglunsad din kami roon ng ilang rali, at may kasama rin kaming tomtom boys (ati-atihan) na mga Pinoy. Kaunti lang ang naipon kong litrato sa paglalakbay namin doon, bagamat marami kaming kuha, at dahil na rin wala namang akong dalang kamera na sana'y nakunan ko ang iba't ibang aktibidad doon. Doon ko na rin idinaos ang aking kaarawan. Marami akong nadala pauwi na mga aklat, magasin, brochure, at iba't ibang babasahin hinggil sa usaping klima na ipinamahagi doon ng iba't ibang samahan.

Kinatawan ako ng grupong KPML doon, at ngayon, patuloy pa rin ang KPML sa pakikipag-ugnayan sa Climex sa kampanya at edukasyon hinggil sa usaping klima at hanggang ngayon ay aktibo pa rin akong kalahok dito, sa talakayan man, sa iba pa mang pagkilos, sa pagsusulat, at sa mga rali sa lansangan.

Sampaloc, Maynila
Oktubre 19, 2009

* Noong 2010, ang Climex ay napalitan ng pangalan at nabuo bilang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa isang pulong sa tanggapan ng FDC

Biyernes, Oktubre 2, 2009

Paunang Salita sa aklat na "Tiim-Bagang sa Paglirip"


TIIM-BAGANG SA PAGLIRIP

Napakarami ng suliranin ng masa sa araw-araw. At kadalasan, napapatiim-bagang ka na lang, lalo na't di mo alam kung anong dapat gawin upang malutas ito. Wala kang magawa. Hindi mo malirip, kahit sa mga payak na paliwanag, bakit nangyayari ang mga ito, at bakit may iilang hindi nakararanas ng karukhaan, at napakarami ang dukha. Kayraming suliranin sa bahay, sa sarili, sa pamilya, sa pag-ibig, sa pamayanan, sa lipunan.

May nagpapakamatay dahil hindi nakayanan ang pagkapahiya at pagkabigo. May nagiging tambay na lamang at ayaw nang kumilos. May nais kumilos para sa kinabukasan ngunit di alam ang gagawin. May nais kumilos ngunit di kaya ng panggastos dahil mula sa pamilyang dukha. Kayraming tiwali sa pamahalaan, kurakot dito, kurakot doon. Mga baluktot ang mga patakaran, at kadalasan ay pumapabor lamang sa iilan, ngunit mayorya ng mga patakarang ito ay pahirap sa taumbayan, mga patakarang pabor lamang sa interes ng iilan sa lipunan.

May magagawa pa ba? Isinilang ba tayong ganito na ang lipunan? O may dahilan ito, may malalim na pinag-ugatan ito, na kung pag-aaralan lamang natin ang lipunan, magsasaliksik, at sa ating kapwa’y makikipagtalakayan, marahil ay ating mauunawaan ang mga sanhi. Ngunit mababago ba natin ang ating kalagayan?

Hindi sapat na mapatiim-bagang na lang tayo sa ating mga nasasaksihan. Ano ang dapat nating malirip upang tayo'y kumilos? Di lamang tayo, kundi paano kikilos ang mayoryang naghihirap sa lipunang ito?

Halina't pag-aralan natin ang lipunan. 

Halina't namnamin natin ang ilang mga saknong at taludtod sa mga tulang naririto, pati ang mga salin sa bandang dulong pahina ng aklat na ito, at bakasakaling may mapulot tayo kahit kaunti upang makatulong sa pagsulong tungo sa pagbabago ng ating kalagayan, paggalang sa mga karapatan ng tao, at pagtatayo ng isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Nawa kahit munti man ay maging makabuluhan sa inyo ang munting aklat na ito ng mga tula at salin. Mabuhay kayo!

GREGORIO V. BITUIN JR.
Oktubre 2, 2009

Miyerkules, Setyembre 30, 2009

Paano nga ba ako nagsimulang magsulat?

PAANO NGA BA AKO NAGSIMULANG MAGSULAT?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mahaba-haba na rin ang panahon nang magsimula akong magsulat. Hindi ito ang pagkatuto lang kung paano bumasa at sumulat, kundi paano ang pagkatha ng mga sanaysay, balita, tula, dagli, maikling kwento, at mga kagaya pa nito, na kaiga-igayang basahin ng sinumang makakabasa nito. Nagsusulat ako noon para mailagay ko sa papel ang aking mga saloobin, mga pagsintang pururot, kumbaga.

Masasabi kong pormal akong naging manunulat nang ako'y maging staffwriter noong 1993 sa publikasyong The Featinean, ang opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng FEATI University. Halos apat na taon ako sa publikasyong iyon, sa ilalim ng limang editor.

Nang mag-resign ako sa trabaho bilang machine operator ng tatlong taon, at muling pumasok sa kolehiyo, nagkaroon ng bakante sa publikasyong The Featinean. Sa paglalakad ko sa pasilyo ng FEATI, nakita kong nakapaskil sa labas ng opisina ng The Featinean na kailangan nila ng apat na bagong staff ng publikasyon. Enero 1993 iyon. Nuong una, parang ayaw ko pa, hanggang sa sabihan ako ng isang kaklase ko na subukan ko, dahil sayang naman at bakasakaling makapasa ako. Tutal wala naman akong pasok ng hapong iyon dahil pulos panggabi klase ko at may subject sa pang-umaga, kumatok ako sa pinto ng publikasyon at nagsabing interesado akong maging manunulat. Pinapunta naman ako sa itinakda nilang iskedyul. At sa pagsusulit na iyon, mga pito kaming kumuha ng pagsusulit. Ilang araw lamang, nakapaskil na ang pangalan ng mga nakapasang bagong staffer ng The Featinean at isa ako sa nakapasa. Duon na nagsimulang tuluy-tuloy akong magsulat hanggang sa ngayon. Isyu ng Pebrero 1993 ng The Featinean ay inilathala ang una kong artikulo na pinamagatang "Pagsubok at Tagumpay". Halos kasabay ito ng pagkalathala rin ng artikulong iyon sa Blue Collar Magazine na inilalathala ng Don Bosco, unang isyu ng 1993.

Pero bago ito, mahilig na rin akong magsulat ng kung anu-ano. Natatandaan ko pa nang nasa Japan ako ng 1988, ipinadadala kong liham sa aking Mommy at mga kapatid ay pawang patula. Wala na akong kopya ng mga iyon para tipunin ko bilang patunay ng mga nauna kong tula, dahil pakiramdam ko, iyon naman ay personal na tula sa mga kapatid ko, lalo na sa aking mahal na ina, kaya di na dapat pang ilathala.

Mahilig din akong kontakin ng ilang kakilala sa Sampaloc para gumawa ng love letter para sa kanilang nililigawan. Ewan ko ba kung paano ako napunta sa ganitong gawain. Marahil may isa akong niligawan na ipinabasa niya sa iba ang gawa ko at nagandahan sila. Kaya siguro may mga ilang nagpapagawa sa akin ng love letter.

Habang nagtatrabaho ako sa PECCO sa Alabang bilang machine operator, nakitaan ako ng galing sa pagsusulat ng ilang mga kamanggagawa ko doon, lalo na yaong mga working student. Napansin nila ito nang minsang basahin ko sa harapan ng aking mga kamanggagawa ang ginawa kong talumpati para sa pabrika. Tuwing umaga, pagpasok sa pabrika, mag-eehersisyo muna ng sabay-sabay ang mga empleyado at pagkatapos noon ay isang empleyado ang magsasalita sa harapan. Araw-araw iyon, tuwing papalo ang alas-otso ng umaga. Kaya ilang mga kamanggagawa kong working students, kahit di ko sila ka-departamento, kinakausap nila ako para gumawa ng essays o artikulo na assigment nila sa school. Pinapaunlakan ko naman. Tutal, wala namang mawawala sa akin. Hanggang sa mag-resign ako sa PECCO matapos ang tatlong taong singkad (Pebrero 1989-Pebrero 1992).

Sa The Featinean, higit dalawang taon akong naging staffwriter, sa ilalim ng tatlong editor. Yung huling bahagi ng pagkaeditor-in-chief ni Albert Ramos, Pebrero 1993-Mayo 1993, Erwin Q. San Luis, schoolyear 1993-1994, at Arnold H. Divina, schoolyear 1994-1995. Dalawang taon naman akong naging features and literary editor ng The Featinean, sa ilalim ni Mariano Midel Jr, schoolyear 1995-1996 at Adonis C. Beciril, schoolyear 1996-1997.

Habang ako'y staffwriter ng The Featinean, narekrut ako sa Kamalayan o Kalipunan ng Malayang Kabataan. Ang Kamalayan ang dating League of Filipino Students - National Capital Region (LFS-NCR) chapter na umalis sa LFS-national at naging Kamalayan. Dito'y nahalal akong maging Basic Masses Integration (BMI) officer noong 1994, at nagsulat din ng ilang artikulo ukol sa pakikibaka ng Kamalayan. Hanggang sa mahatak ako ng isang kasama sa Kamalayan upang magsulat sa pahayagan ng kapatid na organisasyon nito, ang National Federation of Student Councils (NFSC) na dati namang National Union of Student of the Philippines (NUSP)-NCR. Inilathala namin ang pahayagang Resurgence, ako bilang associate editor nito.

Pagka-resign ko sa The Featinean, pansamantala akong nagpahinga bilang manunulat, 1997 iyon. Noong 1998, nalathala ang una kong artikulo sa Tambuli, ang opisyal na publikasyon ng BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilipino). Nasundan pa ito ng ilan ding sulatin, pawang mga lathalain (feature article) at bihira ang mga malikhaing pagsulat, tulad ng tula. Noong 1999, naging punong-patnugot ako ng ikalawang isyu ng magasing Maypagasa, ang opisyal na publikasyon ng grupong Sanlakas. Marami-rami rin akong naisulat sa mga publikasyong iyon, lalo na sa Maypagasa.

Noong 1998, sa pamamagitan ng pagtalaga sa akin ng manunulat at nobelistang si Ed Aurelio C. Reyes, naging coordinator ako ng Philippine Movement for Press Freedom (PMPF), isang pambansang samahan ng media sa bansa. At ang una kong proyekto rito ay ang pagdaraos ng kongreso ng PMPF, na idinaos noong Agosto 30 ng taon din iyon, at nahalal ako bilang kalihim nito. Ang pangulo ay si Vic Balmonte habang ikalawang pangulo si Reyes. Noong Nobyembre 28, 1998 naman, pormal na naitatag ang Young Writers Assembly of the Philippines (YWAP) sa Makati, kung saan dinaluhan ito ng mga kabataang manunulat mula sa ilang eskwelahan. Nahalal din ako rito bilang pangkalahatang kalihim.

Hindi ako mahilig gumawa ng tula noong una, dahil bihira kundi man kakaunti talaga ang nagawa kong tula. Kapansin-pansin ito pag tinipon ang mga katha kong tula sa The Featinean. Sa loob ng apat na taon ng paglilingkod sa publikasyon, wala pang sampung tula ko ang nalathala sa The Featinean. Dagdag pa sa pagkadismaya ko noon sa pagkatha ng tula ang pagkawala ng isang kwaderno kong tipunan ng tula. Marami akong naisulat na tula na tinipon ko sa kwadernong iyon, ngunit nawala ito noong nakatira pa ako sa opisina ng Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) sa Fortune Bldg. sa Pineda, Pasig. Ngunit hindi naman ako nabablangko sa pagkatha ng mga tula, marahil may isa bawat buwan noon. Mas nagkainteres akong gumawa ng tula nang magpasa ako ng limang tula bilang rekisitos upang maging estudyante ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) poetry clinic na inorganisa ng makatang Virgilio S. Almario noong 1985. Mula Setyembre 2001 hanggang Marso 2002, dumalo ako sa poetry workshop ng LIRA.

Noong 2003, naging staff ako, at sa kalaunan ay naging cultural and literary editor, ng pahayagang Obrero na inilalathala ng BMP. Noong 2006, naging kasamang patnugot (associate editor) ako ng magasing Tambuli na inilalathala ng Katipunang DakiLahi. Dito ko natutunan kung paano ba mag-bookbind ng magasin, pati na rin ng libro. Sa panahong ito ko nasimulan ang una kong ginawang libro na pinamagatan kong MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa, Unang Aklat, kung saan nalathala ang isang tula kong ibinigay sa hinahangaan kong babae at lihim na iniibig. Naging inspirasyon ko siya kaya nagtuloy-tuloy na ang paglalathala ko ng iba't ibang uri ng libro. Inipon ko rin ang mga dati ko nang nagawang artikulo, pati na yaong mga lumabas sa The Featinean, at ginawa kong libro. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin akong nagsusulat at naglalathala ng mga libro. Noong 2007, inilathala ko ang librong NIngas-Bao bilang pagdiriwang ko ng ika-15 taon ko sa daigdig ng panulat, mula 1993 hanggang 2007. Naglalaman ang aklat ng 15 sanaysay at 15 tula. Setyembre ng taon ding iyon ay inilunsad sa UP Manila ang libro kong Macario Sakay, kasabay ng ika-100 taon ng kamatayan ng nasabing bayani.

Ang pagsusulat ay hindi lamang isang outlet, o labasan ng aking mga hang-ups o mga problema sa buhay, Ito'y isang mahalagang gawaing dapat kong gampanan ng husay sa kilusang mapagpalayang kinapapalooban ko ngayon. Marahil matagal pa bago ko iwan ang pagsusulat. Sa ngayon, masaya ako sa ginagawa ko kahit walang pera sa tula, kahit walang allowance mula sa pahayagang Obrero. Ang malaman ko lang na nalathala na ang aking mga pinaghirapang artikulo at tula ay isa nang malaking kasiyahan sa akin. Dagdag na kasiyahan pa kung magkomento pa sila dahil sa kanilang nabasa. Kaya maraming salamat sa mga nagbasa at nagkomento sa aking mga isinulat. Mabuhay kayo!

Martes, Setyembre 29, 2009

Tita Odette Alcantara, isang muog sa kilusang makakalikasan

TITA ODETTE ALCANTARA, ISANG MUOG SA KILUSANG MAKAKALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong 1995 ako nagsimulang dumalo sa buwanang Kamayan para sa Kalikasan Forum sa Kamayan Restaurant sa EDSA, malapit sa Ortigas. Doon ko nakilala si Tita Odette Alcantara. Isa siya sa mga palagiang dumadalo at minsan ay naging tagapagsalita sa Kamayan Forum. 

Siya ang isa sa masugid na tagapagtaguyod ng kalikasan. Siya ang nangampanya ng LAHAT - Lupa, Araw, Hangin, Ako, Tubig - na bawat nilikhang ito mula sa kalikasan ay dapat nating proteksyunan at pangalagaan. 

Minsan na rin akong nakarating sa bahay ni Tita Odette, kasama si Sir Ed Aurelio Reyes, sa Blue Ridge Subdivision sa Lungsod Quezon. Doon nagpulong ang ilang mga lider na makakalikasan, at ipinakita pa niya kung saan ibinabaon ang mga basurang nabubulok, tulad ng dahon, sanga ng puno, panis na pagkain, balat ng prutas, at iba pa. Habang ang mga basurang hindi nabubulok, tulad ng bote at lata, ay ibenta sa Linis Ganda. Magkakapera ka pa. Ibalik kay Inang Kalikasan ang mula sa kalikasan. At ibalik kay Amang Pabrika ang mga galing sa pabrika. 

Nakakatuwa ring magtungo sa kanilang bahay dahil  mahilig din siyang maglaro ng chess at maraming iba't ibang klase ng chessboard sa kanilang bahay, kung saan ang mga piyesa ng chess ay tila mga tao. Masaya ako roon at dama ko ang ginhawa sa kanyang tahanan.

Nang siya'y pumanaw noong Setyembre 2009, para akong nawalan ng nanay. 

At doon sa Kamayan Forum ay binigyan siya ng pagpupugay at isang minutong katahimikan bilang pag-alaala sa kanya. Bilang pagpupugay ay inalayan ko ng tula si Tita Odette.

TITA ODETTE ALCANTARA, PARA SA KALIKASAN
tula ni Greg Bituin Jr.

si Tita Odette Alcantara, makakalikasan
magaling siyang guro para sa kapaligiran
matalino, mapanuri, aktibista, palaban
bawat bitaw ng kanyang salita'y may katuturan

bilin nga niya, ibukod ang mga nabubulok
na basura sa mga basurang di nabubulok
huwag na nating gawing basura'y magtila bundok
uriin, pagbuklurin, huwag ipaglahok-lahok

payo pa niya, maging bahagi ka ng solusyon
upang luminis ang hangin, mawala ang polusyon
Lupa, Araw, Hangin, Ako, Tubig (LAHAT) ng ngayon
ay dapat nating unawa, tiyaking may proteksyon

sa iyo, Tita Odette Alcantara, pagpupugay
ang lahat ng itinuro mo sa amin ay gabay
para sa kalikasan, mga payo mo'y patnubay
sa muli, kami'y saludo, mabuhay ka, mabuhay!

Miyerkules, Agosto 12, 2009

Walang Bathala sa Rebolusyon

WALANG BATHALA SA REBOLUSYON
ni Greg Bituin Jr.

Sa dalawang popular na awiting aktibista sa mga rali, madalas na inaawit ang mensaheng hindi tayo dapat umasa sa sinumang manunubos na darating, kundi sa ating lakas bilang nagkakaisang uri. Malaman ang mensahe na hindi natin basta kakantahin lamang ang awit nang di natin nananamnam sa ating puso't isipan ang kahulugan ng kanta. Ang dalawang awiting ito'y ang "Internasyunal" at ang "Pandaigdigang Awit". Palagian itong inaawit ng mga aktibista sa rali na kadalasang pinangungunahan ng grupong Teatro Pabrika kapag sila'y nagtatanghal.

Sa ikatlong saknong ng "Internasyunal" ay ganito ang nakasulat:

Wala tayong maaasahang
Bathala o manunubos
Kaya't ang ating kaligtasa'y
Nasa ating pagkilos

Sa ikalawang saknong naman ng "Pandaigdigang Awit" ay ganito naman ang nakasaad:

Uring api'y magkaisa
Maghimagsik at makibaka
Walang tayong mapapala
Sa paghihintay sa bathala

Bakit ipinangangalandakan sa mga awiting aktibista na tayo'y huwag umasa sa sinumang manunubos at huwag nang asahang may darating na tulad nina Superman, Batman, Buddha, Kristo, Beelzebub, David Karesh, at iba pang tinaguriang tagapagligtas upang sagipin tayo mula sa pagsasamantala ng tao sa kapwa tao.

Bakit imbes na kilalanin ang sariling lakas, maraming umaasa na lamang na may darating silang tagapagligtas na tulad ni Superman? Hindi ba nila kayang organisahin ang kanilang hanay upang mapagtagumpayan nila ang kanilang minimithing pagbabago para sa maalwan at maunlad na kinabukasan ng henerasyon ngayon at ng mga susunod pa?

Hindi natin sinasagkaan ang anumang relihiyon. Lamang, karamihan ng relihiyon ay mas nais pang tayo'y magtiis sa hirap at maapi, kaysa ipagtanggol tayo. Mapalad ang naaapi dahil sasainyo ang kaharian ng langit. Ngunit napakarami nang naapi mula pa noong unang panahon. Lahat ba sila'y mapalad na nakarating sa langit? Hindi ba sila nagsisiksikan sa langit ngayon? Hindi ba pwedeng dito pa lang sa lupa ay gawin natin itong langit, di tulad ngayon na nakatira ang marami sa impyerno!

Parang bang ang relihiyon ay para lamang sa mga mayayaman at elitista na nag-aari ng malalawak na lupain, pabrika at iba pang kasangkapan sa produksyon.

Ito'y mauugat na rin sa sinabi ng rebolusyonaryong si Karl Marx na ang relihiyon ay opyo. Mababasa rin natin ito sa sinulat ni Lenin sa kanyang artikulong "Sosyalismo at Relihiyon".

Imbes na maghanap tayo ng isang tagapagligtas na bayani, ang dapat nating gawin ay magbayanihan. Kailangan nating magkaisa at magtulungan dahil nasa sariling lakas natin ang ating ikatatagumpay. Mananalo tayo sa rebolusyon kung wawasakin natin ang ugat ng kahirapan at pagsasamantala sa lipunang ito - ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon. Hangga't pag-aari ng iilan ang mga kasangkapan sa produksyon ng ekonomya ng lipunan, tulad ng pabrika, makina't lupain, mananatili ang kahirapan. Dapat baklasin ng uring manggagawa ang gintong tanikalang nakapulupot sa kanya upang lumaya ang buong sambayanan sa kuko ng pagsasamantala, hanggang sa maitayo natin ang lipunang walang mag-aangkin ng mga kasangkapan sa produksyon upang ang lahat ay umunlad ng masagana at pantay-pantay.

Walang Bathala sa Rebolusyon! Nasa ating pagkilos ang ating ikaliligtas! Halina't patuloy na makibaka hanggang sa tagumpay!

Linggo, Hulyo 19, 2009

Bakit kusang nagla-lock ang pinto ng CR?

BAKIT KUSANG NAGLA-LOCK ANG PINTO NG CR?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sarili ko itong karanasan sa isang opisina, kung saan isa ako sa taong bahay doon, at staff ng opisina.

Nagtataka ang mga kasamahan ko kung bakit laging nagla-lock ang pinto ng banyo o CR. Pagkatapos nilang maligo, tumae kaya o kahit umihi lamang, agad na nasasara ang pinto ng CR. Kaya yung kasunod na gagamit ay hindi makagamit. May nagmumulto ba sa CR kaya kusang nagla-lock ang pintuan? Kailangang tawagin ang mayhawak ng susi kapag nala-lock ang CR. At ako ang mayhawak ng susi na lagi nilang tinatawag.

Ang lock ng CR ay iyong pabilog na para ma-lock siya ay pipindutin mo ang gitna nito para ma-lock, pero nasa loob ka ng CR. Pipihitin mo iyon pag labas mo para mawala sa pagka-lock. Pag nasa labas ka ng CR ay kailangan mo na ng susi. Hindi naman sasadyaing i-lock ng nasa loob at lumabas na ng CR ang pinto dahil alam niyang may iba pang gagamit. Ang pwede, lumabas siya sa CR nang hindi na sinasara ang pinto.

Nakakainis, dahil marami akong ginagawa bilang staff, at dahil ako ang mayhawak ng susi ng CR, lagi akong tinatawag dahil lang para buksan ang CR. Grabe. Pero dapat malutas ang problemang iyon.

Palibhasa, hindi ako naniniwala sa multo, napag-isipan ko minsan kung bakit ba iyon kusang nagsasara. Minsang nakaupo ako sa inodoro, napatitig ako sa lock ng CR. Paano ba marereolba ang pagkaka-lock nito. Bago ako lumabas ng CR, tiningnan ko kung pagpihit ko ba ng lock ay hindi na ito nagluluwag kundi pirmi nang naka-lock. Kung ganoon ang nangyayari, dapat palitan na ang lock dahil sira na ito.

Pero pagpihit ko ng lock, bigla itong magki-klik at lumuluwag naman ang lock. Ibig sabihin, kahit masara ang pinto, makakapasok ang susunod na gagamit ng CR dahil hindi naman naka-lock ang pinto. Pero paano nga ba nala-lock ng kusa ang lock ng pinto? Nakita ko rin sa walas ang problema.

Iyun palang lock ng pinto pag tumatama sa tiles ng CR ay kusang nagsasara. Ilang beses ko itong sinubukan. Itinatama ko ang pinto ng CR sa tiles o dingding ng CR. Sumasara ito. Alam ko na ang problema. Paano ko naman ito sinolusyunan?

Kumuha ako ng ilang karton ng pad paper at ginupit ko ang mga iyon. Pinagpatong-patong ko ang mga iyon, at idinikit ng masking tape sa tiles na tinatamaan ng lock ng pinto kaya kusang sumasara. Nagsilbi ang mga kartong iyon bilang bumper upang hindi na magsara ng kusa ang pinto at huwag ituring na may nagmumulto sa kubeta.

Isang araw lang iyon tumagal dahil tinanggal din ng aking kasama sa opisina. Tinawag na naman ako na nag-lock muli ang pinto. Akala niya'y basura lang iyong nakadikit at hindi niya naunawaan na bumper iyon para hindi mag-lock ng kusa ang pinto.

Kaya muli akong kumuha ng karton at idinikit kong muli sa tiles ng CR. Pero sinulatan ko na iyon, at nakasulat: DOOR BUMPER sa itaas, at PARA DI KUSANG MAGSARA ANG PINTO sa bandang ibaba.

Mula noon, hindi na nagsasara ng kusa ang lock ng pinto dahil may bumper na karton na roon, at naunawaan na rin ng mga kasama sa opisina at mga bumibisita roon kung bakit may door bumper na doon sa CR, at wala naman talagang multo doon kaya hindi na kusang nagla-lock ang pinto.

Biyernes, Hulyo 17, 2009

Unang Danas na Kikil

UNANG DANAS NA KIKIL
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa first year high school pa lang ako noon nang maranasan ko ang unang pagkakataong ako'y kinikilan. Limang piso lamang ang baon ko sa isang araw at kinikilan pa ako.

Mula sa bahay patungong eskwelahan, sasakay ako ng dyip na biyaheng Balic-Balic-Quiapo, bababa sa Quiapo, dadaan sa underpass patungong Quezon Blvd., sa tapat ng simbahan ng Quiapo dahil naroon ang sasakyan ng dyip patungong Lawton. Bababa ako ng Lawton upang maglakad patungong eskwelahan. Ang rutang iyon ang natutunan ko, habang may ibang daan na itinuro sa akin ang aking ama, ang pagsakay ng dyip na rutang Quiapo-Pier patungong eskwelahan. Subalit ang daang iyon ay patungo sa kanyang opisina na malapit lamang sa pinapasukan kong eskwelahan, at may kahabaan ng kaunti ang lakarin kaysa galing ng Lawton.

Naranasan ko ang una kong "hold-up" nang minsan, mag-isa akong bumiyahe patungong paaralan nang sa paglalakad ko sa underpass ng Quiapo ay hinarang ako ng isang payat na lalaki, medyo gusgusin sa aking pagkakatanda. Sabi niya'y pahingi raw ng pera. Hindi ko alam ang aking gagawin dahil nakaharang siya sa aking daraanan, at pag ibinigay ko naman ang buo kong limang piso ay mawawalan ako ng pamasahe papunta sa eskwelahan.

Mukhang totoy pa kasi ako nang mga panahong iyon, first year high school, kaya marahil madaling kikilan. Nakapolo, nakabalat ng sapatos, nakapantalon, maayos ang gupit, animo'y binatang-binata ang dating. Nagsisimula pa lang akong matutong laging magbiyahe sakay ng dyip patungong eskwelahan. Dahil noong elementarya'y nilalakad ko lang ang aming paaralan.

Minabuti ko na lang na ibigay ang buo kong limang piso, dahil sa isip ko'y baka may dala siyang kutsilyo. Hindi ko na pinangahasang tumakbo dahil baka may mga kasama siyang iba. Ibinigay ko ang aking limang piso, kaya wala na akong pera. Hindi agad ako nakaalis at nakatingin pa rin ako sa kanya. Marahil dahil hindi pa ako agad umalis at nakatitig sa kanya kaya binigyan niya ako ng barya. Baka iniisip niya na mahalata siya ng ibang nagdaraan. Sakto lang na pamasahe sa dyip ang ibinigay na barya sa akin. P0.65 sa pagkakatanda ko ang pamasahe nang panahong iyon.

Kaya pinabayaan ko na lang, isang munting karanasan sa masalimuot na mundo. Isang aral, na kahit papaano'y nagpaisip sa akin bakit ba may ganuong mga tao. Subalit sa loob-loob ko, ayaw ko na iyong mangyari muli. Hindi muna ako dumaan sa lugar na iyon, at nag-iba ako ng ruta. Pagsakay ko ng dyip na biyaheng Balic-Balic-Quiapo, bababa ako sa Lepanto papuntang Morayta. Maglalakad hanggang Lerma upang doon sumakay papuntang Lawton.

O kaya naman ay bababa ng Recto, maglalakad patungong bilihan ng mga gamit ng ROTC, na kinatatayuan ngayon ng Isetann Recto, at doon sasakay ng dyip patungong Lawton.

O kaya naman ay bababa sa Quiapo, ngunit hindi maga-underpass, kundi maglalakad patungo sa overpass ng Raon upang tumawid sa kabila. At mula doon ay sasakay na ng dyip patungong Lawton.

Kung iisipin ko ngayon ang itsura ng taong iyon, mukhang natakot lang ako noong una, dahil bata pa ako noon. Subalit malaking aral na rin iyon, na para bang isa akong sundalong natutong umiwas sa kaaway, mag-isip ng ruta, maghanap ng bagong daan, maghanap ng bago kaysa laging dinaraanan.

Hanggang ngayon, hanap ko ang pagbabago. Hindi iyong dati nang kinagawian. Kaya marahil ako naging aktibista. Nagtanong bakit may mga taong nangingikil. Nagtanong bakit may mga dukha. Nagtanong bakit hindi pantay ang karapatan at kalagayan ng mga tao sa lipunan. Hanggang sa pinag-aralan ang lipunan.

Ngayon, patuloy akong kumikilos at humahakbang patungo sa isang lipunang makatao, isang lipunang walang pagsasamantala. Kung ano man ang tawag sa lipunang iyon, ang mahalaga'y hindi ang "ismo" kundi ang esensya. Ang kabuuan ng pangarap na lipunang ang bawat isa ay nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao.

Martes, Hulyo 14, 2009

Pagbabasa ng diyaryong nakapatong sa kulambo

PAGBABASA NG DIYARYONG NAKAPATONG SA KULAMBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bata pa ako'y mahilig na akong magbasa. Sa katunayan, bawat diyaryong binibili ng aking ama ay aking binabasa. Natatandaan ko nga, nagbabasa ako ng diyaryong nakapatong sa kulambo. Umaga, pagkagising ay nakatingala na akong gigising, nakatingin, hindi sa kisame, kundi sa pahayagang nakapatong sa kulambo. Nasa kinder na o grade one ako noon.

Ayon sa aking ama, ipinapatong niya ang diyaryo sa kulambo upang takpan ang silaw ng ilaw habang kami'y natutulog. Hindi na kasi pinapatay ang ilaw para daw mas maiwasan ang lamok, at baka tumayo kami sa madaling araw na kung patay ang ilaw ay baka makasagi ng gamit o kaya'y madapa, lalo na kung naiihi. Kaya pinabayaan na lang na buhay ang ilaw, at diyaryo ang pangontra sa silaw ng ilaw habang natutulog.

Uso pa noon ang paggamit namin ng kulambo, di tulad ngayon na bihira ka nang makakita ng kulambo sa mga kasama sa bahay, dahil may bentilador na o kaya ay aircon. Nag-uunahan pa kaming magkakapatid noon sa pagsabit ng kulambo sa apat na sulok ng maliit naming kwarto. 

Sa iisang kulambo'y nagkakasya kaming tatlo pa lang noon na magkakapatid (anim kami ngayon) at ang aming ama at ina.

Pag naalimpungatan sa madaling araw, nakatutok na ang aking mata sa diyaryong nakapatong sa kulambo at binabasa ang mga iyon, komiks man o balita.

Sa kalaunan ay lumabo ang aking mata. At walong taon pa lang ako ay nagsalamin na sa mata. Ngunit habang lumalaki ako ay naaasiwa ako sa pagsasalamin, kaya madalas ay hindi ko na iyon isinusuot. Hanggang sa masanay na akong walang suot na salamin.

Masarap balikan ang karanasang iyon dahil isa iyon sa umakit ng aking interes sa pagbabasa. Pagmulat pa lang ng mata sa paggising sa umaga ay nakatambad na agad sa aking mukha ang mga letra, nagpapahayag ng kwento at mga balita.

Ngayon, wala nang kulambong papatungan ng diyaryo, dahil natutulog na lang akong wala ni kumot o unan. Lalo na sa pagod, kuntento nang ipikit na lamang ang mata upang makatulog, may banig man o wala, o kaya'y sa upuan o bangko na lang nakahiga. Ngunit ang karanasang iyon ay hindi ko malilimot dahil bahagi na iyon ng aking paglaki at paglago bilang isang manunulat.

Linggo, Hunyo 21, 2009

Trapo Kadiri

TRAPO KADIRI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong kampanyahan sa halalang 1995 una kong narinig ang salitang "trapo" na pumapatungkol sa mga pulitikong tiwali at sa palagay ng marami'y dapat mawala sa poder dahil ang iniisip lang nito'y magpayaman at sariling interes lamang. Ang "trapo", na ibig sabihin din ay basahan, ay pinaigsing "traditional politician". Nakasulat nga sa mga poster namin noon ay "Trapo Kadiri", kung saan nakadrowing ang mukha ng isang trapong balasubas. Ikinampanya namin noon sa mga kabataan at sa mamamayan ang pagbabago ng pulitika sa bansa, na ang paglilingkod sa bayan ay hindi negosyo kundi serbisyo, at hindi dapat iboto ang may masasamang rekord ng paglilingkod sa mamamayan. Naipanalo ng SAVE (Students' Advocates for Voters Empowerment), kung saan isa ako sa mga nagboluntaryo dito, ang apat sa pitong kandidato nito, na sina Joker Arroyo (Makati, 1st Dist.), Rey Calalay (QC, 1st Dist.), Mike Defensor (QC, 3rd Dist.) and Sandy Ocampo (Manila, 6th Dist.). Ang SAVE at ang Trapo Kadiri campaign ay pinangunahan ng National Federation of Student Councils (NFSC), na siyang pinakamalaki at pinakaaktibong pederasyon ng student council sa buong bansa ng panahong iyon, at Kalipunan ng Malayang Kabataan (Kamalayan), na isa ako sa mga opisyales.

Bagamat namulat ako sa pulitika sa ating bansa nang mag-Edsa Uno noong 1986, nagsimula akong bumoto noong halalang 1992, at mula noon ay namulat ako sa kalakaran ng pulitika sa bansa. Nakita ko kung paanong mangampanya ang mga naghahangad na "paglingkuran" ang bayan. Lilinisin daw nila ang katiwalian sa pamahalaan. Marahil kaya sila tinawag na "trapo", dahil itinutulad nila ang sarili nila sa basahan, na lilinisin ang mga naiwang dumi ng mga pulitikong kanilang papalitan. Ngunit hindi pala paglilinis ng katiwalian ang kanilang ginagawa kundi paglilinis ng kabangyaman ng bayan. Kaya marahil marami ang nangangako, ngunit kadalasang napapako. Dahil iba ang kanilang intensyon kaysa paglingkuran ang bayan.

Noon, ang alam ko lang na ginagamit ng mga pulitiko ay tatlong G's (guns, goons, gold), ngunit ngayon ay 5 G's na (guns, goons, gold, Garcia at Gloria). Nadagdag ang Garci at Gloria nitong mga nakaraang taon, dahil sa isyu ng "Hello, Garci" tapes, kung saan kinausap ni Gloria si Comelec commissioner Virgilio Garcialiano. Wala na si Garci sa Comelec, ngunit ang iniwan niyang pangalan sa eleksyon sa Pilipinas ay mananatili. Nalagay na ang kanyang pangalan sa diksyunaryo ng pandaraya sa elektoral sa bansa. Kaya habang may dayaan, maaalala ng tao ang kanyang pangalan. "Mag-ingat baka ma-Garci tayo." Marahil matatagalan pa bago mapalitan ang 5 Gs na ito, at marahil di pa ito mangyayari sa eleksyong 2010.

Hindi sapat na kilalanin natin kung sinu-sino ang mga trapo. Mas dapat nating unawain kung anu-ano ang kanilang mga intensyon.

Ang trapo ay tumutukoy din sa mga angkang kumokontrol ng pulitika sa kani-kanilang probinsya, bukod pa sa mga malalaking negosyo nila sa kani-kanilang lugar.

Tinukoy ng kolumnistang si Fel Maragay sa dyaryong Manila Standard Today (May 14, 2007) kung sinu-sino ang mga angkang kumokontrol sa pulitika ng bawat probinsya. Ayon sa kanya, ito'y sina "Ortega ng La Union, mga Dy ng Isabela, mga Marcos ng Ilocos Norte, mga Singson ng Ilocos Sur, mga Joson ng Nueva Ecija, mga Roman ng Bataan, Magsaysay ng Zambales, mga Cojuangco at Aquino ng Tarlac, mga Fuentebella ng Camarines Norte, mga Dimaporo ng Lanao del Sur, mga OsmeƱa ng Cebu, mga Espinosa ng Masbate, mga Laurel at Recto ng Batangas, mga Gordon ng Zambales, mga Plaza ng Agusan, mga Durano ng Danao City, mga Antonino ng General Santos, mga Lobregat ng Zamboanga City at mga Cerilles ng Zamboanga del Sur." Idinagdag pa niyang may mga bagong angkang sumusulpot, tulad ng angkang Estrada sa San Juan, mga Arroyo sa Pampanga at Negros Occidental, mga Angara sa Aurora, mga Defensor sa Iloilo at sa Quezon City, mga Suarez sa lalawigan ng Quezon, mga Villafuerte sa Camarines Sur, mga Villarosa sa Mindoro Occidental, mga Espina sa Biliran, mga Ampatuan sa Mindanao, at ang mga Akbar sa isla ng Basilan.

Sinu-sino ba ang mga trapo?

Ang trapo ay tulad ng mga uwak na laging sariling pangalan ang binabanggit. Syempre, para sa name recall para manalo sa eleksyon.

Ang trapo ay paimportante, pa-VIP, at laging pinaghihintay ang mga taong kinakailangan siya.

Ang trapo ay pera ang pang-akit sa mga botante.

Ang trapo ay yaong mga pulitikong tumatapak lang sa lugar ng iskwater pag malapit na ang botohan, gayong sa buong taon ay pinandidirihan nya iyon.

Ang trapo ay yaong pinagmamayabang ang proyekto ng pamahalaan na siya umano ang nagpagawa, gayong galing iyon sa pondo ng bayan, at ang gumawa'y simpleng manggagawang tinipid pa sa sweldo, kaya manggagawa'y nagugutom.

Ang trapo ay yaong nag-aartista muna bago pasukin ang pulitika.

Ang tingin ng trapo sa kanilang sarili ay hindi lingkod bayan, kundi negosyante't haring may kapangyarihan. Marami ngang bayarang bodyguard ang mga trapong ito.

Para sa trapo, negosyo ang pulitika. Bakit naman sila magtatapon ng milyung-milyong piso sa kampanyahan para lang ipagpalit sa napakaliit na sweldo kada buwan ng pangulo at iba pang posisyon sa pamahalaan, kung hindi nila ito babawiin mula sa kabang yaman ng bayan?

Ang trapo ay yaong mga tiwaling pulitikong ginagatasan ang kabangyaman ng bayan para manatili sa pwesto.

Ang trapo ay yaong mga kinatawan ng pribadong nagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng mga pabrika, makina, at malalawak na lupain.

Higit sa lahat, ang trapo ang mga tagapagsulong ng bulok na sistema, at representante ng kapitalismo laban sa uring manggagawa at sa naghihirap na sambayanan.

Bistado na sila, ngunit patuloy pa silang namamayagpag sa ating bansa. Ngunit masisisi ba natin sila? O sarili natin ang dapat sisihin dahil nagpapaloko tayo sa kanila?

Silipin natin kung sinu-sino ang mga tatakbong trapo sa pagkapangulo sa 2010. Nariyan si Senador Manny Villar representante ng Las Pinas at ang asawang si Cynthia Villar ay Congresswoman ng Las PiƱas. Si Senador Mar Roxas, na magiging kabiyak ay ang sikat na mamamahayag na si Korina Sanchez ng ABS-CBN, ay apo ni dating Pangulong Manuel Roxas at anak ni dating senador Gerry Roxas. Si Defense secretary Gilbert "Gibo" Teodoro, na pamangkin ni Danding Cojuangco na kapatid ng kanyang ina. Asawa naman niya si Rep. Monica Prieto ng Tarlac, na lalawigang balwarte ng mga Cojuangco. Si Senador Chiz Escudero ay galing sa angkan ng mga Escudero sa Sorsogon. Ang kanyang ama ay dating Congressman sa unang distrito ng Sorsogon, at ang mga tiyuhin naman niya ay Bise-Gobernador at Meyor sa kanilang probinsya. Si Joseph Estrada, guilty sa salang plunder ngunit napardon kaya di nakulong, ay nagbabalak na namang tumakbo. Walang kadala-dala. Nasa pulitika rin ang kanyang mga anal na sina Senador Jinggoy at Mayor JV, habang dating senadora ang kanyang asawang si Loi.

Paano naman natin ikakategorya sina Noli de Castro at Loren Legarda, na parehong naglaban sa pagka-Bise Presidente noong 2004? Pareho silang sikat na mamamahayag sa ABS-CBN, at ngayon ay kasama sa pinakasikat na pulitiko sa ating bansa. Masasabi ba nating sila'y mga trapo? Hindi sila galing sa angkan ng mga trapo, ngunit galing sa isa sa pinakamakapangyarihang media network sa bansa. Nitong mga nakaraang taon, kinilala ang media bilang "kingmaker' ng pulitika sa bansa. Marahil, pinatakbo ng malalaking negosyante ang dalawang ito upang matiyak ang proteksyon ng kanilang interes, lalo na ang kanilang mga negosyo, tulad ng ABS-CBN, Maynilad, at iba pa.

Sa ngayon, maraming mamamayan at organisasyon ang nag-oorganisa ng kilusang anti-trapo. Nakikita nilang dapat nang palitan ang imoral na pamahalaan. Kaya ang isyu ng moralidad sa pamamahala ang karaniwang dala-dala ng mga nakapaloob dito. Nais nilang mabago na ang pulitika sa bansa, at tiyaking ang pamamahala sa bansa ay totoong serbisyo sa sambayanan at hindi negosyo ng iilan para manatili sa kapangyarihan. Ngunit hangga’t ang kilusang anti-trapong ito ay nakasakay lamang sa isyu ng moralidad, hindi magbabago ang sitwasyon sa bansa. Dapat manindigan sila laban sa bulok na sistema at tumulong sa pagbubuo ng isang lipunang magwawasak sa pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon upang ang lahat ay makinabang.

Kung noong 1995, ang pakikibaka laban sa trapo ay aktibidad lamang ng kabataan, ang kilusang anti-trapo ngayon ay kilusan na ng buong bayan. Walang dangal ang trapo sa bansa. Sila ang mga kontrabida sa taumbayan. Dapat lang silang ibagsak, kasabay ng pagpapabagsak sa sistemang naging dahilan upang sumulpot sila sa mundo.


ANG UWAK AT ANG TRAPO
tula ni Greg Bituin Jr.
9 pantig

Uwak lamang ang tumatawag
Sa sarili niyang pangalan

Kapara nitong mga trapo
Na bukambibig lagi'y "Ako"

"Ako ang nagpagawa niyan
Ako rin ang nagpondo riyan

Sa akin ang ganyang proyekto
Iyon nama'y pinagawa ko

Pinasemento ko ang daan
Pati na iyang basketbulan

Dahil ako nga'y makatao
Dapat ako'y inyong iboto!"

Siya ba'y talagang seryoso
Na makapaglingkod sa tao?

Tingin sa maralita'y boto
Tingin sa serbisyo'y negosyo

Pag nasa pwesto na't hinanap
Aba'y di agad mahagilap

Istorbo ang tingin sa masa
Pag nilapitan sa problema

Siya ba'y sadyang mapagpanggap?
Pag halalan lang lumilingap?

Pulos "Ako" ang maririnig
Tila uwak ay dinadaig

Kapwa parehong sinasambit
Ngalan nila sa limalapit

"Uwak, uwak," sabi ng isa
"Ako, ako," anang isa pa.

Biyernes, Hunyo 5, 2009

Right of Reply Bill, Pahayagang Obrero, atbp.

RIGHT OF REPLY BILL, PAHAYAGANG OBRERO, ATBP.
ni Greg Bituin Jr., manunulat ng pahayagang Obrero

Ang pahayagang Obrero, kasama na ang mga mamamahayag at mga mamamayang mapagmahal sa kalayaan at karapatang pantao, ay dapat makiisa sa laban ng iba't ibang mamamahayag laban sa kontrobersyal na Right of Reply Bill - ang House Bill No. 3306 at ang Senate Bill No. 2150. Ang dalawang bill ay halos magkapareho, maliban sa pagkakapwesto ng ilang salita. Gayunman, may dagdag ding dalawang probisyon sa SB 2150 (self-regulation at sunset clause).

Suriin natin ang nakasaad sa HB 3306:

SECTION 1. Right of Reply - All persons natural or juridical who are accused directly or indirectly of committing, having committed, or of intending to commit any crime or offense defined by law; or are criticized by innuendo, suggestion or rumor for any lapse in behavior in public or private life shall have the right to reply to charges or criticisms published or printed in newspapers, magazines, newsletters or publications circulated commercially or for free, or aired or broadcast over radio, television, websites, or through any electronic device.

Sa depinisyong ito ay makikita na nating hindi lamang mga mamamahayag sa commercial media ang tatamaan nito, kundi pati na rin ang mga pahayagan ng mga organisasyon, mga blog, at kahit mga email. Di lang Inquirer, Phil. Star, at mga tabloid newspapers, kundi pati pahayagang Obrero, publikasyong Taliba ng Maralita ng KPML, at iba pang dyaryo.

Kasama na sa "electronic device" ang cellphone, pati MP3, atbp. Kaya kahit mismong mga blogger, internet users, at mga moderator ng email groups ay tiyak na tatamaan na.

Ibig sabihin ba nito, ang mismong pagkritik natin sa administrasyong Arroyo, o sa anumang ahensya ng gobyerno, o sa pribadong tao, o kaya'y magmungkahi tayo sa taumbayan ng pagkilos laban sa Con Ass dahil binaboy na nito ang taumbayan, magagamit na ang Right of Reply para ilathala o i-ere ang tugon ng tinamaan? Sa biglang pagtingin, patas ito, lalo na't tayo ang tinatamaan. Ngunit kung susuriing mabuti, pag naisabatas ito, ito'y isang uri ng censorship at panakot sa mga mamamahayag na mag-ingat sa kanilang mga ibabalita, mag-ingat sa kanilang mga isusulat, at marahil ay tanging magagandang balita lamang ang ipahayag. Ito tuloy ay sumasagka sa kalayaang magpahayag ng mamamayan.

Pati na ang patakaran ng mga mamamahayag na hindi pwedeng sabihin ang source ng balita dahil sa seguridad ng source ay tiyak na mapapakialaman na.

Sa Artikulo 2 naman ay ito ang nakasaad:

SEC. 2. Where Reply is Published or Broadcast-The reply of the person so accused or criticized shall be published or broadcast in the same space of the newspapers, magazine, newsletter or publication or aired over the same program on radio, television, website, or through any electronic device.

Tiyak na imbes na sa usaping manggagawa nakalaan ang lahat ng espasyo ng pahayagang Obrero, tiyak na maglalaan na tayo ng espasyo sa tugon ng mga masasagasaan ng dyaryo. Paano kung matambakan tayo ng mga reply? Tiyak ang buong dyaryo'y baka pulos reply na lamang ng ating mga katunggali ang malathala. Baka ang mangyari'y pulos reply na lang ng mga taong gustong mag-react ang mapalathala, dahil naghihinala silang sila ang pinatatamaan ng artikulo.

SEC. 3. When Reply is Published or Broadcast - The reply of the accused or criticized shall be published or broadcast not later than one day after the reply shall have been delivered to the editorial office of the publication concerned or to the station that carried the broadcast being replied to.

Dito mahihirapan ang pahayagang Obrero, pagkat ito'y buwanan ang labas. Di naman natin masasabing di kasama sa bill na ito ang pahayagang Obrero dahil minsan sa isang buwan lang lumalabas. Dahil kung pagbabatayan ang Seksyon 1, kasama ito.

SEC. 4. Obligation to Publish or Broadcast News Item - When an accused who was featured in news stories in radio, broadcast, and/or print media is eventually cleared of the crime or crimes alluded to him, it is the obligation of the same publication or broadcast network to correct its previous report by publishing or broadcasting the findings of the court or police authorities to restore honor and integrity to his person.

Wala akong gaanong problema dito kung itatama lang naman ang mali nating naiulat. Ngunit bakit tayo mag-uulat ng mali. Hindi naman nag-iimbento ng mga balita ang nasa pahayagang Obrero, dahil lagi tayong may batayan. Hindi natin iniuulat ang mga di pa nangyayari.

SEC. 5. Length of Reply - The reply shall not be longer than the accusation or criticism as published or broadcast.

Bagamat maaaring sabihin ng iba na patas lang ito dahil kasinghaba lang naman ng artikulo ang gagawing reply, may problema pa rin. Dahil ang karakter ng pahayagang Obrero ay kiling sa manggagawa at laban sa mga naghaharing uri sa lipunan. Halos buong espasyo ng pahayagang Obrero ay laban sa kanila. Kaya ibig bang sabihin, kung kasinghaba ng mga artikulo ang gagawing reply, tiyak wala nang matitira para sa pahayagang Obrero para makapagpropaganda.

Kung nakalagay sa pahina 2, na pahina ng kolumnista sa pahayagang Obrero, ang kritisismo, sa pahinang ito rin ilalagay ang reply ng tinamaan, na maaaring kapantay din sa haba, ngunit di lalampas. Kawawang Obrero!

SEC. 6. Free of Charge - The publication or broadcasting of the reply shall be free of charge, payment or fees.

Hirap na nga ang pahayagang Obrero sa pananalapi, libre pang magpalathala ang mga kapitalista't naghaharing uri na mauupakan sa dyaryo.

SEC. 7. Penalties - The publisher and editor-in-chief of the publication or the owner and station manager of the broadcast medium who fails or refuses to publish or broadcast the reply or the correction of an erroneous news item as mandated in this Act shall be fined an amount not exceeding P10.000.00 for the first offense; P30.000 for the second offense; P50.000 and imprisonment for not more than 30 days for the third offense; P100,000 and imprisonment for not more than 30 days for the fourth offense; and P200.000, imprisonment for not more than 30 days and the closure and suspension of the franchise of the publication or broadcast media outlet or station for 30 days for the fifth and succeeding offenses.

Ito ang matindi. Pag hindi nag-comply ang pahayagang Obrero sa pagbibigay ng espasyon sa reply ng mga tinamaan, tiyak na ang publisher at editor nito ang siyang tatamaan, at idedemanda sa korte. Ang pahayagang Obrero'y baka magsara na lang.

SEC. 8. The publication of the reply or correction does not preclude recourse to the exercise of other legal rights and remedies available to the party or parties concerned.

SEC. 9. Effectivity- This Act shall take effect fifteen (15) days after its publication in at least two (2) newspapers of national circulation.

Bakit dapat itong laban ng pahayagang Obrero,ng publikasyong Taliba ng Maralita ng KPML, at ng mga manggagawang nagbabasa nito?

Ito'y labag sa Bill of Rights na nakasaad sa Konstitusyong 1987. Ayon sa Artikulo 3, Seksyon 4: "No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances."

Artikulo 3, Seksyon 4, Konstitusyong 1987. Hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o ng pamamahayagan, o sa karapatan ng mga taong-bayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan. (salin mula sa http://www.seasite.niu.edu/Tagalog/ang_1987_konstitusyon_ng_republi.htm)

Ang freedom of speech, ayon sa ating Konstitusyon, ay hindi lamang karapatan ng mga mamamahayag. Ang "freedom of speech, of expression and of the press" ay karapatan ng bawat mamamayan.

Pag naging batas ang Right of Reply Bill, tiyak na matindi na ang censorship sa mga pahayagan at ang mababasa na lang natin ay yaong mga magagandang bagay at walang upakan, na di dapat mangyari. Dapat isiwalat sa taumbayan ang dapat maisiwalat nang walang anumang batas na sasagka sa kanilang kalayaang mag-ulat.

Kasunod nito, tiyak na magkakaroon na rin ng regulasyon kung ano ang isusulat at kung hanggang saan lang dapat ang upak ng mga mamamahayag. Bago pa tayo magsulat ay iisipin pa natin kung sino ang mababangga natin, at kung sinong maaaring magdemanda laban sa atin. Ang Right of Reply ay pagdidikta na sa mga editor at manunulat ng ating pahayagan kung ano ang dapat isulat at ilathala.

May batas naman sa libel. Magsampa na lang ang sinuman ng libelo kung tingin nila'y nakakasira sa kanila ang isang ulat. Gayunman, dapat tandaang ang isang libelo upang mag-prosper ay pumapasok sa DIPM (defamation, identification, publication, malice), na alam naman ng mga mamamahayag. Isa man sa apat na ito ang wala ay hindi ito magpo-prosper.

Ang Right of Reply Bill, pag naisabatas, ay bala ng mga pulitiko, taong gobyerno, kapitalista para sa kanilang pansariling interes, na pwede nilang abusuhin ang batas na ito. Ito'y pagsagka na rin sa karapatan ng taumbayang malaman ang mga balita at iba pang impormasyong nakakaapekto sa kanila.

Hindi lamang mamamahayag ang dapat lumaban dito, kundi tayo ring mamamayan. Dapat sumama na rin sa labang ito ang mga bloggers at internet users, cellphone at i-pod users, dahil tatamaan din sila nito. Baka mabigla na lang silang may fine silang dapat bayaran sa isang artikulo nila sa kanilang blog.

Tulad ng Con Ass, isang tahasang paglabag sa karapatan ng mamamayan ang Right of Reply Bill, kaya dapat nating labanan ito.

Narito ang kumpletong bersyon ng dalawang bill, na matatagpuan sa website na:
http://jlp-law.com/blog/right-of-reply-senate-bill-2150-and-house-bill-3306/

Right of Reply: Senate Bill 2150 and House Bill 3306
Published by Atty. Fred February 27th, 2009 in Elections and Constitutional Law.

(Another proposed law which is the subject if intense discussion is the Right of Reply Bill. Senate Bill 2150 and House Bill 3306 are currently being discussed, both in the Senate/House of Representatives and the community. Let’s hear your thoughts on this proposed law.)

Senate Bill No. 2150

AN ACT GRANTING THE RIGHT OF REPLY AND PROVIDING PENALTIES FOR VIOLATION THEREOF

Be it enacted by the Senate and House of Representatives of the Philippines in Congress assembled:

SECTION 1. Right of Reply. -All persons natural or juridical who are accused directly or indirectly of committing or having committed or of intending to commit any crime or offense defined by law or are criticized by innuendo, suggestion or rumor for any lapse in behavior in public or private life shall have the right to reply to the charges published or printed in newspapers, magazines, newsletters or publications circulated commercially or for free, or to criticisms aired or broadcast over radio, television, websites, or through any electronic device.

SEC. 2. Where Reply Published. -The reply of the person so accused or criticized shall be published in the same space of the newspapers, magazine, newsletter or publication or aired over the same program on radio, television, website, or any electronic device concerned.

SEC. 3. When Published. -The reply shall be published or broadcast not later than three (3) days after the reply shall have been delivered to the editorial office of the publication concerned or to the station that carried the broadcast being replied to.

SEC. 4. Length of Reply. -The reply shall not be longer than the accusation or criticism as published or broadcast.

SEC. 5. Free of Charge. -The publication or broadcast of the reply shall be free of charge, payment or fees.

SEC. 6. Editing Reply. -The reply as such shall be published or broadcast except for libelous allegations.

SEC. 7. Penalties. -The editor-in-chief, the publisher or station manager, or owner of the broadcast medium who fails or refuses to publish or broadcast the reply as mandated in the preceding section shall be fined in an amount not exceeding Ten thousand pesos (P10,000.00) for the first offense; Twenty thousand pesos (P20,000.00)for the second offense; and Thirty thousand pesos (P30,0000.00) for the third offense.

Thereafter, for repeated failures or refusals to publish or broadcast the reply as mandated herein, a fine of Fifty thousand pesos (P50,000.00)shall be imposed. Moreover, if the offender is a public official, he shall be subject to administrative liability under existing Civil Service laws.

The court may also recommend that proper sanctions be imposed by any appropriate mass media organizations on erring editors-in-chief, publishers, station managers or owners of media concerned.

SEC. 8. Self-Regulation. - The block-timers who also fail to broadcast or publish the reply shall be subject to the Code of Ethics or to the realm of self-regulation of the network or station.

SEC. 9. Other Remedies. - The publication of the reply does not preclude recourse to other rights or remedies available to the party or parties concerned.

SEC. 10. Sunset Clause. -This Act shall lapse seven (7) years after its approval unless Congress shall provide otherwise.

SEC. 11. Effectivity. - This Act shall take effect fifteen (15) days following its publication in three (3) newspapers of general circulation.

———————

Republic of the Philippines
HOUSE OF REPRESENTATIVES
Quezon City

FOURTEENTH CONGRESS
First Regular Session

House Bill No. 3306

AN ACT GRANTING THE RIGHT OF REPLY AND PROVIDING PENALTIES IN VIOLATION THEREOF

Be it enacted by the Senate and House of Representatives in Congress assembled:

SECTION 1. Right of Reply - All persons natural or juridical who are accused directly or indirectly of committing, having committed, or of intending to commit any crime or offense defined by law; or are criticized by innuendo, suggestion or rumor for any lapse in behavior in public or private life shall have the right to reply to charges or criticisms published or printed in newspapers, magazines, newsletters or publications circulated commercially or for free, or aired or broadcast over radio, television, websites, or through any electronic device.

SEC. 2. Where Reply is Published or Broadcast-The reply of the person so accused or criticized shall be published or broadcast in the same space of the newspapers, magazine, newsletter or publication or aired over the same program on radio, television, website, or through any electronic device.

SEC. 3. When Reply is Published or Broadcast - The reply of the accused or criticized shall be published or broadcast not later than one day after the reply shall have been delivered to the editorial office of the publication concerned or to the station that carried the broadcast being replied to.

SEC. 4. Obligation to Publish or Broadcast News Item - When an accused who was featured in news stories in radio, broadcast, and/or print media is eventually cleared of the crime or crimes alluded to him, it is the obligation of the same publication or broadcast network to correct its previous report by publishing or broadcasting the findings of the court or police authorities to restore honor and integrity to his person.

SEC. 5. Length of Reply - The reply shall not be longer than the accusation or criticism as published or broadcast.

SEC. 6. Free of Charge - The publication or broadcasting of the reply shall be free of charge, payment or fees.

SEC. 7. Penalties - The publisher and editor-in-chief of the publication or the owner and station manager of the broadcast medium who fails or refuses to publish or broadcast the reply or the correction of an erroneous news item as mandated in this Act shall be fined an amount not exceeding P10.000.00 for the first offense; P30.000 for the second offense; P50.000 and imprisonment for not more than 30 days for the third offense; P100,000 and imprisonment for not more than 30 days for the fourth offense; and P200.000, imprisonment for not more than 30 days and the closure and suspension of the franchise of the publication or broadcast media outlet or station for 30 days for the fifth and succeeding offenses.

SEC. 8. The publication of the reply or correction does not preclude recourse to the exercise of other legal rights and remedies available to the party or parties concerned.

SEC. 9. Effectivity- This Act shall take effect fifteen (15) days after its publication in at least two (2) newspapers of national circulation.

Biyernes, Mayo 22, 2009

Matatalinghagang Bahagi ng Katawan

MATATALINGHAGANG BAHAGI NG KATAWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Ang kapal ng mukha mo! Iniputan ka na sa ulo, ikaw pa ang mabigat ang kamay! Buti na lang hindi ikaw ang aking nakaisang-dibdib! Hindi mo kayang pangatawanan ang iyong salita. Wala kang paninindigan!"

Mukha. Ulo. Kamay. Dibdib. Mga bahagi ng katawan ng tao.

Pangatawanan, mula sa salitang "katawan". Paninindigan, mula sa salitang "tindig". Pawang postura ng tao.

Mahilig tayong mga Pinoy na gamitin sa pang-araw-araw ang mga matatalinghagang salita. Ibig sabihin, hindi literal ang kahulugan, iba ang pagkakagamit kaysa karaniwan.

Mismong mga karaniwang tao ay parang makata kung magsalita, kahit na yaong mga kolehiyala, mga nag-oopisina, at mga propesyunal. Hindi na nila kailangan pang pag-aralan ito sa eskwelahan dahil ito'y ginagamit naman ng mga karaniwang tao sa pang-araw-araw na pamumuhay kaya madali agad nilang maunawaan. Sabihin mo lang na "mababaw ang luha" ng isang dalaga, alam kaagad ng marami na iyakin ang ibig mong sabihin. Habang pag sinabi mo namang "maitim ang budhi" ng isang tao, alam kaagad na dapat pangilagaan ang taong ito.

Mahilig pa nating gamitin ang mismong bahagi ng ating katawan sa matatalinghagang pananalita. May kasabihan ngang "May pakpak ang balita, may tainga ang lupa." "Tulak ng bibig, kabig ng dibdib." Kaya't sa pagsusunog ko ng kilay upang maraming maisulat ay naipon ko ang mga talinghagang may kinalaman sa mga bahagi ng ating katawan. Ating tunghayan ang mga ito, at simulan natin mula ulo pababa.

ULO. Pag sinabi nating "matalas ang ulo", ang tinutukoy natin ay matalinong tao. Pag "mahangin ang ulo", mayabang. Pag "malamig ang ulo", mahinahon. Pag "mainit ang ulo", galit. Pag "lumaki ang ulo" hindi ito taong may hydrocepalus, kundi mayabang. Pag "matigas ang ulo", ayaw makinig sa pangaral o utos. "Sira-ulo" naman pag baliw o may kalokohang ginawa. Pag mahilig "makipagbasag-ulo" tiyak na palaaway. At pag sinabihan kang "may ipot sa ulo", aba'y pinagtaksilan ka ng iyong asawa. Kung kailangang memoryahin ang pinag-aaralan, dapat na ito ay “isaulo”.

UTAK. Pag ang tao'y "matalas ang utak", siya'y magaling magsuri ng mga bagay-bagay. Ang taong "mautak" naman ay tiyak na tuso at kayang mang-isa, ngunit ang "utak-biya" o "utak-galunggong" ay mahina ang ulo. Pag "makitid ang utak" ay mahirap makaunawa.

MUKHA. Hindi marunong mahiya ang mga "makakapal ang mukha", habang mahiyain o kimi naman yaong may "manipis na mukha". Pag "maaliwalas ang mukha" mo, tiyak na masaya ka ngayon, ngunit pag nakasimangot ka't problemado, aba'y "madilim ang mukha" mo. Ngunit ingat kayo sa taong "dalawa ang mukha" o "doble-kara" dahil ang taong ito'y parang balimbing, at traydor. Kung nais mong ipabatid sa isang tao ang kanyang pagkakamali ay kailangan mo itong “ipamukha” sa kanya.

NOO. "Marumi ang noo" ng mga taong may kapintasan, habang "may tala sa noo" yaong mga babaeng ligawin o malimit suyuin ng mga lalaki.

MATA. Yaong "matalas ang mata" ay mga taong mabilis nilang makita ang dapat makita agad, o hinahanap nila. Yaon namang "tatlo ang mata" ay mga taong mapaghanap ng kamalian ng iba. Pag sinabi naman nating "namuti na ang mga mata", tiyak na nainip na sa kahihintay ang taong sinasabihan natin nito.

KILAY. Ang "nagsusunog ng kilay" ay talagang nag-aaral nang mabuti. Noong araw kasi ay wala pang kuryente kaya ang mga nagbabasa gamit ang kandila o gasera ay literal na nasususunugan ng kilay kapag lumabo na ang liwanag at napalapit ang kanilang kilay sa apoy ng kandila. Ganun pa man, patuloy pa ring ginagamit ang idyomang ito hanggang sa kasalukuyang panahon.

TAINGA. Pag "nagtataingang-kawali" ka, ikaw ay nagbibingi-bingihan kahit na naririnig mo na. Hindi patulis ang tainga ng may "matalas na tainga", kundi agad niyang napapakinggan ang dapat niyang marinig. Yaon namang may "maputing tainga" ay tinatawag na kuripot.

ILONG. Sinasabing "humahaba ang ilong" ng mga nagsisinungaling, na marahil ay mula sa alamat ni Pinocchio.

BIBIG. "Tulak ng bibig" pag hanggang salita lamang, at hindi ginagawa ang mga sinabi. Matatabil at bungangera naman kung "dalawa ang bibig". Ang mga salitang palgi mong sinasabi o binabanggit ay tinatawag namang “bukambibig”. Sinasabi namang "ipinanganak ng may gintong kutsara sa bibig" yaong mga anak-mayaman. Ang mga taong palabati sa kapwa ay "magaan ang bibig".

LAWAY. Magsalita ka naman pag sinabihan kang "napapanis ang laway" mo, dahil sobra kang tahimik. Sinasabing "nakadikit ng laway" ang anumang madaling matanggal.

DILA. Pag "kaututang-dila" mo yaong may "makakating-dila" lagi mong kausap yaong mga tsismoso't tsismosa. Nagkatotoo ang iyong sinabi pag "nagdilang-anghel" ka o "nagkrus ay dila" mo. Mapagmapuri ka kapag "mabulaklak ang dila" mo, habang bastos naman yaong may "maanghang na dila". Mahusay makipag-usap at mambola yaong may "matamis na dila", habang sinungaling naman yaong may "sanga-sangang dila". Palasumbong naman yaong may "mahabang dila". Sinasabi naman nating "nasa dulo ng dila" yaong hindi agad masabi-sabi dahil hindi matandaan bagamat alam na alam.

BALIKAT. "Pasan sa balikat" ay tumutukoy na may malaking problema, o may maselang gawaing nakaatang sa kanya. "Pagsasabalikat" o "may iniatang sa balikat" ay pagpasan sa responsibilidad. Kapag “nagkibitbalikat”, ang ibig sabihin ay binalewala.

DIBDIB. Pagpapakasal ang "pag-iisang dibdib", at ang asawa ang siyang "kabiyak ng dibdib". Kabado naman yaong may mga "daga sa dibdib". Pag sinabing "dibdiban" matindi ang konsentrasyon sa gawain.

BITUKA. "Halang ang bituka" ng mga kriminal. Sinasabing pare-pareho ang "likaw ng bituka" ng mga taong magkakauri o mula sa iisang lugar o lahi. Yaon namang mga dukha ay karaniwang "mahapdi ang bituka".

SIKMURA. Sinasabing "butas ang sikmura" ng mga taong matatakaw.

DUGO. Pag naramdaman natin ang "lukso ng dugo" sa isang batang una pa lang nating nakita, baka ito'y ating anak, o kapamilya. Pag "mainit ang dugo" mo sa isang tao, galit ka sa taong iyon. Pag naman "kumukulo ang dugo" mo, nasusuklam ka o naiinis. Madali ka namang makapalagayang-loob pag "magaan ang dugo" mo. "Mabigat ang dugo" naman ang nasasabi sa taong kinaiinisan.

BUTO. "Maitim ang buto" ng mga masasamang tao. Masisipag naman yaong "nagbabanat ng buto". "Malambot ang buto" ng mga lampa, at "matigas ang buto" ng mga may katawang matitipuno.

BALAT. Sinasabihan tayong "balat-sibuyas" pag tayo'y sensitibo at madaling magdamdam. Tinatawag namang "balat-kalabaw" yaong mga mahina ang pakiramdam, di agad tinatablan ng hiya; "balat-kalabaw" din yaong hindi agad nakakaramdam ng lamig dahil makapal ang balat.

KAMAY. Sinasabing "malikot ang kamay" ng mga taong kumukuha ng gamit ng iba, habang "mabilis ang kamay" ng mga mandurukot. "Mabigat ang kamay" ng mga tamad, habang "magaan ang kamay" ng mga mabilis manakit at manuntok ng kapwa. Magkakapera naman ang “nangangati ang kamay” maliban na lamang kung may sugat o galis.

PALAD. "Makapal ang palad" ng mga taong masisipag. Minalas naman yaong mga taong "sinamang-palad". Ang mga matulungin naman sa kapwa ay sinasabing “bukas-palad”. Ang buhay ay pabagu-bago gaya ng “gulong ng palad” at maswerte naman ang taong “mapalad”. Ang kaibigan naman ay tinatawag na "kadaupang-palad".

TUHOD. "Matibay ang tuhod" ng mga taong malalakas pa. "Mahina ang tuhod" ng mga taong lalampa-lampa.

PAA. Pag sinabi nating "makati ang paa", ang ibig sabihin nito'y yaong taong mahilig gumala kung saan-saan. "Mahaba ang paa" naman ang turing sa mga taong itinataon na pag oras ng pagkain ang pagdating o pagdalaw. Pag sinabi naman nating "pantay na ang mga paa" ng isang tao, nangangahulugan na ang tinutukoy natin ay patay na.

TALAMPAKAN. Sinasabing "namuti ang talampakan" ng mga taong kumaripas ng takbo dahil natakot o naduwag.

Marami pa tayong matatalinhagang pahayag na ginagamit sa pang-araw-araw nating buhay na salamin ng ating kultura at kasaysayan. Ang mga idyomang ito ay patunay kung gaano kayaman ang ating wika na dapat nating pahalagahan at ingatan.

Kung may maidadagdag pa kayo, sabihan nyo lang ako. Maraming salamat.